Ikaapat na Kabanata
Itinaas ang Bahay ni Jehova
1, 2. Anong mga salita ang nakaukit sa isang pader sa liwasan ng United Nations, at ano ang pinagmulan nito?
“PUPUKPUKIN nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod. At ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos: ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa. Ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.” Ang mga salitang ito ay nakaukit sa isang pader sa liwasan ng United Nations sa New York City. Sa ilang mga dekada ang pinagmulan ng siniping ito ay hindi ipinabatid. Yamang ang layunin ng UN ay upang itaguyod ang pangglobong kapayapaan, madaling isipin na ang siniping ito ay nagmula sa mga tagapagtatag ng UN, noong 1945.
2 Gayunman, noong 1975, ang pangalang Isaias ay iniukit sa pader sa ibaba ng sinipi. Naging maliwanag kung gayon na hindi pala makabago ang pinagmulan ng mga salitang ito. Sa katunayan, ang mga ito ay isinulat bilang isang hula mahigit sa 2,700 taon na ang nakararaan sa tinatawag ngayon na ika-2 kabanata ng aklat ng Isaias. Sa nagdaang mga milenyo pinag-isipang mabuti ng mga umiibig sa kapayapaan kung paano at kailan mangyayari ang mga bagay na inihula ni Isaias. Hindi na kailangan pang pag-isipan ito. Sa ngayo’y nasa harapan na natin ang kamangha-manghang katuparan ng sinaunang hulang ito.
3. Anong mga bansa ang pumupukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod?
3 Anong mga bansa ang pumupukpok sa kanilang mga tabak upang maging mga sudsod? Tiyak, hindi sila ang makabagong-panahong makapulitikang mga bansa at mga pamahalaan. Hanggang sa ngayon ang mga bansang ito ay gumagawa ng mga tabak, o mga sandata, kapuwa upang makipagdigma at upang mapanatili ang “kapayapaan” sa pamamagitan ng lakas. Sa totoo lamang, ang nangyayari sa tuwina ay ang pagpukpok ng mga bansa sa kanilang mga sudsod upang maging mga tabak! Ang hula ni Isaias ay nagkakaroon ng katuparan sa mga kinatawan mula sa lahat ng mga bansa, mga tao na sumasamba kay Jehova, “ang Diyos ng kapayapaan.”—Filipos 4:9.
Ang mga Bansa na Humuhugos sa Dalisay na Pagsamba
4, 5. Ano ang inihula ng panimulang mga talata ng Isaias kabanata 2, at ano ang higit na nagbibigay-diin sa pagkamaaasahan ng mga salitang iyon?
4 Ang Isaias kabanata 2 ay nagpapasimula sa mga salitang ito: “Ang bagay na nakita ni Isaias na anak ni Amoz sa pangitain may kinalaman sa Juda at Jerusalem: At mangyayari sa huling bahagi ng mga araw na ang bundok ng bahay ni Jehova ay matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok, at iyon ay matataas pa nga sa mga burol; at doon ay huhugos ang lahat ng mga bansa.”—Isaias 2:1, 2.
5 Pansinin na ang inihuhula ni Isaias ay hindi lamang haka-haka. Si Isaias ay inutusan na iulat ang mga pangyayaring “magaganap”—nang walang anumang pagkabigo. Anuman ang nilayon ni Jehova ay “tiyak na magtatagumpay.” (Isaias 55:11) Maliwanag na upang higit na mabigyang-diin ang pagkamaaasahan ng kaniyang pangako, kinasihan ng Diyos ang propetang si Mikas, isang kapanahon ni Isaias, na iulat sa kaniyang aklat ang gayunding hula na nasa Isaias 2:2-4.—Mikas 4:1-3.
6. Kailan matutupad ang hula ni Isaias?
6 Kailan matutupad ang hula ni Isaias? “Sa huling bahagi ng mga araw.” Ang New International Version ay kababasahan: “Sa mga huling araw.” Ang Kristiyanong Griegong Kasulatan ay humula ng mga pangyayari na magiging pagkakakilanlan ng panahong iyon. Kalakip sa mga ito ang mga digmaan, mga lindol, mga salot, kakapusan sa pagkain, at “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.”a (2 Timoteo 3:1-5; Lucas 21:10, 11) Ang katuparan ng gayong mga hula ay nagbibigay ng saganang patotoo na tayo ay nabubuhay “sa huling bahagi ng mga araw,” ang mga huling araw ng kasalukuyang sistemang ito ng sanlibutan. Makatuwiran kung gayon, aasahan nating makita sa ating panahon ang katuparan ng mga bagay na inihula ni Isaias.
Isang Bundok Ukol sa Pagsamba
7. Anong makahulang tanawin ang inilarawan ni Isaias?
7 Sa ilang salita, inilarawan ni Isaias ang isang buháy na buháy na makahulang tanawin. Nakikita natin ang isang mataas na bundok, na kinalalagyan ng isang maluwalhating bahay, ang templo ni Jehova. Ang bundok na ito ay mas mataas pa kaysa sa nakapalibot na mga bundok at mga burol. Gayunman, hindi ito nakagigimbal o nakapangangamba; ito’y kaakit-akit. Ang mga tao ng lahat ng bansa ay naghahangad na makaahon sa bundok ng bahay ni Jehova; sila’y humuhugos dito. Madali itong ilarawan sa isip, subalit ano ang kahulugan nito?
8. (a) Sa ano iniuugnay ang mga burol at mga bundok noong kaarawan ni Isaias? (b) Ano ang inilalarawan ng paghugos ng mga bansa sa “bundok ng bahay ni Jehova”?
8 Noong kaarawan ni Isaias ang mga burol at mga bundok ay kadalasang iniuugnay sa pagsamba. Halimbawa, ang mga ito’y nagsisilbing lugar para sa idolatrosong pagsamba at para sa mga santuwaryo ng huwad na mga diyos. (Deuteronomio 12:2; Jeremias 3:6) Gayunpaman, ang bahay, o templo, ni Jehova ay mistulang kagayakan sa taluktok ng Bundok ng Moria sa Jerusalem. Ang tapat na mga Israelita ay naglalakbay sa Jerusalem nang tatlong ulit sa isang taon at umaakyat sa Bundok ng Moria upang sumamba sa tunay na Diyos. (Deuteronomio 16:16) Kaya ang paghugos ng mga bansa sa “bundok ng bahay ni Jehova” ay lumalarawan sa pagtitipon ng maraming tao tungo sa dalisay na pagsamba.
9. Ano ang kinakatawan ng “bundok ng bahay ni Jehova”?
9 Sabihin pa, sa ngayon, ang bayan ng Diyos ay hindi nagtitipon sa isang literal na bundok na may templong yari sa bato. Ang templo ni Jehova sa Jerusalem ay winasak ng hukbong Romano noong 70 C.E. Bukod dito, niliwanag ni apostol Pablo na ang templo sa Jerusalem at ang tabernakulo na nauna rito ay makalarawan. Ang mga ito ay kumakatawan sa lalong dakila, espirituwal na katunayan, ang “totoong tolda, na itinayo ni Jehova, at hindi ng tao.” (Hebreo 8:2) Ang espirituwal na toldang iyon ay ang kaayusan para sa paglapit kay Jehova sa pagsamba salig sa haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Hebreo 9:2-10, 23) Kasuwato nito, “ang bundok ng bahay ni Jehova” na binanggit sa Isaias 2:2 ay kumakatawan sa itinaas na dalisay na pagsamba kay Jehova sa ating panahon. Yaong mga yumayakap sa dalisay na pagsamba ay hindi nagtitipon sa anumang literal na lugar; sila’y nagtitipon sa nagkakaisang pagsamba.
Ang Pagtataas sa Dalisay na Pagsamba
10, 11. Sa anong diwa itinaas ang pagsamba kay Jehova sa ating kaarawan?
10 Ang propeta ay nagsasabi na “ang bundok ng bahay ni Jehova,” o ang dalisay na pagsamba, ay “matibay na matatatag na mataas pa sa taluktok ng mga bundok” at iyon ay “matataas pa nga sa mga burol.” Matagal pa bago ang kaarawan ni Isaias, iniakyat ni Haring David ang kaban ng tipan sa Bundok ng Sion sa Jerusalem, na may taas na 760 metro mula sa kapantayan ng dagat. Nanatili roon ang kaban hanggang sa ito ay ilipat sa natapos na templo sa Bundok ng Moria. (2 Samuel 5:7; 6:14-19; 2 Cronica 3:1; 5:1-10) Kaya, noong kaarawan ni Isaias ang sagradong kaban ay aktuwal na nakataas na at nakalagak sa templo, sa isang kalagayang mas mataas pa kaysa sa nakapalibot na mga burol na ginagamit sa huwad na pagsamba.
11 Sabihin pa, sa espirituwal na diwa, ang pagsamba kay Jehova ay laging nakatataas kaysa sa mga gawaing relihiyoso ng mga naglilingkod sa huwad na mga diyos. Gayunman, sa ating kaarawan, itinaas ni Jehova ang pagsamba sa kaniya na kasintaas ng langit, nakatataas sa lahat ng anyo ng maruming pagsamba, oo, mas mataas pa kaysa sa “mga burol” at sa “taluktok ng mga bundok.” Paano? Pangunahin na sa pamamagitan ng pagtitipon niyaong mga nagnanais na sumamba sa kaniya “sa espiritu at katotohanan.”—Juan 4:23.
12. Sino ang “mga anak ng kaharian,” at anong pagtitipon ang nagaganap na?
12 Tinukoy ni Kristo Jesus ang “katapusan ng sistema ng mga bagay” bilang isang panahon ng pag-aani kapag tinipon ng mga anghel ang “mga anak ng kaharian”—yaong mga umaasang mamamahala kasama ni Jesus sa makalangit na kaluwalhatian. (Mateo 13:36-43) Mula noong 1919, binigyan ni Jehova ng awtoridad ang “mga nalalabi” ng mga anak na ito upang makibahagi sa gawaing pag-aani kasama ng mga anghel. (Apocalipsis 12:17) Kaya, una sa lahat, “ang mga anak ng kaharian,” ang mga pinahirang kapatid ni Jesus, ang mga tinipon. Pagkatapos, sila’y nakibahagi sa karagdagan pang gawaing pagtitipon.
13. Paano pinagpala ni Jehova ang pinahirang nalabi?
13 Sa panahong ito ng pag-aani, si Jehova ay patuloy na tumutulong sa pinahirang nalabi na maunawaan at maikapit ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Ito rin ay nakatulong sa pagtataas sa dalisay na pagsamba. Bagaman ‘tinatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng makapal na karimlan ang mga liping pambansa,’ ang mga pinahiran ay ‘sumisikat bilang mga tagapagbigay-liwanag’ sa gitna ng sangkatauhan, palibhasa’y nilinis at dinalisay sila ni Jehova. (Isaias 60:2; Filipos 2:15) Yamang sila’y ‘puspos ng tumpak na kaalaman ng kaniyang kalooban sa buong karunungan at espirituwal na pagkaunawa,’ ang mga pinahirang ito ng espiritu ay ‘sumisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.’—Colosas 1:9; Mateo 13:43.
14, 15. Bilang karagdagan sa pagtitipon ng “mga anak ng kaharian,” anong pagtitipon ang nagaganap, at paano ito inihula ni Hagai?
14 Bukod dito, may iba pa na humuhugos sa “bundok ng bahay ni Jehova.” Tinawag ni Jesus bilang kaniyang “ibang mga tupa,” ang mga ito ay may pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang paraisong lupa. (Juan 10:16; Apocalipsis 21:3, 4) Pasimula noong dekada ng 1930, sila’y lumitaw nang libu-libo, pagkatapos ay naging daan-daang libo, at sa ngayo’y milyun-milyon! Sa isang pangitain na ibinigay kay apostol Juan, sila’y inilarawan bilang “isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika.”—Apocalipsis 7:9.
15 Inihula ni propeta Hagai ang paglitaw ng malaking pulutong na ito. Siya’y sumulat: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘Minsan pa—kaunting panahon na lamang—at uugain ko ang langit at ang lupa at ang dagat at ang tuyong lupa. At uugain ko ang lahat ng mga bansa, at ang mga kanais-nais na bagay ng lahat ng mga bansa ay darating [yaong mga nakikiisa sa mga pinahirang Kristiyano sa dalisay na pagsamba]; at pupunuin ko ng kaluwalhatian ang bahay na ito,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Hagai 2:6, 7) Ang paglitaw ng lumalago pang “malaking pulutong” na ito at ng kanilang pinahirang mga kasama ay nagtataas, oo lumuluwalhati, sa dalisay na pagsamba sa bahay ni Jehova. Hindi kailanman nagkaroon ng ganito karaming iniulat na nagkakaisa sa pagsamba sa tunay na Diyos, at ito’y nagdudulot ng kaluwalhatian kay Jehova at sa kaniyang iniluklok na Hari, si Jesu-Kristo. Si Haring Solomon ay sumulat: “Sa karamihan ng mga tao ay may kagayakan ang hari.”—Kawikaan 14:28.
Itinaas ang Pagsamba sa Buhay ng mga Tao
16-18. Anong mga pagbabago ang ginawa ng ilan upang sumamba kay Jehova sa karapat-dapat na paraan?
16 Si Jehova ay karapat-dapat sa lahat ng papuri sa pagtataas ng dalisay na pagsamba sa ating panahon. Gayunman, yaong mga lumalapit sa kaniya ay may pribilehiyong makibahagi sa gawaing ito. Kung paanong kailangan ang pagsisikap upang makaakyat sa bundok, nangangailangan din ng pagsisikap na matuto at mamuhay alinsunod sa matutuwid na pamantayan ng Diyos. Gaya ng mga Kristiyano noong unang siglo, iniwan ng mga lingkod ng Diyos ngayon ang istilo ng pamumuhay at mga gawain na hindi nababagay sa tunay na pagsamba. Ang mga mapakiapid, mga mananamba sa idolo, mga mangangalunya, mga magnanakaw, mga taong sakim, mga lasenggo, at mga iba pa ay nagbago ng kanilang landasin at ‘nahugasang malinis’ sa paningin ng Diyos.—1 Corinto 6:9-11.
17 Ang isang halimbawa ay ang karanasan ng isang kabataang babae na sumulat: “Minsan ay nawalan na ako ng pag-asa. Ako’y naging imoral at manginginom. Ako’y nagkaroon ng sakit dahil sa pakikipagtalik. Nagtinda rin ako ng droga at wala akong pakialam sa mundo.” Pagkatapos mag-aral ng Bibliya, siya’y gumawa ng malaking pagbabago upang makasunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ngayo’y sinasabi niya: “Tinatamasa ko ang kapayapaan ng isipan, paggalang sa sarili, isang pag-asa sa hinaharap, isang tunay na pamilya at, ang pinakamabuti sa lahat, isang pakikipag-ugnayan sa ating Ama, si Jehova.”
18 Kahit na pagkatapos magkaroon ng sinang-ayunang katayuan sa harap ni Jehova, kailangang ipagpatuloy ng lahat na itaas ang dalisay na pagsamba sa pamamagitan ng pag-una rito sa kanilang buhay. Libu-libong taon na ang nakararaan, sa pamamagitan ni Isaias, ipinahayag ni Jehova ang kaniyang pagtitiwala na sa ngayon ay pulu-pulutong ang mananabik na gawing pinakamahalagang bagay sa kanilang buhay ang pagsamba sa kaniya. Ikaw ba’y isa sa kanila?
Isang Bayan na Tinuruan sa Daan ni Jehova
19, 20. Ano ang itinuturo sa bayan ng Diyos, at saan?
19 Marami pa ang sinasabi sa atin ni Isaias hinggil doon sa mga yumayakap ngayon sa dalisay na pagsamba. Sinabi niya: “Maraming bayan ang yayaon nga at magsasabi: ‘Halikayo, at umahon tayo sa bundok ni Jehova, sa bahay ng Diyos ni Jacob; at tuturuan niya tayo tungkol sa kaniyang mga daan, at lalakad tayo sa kaniyang mga landas.’ Sapagkat mula sa Sion ay lalabas ang kautusan, at ang salita ni Jehova mula sa Jerusalem.”—Isaias 2:3.
20 Hindi hinahayaan ni Jehova na magpagala-gala ang kaniyang bayan gaya ng nawawalang tupa. Sa pamamagitan ng Bibliya at ng mga publikasyong salig sa Bibliya, kaniyang ibinibigay sa kanila ang kaniyang “kautusan” at ang kaniyang “salita” upang kanilang matutuhan ang kaniyang mga daan. Ang kaalamang ito ang nagsasangkap sa kanila na ‘lumakad sa kaniyang mga landas.’ Udyok ng mga pusong punô ng pagpapahalaga at kasuwato ng banal na patnubay, sila’y nag-uusap hinggil sa mga daan ni Jehova. Sila’y nagtitipong sama-sama sa malalaking kombensiyon at sa mas maliliit na grupo—sa mga Kingdom Hall at sa mga pribadong tahanan—upang makinig at matuto sa mga daan ng Diyos. (Deuteronomio 31:12, 13) Kaya natutularan nila ang halimbawa ng sinaunang mga Kristiyano, na nagtipong sama-sama upang magpatibayang-loob at mag-udyukan sa isa’t isa upang sumagana sa “pag-ibig at sa maiinam na gawa.”—Hebreo 10:24, 25.
21. Sa anong gawain nakikibahagi ang mga lingkod ni Jehova?
21 Inaanyayahan nila ang iba pa na “umahon” sa itinaas na pagsamba sa Diyos na Jehova. Kay inam ng pagkakatugma nito sa utos na ibinigay ni Jesus sa kaniyang mga alagad bago siya umakyat sa langit! Sinabi niya sa kanila: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Taglay ang pag-alalay ng Diyos, ang mga Saksi ni Jehova ay masunuring humahayo sa buong lupa, na nagtuturo at gumagawa ng mga alagad, na binabautismuhan sila.
Mga Tabak na Gagawing Sudsod
22, 23. Ano ang inihuhula ng Isaias 2:4, at ano ang sinabi ng isang opisyal ng UN hinggil dito?
22 Ngayo’y sumapit na tayo sa susunod na talata, na ang bahagi nito ay nakaukit sa pader sa liwasan ng UN. Si Isaias ay sumulat: “Siya ay maggagawad ng kahatulan sa gitna ng mga bansa at magtutuwid ng mga bagay-bagay may kinalaman sa maraming bayan. At pupukpukin nila ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos. Ang bansa ay hindi magtataas ng tabak laban sa bansa, ni mag-aaral pa man sila ng pakikipagdigma.”—Isaias 2:4.
23 Ang pagsasakatuparan nito ay hindi madali. Minsa’y sinabi ni Federico Mayor, direktor-heneral ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization: “Ang lahat ng kabuktutan ng digmaan, na dinadala sa ating tahanan sa mga araw na ito ng mga kasangkapang audio-visual, ay waring hindi makapipigil sa pagsulong ng dambuhalang mga makinarya ng digmaan na ginawa at pinanatili sa loob ng maraming siglo. Halos imposible para sa kasalukuyang mga henerasyon ang atas ng Bibliya na ‘pukpukin ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod’ at gumawa ng pagbabago mula sa likas na hilig na makipagdigma—na nabuo sa loob ng napakatagal nang panahon—tungo sa damdamin ng pakikipagpayapaan. Ang pagtatamo nito ang siyang pinakamabuti at pinakamarangal na maaaring gawin ng ‘pangglobong pamayanan’ at ang pinakamagandang pamana sa ating mga supling.”
24, 25. Kanino natutupad ang mga salita ni Isaias, at sa anong paraan?
24 Hindi kailanman matatamo ng mga bansa sa kabuuan ang matayog na tunguhing ito. Talagang hindi nila kayang abutin ito. Ang mga salita ni Isaias ay tinutupad ng mga indibiduwal mula sa maraming bansa, na nagkakaisa sa dalisay na pagsamba. Si Jehova ang ‘nagtuwid ng mga bagay-bagay’ sa gitna nila. Kaniyang tinuruan ang kaniyang bayan na mamuhay na may kapayapaan sa isa’t isa. Tunay nga, sa isang nababahagi at batbat ng sigalot na daigdig, kanilang makasagisag na pinukpok ang kanilang “mga tabak upang maging mga sudsod at ang kanilang mga sibat upang maging mga karit na pampungos.” Paano?
25 Isa rito ay wala silang pinapanigan sa mga digmaan ng mga bansa. Ilang oras na lamang bago ang kamatayan ni Jesus, dumating ang mga sandatahang lalaki upang dakpin siya. Nang managa si Pedro upang ipagtanggol ang kaniyang Panginoon, sinabi sa kaniya ni Jesus: “Ibalik mo ang iyong tabak sa kinalalagyan nito, sapagkat ang lahat niyaong mga kumukuha ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.” (Mateo 26:52) Mula noon, pinukpok na ng mga tagasunod ng yapak ni Jesus ang kanilang mga tabak upang maging mga sudsod at sila’y tumangging gumamit ng mga sandata upang patayin ang kanilang kapuwa-tao at suportahan ang mga kilusan sa digmaan sa iba pang paraan. Kanilang ‘itinataguyod ang pakikipagpayapaan sa lahat ng tao.’—Hebreo 12:14.
Pagtataguyod sa mga Daan ng Kapayapaan
26, 27. Paano ‘hinahanap ng bayan ng Diyos ang kapayapaan at itinataguyod iyon’? Magbigay ng halimbawa.
26 Ang kapayapaan sa bayan ng Diyos ay higit pa sa pagtanggi lamang na makisali sa digmaan. Bagaman sila ay masusumpungan sa mahigit na 230 lupain at binubuo ng di-mabilang na mga wika at kultura, natatamasa nila ang kapayapaan sa isa’t isa. Sa kanila ay nasusumpungan ang isang makabagong katuparan ng mga salita ni Jesus, na nagsabi sa kaniyang mga alagad noong unang siglo: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Ang mga Kristiyano ngayon ay mga “tagapamayapa.” (Mateo 5:9, talababa sa Ingles) Kanilang ‘hinahanap ang kapayapaan at itinataguyod ito.’ (1 Pedro 3:11) Ang umaalalay sa kanila ay si Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan.”—Roma 15:33.
27 May namumukod-tanging mga halimbawa ng mga natutong maging mga tagapamayapa. Isang kabataang lalaki ang sumulat hinggil sa kaniyang buhay noon: “Ang hirap na aking naranasan ang nagturo sa akin na ipagtanggol ang aking sarili. Ako’y naging marahas at galít sa buhay. Lagi akong napapaaway. Bawat araw, nakikipag-away ako sa iba’t ibang bata sa komunidad, kung minsan ay ginagamit ang kamao, kung minsan ay bato o bote. Lumaki akong ubod nang dahas.” Gayunman, sa dakong huli, siya’y tumugon sa paanyayang magtungo sa “bundok ng bahay ni Jehova.” Siya’y natuto ng mga daan ng Diyos at naging isang mapayapang lingkod ng Diyos.
28. Ano ang magagawa ng mga Kristiyano upang itaguyod ang kapayapaan?
28 Ang karamihan sa mga lingkod ni Jehova ay wala ng gayong marahas na pinagmulan. Gayunman, kahit na sa maliliit na bagay—mga gawa ng kabaitan, pagpapatawad, at empatiya—sinisikap nilang itaguyod ang kapayapaan sa iba. Bagaman di-sakdal, sinisikap nilang ikapit ang payo ng Bibliya na “patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at malayang patawarin ang isa’t isa kung ang sinuman ay may dahilan sa pagrereklamo laban sa iba.”—Colosas 3:13.
Isang Mapayapang Kinabukasan
29, 30. Ano ang pag-asa para sa lupa?
29 Si Jehova ay gumawa ng isang kamangha-manghang bagay sa “huling bahagi ng mga araw” na ito. Kaniyang tinipon mula sa lahat ng bansa ang mga tao na nagnanais maglingkod sa kaniya. Kaniyang tinuruan silang lumakad sa kaniyang mga daan, mga daan ng kapayapaan. Ang mga ito ang siyang makaliligtas sa dumarating na “malaking kapighatian” at makatatawid tungo sa isang mapayapang bagong sanlibutan kung saan ang digmaan ay aalisin magpakailanman.—Apocalipsis 7:14.
30 Ang mga tabak—mga sandata—ay mawawala na. Ang salmista ay sumulat hinggil sa panahong iyon: “Halikayo, masdan ninyo ang mga gawa ni Jehova, kung paano siya nagsagawa ng kagila-gilalas na mga pangyayari sa lupa. Pinatitigil niya ang mga digmaan hanggang sa dulo ng lupa. Ang busog ay binabali niya at pinagpuputul-putol ang sibat; sinusunog niya ang mga karwahe sa apoy.” (Awit 46:8, 9) Dahilan sa pag-asang ito, ang sumusunod na payo ni Isaias ay angkop na angkop ngayon gaya noong unang isulat niya ito: “O mga tao ng sambahayan ni Jacob, pumarito kayo at lumakad tayo sa liwanag ni Jehova.” (Isaias 2:5) Oo, hayaang ang liwanag ni Jehova ay tumanglaw sa ating landas ngayon, at tayo’y lalakad sa kaniyang mga daan nang walang hanggan.—Mikas 4:5.
[Talababa]
a Tingnan ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, kabanata 11, “Ito Na ang mga Huling Araw!,” na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.