Ikalabimpitong Kabanata
“Ang Babilonya ay Bumagsak Na!”
1, 2. (a) Ano ang pangkalahatang tema ng Bibliya, subalit anong mahalagang karagdagang tema ang lumilitaw sa Isaias? (b) Paano binuo ng Bibliya ang tema ng pagbagsak ng Babilonya?
ANG Bibliya ay maihahalintulad sa isang magandang piyesa ng musika na may isang nangingibabaw na tema at may dagdag na segundang mga tema upang makatulong sa pagkakakilanlan nito sa kabuuan. Sa katulad na paraan, ang Bibliya ay may pangunahing tema—ang pagbabangong-puri sa soberanya ni Jehova sa pamamagitan ng Mesiyanikong Kahariang pamahalaan. Ito rin ay may iba pang inuulit na mahahalagang tema. Ang isa sa mga ito ay ang pagbagsak ng Babilonya.
2 Ang temang ito ay ipinakilala sa Isaias sa mga Isa kabanata 13 at 14. Ito ay muling lumitaw sa Isa kabanata 21 at muli sa mga Isa kabanata 44 at 45. Pagkalipas ng isang siglo, pinalawak ni Jeremias ang gayunding tema, at ito’y dinala ng aklat ng Apocalipsis sa isang dumadagundong na konklusyon. (Jeremias 51:60-64; Apocalipsis 18:1–19:4) Ang bawat seryosong estudyante ng Bibliya ay dapat na maging interesado sa mahalagang karagdagang temang ito ng Salita ng Diyos. Ang Isaias kabanata 21 ay tumutulong sa bagay na ito, sapagkat ito’y nagbibigay ng kaakit-akit na mga detalye hinggil sa inihulang pagbagsak ng dakilang kapangyarihang pandaigdig na iyon. Sa dakong huli, makikita natin na ang Isaias kabanata 21 ay nagdiriin ng isa pang mahalagang tema ng Bibliya—isa na tutulong sa atin upang maisaalang-alang ang ating pagiging mapagbantay bilang mga Kristiyano sa ngayon.
“Isang Malubhang Pangitain”
3. Bakit ang Babilonya ay tinawag na “ilang ng dagat,” at ano ang ipinahihiwatig ng titulong ito hinggil sa kaniyang kinabukasan?
3 Ang Isaias kabanata 21 ay nagbubukas sa isang masamang pangitain: “Ang kapahayagan laban sa ilang ng dagat: Tulad ng mga bagyong hangin sa timog sa paghayo nang pasulong, mula sa ilang ay dumarating ito, mula sa isang kakila-kilabot na lupain.” (Isaias 21:1) Ang Babilonya ay nakasaklang sa Ilog Eufrates, anupat ang silangang bahagi nito ay nasa rehiyon sa pagitan ng dalawang malalaking ilog ng Eufrates at Tigris. Ito’y may kalayuan mula sa aktuwal na dagat. Bakit, kung gayon, tinawag ito na “ilang ng dagat”? Sapagkat ang rehiyon ng Babilonya ay malimit na bahain taun-taon, na lumilikha ng isang malawak at malusak na “dagat.” Gayunman, nakontrol ng mga taga-Babilonya ang matubig na ilang na ito sa pamamagitan ng paglikha ng isang masalimuot na sistema ng mga dike, mga bambang, at mga kanal. May katalinuhan nilang ginamit ang mga tubig na ito bilang bahagi ng sistema ng depensa ng lunsod. Subalit, walang anumang pagsisikap ng tao ang makapagliligtas sa Babilonya mula sa hatol ng Diyos. Siya’y naging isang ilang—muli siyang magiging isang ilang. Ang kapahamakan ay patungo sa kaniya, nag-aalimpuyong tulad ng isang malakas na bagyo na kung minsan ay humahampas sa Israel mula sa nakasisindak na ilang sa timog.—Ihambing ang Zacarias 9:14.
4. Paanong ang pangitain ng Apocalipsis hinggil sa “Babilonyang Dakila” ay sumasaklaw sa mga elemento ng “mga tubig” at “isang ilang,” at ano ang kahulugan ng “mga tubig”?
4 Gaya ng ating natutuhan sa Kabanata 14 ng aklat na ito, ang sinaunang Babilonya ay may makabagong katumbas—ang “Babilonyang Dakila,” ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sa Apocalipsis, ang Babilonyang Dakila ay inilarawan din may kaugnayan sa “isang ilang” at sa “mga tubig.” Si apostol Juan ay dinala sa isang ilang upang ipakita ang Babilonyang Dakila. Sinabi sa kaniya na ito’y “nakaupo sa maraming tubig” na kumakatawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa at mga wika.” (Apocalipsis 17:1-3, 5, 15) Ang suporta ng publiko ang siyang laging nagiging susi sa pananatili ng huwad na relihiyon, subalit ang gayong “mga tubig” ay hindi makapagsasanggalang sa kaniya sa dakong huli. Tulad ng kaniyang sinaunang katumbas, siya’y hahantong sa pagiging hungkag, pinabayaan, at tiwangwang.
5. Paano natamo ng Babilonya ang reputasyon nito bilang “taksil” at isang “mananamsam”?
5 Noong kaarawan ni Isaias ang Babilonya ay hindi pa nangingibabaw na kapangyarihang pandaigdig, subalit patiuna nang nakita ni Jehova na kapag sumapit ang kaniyang kapanahunan, siya’y magmamalabis sa kaniyang kapangyarihan. Si Isaias ay nagpatuloy: “May isang malubhang pangitain na sinabi sa akin: Ang taksil makitungo ay nakikitungo nang may kataksilan, at ang mananamsam ay nananamsam.” (Isaias 21:2a) Tunay na ang Babilonya ay mananamsam at makikitungo nang may kataksilan sa mga bansang kaniyang nilulupig, lakip na ang Juda. Darambungin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem, lolooban ang templo nito, at dadalhing bihag ang mga mamamayan nito sa Babilonya. Doon, ang walang kalaban-labang mga bihag na ito ay pakikitunguhan nang may kataksilan, tutuyain dahil sa kanilang pananampalataya, at hindi pagkakalooban ng pag-asang makabalik sa kanilang lupang tinubuan.—2 Cronica 36:17-21; Awit 137:1-4.
6. (a) Anong pagbubuntong-hininga ang patitigilin ni Jehova? (b) Anong mga bansa ang inihulang sasalakay sa Babilonya, at paano ito natupad?
6 Oo, ang Babilonya ay lubos na karapat-dapat sa ‘malubhang pangitaing’ ito, na mangangahulugan ng mahirap na panahon para sa kaniya. Si Isaias ay nagpatuloy: “Umahon ka, O Elam! Mangubkob ka, O Media! Ang lahat ng pagbubuntong-hininga dahil sa kaniya ay pinatigil ko.” (Isaias 21:2b) Yaong mga inapi ng taksil na imperyong ito ay magkakaroon ng kaginhawahan. Sa wakas, ito na ang katapusan ng kanilang pagbubuntong-hininga! (Awit 79:11, 12) Sa pamamagitan ng ano sasapit ang kaginhawahang ito? Nginanlan ni Isaias ang dalawang bansang sasalakay sa Babilonya: ang Elam at Media. Makalipas pa ang dalawang siglo, sa taóng 539 B.C.E., pangungunahan ni Ciro ng Persia ang isang magkasanib na puwersa ng mga Persiano at mga Medo laban sa Babilonya. Tungkol sa Elam, aariin ng mga monarkang Persiano sa paano man ang isang bahagi ng lupaing ito bago pa ang 539 B.C.E.a Kaya naman ang mga Elamita ay mapapabilang na sa puwersa ng Persiano.
7. Paanong ang pangitain ni Isaias ay nakaapekto sa kaniya, na nangangahulugan ng ano?
7 Pansinin kung paano inilalarawan ni Isaias ang epekto sa kaniya ng pangitaing ito: “Iyan ang dahilan kung bakit ang aking mga balakang ay napuspos ng matitinding kirot. Ang mga pangingisay ay nanaig sa akin, tulad ng mga pangingisay ng babaing nanganganak. Ako ay nagulumihanan anupat hindi ako nakaririnig; ako ay naligalig anupat hindi ako nakakakita. Ang aking puso ay pagala-gala; isang pangangatog ang sumindak sa akin. Ang takipsilim na aking kinagigiliwan ay ginawang panginginig ko.” (Isaias 21:3, 4) Sa wari, ang propeta ay nasisiyahan sa mga oras ng pagtatakip-silim, isang mainam na panahon para sa tahimik na pagbubulay-bulay. Subalit nawala na ang halina ng gabi, sa halip ito’y nagdudulot na lamang ng takot, kirot, at panginginig. Siya’y dumaranas ng mga pangingisay tulad ng babaing nanganganak, at ang kaniyang puso ay “pagala-gala.” Isang iskolar ang gumamit ng pariralang “ang aking puso ay tumitibok nang malakas,” na ipinakikitang ang pananalitang ito ay tumutukoy sa “matindi at di-regular na pintig ng pulso.” Bakit may gayong pagkabalisa? Maliwanag, ang damdamin ni Isaias ay makahula. Sa gabi ng Oktubre 5/6, 539 B.C.E., ang mga taga-Babilonya ay makararanas ng gayunding pagkasindak.
8. Gaya ng inihula, paano kumilos ang mga taga-Babilonya, bagaman ang kanilang mga kaaway ay nasa labas na ng mga pader?
8 Habang binabalot ng kadiliman ang kapaha-pahamak na gabing iyon, ang sindak ang siyang huling bagay na sasaisip ng mga taga-Babilonya. Mga dalawang siglo bago nito, inihula ni Isaias: “Magkaroon ng pag-aayos ng mesa, ng pagsasaayos ng kinalalagyan ng mga upuan, ng kainan, ng inuman!” (Isaias 21:5a) Oo, ang aroganteng haring si Belsasar ay naghanda ng isang piging. Ang mga upuan ay isinaayos para sa kaniyang libu-libong mga taong maharlika, pati na sa maraming asawa at mga babae niya. (Daniel 5:1, 2) Nababatid ng mga nagsasaya nang walang taros na may hukbong nasa labas ng mga pader, subalit sila’y naniniwala na ang kanilang lunsod ay hindi maigugupo. Ang kaniyang malalaki’t matitibay na pader at malalalim na kanal ay nagpapakita na waring imposible na siya’y mabibihag; pinapangyari ng kaniyang maraming diyos na isipin nilang ito’y hindi mangyayari. Kaya magkaroon “ng kainan, ng inuman!” Si Belsasar ay nalasing, at kaypala’y hindi lamang siya. Ang inaantok na kalagayan ng matataas na opisyal ay ipinahihiwatig ng pangangailangang sila’y gisingin, gaya ng ipinakikita ng sumusunod na makahulang mga salita ni Isaias.
9. Bakit kinakailangang “pahiran ang kalasag”?
9 “Bumangon kayong mga prinsipe, pahiran ninyo ang kalasag.” (Isaias 21:5b) Walang anu-ano, ang piging ay natapos. Dapat na gumising ang mga prinsipe! Ang matanda nang propetang si Daniel ay tinawag sa eksena, at kaniyang nakita kung paano dinala ni Jehova ang Haring Belsasar ng Babilonya sa pagkasindak kagaya ng inilarawan ni Isaias. Ang mga taong maharlika ng hari ay napasa kalituhan habang sinisira ng magkasanib na mga puwersa ng Medo, Persiano, at Elamita ang depensa ng lunsod. Dagling bumagsak ang Babilonya! Ano, kung gayon, ang kahulugan ng “pahiran ang kalasag”? Kung minsan ay tinutukoy ng Bibliya ang hari ng bansa bilang kalasag nito dahilan sa siya ang tagapagtanggol at tagapagsanggalang ng lupain.b (Awit 89:18) Kaya ang talatang ito sa Isaias ay malamang na humuhula sa pangangailangang magkaroon ng isang bagong hari. Bakit? Sapagkat napatay si Belsasar nang “gabi ring iyon.” Kaya, may pangangailangan na “pahiran ang kalasag,” o mag-atas ng isang bagong hari.—Daniel 5:1-9, 30.
10. Anong kaaliwan ang makukuha ng mga mananamba ni Jehova mula sa katuparan ng hula ni Isaias hinggil sa taksil makitungo?
10 Lahat ng mga umiibig sa tunay na pagsamba ay makakukuha ng kaaliwan sa ulat na ito. Ang makabagong-panahong Babilonya, ang Babilonyang Dakila, ay taksil ding makitungo at mananamsam gaya ng kaniyang sinaunang katumbas. Hanggang sa araw na ito ang mga pinunong relihiyoso ay nagsasabuwatan upang pagbawalan, pag-usigin, o parusahan ang mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng pagbubuwis. Subalit gaya ng ipinagugunita ng hulang ito, nakikita ni Jehova ang lahat ng gayong taksil na pakikitungo, at hindi niya hahayaang manatili ito nang hindi napaparusahan. Wawakasan niya ang lahat ng relihiyon na kumakatawan sa kaniya sa maling paraan at nagmamalupit sa kaniyang bayan. (Apocalipsis 18:8) Posible ba ang gayong bagay? Upang mapatibay ang ating pananampalataya, kailangan lamang nating makita kung paano natupad ang kaniyang mga babala hinggil sa pagbagsak kapuwa ng sinaunang Babilonya at ng kaniyang katumbas sa makabagong-panahon.
“Siya ay Bumagsak Na!”
11. (a) Ano ang pananagutan ng isang bantay, at sino ang naging aktibo bilang isang bantay ngayon? (b) Ano ang kinakatawan ng karong pandigma ng mga asno at ng mga kamelyo?
11 Si Jehova ay nagsalita ngayon sa propeta. Si Isaias ay nag-ulat: “Ito ang sinabi ni Jehova sa akin: ‘Yumaon ka, maglagay ka ng tanod upang masabi niya kung ano ang kaniyang nakikita.’” (Isaias 21:6) Ipinakikilala ng mga salitang ito ang isa pang mahalagang tema ng kabanatang ito—ang tanod, o bantay. Dito’y interesado ang lahat ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon, palibhasa’y hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na ‘patuloy na magbantay.’ “Ang tapat at maingat na alipin” ay hindi kailanman tumitigil sa pagsasabi ng kung ano ang nakikita nito hinggil sa kalapitan ng araw ng paghatol ng Diyos at ng mga panganib ng masamang sanlibutang ito. (Mateo 24:42, 45-47) Ano ang nakikita ng bantay sa pangitain ni Isaias? “Siya ay nakakita ng isang karong pandigma na may isang pareha ng mga kabayong pandigma, isang karong pandigma na may mga asno, isang karong pandigma na may mga kamelyo. At siya ay matamang nagbigay-pansin, na may buong pagbibigay-pansin.” (Isaias 21:7) Ang bawat karong pandigmang ito ay malamang na kumakatawan sa hanay ng umaabanteng mga karo na nakaayos sa pakikipagdigma taglay ang bilis ng sinanay na mga kabayo. Ang karong pandigma ng mga asno at ng mga kamelyo ay angkop na kumakatawan sa dalawang kapangyarihan, ang Media at Persia, na magsasanib upang maglunsad ng pagsalakay na ito. Karagdagan pa, pinagtitibay ng kasaysayan na ang hukbong Persiano ay gumamit kapuwa ng mga asno at mga kamelyo sa pakikipagdigma.
12. Ang bantay ni Isaias sa pangitain ay nagpapakita ng anong mga katangian, at sino ang nangangailangan ng mga katangiang ito sa ngayon?
12 Ang bantay, kung gayon, ay napilitang mag-ulat. “Siya ay sumigaw na parang leon: ‘Sa ibabaw ng bantayan, O Jehova, ay palagi akong nakatayo kung araw, at sa aking pinagbabantayan ay nakatanod ako sa lahat ng gabi. At narito ngayon, may dumarating na pandigmang karo ng mga lalaki, na may isang pareha ng mga kabayong pandigma!’” (Isaias 21:8, 9a) Ang bantay sa pangitain ay may tibay ng loob na sumisigaw, “na parang leon.” Nangangailangan ng tibay ng loob upang sumigaw ng isang mensahe ng paghatol laban sa isang mahirap taluning bansa na gaya ng Babilonya. May isa pa ring kailangan—ang pagbabata. Ang bantay ay nananatili sa kaniyang puwesto araw at gabi, na hindi hinahayaang humina ang kaniyang pagbabantay. Gayundin, ang uring bantay sa mga huling araw na ito ay nangangailangan ng tibay ng loob at pagbabata. (Apocalipsis 14:12) Ang lahat ng tunay na mga Kristiyano ay nangangailangan ng mga katangiang ito.
13, 14. (a) Ano ang naging katayuan ng sinaunang Babilonya, at sa anong diwa nabasag ang kaniyang mga idolo? (b) Paano at kailan dumanas ng gayunding pagbagsak ang Babilonyang Dakila?
13 Nakikita ng bantay sa pangitain ni Isaias na umaabante ang isang karong pandigma. Ano ang balita? “Siya ay nagsimulang magsalita at magsabi: ‘Siya ay bumagsak na! Ang Babilonya ay bumagsak na, at ang lahat ng mga nililok na imahen ng kaniyang mga diyos ay binasag na niya sa lupa!’” (Isaias 21:9b) Anong kapana-panabik na ulat! Sa wakas, ang taksil na mananamsam ng bayan ng Diyos ay bumagsak na!c Sa anong diwa, kung gayon, nabasag ang mga nililok na imahen at mga idolo ng Babilonya? Magmamartsa ba ang mga sumasalakay na Medo-Persiano sa mga templo ng Babilonya at babasagin ang pagkarami-raming mga idolo? Hindi, hindi na kailangan ito. Ang mga idolong diyos ng Babilonya ay mababasag sa paraang sila’y mahahayag na walang kakayahang magsanggalang sa lunsod. At ang Babilonya ay daranas ng pagbagsak kapag hindi na niya maipagpatuloy ang pang-aapi sa bayan ng Diyos.
14 Ano naman ang tungkol sa Babilonyang Dakila? Dahilan sa kaniyang pakanang pagmalupitan ang bayan ng Diyos noong Digmaang Pandaigdig I, sila’y naipatapon niya sa loob ng ilang panahon. Ang kanilang gawaing pangangaral ay halos napahinto. Ang presidente at ang iba pang prominenteng opisyal ng Samahang Watch Tower ay nabilanggo dahil sa maling mga paratang. Subalit nagkaroon ng nakagugulat na pagbabago noong 1919. Ang mga opisyal ay pinalaya sa bilangguan, ang punong tanggapan ay muling binuksan, at ang gawaing pangangaral ay muling sinimulan. Kaya, ang Babilonyang Dakila ay bumagsak sa diwa na ang kaniyang panunupil sa bayan ng Diyos ay nagwakas na.d Sa Apocalipsis, ang pagbagsak na ito ay dalawang ulit na ipinahayag ng isang anghel na ginagamit ang patalastas na nasa Isaias 21:9.—Apocalipsis 14:8; 18:2.
15, 16. Sa anong diwa “mga giniik” ang bayan ni Isaias, at ano ang ating matututuhan mula sa saloobin ni Isaias sa kanila?
15 Winakasan ni Isaias ang makahulang mensaheng ito taglay ang pagkahabag sa kaniyang sariling bayan. Sinabi niya: “O aking mga giniik at ang anak ng aking giikan, ang narinig ko kay Jehova ng mga hukbo, na Diyos ng Israel, ay iniulat ko sa inyo.” (Isaias 21:10) Sa Bibliya, ang paggiik ay kadalasang sumasagisag sa pagdisiplina at pagdalisay sa bayan ng Diyos. Ang tipang bayan ng Diyos ay magiging ‘mga anak ng giikan,’ kung saan ang trigo ay sapilitang inihihiwalay mula sa ipa, sa gayo’y naiiwan lamang ang pino at kanais-nais na mga butil. Hindi ikinatutuwa ni Isaias ang disiplinang ito. Sa halip, siya’y naaawa sa magiging ‘mga anak na ito ng giikan,’ na ang ilan sa kanila ay magiging mga bihag sa isang banyagang lupain sa buong buhay nila.
16 Ito’y maaaring magsilbing isang kapaki-pakinabang na paalaala para sa ating lahat. Sa Kristiyanong kongregasyon sa ngayon, ang ilan ay maaaring mawalan ng awa sa mga nakagawa ng kamalian. At maaaring karaniwan nang magalit yaong mga tumatanggap ng disiplina. Gayunpaman, kung ating iingatan sa isipan na dinidisiplina ni Jehova ang kaniyang bayan upang dalisayin sila, hindi natin mamaliitin ang disiplina pati na yaong mga dumaranas nito ni tatanggihan natin ito kapag nangyari ito sa atin. Tanggapin natin ang makadiyos na disiplina bilang isang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos.—Hebreo 12:6.
Pag-uusisa sa Bantay
17. Bakit ang Edom ay angkop na tawaging “Duma”?
17 Ang ikalawang makahulang mensahe ng Isaias kabanata 21 ay nagtatampok sa bantay. Ito’y nagsisimula: “Ang kapahayagan laban sa Duma: Sa akin ay may tumatawag mula sa Seir: ‘Bantay, kumusta ang gabi? Bantay, kumusta ang gabi?’” (Isaias 21:11) Nasaan ang Duma na ito? Maliwanag na may ilang bayan na nagtataglay ng pangalang iyan noong panahon ng Bibliya, subalit hindi doon kumakapit ito. Ang Duma ay hindi masusumpungan sa Seir, na isa pang pangalan ng Edom. Gayunman, ang “Duma” ay nangangahulugang “Katahimikan.” Kaya tila ba, kagaya ng kaso sa naunang kapahayagan, ang rehiyon ay binigyan ng isang pangalang salig sa kinabukasan nito. Ang Edom, isang matagal nang mapaghiganting kaaway ng bayan ng Diyos, ay hahantong sa katahimikan—ang katahimikan ng kamatayan. Gayunman, bago iyon mangyari, ang ilan ay mananabik na mag-usisa hinggil sa kinabukasan.
18. Paanong ang kapahayagang, “Ang umaga ay darating, at gayundin ang gabi,” ay natupad sa sinaunang Edom?
18 Sa panahon ng pagsulat ng Isaias, ang Edom ay nasa daraanan ng makapangyarihang hukbo ng Asirya. Ang ilan sa Edom ay nananabik makaalam kung kailan magwawakas ang gabi ng pagmamalupit sa kanila. Ang sagot? “Sinabi ng bantay: ‘Ang umaga ay darating, at gayundin ang gabi.’” (Isaias 21:12a) Ang mga bagay-bagay ay hindi nagbabadya ng anumang kabutihan para sa Edom. Ang silahis ng umaga ay lilitaw sa dakong abot-tanaw, subalit iyon ay panandalian, parang guniguni. Ang gabi—isa pang madilim na panahon ng pang-aapi—ay mabilis na sasapit paglipas ng umaga. Anong pagkaangkop na larawan ng kinabukasan ng Edom! Ang pang-aapi ng Asirya ay magwawakas, subalit ang Babilonya ang papalit sa Asirya bilang isang kapangyarihang pandaigdig at siyang magwawasak sa Edom. (Jeremias 25:17, 21; 27:2-8) Ang siklong ito ay mauulit. Ang pang-aapi ng Babilonya ay susundan ng Persiano at pagkatapos ay ng pang-aapi ng Griego. Magkakaroon naman ng isang maikling “umaga” sa kapanahunan ng Roma, kapag ang mga Herodes—na nagmula sa mga Edomita—ay nagkaroon ng kapangyarihan sa Jerusalem. Subalit ang ‘umagang’ iyon ay hindi magtatagal. Sa wakas, ang Edom ay bubulusok nang permanente sa katahimikan, upang maglaho mula sa kasaysayan. Ang pangalang Duma ay angkop na maglalarawan sa kaniya sa wakas.
19. Nang sabihin ng bantay na, “Kung mag-uusisa kayo ay mag-usisa kayo. Pumarito kayong muli!” ano kaypala ang nais niyang sabihin?
19 Ang bantay ay nagtapos sa kaniyang maikling mensahe sa mga salitang: “Kung mag-uusisa kayo ay mag-usisa kayo. Pumarito kayong muli!” (Isaias 21:12b) Ang pananalitang “Pumarito kayong muli!” ay maaaring tumukoy sa walang katapusang sunud-sunod na “gabi” na nasa harapan ng Edom. O dahil sa ang pananalitang ito ay maaaring isaling “bumalik,” maaaring iminumungkahi ng propeta na ang sinuman sa mga Edomita na nagnanais tumakas sa pagkawasak ng bansa ay dapat na magsisi at “bumalik” kay Jehova. Alinman sa mga ito, ang bantay ay nag-aanyaya ng higit pang pag-uusisa.
20. Bakit ang kapahayagang nakaulat sa Isaias 21:11, 12 ay mahalaga sa bayan ni Jehova sa ngayon?
20 Ang maikling kapahayagang ito ay nangangahulugan ng malaking bagay para sa bayan ni Jehova sa makabagong mga panahon.e Ating nauunawaan na ang sangkatauhan ay napakalalim na sa kadiliman ng gabi ng espirituwal na pagkabulag at pagkahiwalay sa Diyos na aakay sa pagkapuksa ng sistemang ito ng mga bagay. (Roma 13:12; 2 Corinto 4:4) Sa gabing ito, anumang kislap ng pag-asang makapagdadala ang sangkatauhan ng kapayapaan at katiwasayan ay para bang guniguning kislap ng pagbubukang-liwayway na susundan lamang ng mas madilim pang mga panahon. Ang isang tunay na pagbubukang-liwayway ay nalalapit na—ang pagbubukang-liwayway ng Milenyong Paghahari ni Kristo sa lupang ito. Subalit habang namamalagi ang gabi, dapat nating sundin ang pag-akay ng uring bantay sa pamamagitan ng pananatiling gising sa espirituwal at may tibay ng loob na pagbabalita ng nalalapit na katapusan ng masamang sistemang ito ng mga bagay.—1 Tesalonica 5:6.
Sumapit ang Gabi sa Disyertong Kapatagan
21. (a) Anong dalawang kahulugan ang maaaring nilayon para sa pariralang “ang kapahayagan laban sa disyertong kapatagan”? (b) Ano ang mga pulutong ng mga tao ng Dedan?
21 Ang pangwakas na kapahayagan ng Isaias kabanata 21 ay ipinatungkol laban sa “disyertong kapatagan.” Ito’y nagsisimula: “Ang kapahayagan laban sa disyertong kapatagan: Sa kagubatan sa disyertong kapatagan ay magpapalipas kayo ng gabi, O mga pulutong ng mga tao ng Dedan.” (Isaias 21:13) Ang tinukoy na disyertong kapatagan ay maliwanag na ang Arabia, yamang ang kapahayagan ay patungkol sa ilang tribong Arabe. Ang salita para sa “disyertong kapatagan” kung minsan ay isinasaling “gabi,” isang salita na katulad na katulad sa Hebreo. Sinasabi ng ilan na ito’y may dalawang kahulugan, na para bang ang madilim na gabi—isang panahon ng kaligaligan—ay malapit nang sumapit sa rehiyong ito. Ang kapahayagan ay nagsisimula sa isang tagpo sa gabi na nagtatampok sa mga pulutong ng mga tao ng Dedan, isang prominenteng tribong Arabe. Ang gayong pulutong ay nagdaraan sa mga ruta ng kalakal mula sa isang oasis ng disyerto tungo sa susunod, taglay ang mga pampalasa, mga perlas, at iba pang mga kayamanan. Subalit dito ay nakikita nating napilitan silang lumisan sa lugar na lagi nilang dinaraanan upang magpalipas ng gabi sa pagtatago. Bakit?
22, 23. (a) Anong napakabigat na pasanin ang malapit nang sumapit sa mga tribong Arabe, at ano ang epekto nito sa kanila? (b) Gaano kalapit ang pagdating ng kapahamakang ito, at sa kaninong mga kamay?
22 Si Isaias ay nagpapaliwanag: “Sa pagsalubong sa nauuhaw ay magdala kayo ng tubig. O kayong mga tumatahan sa lupain ng Tema, ang tumatakas ay salubungin ninyo na may tinapay para sa kaniya. Sapagkat dahil sa mga tabak ay tumakas sila, dahil sa hugót na tabak, at dahil sa nakahutok na busog at dahil sa tindi ng digmaan.” (Isaias 21:14, 15) Oo, ang napakabigat na pasanin ng pakikidigma ay sasapit sa mga tribong ito ng Arabe. Ang Tema, na nasa rehiyong may mga oasis na lubhang sagana ang tubig, ay napilitang magdala ng tubig at tinapay sa kaawa-awang mga takas sa digmaan. Kailan sasapit ang kaligaligang ito?
23 Si Isaias ay nagpatuloy: “Ito ang sinabi ni Jehova sa akin: ‘Sa loob pa ng isang taon, ayon sa mga taon ng upahang trabahador, ang buong kaluwalhatian ng Kedar ay sasapit na nga sa kawakasan nito. At ang mga nalalabi sa bilang ng mga mambubusog, ang mga makapangyarihang lalaki sa mga anak ni Kedar, ay mangangaunti, sapagkat si Jehova mismo, na Diyos ng Israel, ang nagsalita nito.’” (Isaias 21:16, 17) Ang Kedar ay isang napakaprominenteng tribo anupat kung minsan ay ginagamit ito upang kumatawan sa buong Arabia. Tiniyak ni Jehova na ang mga mambubusog at mga makapangyarihang lalaki ng tribong ito ay mangangaunti ang bilang hanggang sa maging isang nalabi na lamang. Kailan? “Sa loob pa ng isang taon,” hindi na hihigit pa roon, kung paanong ang isang upahang trabahador ay nagtatrabaho nang hindi hihigit pa sa oras na doo’y binabayaran siya. Kung paano wastong matutupad ang lahat ng ito ay hindi tiyak. Dalawang Asiryanong tagapamahala—sina Sargon II at Senakerib—ang mga nag-angkin ng papuri para sa paglupig sa Arabia. Alinman sa kanila ang maaaring siyang pumuksa sa mapagmataas na mga tribong ito ng Arabe, gaya ng inihula.
24. Paano tayo makatitiyak na natupad ang hula ni Isaias laban sa Arabia?
24 Gayunman, tayo’y makatitiyak na ang hulang ito ay lubusang natupad. Wala nang iba pa ang makapagpapakita ng puntong ito sa higit na mapuwersang paraan kaysa sa pangwakas na mga pananalita ng kapahayagan: “Si Jehova mismo, na Diyos ng Israel, ang nagsalita nito.” Para sa mga tao noong kaarawan ni Isaias, para bang hindi mangyayari na ang Babilonya ay mangingibabaw sa Asirya at pagkatapos ay ibabagsak ito mula sa kapangyarihan sa panahon ng buktot na pagsasaya sa isang gabi. Para bang hindi rin mangyayari na ang makapangyarihang Edom ay magwawakas sa matahimik na kamatayan o na sasapit sa mayamang mga tribo ng Arabe ang isang gabi ng kahirapan at kawalan. Subalit sinabi ni Jehova na mangyayari iyon, at iyo’y naganap nga. Sa panahong ito, sinasabi sa atin ni Jehova na ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay mauuwi sa wala. Hindi lamang ito isang posibilidad; ito’y isang katiyakan. Si Jehova mismo ang nagsabi nito!
25. Paano natin matutularan ang halimbawa ng bantay?
25 Kung gayon, hayaang tayo’y maging gaya ng bantay. Manatili tayong gising, na para bang nakapuwesto sa isang mataas na bantayan, na tinitingnan sa abot-tanaw ang anumang tanda ng nalalapit na kapahamakan. Makisama tayo nang malapitan sa tapat na uring bantay, ang nalalabi ng pinahirang mga Kristiyano na nasa lupa ngayon. Tayo’y makisali sa kanila sa may tibay-loob na pagsasabi ng kung ano ang ating nakikita—ang napakaraming ebidensiya na si Kristo ay namamahala na sa langit; na malapit na niyang wakasan ang matagal at madilim na gabi ng pagkahiwalay ng sangkatauhan sa Diyos; at pagkatapos ay kaniyang ihahatid ang tunay na pagbubukang-liwayway, ang Milenyong Paghahari sa isang paraisong lupa!
[Mga talababa]
a Ang Persianong haring si Ciro ay pinanganlan kung minsan na “Hari ng Anshan”—ang Anshan na isang rehiyon o lunsod sa Elam. Maaaring di-kilala ng mga Israelita noong kaarawan ni Isaias—sa ikawalong siglo B.C.E.—ang Persia, subalit kilala nila ang Elam. Ito ang maaaring dahilan kung bakit dito’y binanggit ni Isaias ang Elam sa halip na Persia.
b Maraming komentarista sa Bibliya ang nag-iisip na ang mga salita na “pahiran ang kalasag” ay tumutukoy sa sinaunang kaugalian ng militar na nilalangisan ang mga kalasag na katad bago makipagdigma upang dumaplis ang karamihan sa mga taga. Bagaman ito’y isang posibleng interpretasyon, nararapat isaalang-alang na noong gabing bumagsak ang lunsod, halos wala nang panahon ang mga taga-Babilonya upang lumaban, lalo na nga ang maghanda pa para sa digmaan sa pamamagitan ng paglalagay ng langis sa kanilang mga kalasag!
c Ang hula ni Isaias hinggil sa pagbagsak ng Babilonya ay napakatumpak anupat sinapantaha ng mga kritiko ng Bibliya na ito ay maaaring isinulat pagkatapos ng pangyayari. Subalit gaya ng sinabi ng Hebreong iskolar na si F. Delitzch, ang gayong mga sapantaha ay hindi na kailangan kung ating tinatanggap na ang isang propeta ay maaaring kasihan upang patiunang humula ng mga pangyayari daan-daang taon bago nito.
e Sa unang 59 na taon ng paglalathala nito, ang magasing Bantayan ay nagtampok ng Isaias 21:11 sa pabalat nito. Ang kasulatan ding ito ang naging tema ng huling nasusulat na sermon ni Charles T. Russell, ang unang presidente ng Samahang Watch Tower. (Tingnan ang ilustrasyon sa naunang pahina.)
[Larawan sa pahina 219]
“Magkaroon . . . ng kainan, ng inuman!”
[Larawan sa pahina 220]
Ang bantay ay “sumigaw na parang leon”
[Larawan sa pahina 222]
“Palagi akong nakatayo kung araw, at . . . sa lahat ng gabi”