Ikatlong Kabanata
“Ituwid Natin ang mga Bagay-Bagay”
1, 2. Kanino inihambing ni Jehova ang mga tagapamahala at ang mga naninirahan sa Jerusalem at sa Juda, at bakit angkop ito?
ANG mga naninirahan sa Jerusalem ay baka nakahilig na bigyang-matuwid ang kanilang sarili matapos marinig ang pagtuligsang nakaulat sa Isaias 1:1-9. Walang pagsalang nais nilang ipagmalaki ang lahat ng hain na kanilang inihahandog kay Jehova. Gayunman, ang Isa 1 talatang 10 hanggang 15 ay nagbibigay ng nakapanliliit na sagot ni Jehova sa gayong saloobin. Ganito ang simula: “Dinggin ninyo ang salita ni Jehova, ninyong mga diktador ng Sodoma. Pakinggan ninyo ang kautusan ng ating Diyos, ninyong bayan ng Gomorra.”—Isaias 1:10.
2 Ang Sodoma at Gomorra ay winasak hindi lamang dahilan sa pagsasagawa nila ng lisyang sekso kundi dahilan din sa katigasan ng kanilang ulo at palalong saloobin. (Genesis 18:20, 21; 19:4, 5, 23-25; Ezekiel 16:49, 50) Ang mga nakinig kay Isaias ay malamang na nasindak nang kanilang marinig na sila’y inihahalintulad sa mga tao ng isinumpang mga lunsod na iyon.a Subalit nakikita ni Jehova ang kaniyang bayan gaya ng kung ano sila, at hindi pinalambot ni Isaias ang mensahe ng Diyos upang ‘kilitiin ang kanilang mga tainga.’—2 Timoteo 4:3.
3. Ano ang ibig sabihin ni Jehova nang sabihin niya na “tama na” sa kaniya ang hain ng bayan, at bakit ganito?
3 Pansinin kung ano ang nadama ni Jehova hinggil sa pormalistikong pagsamba ng kaniyang bayan. “‘Ano ang pakinabang ko sa karamihan ng inyong mga hain?’ ang sabi ni Jehova. ‘Tama na sa akin ang mga buong handog na sinusunog na mga barakong tupa at ang taba ng mga patabaing hayop; at sa dugo ng mga guyang toro at mga lalaking kordero at mga kambing na lalaki ay hindi ako nalulugod.’” (Isaias 1:11) Nalimutan ng bayan na si Jehova ay hindi dumidepende sa kanilang mga hain. (Awit 50:8-13) Hindi niya kailangan ang anumang maihahandog sa kaniya ng mga tao. Kaya kung inaakala ng bayan na sila’y gumagawa ng pabor kay Jehova sa pamamagitan ng kanilang wala-sa-pusong paghahandog, sila’y nagkakamali. Si Jehova ay gumamit ng isang mapuwersang talinghaga. Ang pananalitang “tama na sa akin” ay maaari ring isaling “ako’y busog-na-busog na” o “ako’y suya na.” Naranasan na ba ninyong labis na mabusog anupat makita lamang ninyo ang pagkain ay nasusuya na kayo? Gayundin ang nadama ni Jehova hinggil sa mga haing iyon—gayon na lamang ang pagkasuklam!
4. Paano ibinunyag ng Isaias 1:12 ang pagiging walang kabuluhan ng pagparoon ng mga mamamayan sa templo sa Jerusalem?
4 Si Jehova ay nagpapatuloy: “Kapag palagi kayong pumaparito upang makita ang aking mukha, sino ang humihingi nito sa inyong kamay, upang yurakan ang aking mga looban?” (Isaias 1:12) Hindi ba’t sariling batas ni Jehova ang humihiling sa mamamayan na ‘pumasok upang makita ang kaniyang mukha,’ na ang ibig sabihin ay, dumuon sa kaniyang templo sa Jerusalem? (Exodo 34:23, 24) Oo, subalit sila’y nagtutungo roon dahilan lamang sa pormalismo, na parang ginagawang kinaugalian na lamang ang dalisay na pagsamba, na walang dalisay na mga motibo. Para kay Jehova, ang maraming ulit nilang pagdalaw sa kaniyang looban ay katumbas ng ‘pagyurak lamang,’ na walang anumang naidudulot kundi ang gasgasin lamang ang sahig nito.
5. Ano ang ilan sa mga gawang pagsamba na isinagawa ng mga Judio, at bakit naging isang “pasanin” kay Jehova ang mga ito?
5 Hindi kataka-taka na gumamit ngayon si Jehova ng mas matinding pananalita! “Tigilan na ninyo ang pagdadala pa ng walang-kabuluhang mga handog na butil. Insenso—ito ay karima-rimarim sa akin. Bagong buwan at sabbath, ang pagtawag ng isang kombensiyon—hindi ko matiis ang paggamit ng mahiwagang kapangyarihan kasabay ng kapita-pitagang kapulungan. Ang inyong mga bagong buwan at ang inyong mga kapanahunan ng pista ay kinapopootan ng aking kaluluwa. Sa akin ay naging pasanin ang mga iyon; ako ay pagod na sa pagtitiis sa mga iyon.” (Isaias 1:13, 14) Ang mga handog na butil, insenso, mga Sabbath, at kapita-pitagang mga kapulungan ay pawang mga bahagi ng Kautusan ng Diyos sa Israel. Hinggil sa “mga bagong buwan,” ang Kautusan ay basta nagsasabi na kailangang ipagdiwang ang mga ito, subalit may ilang kanais-nais na tradisyon na naidagdag sa pagdiriwang nito. (Bilang 10:10; 28:11) Ang bagong buwan ay itinuring na isang buwanang sabbath, kung kailan ang mga tao ay hindi magtatrabaho at magtitipon pa nga upang maturuan ng mga propeta at ng mga saserdote. (2 Hari 4:23; Ezekiel 46:3; Amos 8:5) Ang gayong mga pagdiriwang ay hindi naman mali. Ang suliranin ay nasa pagsasagawa ng mga ito upang magpakitang-tao lamang. Karagdagan pa, ang mga Judio ay bumabaling sa “mahiwagang kapangyarihan,” mga gawaing espiritistiko, kaalinsabay ng kanilang pormal na pagsunod sa Kautusan ng Diyos.b Kaya, ang kanilang mga gawang pagsamba kay Jehova ay isang “pasanin” sa kaniya.
6. Sa anong diwa naging “pagod na” si Jehova?
6 Subalit, paano mangyayaring maging “pagod na” si Jehova? Tutal, siya’y nagtataglay ng “saganang dinamikong lakas . . . Hindi siya napapagod o nanlulupaypay.” (Isaias 40:26, 28) Ginamit ni Jehova ang isang matingkad na paglalarawan upang maunawaan natin ang kaniyang damdamin. Naranasan na ba ninyong magdala ng mabigat na pasanin nang napakatagal anupat kayo’y lubhang nanlulupaypay na at walang ibang hangad kundi ang bitiwan iyon? Gayon ang nadarama ni Jehova hinggil sa paimbabaw na mga gawang pagsamba ng kaniyang bayan.
7. Bakit tumigil si Jehova sa pakikinig sa mga panalangin ng kaniyang bayan?
7 Tinatalakay ni Jehova ngayon ang pinakamatalik at personal sa lahat ng mga gawang pagsamba. “Kapag iniuunat ninyo ang inyong mga palad, ikinukubli ko ang aking mga mata mula sa inyo. Kahit nananalangin kayo ng marami, hindi ako nakikinig; ang inyo mismong mga kamay ay napuno ng pagbububo ng dugo.” (Isaias 1:15) Ang pag-uunat ng mga palad, pagtataas ng mga kamay na may nakabukang mga palad, ay isang anyo ng pagsusumamo. Para kay Jehova, ang ayos na ito ay naging walang kabuluhan, dahilan sa ang bayang ito ay may mga kamay na punô ng dugo. Ang karahasan ay laganap sa lupain. Ang pang-aapi sa mahihina ay karaniwan lamang. Ang pananalangin kay Jehova ng gayong abusado at sakim na mga tao at paghingi ng mga pagpapala ay isang bagay na kahiya-hiya. Hindi kataka-taka na si Jehova ay nagsabi, “Hindi ako nakikinig”!
8. Anong kamalian ang ginagawa ng Sangkakristiyanuhan sa ngayon, at paano nahuhulog sa ganito ring silo ang ilan sa mga Kristiyano?
8 Sa ating kaarawan, ang Sangkakristiyanuhan din ay nabigong magtamo ng pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang walang-tigil at paulit-ulit na mga panalanging walang kabuluhan at ng iba pa niyang relihiyosong “mga gawa.” (Mateo 7:21-23) Mahalaga na hindi tayo mahulog sa gayunding silo. Sa pana-panahon, ang isang Kristiyano ay nahuhulog sa malubhang pagkakasala, at pagkatapos ay nangangatuwiran na kung ililihim niya ang kaniyang ginagawa at pasusulungin ang kaniyang gawain sa Kristiyanong kongregasyon, ang kaniyang mga gawa sa paano man ay magpapagaan sa kaniyang kasalanan. Ang gayong pormalistikong mga gawa ay hindi kalugud-lugod kay Jehova. Iisa lamang ang lunas sa espirituwal na karamdaman, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na mga talata ng Isaias.
Ang Lunas sa Espirituwal na Karamdaman
9, 10. Gaano kahalaga ang kalinisan sa ating pagsamba kay Jehova?
9 Si Jehova, ang maawaing Diyos, ay nagbago ngayon tungo sa isang mas nakalulugod at nakaaakit na tono. “Maghugas kayo; magpakalinis kayo; alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawain mula sa harap ng aking mga mata; tigilan ninyo ang paggawa ng masama. Matuto kayong gumawa ng mabuti; hanapin ninyo ang katarungan; ituwid ninyo ang maniniil; maggawad kayo ng kahatulan para sa batang lalaking walang ama; ipagtanggol ninyo ang usapin ng babaing balo.” (Isaias 1:16, 17) Dito’y masusumpungan natin ang isang serye ng siyam na mga kahilingan, o mga utos. Ang unang apat ay negatibo sa diwang ang mga ito ay hinggil sa pag-aalis ng kasalanan; ang huling lima ay mga positibong pagkilos na umaakay sa pagtatamo ng pagpapala ni Jehova.
10 Ang paghuhugas at kalinisan ay laging naging mahalagang bahagi ng dalisay na pagsamba. (Exodo 19:10, 11; 30:20; 2 Corinto 7:1) Subalit gusto ni Jehova na ang paglilinis ay makaabot pa nang malalim, hanggang sa mismong puso ng mga mananamba niya. Ang pinakamahalaga ay ang moral at espirituwal na kalinisan, at ito ang tinutukoy ni Jehova. Ang unang dalawang utos sa Isa 1 talatang 16 ay hindi basta pag-uulit lamang. Isang bihasa sa balarilang Hebreo ang nagmungkahi na ang una, “maghugas kayo,” ay tumutukoy sa panimulang hakbangin ng paglilinis, samantalang ang ikalawa, “magpakalinis kayo,” ay tumutukoy sa patuloy na mga pagsisikap upang mapanatili ang kalinisang iyon.
11. Upang malabanan ang kasalanan, ano ang dapat nating gawin, at ano ang hindi natin dapat gawin kailanman?
11 Wala tayong maililihim kay Jehova. (Job 34:22; Kawikaan 15:3; Hebreo 4:13) Kaya ang kaniyang utos na, “Alisin ninyo ang kasamaan ng inyong mga gawain mula sa harap ng aking mga mata,” ay maaaring mangahulugan lamang ng isang bagay—ang tumigil sa paggawa ng masama. Iyo’y nangangahulugan ng hindi pagtatangkang ilihim ang malulubhang kasalanan, sapagkat ang paggawa nito ay isang kasalanan din. Ang Kawikaan 28:13 ay nagbibigay ng babala: “Siyang nagtatakip ng kaniyang mga pagsalansang ay hindi magtatagumpay, ngunit siyang nagtatapat at nag-iiwan ng mga iyon ay pagpapakitaan ng awa.”
12. (a) Bakit mahalaga na ‘matutong gumawa ng mabuti’? (b) Paano maikakapit ng matatanda lalo na ang mga utos na ‘hanapin ang katarungan’ at ‘ituwid ang maniniil’?
12 Malaki ang matututuhan mula sa positibong mga pagkilos na ipinag-utos ni Jehova sa talatang 17 ng Isaias kabanata 1. Pansinin na hindi lamang niya sinasabing “gumawa ng mabuti” kundi ‘matutong gumawa ng mabuti.’ Kailangan ang personal na pag-aaral ng Salita ng Diyos upang maunawaan kung ano ang mabuti sa paningin ng Diyos at magnais na gawin iyon. Karagdagan pa, hindi lamang sinasabi ni Jehova na ‘maglapat ng katarungan’ kundi ‘hanapin ang katarungan.’ Maging ang makaranasang matatanda ay kailangang puspusang magsaliksik sa Salita ng Diyos upang masumpungan ang makatarungang landasin sa masalimuot na mga bagay. Pananagutan din nilang ‘ituwid ang maniniil,’ gaya ng sumunod na ipinag-utos ni Jehova. Ang mga pag-uutos na ito ay mahalaga sa mga Kristiyanong pastol sa ngayon, sapagkat gusto nilang ipagsanggalang ang kawan mula sa “mapaniil na mga lobo.”—Gawa 20:28-30.
13. Paano natin maikakapit sa ngayon ang mga utos hinggil sa batang lalaki na walang ama at sa balo?
13 Ang dalawang huling utos ay may kinalaman sa mas mahihina sa bayan ng Diyos—ang mga ulila at mga balo. Madaling pagsamantalahan ng sanlibutan ang mga indibiduwal na ito; hindi ito dapat mangyari sa bayan ng Diyos. Ang maibiging matatanda ay ‘maggagawad ng kahatulan’ sa mga batang lalaki at sa mga batang babaing walang ama sa kongregasyon, na tinutulungan silang magkamit ng katarungan at proteksiyon sa isang sanlibutang nagnanais na magsamantala sa kanila at magpasamâ sa kanila. Ang matatanda ay ‘nagtatanggol sa usapin’ ng babaing balo o, gaya ng maaari ring kahulugan ng salitang Hebreo na, “nagsisikap” alang-alang sa kaniyang kapakanan. Sa katunayan nga, ang lahat ng Kristiyano ay nagnanais na maging pinagmumulan ng kanlungan, kaaliwan, at katarungan para sa nangangailangan sa gitna natin sapagkat sila’y mahalaga kay Jehova.—Mikas 6:8; Santiago 1:27.
14. Anong positibong mensahe ang inihahatid ng Isaias 1:16, 17?
14 Anong tatag at positibong mensahe ang inihahatid ni Jehova sa pamamagitan ng siyam na utos na ito! Kung minsan ang mga nakagagawa ng kasalanan ay kumbinsido sa ganang sarili na wala sa kanila ang kapangyarihan na gumawa ng tama. Ang gayong mga palagay ay nakasisira ng loob. Isa pa, sila’y nagkakamali. Nababatid ni Jehova—at nais niyang malaman natin—na sa pamamagitan ng Kaniyang tulong, ang sinumang nagkakasala ay maaaring huminto sa kaniyang makasalanang landasin, manumbalik, at sa halip ay gumawa ng tama.
Isang Maawain at Makatuwirang Pakiusap
15. Paanong ang pariralang “ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin” ay hindi nauunawaan kung minsan, at ano ang talagang kahulugan nito?
15 Ang tono ng boses ni Jehova ngayon ay nagiging higit na kalugud-lugod at maawain. “‘Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,’ ang sabi ni Jehova. ‘Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata, ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe; bagaman ang mga ito ay maging pula na gaya ng telang krimson, ang mga ito ay magiging gaya pa man din ng lana.’” (Isaias 1:18) Ang paanyaya na siyang pambungad ng magandang talatang ito ay kadalasang hindi nauunawaan. Halimbawa, ang The New English Bible ay nagsasabi, “Pag-usapan na lang natin ito”—na para bang ang magkabilang panig ay dapat na magpahinuhod upang magkasundo. Hindi gayon! Si Jehova ay hindi maaaring sisihin, lalo na sa kaniyang mga pakikitungo sa mapaghimagsik, mapagpaimbabaw na bayang ito. (Deuteronomio 32:4, 5) Hindi sinasabi ng talata ang tungkol sa pagbibigayan sa pagitan ng magkapantay na panig, kundi tungkol sa isang hukuman na maggagawad ng katarungan. Sa wari’y hinahamon dito ni Jehova ang Israel sa isang paglilitis sa hukuman.
16, 17. Paano natin nalalaman na si Jehova ay handang magpatawad kahit na sa malulubhang kasalanan?
16 Iyo’y maaaring nakatatakot na isipin, subalit si Jehova ang siyang pinakamahabagin at pinakamaawaing Hukom. Ang kaniyang kakayahang magpatawad ay walang katulad. (Awit 86:5) Siya lamang ang maaaring mag-alis ng mga kasalanan ng Israel na “gaya ng iskarlata,” anupat sila’y ‘pinapuputi gaya ng niyebe.’ Wala sa pagsisikap ng tao, walang pormula ng anumang gawain, mga hain, o mga panalangin ang makapag-aalis sa bahid ng kasalanan. Tanging ang pagpapatawad ni Jehova ang maaaring maghugas sa kasalanan. Ipinagkakaloob ng Diyos ang gayong pagpapatawad batay sa mga kahilingan na kaniyang itinatakda, na doo’y kalakip ang tunay, taos-pusong pagsisisi.
17 Napakahalaga ng katotohanang ito anupat inuulit ito ni Jehova sa isang matulaing paraan—ang mga “krimson” na kasalanan ay magiging gaya ng bago, walang tina at maputing lana. Nais ni Jehova na mabatid natin na siya ang tunay na Nagpapatawad ng mga kasalanan, maging niyaong malulubha, hangga’t nasusumpungan niya tayong tunay na nagsisisi. Yaong mga nahihirapang maniwala na ito’y totoo sa kanilang sariling kaso ay makabubuting magsaalang-alang ng mga halimbawa kagaya ng kay Manases. Siya’y nakagawa ng kakila-kilabot na pagkakasala—sa loob ng maraming taon. Gayunman, siya’y nagsisi at pinatawad. (2 Cronica 33:9-16) Nais ni Jehova na tayong lahat, lakip na yaong mga nakagawa ng malulubhang kasalanan, ay makaalam na hindi pa lubhang huli upang “ituwid ang mga bagay-bagay” sa kaniya.
18. Anong pagpipilian ang iniharap ni Jehova sa kaniyang rebelyosong bayan?
18 Ipinaaalaala ni Jehova sa kaniyang bayan na mayroon silang mapagpipilian. “Kung kayo ay magpapakita ng pagnanais at makikinig, ang buti ng lupain ay kakainin ninyo. Ngunit kung kayo ay tatanggi at mapaghimagsik pa nga, sa pamamagitan ng tabak ay uubusin kayo; sapagkat ang mismong bibig ni Jehova ang nagsalita nito.” (Isaias 1:19, 20) Idiniriin dito ni Jehova ang tungkol sa mga saloobin, at gumamit siya ng isa pang matingkad na paglalarawan upang mapalitaw ang kaniyang punto. Ang pagpipilian ng Juda ay ito: Kumain o kainin. Kung taglay nila ang saloobin ng pagiging handang makinig at sumunod kay Jehova, kakainin nila ang mabuting bunga ng lupain. Gayunman, kung sila’y magpapatuloy sa kanilang mapaghimagsik na saloobin, sila’y kakainin—ng tabak ng kanilang mga kaaway! Waring mahirap isipin na pipiliin ng bayan ang tabak ng kanilang kaaway sa halip na ang awa at saganang pagpapatawad ng Diyos. Gayunpaman, gayon ang nangyari sa Jerusalem, gaya ng ipinakikita ng susunod na mga talata ng Isaias.
Isang Panambitan Para sa Minamahal na Lunsod
19, 20. (a) Paano ipinahayag ni Jehova ang nadarama niya sa nangyaring pagtataksil? (b) Sa paanong paraan ang ‘katuwiran ay nanunuluyan sa Jerusalem’?
19 Sa Isaias 1:21-23, ating nakikita ang ganap na kabalakyutan ng Jerusalem nang panahong iyon. Pinasisimulan ngayon ni Isaias ang isang kinasihang tula sa istilo ng isang panambitan, o panaghoy: “O ano’t ang tapat na bayan ay naging patutot! Siya ay dating puspos ng katarungan; ang katuwiran ay nanunuluyan noon sa kaniya, ngunit sa ngayon ay mga mamamaslang.”—Isaias 1:21.
20 Anong pagkalakas ng pagbagsak ng lunsod ng Jerusalem! Minsang naging isang tapat na asawang babae, siya ngayo’y naging isang patutot. Ano pa kaya ang higit na makapaglalarawan sa nadarama ni Jehova sa nangyaring pagtataksil at pagkabigo? Ang “katuwiran ay nanunuluyan noon” sa lunsod na ito. Kailan? Buweno, kahit na bago pa umiral ang Israel, noon pang kaarawan ni Abraham, ang lunsod na ito ay tinawag na Salem. Dito namahala ang isang lalaki na kapuwa hari at saserdote. Ang kaniyang pangalan ay Melquisedec, na nangangahulugang “Hari ng Katuwiran,” at maliwanag na ito’y angkop na angkop sa kaniya. (Hebreo 7:2; Genesis 14:18-20) Humigit-kumulang 1,000 taon pagkaraan ni Melquisedec, naabot ng Jerusalem ang kaniyang karurukan, sa ilalim ng pamamahala nina David at Solomon. Ang “katuwiran ay nanunuluyan noon sa kaniya,” lalo na nang ang kaniyang mga hari ay nagbibigay ng halimbawa sa bayan sa pamamagitan ng paglakad sa mga daan ni Jehova. Gayunman, noong kaarawan ni Isaias, ang gayong mga panahon ay malayo na sa alaala.
21, 22. Ano ang kahulugan ng linab at ng serbesang binantuan, at bakit ang mga pinuno ng Juda ay karapat-dapat sa gayong paglalarawan?
21 Waring ang mga pinuno ng bayan mismo ang malaking bahagi ng problema. Si Isaias ay nagpatuloy sa kaniyang pananaghoy: “Ang iyong pilak ay naging maruming linab. Ang iyong serbesang trigo ay binantuan ng tubig. Ang iyong mga prinsipe ay sutil at mga kasamahan ng mga magnanakaw. Ang bawat isa sa kanila ay maibigin sa suhol at humahabol sa mga kaloob. Para sa batang lalaking walang ama ay hindi sila naggagawad ng kahatulan; at maging ang legal na usapin ng babaing balo ay hindi nila tinatanggap.” (Isaias 1:22, 23) Dalawang magkasunod na matitingkad na ilustrasyon ang naghanda sa isipan para sa susunod na kailangang gawin. Inaalis ng panday sa kaniyang bulusan ang maruming linab mula sa tunaw na pilak at itinatapon iyon. Ang mga prinsipe at mga hukom ng Israel ay tulad ng linab, hindi ng pilak. Sila’y kailangang itapon. Sila’y wala nang silbi gaya ng serbesa na binantuan ng tubig at nawalan ng lasa. Ang gayong inumin ay karapat-dapat na itapon na lamang!
22 Ipinakikita ng Isa 1 talatang 23 kung bakit ang mga pinuno ay karapat-dapat sa gayong paglalarawan. Itinaas ng Kautusang Mosaiko ang bayan ng Diyos, anupat ibinukod sila mula sa ibang mga bansa. Halimbawa, isinagawa ito sa pamamagitan ng pagbibigay ng proteksiyon sa mga ulila at mga balo. (Exodo 22:22-24) Subalit noong kaarawan ni Isaias, kaunti lamang ang pag-asa ng mga batang lalaking walang ama na mabigyan ng hatol na pabor sa kanila. Kung tungkol sa balo, wala man lamang makinig sa kaniyang kaso, lalo pa ang may sinumang magsikap na tumulong sa kaniya. Hindi, ang mga hukom at mga pinunong ito ay lubhang abala sa kanilang sariling kapakanan—naghahanap ng suhol, naghahabol ng mga kaloob, at nagsisilbing kasapakat ng mga magnanakaw, anupat maliwanag na ipinagsasanggalang ang mga kriminal habang hinahayaang magdusa ang kanilang mga biktima. Mas masahol pa, sila’y mga “sutil,” o naging matigas, sa kanilang kasamaan. Kay lungkot na mga kalagayan!
Dadalisayin ni Jehova ang Kaniyang Bayan
23. Anong damdamin ang ipinahahayag ni Jehova sa kaniyang mga kaaway?
23 Hindi pahihintulutan ni Jehova na magpatuloy magpakailanman ang gayong pag-abuso sa kapangyarihan. Si Isaias ay nagpapatuloy: “Kaya ang sabi ng tunay na Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ang Makapangyarihan ng Israel, ay: ‘Aha! Pagiginhawahin ko ang aking sarili mula sa aking mga kalaban, at ipaghihiganti ko ang aking sarili sa aking mga kaaway.’” (Isaias 1:24) Binigyan dito si Jehova ng tatlong titulo, na nagdiriin sa kaniyang karapatan sa pagkapanginoon at sa kaniyang napakalawak na kapangyarihan. Ang bulalas na “Aha!” ay malamang na nangangahulugan na ang habag ni Jehova ngayon ay nalalakipan ng determinasyon na kumilos batay sa kaniyang galit. May tiyak na dahilan para rito.
24. Anong paraan ng pagdadalisay ang nilayon ni Jehova para sa kaniyang bayan?
24 Ginawa ng mismong bayan ni Jehova ang kanilang sarili na mga kaaway niya. Lubos na nararapat sa kanila ang paghihiganti ng Diyos. “Pagiginhawahin” ni Jehova ang kaniyang sarili mula sa kanila, o kaya’y iiwan na niya sila. Ito ba’y nangangahulugan na ganap at permanenteng iiwan na niya ang kaniyang bayan na tinawag sa kaniyang pangalan? Hindi, sapagkat si Jehova ay patuloy na nagsasabi sa kanila: “At ibabalik ko sa iyo ang aking kamay, at tutunawin ko ang iyong maruming linab na waring ginamitan ng lihiya, at aalisin ko ang lahat ng iyong duming naipon.” (Isaias 1:25) Ginagamit ngayon ni Jehova ang paraan ng pagdadalisay bilang isang ilustrasyon. Ang isang mandadalisay noong sinaunang panahon ay kadalasang nagdaragdag ng lihiya upang paghiwalayin ang dumi mula sa mamahaling metal. Sa katulad na paraan, si Jehova, na hindi naman minamalas ang kaniyang bayan na ganap na balakyot, ay ‘magpaparusa sa kanila sa wastong antas.’ Aalisin lamang niya sa kanila yaong “duming naipon”—ang mga taong sutil at di-kanais-nais, na tumatangging matuto at sumunod.c (Jeremias 46:28) Sa mga salitang ito, si Isaias ay nagkapribilehiyo na isulat ang kasaysayan bago pa mangyari.
25. (a) Paano dinalisay ni Jehova ang kaniyang bayan noong 607 B.C.E.? (b) Kailan dinalisay ni Jehova ang kaniyang bayan sa makabagong panahon?
25 Tunay na dinalisay ni Jehova ang kaniyang bayan, na inaalis ang maruming linab ng masasamang pinuno at iba pang mga rebelde. Noong 607 B.C.E., matagal na pagkatapos ng kapanahunan ni Isaias, ang Jerusalem ay nawasak at ang mga naninirahan doon ay naging tapon sa Babilonya sa loob ng 70 taon. Ito sa ilang paraan ay nakakatulad ng pagkilos na ginawa ng Diyos sa dakong huli. Ang hula sa Malakias 3:1-5, na isinulat matagal na pagkatapos ng pagkakatapon sa Babilonya, ay nagpakita na ang Diyos ay gagawang muli ng pagdadalisay. Ito’y tumutukoy sa panahong ang Diyos na Jehova ay magtutungo sa kaniyang espirituwal na templo kasama ng kaniyang “mensahero ng tipan,” si Jesu-Kristo. Ito’y maliwanag na nangyari sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I. Siniyasat ni Jehova ang lahat ng mga nag-aangking Kristiyano, na inihihiwalay ang totoo mula sa huwad. Ano ang naging resulta?
26-28. (a) Ano ang naging unang katuparan ng Isaias 1:26? (b) Paanong ang hulang ito ay natupad sa ating kaarawan? (c) Paano makikinabang ang matatanda sa ngayon sa hulang ito?
26 Si Jehova ay sumasagot: “Muli akong magbabalik ng mga hukom para sa iyo gaya noong una, at ng mga tagapayo para sa iyo gaya noong sa pasimula. Pagkatapos nito ay tatawagin kang Lunsod ng Katuwiran, Tapat na Bayan. Sa pamamagitan ng katarungan ay tutubusin ang Sion, at yaong mga sa kaniya na bumabalik, sa pamamagitan ng katuwiran.” (Isaias 1:26, 27) Ang sinaunang Jerusalem ay nakaranas ng unang katuparan ng hulang ito. Pagkatapos bumalik ang mga tapon sa kanilang minamahal na lunsod noong 537 B.C.E., nagkaroon muli ng tapat na mga hukom at mga tagapayo kagaya noong una. Ang mga propetang sina Hagai at Zacarias, ang saserdoteng si Josue, ang eskribang si Ezra, at ang gobernador na si Zerubabel ay pawang ginamit upang patnubayan at akayin ang tapat na nagsisibalik na nalabi upang lumakad sa mga landas ng Diyos. Gayunman, isang higit na mahalagang katuparan ang naganap noong ika-20 siglo.
27 Noong 1919, ang makabagong-panahong bayan ni Jehova ay umahon mula sa panahon ng pagsubok. Sila’y iniligtas mula sa espirituwal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ang pagkakaiba ng tapat na pinahirang nalabi at ng apostatang klero ng Sangkakristiyanuhan ay lalong naging maliwanag. Pinagpalang muli ng Diyos ang kaniyang bayan, anupat ‘ibinabalik muli sa kanila ang mga hukom at mga tagapayo’—tapat na mga lalaki na nagpapayo sa bayan ng Diyos ayon sa kaniyang Salita at hindi ayon sa mga tradisyon ng mga tao. Sa ngayon, kabilang sa umuunting “munting kawan” at sa lumalagong milyun-milyong kasamahan nila na “ibang tupa,” masusumpungan ang gayong libu-libong lalaki.—Lucas 12:32; Juan 10:16; Isaias 32:1, 2; 60:17; 61:3, 4.
28 Nasa isipan ng matatanda na sa pana-panahon, sila’y kumikilos bilang “mga hukom” sa kongregasyon upang ingatan itong malinis sa moral at espirituwal at upang ituwid ang mga manggagawa ng kasamaan. Lubos silang nagbibigay-pansin sa paggawa ng mga bagay-bagay ayon sa paraan ng Diyos, na tinutularan ang kaniyang maawain at timbang na pangmalas sa katarungan. Gayunman, mas madalas silang naglilingkod bilang mga “tagapayo.” Sabihin pa, malaki ang kaibahan nito sa pagiging mga prinsipe o mapang-aping mga pinuno, anupat kanilang ginagawa ang lahat ng pagsisikap upang huwag man lamang silang magmukhang “namamanginoon sa mga mana ng Diyos.”—1 Pedro 5:3.
29, 30. (a) Ano ang sinasabi ni Jehova sa mga tumatangging makinabang sa paraan ng pagdadalisay? (b) Sa anong diwa ‘ikinahiya’ ng bayan ang kaniyang mga punungkahoy at mga hardin?
29 Ano naman ang tungkol sa “linab” na binanggit sa hula ni Isaias? Ano ang nangyayari doon sa mga tumatangging makinabang mula sa paraan ng pagdadalisay ng Diyos? Si Isaias ay nagpapatuloy: “At ang pagbagsak ng mga naghihimagsik at yaong sa mga makasalanan ay magiging magkasabay, at yaong mga umiiwan kay Jehova ay darating sa kanilang katapusan. Sapagkat ikahihiya nila ang matitibay na punungkahoy na inyong ninasa, at malilito kayo dahil sa mga hardin na inyong pinili.” (Isaias 1:28, 29) Yaong mga naghihimagsik at nagkakasala laban kay Jehova, na hindi pumapansin sa mga babalang mensahe ng kaniyang mga propeta hanggang sa maging huli na ang lahat, ay tunay ngang ‘bumabagsak’ at ‘dumarating sa kanilang katapusan.’ Ito’y nangyari noong 607 B.C.E. Gayunman, ano ang kahulugan ng binanggit na mga punungkahoy at mga hardin?
30 Hindi naglulubay ang suliranin ng mga taga-Judea sa idolatriya. Ang mga punungkahoy, mga hardin, at mga namumungang halamanan ay madalas na kasangkot sa kanilang kasuklam-suklam na kaugalian. Halimbawa, ang mga mananamba ni Baal at ng kaniyang asawa, si Ashtoreth, ay naniniwala na sa panahon ng tagtuyot, ang dalawang diyos na ito ay patay at nakalibing. Upang sila’y gisingin at magsiping, na magdadala ng saganang bunga sa lupain, ang mga mananamba sa idolo ay nagtitipon upang magsagawa ng seksuwal na kahalayan sa ilalim ng “sagradong” mga punungkahoy sa mga namumungang halamanan o sa mga hardin. Kapag ang ulan at ang kasaganaan ay sumapit sa lupain, ang huwad na mga diyos ang tumatanggap ng papuri; nadarama ng mga mananamba sa idolo na totoo ang kanilang mga pamahiin. Subalit nang pasapitin ni Jehova ang pagkawasak sa rebelyosong mga mananamba sa idolo, wala sa mga idolong diyos ang nagsanggalang sa kanila. ‘Ikinahiya’ ng mga rebelyoso ang walang-silbing mga punungkahoy at mga harding ito.
31. Ano ang napapaharap sa mga mananamba sa idolo na mas malubha pa kaysa sa pagkapahiya?
31 Gayunman, ang idolatrosong mga taga-Judea ay nakaharap sa isang bagay na mas malubha pa kaysa sa pagkapahiya. Sa panibagong paggamit sa ilustrasyon, itinulad ngayon ni Jehova ang mga mananamba mismo sa idolo sa isang punungkahoy. “Kayo ay magiging gaya ng malaking punungkahoy na ang mga dahon ay nalalanta, at gaya ng hardin na walang tubig.” (Isaias 1:30) Sa mainit at tuyong klima ng Gitnang Silangan, angkop ang ilustrasyong ito. Walang punungkahoy o hardin ang magtatagal nang walang patuluyang suplay ng tubig. Dahil sa pagkatuyo, ang gayong pananim ay lalo nang madaling magdingas. Kaya, ang ilustrasyon sa Isa 1 talatang 31 ay angkop lamang na sumunod.
32. (a) Sino ang tinutukoy na “taong puspos ng sigla” sa Isa 1 talatang 31? (b) Sa anong diwa siya’y magiging “maiikling hibla,” anong “siklab” ang magpaparingas sa kaniya, at ano ang resulta?
32 “Ang taong puspos ng sigla ay tiyak na magiging maiikling hibla, at ang bunga ng kaniyang gawa naman ay isang siklab; at kapuwa sila magliliyab nang magkasabay, na walang sinumang papatay sa apoy.” (Isaias 1:31) Sino ang “taong puspos ng sigla”? Ang Hebreong pananalita ay may diwa ng kalakasan at kayamanan. Malamang na ito’y tumutukoy sa mariwasa at may tiwala sa sariling tagasunod ng huwad na mga diyos. Noong kaarawan ni Isaias, gaya rin sa ngayon, laging maraming tao ang nagtatakwil kay Jehova at sa kaniyang dalisay na pagsamba. Ang ilan sa mga ito ay waring umaasenso pa nga. Gayunman, si Jehova ay nagbababala na ang gayong mga tao ay magiging gaya ng “maiikling hibla,” magaspang na mga himaymay ng lino na napakarupok at tuyo anupat ang mga ito ay napuputol agad, wika nga, kahit sa amoy lamang ng apoy. (Hukom 16:8, 9) Ang bunga ng gawain ng mananamba sa idolo—maging ang kaniyang mga idolong diyos, ang kaniyang kayamanan, o anuman ang kaniyang sinasamba bukod kay Jehova—ay magiging gaya ng nagpaparingas na “siklab.” Kapuwa ang siklab at ang maiikling hibla ay lalamunin, susupukin, sa apoy na walang sinumang makapapatay. Walang kapangyarihan sa sansinukob ang makapagpapawalang-bisa sa sakdal na mga kahatulan ni Jehova.
33. (a) Paanong ang mga babala ng Diyos sa dumarating na kahatulan ay nagpapakita rin ng kaniyang kaawaan? (b) Anong pagkakataon ang ipinaaabot ngayon ni Jehova sa sangkatauhan, at paano nakaaapekto ito sa bawat isa sa atin?
33 Ang pangwakas na mensahe bang ito ay kasuwatong mensahe ng awa at pagpapatawad sa Isa 1 talatang 18? Siyempre pa! Ipinasulat ni Jehova ang gayong mga babala at ipinadala sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod dahil sa siya’y maawain. Ang totoo, “hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Pribilehiyo ng bawat tunay na Kristiyano sa ngayon na ipahayag ang mga babalang mensahe ng Diyos sa sangkatauhan upang ang mga nagsisisi ay makinabang mula sa kaniyang saganang pagpapatawad at mabuhay magpakailanman. Kay laking kabaitan sa bahagi ni Jehova na bigyan ang sangkatauhan ng isang pagkakataon na kanilang ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ bago maging huli na ang lahat!
[Mga talababa]
a Alinsunod sa tradisyon ng sinaunang Judio, si Isaias ay ipinapatay at ipinalagari ng balakyot na si Haring Manases. (Ihambing ang Hebreo 11:37.) Isang reperensiya ang nagsasabi na upang maipataw ang hatol na ito na kamatayan, pinagbintangan si Isaias ng isang huwad na propeta ng ganito: “Sinabi niyang ang Jerusalem ay Sodoma, at ang mga prinsipe ng Juda at Jerusalem ay tinawag niya (bilang) mga mamamayan ng Gomorra.”
b Ang Hebreong salita para sa “mahiwagang kapangyarihan” ay isinalin ding “bagay na nakasasakit,” “bagay na mahiwaga,” at “mali.” Alinsunod sa Theological Dictionary of the Old Testament, ang mga propetang Hebreo ay gumamit ng salitang ito upang tuligsain ang “kasamaang dulot ng maling paggamit ng kapangyarihan.”
c Ang pananalitang “ibabalik ko sa iyo ang aking kamay” ay nangangahulugan na si Jehova ay nagbago mula sa pagsuporta sa kaniyang bayan tungo sa pagpaparusa sa kanila.