Kapayapaan Buhat sa Diyos—Kailan?
“Ang Diyos na nagbibigay ng kapayapaan ang dudurog kay Satanas sa ilalim ng inyong mga paa di na magtatagal.”—ROMA 16:20.
1, 2. (a) Ano ang sinabi ng isang pantas na Hindu tungkol sa digmaan at kapayapaan? (b) Sino ang mga maliligaya na nagtatamasa ng kapayapaan buhat sa Diyos?
“KUNG ang baliw na pagpapaligsahan sa mga armamento ay magpapatuloy, ang resulta nito’y ang pagkasawi ng pagkarami-rami na kailanma’y hindi nangyayari sa kasaysayan. Sakaling may matirang nagtagumpay ang mismong tagumpay na iyon ay magiging isang buháy na kamatayan para sa bansa na magtatagumpay.” Ang hulang iyan noong 1938 ni Mohandas Gandhi ay aktuwal na posibleng mangyari makalipas ang mahabang panahon pagkatapos salitain niya ito noong kaniyang kapanahunan.
2 Bago pa nito, noong 1931, sinabi ni Gandhi sa isang viceroy ng Britaniya: “Pagka ang bansa mo at ang bansa ko ay nagkaisa sa mga turo na iniaral ni Kristo sa kaniyang Sermon sa Bundok, sa ganoo’y malulutas natin ang mga problema hindi lamang ng ating bansa kundi ng buong daigdig.” Gaya ng binanggit ng pantas na Hindu, ang sermon ni Jesus ang nagtuturo ng daan sa walang hanggang kapayapaan. Sa sermong iyon sinabi ni Kristo: “Maligaya ang mga mapagpayapa, sapagkat sila’y tatawaging ‘mga anak ng Diyos.’” (Mateo 5:9) Maraming “mga anak” ang ngayo’y nagtatamasa ng kapayapaan buhat sa Diyos. Pagdating ng panahon, lahat ng mga maaamo sa lupa ay “lubusang masasayahan sa kasaganaan ng kapayapaan.” (Awit 37:11) Subalit tayo ba’y makapagtitiwala sa ganitong kahihinatnan?
3. Bakit walang tunay na kapayapaan sa lupa ngayon?
3 Sa ngayon, ang malagim na anino ng pagkawasak ng daigdig ay nakabitin sa sangkatauhan. Isang kamakailang pag-aaral ang nagsasabi: “Ang lubos na kahangalan nito ay na $3-4,000,000,000,000 (3-4 trilyong dolyar) ang ginugol sapol noong Digmaang Pandaigdig II upang lumikha ng isang nuklear na arsenal na, kung gagamitin, ay mangangahulugan ng pangglobong pagpapatiwakal. . . . Ang megatonnage sa talaksan ng mga armas nuklear sa daigdig ay sapat upang pumatay sa 58 bilyon katao, o 12 beses na patayin nito ang bawat tao na nabubuhay ngayon.”a Gayunman ay patuloy na bumibilis ang baliw na pagpapaligsahang ito. BALIW nga (MAD nga, ang sabi sa Ingles), sapagkat ang mga inisyal na iyan (sa Ingles) ay kumakatawan sa mga salitang Mutually Assured Destruction, ang mabuway na ideya na pinagsasaligan ng mga superpower ng kanilang umano’y kapayapaan. Tiyak na ito’y hindi kapayapaan buhat sa Diyos.
4. (a) Anong tanawin ang makikita ngayon sa daigdig? (b) Subalit anong matatag na pag-asa mayroon ang mga sumasamba kay Jehova?
4 Sa lahat ng paraan, ang daigdig na ito ay isang malungkot na tanawin. Ngayon higit kailanman ang lipunan ng tao ay dumaranas ng lalong maraming pulitikal na katiwalian, lalong maraming krimen, lalong maraming kagipitan sa kabuhayan, o lalong maraming kasamaan at kaguluhan sa relihiyon kaysa noong nakaraan. Ngayon lalung-lalo nang masasabi na “ang sangnilalang ay sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit.” Subalit ipinangako ng Diyos na ang sangkatauhan “ay palalayain sa pagkaalipin sa kabulukan at magkakaroon ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21, 22) Ang mga mangingibig sa kapayapaan na sumasamba sa Diyos ng Bibliya, ang Soberanong Panginoong Jehova, ay binibigyang-katiyakan ng pagpasok sa kalayaang iyan. Yao’y magiging isang kalayaan na matatag na nag-uugat sa tunay na kapayapaan, walang hanggang kapayapaan. (Ezekiel 37:26-28) Subalit kailan at paano darating ang kapayapaang iyan?
Ang Pangmalas ng Diyos sa “mga Panahon at mga Kapanahunan”
5. Anong tanong ang bumabangon tungkol sa 1 Tesalonica 5:1?
5 Inaliw ni apostol Pablo ang mga Kristiyano sa Tesalonica sa pamamagitan ng pagpapaliwanag kung paano ang pagkabuhay-muli ay kaugnay ng “pagkanaririto ng Panginoon” na si Jesus. Pagkatapos ay sinasabi niya: “Ngayon kung tungkol sa mga panahon at mga kapanahunan, mga kapatid, hindi na kailangang sulatan pa kayo ng anuman.”—1 Tesalonica 4:15; 5:1.
6. Paano natin nalalaman na ang “mga panahon at mga kapanahunan” ay mahalaga sa Diyos?
6 Ang mga salita ba ng apostol ay nagpapakita na ang “mga panahon at mga kapanahunan” ay hindi mahalaga sa Diyos? Hindi nga! (Eclesiastes 3:1) “Nang dumating ang ganap na kapanahunan,” sa katapusan ng 69 na sanlinggong mga taon, “sinugo ng Diyos ang kaniyang Anak.” At ang ministeryo ni Jesus ay tumagal ng tatlo at kalahating taon—mula 29 C.E. hanggang 33 C.E.—gaya ng inihula. (Galacia 4:4; Daniel 9:24-27) Eksakto sa katapusan ng “itinakdang mga panahon sa mga bansa” noong 1914 si Jesus ay iniluklok na Hari sa “makalangit na Jerusalem.” (Lucas 21:24; Hebreo 12:22; Ezekiel 21:27; Daniel 4:31, 32) Ang “malaking kapighatian” ay darating din naman sa “araw at oras” na itinakda ni Jehova. “Iyon ay hindi magtatagal.”—Mateo 24:21, 36; Habacuc 2:3.
7. Bakit si Pablo ay hindi na kailangang sumulat sa mga taga-Tesalonica tungkol sa “mga panahon at mga kapanahunan”?
7 Gayunman, sa puntong ito si Pablo ay hindi na kailangang sumulat tungkol sa “mga panahon at mga kapanahunan.” Ang mga Kristiyanong iyon sa Tesalonica ay kumbinsido na na iyon ang ‘kapanahunan’ ng katapusan ng Judiong sistema ng mga bagay, na matatapos mga 20 taon ang makalipas, noong 70 C.E. Ang kanilang sigasig at “kagalakan sa banal na espiritu” ay sumikat bilang uliran. (1 Tesalonica 1:4-7) Katulad din nila, ang mga Saksi ni Jehova sa ngayon ay lubusang may kamalayan na ang mga digmaang pandaigdig at iba pang nakalulungkot na mga pangyayari sapol noong 1914 ay “tanda” ng di-nakikitang pagkanaririto ni Jesus na taglay ang kapangyarihan at kaluwalhatian sa Kaharian.—Mateo 24:3-8; 25:31.
8. Bakit tayo kailangang manatiling gising at aktibo?
8 Pagkatapos, ang apostol ay muling nagbigay ng katiyakan sa kaniyang mga kapuwa Kristiyano, na nagsasabi: “Sapagkat kayo na rin ang lubos na nakakaalam na ang araw ni Jehova ay dumarating na kagayang-kagaya ng isang magnanakaw sa gabi.” (1 Tesalonica 5:2) Bagaman hindi natin alam ang eksaktong oras, ang araw na iyon ukol sa pagpaparusa ay palapit nang palapit. Iyon ay biglang darating, sa isang iglap, sa itinakdang oras ng Diyos. Kung gayon, tayo’y kailangang manatiling gising at aktibo.—Lucas 21:34-36.
Isang Sukdulang Pananawagan Ukol sa Kapayapaan
9. (a) Anong sigaw ang bumabangon, at bakit ang mga tunay na Kristiyano ay hindi nakikibahagi roon? (b) Sino ang sumisigaw ng panawagang ito, at papaano sila katulad ng mga pinuno noong kaarawan ni Jeremias?
9 “Kapayapaan at katiwasayan!” dito’y pinaaalisto tayo ni Pablo sa proklamasyon na maririnig sa sukdulan ng “pagkanaririto” ni Kristo. (1 Tesalonica 5:3) Hindi na ba magtatagal at maririnig natin ang sigaw na iyan? Saan kaya manggagaling ang ganiyang panawagan ukol sa kapayapaan at katiwasayan ng daigdig? Maliwanag na hindi sa mga tagasunod ni Kristo, sapagkat sinabi ni Jesus na sila at ang kaniyang Kaharian ay hindi “bahagi ng sanlibutan.” (Juan 15:19; 17:14, 16; 18:36) Samakatuwid ang mga gumagawa ng ganitong proklamasyon ay mga makasanlibutan na salungat sa dumarating na Kaharian ng Diyos. Sila’y bahagi ng sanlibutan na ‘nakalugmok sa kapangyarihan ng balakyot,’ si Satanas na Diyablo. (1 Juan 5:19) Katulad ng pulitikal at relihiyosong mga pinuno noong kaarawan ni Jeremias, ang mga ito ay magsasalita ng “pangitain ng kanilang sariling puso,” na magsasabi, “Kayong mga tao ay magkakaroon ng kapayapaan,” isang maling pag-aangkin na ang gayong kapayapaan ay buhat sa Diyos. Dagling mapabubulaanan ang kanilang pag-aangkin na iyan!—Jeremias 23:16, 17, 19, 20.
10. Ang kasalukuyang situwasyon ng daigdig ay resulta ng anong sunud-sunod na mga pangyayari?
10 Ang sigaw na ito ng “Kapayapaan at katiwasayan” ay resulta ng sunud-sunod na mga pangyayari! Noong 1920 ang Liga ng mga Bansa ay binuo noong katatapos lamang ang Dakilang Digmaan, ngayo’y tinatawag na Digmaang Pandaigdig I. Ang layunin ng Ligang ito ay upang pawiin ang digmaan sa lupa magpakailanman. Subalit ang Digmaang Pandaigdig II ang nagbagsak sa Liga tungo sa kalaliman. Noong Oktubre 24, 1945, ang organisasyong ito ay binuhay, bumangon na taglay ang isang bagong pangalan, ang United Nations o Nagkakaisang mga Bansa. (Ihambing ang Apocalipsis 17:8.) Ang pangunahing layon nito ay “mapanatili ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.” Ang mga tagapagtatag nito ay nagpahayag ng determinasyon “na iligtas ang susunod na mga lahi buhat sa salot ng digmaan.” Ang UN ba ay nagtagumpay sa pagpapairal ng gayong kapayapaan at katiwasayan?
11. Gaanong kalubha ang krisis na nakaharap sa daigdig?
11 Gaano man kataimtim ang iba sa mga tagapagtatag ng UN, ang organisasyong iyan, tulad ng Liga na nauna, ay bigo ng pagtupad ng kaniyang layunin na nakasulat sa kaniyang karta. Ang daigdig ngayon ay nakapatong sa ibabaw ng isang sasabog na talaksan ng mga armas nuklear. Ang naganap na aksidente sa Chernobyl, U.S.S.R., noong Abril 1986, at ang resulta’y radioactive fallout sa malaking bahagi ng Europa, ay nagpapatunay na kahit na kung ginagamit sa mga layuning mapayapa, ang lakas nuklear ay may kakila-kilabot na potensiyal. Ang ibang mga bansa sa Timog Pasipiko ay nagsisikap na ang kanilang lugar ay panatilihing isang sona na malaya sa nuklear. Ngunit kung sakaling isang todo-todong digmaang nuklear ang magsiklab, walang makakaligtas saanman.
Posible Kaya ang “Kapayapaan at Katiwasayan”?
12. Anong deklarasyon ang ginawa ng UN para sa 1986, at ano ang pagtugon ng mga bansa?
12 Dahilan sa lumulubhang krisis, idineklara ng United Nations ang 1986 bilang International Year of Peace. Iba’t iba ang pagtanggap dito ng mga bansa. Karamihan sa kanila ay tumangkilik sa UN Taon ng Kapayapaan sa paano’t paano man, subalit sa digmaang nuklear sila nakaturo bilang pangunahing nagbabanta sa kapayapaan. Samantala, ang maliliit na digmaan ay nagpapatuloy sa buong lupa, mayroong mga 150 sapol noong Digmaang Pandaigdig II, at ang bilang ng mga nasawi rito ay mahigit na 30,000,000 lahat-lahat. Masasabi ba na ang anumang bansa ay talagang kusang kumilos upang sundin ang tanyag na mga salita ng Isaias 2:4 na makikita sa pader ng plasa sa UN?
13. Paano ito tinangkilik ng mga lider ng relihiyon?
13 Ang mga relihiyon ng daigdig ay hindi naging atrasado sa pagtangkilik sa UN Year of Peace. Si Papa John Paul II ay gumawa ng proklamasyon na ang Enero 1 ay isang Pandaigdig na Araw ng Kapayapaan at hinimok niya ang mga estadista na manguna para sa pagtatatag ng saligan ng pansansinukob na kapayapaan. Siya’y nanawagan din sa mga relihiyon ng daigdig upang magtipon para sa pananalangin sa Assisi, Italya, sa panahon ng Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan. Ang Arsobispo ng Canterbury, ulo ng Iglesya ng Inglatera, at ang mga grupong Buddhista ay buong lugod na nagpaunlak sa imbitasyong ito. Ang World Council of Churches ay nagpalabas ng isang deklarasyon sa Pandaigdig na Taon ng Kapayapaan, na humihiling na pasimulan kaagad ang pag-aalis ng mga armas nuklear.
14. Sa paano lamang magtatagumpay ang isang proyekto sa kapayapaan?
14 Subalit, sa bagay na ito na pagtatatag ng “kapayapaan at katiwasayan,” ano ba ang kalooban ng “Diyos na nagbibigay ng kapayapaan?” Ang makahulang salita ba ng Diyos ay nagpapakita na ang di-sakdal na mga tao at mga bansa ay makapagdudulot ng kapayapaan at katiwasayan sa daigdig na ito? Malayo! Ang “siguradong tagumpay” ay depende sa pagpapalakad ni Jehova ng mga bagay kasuwato ng katuwiran niya at sa kaniyang ikapupuri.—Isaias 55:11; 61:11.
Napipintong “Biglaang Pagkapuksa”
15. Ano ang susunod na nakagigitlang pahayag ni Pablo?
15 Sinasabi sa atin ni apostol Pablo kung ano ang kaylapit-lapit nang mangyari. Sabi niya: “Pagka sinasabi nila: ‘Kapayapaan at katiwasayan!’ saka naman ang biglaang pagkapuksa ay biglang-biglang darating sa kanila gaya ng pagdaramdam sa panganganak ng babaing nagdadalang-tao; at sila’y hindi makatatakas sa anumang paraan.”—1 Tesalonica 5:3.
16. Bakit ang lakad ng mga bansa ay hindi siyang lakad ng Diyos?
16 Sa unang pagbabasa, ang mga salitang iyon ay waring nakagigitla. Subalit nililiwanag ng Bibliya ang mga bagay. Ang lakad ng mga bansa ngayon ay hindi siyang lakad ng Diyos. (Isaias 55:8, 9) Ang kaniyang dahilan ng pagpapahintulot ng sarisaring anyo ng pamamahalang-tao ay upang sagutin ang isang isyu na binangon mga 6,000 na ngayon ng tusong Ahas, si Satanas na Diyablo. Nang hikayatin ni Satanas ang ating unang mga magulang na humiwalay sa Diyos, kaniyang ibinangon ang suliranin na kung talagang kailangan ng tao ang pamamahala ng Diyos.—Genesis 3:4, 5.
17. Anong rekord ang nagawa ng pamamahalang-tao, at ano ang pinatutunayan nito?
17 Sa loob ng libu-libong taon na sumunod, pinayagan ng Diyos ang mga tao na sumubok ng lahat ng uri ng maiisip na pamahalaan ng tao. Nanatili man iyon ng mga ilang taon o kaya’y ng mga daan-daang taon, bawat uri ng pamamahalang-tao ay lubusang bigo ng pagdadala ng tunay na kapayapaan at katiwasayan. Digmaan, krimen, terorismo, at kamatayan ang patuloy na dinaranas ng sangkatauhan sa ilalim ng bawat uri ng gobyernong-tao. Sa buong kasaysayan, “sinakop ng tao ang tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 8:9) Walang pagkakaiba sa ngayon. Sinuman na may kabatiran sa isyu ay makapagsasabi na ngayon, gaya ng propeta ng Diyos: “Talastas ko, Oh Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniyang sarili. Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang mga hakbang.”—Jeremias 10:23.
18. Bakit walang kabuluhan ang sigaw ng mga bansa na “Kapayapaan at katiwasayan!”?
18 Ngayon na ang panahon upang lutasin ang usapin minsan at magpakailanman. Ang pamamahala ng Diyos lamang ang makapagdudulot ng tunay na kapayapaan at katiwasayan sa sangkatauhan. Subalit, hindi ang pamamahala ng Diyos ang ibig ng mga bansa pagka sila’y sumisigaw ng “Kapayapaan at katiwasayan!” Ang ibig nila’y ipagpatuloy ang kanilang dominasyon ayon sa kanilang sariling ipinagmamalaking mga ideolohiya. Subalit tapos na ang panahon! Nadarama ng mga bansa na kailangang gumawa ng mabilisang pagkilos. Sapagkat kung hindi, lahat ay mapapahamak sa isang digmaang nuklear. Kaya’t kanilang gagawin ang inihula ni Jeremias: “Kanilang sinubok na pagalingin nang kaunti ang sugat ng aking bayan, na sinasabi: ‘May kapayapaan! May kapayapaan!’ gayong walang kapayapaan.” Ngunit ito’y mawawalan ng kabuluhan!—Jeremias 6:14; 8:11, 15.
Ang Inihulang Wakas
19. Paanong magaganap ang “araw ni Jehova”?
19 “Biglaang pagkapuksa . . . biglang-biglang darating,” ang sabi ni apostol Pablo. Ang propeta ng Diyos na si Isaias ay nagsasabi pa: “Narito! Ang kanilang matatapang na bayani ay nagsisihiyaw sa lansangan; ang mismong mga sugo ng kapayapaan ay magsisiiyak na mainam.” (Isaias 33:7) Sa maraming lugar, ipinakikita ng Bibliya na ang pagpaparusa ni Jehova sa balakyot na mga bansa at mga tao ay biglang-biglang darating, di-inaasahan—tunay na “kagaya ng magnanakaw sa gabi.” (1 Tesalonica 5:2, 3; Jeremias 25:32, 33; Zefanias 1:14-18; 2 Pedro 3:10) Sa panahon na ang daigdig ay malakas na nagpapahayag na naabot na niya ang isang matatag na kalagayan ng kapayapaan at katiwasayan, saka naman ang “araw ni Jehova” ay magaganap nang may kakila-kilabot na kabiglaanan. Sa panahong iyon ay makikilala ng bayan ni Jehova ang sigaw na iyan ng “Kapayapaan at katiwasayan!” kung ano ngang talaga iyon at sila’y magiging ligtas sa inilaan na kanlungan ni Jehova.—Awit 37:39, 40; 46:1, 2; Joel 3:16.
20. (a) Ang UN ay anong uri ng “hayop”? (b) Ano ang pagkakilala ni Jehova sa huwad na relihiyon, at bakit?
20 Sa Salita ng Diyos, ang Liga ng mga Bansa at ang kahalili nito, ang United Nations, ay inihahalintulad sa “isang kulay-matingkad-pulang mabangis na hayop” na may pitong ulo (kumakatawan sa mga kapangyarihan ng daigdig na pinanggalingan nito) at sampung sungay (kumakatawan sa mga gobyerno ng mga bansa na ngayo’y sumusuporta rito). Ipinakikita ng Bibliya na ito’y isang pulitikal na “hayop,” na kahalintulad ng “leon” ng Britaniya at ng “oso” ng Rusya. Sa kaniya’y may nakasakay na isang babae, “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga patutot at ng kasuklam-suklam na mga bagay sa lupa.” (Apocalipsis 17:3-8) Maliwanag na ipinapahayag dito ang pagkakilala ni Jehova sa huwad na relihiyon, na hindi kumakatawan sa kaniya at sa kaniyang matuwid na Kaharian. Ito’y nagkakasala ng espirituwal na pagpapatutot sa pamamagitan ng pagsangkot sa pulitika. Ang pakikialam ng relihiyon sa UN sa pandaigdig na pagkampaniya ukol sa kapayapaan at katiwasayan ay isang halimbawa nito. Ibig din naman niyang magkaroon ng kapayapaan at katiwasayan buhat sa mensahe ng paghuhukom ng Diyos na inihahayag ng mga Saksi ni Jehova. Sa layuning ito, kaniyang inimpluwensiyahan ang mga ilang pamahalaan upang ipagbawal ang Kristiyanong gawain ng mga Saksi.—Awit 2:1-3.
21. (a) Anong aksiyon ang pasimula ng “araw ni Jehova”? (b) Ano ang susunod bilang katapusan ng “araw” na iyan?
21 Paano magaganap ang “araw ni Jehova”? Sa pinakamadilim na gabing ito ng kasaysayan ng tao, ito nga’y darating na “gaya ng magnanakaw”! Iyan ay pagka minaneobra na ng Diyos ang mga bansa ng UN na hayop upang biglang bumaling sa huwad na relihiyon. Kanilang ipakikita ang kanilang pagkapoot sa Babilonyang Dakila, at kanilang ibibilad kung ano nga siyang talaga at kanilang lubusang wawasakin siya. Pagkabilis-bilis na magaganap ang ganitong pagwawasak kung kaya’t ang dating mga pulitikal na kalaguyo niya ay bubulalas: “Malas ka, malas ka, ikaw na dakilang lunsod, ang Babilonya na bayang matibay, sapagkat sa isang oras ay dumating ang hatol sa iyo!” Subalit ang mga bansa at ang kani-kanilang mga hukbo ay aatake rin sa bayan ng Diyos. Pagkatapos, ang Hari ng mga hari, si Jesu-Kristo, ang pupuksa sa lahat ng mga kaaway na ito at ihahagis sa kalaliman ang pusakal na mananalansang, si Satanas na Diyablo.—Apocalipsis 17:16, 17; 18:10; 19:11-21; 20:1-3; ihambing ang Ezekiel 38:11, 16, 18-23.
22. (a) Anong magandang kinabukasan mayroon ngayon ang mga taong sumasampalataya? (b) Paano mo tatamasahin ang kapayapaang buhat sa Diyos?
22 Sa wakas, ang tunay na kapayapaan at katiwasayan ay lalaganap sa ilalim ng Kaharian ng Diyos! (Awit 72:1, 7; Isaias 9:6, 7) Nakatutuwa nga, marami sa ngayon na ‘nananatiling gising at laging handa’ ay mabubuhay at kanilang makikita ito. (1 Tesalonica 5:4-6) “Isang malaking pulutong . . . buhat sa lahat ng bansa,” na sumampalataya sa pantubos na inilaan ni Jehova sa pamamagitan ni Kristo, ang ililigtas sa “malaking kapighatian” upang tamasahin ang walang hanggang kapayapaan buhat sa Diyos. (Apocalipsis 7:9-17; 21:3, 4) Sana nga’y maging isa ka sa kanila!
[Talababa]
a Ang publikasyong World Military and Social Expenditures 1985.
Ano ang Sagot Mo?
◻ Bakit ang “mga panahon at mga kapanahunan” ay mahalaga sa Diyos at sa atin?
◻ Paano dapat malasin ang pagdating ng “araw ni Jehova”?
◻ Sino ang nakikibahagi sa sigaw ng 1 Tesalonica 5:3, at kailan?
◻ Anong napakahalagang mga pangyayari ang resulta ng pagsigaw na iyan?