SIGUANA
[sa Heb., chasi·dhahʹ; sa Ingles, stork].
Ang pangalan ng ibong ito ay anyong pambabae ng salitang Hebreo para sa “isa na matapat; isa na may maibiging-kabaitan.” (Ihambing ang 1Sa 2:9; Aw 18:25, tlb sa Rbi8.) Bagay na bagay sa siguana ang deskripsiyong ito, yamang kilalá ito sa magiliw na pangangalaga nito sa kaniyang mga inakáy at sa katapatan nito sa kaniyang panghabang-buhay na kapareha.
Ang siguana ay isang malaking ibon na mahahaba ang binti at mahilig lumakad sa tubig; kahawig ito ng ibis at kandangaok. Ang white stork (Ciconia ciconia) ay may puting balahibo maliban sa mga balahibong panlipad ng mga pakpak nito, na makintab na itim. Ang isang adultong siguana ay maaaring umabot sa taas na 1.2 m (4 na piye). Ang haba ng katawan nito ay halos 1.2 m (4 na piye) at ang kahanga-hangang sukat ng nakabukang mga pakpak nito mula sa dulo’t dulo ay maaaring umabot nang hanggang 2 m (6.5 piye). Ang mahaba at pulang tuka nito, na malapad sa puno at matulis sa dulo, ay ginagamit ng siguana sa pagkakalkal ng mga palaka, isda, o maliliit na reptilya sa putikan. Bukod sa maliliit na nilalang sa tubig, kumakain din ito ng tipaklong at balang at kung minsa’y pati ng nabubulok na mga bagay at basura. Kasama ang siguana sa talaan ng maruruming nilalang na ipinagbawal kainin ng mga Israelita ayon sa tipang Kautusan.—Lev 11:19; Deu 14:18.
Nang sawayin ng propetang si Jeremias ang apostatang bayan ng Juda na hindi kumilala sa panahon ng paghatol ni Jehova, itinawag-pansin niya sa kanila ang siguana at ang iba pang mga ibon na ‘nakaaalam nang lubos sa kanilang mga takdang panahon.’ (Jer 8:7) Kapag nandarayuhan, ang siguana ay regular na dumaraan sa Palestina at Sirya mula sa pantaglamig na mga tahanan nito sa Aprika, anupat dumarating bilang malalaking kawan kapag Marso at Abril. Dalawang uri ng siguana ang matatagpuan sa Israel, ang white stork at ang black stork (Ciconia nigra). Ang white stork lamang ang pana-panahong nananatili sa rehiyong iyon upang magparami, anupat kadalasa’y namumugad sa mga punungkahoy at pati sa mga istrakturang gawa ng tao. Ang black stork, na tinawag nang gayon dahil sa itim na ulo, leeg, at likod nito, ay mas karaniwan sa mga libis ng Hula at Bet Sheʼan at naghahanap ito ng mga punungkahoy upang doon mamugad. Binanggit ng salmista ang mga siguanang namumugad sa matataas na puno ng enebro.—Aw 104:17.
Bilang paghahambing sa di-nakalilipad na avestruz at sa mataas-lumipad na siguana, tinanong ni Jehova si Job: “Pumagaspas ba nang may kagalakan ang pakpak ng babaing avestruz, o mayroon ba siyang mga bagwis ng siguana at mga balahibo nito?” (Job 39:13) Ang mga bagwis ng siguana ay malalapad at malalakas, palibhasa ang pangalawahin at pangatluhing mga balahibo ng pakpak nito ay halos kasinghahaba rin ng pangunahing mga balahibo ng pakpak, anupat lalong lumalapad ang mga pakpak ng siguana para makalipad ito nang matayog at matagalan. Kahanga-hangang pagmasdan ang isang lumilipad na siguanang pumapaimbulog gamit ang malalakas na pakpak nito, habang ang leeg nito’y nakaderetso at ang mahahabang binti nito’y nakaunat nang tuwid sa likuran. Sa pangitain ni Zacarias, ang dalawang babae na nakitang may dalang takal ng epa na naglalaman ng babaing tinatawag na “Kabalakyutan” ay inilalarawang may “mga pakpak na gaya ng mga pakpak ng siguana.” (Zac 5:6-11) Ang binanggit na “hangin sa kanilang mga pakpak” (tal 9) ay katugma rin ng humahagibis na tunog na likha ng hanging tumatagos sa mga bagwis ng siguana. Habang sila’y lumilipad, ang dulo ng pangunahing mga balahibo ng kanilang pakpak ay naghihiwa-hiwalay upang magkaroon ng mga puwang sa mga dulo ng mga pakpak, sa gayo’y nakokontrol ang daloy ng hangin sa ibabaw ng mga pakpak at nakatutulong sa kanilang paglipad.