KABANATA 9
“Bibigyan Ko Sila ng Iisang Puso”
EZEKIEL 11:19, talababa
POKUS: Ang tema ng pagbabalik at kung paano ito tinalakay sa mga hula ni Ezekiel
1-3. Paano hinamak ng mga Babilonyo ang mga mananamba ni Jehova, at bakit?
ISIPIN mong isa kang tapat na Judio na nakatira sa lunsod ng Babilonya. Mga kalahating siglo na mula nang ipatapon kayo roon. Gaya ng nakagawian mo kapag araw ng Sabbath, makikipagkita ka sa mga kapananampalataya mo para sumamba kay Jehova. Sa paglalakad mo sa mataong mga kalsada, nakita mo ang pagkalaki-laking mga templo at pagkarami-raming dambana. Marami ang nagpupunta sa mga lugar na iyon para handugan at awitan ang mga diyos nila, gaya ni Marduk.
2 Nagkita-kita kayo ng mga kasama mo sa isang lugar na malayo sa mga tao.a Sa isang tahimik na lugar—posibleng sa tabi ng isang ilog sa lunsod—sama-sama kayong mananalangin, aawit, at magbubulay-bulay sa Salita ng Diyos. Habang nananalangin kayo, naririnig mo ang mahinang paglangitngit ng mga bangkang kahoy na nakatali sa pampang ng ilog. Buti na lang at payapa rito. Iniisip mo na sana ay hindi kayo makita ng mga Babilonyo, na madalas manggulo sa pagtitipon ninyo. Bakit ba nila ginagawa iyon?
3 Marami nang digmaan ang naipanalo ng Babilonya, at naniniwala ang mga tagaroon na dahil iyon sa mga diyos nila. Para sa kanila, ang pagkawasak ng Jerusalem ay patunay na mas malakas ang diyos nilang si Marduk kaysa kay Jehova! Kaya hinahamak nila ang Diyos mo at ang bayan niya. Kung minsan, nanunuya sila: “Kantahan ninyo kami ng isa sa mga awit ng Sion”! (Awit 137:3) Maraming awit ang tungkol sa tagumpay ng Sion sa mga kaaway ni Jehova. Posibleng ang mga awit na ito ang gustong-gustong pagtawanan ng mga Babilonyo. Pero ang ilang awit ay tungkol mismo sa mga Babilonyo. Halimbawa, sinasabi sa isang awit: “Ginawa nilang bunton ng guho ang Jerusalem. . . . Tinutuya kami at iniinsulto ng mga nasa palibot namin.”—Awit 79:1, 3, 4.
4, 5. Anong pangako ang makikita sa hula ni Ezekiel? Ano ang tatalakayin sa kabanatang ito? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
4 Nandiyan din ang apostatang mga Judio na hinahamak ang pananampalataya mo kay Jehova at sa mga propeta niya. Sa kabila nito, napapayapa ang kalooban ng pamilya mo dahil sa dalisay na pagsamba. Masarap manalangin at umawit nang sama-sama. Nakagiginhawang magbasa ng Salita ng Diyos. (Awit 94:19; Roma 15:4) Isipin na sa araw na ito, dala ng isang kapananampalataya mo ang isang balumbong may mga hula ni Ezekiel. Gustong-gusto mong marinig ang pangako ni Jehova na ibabalik niya ang kaniyang bayan sa lupain nila. Masayang-masaya ka habang binabasa ang hulang iyan, at inaasam-asam mo na makakauwi kayo ng pamilya mo balang-araw at makakatulong sa pagbabalik ng dalisay na pagsamba!
5 Ang mga hula ni Ezekiel ay punong-puno ng pangako tungkol sa pagbabalik. Suriin natin ang mga pangakong ito. Paano natupad ang mga ito sa mga ipinatapon? Ano ang epekto ng mga hulang ito sa panahon natin? Bukod diyan, tatalakayin din natin ang mga hula na may katuparan pa sa hinaharap.
“Ipatatapon Sila at Magiging Bihag”
6. Paano paulit-ulit na nagbabala ang Diyos sa rebeldeng bayan niya?
6 Sa pamamagitan ni Ezekiel, malinaw na sinabi ni Jehova sa bayan niya kung paano niya sila paparusahan dahil sa pagrerebelde nila. “Ipatatapon sila at magiging bihag,” ang sabi ni Jehova. (Ezek. 12:11) Gaya ng nakita natin sa Kabanata 6, isinadula pa nga ni Ezekiel ang hatol na iyan. Pero hindi ito ang unang babala sa kanila. Noong panahon pa lang ni Moises, halos isang libong taon bago nito, nagbabala na si Jehova sa bayan niya na kung patuloy silang magrerebelde, ipatatapon sila. (Deut. 28:36, 37) Nagbigay rin ng ganitong mga babala ang mga propetang gaya nina Isaias at Jeremias.—Isa. 39:5-7; Jer. 20:3-6.
7. Ano ang hinayaan ni Jehova na mangyari sa bayan niya bilang parusa sa kanila?
7 Nakalulungkot, hindi nakinig ang karamihan sa bayan. Nasaktan si Jehova dahil nagrebelde ang bayan niya, sumamba sila sa mga idolo, naging di-tapat sila, at naging marumi sila sa ilalim ng masasamang pastol. Kaya hinayaan niya silang dumanas ng taggutom; isa itong kahihiyan dahil ang lupain nila ay “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan.” (Ezek. 20:6, 7) Pagkatapos, gaya ng matagal nang inihula ni Jehova, hinayaan niyang maipatapon ang bayan niya. At noong 607 B.C.E., ang Jerusalem at ang templo nito ay lubusan nang winasak ni Nabucodonosor ng Babilonya. Libo-libo sa nakaligtas na mga Judio ang ipinatapon sa Babilonya. Doon, tinuya sila at sinalansang gaya ng inilarawan sa simula ng kabanatang ito.
8, 9. Paano nagbabala ang Diyos sa kongregasyong Kristiyano laban sa apostasya?
8 May nangyari bang ganiyan sa kongregasyong Kristiyano? Mayroon! Gaya ng sinaunang mga Judio, maagang binigyan ng babala ang mga tagasunod ni Kristo. Sa bandang pasimula ng ministeryo ni Jesus, sinabi niya: “Mag-ingat kayo sa huwad na mga propeta na lumalapit sa inyo na nakadamit-tupa, pero sa loob ay hayok na mga lobo.” (Mat. 7:15) Makalipas ang mga taon, ginabayan si apostol Pablo na magbabala: “Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa gitna ninyo ang malulupit na lobo na hindi makikitungo nang magiliw sa kawan, at mula sa inyo mismo ay may lilitaw na mga taong pipilipit sa katotohanan para ilayo ang mga alagad at pasunurin sa kanila.”—Gawa 20:29, 30.
9 Tinuruan ang mga Kristiyano kung paano matutukoy at maiiwasan ang mapanganib na mga taong ito. Tinagubilinan ang Kristiyanong matatanda na alisin sa kongregasyon ang mga apostata. (1 Tim. 1:19; 2 Tim. 2:16-19; 2 Ped. 2:1-3; 2 Juan 10) Pero gaya ng ginawa ng sinaunang Israel at Juda, maraming Kristiyano ang hindi nakinig sa mga babalang ito. Sa pagtatapos ng unang siglo, tumubo na ang apostasya sa kongregasyon. Napansin ni Juan, ang huling apostol na nabubuhay pa noong katapusan ng unang siglo C.E., na ang kongregasyon ay naaapektuhan na ng apostasya at ng laganap na rebelyon. Siya na lang ang nagsisilbing pamigil dito. (2 Tes. 2:6-8; 1 Juan 2:18) Ano ang nangyari pagkamatay ni Juan?
10, 11. Paano natupad ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at sa panirang-damo mula ikalawang siglo C.E. patuloy?
10 Pagkamatay ni Juan, nagsimula nang matupad ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa trigo at sa panirang-damo. (Basahin ang Mateo 13:24-30.) Gaya ng inihula ni Jesus, naghasik si Satanas sa kongregasyon ng “panirang-damo,” o huwad na mga Kristiyano, at mabilis na nadungisan ang kongregasyon. Siguradong nasaktan si Jehova dahil ang kongregasyong itinatag ng kaniyang Anak ay nadumhan ng idolatriya, paganong mga pagdiriwang at kaugalian, at maling mga turo mula sa huwad na relihiyon at mula sa pilosopiya ng mga hindi sumasamba sa Diyos! Ano ang ginawa ni Jehova? Gaya ng ginawa niya sa di-tapat na Israel, hinayaan niyang mabihag ang bayan niya. Mula noong mga ikalawang siglo C.E. patuloy, ang mga tulad-trigo ay mahirap nang hanapin sa dami ng huwad na mga Kristiyano. Sa diwa, ang tunay na kongregasyong Kristiyano ay nabihag ng Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at ang huwad na mga Kristiyano naman ay naging bahagi ng imperyong iyan. Dahil dumami ang huwad na mga Kristiyano, nabuo ang Sangkakristiyanuhan.
11 Noong panahong nangingibabaw ang Sangkakristiyanuhan, mayroon pa ring tunay na mga Kristiyano, ang “trigo” sa ilustrasyon ni Jesus. Gaya ng mga Judiong tapon na inilalarawan sa Ezekiel 6:9, naalaala nila ang tunay na Diyos. Lakas-loob na kinontra ng ilan sa kanila ang huwad na mga turo ng Sangkakristiyanuhan. Hinamak sila at pinag-usig. Pababayaan na lang ba ni Jehova ang bayan niya sa espirituwal na kadilimang iyan? Siyempre hindi! Gaya ng nangyari sa sinaunang Israel, nasa tamang antas ang galit ni Jehova at makatuwiran ang haba ng panahon ng pagpapakita niya nito. (Jer. 46:28) Bukod diyan, binigyan ni Jehova ng pag-asa ang bayan niya na makakalaya sila. Tingnan kung paano iyan ginawa ni Jehova para sa mga Judiong tapon sa Babilonya.
“Mawawala ang Galit Ko”
12, 13. Bakit nawala ang galit ni Jehova sa ipinatapong bayan niya noong panahon ni Ezekiel?
12 Ipinahayag ni Jehova ang galit niya sa kaniyang bayan, pero tiniyak din niya sa kanila na hindi siya mananatiling galit magpakailanman. Pansinin ang pananalitang ito: “Mawawala ang galit ko, at huhupa ang poot ko sa kanila, at masisiyahan na ako. At kapag nailabas ko na ang galit ko sa kanila, malalaman nila na akong si Jehova ay nagsalita sa kanila dahil humihiling ako ng bukod-tanging debosyon.” (Ezek. 5:13) Bakit kaya mawawala ang galit ni Jehova?
13 Mayroon ding mga tapat sa mga Judiong tapon sa Babilonya. Bukod diyan, sa pamamagitan ni Ezekiel, inihula ng Diyos na magsisisi ang ilan sa ipinatapong bayan Niya. Maaalaala ng mga Judiong iyon ang kahiya-hiyang mga bagay na ginawa nila bilang pagrerebelde sa Diyos, at magmamakaawa sila para sa kapatawaran at pagsang-ayon ni Jehova. (Ezek. 6:8-10; 12:16) Kasama sa mga tapat si Ezekiel, pati na si propeta Daniel at ang tatlong kasama nito. Sa katunayan, naabutan ni Daniel ang simula at ang wakas ng pagkatapon. Nakaulat sa Daniel kabanata 9 ang taimtim na panalangin niya para sa kapatawaran ng mga kasalanan ng Israel. Siguradong ganiyan din ang nadama ng libo-libong tapon na naghahangad na mapatawad ni Jehova at muling tumanggap ng pagpapala niya. Talagang nakakatuwa ang mga pangakong iniulat ni Ezekiel tungkol sa paglaya at pagbabalik!
14. Bakit ibinalik ni Jehova ang bayan niya sa lupain nila?
14 Pero may mas mahalaga pang dahilan kung bakit palalayain sila at ibabalik ang dalisay na pagsamba. Palalayain sila, hindi dahil sa karapat-dapat sila rito, kundi dahil panahon na para muling pabanalin ni Jehova ang pangalan niya sa harap ng lahat ng bansa. (Ezek. 36:22) Malalaman ng mga Babilonyong iyon na ang masasamang diyos nila, gaya ni Marduk, ay walang kalaban-laban sa Kataas-taasang Panginoong Jehova! Talakayin natin ang limang pangakong ipinasabi ni Jehova kay Ezekiel sa mga kasama niyang tapon. Suriin natin kung ano ang epekto ng bawat pangako sa tapat na mga Judiong iyon. Pagkatapos, tingnan natin ang mas malaking katuparan ng mga ito.
15. Ano ang magbabago sa pagsamba ng mga babalik?
15 PANGAKO 1. Wala nang idolatriya o iba pang kasuklam-suklam na gawain na nauugnay sa huwad na relihiyon. (Basahin ang Ezekiel 11:18; 12:24.) Gaya ng tinalakay sa Kabanata 5, nadumhan ang Jerusalem at ang templo nito ng mga gawaing mula sa huwad na relihiyon, gaya ng idolatriya. Kaya nadungisan ang bayan at nailayo kay Jehova. Sa pamamagitan ni Ezekiel, inihula ni Jehova na ang mga ipinatapon ay muling sasamba sa dalisay na paraan. Ang lahat ng iba pang pagpapala ay nakadepende sa napakahalagang bagay na ito: ang pagbabalik ng kaayusan ng Diyos sa dalisay na pagsamba.
16. Ano ang ipinangako ni Jehova tungkol sa lupain ng bayan niya?
16 PANGAKO 2. Pagbalik sa lupain nila. “Ibibigay ko sa inyo ang lupain ng Israel,” ang sabi ni Jehova sa mga ipinatapon. (Ezek. 11:17) Kahanga-hanga ang pangakong ito, dahil hinding-hindi papayag ang mga Babilonyong humahamak sa kanila na bumalik sila sa kanilang lupain. (Isa. 14:4, 17) At kung mananatili silang tapat, magiging mataba at mabunga ang lupa roon kung kaya magkakaroon sila ng pagkain at ng kapaki-pakinabang na trabaho. Lilipas na ang kahihiyan at pagdurusang dulot ng taggutom.—Basahin ang Ezekiel 36:30.
17. Ano ang mangyayari tungkol sa paghahandog kay Jehova?
17 PANGAKO 3. Muling paghahandog sa altar ni Jehova. Gaya ng binanggit sa Kabanata 2, sa ilalim ng Kautusan, ang mga hain at handog ay napakahalagang bahagi ng dalisay na pagsamba. Hangga’t nananatiling masunurin at malinis sa espirituwal ang mga nagsibalik, katanggap-tanggap ang mga handog nila kay Jehova. Kaya makapagbabayad-sala sila at mananatili silang malapít sa kanilang Diyos. Ipinangako ni Jehova: “Maglilingkod sa akin ang buong sambahayan ng Israel, silang lahat . . . Malulugod ako sa kanila, at hihingin ko ang inyong abuloy at mga unang bunga ng inyong mga handog, ang lahat ng inyong banal na bagay.” (Ezek. 20:40) Talagang maibabalik ang dalisay na pagsamba, at pagpapalain ang bayan ng Diyos.
18. Paano papastulan ni Jehova ang bayan niya?
18 PANGAKO 4. Aalisin ang masasamang pastol. Isang pangunahing dahilan kung bakit napariwara ang bayan ng Diyos ay dahil sa masamang impluwensiya ng mga nangunguna. Nangako si Jehova na magbabago ang kalagayan. Tungkol sa masasamang pastol na iyon, sinabi niya: “Hindi ko na sila aatasang magpakain sa aking mga tupa . . . Ililigtas ko ang aking mga tupa mula sa bibig nila.” At tiniyak niya sa kaniyang tapat na bayan: “Aalagaan ko ang aking mga tupa.” (Ezek. 34:10, 12) Paano niya gagawin iyon? Gagamit siya ng tapat na mga lalaki bilang pastol.
19. Ano ang ipinangako ni Jehova tungkol sa pagkakaisa?
19 PANGAKO 5. Pagkakaisa ng mga mananamba ni Jehova. Bago ang pagkatapon, isipin kung gaano kahirap para sa tapat na mga mananamba na makitang hindi nagkakaisa ang bayan ng Diyos. Dahil sa impluwensiya ng huwad na mga propeta at masasamang pastol, nagrebelde ang bayan sa tapat na mga propeta na kumakatawan kay Jehova; nahati pa nga ang bayan sa magkakalabang grupo. Kaya ang isa sa pinakamagandang bahagi ng pagbabalik ay ang pangakong ito sa pamamagitan ni Ezekiel: “Bibigyan ko sila ng iisang puso at ng bagong espiritu.” (Ezek. 11:19, tlb.) Kung ang mga Judio ay mananatiling kaisa ng Diyos na Jehova at kung magkakaisa sila, walang makakatalo sa kanila. Sa halip na kadustaan at kahihiyan, muli silang makapagbibigay ng kaluwalhatian kay Jehova bilang isang bayan.
20, 21. Paano natupad ang mga pangako ng Diyos sa nagsibalik na mga Judio?
20 Natupad ba ang limang pangakong iyon sa nagsibalik na mga Judio? Tandaan ang sinabi ng tapat na si Josue: “Walang isa man sa lahat ng mabubuting bagay na ipinangako sa inyo ni Jehova na inyong Diyos ang nabigo. Ang mga iyon ay nagkatotoong lahat para sa inyo. Walang isa mang salita sa mga iyon ang nabigo.” (Jos. 23:14) Kung nangyari iyan noong panahon ni Josue, mangyayari din iyan sa nagsibalik na mga Judio.
21 Itinigil ng mga Judio ang idolatriya at iba pang kasuklam-suklam na gawain ng huwad na relihiyon na naglayo sa kanila kay Jehova. Kahit parang imposible, muli silang tumira sa lupain nila; nagtanim sila roon at naging kasiya-siya ang buhay nila. Kasama sa mga unang ginawa nila ang pagbabalik ng altar ni Jehova sa Jerusalem at paghahandog ng katanggap-tanggap na mga hain doon. (Ezra 3:2-6) Pinagpala sila ni Jehova ng mabubuting espirituwal na pastol, gaya ng tapat na saserdote at tagakopya na si Ezra, ng mga gobernador na sina Nehemias at Zerubabel, ng mataas na saserdoteng si Josue, at ng matatapang na propetang sina Hagai, Zacarias, at Malakias. Hangga’t sumusunod ang bayan sa tagubilin at patnubay ni Jehova, nagkakaisa sila—isang bagay na matagal na nilang hindi nararanasan.—Isa. 61:1-4; basahin ang Jeremias 3:15.
22. Bakit natin masasabi na patikim lang ang unang katuparan ng mga hula tungkol sa pagbabalik?
22 Walang duda, nakapagpapatibay ang unang katuparan ng mga pangako ni Jehova tungkol sa pagbabalik! Pero patikim lang ang katuparang iyan. Bakit natin nasabi? Dahil magpapatuloy lang ang katuparan ng mga pangakong iyon kung mananatiling masunurin at mabilis tumugon ang bayan. Nang maglaon, muling sumuway at nagrebelde ang mga Judio. Pero gaya ng sinabi ni Josue, laging nagkakatotoo ang salita ni Jehova. Kaya ang mga pangakong iyon ay magkakaroon ng mas malaki at nagtatagal na katuparan. Tingnan natin kung paano nangyari iyan.
“Malulugod Ako sa Inyo”
23, 24. Kailan at paano nagsimula ang panahon para “ibalik sa dati ang lahat ng bagay”?
23 Bilang mga estudyante ng Bibliya, alam natin na noong 1914, nagsimula na ang mga huling araw ng masamang sistemang ito. Para sa mga lingkod ni Jehova, hindi iyan malungkot na balita. Ang totoo, ipinapahiwatig ng Bibliya na nagsimula ang isang kapana-panabik na panahon noong 1914—ang panahon para “ibalik sa dati ang lahat ng bagay.” (Gawa 3:21) Paano natin nalaman? Alam natin ang nangyari sa langit noong 1914—iniluklok si Jesu-Kristo bilang Mesiyanikong Hari. Bakit masasabing pasimula iyan ng pagbabalik? Tandaan, ipinangako ni Jehova kay Haring David na ang paghahari ay mananatili sa pamilya nito magpakailanman. (1 Cro. 17:11-14) Naputol ang paghaharing iyan noong 607 B.C.E. nang wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem at wakasan ang pamamahala ng mga hari mula sa angkan ni David.
24 Si Jesus, ang “Anak ng tao,” ay inapo ni David, kaya siya ang legal na tagapagmana ng paghahari sa angkan ni David. (Mat. 1:1; 16:13-16; Luc. 1:32, 33) Nang ibigay ni Jehova kay Jesus ang makalangit na trono noong 1914, nagsimula na ang panahon para “ibalik sa dati ang lahat ng bagay”! Magagamit na ngayon ni Jehova ang perpektong Haring ito para ipagpatuloy ang gawaing pagbabalik.
25, 26. (a) Kailan natapos ang mahabang panahon ng pagkabihag sa Babilonyang Dakila, at paano natin nalaman iyan? (Tingnan din ang kahong “Bakit 1919?”) (b) Ano ang nagsimulang matupad mula 1919 patuloy?
25 Ang isa sa mga unang ginawa ni Kristo bilang Hari ay sumama sa pag-iinspeksiyon ng kaniyang Ama sa kaayusan ng dalisay na pagsamba sa lupa. (Mal. 3:1-5) Gaya ng inihula ni Jesus sa ilustrasyon tungkol sa trigo at sa panirang-damo, sa loob ng mahabang panahon, mahirap matukoy ang trigo mula sa panirang-damo, o ang kaibahan ng tunay na pinahirang mga Kristiyano mula sa mga huwad.b Pero nang magsimula ang panahon ng pag-aani noong 1914, naging malinaw ang pagkakaiba. Mga ilang dekada bago nito, sinimulang ibunyag ng tapat na mga Estudyante ng Bibliya ang maling ginagawa ng Sangkakristiyanuhan, at sinimulan na rin nilang humiwalay rito. Ito na ang panahon ni Jehova para ibalik sila sa dalisay na pagsamba. Kaya sa pasimula ng 1919, mga ilang taon pa lang mula nang magsimula ang “panahon ng pag-aani,” lubusan nang pinalaya ang bayan ng Diyos mula sa Babilonyang Dakila. (Mat. 13:30) Tapos na ang pagkabihag!
26 Nagsimula na ang mas malaking katuparan ng mga hula ni Ezekiel tungkol sa pagbabalik. Suriin natin kung paano natutupad sa bayan ng Diyos ngayon ang limang pangakong tinalakay natin.
27. Paano inalis ng Diyos ang idolatriya sa bayan niya?
27 PANGAKO 1. Wala nang idolatriya o iba pang kasuklam-suklam na gawain mula sa huwad na relihiyon. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo at sa pasimula ng ika-20 siglo, nagsasama-sama na ang tapat na mga Kristiyano at itinigil na nila ang maling mga relihiyosong gawain. Ang mga turo tungkol sa Trinidad, kaluluwang hindi namamatay, at impiyerno ay tinukoy bilang hindi makakasulatan at mula sa huwad na relihiyon. Tinukoy na idolatriya ang paggamit ng mga imahen sa pagsamba. Nang maglaon, nakita ng bayan ng Diyos na idolatriya rin ang paggamit ng krus.—Ezek. 14:6.
28. Sa anong diwa ibinalik ang bayan ni Jehova sa lupain nila?
28 PANGAKO 2. Pagbalik ng bayan ng Diyos sa espirituwal na lupain nila. Nang umalis sila sa Babilonyang Dakila, napunta sila sa espirituwal na lupain na inilaan para sa kanila—isang pinagpalang kalagayan kung saan hindi na sila makakaranas ng espirituwal na taggutom. (Basahin ang Ezekiel 34:13, 14.) Gaya ng makikita sa Kabanata 19, pinagpala ni Jehova ang lupaing iyon ng walang-katulad na kasaganaan sa espirituwal.—Ezek. 11:17.
29. Bakit napasigla ang pakikibahagi sa pangangaral noong 1919?
29 PANGAKO 3. Muling paghahandog sa altar ni Jehova. Noong unang siglo C.E., sinabihan ang mga Kristiyano na maghandog sa Diyos, hindi ng literal na hayop, kundi ng nakahihigit na mga kaloob—ang mga papuri kay Jehova at ang pangangaral tungkol sa kaniya. (Heb. 13:15) Sa loob ng maraming siglo ng pagkabihag, walang kaayusan para sa ganitong paghahandog. Pero sa pagtatapos ng pagkabihag, naghahandog na ng mga papuri ang bayan ng Diyos. Abala sila sa pangangaral, at masaya nilang pinupuri ang Diyos sa mga pulong. Mula 1919, ginawang priyoridad ng “tapat at matalinong alipin” ang pangangaral at mas inorganisa ito. (Mat. 24:45-47) Bilang resulta, ang altar ni Jehova ay nag-uumapaw sa handog ng parami nang paraming mananamba na pumupuri sa banal na pangalan niya!
30. Ano ang ginawa ni Jesus para magkaroon ang bayan niya ng kinakailangan nilang mabubuting pastol?
30 PANGAKO 4. Aalisin ang masasamang pastol. Pinalaya ni Kristo ang bayan ng Diyos mula sa makasarili at huwad na mga pastol ng Sangkakristiyanuhan. Ang mga pastol sa kawan ni Kristo na tumulad sa huwad na mga pastol na iyon ay inalis sa kanilang atas. (Ezek. 20:38) Tiniyak ni Jesus, ang Mabuting Pastol, na maaalagaan ang mga tupa niya. Noong 1919, inatasan niya ang kaniyang tapat at matalinong alipin. Ang maliit na grupong iyon ng tapat na pinahirang mga Kristiyano ang nanguna sa pagbibigay ng espirituwal na pagkain kaya naalagaang mabuti ang bayan ng Diyos. Nang maglaon, nagsanay ng mga elder para tumulong sa pag-aalaga sa “kawan ng Diyos.” (1 Ped. 5:1, 2) Ang paglalarawang iniulat sa Ezekiel 34:15, 16 ay madalas gamitin para ipaalaala sa mga Kristiyanong pastol ang pamantayang itinakda ng Diyos na Jehova at ni Jesu-Kristo.
31. Paano tinupad ni Jehova ang hula sa Ezekiel 11:19?
31 PANGAKO 5. Pagkakaisa ng mga mananamba ni Jehova. Sa paglipas ng mga siglo, nahati ang Sangkakristiyanuhan sa libo-libong magkakasalungat na relihiyon at sekta. Sa kabaligtaran, kamangha-mangha ang ginawa ni Jehova sa kaniyang ibinalik na bayan. Talagang natupad ang ipinangako niya sa pamamagitan ni Ezekiel: “Bibigyan ko sila ng iisang puso.” (Ezek. 11:19, tlb.) Ang milyon-milyong tagasunod ni Kristo sa buong mundo ay iba’t iba ang kultura at ang kalagayan sa buhay at sa lipunan. Pero iisa ang katotohanang itinuturo sa kanilang lahat at nagkakaisa sila sa pagsasagawa ng iisang gawain. Noong huling gabi ni Jesus sa lupa, taimtim niyang ipinanalangin na magkaisa ang mga tagasunod niya. (Basahin ang Juan 17:11, 20-23.) Makikita sa ngayon na talagang sinagot ni Jehova ang panalanging iyan.
32. Ano ang nararamdaman mo habang natutupad ang mga hula tungkol sa pagbabalik? (Tingnan din ang kahong “Mga Hula Tungkol sa Pagkabihag at Pagbabalik.”)
32 Hindi ka ba natutuwa na nabubuhay ka sa kapana-panabik na panahong ito ng pagbabalik? Nakikita nating natutupad sa bawat bahagi ng pagsamba natin ang mga hula ni Ezekiel. Makapagtitiwala tayong sinasang-ayunan ni Jehova ngayon ang kaniyang bayan, gaya ng inihula niya sa pamamagitan ni Ezekiel: “Malulugod ako sa inyo.” (Ezek. 20:41) Isa ngang pribilehiyo na maging bahagi ng isang bayang nagkakaisa, busog sa espirituwal, at naghahandog ng papuri kay Jehova sa buong mundo—isang bayang napalaya pagkatapos mabihag nang maraming siglo. Pero may mas malaki pang katuparan ang ilang hula ni Ezekiel.
“Gaya ng Hardin ng Eden”
33-35. (a) Ano ang ibig sabihin ng hula sa Ezekiel 36:35 para sa mga Judiong tapon? (b) Ano ang ibig sabihin ng hulang iyan para sa bayan ni Jehova ngayon? (Tingnan din ang kahong “Ang Panahon Para ‘Ibalik sa Dati ang Lahat ng Bagay.’”)
33 Nakita natin na nagsimula ang panahon para “ibalik sa dati ang lahat ng bagay” nang ibalik ang paghahari sa angkan ni David, na nangyari noong 1914 nang gawing hari si Jesus. (Ezek. 37:24) Pagkatapos, binigyan ni Jehova si Kristo ng kapangyarihang ibalik ang dalisay na pagsamba sa Kaniyang bayan matapos ang maraming siglo ng espirituwal na pagkabihag. Doon na ba nagtatapos ang gawain ni Kristo? Hindi! Magpapatuloy pa ito sa hinaharap—at makikita natin ang ilang kapana-panabik na detalye nito sa mga hula ni Ezekiel.
34 Halimbawa, pansinin ang mga salitang ito: “Sasabihin ng mga tao: ‘Ang tiwangwang na lupain ay naging gaya ng hardin ng Eden.’” (Ezek. 36:35) Ano ang ibig sabihin ng pangakong iyan para kay Ezekiel at sa mga kasama niyang tapon? Siguradong hindi nila iniisip na ang lupain ay literal na magiging gaya ng orihinal na hardin, o Paraiso, na ginawa mismo ni Jehova! (Gen. 2:8) Tiyak na nauunawaan nilang ang sinasabi ni Jehova ay na magiging maganda at mabunga ang lupain nila.
35 Ano naman ang ibig sabihin ng pangakong iyan para sa atin? Hindi natin iniisip na literal na mangyayari iyan sa masamang mundong ito na pinamamahalaan ni Satanas na Diyablo. Alam nating sa espirituwal na paraan iyan natutupad sa ngayon. Bilang mga lingkod ni Jehova, naninirahan tayo sa isang espirituwal na lupain, o kalagayan kung saan mabunga ang paglilingkod natin at priyoridad natin ang sagradong paglilingkod. At ang espirituwal na lupaing ito ay lalo pang nagiging malaparaiso. Pero kumusta naman sa hinaharap?
36, 37. Anong mga pangako ang matutupad sa Paraiso?
36 Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, magiging saklaw na ng gawaing pagbabalik ni Jesus ang pisikal na lupa. Sa kaniyang Sanlibong Taóng Paghahari, pangangasiwaan niya ang sangkatauhan para ang buong planetang ito ay maging gaya ng hardin ng Eden, isang paraiso, gaya ng orihinal na layunin ni Jehova! (Luc. 23:43) Magkakaisa ang lahat ng tao, at aalagaan nila ang lupa. Wala nang panganib kahit saan. Isipin ang panahon na matutupad na rin ang pangakong ito: “Makikipagtipan ako sa kanila para sa kapayapaan, at aalisin ko sa lupain ang mababangis na hayop, para makapanirahan sila sa ilang nang panatag at makatulog sa mga gubat.”—Ezek. 34:25.
37 Isipin mo, makakapunta ka na saanman sa malawak na mundong ito nang hindi natatakot. Hindi ka sasaktan ng mga hayop. Payapa sa lahat ng lugar. Kahit mag-isa ka, makakapaglakad ka sa gubat para pagmasdan ang kagandahan nito. Makakatulog ka pa nga roon nang mahimbing dahil sigurado kang walang masamang mangyayari sa iyo!
38. Ano ang nararamdaman mo habang iniisip mong natutupad na ang pangako sa Ezekiel 28:26?
38 Matutupad din ang pangakong ito: “Maninirahan sila [sa lupain] nang panatag at magtatayo ng bahay at magtatanim ng ubas, at maninirahan sila nang panatag kapag inilapat ko ang hatol sa lahat ng nakapalibot sa kanila na humahamak sa kanila; at malalaman nila na ako ang Diyos nilang si Jehova.” (Ezek. 28:26) Mawawala na ang lahat ng kaaway ni Jehova kaya magiging payapa at panatag ang buong lupa. Aalagaan natin ang lupa, at kasabay nito, magtatanim tayo at magtatayo ng komportableng bahay para sa ating pamilya.
39. Bakit sigurado kang matutupad ang mga hula ni Ezekiel tungkol sa Paraiso?
39 Para bang panaginip lang ang mga pangakong ito? Isipin ang mga nakita mo na sa panahong ito ng ‘pagbabalik sa dati ng lahat ng bagay.’ Kahit napakatindi ng pagsalansang ni Satanas, si Jesus ay binigyan ng kapangyarihang ibalik ang dalisay na pagsamba sa napakasamang panahong ito. Isa ngang matibay na ebidensiya na matutupad ang lahat ng pangako ng Diyos na iniulat ni Ezekiel!
a Karamihan sa mga Judiong tapon ay nanirahan nang malayo-layo sa lunsod ng Babilonya. Halimbawa, si Ezekiel ay nanirahan kasama ng ibang Judio sa tabi ng ilog ng Kebar. (Ezek. 3:15) Pero may ilan na sa lunsod mismo nakatira. Kasama rito ang “mga anak ng mga hari at mga maharlika.”—Dan. 1:3, 6; 2 Hari 24:15.
b Halimbawa, hindi natin matitiyak kung may mga Repormador noong ika-16 na siglo na kabilang sa pinahirang mga Kristiyano, at kung mayroon man, kung sino sa kanila.