Ang Jerusalem Noong Panahon ng Bibliya—Ano ang Isinisiwalat ng Arkeolohiya?
ISINAGAWA sa Jerusalem, lalo na mula noong 1967, ang kapansin-pansing malalaking gawain sa arkeolohiya. Marami sa mga pinaghukayan ay maaari na ngayong pasyalan ng madla, kaya ating puntahan ang ilan sa mga ito at tingnan kung paano nakakasuwato ng arkeolohiya ang kasaysayan sa Bibliya.
Ang Jerusalem ni Haring David
Ang lugar na tinutukoy sa Bibliya bilang Bundok ng Sion, na kinatatayuan ng sinaunang Lunsod ni David, ay mukhang walang gaanong halaga sa makabagong lunsod ng Jerusalem. Ang mga paghuhukay sa Lunsod ni David, na pinangunahan ng yumaong propesor na si Yigal Shiloh noong mga taon ng 1978-85, ay naglantad ng isang napakalaking baitang-baitang na istraktura, o sumusuhay na pader, sa silangang panig ng bundok.
Sinabi ni Propesor Shiloh na tiyak na mga labí ito ng isang malaking pundasyon ng hagdan-hagdang pader na sa ibabaw nito ay itinayo ng mga Jebusita (ang mga mamamayan bago ang pananakop ni David) ang isang tanggulan. Ipinaliwanag niya na ang baitang-baitang na istraktura na kaniyang nasumpungan sa ibabaw ng hagdan-hagdang mga pader ay bahagi ng bagong moog na itinayo ni David sa lugar ng tanggulan ng mga Jebusita. Sa 2 Samuel 5:9, mababasa natin: “Nanirahan si David sa moog, at iyon ay tinawag na Lunsod ni David; at nagsimulang magtayo si David sa buong palibot mula sa Gulod at papasok.”
Malapit sa istrakturang ito ang mga pasukan ng mga sistemang patubig ng sinaunang lunsod, na ang ilang bahagi nito ay waring noon pang panahon ni David. Nagbangon ng mga tanong ang ilang pangungusap sa Bibliya tungkol sa sistema ng tunel ng tubig ng Jerusalem. Halimbawa, sinabi ni David sa kaniyang mga tauhan na “sinumang mananakit sa mga Jebusita, hayaan siya, sa pamamagitan ng tunel ng tubig, na makipagharap” sa kaaway. (2 Samuel 5:8) Ginawa ito ng kumandante ni David na si Joab. Ano ba ang talagang kahulugan ng pananalitang “tunel ng tubig”?
Bumangon ang iba pang tanong tungkol sa tanyag na Tunel ng Siloam, malamang na hinukay ng mga inhinyero ni Haring Hezekias noong ikawalong siglo B.C.E. at tinukoy sa 2 Hari 20:20 at 2 Cronica 32:30. Paano nagtagpo ang dalawang pangkat na humuhukay sa magkabilang dulo ng tunel? Bakit pinili nila ang paliku-likong paghuhukay, anupat lalong pinahaba ang tunel kaysa kung dineretso na lamang? Paano sila nagkaroon ng sapat na hangin upang makahinga, lalo na’t malamang ay gumamit sila ng mga ilawang pinagniningas ng langis?
Nagbigay ng posibleng mga sagot sa gayong mga tanong ang magasing Biblical Archaeology Review. Sinipi ang sinabi ni Dan Gill, isang kasangguning heologo sa paghuhukay na ito: “Sa ilalim ng Lunsod ni David ay may isang likas na mahusay-ang-pagkakabuong sistema ng karst. Ang karst ay isang termino sa heolohiya na lumalarawan sa isang paliku-likong rehiyon ng mga guwang, yungib at mga lagusan na sanhi ng tubig sa lupa habang ito ay tumatagas at dumadaloy sa mga namuong bato sa ilalim ng lupa. . . . Ang aming heolohikang pagsusuri sa sistema ng patubig sa silong ng lupa na nasa ilalim ng Lunsod ni David ay nagpapahiwatig na ang mga ito’y ginawa pangunahin na sa pamamagitan ng may-kahusayang pagpapaluwang ng tao sa likas (karstic) na mga nabuong lagusan at daanan na iniugnay naman sa gumagana nang sistema ng panustos na tubig.”
Makatutulong ito upang maipaliwanag kung paano hinukay ang Tunel ng Siloam. Maaaring isinunod ito sa paliku-likong direksiyon ng isang likas na lagusan sa ilalim ng bundok. Maaaring naghukay ng pansamantalang tunel ang mga pangkat na nagtatrabaho sa magkabilang dulo sa pamamagitan ng pagbago sa mga yungib na naroon. Pagkatapos ay humukay ng palusong na lagusan upang dumaloy ang tubig mula sa bukal ng Gihon tungo sa Tipunang-tubig ng Siloam, na malamang ay naroon sa loob ng napapaderang lunsod. Ito ay tunay na pambihirang gawa sa inhinyeriya yamang ang taas ng isang dulo kung ihahambing sa kabila ay 32 centimetro lamang, sa kabila pa ng haba nito na 533 metro.
Matagal nang kinikilala ng mga iskolar na ang pangunahing pinagkukunan ng tubig ng sinaunang lunsod ay ang bukal ng Gihon. Matatagpuan ito sa labas ng napapaderang lunsod subalit sapat ang lapit upang makahukay ng isang tunel at isang 11-metro-ang-lalim na daanan, na mapagkukunan ng tubig ng mga naninirahan nang hindi lumalabas sa nagsasanggalang na mga pader. Kilala ito bilang Warren’s Shaft, isinunod sa pangalan ni Charles Warren, na siyang nakatuklas sa sistema noong 1867. Subalit kailan ginawa ang tunel at ang daanan? Umiiral na kaya ang mga ito noong panahon ni David? Ito ba ang tunel ng tubig na ginamit ni Joab? Ganito ang sagot ni Dan Gill: “Upang matiyak kung talaga ngang likas na guwang ang Warren’s Shaft, sinuri namin kung may carbon-14 ang isang piraso ng matigas na sapin ng lupa na galing sa baku-bakong pader nito. Wala itong taglay, anupat ipinakikita na ang sapin ng lupa ay mahigit sa 40,000 taon nang umiiral: Naglalaan ito ng di-matututulang katibayan na ang daanan ay hindi maaaring hinukay ng tao.”
Mga Labí ng Panahon ni Hezekias
Nabuhay si Haring Hezekias nang ang bansang Asirya ay puspusang nananakop. Noong ikaanim na taon ng kaniyang paghahari, kinubkob ng mga Asiryano ang Samaria, ang kabisera ng sampung-tribong kaharian. Pagkalipas ng walong taon (732 B.C.E.) ay nagbalik ang mga Asiryano, anupat nagbabanta sa Juda at sa Jerusalem. Inilalarawan ng 2 Cronica 32:1-8 ang estratehiya ng depensa ni Hezekias. May mga nakikita bang katibayan mula sa panahong iyon?
Oo, noong 1969, natuklasan ni Propesor Nahman Avigad ang mga labí ng panahong iyon. Inilantad ng mga paghuhukay ang isang bahagi ng isang malaking pader, na ang unang bahagi ay may habang 40 metro, 7 metro ang luwang, at, ayon sa pagtantiya ay 8 metro ang taas. Ang pader ay may bahaging itinayo sa malaking tipak ng bato at ang isang bahagi naman ay sa mga bahay na bagong gawa lamang. Sino ang nagtayo ng pader at kailan? “Dalawang talata sa Bibliya ang tumulong kay Avigad na matiyak ang petsa at layunin ng pader,” ang ulat ng isang magasin tungkol sa arkeolohiya. Ganito ang mababasa sa mga talatang ito: “Karagdagan pa, nilakasan niya ang kaniyang loob at itinayo ang lahat ng nagibang pader at nagtayo ng mga tore sa ibabaw nito, at isa pang pader sa labas.” (2 Cronica 32:5) “Ibabagsak mo rin ang mga bahay upang hindi maabot ang pader.” (Isaias 22:10) Ngayon ay maaaring makita ng mga bisita ang bahagi nitong tinatawag na Malapad na Pader sa Judiong Distrito ng Matandang Lunsod.
Isiniwalat din ng iba’t ibang paghuhukay na ang Jerusalem nang panahong iyon ay mas malaki kaysa sa inakala noon, marahil dahil sa pagdagsa ng mga lumikas buhat sa hilagang kaharian matapos na ito ay magapi ng mga Asiryano. Tinaya ni Propesor Shiloh na ang Jebusitang lunsod ay may lawak na mga 6 na ektarya. Noong panahon ni Solomon ay may lawak ito na 16 na ektarya. Pagsapit nang panahon ni Haring Hezekias, pagkalipas ng 300 taon, ang nakukutaang lugar ng lunsod ay lumawak tungo sa 60 ektarya.
Ang mga Sementeryo Noong Panahon ng Unang Templo
Ang mga sementeryo noong panahon ng Unang Templo, alalaong baga, bago wasakin ng mga taga-Babilonya ang Jerusalem noong 607 B.C.E., ay isa pang pinagmumulan ng impormasyon. Kagila-gilalas ang mga nasumpungan nang mahukay noong 1979/80 ang isang kalipunan ng mga kuwebang libingan sa dalisdis ng Libis ng Hinnom. “Sa buong kasaysayan ng arkeolohikang pananaliksik sa Jerusalem, ito ang isa sa iilang repositoryo ng Unang Templo na nasumpungang nagtataglay ng lahat ng laman nito. Naglalaman ito ng mahigit sa isang libong bagay,” ang sabi ng arkeologong si Gabriel Barkay. Nagpatuloy pa siya: “Ang pinakahahangad ng bawat arkeologong gumagawa sa Israel, at lalo na sa Jerusalem, ay ang makatuklas ng nakasulat na materyal.” Dalawang maliit na balumbong pilak ang natagpuan, na naglalaman ng ano?
Ganito ang paliwanag ni Barkay: “Nang makita ko ang nakaladlad na pilas ng pilak at ilagay ito sa ilalim ng lente, naaninag ko na ang ibabaw nito ay may mga titik na maingat na isinulat, anupat iginuhit sa pamamagitan ng matalim na instrumento sa napakanipis at marupok na tulad-pilyegong pilak. . . . Ang Banal na Pangalan na malinaw na makikita sa inskripsiyon ay binubuo ng apat na letrang Hebreo na isinulat sa sinaunang Hebreong titik, yod-he-waw-he.” Sa isang publikasyon nang dakong huli, idinagdag ni Barkay: “Nagulat kami sapagkat sa dalawang plakeng pilak ay may nakasulat na mga tuntunin sa pagbasbas na halos kapareho ng Makasaserdoteng Pagpapala sa Bibliya.” (Bilang 6:24-26) Ito ang unang pagkakataon na ang pangalan ni Jehova ay nasumpungan sa isang inskripsiyon na natagpuan sa Jerusalem.
Paano pinetsahan ng mga iskolar ang mga balumbong pilak na ito? Pangunahin na sa pamamagitan ng mga kaugnay na bagay sa arkeolohiya na natagpuan sa kinaroroonan ng mga ito. Mahigit sa 300 piraso ng mapepetsahang mga palayok ang natagpuan sa repositoryo, na matutunton pa noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E. Ang istilo ng sulat, kapag inihambing sa iba pang pinetsahang inskripsiyon, ay matutunton sa gayunding panahon. Makikita ang mga balumbon sa Israel Museum sa Jerusalem.
Ang Pagkawasak ng Jerusalem Noong 607 B.C.E.
Isinasaysay ng Bibliya ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. sa 2 Hari kabanata 25, 2 Cronica kabanata 36, at Jeremias kabanata 39, anupat iniuulat na ang lunsod ay sinunog ng hukbo ni Nabucodonosor. Pinatunayan ba ng kamakailang paghuhukay ang ganitong makasaysayang ulat? Ayon kay Propesor Yigal Shiloh, “ang katibayan [ng pagwasak ng mga taga-Babilonya] sa Bibliya . . . ay nakakatugma ng malinaw na ebidensiya sa arkeolohiya; ang lubusang pagkawasak ng iba’t ibang istraktura, at ang sunog na tumupok sa iba’t ibang bahaging kahoy ng mga bahay.” Nagkomento pa siya: “Ang mga bakas ng pagwasak na ito ay nasumpungan sa bawat paghuhukay na isinagawa sa Jerusalem.”
Makikita ng mga bisita ang mga labí ng pagkawasak na iyon na naganap mahigit na 2,500 taon na ang nakalipas. Ang Toreng Israelita, ang Sunog na Silid, at ang Bullae House ay mga pangalan ng mga arkeolohikang lugar na iningatan at ipinakikita sa madla. Ganito ang binuod ng mga arkeologong sina Jane M. Cahill at David Tarler sa aklat na Ancient Jerusalem Revealed: “Ang lansakang pagwasak ng mga taga-Babilonya sa Jerusalem ay mapapansin hindi lamang sa makakapal na sapin ng nag-uling na mga labí na nahukay sa mga istrakturang tulad ng Sunog na Silid at ng Bullae House, kundi gayundin sa malalim na bunton ng mga bato mula sa gumuhong mga gusali na nasumpungang tumatakip sa silanganing dalisdis. Ang paglalarawan ng Bibliya sa pagkawasak ng lunsod . . . ay nakakatugma ng mga katibayan sa arkeolohiya.”
Samakatuwid, ang paglalarawan ng Bibliya sa Jerusalem buhat noong panahon ni David hanggang sa pagkawasak nito noong 607 B.C.E. ay napatunayan sa maraming paraan sa pamamagitan ng mga arkeolohikang paghuhukay na isinagawa ng mga arkeologo noong nakalipas na 25 taon. Subalit kumusta naman ang Jerusalem noong unang siglo C.E.?
Ang Jerusalem Noong Panahon ni Jesus
Ang mga paghuhukay, ang Bibliya, ang unang-siglong istoryador na si Josephus, at ang iba pang pinagmumulan ng impormasyon ay tumutulong sa mga iskolar na mailarawan ang Jerusalem noong panahon ni Jesus, bago ito wasakin ng mga Romano noong 70 C.E. Isang modelo, na makikita sa likod ng isang malaking otel sa Jerusalem, ay iniaangkop sa tuwi-tuwina ayon sa mga bagong isinisiwalat ng mga paghuhukay. Ang pangunahing bahagi ng lunsod ay ang Kinatatayuan ng Templo, na ang laki ay dinoble ni Herodes kung ihahambing doon sa isa noong panahon ni Solomon. Iyon ang pinakamalaking gawang-taong plataporma sa sinaunang sanlibutan, mga 480 metro por 280 metro. Ang ilang bato na ginamit sa pagtatayo ay tumitimbang ng 50 tonelada, ang isa pa nga ay halos umabot sa 400 tonelada at “walang katulad ang laki saanman sa sinaunang sanlibutan,” ayon sa isang iskolar.
Hindi nakapagtataka na nagulat ang ilang tao nang sabihin ni Jesus na: “Gibain ninyo ang templong ito, at sa tatlong araw ay aking itatayo ito.” Inakala nila na tinutukoy niya ang napakalaking gusali ng templo, bagaman ang tinutukoy niya ay ang “templo ng kaniyang katawan.” Kaya naman, sinabi nila: “Ang templong ito ay itinayo sa loob ng apatnapu’t anim na taon, at itatayo mo ba ito sa loob ng tatlong araw?” (Juan 2:19-21) Bilang resulta ng mga paghuhukay sa palibot ng Kinatatayuan ng Templo, makikita ngayon ng mga dumadalaw ang mga bahagi ng mga pader at ang iba pang bahaging arkitektura buhat noong panahon ni Jesus at malalakad pa nga ang malamang ay nilakad niya patungong timugang pintuan ng templo.
Hindi kalayuan sa kanlurang pader ng Kinatatayuan ng Templo, sa Judiong Distrito ng Matandang Lunsod, ay may dalawang naingatang-mabuti na mga lugar na pinaghukayan buhat noong unang siglo C.E., na kilala bilang ang Sunog na Bahay at ang Distrito ng mga Herodiano. Pagkaraang matuklasan ang Sunog na Bahay, sumulat ang arkeologong si Nahman Avigad: “Talagang maliwanag na ngayon na ang gusaling ito ay sinunog ng mga Romano noong 70 A.D., nang wasakin ang Jerusalem. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng paghuhukay sa lunsod, naisiwalat ang detalyado at malinaw na arkeolohikang katibayan ng pagsunog sa lunsod.”—Tingnan ang mga larawan sa pahina 12.
Ang ilan sa mga tuklas na ito ay nagbibigay-liwanag sa ilang pangyayari sa buhay ni Jesus. Ang mga gusali ay naroroon sa Lunsod sa Ilaya, kung saan naninirahan ang mayayamang tao sa Jerusalem, kasali na ang mga mataas na saserdote. Maraming ritwal na paliguan ang nasumpungan sa mga bahay. Sinabi ng isang iskolar: “Ang malaking bilang ng mga paliguan ay nagpapatunay sa mahigpit na pagsunod sa mga batas hinggil sa ritwal na kadalisayan na isinasagawa ng mga naninirahan sa Lunsod sa Itaas noong panahon ng Ikalawang Templo. (Ang mga batas na ito ay nakaulat sa Mishnah, na nag-uukol ng sampung kabanata sa mga detalye ng mikveh.)” Ang impormasyong ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang sinabi ni Jesus sa mga Fariseo at mga eskriba may kinalaman sa mga ritwal na ito.—Mateo 15:1-20; Marcos 7:1-15.
Isang di-inaasahang malaking bilang ng mga sisidlang bato ang nasumpungan din sa Jerusalem. Ganito ang sabi ni Nahman Avigad: “Bakit, kung gayon, agad lumitaw ang mga ito nang gayon na lamang at sa gayong dami sa sambahayan sa Jerusalem? Ang sagot ay makikita sa saklaw ng halakhah, ang mga batas ng mga Judio may kinalaman sa ritwal na kadalisayan. Sinasabi sa atin ng Mishnah na ang mga sisidlang bato ay kabilang sa mga bagay na iyon na hindi mababahiran ng karumihan . . . Ang bato ay tiyak na hindi mababahiran ng ritwal na karumihan.” Sinasabi na ipinaliliwanag nito kung bakit ang tubig na pinaging alak ni Jesus ay inimbak sa mga sisidlang bato sa halip na sa mga sisidlang yari sa lupa.—Levitico 11:33; Juan 2:6.
Ipakikita ng pagdalaw sa Israel Museum ang dalawang pambihirang imbakan ng mga buto ng patay. Ganito ang paliwanag ng Biblical Archaeology Review: “Ang mga imbakan ay karaniwan nang ginamit noong mga sandaang taon bago ang pagwasak ng mga Romano sa Jerusalem noong 70 C.E. . . . Ang patay ay inilalagay sa isang uka na inukit sa pader ng isang kuwebang libingan; pagkatapos na maagnas ang laman, ang mga buto ay kinokolekta at inilalagay sa isang imbakan—isang lalagyang karaniwan nang yari sa batong-apog na pinalamutian.” Ang dalawa na ipinakikita sa madla ay nasumpungan noong Nobyembre 1990 sa isang kuwebang libingan. Ganito ang ulat ng arkeologong si Zvi Greenhut: “Ang salitang . . . ‘Caiapha’ na nasa dalawang imbakan sa libingan ay lumilitaw dito sa unang pagkakataon sa isang arkeolohikang konteksto. Marahil ay ito ang pangalan ng pamilya ng Mataas na Saserdoteng si Caifas, na binanggit . . . sa Bagong Tipan . . . Si Jesus ay galing sa bahay niya sa Jerusalem nang dalhin ito sa Romanong administrador na si Poncio Pilato.” Isang imbakan ang kinalalagyan ng mga buto ng isang lalaki na mga 60 taon ang edad. Ipinalalagay ng mga iskolar na ang mga ito sa aktuwal ay mga buto ni Caifas. Iniuugnay ng isang iskolar ang mga pagsusuri sa panahon ni Jesus: “Ang isang barya na nasumpungan sa isa sa iba pang imbakan ay ginawa ni Herodes Agripa (37-44 C.E.). Ang dalawang imbakan ni Caifas ay maaaring ginawa noong pasimula ng siglo.”
Ganito ang komento ni William G. Dever, propesor sa arkeolohiya ng Near Eastern sa University of Arizona, may kinalaman sa Jerusalem: “Hindi kalabisan na sabihing mas marami tayong nalaman sa arkeolohikang kasaysayan ng pangunahing dakong ito sa nakaraang 15 taon kaysa sa naunang 150 taon kung pagsasama-samahin.” Marami sa malalaking gawain sa arkeolohiya sa Jerusalem nitong nagdaang mga dekada ay tiyak na nagharap ng mga tuklas na nagbibigay-liwanag sa kasaysayan sa Bibliya.
[Picture Credit Line sa pahina 9]
Reproduksiyon ng Lunsod ng Jerusalem noong panahon ng Ikalawang Templo - matatagpuan sa bakuran ng Holyland Hotel, Jerusalem
[Mga larawan sa pahina 10]
Itaas: Timog-kanlurang sulok ng Kinatatayuan ng Templo ng Jerusalem
Kanan: Ang pagbaba sa loob ng Warren’s Shaft