Ang Salita ni Jehova ay Buháy
Mga Tampok na Bahagi sa Aklat ng Jeremias
TALAGANG nakagigimbal ang mga kapahamakang ipinahayag ni Jeremias sa kaniyang mga kababayan! Tutupukin ng apoy ang maringal na templong naging sentro ng pagsamba sa loob ng mahigit tatlong siglo. Mawawasak ang lunsod ng Jerusalem, magiging tiwangwang ang lupain ng Juda, at dadalhing bihag ang mga naninirahan dito. Ang ulat tungkol dito at ang iba pang kapahayagan ng hatol ay mababasa sa aklat ng Jeremias, ang pangalawa sa pinakamalaking aklat ng Bibliya. Isinasalaysay rin nito ang naranasan mismo ni Jeremias habang naglilingkod siya nang tapat bilang propeta sa loob ng 67 taon. Ang impormasyon sa aklat ay iniharap ayon sa paksa at hindi ayon sa kronolohiya.
Bakit tayo dapat maging interesado sa aklat ng Bibliya na Jeremias? Ang katuparan ng mga hula nito ay nagpapatibay ng ating pananampalataya kay Jehova bilang Tagatupad ng kaniyang mga pangako. (Isaias 55:10, 11) May pagkakatulad sa ating panahon ang gawain ni Jeremias at ang saloobin ng mga tao sa kaniyang mensahe. (1 Corinto 10:11) Bukod dito, ang ulat kung paano nakitungo si Jehova sa kaniyang bayan ay nagtatampok ng kaniyang mga katangian at dapat magkaroon ng matinding epekto sa atin.—Hebreo 4:12.
“DALAWANG MASASAMANG BAGAY ANG GINAWA NG AKING BAYAN”
Inatasan si Jeremias bilang propeta noong ika-13 taon ng paghahari ni Josias sa Juda, 40 taon bago wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E. (Jeremias 1:1, 2) Ang karamihan sa mga kapahayagan ng propeta noong huling 18 taon ng paghahari ni Josias ay nagbubunyag sa kasamaan ng Juda at nagsisiwalat ng mga hatol ni Jehova laban dito. “Ang Jerusalem ay gagawin kong mga bunton ng mga bato,” ang sabi ni Jehova, “at ang mga lunsod ng Juda ay gagawin kong tiwangwang na kaguhuan, na walang tumatahan.” (Jeremias 9:11) Bakit? “Sapagkat dalawang masasamang bagay ang ginawa ng aking bayan,” ang sabi niya.—Jeremias 2:13.
Ang mensahe ay tungkol din sa pagbabalik ng nagsising mga nalabi. (Jeremias 3:14-18; 12:14, 15; 16:14-21) Pero hindi maganda ang pagtanggap sa mensahero. Sinaktan si Jeremias ng “nangungunang komisyonado sa bahay ni Jehova” at inilagay siya sa mga pangawan sa buong magdamag.—Jeremias 20:1-3.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
1:11, 12—Bakit iniuugnay sa “isang supling ng punong almendras” ang pananatiling gising ni Jehova may kinalaman sa kaniyang salita? Ang punong almendras ay isa sa mga unang puno na namumulaklak sa tagsibol. Si Jehova ay makasagisag na “bumabangon nang maaga at isinusugo [ang kaniyang mga propeta]” upang babalaan ang kaniyang bayan tungkol sa kaniyang mga hatol at siya ay “nananatiling gising” hanggang sa matupad ang mga ito.—Jeremias 7:25.
2:10, 11—Bakit talagang hindi pangkaraniwan ang ginawa ng di-tapat na mga Israelita? Bagaman ang mga paganong bansa pakanluran sa Kitim at pasilangan sa Kedar ay maaaring nagdadala ng mga diyos ng ibang bansa bilang karagdagan sa kanilang sariling mga diyos, hindi pa nangyari na pinalitan nila ng banyagang mga diyos ang kanilang mga diyos. Ngunit iniwan ng mga Israelita si Jehova, anupat ipinagpalit ang kaluwalhatian ng buháy na Diyos sa walang-buhay na mga idolo.
3:11-22; 11:10-12, 17—Bakit isinali ni Jeremias sa kaniyang mga kapahayagan ang sampung-tribong kaharian sa hilaga gayong bumagsak na ang Samaria noong 740 B.C.E.? Sapagkat ang pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E. ay kapahayagan ng hatol ni Jehova sa buong bansang Israel, hindi lamang sa Juda. (Ezekiel 9:9, 10) Bukod dito, matapos bumagsak ang sampung-tribong kaharian, ang kapakanan nito ay patuloy na nakasalalay sa mangyayari sa Jerusalem, kaya kasali pa rin ang mga Israelita sa mensahe ng mga propeta ng Diyos.
4:3, 4—Ano ang ibig sabihin ng utos na ito? Kailangang ihanda, palambutin, at linisin ng di-tapat na mga Judio ang lupa ng kanilang puso. Kailangan nilang alisin “ang mga dulong-balat” ng kanilang puso, samakatuwid nga, alisin ang maruming kaisipan, damdamin, at motibo. (Jeremias 9:25, 26; Gawa 7:51) Kailangan dito ang pagbabago sa paraan ng pamumuhay—mula sa paggawa ng masama tungo sa paggawa ng mga bagay na magdudulot ng pagpapala ng Diyos.
4:10; 15:18—Sa anong diwa nilinlang ni Jehova ang kaniyang suwail na bayan? Noong panahon ni Jeremias, may mga propeta na “nanghuhula nang may kabulaanan.” (Jeremias 5:31; 20:6; 23:16, 17, 25-28, 32) Hindi sila hinadlangan ni Jehova sa paghahayag ng nakalilinlang na mga mensahe.
16:16—Ano ang ipinahihiwatig ng ‘pagpapatawag ni Jehova ng maraming mangingisda’ at ng “maraming mangangaso”? Maaaring tumutukoy ito sa pagpapatawag ng mga hukbo ng kaaway upang hanapin ang di-tapat na mga Judio na lalapatan ni Jehova ng kaniyang hatol. Ngunit kung isasaalang-alang ang sinasabi sa Jeremias 16:15, ang talata ay maaari ding tumukoy sa paghahanap sa nagsisising mga Israelita.
20:7—Paano ‘ginamitan ng lakas’ at nilinlang ni Jehova si Jeremias? Dahil napaharap siya sa kawalang-interes, pagtanggi, at pag-uusig ng mga tao nang inihahayag ang mga hatol ni Jehova, maaaring nadama ni Jeremias na wala na siyang lakas para magpatuloy. Pero ginamit ni Jehova ang kaniyang lakas upang daigin ang damdaming iyon ni Jeremias, anupat pinalakas siya na magpatuloy. Kaya nilinlang ni Jehova si Jeremias nang gamitin niya ito upang gawin ang inaakala ng propeta na hindi nito magagawa.
Mga Aral Para sa Atin:
1:8. Inililigtas kung minsan ni Jehova ang kaniyang bayan mula sa pag-uusig—marahil ay gumagamit siya ng makatarungang mga hukom, pinapalitan niya ng makatuwirang mga opisyal ang mga sumasalansang na awtoridad, o nagbibigay siya ng lakas sa mga sumasamba sa kaniya para makapagtiis sila.—1 Corinto 10:13.
2:13, 18. Dalawang masasamang bagay ang ginawa ng di-tapat na mga Israelita. Iniwan nila si Jehova, ang totoong bukal ng pagpapala, patnubay, at proteksiyon. At humukay sila para sa kanilang sarili ng makasagisag na mga imbakang-tubig nang makipag-alyansa sila sa militar ng Ehipto at Asirya. Sa panahon natin, kung tatalikuran natin ang tunay na Diyos at babaling tayo sa mga pilosopiya at teoriya ng tao at sa makasanlibutang pulitika, parang ipinagpapalit natin ang “bukal ng tubig na buháy” sa “mga imbakang-tubig na sira.”
6:16. Pinapayuhan ni Jehova ang kaniyang suwail na bayan na huminto sandali, suriin ang kanilang sarili, at bumalik sa “mga landas” ng kanilang tapat na mga ninuno. Hindi ba dapat nating suriin ang ating sarili sa pana-panahon upang matiyak kung talagang lumalakad tayo sa daang itinuturo ni Jehova sa atin?
7:1-15. Ang pagtitiwala ng mga Judio sa templo, anupat itinuturing ito na parang anting-anting ng kanilang bayan, ay hindi nakapagligtas sa kanila. Dapat tayong lumakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.—2 Corinto 5:7.
15:16, 17. Tulad ni Jeremias, mapaglalabanan natin ang panghihina ng loob kung masisiyahan tayo sa makabuluhang personal na pag-aaral ng Bibliya, pupurihin natin ang pangalan ni Jehova sa ministeryo, at iiwasan ang masasamang kasama.
17:1, 2. Dahil sa mga kasalanan ng bayan ng Juda, naging di-kalugud-lugod kay Jehova ang kanilang mga hain. Nagiging di-kaayaaya ang ating mga hain ng papuri kung hindi tayo malinis sa moral.
17:5-8. Makapagtitiwala lamang tayo sa mga tao at mga institusyon hangga’t kumikilos sila nang naaayon sa kalooban ng Diyos at sa mga simulain ng Bibliya. Kung tungkol sa kaligtasan at tunay na kapayapaan at katiwasayan, isang katalinuhan na kay Jehova lamang tayo magtiwala.—Awit 146:3.
20:8-11. Hindi dapat mawala ang ating sigasig sa gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian dahil lamang sa kawalang-interes, pagsalansang, o pag-uusig ng mga tao.—Santiago 5:10, 11.
“ILAGAY NINYO ANG INYONG MGA LEEG SA ILALIM NG PAMATOK NG HARI NG BABILONYA”
Ipinahayag ni Jeremias ang mga hatol laban sa huling apat na hari sa Juda at gayundin sa mga bulaang propeta, masasamang pastol, at tiwaling mga saserdote. Ganito ang sinabi ni Jehova tungkol sa tapat na mga nalabi na tinukoy niya bilang mabubuting igos: “Itititig ko sa kanila ang aking mata sa ikabubuti.” (Jeremias 24:5, 6) Binuod sa tatlong hula sa kabanata 25 ang mga hatol na detalyadong ipinaliwanag sa sumunod na mga kabanata.
Nagpakana ang mga saserdote at mga propeta upang ipapatay si Jeremias. Sinabi niya na dapat silang maglingkod sa hari ng Babilonya. Ganito ang sabi niya kay Haring Zedekias: “Ilagay ninyo ang inyong mga leeg sa ilalim ng pamatok ng hari ng Babilonya.” (Jeremias 27:12) Gayunman, “ang Isa na nagpapangalat sa Israel ang siyang magtitipon sa [Israel].” (Jeremias 31:10) May ipinangako sa mga Recabita dahil sa kanilang katapatan. Inilagay si Jeremias “sa pag-iingat sa Looban ng Bantay.” (Jeremias 37:21) Winasak ang Jerusalem at dinalang bihag ang karamihan sa mga naninirahan dito. Kasama si Jeremias at ang kalihim niyang si Baruc sa mga naiwan. Nagpunta sa Ehipto ang mga natakot, sa kabila ng babala ni Jeremias na huwag silang pumunta roon. Inilalahad sa mga kabanata 46 hanggang 51 ang mensahe ni Jeremias may kinalaman sa mga bansa.
Sagot sa Maka-Kasulatang mga Tanong:
22:30—Pinawalang-bisa ba ng utos na ito ang karapatan ni Jesu-Kristo na lumuklok sa trono ni David? (Mateo 1:1, 11) Hindi. Ibinigay ang utos na ito upang walang sinumang inapo ni Jehoiakin ang ‘makaupo sa trono ni David sa Juda.’ Si Jesus ay mamamahala mula sa langit, hindi mula sa isang trono sa Juda.
23:33—Ano “ang pasanin ni Jehova”? Noong panahon ni Jeremias, isang pasanin sa kaniyang mga kababayan ang matinding kapahayagan ng propeta tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem. Naging isang pasanin naman kay Jehova ang bayang hindi nakikinig kaya itinakwil niya sila. Sa katulad na paraan, ang maka-Kasulatang mensahe tungkol sa pagpuksa sa Sangkakristiyanuhan ay isang pasanin para dito, at isang mabigat na pasanin naman sa Diyos ang mga taong ayaw makinig.
31:33—Paano nasusulat sa puso ang kautusan ng Diyos? Kapag lubhang pinahahalagahan ng isang tao ang kautusan ng Diyos anupat marubdob ang kaniyang hangaring gawin ang kalooban ni Jehova, masasabi na ang kautusan ng Diyos ay nasusulat sa kaniyang puso.
32:10-15—Ano ang layunin ng paggawa ng dalawang kasulatan, o kontrata, para sa isang kasunduan? Ang layunin ng kasulatan na iniwang bukas ay para makita ito ng iba. Ang layunin naman ng tinatakang kasulatan ay upang matiyak, kung kinakailangan, ang pagiging tumpak ng kasulatang iniwang bukas. Nagpakita sa atin ng halimbawa si Jeremias nang sundin niya ang makatuwirang legal na proseso kahit ang kabilang panig ay isang kamag-anak o kapananampalataya.
33:23, 24—Ano ang “dalawang pamilya” na binabanggit dito? Ang isa ay ang maharlikang sambahayan mula sa angkan ni Haring David, at ang isa naman ay ang pamilya ng mga saserdote na mga inapo ni Aaron. Nang wasakin ang Jerusalem at ang templo ni Jehova, waring itinakwil ni Jehova ang dalawang pamilyang ito at hindi na siya magkakaroon ng kaharian sa lupa o isasauli man ang pagsamba sa kaniya.
46:22—Bakit itinulad ang tinig ng Ehipto sa tinig ng serpiyente? Itinulad ang Ehipto sa isang ahas na umaatras. Napahiya ang Ehipto sa dinanas niyang kapahamakan. Ipinakikita rin sa paghahalintulad na ito na walang-saysay ang imahen ng sagradong ahas sa putong ng mga Paraon sa Ehipto na inaakala nilang magbibigay ng proteksiyon na galing sa diyosang-ahas na si Uatchit.
Mga Aral Para sa Atin:
21:8, 9; 38:19. Kahit noong malapit nang mawasak ang Jerusalem, binigyan ni Jehova ng pagkakataong magbago ang di-nagsisising mga naninirahan dito, na nararapat mamatay. Oo, “marami ang kaniyang kaawaan.”—2 Samuel 24:14; Awit 119:156.
31:34. Talagang nakaaaliw malaman na hindi tinatandaan ni Jehova ang mga kasalanan ng mga taong pinatawad niya at na hindi na niya sila parurusahan dahil sa mga kasalanang ito!
38:7-13; 39:15-18. Hindi kinalilimutan ni Jehova ang ating tapat na paglilingkuran, pati na ang ‘paglilingkod sa mga banal.’—Hebreo 6:10.
45:4, 5. Tulad noong mga huling araw ng Juda, ang “mga huling araw” ng sistemang ito ng mga bagay ay hindi panahon para hanapin ang “mga dakilang bagay,” tulad ng kayamanan, katanyagan, o kasiguruhan sa materyal.—2 Timoteo 3:1; 1 Juan 2:17.
SINUNOG ANG JERUSALEM
Ang taon ay 607 B.C.E. Ikalabing-isang taon na ng paghahari ni Zedekias. Labing-walong buwan na ang nakalipas mula nang kubkubin ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem. Sa ikapitong araw ng ikalimang buwan ng ika-19 na taon ng paghahari ni Nabucodonosor, “dumating” sa Jerusalem si Nebuzaradan, ang pinuno ng tagapagbantay. (2 Hari 25:8) Marahil mula sa kaniyang kampo sa labas ng pader ng lunsod, pinag-aralan ni Nebuzaradan ang situwasyon at gumawa siya ng plano. Pagkalipas ng tatlong araw, sa ikasampung araw ng buwan, siya ay “dumating,” o pumasok, sa Jerusalem. At sinunog niya ang lunsod.—Jeremias 52:12, 13.
Detalyado ang ulat ni Jeremias tungkol sa pagbagsak ng Jerusalem. Dahil dito, sumulat siya ng mga panaghoy, o mga panambitan. Ang mga ito ay mababasa sa aklat ng Bibliya na Mga Panaghoy.
[Larawan sa pahina 8]
Kasali sa mga kapahayagan ni Jeremias ang hatol ni Jehova sa Jerusalem
[Larawan sa pahina 9]
Paano ‘ginamitan ng lakas’ ni Jehova si Jeremias?
[Larawan sa pahina 10]
“Tulad ng mabubuting igos na ito, gayon ko ituturing ang mga tapon ng Juda.”—Jeremias 24:5