KABANATA 22
Isinasakatuparan ng Kaharian ang Kalooban ng Diyos sa Lupa
1, 2. (a) Bakit mahirap isipin kung minsan na totoo ang Paraiso? (b) Ano ang makatutulong para mapatibay ang ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos?
DUMATING sa pulong ang isang tapat na brother, pagod na pagod sa maghapong pagtatrabaho. Ang daming utos ng amo niya, ang dami rin niyang responsibilidad sa pamilya, at may sakit pa ang asawa niya. Nang tumugtog na ang musika para sa pambukas na awit, gumaan ang pakiramdam niya; natutuwa siya at nasa Kingdom Hall siya kasama ang mga kapatid. Ang awit ay tungkol sa buhay sa Paraiso, at sinasabi sa liriko na isipin niyang nasa Paraiso na siya. Paborito niya ang awit na ito, at habang kumakanta kasabay ng kaniyang pamilya, nanaig sa puso niya ang pag-asa sa hinaharap.
2 Karamihan sa atin ay may ganiyan ding karanasan. Pero hindi natin maikakaila na kung minsan, nahihirapan tayong isipin na totoo ang Paraiso dahil sa kalagayan natin sa lumang sistemang ito. Nabubuhay tayo sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” at ang mundong ito ay malayong-malayo sa Paraiso. (2 Tim. 3:1) Ano ang makatutulong para maging mas totoo sa atin ang ating pag-asa? Buweno, paano ba natin nalaman na malapit nang mamahala ang Kaharian ng Diyos sa lahat ng tao? Isaalang-alang natin ang ilan sa mga hula ni Jehova na nakita ng kaniyang bayan na natupad noon. Pagkatapos, talakayin natin kung paano natutupad ang mga hulang ito at ang iba pa sa panahon natin. Bilang panghuli, talakayin naman natin kung paano ito matutupad sa hinaharap.
Kung Paano Tinupad Noon ni Jehova ang Kaniyang mga Pangako
3. Anong pangako ang nakaaliw sa mga Judiong tapon sa Babilonya?
3 Isip-isipin ang buhay ng mga Judiong tapon sa Babilonya noong ikaanim na siglo B.C.E. Napakahirap ng kalagayan nila, at marami ang namulat bilang tapon, gaya rin ng kanilang mga magulang. Tinutuya sila ng mga Babilonyo dahil sa pananampalataya nila kay Jehova. (Awit 137:1-3) Pero sa paglipas ng mga dekada, patuloy na nanghahawakan ang tapat na mga Judio sa napakagandang pangakong ito: Isasauli ni Jehova ang kaniyang bayan sa kanilang lupain. Sinabi ni Jehova na magiging maganda ang kalagayan doon. Inihalintulad pa nga niya ang isinauling lupain ng Juda sa hardin ng Eden—isang paraiso! (Basahin ang Isaias 51:3.) Maliwanag na nilayon ang mga hulang iyon para tiyakin sa bayan ng Diyos na wala silang dapat ikabahala. Bakit natin nasabi? Tingnan natin ang ilan sa mga hula.
4. Paano tiniyak ni Jehova sa mga Judio na magiging tiwasay sila sa kanilang sariling lupain?
4 Katiwasayan. Hindi literal na paraiso ang babalikan ng mga Judio, kundi isang malayong lupain na 70 taon nang tiwangwang, isang lupain na iilan lang sa kanila ang nakakita. Karaniwan lang sa mga lupain noong panahon ng Bibliya ang mga leon, lobo, leopardo, at iba pang mababangis na hayop. Baka maisip ng isang ama, ‘Paano ko poproteksiyunan ang asawa’t mga anak ko? Paano na ang mga tupa at baka namin?’ Natural lang na mabahala sila. Pero isipin kung paano sila naaliw sa pangako ng Diyos na iniulat sa Isaias 11:6-9. (Basahin.) Sa hulang iyon, tiniyak ni Jehova na magiging ligtas sila at ang kanilang mga alagang hayop. Ang leon ay kakain ng dayami, sa diwa na hindi nito lalapain ang baka ng mga Judio. Ang mga tapat ay walang dapat ikatakot sa mababangis na hayop. Nangako si Jehova na magiging ligtas ang kaniyang bayan sa isinauling lupain ng Juda, maging sa ilang at sa kagubatan.—Ezek. 34:25.
5. Anong mga hula ang nakatulong sa mga babalik na tapon na magtiwalang sagana silang paglalaanan ni Jehova?
5 Kasaganaan. Maaaring may iba pa silang ikinababahala. ‘Mapakakain ko ba roon ang pamilya ko? Saan kami titira? May trabaho kaya roon, at mas magaan kaya iyon kaysa sa trabaho namin sa Babilonya?’ Sa pamamagitan ng kinasihang mga hula, muling tiniyak ni Jehova sa bayan na hindi sila dapat mag-alala. Ipinangako ni Jehova na makaaasa sa ulan ang kaniyang masunuring bayan, kaya ang lupa ay magbubunga nang sagana. (Isa. 30:23) Kung tungkol naman sa tirahan at trabaho, ipinangako ni Jehova: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain.” (Isa. 65:21, 22) Oo, di-hamak na mas maganda ang magiging buhay nila kumpara noong nasa ilalim pa sila ng paganong Babilonya. Pero kumusta naman ang pinakamalala nilang mga problema—ang naging dahilan ng pagkatapon nila?
6. Ano ang matagal nang sakit ng bayan ng Diyos? Pero ano ang tiniyak ni Jehova sa mga babalik na tapon?
6 Espirituwal na kalusugan. Bago pa man maging tapon, may sakit na sa espirituwal ang bayan ng Diyos. Sa pamamagitan ni propeta Isaias, sinabi ni Jehova tungkol sa kaniyang bayan: “Ang buong ulo ay may sakit, at ang buong puso ay mahina.” (Isa. 1:5) Sila ay mga bulag at bingi sa espirituwal dahil nagbibingi-bingihan sila sa mga payo ni Jehova at ipinipikit ang kanilang mga mata sa kaliwanagan. (Isa. 6:10; Jer. 5:21; Ezek. 12:2) Kung sasalutin ng gayon ding mga problema ang babalik na mga tapon, magiging tiwasay kaya sila? Hindi ba’t maiwawala lang uli nila ang pagsang-ayon ni Jehova? Talagang nakaaaliw ang pangako ni Jehova: “Sa araw na iyon ay tiyak na maririnig ng mga bingi ang mga salita ng aklat, at mula sa karimlan at mula sa kadiliman ay makakakita maging ang mga mata ng mga bulag.” (Isa. 29:18) Oo, pagagalingin ni Jehova sa espirituwal ang kaniyang bayan na nagsisi at tumanggap ng disiplina. Hangga’t nakikinig sila at sumusunod kay Jehova, maglalaan siya ng nagbibigay-buhay na direksiyon at kaliwanagan.
7. Paano natupad ang mga pangako ng Diyos sa mga Judiong tapon? Bakit iyon nakapagpapatibay ng pananampalataya?
7 Tinupad ba ni Jehova ang kaniyang mga pangako? Sinasagot iyan ng kasaysayan. Ang mga Judiong bumalik sa kanilang lupain ay pinagpala ng katiwasayan, kasaganaan, at espirituwal na kalusugan. Halimbawa, ipinagsanggalang sila ni Jehova mula sa kalapít na mga bansa na mas malakas at mas malaki kaysa sa kanila. Hindi nilipol ng mababangis na hayop ang mga alagang hayop ng mga Judio. Totoo, hindi nakita ng mga Judio ang lubusang katuparan ng mga hula ng mga propetang gaya nina Isaias, Jeremias, at Ezekiel tungkol sa Paraiso—pero kapana-panabik pa rin at masasabing sapat na sa panahong iyon ang nakitang katuparan ng bayan ng Diyos noon. Kung bubulay-bulayin natin ang ginawa noon ni Jehova para sa kaniyang bayan, lalong titibay ang ating pananampalataya. Kung ang unang katuparan ng mga hulang iyon ay kapana-panabik na, paano pa kaya ang mas malaking katuparan? Talakayin naman natin ang ginagawa ni Jehova ngayon para sa atin.
Tinutupad Din ni Jehova sa Ngayon ang mga Pangako Niya
8. Anong “lupain” ang tinatamasa ng bayan ng Diyos sa ngayon?
8 Ang bayan ni Jehova sa ngayon ay hindi literal na bansa; hindi rin sila sama-samang nakatira sa iisang lugar. Sa halip, ang pinahirang mga Kristiyano ay bumubuo ng isang espirituwal na bansa, ang “Israel ng Diyos.” (Gal. 6:16) Kasama nila ang “ibang mga tupa” sa isang espirituwal na “lupain,” kung saan may-pagkakaisa nilang sinasamba ang Diyos na Jehova. Ang pagsambang iyon ang sentro ng kanilang buhay. (Juan 10:16; Isa. 66:8) Anong “lupain” ang inilaan sa atin ni Jehova? Isa itong espirituwal na paraiso. Gaya ng ipinangako ng Diyos, ang mga kalagayan dito ay parang sa Eden. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
9, 10. (a) Paano natutupad sa ngayon ang Isaias 11:6-9? (b) Ano ang nagpapatunay na may kapayapaan sa bayan ng Diyos?
9 Katiwasayan. Sa hula sa Isaias 11:6-9, inilalarawan ang isang mapayapang kalagayan: hindi na natatakot sa mababangis na hayop ang mga tao at alaga nilang mga hayop, at hindi na rin natatakot sa mga tao ang mababangis na hayop. May espirituwal na katuparan ba sa ngayon ang pangakong iyan? Oo! Sa talata 9, makikita natin kung bakit hindi na mananakit o maninira ang mga nilalang na iyon: “Sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” Bumabait ba ang mga hayop dahil sa “kaalaman kay Jehova”? Hindi. Mga tao ang nagbabago ng ugali habang nakikilala nila ang Kataas-taasang Diyos at natututuhang tularan ang pagiging mapayapa niya. Kaya naman nakikita natin sa ating espirituwal na paraiso ang kamangha-manghang katuparan ng hulang iyan. Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, natututuhan ng mga tagasunod ni Kristo na baguhin ang kanilang mabangis at makahayop na pag-uugali at mamuhay nang payapa at may pagkakaisa kasama ng kanilang espirituwal na mga kapatid.
10 Halimbawa, natalakay sa aklat na ito ang tungkol sa makakasulatang batayan natin sa Kristiyanong neutralidad at ang pag-uusig na dinanas ng bayan ng Diyos dahil dito. Hindi ba’t kahanga-hanga na sa marahas na sanlibutang ito, may isang “bansa” na tumatangging makisangkot sa karahasan, kahit buhay pa nila ang maging kapalit? Isa nga itong napakalinaw na patunay na ang mga sakop ng Mesiyanikong Hari ay nagtatamasa ng kapayapaan gaya ng inilarawan ni Isaias! Sinabi ni Jesus na makikilala ang kaniyang mga tagasunod dahil sa pag-ibig nila sa isa’t isa. (Juan 13:34, 35) Sa loob ng kongregasyon, patuloy na ginagamit ni Kristo ang kaniyang “tapat at maingat na alipin” para turuan ang lahat ng tunay na Kristiyano na maging mapagpayapa, maibigin, at mahinahon.—Mat. 24:45-47.
11, 12. Anong uri ng taggutom ang nararanasan ng daigdig sa ngayon? Paano saganang naglalaan si Jehova para sa kaniyang bayan?
11 Kasaganaan. Ang buong daigdig ay nakararanas ng espirituwal na taggutom. Nagbabala ang Bibliya: “‘Narito! Dumarating ang mga araw,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova, ‘at magpapasapit ako ng taggutom sa lupain, ng taggutom, hindi sa tinapay, at ng pagkauhaw, hindi sa tubig, kundi sa pagkarinig sa mga salita ni Jehova.’” (Amos 8:11) Magugutom din ba sa espirituwal ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos? Inihula ni Jehova ang magiging pagkakaiba ng kaniyang bayan at ng mga kaaway niya: “Ang aking mga lingkod ay kakain, ngunit kayo ay magugutom. Narito! Ang aking mga lingkod ay iinom, ngunit kayo ay mauuhaw. Narito! Ang aking mga lingkod ay magsasaya, ngunit kayo ay mapapahiya.” (Isa. 65:13) Nakikita mo ba ang katuparan ng hulang iyan?
12 Tuloy-tuloy ang pagdaloy sa atin ng espirituwal na paglalaan. Sagana tayo sa salig-Bibliyang mga publikasyon—kasama na ang mga rekording at video, mga pulong at kombensiyon, at mga materyal sa ating website—di-gaya ng sanlibutang ito na gutom na gutom sa espirituwal. (Ezek. 47:1-12; Joel 3:18) Hindi ba’t kamangha-manghang makita sa araw-araw ang kasaganaang ipinangako ni Jehova? Tinitiyak mo ba na regular kang kumakain sa mesa ni Jehova?
13. Paano natutupad ang hula ni Jehova na makakakita ang mga bulag at makaririnig ang mga bingi?
13 Espirituwal na kalusugan. Napakalaganap sa ngayon ng espirituwal na pagkabulag at pagkabingi. (2 Cor. 4:4) Pero sa buong mundo, nagpapagaling si Kristo ng mga may kapansanan at sakit. May nakita ka na bang bulag na nakakita at bingi na nakarinig? Kung may nakita ka nang mga tao na nakaalam ng katotohanan ng Salita ng Diyos at tumalikod sa mga kasinungalingan sa relihiyon na naging dahilan para mabulag at mabingi sila sa espirituwal, nakita mo na ang katuparan ng hulang ito: “Sa araw na iyon ay tiyak na maririnig ng mga bingi ang mga salita ng aklat, at mula sa karimlan at mula sa kadiliman ay makakakita maging ang mga mata ng mga bulag.” (Isa. 29:18) Sa iba’t ibang panig ng mundo, daan-daang libo bawat taon ang nakahahanap ng gayong espirituwal na lunas. Ang bawat isa na lumalabas sa Babilonyang Dakila at sumasama sa atin sa espirituwal na paraiso para sumamba ay buháy na patotoo na natutupad ang mga pangako ni Jehova!
14. Anong mga katibayan ang puwede nating bulay-bulayin para mapatibay ang ating pananampalataya?
14 Ang bawat kabanata ng aklat na ito ay naglalaman ng malilinaw na katibayan na inakay ni Kristo ang kaniyang mga tagasunod sa espirituwal na paraiso sa panahong ito ng kawakasan. Patuloy nawa nating bulay-bulayin ang maraming pagpapalang tinatamasa natin ngayon sa paraisong iyan. Sa paggawa nito, lalong titibay ang pananampalataya natin sa mga pangako ni Jehova sa hinaharap.
“Dumating Nawa ang Iyong Kaharian”
15. Bakit tayo makatitiyak na magiging paraiso ang lupa?
15 Noon pa man, layunin na ni Jehova na gawing paraiso ang buong lupa. Inilagay niya sina Adan at Eva sa isang paraisong hardin at binigyan sila ng utos na punuin ang lupa ng kanilang mga supling at alagaan ang lahat ng nilalang dito. (Gen. 1:28) Pero sumama sina Adan at Eva sa pagrerebelde ni Satanas at inilugmok nila ang lahat ng kanilang supling sa di-kasakdalan, kasalanan, at kamatayan. Gayunman, hindi nagbago ang layunin ng Diyos. Kapag lumabas ito sa kaniyang bibig, lubusan itong matutupad. (Basahin ang Isaias 55:10, 11.) Kung gayon, makatitiyak tayo na magiging paraiso ang buong lupa, mapupuno ito ng mga inapo nina Adan at Eva, susupilin nila ito, at aalagaan nila ang mga nilalang ni Jehova. Sa panahong iyon, ang mga hula tungkol sa malaparaisong kalagayan na unang ibinigay sa mga Judiong tapon ay lubusan nang matutupad! Pansinin ang sumusunod na mga halimbawa.
16. Paano inilalarawan ng Bibliya ang katiwasayan na tatamasahin natin sa Paraiso?
16 Katiwasayan. Sa wakas, ang napakagandang hula sa Isaias 11:6-9 ay lubusan nang matutupad, maging sa literal na paraan. Magiging ligtas at tiwasay ang mga lalaki, babae, at mga bata saan man sila pumunta. Walang nilalang, tao man o hayop, ang mananakit sa kanila. Isipin mong parang sarili mong tahanan ang buong planeta, kung saan malaya kang makalalangoy sa mga ilog, lawa, at dagat at makapapasyal sa mga kabundukan at kabukiran. Pagsapit ng gabi, hindi ka pa rin mag-aalala. Matutupad ang sinasabi sa Ezekiel 34:25 na ang bayan ng Diyos ay posible pa ngang ‘tumahan sa ilang nang tiwasay at matulog sa mga kagubatan.’
17. Bakit tayo makatitiyak na saganang ilalaan ni Jehova ang ating mga pangangailangan kapag namamahala na ang Kaharian sa buong lupa?
17 Kasaganaan. Isipin mo ang panahon kapag wala nang kahirapan, malnutrisyon, o taggutom. Ang espirituwal na kasaganaan na tinatamasa ngayon ng bayan ng Diyos ay garantiya na paglalaanan ng Mesiyanikong Hari ang kaniyang mga sakop ng espirituwal at pisikal na pagkain. Noong narito si Jesus sa lupa, ipinakita niyang kaya niyang tuparin ang gayong mga pangako nang pakainin niya ang libo-libong nagugutom sa pamamagitan ng iilang tinapay at isda. (Mat. 14:17, 18; 15:34-36; Mar. 8:19, 20) Kapag namamahala na ang Kaharian ng Diyos sa buong lupa, literal na matutupad ang mga hulang gaya nito: “Tiyak na ibibigay niya ang ulan para sa iyong binhi na inihahasik mo sa lupa, at bilang bunga ng lupa ay tinapay, na magiging mataba at malangis. Ang iyong mga alagang hayop ay manginginain sa araw na iyon sa isang malawak na pastulan.”—Isa. 30:23.
18, 19. (a) Ano ang kahulugan para sa iyo ng Isaias 65:20-22? (b) Ano ang ibig sabihin na magiging “gaya ng mga araw ng punungkahoy” ang ating mga araw?
18 Sa ngayon, panaginip lang para sa marami ang magandang bahay o trabaho. Sa tiwaling sistemang ito, marami ang halos magkandakuba sa pagtatrabaho kapalit ng maliit na suweldo. Kaya sa halip na sila o ang kanilang pamilya ang makinabang, lalo lamang yumayaman ang mga sakim nilang amo. Isipin na lang kapag natupad na sa buong mundo ang hulang ito: “Tiyak na magtatayo sila ng mga bahay at maninirahan sa mga iyon; at tiyak na magtatanim sila ng mga ubasan at kakainin ang bunga ng mga iyon. Hindi sila magtatayo at iba ang maninirahan; hindi sila magtatanim at iba ang kakain. Sapagkat magiging gaya ng mga araw ng punungkahoy ang mga araw ng aking bayan; at ang gawa ng kanilang sariling mga kamay ay lubusang tatamasahin ng aking mga pinili.”—Isa. 65:20-22.
19 Ano ang ibig sabihin na magiging “gaya ng mga araw ng punungkahoy” ang ating mga araw? Kapag nakatayo ka sa tabi ng isang napakalaking puno, hindi ba kamangha-manghang isipin kung gaano na katanda ang punong iyon—baka nga mas matanda pa kaysa sa kalolo-lolohan mo? Baka maisip mo rin na kung mananatili kang di-sakdal, mauuna ka pang mamatay at magiging alaala na lamang samantalang ang punong iyon ay patuloy na mabubuhay nang payapa. Napakabait ni Jehova dahil tinitiyak niya na magiging mahaba at payapa ang buhay natin sa Paraiso! (Awit 37:11, 29) Darating ang panahon, kapag taglay na natin ang buhay na walang hanggan, ang mga punong napakahaba ng buhay ay magmimistulang mga damo na madaling mamatay.
20. Paano magkakaroon ng sakdal na kalusugan ang tapat na mga sakop ng Kaharian?
20 Sakdal na kalusugan. Sa ngayon, walang taong ligtas sa sakit at kamatayan. Ang totoo, tayong lahat ay nahawahan ng nakamamatay na sakit na tinatawag na kasalanan. Ang tanging lunas ay ang haing pantubos ni Kristo. (Roma 3:23; 6:23) Sa Sanlibong Taóng Paghahari ni Jesus at ng kasama niyang mga tagapamahala, tutulungan nila ang tapat na mga tao na lubusang makinabang sa haing iyon—unti-unti nilang aalisin ang lahat ng bahid ng kasalanan. Lubos na matutupad ang hula ni Isaias: “Walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’ Ang bayan na mananahanan sa lupain ay yaong mga pinagpaumanhinan sa kanilang kamalian.” (Isa. 33:24) Isipin ang panahon kapag wala nang bulag, bingi, o pilay. (Basahin ang Isaias 35:5, 6.) Walang sakit ang hindi kayang gamutin ni Jesus—pisikal man, mental, o emosyonal. Ang tapat na mga sakop ng Kaharian ay magkakaroon ng sakdal na kalusugan!
21. Ano ang mangyayari sa kamatayan? Bakit iyan nakaaaliw sa iyo?
21 Kumusta naman ang karaniwang resulta ng sakit at di-maiiwasang epekto ng kasalanan—ang kamatayan? Iyan ang ating “huling kaaway,” ang nag-iisang kaaway na hindi matatalo ng lahat ng di-sakdal na tao. (1 Cor. 15:26) Pero mahihirapan ba si Jehova na puksain ang kaaway na ito? Pansinin ang hula ni Isaias: “Lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman, at tiyak na papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang mga luha mula sa lahat ng mukha.” (Isa. 25:8) Ano ang ibig sabihin nito? Walang nang ililibing, wala nang sementeryo, at wala nang iiyak dahil sa pagdadalamhati! Pero iiyak pa rin tayo dahil sa kagalakan habang nakikita nating tinutupad ni Jehova ang kamangha-manghang pangako na bubuhayin niyang muli ang mga patay! (Basahin ang Isaias 26:19.) Sa wakas, mapapawi na ang lahat ng kirot na idinulot ng kamatayan.
22. Ano ang mangyayari kapag naisakatuparan na ng Mesiyanikong Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa?
22 Sa pagtatapos ng Sanlibong Taon, lubusan nang maisasakatuparan ng Kaharian ang kalooban ng Diyos sa lupa, at ibabalik na ni Kristo ang paghahari sa kaniyang Ama. (1 Cor. 15:25-28) Dahil sakdal na ang mga tao, handa na sila para sa huling pagsubok kapag pinakawalan si Satanas mula sa kalaliman. Pagkatapos, lubusang dudurugin ni Kristo ang serpiyenteng iyon at ang lahat ng tagasuporta nito. (Gen. 3:15; Apoc. 20:3, 7-10) Pero isang napakagandang pag-asa ang naghihintay sa lahat ng tapat na umiibig kay Jehova. Marahil ay wala nang mas gaganda pa sa pagkakalarawan ng Bibliya sa pangakong gantimpala na makakamit ng mga tapat—ang “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.”—Roma 8:21.
23, 24. (a) Bakit tiyak na matutupad ang mga pangako ng Diyos? (b) Ano ang determinado mong gawin?
23 Hindi lang tayo basta nangangarap nang gising. Tiyak na matutupad ang mga pangako ni Jehova! Bakit? Alalahanin ang sinabi ni Jesus na tinalakay sa unang kabanata ng aklat na ito. Itinuro niya sa kaniyang mga tagasunod na ipanalangin kay Jehova: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mat. 6:9, 10) Ang Kaharian ng Diyos ay hindi lang isang imahinasyon. Totoo ito! Namamahala na ito sa langit. Sa katunayan, isang siglo na nitong tinutupad ang mga pangako ni Jehova, at kitang-kita ang mga katuparan nito sa kongregasyong Kristiyano. Kaya makatitiyak tayo na matutupad ang lahat ng pangako ni Jehova kapag dumating na ang Kaharian ng Diyos para gamitin ang buong kapangyarihan nito sa lupa!
24 Alam natin na darating ang Kaharian ng Diyos. Alam nating matutupad ang lahat ng pangako ni Jehova. Bakit? Dahil NAMAMAHALA NA ANG KAHARIAN NG DIYOS! Ang tanong, ‘Nagpapasakop ba ako sa Kaharian?’ Gawin nawa natin ang ating buong makakaya para makapamuhay ngayon bilang tapat na sakop ng Kaharian, nang sa gayon ay makinabang tayo sa sakdal at matuwid na pamamahala nito magpakailanman!