Jeremias
39 Noong ikasiyam na taon ni Haring Zedekias ng Juda, nang ika-10 buwan, dumating sa Jerusalem si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya at ang buong hukbo niya, at pinalibutan nila ito.+
2 Noong ika-11 taon ni Zedekias, nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, nabutas at napasok nila ang pader ng lunsod.+ 3 At ang lahat ng matataas na opisyal ng hari ng Babilonya ay pumasok at umupo sa Gitnang Pintuang-Daan+—sina Nergal-sarezer na Samgar, Nebo-Sarsekim na Rabsaris,* Nergal-sarezer na Rabmag,* at ang lahat ng iba pang matataas na opisyal ng hari ng Babilonya.
4 Nang makita ni Haring Zedekias ng Juda at ng lahat ng sundalo ang mga Caldeo, tumakas sila,+ at lumabas sila ng lunsod pagsapit ng gabi. Dumaan sila sa hardin ng hari, sa pintuang-daan sa pagitan ng dalawang pader, at nagpatuloy sila sa daan ng Araba.+ 5 Pero hinabol sila ng hukbo ng mga Caldeo, at naabutan ng mga ito si Zedekias sa mga tigang na kapatagan ng Jerico.+ Nahuli siya ng mga ito at dinala kay Haring Nabucodonosor* ng Babilonya sa Ribla,+ sa lupain ng Hamat,+ kung saan siya hinatulan nito. 6 Ipinapatay ng hari ng Babilonya sa Ribla ang mga anak ni Zedekias sa harap niya, at ipinapatay ng hari ng Babilonya ang lahat ng prominenteng tao ng Juda.+ 7 Pagkatapos ay binulag niya ang mga mata ni Zedekias, at iginapos niya ito ng kadenang tanso para dalhin sa Babilonya.+
8 Sinunog ng mga Caldeo ang bahay* ng hari at ang mga bahay ng mga tao,+ at giniba nila ang mga pader ng Jerusalem.+ 9 Ipinatapon sa Babilonya ni Nebuzaradan+ na pinuno ng mga bantay ang lahat ng natira sa lunsod, ang mga kumampi sa kaniya, at ang lahat ng iba pang naiwan.
10 Pero iniwan ni Nebuzaradan, na pinuno ng mga bantay, sa lupain ng Juda ang ilan sa pinakamahihirap na tao, ang mga walang anumang pag-aari. Nang araw na iyon, binigyan niya rin sila ng mga ubasan at mga bukid na sasakahin.*+
11 Ganito ang iniutos ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya kay Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay may kinalaman kay Jeremias: 12 “Kunin mo siya at huwag mo siyang pababayaan; huwag mo siyang sasaktan, at ibigay mo sa kaniya ang anumang hilingin niya sa iyo.”+
13 Kaya nagsugo si Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay, si Nebusazban na Rabsaris,* si Nergal-sarezer na Rabmag,* at ang lahat ng pangunahing lingkod ng hari ng Babilonya 14 at ipinakuha si Jeremias sa Looban ng Bantay+ at ibinigay kay Gedalias+ na anak ni Ahikam+ na anak ni Sapan+ para dalhin sa bahay nito. Kaya tumira siya kasama ng bayan.
15 Habang nakakulong si Jeremias sa Looban ng Bantay,+ dumating sa kaniya ang salita ni Jehova: 16 “Sabihin mo sa Etiope na si Ebed-melec,+ ‘Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo, ang Diyos ng Israel: “Tutuparin ko ang mga sinabi kong kapahamakan, at hindi kabutihan, sa lunsod na ito, at sa araw na iyon ay makikita mong mangyayari ito.”’
17 “‘Pero ililigtas kita sa araw na iyon,’ ang sabi ni Jehova, ‘at hindi ka ibibigay sa mga lalaking kinatatakutan mo.’
18 “‘Dahil tutulungan kitang makatakas, at hindi ka mamamatay sa espada. Ang buhay mo ang magiging samsam mo,*+ dahil nagtiwala ka sa akin,’+ ang sabi ni Jehova.”