Jeremias
52 Si Zedekias+ ay 21 taóng gulang nang maging hari, at namahala siya nang 11 taon sa Jerusalem. Ang kaniyang ina ay si Hamutal+ na anak ni Jeremias ng Libna. 2 Patuloy niyang ginawa ang masama sa paningin ni Jehova; tinularan niya ang lahat ng ginawa ni Jehoiakim.+ 3 Dahil sa galit, hinayaan ni Jehova na mangyari sa Jerusalem at sa Juda ang mga bagay na ito hanggang sa mapalayas niya sila sa harapan niya.+ At si Zedekias ay naghimagsik sa hari ng Babilonya.+ 4 Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Zedekias, noong ika-10 araw ng ika-10 buwan, lumusob sa Jerusalem si Haring Nabucodonosor* ng Babilonya kasama ang kaniyang buong hukbo. Nagkampo sila at nagtayo ng pader na pangubkob sa palibot nito.+ 5 Pinalibutan nila ang lunsod hanggang sa ika-11 taon ni Haring Zedekias.
6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan,+ matindi na ang taggutom sa lunsod, at wala nang makain ang mga tao.+ 7 Di-nagtagal, nabutas at napasok ang pader ng lunsod, at tumakas ang lahat ng sundalo mula sa lunsod noong gabi; dumaan sila sa pintuang-daan sa pagitan ng dalawang pader malapit sa hardin ng hari habang ang mga Caldeo ay nakapalibot sa lunsod; at nagpatuloy sila sa daan ng Araba.+ 8 Pero ang hari ay hinabol ng hukbo ng mga Caldeo, at naabutan nila si Zedekias+ sa mga tigang na kapatagan ng Jerico. Nahiwalay siya sa hukbo niya at nagkawatak-watak ang mga ito. 9 Hinuli nila ang hari at dinala siya sa hari ng Babilonya sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at hinatulan siya nito. 10 At pinatay ng hari ng Babilonya ang mga anak ni Zedekias sa harap niya, at pinatay rin nito sa Ribla ang lahat ng matataas na opisyal ng Juda. 11 Pagkatapos, binulag ng hari ng Babilonya si Zedekias,+ iginapos siya ng kadenang tanso, dinala sa Babilonya, at ikinulong hanggang sa araw na mamatay siya.
12 Noong ika-10 araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ni Haring Nabucodonosor* ng Babilonya, pumasok sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay at isang lingkod ng hari ng Babilonya.+ 13 Sinunog niya ang bahay ni Jehova,+ ang bahay* ng hari, at ang lahat ng bahay sa Jerusalem; sinunog din niya ang lahat ng malalaking bahay. 14 At ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ay giniba ng buong hukbo ng mga Caldeo na kasama ng pinuno ng mga bantay.+
15 Ipinatapon ni Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay ang ilan sa mga hamak sa bayan at ang lahat ng natira sa lunsod. Kinuha rin niya ang mga kumampi sa hari ng Babilonya pati ang lahat ng bihasang manggagawa.+ 16 Pero iniwan ni Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay ang ilan sa pinakamahihirap sa lupain para maging mga tagapag-alaga ng ubasan at sapilitang trabahador.+
17 At pinagputol-putol ng mga Caldeo ang mga haliging tanso+ sa bahay ni Jehova at ang mga patungang de-gulong+ at ang malaking tipunan ng tubig na yari sa tanso+ na nasa bahay ni Jehova, at dinala nila sa Babilonya ang lahat ng tanso.+ 18 Kinuha rin nila ang mga lalagyan ng abo, mga pala, mga pamatay ng apoy, mga mangkok,+ mga kopa,+ at ang lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo. 19 Kinuha ng pinuno ng mga bantay ang mga tipunan ng tubig,+ mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga lalagyan ng abo, mga kandelero,+ mga kopa, at mga mangkok na yari sa tunay na ginto at pilak.+ 20 Hindi matimbang sa dami ang tanso mula sa dalawang haligi, sa malaking tipunan ng tubig at 12 tansong toro+ sa ilalim nito, at sa mga patungang de-gulong na ginawa ni Solomon para sa bahay ni Jehova.
21 Tungkol sa mga haligi, ang bawat isa ay 18 siko* ang taas, at mapaiikutan ito ng isang pisi na 12 siko ang haba;+ ang kapal nito ay apat na sinlapad-ng-daliri,* at walang laman ang loob nito. 22 At yari sa tanso ang kapital na nasa ibabaw nito; limang siko ang taas ng isang kapital,+ at gawa sa tanso ang lambat at mga palamuting granada* sa palibot ng kapital. Ganiyan din ang ikalawang haligi at ang mga palamuti nitong granada. 23 May 96 na granada sa palibot nito; lahat-lahat ay may 100 granada sa palibot ng lambat.+
24 Kinuha rin ng pinuno ng mga bantay ang punong saserdote na si Seraias,+ ang pangalawang saserdote na si Zefanias,+ at ang tatlong bantay sa pinto.+ 25 At kinuha niya sa lunsod ang isang opisyal ng palasyo na namamahala sa mga sundalo, ang pitong tagapayong malapít sa hari na nakita sa lunsod, pati ang kalihim ng pinuno ng hukbo, na tagatipon sa mga tao, at ang 60 karaniwang tao na nasa lunsod pa. 26 Kinuha sila ni Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay at dinala sila sa hari ng Babilonya sa Ribla. 27 Pinatay sila ng hari ng Babilonya sa Ribla+ sa lupain ng Hamat. Sa gayon, napalayas ang mga taga-Juda mula sa lupain nila at naipatapon.+
28 Ito ang mga ipinatapon ni Nabucodonosor:* noong ikapitong taon, 3,023 Judio.+
29 Noong ika-18 taon ni Nabucodonosor,*+ 832 tao ang kinuha sa Jerusalem.
30 Noong ika-23 taon ni Nabucodonosor,* ipinatapon ni Nebuzaradan na pinuno ng mga bantay ang 745 Judio.+
Lahat-lahat, 4,600 tao ang ipinatapon.
31 At nang ika-37 taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin+ ng Juda, noong ika-25 araw ng ika-12 buwan, si Haring Jehoiakin ng Juda ay pinalaya ni Haring Evil-merodac ng Babilonya noong taóng maging hari ito at inilabas siya nito sa bilangguan.+ 32 Naging mabait ito sa kaniya at ginawa nitong mas mataas ang trono niya kaysa sa mga trono ng iba pang mga hari na kasama niya sa Babilonya. 33 Kaya hinubad ni Jehoiakin ang damit niyang pambilanggo, at lagi na siyang kasalo ng hari sa pagkain habang nabubuhay siya. 34 Regular siyang binibigyan ng pagkain ng hari ng Babilonya, araw-araw, habang nabubuhay siya, hanggang sa araw na mamatay siya.