Ikapitong Kabanata
Apat na Salitang Bumago sa Daigdig
1. Gaano katindi ang dating ng apat na salita na nakasulat noon sa pader?
APAT na simpleng salita na nakasulat sa isang napapalitadahang pader. Gayunman, ang apat na salitang iyon ay nagdulot ng pagkatakot sa isang makapangyarihang tagapamahala na halos mabaliw. Ang mga ito’y nagbalita ng pag-aalis sa tungkulin sa dalawang hari, ng kamatayan ng isa sa kanila, at ng pagwawakas ng isang makapangyarihang pandaigdig na kapangyarihan. Ang mga salitang ito ay nagdulot ng kahihiyan sa isang pinagpipitaganang relihiyosong orden. Pinakamahalaga sa lahat, ang mga ito’y dumakila sa dalisay na pagsamba kay Jehova at muling nagpatibay sa kaniyang soberanya sa panahong ang karamihan sa mga tao ay halos walang ipinakitang paggalang sa alinman sa mga ito. Aba, ang mga salitang ito ay nagbigay pa nga ng liwanag sa mga pangyayari ngayon sa daigdig! Paano magagawa ng apat na salita ang lahat ng ito? Tingnan natin.
2. (a) Ano ang nangyari sa Babilonya pagkamatay ni Nabucodonosor? (b) Sinong tagapamahala ang humawak ngayon ng kapangyarihan?
2 Mga dekada na ang lumipas mula nang maganap ang pangyayaring inilarawan sa ika-4 na kabanata ng Daniel. Ang 43-taóng pamamahala sa Babilonya ng palalong haring si Nabucodonosor ay nagwakas sa kaniyang kamatayan noong 582 B.C.E. Isang hanay ng mga kahalili ang nagmula sa kaniyang pamilya, subalit ang maagang pagkamatay o pataksil na pagpatay ay sunud-sunod na tumapos sa pamamahala ng mga ito. Sa wakas, isang lalaking nagngangalang Nabonido ang umagaw sa trono sa pamamagitan ng isang paghihimagsik. Bilang anak ng isang mataas na propetisa ng diyos ng buwan na si Sin, si Nabonido ay maliwanag na walang relasyon sa dugo sa maharlikang sambahayan ng Babilonya. Sinasabi ng ilang awtoridad na siya’y nagpakasal sa anak na babae ni Nabucodonosor upang gawing legal ang kaniyang pamamahala, inilagay ang kaniyang anak na si Belsasar bilang kasabay niya sa pagpupuno, at iniwan sa ilalim ng kaniyang pamamahala ang Babilonya sa loob ng mahabang yugto ng panahon. Kung gayon, si Belsasar ay apo ni Nabucodonosor. Mula sa mga karanasan ng kaniyang lolo, natutuhan ba niya na si Jehova ang Kataas-taasang Diyos, na may kakayahang humiya sa sinumang hari? Hinding-hindi!—Daniel 4:37.
ISANG PIGING NA NAUWI SA PAGMAMALABIS
3. Ano ang ginawa nila sa piging ni Belsasar?
3 Ang ika-5 kabanata ng Daniel ay nagbubukas sa isang piging. “Kung tungkol kay Belsasar na hari, siya ay naghanda ng isang malaking piging para sa isang libo sa kaniyang mga taong mahal, at sa harap ng isang libo ay umiinom siya ng alak.” (Daniel 5:1) Gaya ng mailalarawan mo sa isip, marahil ay napakalaki ng bulwagan upang magkasya ang lahat ng taong ito, lakip na ang mga pangalawahing asawa ng hari at ang mga babae nito. Binanggit ng isang iskolar: “Ang mga piging ng taga-Babilonya ay maringal, bagaman kadalasa’y nauuwi sa paglalasingan. Ang alak, na inangkat pa mula sa ibang bansa, at iba’t ibang uri ng kaluhuan ay nakalatag sa mesa. Ang mga pabango ay humahalimuyak sa bulwagan; ang mga mang-aawit at mga manunugtog ay umaaliw sa nagkakatipong mga panauhin.” Habang nakapuwesto sa lugar na nakikita ng lahat bilang tagapangulo, iniinom ni Belsasar ang kaniyang alak—inom nang inom.
4. (a) Bakit waring nakapagtataka na ang mga taga-Babilonya ay nagpipiging noong gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E.? (b) Ano ang maliwanag na dahilan ng pagtitiwala ng mga taga-Babilonya sa harap ng sumasalakay na mga hukbo?
4 Waring nakapagtataka na ang mga taga-Babilonya ay nasa gayong klase ng pagsasaya nang gabing iyon—Oktubre 5/6, 539 B.C.E. Ang kanilang bansa ay nasa pakikipagdigma, at ang mga bagay-bagay ay hindi nagiging mabuti para sa kanila. Si Nabonido ay natalo kamakailan sa mga kamay ng sumasalakay na mga puwersa ng Medo-Persia at nagkubli sa Borsippa, sa timog-kanluran ng Babilonya. At ngayon ang mga hukbo ni Ciro ay nagkakampo sa mismong labas ng Babilonya. Gayunman, waring si Belsasar at ang kaniyang mga mahal na tao ay hindi nababahala. Tutal, ang kanilang lunsod ay ang di-maigugupong Babilonya! Ang kaniyang napakalalaking pader ay yumuyungyong sa ibabaw ng malalalim na kanal na pinupunô ng malaking Ilog Eufrates habang umaagos ito sa loob ng lunsod. Walang kaaway ang tumalo sa Babilonya sa pamamagitan ng harapang paglusob sa loob ng mahigit na isang libong taon. Kaya bakit mababahala? Marahil ay iniisip ni Belsasar na maipakikita nila sa kanilang mga kaaway sa labas ang kanilang pagtitiwala sa pamamagitan ng maingay na pagsasaya at sa gayo’y mapahihina ang loob ng mga ito.
5, 6. Ano ang ginawa ni Belsasar sa ilalim ng impluwensiya ng alak, at bakit ito isang napakalaking insulto kay Jehova?
5 Di-natagalan, ang labis na pag-inom ay nagkaroon ng epekto kay Belsasar. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 20:1, “ang alak ay manunuya.” Sa katunayan, sa kasong ito, ang alak ay umakay sa hari na makagawa ng isang napakalaking kahangalan. Kaniyang ipinag-utos na dalhin sa piging ang mga sagradong sisidlan mula sa templo ni Jehova. Ang mga sisidlang ito, na kinuha bilang mga samsam sa panahon ng pananakop ni Nabucodonosor sa Jerusalem, ay dapat na gamitin lamang sa dalisay na pagsamba. Maging ang mga saserdoteng Judio na awtorisadong gumamit ng mga ito sa templo ng Jerusalem noong una ay binabalaan na ingatan ang kanilang sarili na malinis.—Daniel 5:2; ihambing ang Isaias 52:11.
6 Gayunpaman, si Belsasar ay may iniisip na higit pang kapusungan. “Uminom ang hari at ang kaniyang mga taong mahal, ang kaniyang mga babae at ang kaniyang mga pangalawahing asawa . . . ng alak, at pinuri nila ang mga diyos na yari sa ginto at yari sa pilak, tanso, bakal, kahoy at bato.” (Daniel 5:3, 4) Kaya ninais ni Belsasar na dakilain ang kaniyang huwad na mga diyos nang higit kay Jehova! Sa wari, ang ganitong saloobin ay karaniwan sa mga taga-Babilonya. Nilait nila ang kanilang mga bihag na Judio, kinutya ang kanilang pagsamba at hindi nagbigay ng anumang pag-asa na sila’y makabalik sa kanilang minamahal na lupang tinubuan. (Awit 137:1-3; Isaias 14:16, 17) Marahil ay inakala ng lasing na monarkang ito na ang panghihiya sa mga tapong ito at pang-iinsulto sa kanilang Diyos ay magpapahanga sa kaniyang mga babae at mga opisyal, anupat ipinakikitang siya’y malakas.a Subalit kung si Belsasar man ay nakadama ng kasiyahan sa kapangyarihan, ito’y hindi nagtagal.
ANG SULAT-KAMAY SA PADER
7, 8. Paano nagambala ang piging ni Belsasar, at ano ang naging epekto nito sa hari?
7 “Nang sandaling iyon,” sabi ng kinasihang ulat, “ay may lumabas na mga daliri ng kamay ng isang tao at sumulat sa harap ng patungan ng lampara sa palitada ng pader ng palasyo ng hari, at nakikita ng hari ang likod ng kamay na sumusulat.” (Daniel 5:5) Isang nakasisindak na tanawin! Isang kamay ang lumitaw mula kung saan, lumulutang sa hangin sa tabi ng isang maliwanag na bahagi ng pader. Isipin ang biglang pananahimik ng nagsasalu-salo habang ang mga panauhin ay napatunganga roon. Ang kamay ay nagpasimulang sumulat ng mahiwagang mensahe sa palitada.b Lubhang nagbabadya ng kapahamakan at lubhang mahirap makalimutan ang kababalaghang ito anupat hanggang sa araw na ito ang mga tao ay gumagamit pa rin ng pananalitang “ang sulat-kamay sa pader” upang ipahiwatig ang isang babala hinggil sa nalalapit na kapahamakan.
8 Ano ang naging epekto sa palalong haring ito na nagsikap na dakilain ang sarili niya at ang kaniyang mga diyos nang higit kay Jehova? “Sa pagkakataong iyon, kung tungkol sa hari, ang kaniya mismong pagmumukha ay nabago, at natakot siya sa kaniyang mga kaisipan, at ang mga hugpungan ng kaniyang balakang ay lumuwag at ang kaniya mismong mga tuhod ay nag-umpugan sa isa’t isa.” (Daniel 5:6) Si Belsasar ay naghangad na magmukhang maringal at dakila sa harap ng kaniyang mga nasasakupan. Sa halip, siya’y naging isang nabubuhay na larawan ng kaaba-abang pagkasindak—ang kaniyang mukha ay lubhang namutla, ang kaniyang balakang ay lumuwag, ang kaniyang buong katawan ay nanginig nang husto anupat ang kaniyang mga tuhod ay nag-umpugan. Tunay na totoo ang mga salita ni David na iniukol niya kay Jehova sa pamamagitan ng awit: “Ang iyong mga mata ay laban sa mga palalo, upang maibaba mo sila.”—2 Samuel 22:1, 28; ihambing ang Kawikaan 18:12.
9. (a) Bakit ang pagkatakot ni Belsasar ay hindi katulad ng makadiyos na takot? (b) Anong alok ang ginawa ng hari sa marurunong na tao ng Babilonya?
9 Dapat pansinin na ang pagkatakot ni Belsasar ay hindi katulad ng makadiyos na pagkatakot, mapagpitagang paggalang kay Jehova, na siyang pasimula ng lahat ng karunungan. (Kawikaan 9:10) Hindi, ito’y isang nakapanlulumong pagkatakot, at ito’y hindi nagdulot ng anumang karunungan sa nanginginig na monarka.c Sa halip na humingi ng tawad sa Diyos na kaiinsulto pa lamang niya, pasigaw na tinawag niya “ang mga salamangkero, ang mga Caldeo at ang mga astrologo.” Sinabi pa nga niya: “Ang sinumang tao na babasa ng sulat na ito at magpapakita sa akin ng pakahulugan nito, purpura ang idadamit sa kaniya, na may kuwintas na ginto sa palibot ng kaniyang leeg, at siya ay mamamahala bilang ikatlo sa kaharian.” (Daniel 5:7) Ang ikatlong tagapamahala sa kaharian ay tunay na magiging makapangyarihan, na kasunod lamang ng dalawang nagpupunong hari, si Nabonido at si Belsasar mismo. Ang gayong puwesto ay maaaring nakalaan sana sa panganay na anak na lalaki ni Belsasar. Gayong kalaki ang pagnanais ng hari na maipaliwanag ang makahimalang mensaheng ito!
10. Ano ang nagawa ng marurunong na tao sa kanilang pagsisikap na ipaliwanag ang sulat-kamay sa pader?
10 Nagsihanay ang marurunong na tao sa malaking bulwagan. Hindi sila kukulangin, yamang ang Babilonya ay isang lunsod na batbat ng huwad na relihiyon at sagana sa mga templo. Ang mga taong nag-aangkin na nakababasa ng mga palatandaan at nakaaalam ng mahiwagang mga sulat ay tiyak na naglipana. Ang marurunong na taong ito ay maaaring nanabik sa pagkakataong nasa harapan nila. Ito na ang kanilang pagkakataong maisagawa ang sining na kanilang nalalaman sa harapan ng kilalang mga tao, tamuhin ang pagsang-ayon ng hari, at lumuklok sa isang posisyong taglay ang malaking kapangyarihan. Subalit bigung-bigo sila! “Wala silang kakayahang basahin ang sulat o ipaalam sa hari ang pakahulugan.”d—Daniel 5:8.
11. Bakit kaya hindi nabasa ng marurunong na tao ng Babilonya ang sulat?
11 Kung hindi naintindihan ng marurunong na tao ng Babilonya ang mismong sulat—ang mismong mga letra—ay hindi matiyak. Kung hindi nga naintindihan ang mga ito, ang mga taong ito na walang konsiyensiya ay magkakaroon ng sapat na pagkakataon upang umimbento ng anumang huwad na pakahulugan, kahit na marahil ng isang pakahulugan upang bolahin ang hari. Ang isa pang posibilidad ay na ang mga letra ay madaling basahin. Gayunman, yamang ang mga wikang gaya ng Aramaiko at Hebreo ay isinulat nang walang patinig, bawat salita ay maaaring magkaroon ng ilang posibleng kahulugan. Kung gayon, malamang na hindi mapagpasiyahan ng marurunong na tao kung ano talaga ang mga salitang iyon. Kung sakali mang magawa nila iyon, hindi pa rin nila mauunawaan ang kahulugan ng mga salita upang maibigay ang pakahulugan ng mga iyon. Sa paano man, isang bagay ang tiyak: Ang marurunong na tao ng Babilonya ay nabigo—nang buong saklap!
12. Ano ang napatunayan sa pagkabigo ng marurunong na tao?
12 Kaya ang marurunong na tao ay nalantad na mga mapagpanggap at ang kanilang pinagpipitaganang relihiyosong orden bilang isang panghuhuwad. Kay laking kabiguan nila! Nang makita ni Belsasar na wala palang kabuluhan ang pagtitiwala niya sa mga relihiyonistang ito, lalo na siyang natakot, ang kaniyang kulay ay lalo pang pumutla, at maging ang kaniyang mga mahal na tao ay “nagulumihanan.”e—Daniel 5:9.
IPINATAWAG ANG ISANG LALAKING MAY KAUNAWAAN
13. (a) Bakit iminungkahi ng reyna na ipatawag si Daniel? (b) Anong uri ng pamumuhay ang taglay ni Daniel?
13 Sa mapanganib na sandaling ito, ang reyna mismo—malamang na ang inang reyna—ay pumasok sa bulwagan ng piging. Narinig niya ang pagkakagulo sa piging, at kilala niya kung sino ang maaaring magpaliwanag ng sulat-kamay sa pader. Ilang dekada bago pa nito ang kaniyang ama, si Nabucodonosor, ay nag-atas kay Daniel upang maging pinuno ng lahat ng kaniyang marurunong na tao. Natatandaan siya ng reyna bilang isang tao na may “pambihirang espiritu at kaalaman at kaunawaan.” Yamang si Daniel ay waring hindi kilala ni Belsasar, malamang na naiwala ng propeta ang kaniyang mataas na posisyon sa pamahalaan pagkamatay ni Nabucodonosor. Subalit ang pagiging tanyag ay hindi gaanong mahalaga kay Daniel. Malamang na siya’y mga 90 taóng gulang na sa panahong ito, subalit patuloy pa rin sa paglilingkod nang tapat kay Jehova. Sa kabila ng pagiging tapon sa Babilonya sa loob ng mga walong dekada, siya’y kilala pa rin sa kaniyang pangalang Hebreo. Maging ang reyna ay tumawag sa kaniya bilang si Daniel, na hindi ginamit ang pangalang Babiloniko na noo’y ibinigay sa kaniya. Sa katunayan, hinimok niya ang hari: “Ipatawag mo si Daniel, upang maipakita niya ang pakahulugan.”—Daniel 1:7; 5:10-12.
14. Ano ang alanganing katayuan ni Daniel nang makita ang sulat-kamay sa pader?
14 Ipinatawag si Daniel at siya’y humarap kay Belsasar. Kahiya-hiyang humingi ng pabor sa Judiong ito, na ang Diyos niya’y kaiinsulto pa lamang ng hari. Gayunman, tinangka ni Belsasar na pakapurihin si Daniel, anupat iniaalok sa kaniya ang gayunding gantimpala—ikatlong puwesto sa kaharian—kung mababasa at maipaliliwanag niya ang misteryosong mga salita. (Daniel 5:13-16) Itiningin ni Daniel ang kaniyang mga mata sa sulat-kamay sa pader, at tinulungan siya ng banal na espiritu upang maunawaan ang kahulugan nito. Ito’y isang mensahe ng kahatulan mula sa Diyos na Jehova! Paano masasabi ni Daniel ang isang mabigat na kahatulan sa mismong harapan ng hambog na haring ito—at sa harapan ng kaniyang mga asawa at mga mahal na tao? Ilarawan sa isip ang alanganing katayuan ni Daniel! Siya ba’y madadala ng labis na papuri ng hari at ng kaniyang alok na kayamanan at katanyagan? Palalambutin ba ng propeta ang kahatulan ni Jehova?
15, 16. Anong mahalagang leksiyon mula sa kasaysayan ang nabigong matutuhan ni Belsasar, at gaano kalaganap ang gayon ding kabiguan sa ngayon?
15 Si Daniel ay may tibay-loob na nagsalita, sa pagsasabing: “Mapasaiyo ang iyong mga kaloob, at ang iyong mga regalo ay ibigay mo sa iba. Gayunman, babasahin ko sa hari ang sulat, at ang pakahulugan ay ipaaalam ko sa kaniya.” (Daniel 5:17) Pagkatapos, kinilala ni Daniel ang kadakilaan ni Nabucodonosor, isang haring totoong makapangyarihan anupat kaya niyang pumatay, humampas, dumakila, o humiya sa kaninumang nais niya. Gayunman, ipinaalaala ni Daniel kay Belsasar na si Jehova, “ang Kataas-taasang Diyos,” ang nagpadakila kay Nabucodonosor. Si Jehova ang siyang humiya sa makapangyarihang haring iyon nang siya’y maging palalo. Oo, sapilitang natutuhan ni Nabucodonosor na “ang Kataas-taasang Diyos ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao, at na ang isa na ibig niya ay itinatalaga niya upang mamahala roon.”—Daniel 5:18-21.
16 ‘Alam na lahat’ ito ni Belsasar. Gayunman, nabigo siyang matuto mula sa kasaysayan. Sa katunayan, nahigitan pa niya si Nabucodonosor sa kapalaluan at nakagawa ng lantarang kapusungan laban kay Jehova. Inilantad ni Daniel ang kasalanan ng hari. Bukod dito, sa harapan ng pagtitipong paganong iyon, buong-tapang niyang sinabi kay Belsasar na ang mga huwad na diyos ay “hindi nakakakita ng anuman o nakaririnig ng anuman o nakaaalam ng anuman.” Idinagdag pa ng may tibay-loob na propeta ng Diyos na bilang kabaligtaran sa mga walang-silbing mga diyos na yaon, si Jehova ang Diyos na “sa kaniyang kamay ay naroon ang iyong hininga.” Hanggang sa araw na ito, ginagawa ng mga tao bilang mga diyos ang mga bagay na walang buhay, iniidolo ang salapi, karera, prestihiyo, maging ang kasiyahan. Subalit wala sa mga bagay na ito ang makapagbibigay ng buhay. Si Jehova lamang ang isa na pinagkakautangan nating lahat ng atin mismong pag-iral, ang pinagmumulan ng bawat hininga natin.—Daniel 5:22, 23; Gawa 17:24, 25.
NALUTAS ANG ISANG PALAISIPAN!
17, 18. Ano ang apat na salita na nakasulat sa pader, at ano ang literal na kahulugan ng mga ito?
17 Nagpatuloy ngayon ang matanda nang propeta na gawin ang imposibleng magawa ng lahat ng marurunong na tao ng Babilonya. Binasa niya at binigyan ng pakahulugan ang sulat-kamay na nakatitik sa pader. Ang mga salita ay: “ME’NE, ME’NE, TE’KEL at PAR’SIN.” (Daniel 5:24, 25) Ano ang kahulugan ng mga ito?
18 Sa literal, ang mga salita ay nangangahulugang “isang mina, isang mina, isang siklo, at kalahating siklo.” Bawat salita ay isang sukat na katumbas ng pera, na ang pagkakalista ng halaga ay pababa. Kay laking palaisipan! Kahit na mabatid pa ng marurunong na tao ng Babilonya ang mga letra, hindi pa rin kataka-taka kung bakit hindi nila mabibigyan ng pakahulugan ang mga ito.
19. Ano ang pakahulugan ng salitang “ME’NE”?
19 Sa ilalim ng impluwensiya ng banal na espiritu ng Diyos, ipinaliwanag ni Daniel: “Ito ang pakahulugan ng salita: ME’NE, binilang ng Diyos ang mga araw ng iyong kaharian at winakasan iyon.” (Daniel 5:26) Ang mga katinig ng unang salita ay nagpapahintulot kapuwa sa salitang “mina” at sa isang anyo ng salitang Aramaiko para sa “inisa-isa,” o “binilang,” depende sa patinig na inilalagay ng bumabasa. Alam na alam ni Daniel na nalalapit nang magwakas ang pagiging tapon ng mga Judio. Sa inihulang haba nito na 70-taon, 68 taon na ang nakalilipas. (Jeremias 29:10) Binilang ng Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon, si Jehova, ang mga araw ng pamamahala ng Babilonya bilang kapangyarihang pandaigdig, at ang wakas ay mas malapit na kaysa iniisip ng sinumang nasa piging ni Belsasar. Sa katunayan, naubos na ang panahon—hindi lamang para kay Belsasar kundi para rin sa kaniyang ama, si Nabonido. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang salitang “ME’NE” ay isinulat nang makalawa—upang ibalita ang katapusan ng dalawang paghaharing ito.
20. Ano ang paliwanag sa salitang “TE’KEL,” at paano ito kumapit kay Belsasar?
20 Ang “TE’KEL,” sa kabilang panig, ay isinulat lamang nang minsan at nasa anyong pang-isahan. Ito’y maaaring magpahiwatig na ito’y pangunahing ipinatutungkol kay Belsasar. At ito’y magiging angkop, yamang siya ang personal na nagpakita ng matinding kalapastanganan kay Jehova. Ang salita mismo ay nangangahulugang “siklo,” subalit ang mga katinig ay nagpapahintulot din para sa salitang “tinimbang.” Kaya, sinabi ni Daniel kay Belsasar: “TE’KEL, tinimbang ka sa timbangan at nasumpungang kulang.” (Daniel 5:27) Para kay Jehova, ang lahat ng bansa ay kagaya lamang ng manipis na alabok sa timbangan. (Isaias 40:15) Ang mga ito ay walang kapangyarihan upang humadlang sa kaniyang mga layunin. Ano, kung gayon, ang magagawa ng isang mapagmataas na hari? Sinikap ni Belsasar na dakilain ang kaniyang sarili nang higit pa sa Soberano ng sansinukob. Ang hamak na taong ito ay naglakas-loob na insultuhin si Jehova at tuyain ang dalisay na pagsamba subalit “nasumpungang kulang.” Oo, si Belsasar ay lubos na karapat-dapat sa kahatulan na mabilis na dumarating!
21. Paanong ang “PAR’SIN” ay salitang may tatlong kahulugan, at ano ang ipinakikita ng salitang ito para sa kinabukasan ng Babilonya bilang isang kapangyarihang pandaigdig?
21 Ang pangwakas na salita sa pader ay “PAR’SIN.” Ito’y binasa ni Daniel sa pang-isahang anyo, “PE’RES,” malamang na sapagkat ang tinutukoy niya’y isang hari yamang ang isa ay wala noon. Ang salitang ito ang pinakasukdulan ng dakilang palaisipan ni Jehova na may salitang tatlo ang kahulugan. Sa literal, ang “par’sin” ay nangangahulugang “kalahating siklo.” Subalit ang mga letra ay nagpapahintulot sa dalawa pang kahulugan—“mga dibisyon” at “mga Persiano.” Kaya inihula ni Daniel: “PE’RES, ang iyong kaharian ay hinati at ibinigay sa mga Medo at sa mga Persiano.”—Daniel 5:28.
22. Ano ang naging tugon ni Belsasar sa solusyon ng palaisipan, at ano ang maaaring inaasahan niya?
22 Kaya nalutas ang palaisipan. Ang makapangyarihang Babilonya ay malapit nang bumagsak sa mga puwersa ng Medo-Persia. Bagaman lupaypay dahil sa hatol na kapahamakan, tinupad ni Belsasar ang kaniyang salita. Si Daniel ay dinamtan ng kaniyang mga lingkod ng purpura, sinuutan siya ng kuwintas na ginto, at inihayag na siya ang ikatlong tagapamahala sa kaharian. (Daniel 5:29) Hindi tinanggihan ni Daniel ang mga karangalang ito, na kinikilalang ang mga ito ay nagbibigay ng karangalan para kay Jehova. Sabihin pa, maaaring umaasa si Belsasar na lalambot pa ang kahatulan ni Jehova sa pamamagitan ng pagpaparangal sa Kaniyang propeta. Magkagayon man, lubhang huli na upang magkaroon ito ng anumang epekto.
ANG PAGBAGSAK NG BABILONYA
23. Anong sinaunang hula ang nagkakaroon ng katuparan samantalang nagpapatuloy ang piging ni Belsasar?
23 Kahit na noon pa mang umiinom si Belsasar at ang kaniyang mga kasama sa palasyo para sa kanilang mga diyos at kumukutya kay Jehova, isang malaking pangyayari ang nagaganap sa kadiliman sa labas ng palasyo. Ang hula na sinalita sa pamamagitan ni Isaias halos dalawang siglo bago nito ay nagkakaroon ng katuparan. Hinggil sa Babilonya, inihula ni Jehova: “Ang lahat ng pagbubuntong-hininga dahil sa kaniya ay pinatigil ko.” Oo, ang lahat ng pang-aapi ng balakyot na lunsod na iyon sa bayan ng Diyos ay magwawakas na. Sa pamamagitan ng ano? Ang hula ring iyon ay nagsabi: “Umahon ka, O Elam! Mangubkob ka, O Media!” Ang Elam ay naging bahagi ng Persia matapos ang kaarawan ni propeta Isaias. Sa panahon ng piging ni Belsasar, na inihula rin sa hulang ito ni Isaias, ang Persia at Media ay nagsanib ng puwersa upang “umahon” at “mangubkob” laban sa Babilonya.—Isaias 21:1, 2, 5, 6.
24. Anong mga detalye hinggil sa pagbagsak ng Babilonya ang inihula na ni Isaias?
24 Sa katunayan, ang mismong pangalan ng lider ng mga puwersang ito ay inihula, gayundin ang mga pangunahing paraan ng kaniyang estratehiya sa pakikipagdigma. Mga 200 taon bago nito, inihula ni Isaias na papahiran ni Jehova ang isa na nagngangalang Ciro upang lumaban sa Babilonya. Sa kaniyang pananalakay, ang lahat ng hadlang ay maaalis sa harapan niya. Ang mga tubig ng Babilonya “ay tutuyuin,” at ang kaniyang matitibay na pinto ay maiiwang bukas. (Isaias 44:27–45:3) At nagkagayon nga. Inilihis ng mga hukbo ni Ciro ang Ilog Eufrates, pinababaw ang tubig upang sila’y makalakad sa gitna ng ilog. Ang mga pinto sa pader ng Babilonya ay naiwang bukas ng walang-ingat na mga guwardiya. Gaya ng sinasang-ayunan ng mga istoryador, ang lunsod ay nakubkob samantalang ang mga naninirahan dito ay labis na nagsasaya. Ang Babilonya ay nasakop nang halos walang paglalaban. (Jeremias 51:30) Gayunman, may isang namatay. Si Daniel ay nag-ulat: “Nang gabi ring iyon ay napatay si Belsasar na haring Caldeo at tinanggap ni Dario na Medo ang kaharian, na siya noon ay mga animnapu’t dalawang taóng gulang.”—Daniel 5:30, 31.
PAGKATUTO MULA SA SULAT-KAMAY SA PADER
25. (a) Bakit ang sinaunang Babilonya ay isang angkop na sagisag ng pangglobong sistema ngayon ng huwad na relihiyon? (b) Sa anong diwa naging bihag sa Babilonya ang makabagong-panahong mga lingkod ng Diyos?
25 Ang kinasihang ulat sa Daniel kabanata 5 ay malaki ang kahalagahan sa atin. Bilang sentro ng huwad na mga relihiyosong gawain, ang sinaunang Babilonya ay naging isang angkop na sagisag ng pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sa paglalarawan sa Apocalipsis bilang isang uhaw-sa-dugong patutot, ang pambuong-daigdig na kalipunang ito ng kasinungalingan ay tinawag na “Babilonyang Dakila.” (Apocalipsis 17:5) Palibhasa’y ayaw pakinggan ang lahat ng babala hinggil sa kaniyang lumalapastangan-sa-Diyos na mga huwad na doktrina at mga gawain, kaniyang pinag-usig ang mga nangangaral ng katotohanan ng Salita ng Diyos. Kagaya ng mga naninirahan sa sinaunang Jerusalem at Juda, ang tapat na nalabi ng pinahirang mga Kristiyano ay nangyaring maging tapon sa “Babilonyang Dakila” nang halos patigilin ng pag-uusig na udyok ng klero ang gawaing pangangaral ng Kaharian noong 1918.
26. (a) Paano bumagsak ang “Babilonyang Dakila” noong 1919? (b) Anong babala ang dapat na personal nating pakinggan at ibahagi sa iba?
26 Gayunman, karaka-raka, ang “Babilonyang Dakila” ay bumagsak! O, iyon ay halos walang-ingay na pagbagsak—kung paanong ang sinaunang Babilonya ay bumagsak nang halos walang ingay, noong 539 B.C.E. Gayunman, ang makasagisag na pagbagsak na ito ay mapangwasak. Ito’y naganap noong 1919 C.E. nang lumaya ang bayan ni Jehova mula sa maka-Babilonyang pagkabihag at tumanggap ng banal na pagsang-ayon. Winakasan nito ang kapangyarihan ng “Babilonyang Dakila” laban sa bayan ng Diyos at tinandaan nito ang pasimula ng paglalantad sa kaniya sa madla bilang isang di-mapagkakatiwalaang pandaraya. Ang pagbagsak na iyon ay hindi na maaaring baguhin pa, at ang kaniyang ganap na pagkapuksa ay napipinto na. Kaya patuloy na pinaaalingawngaw ng mga lingkod ni Jehova ang babala: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung hindi ninyo nais na makibahagi sa kaniya sa mga kasalanan niya, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.” (Apocalipsis 18:4) Pinakinggan mo na ba ang babalang ito? Ibinabahagi mo ba ito sa iba?f
27, 28. (a) Hindi kailanman nalimutan ni Daniel ang anong mahalagang katotohanan? (b) Anong patotoo ang taglay natin na malapit nang kumilos si Jehova laban sa balakyot na sanlibutan sa ngayon?
27 Kaya ang sulat-kamay ay nasa pader ngayon—subalit hindi para sa “Babilonyang Dakila” lamang. Tandaan ang isang mahalagang katotohanang nakasentro sa aklat ni Daniel: Si Jehova ang Pansansinukob na Soberano. Siya, at siya lamang, ang may karapatang maglagay ng isang tagapamahala sa mga tao. (Daniel 4:17, 25; 5:21) Ang anumang bagay na sumasalansang sa mga layunin ni Jehova ay aalisin. Sandaling panahon na lamang at kikilos na si Jehova. (Habakuk 2:3) Para kay Daniel, ang panahong iyon ay dumating din sa wakas sa ikasampung dekada ng kaniyang buhay. Noo’y kaniyang nakita kung paano inalis ni Jehova ang isang kapangyarihang pandaigdig—isa na umapi sa bayan ng Diyos mula pa sa pagkabata ni Daniel.
28 Hindi maitatanggi ang patotoo na ang Diyos na Jehova ay naglagay ng isang Tagapamahala sa isang makalangit na trono para sa mga tao. Ang bagay na ayaw kilalanin ng sanlibutan ang Haring ito at sinasalansang ang kaniyang pamamahala ay isang tiyak na katibayan na hindi na matatagalan at aalisin na ni Jehova ang lahat ng salansang sa pamamahala ng Kaharian. (Awit 2:1-11; 2 Pedro 3:3-7) Ikaw ba’y kumikilos ayon sa pagkaapurahan ng ating panahon at naglalagak ng iyong pagtitiwala sa Kaharian ng Diyos? Kung gayon, ikaw ay tunay na natuto mula sa sulat-kamay sa pader!
[Mga talababa]
a Sa isang sinaunang inskripsiyon, sinabi ni Haring Ciro hinggil kay Belsasar: “Isang taong mahina ang nailuklok bilang [tagapamahala] ng kaniyang bansa.”
b Maging ang napakaliit na detalyeng ito ng ulat ni Daniel ay napatunayang may katumpakan. Nasumpungan ng mga arkeologo na ang mga pader ng palasyo ng sinaunang Babilonya ay yari sa laryo na pinalitadahan.
c Maaaring ang himalang ito’y naging higit pang kasindak-sindak dahilan sa mga pamahiin ng taga-Babilonya. Binabanggit ng aklat na Babylonian Life and History: “Karagdagan pa sa bilang ng mga diyos na sinasamba ng mga taga-Babilonya, nasumpungan namin na sila’y masyadong nagumon sa paniniwala sa mga espiritu, at ito’y napakatindi anupat ang mga panalangin at mga orasyon laban sa kanila ay bumubuo ng napakalaking bahagi ng kanilang relihiyosong babasahin.”
d Binanggit ng babasahing Biblical Archaeology Review: “Ang mga ekspertong taga-Babilonya ay nagkatalogo ng libu-libong babalang tanda. . . . Nang ipinag-utos ni Belsasar na alamin kung ano ang kahulugan ng sulat sa pader, walang pagsalang ang marurunong na tao ng Babilonya ay bumaling sa mga ensayklopidiya ng mga palatandaan. Subalit ang mga ito’y napatunayang walang kabuluhan.”
e Binanggit ng mga leksikograpo na ang salitang ginamit para sa “nagulumihanan” ay nangangahulugan ng isang malaking pagkakagulo, na para bang ang pagtitipon ay nauwi sa kalituhan.
f Tingnan ang mga pahina 205-71 ng aklat na Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!, inilimbag ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Paano nagambala ang piging ni Belsasar noong gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E.?
• Ano ang pakahulugan ng sulat-kamay sa pader?
• Anong hula hinggil sa pagbagsak ng Babilonya ang natutupad samantalang nagpapatuloy ang piging ni Belsasar?
• Ano ang kahalagahan ng ulat hinggil sa sulat-kamay sa pader para sa ating kaarawan?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 98]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 103]