Ang Pangmalas ng Bibliya
Magpatawad at Lumimot—Posible Ba?
“AKING PATATAWARIN ANG KANILANG KASAMAAN, AT ANG KANILANG KASALANAN AY HINDI KO NA AALALAHANIN.”—JEREMIAS 31:34.
ANG mga salitang iyon na itinala ni propeta Jeremias ay nagsisiwalat ng isang bagay na kahanga-hanga tungkol sa awa ni Jehova: Kapag siya’y nagpapatawad, siya’y lumilimot. (Isaias 43:25) Sinasabi pa ng Bibliya: “Kung paanong si Jehova ay malayang nagpatawad sa inyo, gayon din naman ang gawin ninyo.” (Colosas 3:13) Kaya bilang mga Kristiyano dapat nating tularan ang pagpapatawad ni Jehova.
Gayunman, ilang mahahalagang katanungan ang bumabangon. Kapag nagpapatawad si Jehova, aktuwal bang hindi na niya inaalaala ang ating mga kasalanan? At kapag tayo’y nagpapatawad, dapat ba nating limutin ito sa diwa na hindi na natin ito maaalaala? Masasabi bang malibang limutin natin ito sa gayong paraan, tayo’y hindi tunay na nagpatawad?
Kung Paano Nagpapatawad si Jehova
Ang pagpapatawad ay nagsasangkot ng pag-aalis ng hinanakit. Kapag nagpapatawad si Jehova, ginagawa niya iyon nang lubusan.a Ang salmistang si David ay sumulat: “[Si Jehova] ay hindi patuloy na maghahanap ng pagkakamali, ni kaniya mang tataglayin ang kaniyang galit magpakailanman. Kung gaano ang layo ng pagsikat ng araw sa paglubog ng araw, gayon inilayo niya ang mga pagsalansang natin sa atin. Kung paanong ang ama ay nagpapakita ng awa sa kaniyang mga anak, gayon nagpakita ng awa si Jehova sa mga natatakot sa kaniya.”—Awit 103:9, 12, 13.
Ang lubos na pagpapatawad ng Diyos ay higit pang ipinaliwanag sa Gawa 3:19: “Magsisi kayo, samakatuwid, at manumbalik upang mapawi ang inyong mga kasalanan.” Ang katagang ‘mapawi’ ay galing sa pandiwang Griego (e·xa·leiʹpho) na nangangahulugang “pahirin, burahin.” (Tingnan ang Apocalipsis 7:17; 21:4.) Ang The New International Dictionary of New Testament Theology ay nagpapaliwanag: “Ang idea na ipinahihiwatig ng pandiwa rito at marahil sa iba pang dako ay malamang na ang pagpapakinis sa ibabaw ng isang waks na tapyas na sulatan para muling magamit ([ihambing] ‘pagbura sa munting pisara’).” Kapag pinagsisihan natin ang ating mga kasalanan, binubura ni Jehova ang rekord. Ibig bang sabihin niyan na hindi na niya naaalaala ang ating mga kasalanan? Ating isaalang-alang ang isang halimbawa na nakatala sa Bibliya.
Nang si Haring David ay mangalunya kay Bath-sheba at nang maglaon ay sinikap na pagtakpan ito sa pagsasaayos sa kamatayan ng asawa ni Bath-sheba, sinugo ni Jehova si propeta Nathan upang sawayin si David. (2 Samuel 11:1-17; 12:1-12) Ano ang resulta? Si David ay taimtim na nagsisi, at siya’y pinatawad ni Jehova. (2 Samuel 12:13; Awit 32:1-5) Kinalimutan ba ni Jehova ang mga kasalanan ni David? Hindi! Nang maglaon iniulat ng mga manunulat ng Bibliya na sina Gad at Nathan ang buong pangyayari sa aklat ng 2 Samuel (natapos noong mga 1040 B.C.E.) mga ilang taon bago ang pagkamatay ni David.
Kaya ang ulat, o alaala, ng mga kasalanan ni David—gayundin ang ulat tungkol sa kaniyang pagsisisi at ang kasunod na pagpapatawad ni Jehova—ay nananatili, sa kapakinabangan ng mga mambabasa ng Bibliya hanggang sa araw na ito. (Roma 15:4; 1 Corinto 10:11) Sa katunayan, yamang “ang pananalita ni Jehova [na nasa Bibliya] ay namamalagi magpakailanman,” ang ulat tungkol sa mga kasalanan ni David ay hindi kailanman malilimutan!—1 Pedro 1:25.
Paano, kung gayon, masasabi na binubura ni Jehova ang munting pisara kapag tayo ay taimtim na nagsisi sa ating mga kasalanan? Paano natin mauunawaan ang mga salita ni Jehova: “Aking patatawarin ang kanilang kasamaan, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin”?—Jeremias 31:34.
Kung Paano Lumilimot si Jehova
Ang Hebreong pandiwa na isinaling ‘aking aalalahanin’ (isang anyo ng za·kharʹ) ay hindi basta nangangahulugang alalahanin ang nakalipas. Ayon sa Theological Wordbook of the Old Testament, ito’y maaaring mangahulugan ng “pagbanggit, pagsabi, pagbigkas, paghayag, panawagan, paggunita, pagparatang, pagtatapat.” Ganito pa ang sabi ng Theological Dictionary of the Old Testament: “Kadalasan, sa katunayan, ang [za·kharʹ] ay nagpapahiwatig ng isang pagkilos o lumilitaw na kasama ng mga pandiwa ng pagkilos.” Kaya, kapag sinasabi ni Jehova sa kaniyang suwail na bayan na kaniyang “aalalahanin ang kanilang kasamaan,” ibig niyang sabihin na kikilos siya laban sa kanila dahil sa kanilang kawalan ng pagsisisi. (Jeremias 14:10) Sa gayunding paraan, kapag sinabi ni Jehova, “Ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin,” tinitiyak niya sa atin na minsang mapatawad niya ang ating mga kasalanan, hindi na niya ito uungkatin pang muli upang paratangan, hatulan, o parusahan tayo.
Sa pamamagitan ni propeta Ezekiel, ipinaliwanag ni Jehova ang diwa kung paano siya nagpapatawad at lumilimot: “Ngayon kung tungkol sa isang balakyot, kung siya’y hihiwalay sa lahat ng kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa at kaniyang aktuwal na iingatan ang lahat ng aking mga palatuntunan at susunod sa katarungan at katuwiran, siya’y walang pagsalang patuloy na mabubuhay. Siya’y hindi mamamatay. Lahat ng kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa—ay hindi na aalalahanin pa laban sa kaniya. Dahil sa katuwiran na kaniyang ginawa siya ay patuloy na mabubuhay.” (Ezekiel 18:21, 22; 33:14-16) Oo, kapag pinatawad ni Jehova ang isang nagsisising makasalanan, binubura niya ang munting pisara at nililimot sa diwa na hindi siya kikilos laban sa isang iyon dahil sa mga kasalanang iyon sa hinaharap.—Roma 4:7, 8.
Palibhasa’y di-sakdal, hindi tayo kailanman maaaring magpatawad sa isang sakdal na diwa na gaya ng pagpapatawad ni Jehova; ang kaniyang mga kaisipan at mga daan ay makapupong nakatataas kaysa atin. (Isaias 55:8, 9) Hanggang saan, kung gayon, makatuwirang maaasahan tayo na magpatawad at lumimot kapag ang iba ay nagkasala laban sa atin?
Kung Paano Tayo Maaaring Magpatawad at Lumimot
Maging “malayang nagpapatawaran sa isa’t isa,” ang payo ng Efeso 4:32. Ayon sa lexikograpong si W. E. Vine, ang salitang Griego na isinaling “malayang nagpapatawad” (kha·riʹzo·mai) ay nangangahulugang “maggawad ng pabor nang walang pasubali.” Kapag ang mga pagkakasalang nagawa laban sa atin ay maliliit lamang, maaaring hindi mahirap ang magpatawad. Isinasaisip na tayo man ay di-sakdal ay magpapangyari sa atin na magbigay ng palugit sa mga pagkukulang ng iba. (Colosas 3:13) Kapag tayo’y nagpapatawad, inaalis natin ang hinanakit, at ang ating kaugnayan sa nagkasala ay maaaring hindi dumanas ng anumang nagtatagal na pinsala. Sa paglipas ng panahon, ang alaala ng anumang munting pagkakasalang iyon ay malamang na maglaho.
Gayunman, paano naman kung ang iba ay nagkasala laban sa atin sa mas malubhang paraan, anupat matinding nakapinsala sa atin? Sa sukdulang mga kaso, gaya ng insesto, panghahalay, at tangkang pagpatay, ang pagpapatawad ay maaaring magsangkot ng maraming konsiderasyon. Lalo nang totoo ito kung hindi kinikilala ang kasalanan, walang pagsisisi, at walang paghingi ng patawad sa bahagi ng nagkasala.b (Kawikaan 28:13) Si Jehova mismo ay hindi nagpapatawad sa hindi nagsisisi, nagmamatigas na mga nagkasala. (Hebreo 6:4-6; 10:26) Kung ang sugat ay malalim, maaaring hindi natin kailanman lubusang makalimutan ang nangyari. Gayunman, tayo’y maaaring maaliw ng katiyakan na sa darating na bagong sanlibutan, “ang mga dating bagay ay hindi maaalaala, o mapapasa-puso man.” (Isaias 65:17; Apocalipsis 21:4) Anuman ang maaalaala natin sa panahong iyon ay hindi magdudulot sa atin ng matinding pasakit o kirot na maaaring nararamdaman natin ngayon.
Sa ibang pagkakataon baka tayo ang kailangang gumawa ng unang hakbang upang lutasin ang mga bagay-bagay, marahil sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa nagkasala, bago tayo maaaring magpatawad. (Efeso 4:26) Sa ganitong paraan ang anumang di-pagkakaunawaan ay malulutas, magawa ang angkop na mga paghingi ng tawad, at maigawad ang pagpapatawad. Kumusta naman ang tungkol sa paglimot? Maaaring hindi natin kailanman makalimutan ang nagawa, ngunit tayo’y maaaring lumimot sa diwa na hindi na tayo magtatanim ng sama ng loob laban sa nagkasala o uungkatin pa ang bagay na ito sa hinaharap. Hindi natin itsinitsismis ito, ni lubusan man nating iiwasan ang nagkasala. Gayunman, maaaring kumuha ng panahon upang bumalik ang ating kaugnayan sa nagkasala, at maaaring hindi na natin matamasa ang gayunding malapit na kaugnayan na gaya noon.
Isaalang-alang ang isang ilustrasyon: Ipagpalagay nang ipinagtapat mo sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan ang isang lubhang personal na bagay, at nang maglaon ay nalaman mo na sinabi niya ito sa iba, na nagdulot sa iyo ng malaking kahihiyan o pinsala. Nilapitan mo siya upang pag-usapan ang mga bagay-bagay, at labis niyang ikinalungkot ang bagay na ito; siya’y humingi ng paumanhin at tawad. Pagkarinig sa kaniyang taimtim na paghingi ng tawad, ang iyong puso ay naantig na patawarin siya. Madali mo bang nakakalimutan ang nangyari? Malamang na hindi; walang alinlangang ikaw ay magiging napakaingat na tungkol sa pagtitiwala sa kaniya sa hinaharap. Gayunman ay pinatawad mo na siya; hindi mo patuloy na inuulit-ulit ang bagay na ito sa kaniya. Hindi ka nagtatanim ng sama ng loob, ni itsinitsismis iyon sa iba. Maaaring hindi ka na gaanong malapit sa kaniya na gaya ng dati, ngunit iniibig mo pa rin siya bilang iyong Kristiyanong kapatid.—Ihambing ang Kawikaan 20:19.
Kumusta naman kung sa kabila ng iyong mga pagsisikap na lutasin ang mga bagay, hindi inaamin ng nagkasala ang kaniyang pagkakamali at hindi pa rin humihingi ng tawad? Makapagpapatawad ka kaya sa diwa na aalisin mo ang hinanakit? Ang pagpapatawad sa iba ay hindi nangangahulugan na kinukunsinti o minamaliit natin ang nagawa nila. Ang paghihinanakit ay isang mabigat na pasanin; maaaring maukupa nito ang ating mga kaisipan, nawawalan tayo ng kapayapaan. Sa paghihintay sa paghingi ng tawad na hindi kailanman dumarating, maaari lamang tayong higit at higit na mabigo. Sa katunayan, hinahayaan natin ang taong nagkasala na kontrolin ang ating mga damdamin. Kaya, kailangang patawarin natin ang iba, o alisin natin ang hinanakit, hindi lamang para sa kanilang pakinabang kundi rin naman para sa atin mismong pakinabang upang tayo’y patuloy na mabuhay nang walang hinanakit.
Ang pagpapatawad sa iba ay hindi laging madali. Subalit kapag may taimtim na pagsisisi, maaari nating sikaping tularan ang pagpapatawad ni Jehova. Kapag pinatatawad niya ang nagsisising mga nagkasala, inaalis niya ang hinanakit—binubura niya ang munting pisara at nililimot sa diwa na hindi na niya ibibilang ito na laban sa kanila sa hinaharap. Maaari rin nating alisin ang hinanakit kapag ang nagkasala ay nagsisisi. Gayunman, may mga pagkakataon kung saan tayo ay hindi obligadong magpatawad. Walang biktima ng labis na kawalang-katarungan o malupit na pagtrato ang dapat na piliting magpatawad sa isang di-nagsisising nagkasala. (Ihambing ang Awit 139:21, 22.) Subalit sa karamihan ng mga kaso kapag ang iba ay nagkasala laban sa atin, maaari tayong magpatawad sa diwa na inaalis natin ang hinanakit, at maaari tayong lumimot sa diwa na hindi na natin ibinibilang ang bagay na ito laban sa ating kapatid sa hinaharap.
[Mga talababa]
a Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Hanggang Saan ang Lubos na Pagpapatawad ng Diyos?” sa Disyembre 8, 1993, na labas ng Gumising!, pahina 18-19.
b Ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 862, ay nagsasabi: “Ang mga Kristiyano ay hindi hinihilingang patawarin yaong mga nagsasagawa ng may masamang hangarin, kusang pagkakasala na hindi nagsisisi. Ang mga iyon ay nagiging mga kaaway ng Diyos.”—Inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Larawan sa pahina 9]
Si Jose at ang kaniyang mga kapatid