Ikalabindalawang Kabanata
Huwag Matakot sa Asiryano
1, 2. (a) Mula sa pangmalas ng tao, bakit waring may mabuting dahilan si Jonas na mag-atubiling tanggapin ang kaniyang atas na mangaral sa mga Asiryano? (b) Paano tumugon sa mensahe ni Jonas ang mga taga-Nineve?
SA KALAGITNAAN ng ikasiyam na siglo B.C.E., ang propetang Hebreo na si Jonas, anak ni Amittai, ay nangahas na pumunta sa Nineve, ang kabisera ng Imperyo ng Asirya. Siya’y may sasabihing mabigat na mensahe. Sinabi sa kaniya ni Jehova: “Bumangon ka, pumaroon ka sa Nineve na dakilang lunsod, at ihayag mo laban sa kaniya na ang kanilang kasamaan ay umabot sa harap ko.”—Jonas 1:2, 3.
2 Nang una niyang tanggapin ang kaniyang atas, si Jonas ay tumalilis patungo sa kabilang direksiyon, tungo sa Tarsis. Mula sa pangmalas ng tao, si Jonas ay may katuwirang mag-atubili. Ang mga Asiryano ay malulupit na tao. Pansinin kung paano nakitungo ang isang Asiryanong monarka sa kaniyang mga kaaway: “Pinutol ko ang mga braso’t paa ng mga opisyal . . . Marami sa mga bihag ang sinunog ko sa apoy, at marami ang kinuha ko bilang bihag na buháy. Ang ilan ay pinutulan ko ng kanilang mga kamay at ng kanilang mga daliri, at ang iba ay pinungusan ko ng kanilang mga ilong.” Gayunman, nang sa wakas ay ipahayag ni Jonas ang mensahe ni Jehova, ang mga taga-Nineve ay nagsisi sa kanilang mga kasalanan at pinatawad ni Jehova ang lunsod noong panahong iyon.—Jonas 3:3-10; Mateo 12:41.
Ginamit ni Jehova “ang Tungkod”
3. Paano naiiba ang reaksiyon ng mga Israelita sa mga babalang ipinahayag ng mga propeta ni Jehova kaysa sa mga taga-Nineve?
3 Tumugon ba ang mga Israelitang pinangaralan din ni Jonas? (2 Hari 14:25) Hindi. Sila’y tumalikod sa dalisay na pagsamba. Sa katunayan, sila’y humantong pa nga ‘sa pagyukod sa buong hukbo ng langit at paglilingkod kay Baal.’ Higit pa rito, “patuloy nilang pinaraan ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae sa apoy at nanghula sila at naghanap ng mga tanda, at patuloy nilang ipinagbili ang kanilang sarili sa paggawa ng masama sa paningin ni Jehova, upang galitin siya.” (2 Hari 17:16, 17) Di-tulad ng mga taga-Nineve, hindi tumugon ang Israel nang isugo ni Jehova ang mga propeta upang babalaan sila. Kaya nagpasiya si Jehova na gumawa ng mas matinding hakbangin.
4, 5. (a) Ano ang kahulugan ng “Asiryano,” at paano siya gagamitin ni Jehova bilang isang “tungkod”? (b) Kailan bumagsak ang Samaria?
4 Sa loob ng ilang panahon matapos dalawin ni Jonas ang Nineve, nabawasan ang pananalakay ng Asiryano.a Gayunman, sa pasimula ng ikawalong siglo B.C.E., muling ipinakilala ng Asirya ang sarili bilang isang kapangyarihang militar, at ginamit ito ni Jehova sa isang kagila-gilalas na paraan. Inihatid ni propeta Isaias ang isang babala mula kay Jehova sa kaharian ng Israel sa hilaga: “Aha, ang Asiryano, ang tungkod ng aking galit, at ang pamalo na nasa kanilang kamay para sa aking pagtuligsa! Laban sa isang bansang apostata ay isusugo ko siya, at laban sa bayan ng aking poot ay uutusan ko siya, na kumuha ng maraming samsam at kumuha ng maraming madadambong at iyon ay gawing isang dakong niyuyurakan na parang luwad sa mga lansangan.”—Isaias 10:5, 6.
5 Kay laking kahihiyan para sa mga Israelita! Gagamitin ng Diyos ang isang paganong bansa—“ang Asiryano”—bilang isang “tungkod” upang parusahan sila. Noong 742 B.C.E., kinubkob ni Haring Shalmaneser V ng Asirya ang Samaria, ang kabisera ng apostatang bansang Israel. Mula sa estratehikong lugar nito sa isang burol na may 90 metro ang taas, nahadlangan ng Samaria ang kaaway sa loob ng halos tatlong taon. Subalit hindi maaaring hadlangan ng anumang estratehiya ng tao ang layunin ng Diyos. Noong 740 B.C.E., bumagsak ang Samaria, niyurakan ng mga paa ng Asiryano.—2 Hari 18:10.
6. Sa paanong paraan hinigitan ng Asiryano kung ano ang nasa isip ni Jehova para sa kaniya?
6 Bagaman ginamit ni Jehova upang turuan ng leksiyon ang kaniyang bayan, ang mga Asiryano sa ganang sarili ay hindi kumikilala kay Jehova. Kaya siya’y patuloy na nagsabi: “Bagaman maaaring hindi gayon [ang Asiryano] ay nanaisin niya; bagaman maaaring hindi gayon ang kaniyang puso, siya ay magpapakana, sapagkat ang mangwasak ay nasa kaniyang puso, at ang manlipol ng hindi kakaunting mga bansa.” (Isaias 10:7) Nilayon ni Jehova na maging instrumento ang Asiryano sa kamay ng Diyos. Subalit iba naman ang nadarama ng Asiryano. Ang kaniyang puso ay nag-udyok sa kaniya na magpakana ng mas dakilang bagay—ang pananakop sa kilala noong sanlibutan!
7. (a) Ipaliwanag ang pananalitang “Hindi ba ang aking mga prinsipe ay mga hari rin?” (b) Ano ang dapat tandaan ng mga tumatalikod kay Jehova ngayon?
7 Marami sa mga di-Israelitang lunsod na sinakop ng Asiryano ang dating pinamamahalaan ng mga hari. Ang mga dating haring ito ay kailangan ngayong magpasakop sa hari ng Asirya bilang mga basalyong prinsipe, anupat siya’y talagang makapaghahambog: “Hindi ba ang aking mga prinsipe ay mga hari rin?” (Isaias 10:8) Ang huwad na mga diyos ng kilalang mga lunsod ng mga bansa ay hindi nakapagligtas sa mga sumasamba sa kanila mula sa pagkapuksa. Ang mga diyos na sinamba ng mga tumatahan sa Samaria, tulad nina Baal, Molec, at ang mga ginintuang guya, ay hindi makapagsasanggalang sa lunsod na iyon. Yamang tinalikuran nila si Jehova, walang karapatan ang Samaria na umasang siya’y mamamagitan. Nawa’y tandaan ng sinumang tumatalikod kay Jehova ngayon ang masamang nangyari sa Samaria! Maaari ngang ipagmalaki ng Asiryano ang tungkol sa Samaria at sa iba pang mga lunsod na kaniyang sinakop: “Hindi ba ang Calno ay gaya rin ng Carkemis? Hindi ba ang Hamat ay gaya rin ng Arpad? Hindi ba ang Samaria ay gaya rin ng Damasco?” (Isaias 10:9) Silang lahat ay pare-pareho sa Asiryano—samsam na kukunin niya.
8, 9. Bakit nagmalabis ang Asiryano nang isaplano niyang sakupin ang Jerusalem?
8 Gayunman, ang Asiryano ay nagmalabis sa kaniyang paghahambog. Sinabi niya: “Kailanma’t naabot ng aking kamay ang mga kaharian ng walang-silbing diyos na ang mga nililok na imahen nito ay mas marami kaysa roon sa nasa Jerusalem at nasa Samaria, hindi ba mangyayari na kung ano ang gagawin ko sa Samaria at sa kaniyang mga walang-silbing diyos, gayon nga ang gagawin ko sa Jerusalem at sa kaniyang mga idolo?” (Isaias 10:10, 11) Ang mga kahariang tinalo na ng Asiryano ay nagtataglay ng mas maraming idolo kaysa sa Jerusalem o maging sa Samaria. ‘Ano,’ pangangatuwiran niya, ‘ang makahahadlang sa akin upang gawin sa Jerusalem kung ano ang ginawa ko sa Samaria?’
9 Napakahambog niya! Hindi siya pahihintulutan ni Jehova na sakupin ang Jerusalem. Totoo, hindi taglay ng Juda ang walang batik na rekord sa pagtataguyod ng tunay na pagsamba. (2 Hari 16:7-9; 2 Cronica 28:24) Nagbabala si Jehova na dahilan sa kaniyang kataksilan, ang Juda ay magdurusa nang malaki sa pagsalakay ng Asiryano. Subalit ang Jerusalem ay makaliligtas. (Isaias 1:7, 8) Nang maganap ang pagsalakay ng Asiryano, si Hezekias ang hari sa Jerusalem. Si Hezekias ay hindi gaya ng kaniyang ama, si Ahaz. Aba, sa kauna-unahang buwan ng kaniyang paghahari, muling binuksan ni Hezekias ang mga pintuan ng templo at isinauli ang dalisay na pagsamba!—2 Cronica 29:3-5.
10. Ano ang ipinangako ni Jehova hinggil sa Asiryano?
10 Kaya ang isinaplanong pagsalakay ng Asirya sa Jerusalem ay walang pagsang-ayon ni Jehova. Ipinangako ni Jehova na makikipagsulit siya sa walang pakundangang kapangyarihang pandaigdig na iyon: “At mangyayari nga na kapag winakasan ni Jehova ang lahat ng kaniyang gawa sa Bundok Sion at sa Jerusalem, ako ay makikipagsulit dahil sa bunga ng kawalang-pakundangan ng puso ng hari ng Asirya at dahil sa kapalaluan ng pagmamataas ng kaniyang mga mata.”—Isaias 10:12.
Sulong sa Juda at Jerusalem!
11. Bakit inisip ng Asiryano na ang Jerusalem ay magiging walang kalaban-laban?
11 Walong taon pagkatapos bumagsak ang kaharian sa hilaga noong 740 B.C.E., isang bagong Asiryanong monarka, si Senakerib, ang nagmartsa laban sa Jerusalem. Matulaing inilarawan ni Isaias ang palalong plano ni Senakerib: “Aalisin ko ang mga hangganan ng mga bayan, at ang kanilang mga bagay na nakaimbak ay tiyak na sasamsamin ko, at ibababa ko ang mga tumatahan na gaya ng isang makapangyarihan. At parang isang pugad, aabutin ng aking kamay ang yaman ng mga bayan; at gaya ng pagtitipon ng mga itlog na naiwan, titipunin ko nga ang buong lupa, at tiyak na walang sinumang magpapagaspas ng kaniyang mga pakpak o magbubuka ng kaniyang bibig o huhuni.” (Isaias 10:13, 14) Nangatuwiran si Senakerib na ang ibang mga lunsod ay bumagsak na at wala na ang Samaria, kaya tiyak na walang kalaban-laban ang Jerusalem! Ang lunsod ay maaaring lumaban nang bahagya, subalit wala pang isang huni, ang mga naninirahan dito ay madaling masasakop, maaalis ang kanilang yaman tulad ng mga itlog sa isang iniwang pugad.
12. Ano ang ipinakita ni Jehova na siyang tamang pangmalas sa bagay-bagay may kaugnayan sa paghahambog ng Asirya?
12 Gayunman, isang bagay ang nakalimutan ni Senakerib. Ang apostatang Samaria ay karapat-dapat sa parusang tinanggap nito. Gayunman, sa ilalim ni Haring Hezekias, ang Jerusalem ay muli na namang naging isang tanggulan ng dalisay na pagsamba. Sinumang nagnanais gumalaw sa Jerusalem ay dapat na makipagtuos kay Jehova! Si Isaias ay pagalit na nagtanong: “Magmamagaling ba ang palakol sa nagsisibak sa pamamagitan nito, o dadakilain ba ng lagari ang sarili nito sa nagpapagalaw niyaon nang paroo’t parito, na para bang ang baston ang siyang nagpapagalaw nang paroo’t parito sa mga nagtataas niyaon, na para bang ang tungkod ang siyang nagtataas sa isa na hindi kahoy?” (Isaias 10:15) Ang Imperyo ng Asirya ay isa lamang kasangkapan sa kamay ni Jehova, kung paanong ang isang palakol, ang isang lagari, ang isang baston, o ang isang tungkod ay maaaring gamitin ng isang nangangahoy, naglalagari, o ng isang pastol. Ano’t maglalakas-loob ang tungkod na dakilain ang sarili nang higit kaysa sa isa na gumagamit nito!
13. Ipakilala at sabihin kung ano ang nangyari sa (a) “mga taong matataba.” (b) ‘mga panirang-damo at mga tinikang-palumpong.’ (c) “kaluwalhatian ng kaniyang kagubatan.”
13 Ano ang mangyayari sa Asiryano? “Ang tunay na Panginoon, si Jehova ng mga hukbo, ay patuloy na magpapasapit ng nakagugupong karamdaman sa kaniyang mga taong matataba, at sa ilalim ng kaniyang kaluwalhatian ay isang ningas ang patuloy na magniningas na gaya ng ningas ng apoy. At ang Liwanag ng Israel ay magiging isang apoy, at ang kaniyang Banal ay magiging isang liyab; at ito ay lalagablab at lalamunin ang kaniyang mga panirang-damo at ang kaniyang mga tinikang-palumpong sa isang araw. At ang kaluwalhatian ng kaniyang kagubatan at ng kaniyang taniman ay Kaniyang pasasapitin sa kawakasan, mula nga sa kaluluwa hanggang sa laman, at ito ay magiging gaya ng panlulupaypay ng isang maysakit. At ang iba pang punungkahoy sa kaniyang kagubatan—ang kanilang bilang ay magiging gaya niyaong maisusulat ng isang bata lamang.” (Isaias 10:16-19) Oo, hihiyain ni Jehova ang Asiryanong “tungkod” na iyon! Ang “taong matataba” ng hukbong Asiryano, ang matataba niyang mga sundalo, ay tatamaan ng “nakagugupong karamdaman.” Hindi na sila magmumukhang malalakas! Gaya ng maraming panirang-damo at mga tinikang-palumpong, ang mga sundalong pangkatihan ay susunugin ng Liwanag ng Israel, ang Diyos na Jehova. At “ang kaluwalhatian ng kaniyang kagubatan,” ang mga opisyal niya sa militar, ay sasapit sa kanilang wakas. Kapag tinapos na ni Jehova ang mga Asiryano, iilan na lamang opisyal ang matitira anupat isang bata lamang ang bibilang sa kanila sa kaniyang mga daliri!—Tingnan din ang Isaias 10:33, 34.
14. Ilarawan ang pag-abante ng Asiryano sa lupa ng Juda noong 732 B.C.E.
14 Gayunman, naging mahirap para sa mga Judiong nabubuhay sa Jerusalem noong 732 B.C.E. na maniwalang matatalo ang Asiryano. Ang malaking hukbo ng Asiryano ay umabante nang walang-lubag. Pakinggan ang listahan ng mga lunsod ng Juda na bumagsak na: “Dumating siya sa Aiat . . . Migron . . . Micmash . . . Geba . . . Rama . . . Gabaa ni Saul . . . Galim . . . Laisa . . . Anatot . . . Madmena . . . Gebim . . . Nob.” (Isaias 10:28-32a)b Sa wakas ang manlulusob ay umabot sa Lakish, 50 kilometro lamang mula sa Jerusalem. Di-natagalan at isang malaking hukbo ng Asiryano ang nagbabanta sa lunsod. “Ikinakaway niya ang kaniyang kamay nang may pagbabanta laban sa bundok ng anak na babae ng Sion, ang burol ng Jerusalem.” (Isaias 10:32b) Ano ang makahahadlang sa Asiryano?
15, 16. (a) Bakit kailangang magkaroon si Haring Hezekias ng matibay na pananampalataya? (b) Anong saligan mayroon para manampalataya si Hezekias na tutulungan siya ni Jehova?
15 Sa kaniyang palasyo sa lunsod, si Haring Hezekias ay nababalisa. Kaniyang hinapak ang kaniyang kasuutan at nagsuot ng telang sako. (Isaias 37:1) Isinugo niya ang mga lalaki kay propeta Isaias upang sumangguni kay Jehova alang-alang sa Juda. Di-nagtagal at sila’y bumalik taglay ang kasagutan ni Jehova: “Huwag kang matakot . . . tiyak na ipagtatanggol ko ang lunsod na ito.” (Isaias 37:6, 35) Gayunman, ang mga Asiryano ay patuloy na nagbabanta at may sukdulang pagtitiwala.
16 Pananampalataya—ito ang magbibigay-lakas kay Haring Hezekias upang malampasan ang krisis na ito. Ang pananampalataya ay “ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Nasasangkot dito ang pagkakaroon ng unawa nang higit pa sa lantarang nakikita. Subalit ang pananampalataya ay salig sa kaalaman. Malamang na natatandaan ni Hezekias na una pa ay sinabi na ni Jehova ang nakaaaliw na mga salitang ito: “Huwag kang matakot, O bayan kong nananahanan sa Sion, dahil sa Asiryano . . . Sapagkat kaunting-kaunting panahon pa—at ang pagtuligsa ay sasapit na sa kawakasan, at ang aking galit, sa kanilang paglalaho. At si Jehova ng mga hukbo ay tiyak na magwawasiwas laban sa kaniya ng isang panghagupit gaya noong pagkatalo ng Midian sa tabi ng batong Oreb; at ang kaniyang baston ay malalagay sa dagat, at tiyak na itataas niya iyon ayon sa paraang ginawa niya sa Ehipto.” (Isaias 10:24-26)c Oo, ang bayan ng Diyos ay napalagay na noon sa mahihirap na kalagayan. Ang mga ninuno ni Hezekias ay waring walang pag-asang nalalamangan ng hukbo ng Ehipto sa Dagat na Pula. Mga siglo bago pa nito, si Gideon ay daig na daig sa bilang nang salakayin ng Midian at Amalek ang Israel. Gayunman, iniligtas ni Jehova ang kaniyang bayan sa dalawang pagkakataong iyon.—Exodo 14:7-9, 13, 28; Hukom 6:33; 7:21, 22.
17. Paano “masisira” ang pamatok ng Asiryano, at bakit?
17 Gagawin bang muli ni Jehova ang kaniyang ginawa sa naunang mga pangyayaring iyon? Oo. Si Jehova ay nangako: “Mangyayari sa araw na iyon na ang kaniyang pasan ay mahihiwalay mula sa iyong balikat, at ang kaniyang pamatok mula sa iyong leeg, at ang pamatok ay tiyak na masisira dahil sa langis.” (Isaias 10:27) Ang pamatok ng Asiryano ay aalisin sa balikat at leeg ng tipang bayan ng Diyos. Sa katunayan, ang pamatok ay “masisira”—at talagang nasira iyon! Sa isang gabi, ang anghel ni Jehova ay pumatay ng 185,000 Asiryano. Ang pagbabanta ay inalis, at nilisan ng mga Asiryano ang lupa ng Juda magpakailanman. (2 Hari 19:35, 36) Bakit? “Dahil sa langis.” Ito’y maaaring tumutukoy sa langis na ginamit sa pagpapahid kay Hezekias bilang hari sa linya ni David. Kaya, tinupad ni Jehova ang kaniyang pangako: “Tiyak na ipagtatanggol ko ang lunsod na ito upang iligtas alang-alang sa aking sarili at alang-alang kay David na aking lingkod.”—2 Hari 19:34.
18. (a) Ang hula ba ni Isaias ay may higit pa kaysa isang katuparan? Ipaliwanag. (b) nong organisasyon ngayon ang kagaya ng sinaunang Samaria?
18 Ang ulat ng Isaias na tinalakay sa kabanatang ito ay may kaugnayan sa mga pangyayari sa Juda mahigit nang 2,700 taon ang nakararaan. Subalit ang mga pangyayaring iyon ay may lubos na kahulugan sa ngayon. (Roma 15:4) Ito ba’y nangangahulugang ang mga pangunahing gumaganap sa kapana-panabik na salaysay na ito—ang naninirahan sa Samaria at Jerusalem at gayundin ang mga Asiryano—ay may mga katumbas sa makabagong-panahon? Oo, mayroon nga. Kagaya ng idolatrosong Samaria, inaangkin ng Sangkakristiyanuhan na siya’y sumasamba kay Jehova, subalit siya’y talagang apostata. Sa An Essay on the Development of Christian Doctrine, inamin ng Romano Katolikong si John Henry Cardinal Newman na ang mga bagay na ginamit ng Sangkakristiyanuhan sa loob ng maraming siglo, tulad ng insenso, kandila, banal na tubig, kasuutan ng mga pari, at mga imahen, “ay pawang may paganong pinagmulan.” Si Jehova ay hindi nalulugod sa makapaganong pagsamba ng Sangkakristiyanuhan na gaya rin sa idolatriya ng Samaria.
19. Sa ano binabalaan ang Sangkakristiyanuhan, at sa pamamagitan nino?
19 Sa loob ng maraming taon, ang mga Saksi ni Jehova ay nagbabala sa Sangkakristiyanuhan hinggil sa kawalang-kaluguran ni Jehova sa kaniya. Halimbawa noong 1955, ang pahayag pangmadlang may pamagat na “Sangkakristiyanuhan o Pagka-Kristiyano—Alin ‘ang Liwanag ng Sanlibutan’?” ay ipinahayag sa buong daigdig. Ang pahayag ay buong linaw na nagpaliwanag kung paano lumihis ang Sangkakristiyanuhan mula sa tunay na Kristiyanong doktrina at gawain. Pagkatapos, ipinadala sa pamamagitan ng koreo ang mga kopya ng matinding pahayag na ito sa mga klerigo sa maraming bansa. Bilang isang organisasyon, ang Sangkakristiyanuhan ay hindi nakinig sa babala. Wala nang mapagpipilian si Jehova kundi ang disiplinahin siya sa pamamagitan ng isang “tungkod.”
20. (a) Ano ang tatayo bilang makabagong-panahong Asiryano, at paano ito gagamitin bilang isang tungkod? (b) Hanggang saan didisiplinahin ang Sangkakristiyanuhan?
20 Sino ang gagamitin ni Jehova upang disiplinahin ang mapaghimagsik na Sangkakristiyanuhan? Masusumpungan natin ang kasagutan sa ika-17 kabanata ng Apocalipsis. Doon ay ipinakilala sa atin ang isang patutot, ang “Babilonyang Dakila,” na kumakatawan sa lahat ng mga huwad na relihiyon sa daigdig, lakip na ang Sangkakristiyanuhan. Ang patutot ay nakasakay sa isang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay. (Apocalipsis 17:3, 5, 7-12) Ang mabangis na hayop ay kumakatawan sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa.d Kung paanong pinuksa ng sinaunang Asirya ang Samaria, ang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop ay “mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang malalamán niyang bahagi at lubusan siyang susunugin sa apoy.” (Apocalipsis 17:16) Kaya ang makabagong panahong Asiryano (mga bansang may kaugnayan sa UN) ay maglalapat sa Sangkakristiyanuhan ng matinding dagok at dudurog sa kaniya nang lubusan upang hindi na umiral pa.
21, 22. Sino ang magsusulsol sa mabangis na hayop upang salakayin ang bayan ng Diyos?
21 Ang tapat bang mga Saksi ni Jehova ay malilipol kasama ng Babilonyang Dakila? Hindi. Ang Diyos ay hindi galit sa kanila. Makaliligtas ang dalisay na pagsamba. Gayunman, ang mabangis na hayop na pupuksa sa Babilonyang Dakila ay may pagkagahamang babaling din sa bayan ni Jehova. Sa paggawa nito, isasakatuparan ng hayop, hindi ang kaisipan ng Diyos, kundi ang kaisipan ng iba. Nino? Ni Satanas na Diyablo.
22 Isinisiwalat ni Jehova ang palalong pakana ni Satanas: “Mangyayari sa araw na iyon na may mga bagay na papasok sa iyong puso [ni Satanas], at ikaw ay tiyak na mag-iisip ng isang mapaminsalang pakana; at sasabihin mo: ‘Aahon ako laban sa . . . mga walang kaligaligan, na tumatahang tiwasay, silang lahat na tumatahang walang [pananggalang na] pader . . .’ Ito ay sa layuning manguha ng malaking samsam at gumawa ng maraming pandarambong.” (Ezekiel 38:10-12) Si Satanas ay mangangatuwiran, ‘Oo, bakit nga ba hindi sulsulan ang mga bansa na salakayin ang mga Saksi ni Jehova? Sila’y mahina, walang proteksiyon, walang impluwensiya sa pulitika. Wala silang kalaban-laban. Kay dali nilang dukutin na gaya ng mga itlog mula sa pugad na walang proteksiyon!’
23. Bakit hindi kayang gawin ng makabagong-panahong Asiryano sa bayan ng Diyos kung ano ang ginawa niya sa Sangkakristiyanuhan?
23 Subalit mag-ingat kayo, mga bansa! Alamin ninyo na kapag ginalaw ninyo ang bayan ni Jehova, kayo’y magsusulit mismo sa Diyos! Iniibig ni Jehova ang kaniyang bayan, at ipaglalaban niya sila kung paanong ipinaglaban niya ang Jerusalem noong mga kaarawan ni Hezekias. Kapag sinikap ng makabagong-panahong Asiryano na lipulin ang mga lingkod ni Jehova, siya sa katunayan ay makikipaglaban sa Diyos na Jehova at sa Kordero, si Jesu-Kristo. Ito’y digmaan na hindi mapagwawagian ng Asiryano. “Dadaigin sila ng Kordero,” sabi ng Bibliya, “dahil sa siya ay Panginoon ng mga panginoon at Hari ng mga hari.” (Apocalipsis 17:14; ihambing ang Mateo 25:40.) Kagaya ng Asiryano noong una, ang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop ay “patungo sa pagkapuksa.” Hindi na ito katatakutan pa.—Apocalipsis 17:11.
24. (a) Ano ang determinadong gawin ng mga tunay na Kristiyano upang makapaghanda sa hinaharap? (b) Paanong si Isaias ay tumitingin pa sa hinaharap? (Tingnan ang kahon sa pahina 155.)
24 Maaaring harapin ng mga tunay na Kristiyano ang kinabukasan nang walang takot kung iingatan nilang matibay ang kanilang kaugnayan kay Jehova at kung gagawin nila ang kaniyang kalooban bilang pangunahin nilang tunguhin sa buhay. (Mateo 6:33) Kung gayo’y wala na silang ‘katatakutang masama.’ (Awit 23:4) Sa pamamagitan ng kanilang mga mata ng pananampalataya, makikita nilang nakataas ang makapangyarihang bisig ng Diyos, hindi upang parusahan sila, kundi upang ipagsanggalang sila mula sa kaniyang mga kaaway. At maririnig ng kanilang mga tainga ang mga nagbibigay-kasiguruhang mga salitang ito: “Huwag kang matakot.”—Isaias 10:24.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 203.
b Ukol sa ikaliliwanag, una munang tinalakay ang Isaias 10:28-32 bago ang Isaias 10:20-27.
c Para sa pagtalakay ng Isaias 10:20-23, tingnan ang “Si Isaias ay Tumitingin Pa sa Hinaharap,” sa pahina 155.
d Ang karagdagang impormasyon hinggil sa pagkakakilanlan ng patutot at ng kulay matingkad-pulang mabangis na hayop ay masusumpungan sa mga kabanata 34 at 35 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 155, 156]
SI ISAIAS AY TUMITINGIN PA SA HINAHARAP
Pangunahing ipinakikita ng ika-10 kabanata ng Isaias kung paano gagamitin ni Jehova ang paglusob ng Asiryano upang igawad ang kahatulan sa Israel at ang hinggil sa kaniyang pangako na ipagtatanggol ang Jerusalem. Yamang ang mga Isa 10 talatang 20 hanggang 23 ay nasa gitna ng hulang ito, maaaring malasin na ang mga ito ay nagkaroon ng pangkalahatang katuparan noong panahon ding iyon. (Ihambing ang Isaias 1:7-9.) Gayunman, ang mga salitang ginamit ay nagpapakitang ang mga talatang ito ay kumakapit lalo na sa dakong huli kapag ang Jerusalem ay mananagot din sa mga kasalanan ng kaniyang mga mamamayan.
Sinikap ni Haring Ahaz na tamuhin ang kasiguruhan sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa Asirya. Inihula ni propeta Isaias na sa dumarating na panahon, ang mga makaliligtas sa sambahayan ni Israel ay hindi na muling magtataguyod ng gayong walang kabuluhang landasin. Ang Isaias 10:20 ay nagsasabi na “sasandig sila kay Jehova, ang Banal ng Israel, sa katapatan.” Gayunman, ang Isa 10 talatang 21 ay nagpapakita na isa lamang maliit na bilang ang gagawa niyaon: “Isang nalabi lamang ang babalik.” Ipinaaalaala nito sa atin ang tungkol sa anak na lalaki ni Isaias na si Sear-jasub, na naging isang tanda sa Israel at na ang pangalan ay nangangahulugang “Isang Nalabi Lamang ang Babalik.” (Isaias 7:3) Ang Isa 10 talatang 22 ng kabanata 10 ay nagbababala hinggil sa dumarating na “paglipol” na napagpasiyahan na. Ang gayong paglipol ay magiging matuwid sapagkat iyon ay isang makatuwirang parusa sa isang mapaghimagsik na bayan. Bilang resulta, mula sa isang mataong bansa na “gaya ng mga butil ng buhangin sa dagat,” isang nalabi lamang ang babalik. Ang Isa 10 talatang 23 ay nagbababala na ang dumarating na pagkalipol ay makaaapekto sa buong lupain. Ang Jerusalem ay hindi makaliligtas sa pagkakataong ito.
Ang mga talatang ito ay naglalarawang mabuti sa nangyari noong 607 B.C.E. nang gamitin ni Jehova ang Imperyo ng Babilonya bilang kaniyang “tungkod.” Ang buong lupain, lakip na ang Jerusalem, ay bumagsak sa manlulusob. Ang mga Judio ay dinalang bihag sa Babilonya sa loob ng 70 taon. Gayunman, pagkatapos nito, ang ilan—kahit na “isang nalabi lamang”—ang nagbalik upang muling magtatag ng tunay na pagsamba sa Jerusalem.
Ang hula sa Isaias 10:20-23 ay nagkaroon ng higit pang katuparan noong unang siglo, gaya ng ipinakita sa Roma 9:27, 28. (Ihambing ang Isaias 1:9; Roma 9:29.) Ipinaliwanag ni Pablo na sa espirituwal na diwa, isang “nalabi” ng mga Judio ang ‘nagbalik’ kay Jehova noong unang siglo C.E., palibhasa’y isang maliit na bilang ng mga tapat na Judio ang naging mga tagasunod ni Jesu-Kristo at nagpasimulang sumamba kay Jehova “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Sumama sa mga ito sa dakong huli ang sumasampalatayang mga Gentil, na bumubuo ng isang espirituwal na bansa, “ang Israel ng Diyos.” (Galacia 6:16) Sa pagkakataong ito ang mga salita ng Isaias 10:20 ay natupad: “Hindi na muling” tumalikod ang isang bansang nakaalay kay Jehova upang humingi ng tulong sa mga tao.
[Larawan sa pahina 147]
Nangatuwiran si Senakerib na ang pagtitipon sa mga bansa ay kasindali ng pagtitipon ng mga itlog mula sa isang pugad