KABANATA 1
“Inilagay Ko ang Aking mga Salita sa Iyong Bibig”
1, 2. Bakit mapagtitiwalaan ang mababasa mo sa Bibliya?
“MAY kaibigang mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kaw. 18:24) May ganiyan ka bang kaibigan? Makapagtitiwala ka sa sinasabi ng isang tunay na kaibigan. Kapag may maganda siyang sinasabi o kaya’y ipinapaliwanag ang gagawin niya, pinaniniwalaan mo iyon. Kapag pinayuhan ka niya, malamang na makinig ka kasi alam mong gusto niyang mapabuti ka. At siyempre, iyon din ang gagawin mo alang-alang sa kaniya para magtagal ang pagkakaibigan ninyo.
2 Ganiyang-ganiyan din ang mga lalaking ginamit ng Diyos para isulat ang mga aklat ng Bibliya. Mapagtitiwalaan mo ang sinasabi nila. Alam mong para sa ikabubuti mo iyon. Ganiyan sana ang nadama ng mga Israelita noon sa ‘mga tao na nagsalita mula sa Diyos habang ginagabayan ng banal na espiritu.’ (2 Ped. 1:20, 21) Sa mga propetang inatasan ng Diyos na sumulat ng aklat ng Bibliya, si Jeremias ang sumulat ng pinakamahabang aklat. Siya rin ang sumulat ng Mga Panaghoy at dalawa pang aklat.
3, 4. Ano ang tingin ng ilang tao sa aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy? Bakit maling isipin iyon? Ilarawan.
3 Gayunman, maaaring may mga nagbabasa ng Bibliya na nagsasabing ‘hindi para sa kanila’ ang mga isinulat ni Jeremias. Baka iniisip nila na ang Jeremias at Mga Panaghoy ay puro lang nakakatakot na babala at malalagim na prediksiyon.a Pero ganoon nga kaya?
4 Oo, prangka nga ang mga isinulat ni Jeremias, pero hindi ba ganiyan din minsan ang tunay na kaibigan? Ganiyan si Jesus sa kaniyang mga kaibigang apostol. Pinagsabihan niya sila sa maling saloobin nila. (Mar. 9:33-37) Ngunit sa kabuuan, positibo ang mensahe ni Jesus. Itinuro niya kung paano tayo mapapalapít sa Diyos at magiging maligaya sa hinaharap. (Mat. 5:3-10, 43-45) Ganiyan din ang mensahe ni Jeremias, na bahagi ng “lahat ng Kasulatan” na kapaki-pakinabang sa “pagtutuwid ng mga bagay-bagay.” (2 Tim. 3:16) Walang-takot na inihayag ni Jeremias ang pananaw ng Diyos sa mga nag-aangking lingkod Niya, na karapat-dapat sa masaklap na bunga ng kanilang kasamaan. Gayunman, nagbibigay ng pag-asa ang aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy. Sinasabi nito kung paano tayo pagpapalain sa hinaharap. Humula rin si Jeremias tungkol sa gagawin ng Diyos para matupad ang Kaniyang layunin, at sangkot tayo sa mga katuparan nito. Mapapatibay ka rin sa positibong mensahe ng dalawang aklat na ito.—Basahin ang Jeremias 31:13, 33; 33:10, 11; Panaghoy 3:22, 23.
5. Paano tayo makikinabang sa mga isinulat ni Jeremias?
5 Tutulong sa atin ang isinulat ni Jeremias na maging maligaya ngayon at sa hinaharap kasama ng bayan ng Diyos. Halimbawa, makakatulong ito para lalo tayong magkaisa bilang magkakapatid at maikapit ang payo ni apostol Pablo: “Mga kapatid, patuloy kayong magsaya, maibalik sa ayos, maaliw, mag-isip nang magkakasuwato, mamuhay nang mapayapa; at ang Diyos ng pag-ibig at ng kapayapaan ay sasainyo.” (2 Cor. 13:11) Isa pa, malaki ang kaugnayan ng mga isinulat ni Jeremias sa mensaheng ipinangangaral natin. Bagaman nangangaral tayo tungkol sa mga huling araw at nagbababala sa nalalapit na wakas ng sistemang ito, positibo pa rin ang ating mensahe dahil nagbibigay ito ng pag-asa. Praktikal din sa pang-araw-araw na buhay ang mga isinulat ni Jeremias. Karamihan sa naranasan niya at nilalaman ng kaniyang mensahe ay katulad ng kalagayan ng buhay natin ngayon. Para maunawaan ito, pag-isipan ang kalagayan at atas ng huwarang propetang si Jeremias. Sinabi sa kaniya ng Diyos: “Narito, inilagay ko ang aking mga salita sa iyong bibig.”—Jer. 1:9.
6, 7. Bakit natin masasabi na interesado ang Diyos kay Jeremias? Ano ang kalagayan noong isilang si Jeremias?
6 Pinag-iisipan ng mag-asawang malapit nang magkaanak ang kinabukasan ng kanilang sanggol. Magiging ano kaya siya paglaki niya? Ano kaya ang mga hilig niya, pangarap, at mararating sa buhay? Malamang na inisip din iyan ng mga magulang mo. At siguradong ganiyan din ang mga magulang ni Jeremias. Pero di-pangkaraniwan ang kaso niya. Bakit? Ang mismong Maylalang ng uniberso ang interesado sa magiging buhay at gawain ni Jeremias.—Basahin ang Jeremias 1:5.
7 Oo, bago pa isilang si Jeremias, nakita na ni Jehova na magagampanan nito ang gawain ng isang propeta. Interesado Siya sa paglaki ng batang ito na magmumula sa angkan ng mga saserdote sa hilaga ng Jerusalem. Mga kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E. noon; hindi maganda ang kalagayan sa Juda dahil sa masamang pamamahala ni Haring Manases. (Tingnan ang pahina 19.) Halos sa buong 55-taóng paghahari ni Manases, ginawa niya ang masama sa paningin ni Jehova. At ganoon din ang pamamahala ng anak niyang si Amon. (2 Hari 21:1-9, 19-26) Pero malaki ang nagbago nang maghari si Josias. Hinanap niya si Jehova. Sa ika-18 taon ng kaniyang paghahari, nalinis na ni Josias ang bansa mula sa idolatriya. Siguradong ikinatuwa ito ng mga magulang ni Jeremias. Noong mga panahong iyon inatasan ng Diyos ang kanilang anak.—2 Cro. 34:3-8.
Bakit kapaki-pakinabang na pag-aralan ang aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy?
PUMILI ANG DIYOS NG TAGAPAGSALITA
8. Anong atas ang ibinigay kay Jeremias? Ano ang naging reaksiyon niya?
8 Hindi natin alam kung ilang taon si Jeremias nang sabihin sa kaniya ng Diyos: “Ginawa kitang propeta sa mga bansa.” Malamang na mga 25 anyos siya noon, ang edad na puwede nang magsimulang maglingkod ang isang saserdote. (Bil. 8:24) Pero sinabi niya: “Ay, O Soberanong Panginoong Jehova! Narito, hindi nga ako marunong magsalita, sapagkat ako ay isang bata lamang.” (Jer. 1:6) Siguro iniisip niyang napakabata pa niya o hindi niya kaya ang ganoon kalaking responsibilidad, pati na ang magsalita sa publiko bilang isang propeta.
9, 10. Ano ang sitwasyon nang atasan si Jeremias bilang propeta? Bakit naging mahirap ang atas na ito nang maglaon?
9 Inatasan si Jeremias noong panahong nililinis ni Haring Josias ang bansa mula sa idolatriya at itinataguyod ang tunay na pagsamba. Hindi natin alam kung gaano kadalas nagkausap o nagkasama sina Jeremias at Josias, pero ang sitwasyon noon ay malinaw na pabor sa isang tunay na propeta. Naglingkod din sa Juda sina Zefanias at Nahum noong mga unang taon ng paghahari ni Josias.b Ang propetisa namang si Hulda ay humula na magkakaroon ng malagim na pangyayari sa bansa, at naranasan ni Jeremias ang katuparan ng mga iyon. (2 Hari 22:14) May mga pagkakataon ngang kinailangan siyang iligtas ng mga kaibigan niyang sina Ebed-melec at Baruc mula sa kamay ng nagngingitngit na mga kaaway.
10 Ano kaya ang magiging reaksiyon mo kung atasan ka ng Diyos na maghatid ng mabigat na mensahe? (Basahin ang Jeremias 1:10.) Kumuha lang tayo ng isa sa matitinding mensaheng inihayag ni Jeremias. Noong 609 B.C.E., umaabante na ang puwersa ng Babilonya patungong Jerusalem. Umaasa si Haring Zedekias ng magandang mensahe mula sa Diyos sa pamamagitan ni Jeremias. Pero kabaligtaran ang mensahe ng Diyos para sa hari.—Basahin ang Jeremias 21:4-7, 10.
ISANG TAO RIN GAYA NATIN
11. Bakit malamang na nahirapan si Jeremias sa kaniyang atas? Paano siya pinatibay ng Diyos?
11 Ano ang gagawin mo kung atasan kang maghatid ng mabibigat na hatol laban sa masasamang hari, mga tiwaling saserdote, at bulaang propeta? Ginawa iyan ni Jeremias. Tinulungan siya ng Diyos, at tutulungan Niya rin tayo. (Jer. 1:7-9) Buo ang tiwala ni Jehova sa kabataang si Jeremias at pinatibay niya ito: “Ginawa kitang isang nakukutaang lunsod at isang haliging bakal at mga pader na tanso laban sa buong lupain, sa mga hari ng Juda, sa kaniyang mga prinsipe, sa kaniyang mga saserdote at sa bayan ng lupain. At tiyak na makikipaglaban sila sa iyo, ngunit hindi sila mananaig laban sa iyo, sapagkat ‘Ako ay sumasaiyo,’ ang sabi ni Jehova, ‘upang iligtas ka.’”—Jer. 1:18, 19.
12. Bakit natin masasabi na may pagkakatulad tayo kay Jeremias?
12 Hindi naman superman si Jeremias. Ordinaryong tao rin siya gaya natin. At kahit noon pa siya nabuhay, ang mga naranasan niya ay katulad din ng nararanasan natin ngayon. Iba’t ibang uri ng tao ang nakakaharap natin araw-araw, maging sa kongregasyon. Ganiyan din noon si Jeremias. Marami tayong matututuhan kay Jeremias tungkol sa mga ito. Gaya ni propeta Elias, siya rin ay “isang taong may damdaming tulad ng sa atin.” (Sant. 5:17) Pag-isipan ang ilang aral na makukuha natin mula sa buhay ni Jeremias.
13, 14. Bakit maiintindihan ng mga Kristiyano ang nadama ni Jeremias noong pahirapan siya ni Pasur, gaya ng makikita sa pahina 10?
13 Sa buhay, hindi maiiwasan ang problema, hindi ba? Pinagdaanan din iyan ni Jeremias. Minsan, sinaktan siya ng prominenteng saserdote na si Pasur at inilagay sa pangawan. Ilang oras na nakabaluktot ang katawan ni Jeremias dahil nakaipit ang mga paa’t kamay niya, pati na ang leeg niya, sa pangawan. Hindi lang sakit ng katawan ang inabot niya. Nakatikim pa siya ng masasakit na salita mula sa mga mananalansang. Kung ikaw iyon, kakayanin mo kaya?—Jer. 20:1-4.
14 Kaya maiintindihan natin kung bakit nasabi ni Jeremias: “Sumpain ang araw ng aking kapanganakan! . . . Bakit pa ako lumabas mula sa bahay-bata upang makakita ng pagpapagal at pamimighati at ang aking mga araw ay magwakas lamang sa kahihiyan?” (Jer. 20:14-18) Talagang nanlumo siya. Ikaw, minsan ba pakiramdam mo’y wala kang halaga, wala kang pakinabang, o na wala nang dahilan para magpatuloy ka sa paglilingkod? Kung ganoon, mapapatibay ka kapag nalaman mo ang mga naranasan ni Jeremias at kung paano niya ito nalampasan.
Anong aral ang matututuhan mo mula sa pag-aatas ni Jehova kay Jeremias? May pagkakapareho kaya kayo ni Jeremias?
15. Bakit tayo makikinabang kung pag-aaralan natin ang naging damdamin ni Jeremias?
15 Matapos magsalita ang propeta tungkol sa pag-awit at pagpuri kay Jehova, pamimighati na ang binabanggit niya sa Jeremias 20:14-18. (Basahin ang Jeremias 20:12, 13.) Ikaw, mabilis din bang magbago kung minsan ang damdamin mo? Napakasaya mo tapos bigla kang panghihinaan ng loob? Makikinabang tayo kung pag-aaralan natin ang karanasan ni Jeremias. Kitang-kita na ang nadama niya noon ay gaya rin ng nadarama natin ngayon. Kaya may matututuhan tayo sa naging damdamin at pagkilos ng lalaking ito na lubusang ginamit ng Maylalang bilang kaniyang tagapagsalita.—2 Cro. 36:12, 21, 22; Ezra 1:1.
16. Sinu-sino ang makakakuha ng aral sa hindi pag-aasawa ni Jeremias?
16 May isa pang bagay na maaaring pareho kayo ni Jeremias. Ano iyon? Binigyan siya ng Diyos ng kakaiba at di-birong utos: Huwag mag-asawa. (Basahin ang Jeremias 16:2.) Bakit hindi siya pinag-asawa ni Jehova, at ano ang naging reaksiyon niya? Ano ang matututuhan dito ng mga kapatid na walang asawa, pinili man nila ito o hindi? May matututuhan ba ang mga mag-asawang Saksi mula sa sinabi ng Diyos kay Jeremias? At paano naman ang mga mag-asawang walang anak? Paano makakatulong sa iyo ang ulat na ito?
17. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ng propeta sa Jeremias 38:20?
17 May pagkakataon na namanhik si Jeremias sa nakaluklok na hari sa Juda: “Sundin mo, pakisuyo, ang tinig ni Jehova sa bagay na sinasalita ko sa iyo, at mapapabuti ka, at ang iyong kaluluwa ay mananatiling buháy.” (Jer. 38:20) Napakagandang halimbawa nito may kinalaman sa pakikitungo sa iba, maging sa mga hindi pa kumikilala kay Jehova na maaari nating tulungan. Maganda ring tularan natin ang pakikitungo ni Jeremias sa mga masunurin sa Diyos. Oo, marami tayong matututuhan kay Jeremias.
ANO ANG MAAASAHAN SA AKLAT NA ITO?
18, 19. Sa anu-anong paraan mapag-aaralan ang aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy?
18 Matutulungan ka ng aklat na ito na masuri at makinabang sa mga aklat ng Bibliya na Jeremias at Mga Panaghoy. Paano? Sumulat si apostol Pablo: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, sa pagsaway, sa pagtutuwid ng mga bagay-bagay, sa pagdidisiplina sa katuwiran.” (2 Tim. 3:16) Kasama sa mga ito ang Jeremias at Mga Panaghoy.
19 Siyempre, maraming paraan para pag-aralan ang aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy. Halimbawa, puwede natin itong suriin nang talata-por-talata, na inaalam ang detalye o kahulugan ng bawat talata. Maaari din namang tingnan ang pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tao at mga pangyayari noong panahon ni Jeremias sa mga tao at kaganapan sa ngayon. (Ihambing ang Jeremias 24:6, 7; 1 Corinto 3:6.) Ang isa pang paraan ay pag-aralan ang kasaysayan at mga pangyayaring inilalahad sa dalawang aklat na ito. (Jer. 39:1-9) Sa katunayan, kailangan natin ang ilan sa mga impormasyong iyon para maging kapaki-pakinabang ang pagsusuri natin sa Jeremias at Mga Panaghoy. Kaya ang Kabanata 2, “Naglilingkod sa ‘Huling Bahagi ng mga Araw,’” ay tutulong sa atin na makita ang mga kalagayan noong panahon ni Jeremias at kung paano minaniobra ng Diyos ang mga bagay-bagay.
20. Paano tayo matutulungan ng aklat na ito na pahalagahan ang Jeremias at Mga Panaghoy?
20 Pero ang pangunahing layunin ng aklat na ito ay tulungan tayong pahalagahan ang aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy bilang kaloob mula sa Diyos na makakatulong sa mga Kristiyano sa ngayon. (Tito 2:12) Mula sa mga aklat na ito, makikita natin ang iba pang impormasyon na “kapaki-pakinabang sa pagtuturo.” Nagbibigay ito ng praktikal na mga payo at halimbawa na tutulong sa atin na mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay—ikaw man ay may asawa o wala, elder, payunir, naghahanapbuhay, maybahay, o estudyante. Sa pamamagitan ng dalawang aklat na ito ng Bibliya, tutulungan tayo ng Diyos na ‘masangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.’—2 Tim. 3:17.
21. Bakit ka mananabik na pag-aralan ang aklat na ito?
21 Habang pinag-aaralan mo ang bawat kabanata ng aklat na ito, suriin ang mga punto na mapapakinabangan mo. Tiyak na makikita sa aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy ang puntong isinulat ni Pablo: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.”—Roma 15:4.
Ano ang maaari mong matutuhan sa aklat ng Jeremias at Mga Panaghoy kung tungkol sa iyong pang-araw-araw na buhay?
a May mga wika na gumagamit ng salitang jeremiad na nangangahulugang “mapanuligsang reklamo” o “mariing pagbatikos.” Isang dokumentaryo tungkol sa pagbabago sa klima at kapaligiran ang kinomentuhan ng The Washington Post at binansagang “inconvenient jeremiad.”
b Kasabayan din ni Jeremias ang mga propetang sina Habakuk, Obadias, Daniel, at Ezekiel. Mga 40 taon nang naglilingkod si Jeremias nang mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., at nabuhay pa siya nang mahigit 20 taon pagkatapos noon.