Si Jehova—Ang Ating Magiliw at Madamaying Ama
“Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal at madamayin.” —SANTIAGO 5:11, talababa (sa Ingles).
1. Bakit ang mga dukha ay naaakit sa Diyos na Jehova?
ANG sansinukob ay napakalaki anupat ni hindi kayang bilangin ng mga astronomo ang lahat ng mga galaksi nito. Ang ating galaksi, ang Milky Way, ay napakalawak anupat ni hindi mabilang ng mga tao ang lahat ng mga bituin nito. Ang ilang bituin, gaya ng Antares, ay libu-libong ulit ang laki at ningning kaysa sa ating araw. Gayon na lamang ang lakas ng kapangyarihan ng Dakilang Maylikha ng lahat ng mga bituin sa sansinukob! Tunay, siya “ang Isa na nagluluwal ng hukbo nila ayon sa bilang, na pawang tinatawag niya maging sa pangalan.” (Isaias 40:26) Gayunman, ang nakasisindak na Diyos ding ito ay “napakamagiliw sa pagmamahal at madamayin.” Tunay na nakaaaliw ang gayong kaalaman para sa mga abang lingkod ni Jehova, lalo na sa mga dumaranas ng pag-uusig, sakit, panlulumo, o iba pang mga paghihirap!
2. Papaano madalas na minamalas ng mga tao ng sanlibutang ito ang magigiliw na damdamin?
2 Itinuturing ng marami na ang mas malumanay na mga damdamin, gaya ng “magiliw na pagmamahal at pagkamadamayin” ni Kristo, ay mga kahinaan. (Filipos 2:1) Palibhasa’y nadala ng pilosopya ng mga ebolusyonista, hinihimok nila ang mga tao na unahin ang kani-kanilang sarili mangahulugan man iyon ng pananakit sa damdamin ng iba. Ang ilang hinahangaang bituin sa pelikula at isport ay mga tunay na lalaki na hindi umiiyak ni makikitaan man ng magiliw na pagmamahal. Ang ilang lider sa pulitika ay kumikilos nang gayundin. Idiniin ng pilosopong Stoico na si Seneca, na siyang nagturo sa emperador na si Nero, na ang “pagkaawa ay isang kahinaan.” Ganito ang sabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopœdia: “Ang mga impluwensiya ng Stoicismo . . . ay patuloy na humihikayat sa mga isip ng mga tao maging sa ngayon.”
3. Papaano inilarawan ni Jehova ang kaniyang sarili kay Moises?
3 Sa kabaligtaran, ang personalidad ng Maylikha ng sangkatauhan ay nakapagpapasigla ng puso. Inilarawan niya ang kaniyang sarili kay Moises sa mga salitang ito: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at magandang-loob, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan at katotohanan, . . . na nagpapatawad sa kamalian at pagsalansang at kasalanan, ngunit sa ano mang paraan ay hindi magtatangi mula sa kaparusahan.” (Exodo 34:6, 7) Totoo, tinapos ni Jehova ang paglalarawan niya sa kaniyang sarili sa pamamagitan ng pagtatampok ng kaniyang pagiging makatarungan. Hindi niya itatangi ang kusang nagkakasala mula sa nararapat na kaparusahan. Gayunman, inilalarawan niya ang kaniyang sarili una sa lahat bilang isang Diyos na maawain, literal na “punung-puno ng kaawaan.”
4. Ano ang nakapagpapasigla-sa-pusong kahulugan ng salitang Hebreo na madalas na isinasaling “awa”?
4 Kung minsan ang salitang “awa” ay iniisip na isa lamang malamig sa kalooban, panghudisyal na pagpigil sa pagpaparusa. Gayunman, ang isang paghahambing sa mga salin ng Bibliya ay nagbibigay ng mayamang kahulugan ng Hebreong pang-uri mula sa pandiwang ra·chamʹ. Ayon sa ilang iskolar, ang ugat na kahulugan nito ay “maging malambot.” “Ang Racham,” gaya ng paliwanag ng aklat na Synonyms of the Old Testament, “ay nagpapahayag ng isang matindi at magiliw na pagkadama ng pagkaawa, gaya ng nadarama kapag nakikita ang panghihina o pagdurusa ng mga mahal natin o niyaong nangangailangan ng ating tulong.” Ang iba pang nakapagpapasigla-ng-pusong mga kahulugan ng mainam na katangiang ito ay matatagpuan sa Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 375-9.
5. Papaano nakita ang awa sa Batas Mosaiko?
5 Ang magiliw na kaawaan ng Diyos ay maliwanag na makikita sa Batas na ibinigay niya sa bansang Israel. Ang mga kapos-palad, gaya ng mga balo, ulila, at mahihirap, ay dapat pakitunguhan nang may pagdamay. (Exodo 22:22-27; Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 15:7-11) Lahat, kabilang na ang mga alipin at mga hayop, ay dapat na makinabang mula sa lingguhang Sabbath ng kapahingahan. (Exodo 20:10) Bukod doon, tinatandaan ng Diyos ang mga taong magiliw na nakikitungo sa mga dukha. Sinasabi ng Kawikaan 19:17: “Siyang nagpapakita ng pabor sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at ang kaniyang mabuting gawa ay babayaran Niya sa kaniya.”
Mga Hangganan sa Maka-Diyos na Pagkamadamayin
6. Bakit nagsugo si Jehova ng mga propeta at mga mensahero sa kaniyang bayan?
6 Taglay ng mga Israelita ang pangalan ng Diyos at sumamba sila sa templo sa Jerusalem, na “isang tahanan sa pangalan ni Jehova.” (2 Cronica 2:4; 6:33) Gayunman, dumating ang panahon na pinahintulutan nila ang imoralidad, idolatriya, at pagpaslang, anupat nagdala ng malaking kahihiyan sa pangalan ni Jehova. Kasuwato ng kaniyang pagiging madamayin, buong pagtitiis na nagsikap ang Diyos na ituwid ang masamang kalagayang ito nang hindi inilalagay sa kasakunaan ang buong bansa. Siya’y “patuloy na nagsugo laban sa kanila sa pamamagitan ng kaniyang mga mensahero, anupat paulit-ulit na nagsugo, sapagkat siya’y dumamay sa kaniyang bayan at sa kaniyang tahanang dako. Ngunit kanilang patuloy na tinutuya ang mga mensahero ng tunay na Diyos at niwawalang-kabuluhan at hinahamak ang kaniyang mga propeta, hanggang sa ang poot ni Jehova ay sumiklab laban sa kaniyang bayan, hanggang sa wala nang kagamutan.”—2 Cronica 36:15, 16.
7. Nang umabot na sa sukdulan nito ang pagkamadamayin ni Jehova, ano ang nangyari sa kaharian ng Juda?
7 Bagaman si Jehova ay madamayin at mabagal sa pagkagalit, kung kinakailangan siya’y nagpapakita rin ng matuwid na pagkagalit. Noon, ang pagkamadamayin ng Diyos ay umabot na rin sa sukdulan. Basahin natin ang mga pangyayari: “Kaya dinala [ni Jehova] laban sa kanila ang hari ng mga Caldeo, na nagsimulang pumatay sa kanilang mga binata sa pamamagitan ng tabak sa bahay ng kanilang santuwaryo, ni hindi siya nakadama ng pagkamadamayin sa binata o sa dalaga, sa matanda o sa mahina. Lahat ay ibinigay Niya sa kaniyang kamay.” (2 Cronica 36:17) Samakatuwid, ang Jerusalem at ang templo nito ay nawasak, at ang bayan ay dinalang bihag sa Babilonya.
Pagdamay Para sa Kaniyang Pangalan
8, 9. (a) Bakit ipinahayag ni Jehova na magkakaroon siya ng pagdamay para sa kaniyang pangalan? (b) Papaano napatahimik ang mga kalaban ni Jehova?
8 Ang nakapaligid na mga bansa ay nagalak sa kasakunaang ito. Sa paraang nanlilibak, sinabi nila: “Sila ang bayan ni Jehova, at mula sa kaniyang lupain sila’y nagsilabas.” Palibhasa’y nasaktan sa pagdustang ito, ipinahayag ni Jehova: “Magkakaroon ako ng pagdamay para sa aking banal na pangalan . . . At aking tiyak na pababanalin ang aking dakilang pangalan, . . . at makikilala ng mga bansa na ako si Jehova.”—Ezekiel 36:20-23.
9 Pagkatapos na ang kaniyang bansa ay maging bihag sa loob ng 70 taon, sila’y pinalaya ng madamaying Diyos, si Jehova, at pinahintulutan silang bumalik at itayong-muli ang templo sa Jerusalem. Ito’y nagpatahimik sa nakapaligid na mga bansa, na buong-panggigilalas na nakamasid. (Ezekiel 36:35, 36) Gayunman, nakalulungkot sabihing ang bansang Israel ay muling nahulog sa masasamang gawa. Isang tapat na Judio, si Nehemias, ang tumulong upang lunasan ang kalagayan. Sa isang pangmadlang panalangin, nirepaso niya ang madamaying pakikitungo ng Diyos sa bansa, na nagsasabi:
10. Papaano itinampok ni Nehemias ang pagkamadamayin ni Jehova?
10 “Noong panahon ng kanilang kabagabagan sila’y nagsidaing sa iyo, at ikaw mismo ay duminig mula sa mga langit; at ayon sa iyong saganang kaawaan binigyan mo sila ng mga tagapagligtas na nagligtas sa kanila sa kamay ng kanilang mga kaaway. Ngunit sa panahon ng kanilang kapahingahan, sila’y nagsigawang muli ng kasamaan sa harap mo, at sila’y pinabayaan mo sa kamay ng kanilang mga kalaban, na nagpapanginoon sa kanila. Pagkatapos sila’y bumalik at humingi ng tulong sa iyo, at ikaw mismo ay duminig mula sa mga langit at iniligtas sila ayon sa iyong saganang kaawaan, muli at muli. . . . Ikaw ay naging mapagbigay sa kanila sa loob ng maraming taon.”—Nehemias 9:26-30; tingnan din ang Isaias 63:9, 10.
11. Anong pagkakaiba mayroon sa pagitan ni Jehova at ng mga diyos ng mga tao?
11 Sa wakas, pagkatapos na buong-lupit na tanggihan ang mahal na Anak ng Diyos, iniwala ng bansang Judio ang natatanging katayuan nito magpakailanman. Tumagal nang 1,500 taon ang tapat na pagmamahal ng Diyos sa kanila. Ito’y isang walang-hanggang patunay sa katotohanang si Jehova ay tunay na isang Diyos ng kaawaan. Anong napakaliwanag na pagkakaiba sa malulupit na diyos at walang-pakiramdam na mga bathala na nilikha ng makasalanang mga tao!—Tingnan ang pahina 8.
Ang Pinakadakilang Kapahayagan ng Pagkamadamayin
12. Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng pagkamadamayin ng Diyos?
12 Ang pinakadakilang kapahayagan ng pagkamadamayin ng Diyos ay ang pagkasugo niya sa lupa ng kaniyang mahal na Anak. Totoo, ang tapat na pamumuhay ni Jesus ay nagdulot ng malaking kaluguran kay Jehova, na nagbigay sa kaniya ng isang ganap na kasagutan sa mga maling paratang ng Diyablo. (Kawikaan 27:11) Gayunman, kasabay nito, ang nasaksihan niyang paghihirap ng kaniyang mahal na Anak sa isang malupit at nakahihiyang kamatayan ay tiyak na nagdulot kay Jehova ng higit na matinding kirot kaysa sa maaaring madama kailanman ng sinumang magulang sa lupa. Iyon ay isang napakamaibiging pagsasakripisyo, na nagbubukas ng daan para sa kaligtasan ng sangkatauhan. (Juan 3:16) Gaya ng inihula ni Zacarias, ang ama ni Juan Bautista, maliwanag na ipinakikita nito “ang magiliw na pagkamadamayin ng ating Diyos.”—Lucas 1:77, 78.
13. Sa anong mahalagang paraan ipinaaninag ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama?
13 Ang pagkasugo ng Anak ng Diyos sa lupa ay nagbigay rin sa sangkatauhan ng isang mas maliwanag na pananaw sa personalidad ni Jehova. Sa papaano? Sa bagay na lubusang ipinaaninag ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama, lalo na sa pakikitungo niya sa mga dukha sa magiliw at madamaying paraan! (Juan 1:14; 14:9) Hinggil sa bagay na ito, ang tatlong manunulat ng Ebanghelyo na sina Mateo, Marcos, at Lucas ay gumagamit ng isang pandiwang Griego na, splag·khniʹzo·mai, na mula sa salitang Griego para sa “mga bituka.” “Mula sa mismong pinagmulan nito,” paliwanag ng iskolar ng Bibliya na si William Barclay, “makikita na ang inilalarawan nito’y hindi lamang isang karaniwang pagkahabag o pagkamadamayin, kundi isang damdamin na nagpapakilos sa isang tao hanggang sa kaloob-looban ng kaniyang pagkatao. Iyon ang pinakamatinding salita sa Griego para sa pagkadama ng pagkamadamayin.” Iyon ay isinalin sa magkaibang paraan bilang “nahahabag” o “naantig sa pagkahabag.”—Marcos 6:34; 8:2.
Nang Mahabag si Jesus
14, 15. Sa isang lunsod sa Galilea, papaano naantig sa pagkahabag si Jesus, at ano ang inilalarawan nito?
14 Ang tagpo ay sa isang lunsod ng Galilea. Isang lalaki na “punô ng ketong” ang lumapit kay Jesus nang hindi muna nagbigay ng kinaugaliang babala. (Lucas 5:12) Buong kabagsikan ba siyang pinagalitan ni Jesus dahil sa hindi siya sumigaw ng, “Karumaldumal, karumaldumal,” gaya ng hinihiling ng Batas ng Diyos? (Levitico 13:45) Hindi. Sa halip, nakinig si Jesus sa desperadong pakiusap ng lalaki: “Kung ibig mo lamang, ay mapalilinis mo ako.” Palibhasa’y “naantig sa pagkahabag,” iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinipo ang may ketong, na sinasabi: “Ibig ko. Luminis ka.” At bumalik agad ang dating kalusugan ng lalaki. Sa gayon ay ipinamalas ni Jesus hindi lamang ang kaniyang makahimala, bigay-Diyos na kapangyarihan kundi rin naman ang magiliw na damdaming nagpapakilos sa kaniya na gamitin ang gayong kapangyarihan.—Marcos 1:40-42.
15 Dapat bang lapitan muna si Jesus bago siya magpakita ng pagdamay? Hindi. Di pa natatagalan pagkaraan, nakakita siya ng isang hanay ng mga nakikipaglibing papalabas sa lunsod ng Nain. Walang-alinlangang nakakita na si Jesus ng maraming libing bago pa noon, subalit ang isang ito ay natatangi sa pagiging kahambal-hambal. Ang namatay ay kaisa-isang anak na lalaki ng isang biyuda. Palibhasa’y “naantig sa pagkahabag,” nilapitan siya ni Jesus at sinabi: “Tigilan mo na ang pagtangis.” Pagkatapos ay ginawa niya ang katangi-tanging himala ng pagbuhay-muli sa kaniyang anak.—Lucas 7:11-15.
16. Bakit nahabag si Jesus sa napakaraming tao na sumusunod sa kaniya?
16 Ang kapansin-pansing aral na natutuhan mula sa mga pangyayari sa itaas ay na kapag si Jesus ay “naantig sa pagkahabag,” gumagawa siya ng positibong bagay upang makatulong. Sa sumunod pang pagkakataon, siniyasat ni Jesus ang maraming taong patuloy na sumusunod sa kaniya. Iniulat ni Mateo na “siya ay nahabag sa kanila, sapagkat sila ay nabalatan at naipagtabuyan kung saan-saan tulad ng mga tupang walang pastol.” (Mateo 9:36) Walang gaanong nagagawa ang mga Fariseo upang masapatan ang espirituwal na pagkagutom ng karaniwang mga tao. Sa halip, pinabibigatan pa nila ang abang mga tao ng maraming di-kinakailangang mga alituntunin. (Mateo 12:1, 2; 15:1-9; 23:4, 23) Nabunyag ang kanilang pangmalas para sa karaniwang mga tao nang sabihin nila ito tungkol sa mga nakikinig kay Jesus: “Ang pulutong na ito na hindi nakaaalam ng Batas ay mga taong isinumpa.”—Juan 7:49.
17. Papaano pinakilos si Jesus ng kaniyang habag sa mga tao, at anong namamalaging giya ang inilalaan niya roon?
17 Sa kabaligtaran, labis na naantig si Jesus dahil sa suliranin ng mga tao sa espirituwal. Subalit tunay na napakaraming interesadong tao anupat hindi niya makakayanang pangalagaan ang bawat isa. Kaya sinabihan niya ang kaniyang mga alagad na manalangin para sa higit pang mga manggagawa. (Mateo 9:35-38) Kasuwato ng gayong mga panalangin, isinugo ni Jesus ang kaniyang mga apostol taglay ang ganitong mensahe: “Ang kaharian ng mga langit ay malapit na.” Ang instruksiyon na ibinigay sa pagkakataong iyon ay nagsilbing isang mahalagang giya para sa mga Kristiyano hanggang sa panahong ito. Walang alinlangan, ang pagkadama ni Jesus ng pagkamadamayin ang nagpakilos sa kaniya upang sapatan ang espirituwal na pagkagutom ng sangkatauhan.—Mateo 10:5-7.
18. Papaano kumilos si Jesus nang abalahin ng mga tao ang kaniyang pamamahinga, at anong aral ang natutuhan natin mula rito?
18 Sa isa pang pagkakataon, muling nakadama si Jesus ng pagmamalasakit para sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao. Sa pagkakataong ito siya at ang kaniyang mga apostol ay pagod na pagod pagkatapos ng isang puspusang pangangaral, at humanap sila ng isang lugar na mapagpapahingahan. Subalit natagpuan agad sila ng mga tao. Sa halip na mainis si Jesus dahil sa pang-aabalang ito sa kanilang pamamahinga, iniulat ni Marcos na siya ay “naantig sa pagkahabag.” At ano ang dahilan ng matinding damdaming ito ni Jesus? “Sila ay gaya ng mga tupang walang pastol.” Muli, kumilos si Jesus ayon sa kaniyang damdamin at nagsimulang turuan ang mga tao ng “tungkol sa kaharian ng Diyos.” Oo, lubha siyang napakilos ng kanilang espirituwal na kagutuman anupat isinakripisyo niya ang kinakailangang pamamahinga upang maturuan lamang sila.—Marcos 6:34; Lucas 9:11.
19. Papaanong ang pagmamalasakit ni Jesus sa mga tao ay humigit pa bukod sa kanilang espirituwal na mga pangangailangan?
19 Samantalang pangunahing nagmamalasakit sa espirituwal na mga pangangailangan ng mga tao, hindi naman nakaligtaan ni Jesus ang kanilang karaniwang pangangailangan sa pisikal. Sa pagkakataon ding iyon, “pinagaling [din] niya yaong mga nangangailangan ng pagpapagaling.” (Lucas 9:11) Sa sumunod na pagkakataon, ang mga tao ay matagal na niyang kasama, at sila’y malayo na sa kanilang tahanan. Sa pagkadama ng kanilang pisikal na pangangailangan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Nahahabag ako sa pulutong, sapagkat tatlong araw na silang nananatiling kasama ko at wala silang anumang makakain; at hindi ko ibig na payaunin sila na nag-aayuno. Sila ay posibleng manghina sa daan.” (Mateo 15:32) Gumawa si Jesus ngayon ng isang bagay upang maiwasan ang posibleng pagdurusa. Makahimala niyang pinaglaanan ang libu-libong lalaki, babae, at mga bata ng makakain mula sa pitong putol ng tinapay at ilang maliliit na isda.
20. Ano ang ating natutuhan sa pinakahuling napaulat tungkol sa pangyayaring naantig sa pagkahabag si Jesus?
20 Ang huling napaulat na pagkakataong naantig si Jesus sa pagkahabag ay noong huling paglalakbay niya patungo sa Jerusalem. Napakaraming tao ang naglalakbay na kasama niya upang ipagdiwang ang Paskuwa. Sa isang daang malapit sa Jerico, may dalawang bulag na pulubing patuloy na sumisigaw: “Panginoon, maawa ka sa amin.” Pinagsabihan sila ng mga tao na manahimik, subalit tinawag sila ni Jesus at tinanong kung ano ang ibig nilang gawin niya. “Panginoon, buksan mo ang aming mga mata,” pakiusap nila. Palibhasa’y “naantig sa pagkahabag,” hinipo niya ang kanilang mga mata, at sila ay nakakita. (Mateo 20:29-34) Anong pagkahalagang aral ang natutuhan natin mula rito! Magsisimula na si Jesus sa huling linggo ng kaniyang ministeryo sa lupa. Napakarami niyang gawain na dapat tapusin bago danasin ang isang malupit na kamatayan sa mga kamay ng mga ahente ni Satanas. Gayunman, hindi niya pinahintulutan ang igting ng mahalagang panahong ito na mahadlangan ang pagpapamalas niya ng magiliw na damdamin ng pagkamadamayin maging sa di-gaanong mahahalagang pangangailangan ng tao.
Mga Ilustrasyong Nagtatampok ng Pagkamadamayin
21. Ano ang inilalarawan ng pagpapatawad ng panginoon sa malaking pagkakautang ng kaniyang alipin?
21 Ang Griegong pandiwang splag·khniʹzo·mai, na ginamit sa mga ulat na ito ng buhay ni Jesus, ay ginamit din sa tatlong ilustrasyon ni Jesus. Sa isang kuwento ay isang alipin ang nakiusap na bigyan siya ng panahon upang mabayaran ang isang malaking pagkakautang. Ang kaniyang panginoon, palibhasa’y “naantig sa pagkahabag,” ay nagpatawad ng pagkakautang. Inilalarawan nito na si Jehova ay nagpapakita ng matinding pagdamay sa pamamagitan ng pagpapatawad sa isang malaking pagkakautang sa kasalanan para sa bawat isang Kristiyano na nagsasagawa ng pananampalataya sa haing pantubos ni Jesus.—Mateo 18:27; 20:28.
22. Ano ang inilalarawan ng talinghaga ng alibughang anak?
22 Pagkatapos naman ay ang kasaysayan ng alibughang anak. Alalahanin ang nangyari nang ang suwail na anak ay umuwi. “Habang siya ay malayo pa, nakita siya ng kaniyang ama at naantig sa pagkahabag, at tumakbo siya at sumubsob sa kaniyang leeg at magiliw na hinalikan siya.” (Lucas 15:20) Ipinakikita nito na kapag ang isang Kristiyanong naligaw ng landas ay nagpakita ng tunay na pagsisisi, si Jehova ay mahahabag at magiliw na tatanggaping muli ang isang iyon. Samakatuwid, sa pamamagitan ng dalawang ilustrasyong ito, ipinakikita ni Jesus na ang ating Ama, si Jehova, “ay napakagiliw sa pagmamahal at madamayin.”—Santiago 5:11, talababa (sa Ingles).
23. Anong aral ang natutuhan natin mula sa ilustrasyon ni Jesus ng mabait na Samaritano?
23 Ang ikatlong makalarawang gamit ng splag·khniʹzo·mai ay may kinalaman sa madamaying Samaritano na “naantig sa pagkahabag” sa kalagayan ng isang Judio na ninakawan at iniwang halos patay na. (Lucas 10:33) Bilang pagkilos ayon sa damdaming ito, ginawang lahat ng Samaritano ang kaniyang magagawa para tulungan ang dayuhan. Ipinakikita nito na si Jehova at si Jesus ay umaasang susundin ng tunay na mga Kristiyano ang kanilang halimbawa sa pagpapakita ng pagkamagiliw at pagkamadamayin. Ang ilang paraan sa paggawa natin nito ay tatalakayin sa susunod na artikulo.
Mga Tanong sa Pagrerepaso
◻ Ano ang ibig sabihin ng pagiging maawain?
◻ Papaano nagpakita si Jehova ng pagkamadamayin para sa kaniyang pangalan?
◻ Ano ang pinakadakilang kapahayagan ng pagkamadamayin?
◻ Sa anong litaw na paraan ipinaaaninag ni Jesus ang personalidad ng kaniyang Ama?
◻ Ano ang natutuhan natin mula sa pagkamadamayin ni Jesus at mula sa kaniyang mga ilustrasyon?
[Kahon sa pahina 12, 13]
ISANG MALIWANAG NA KATAWAGAN PARA SA “MAGILIW AT MAIBIGING PANGANGALAGA”
“O MGA bituka ko, mga bituka ko!” ang sigaw ng propetang si Jeremias. Siya ba’y dumaraing dahil sa sakit sa dulong bituka sanhi ng kinain niyang di-mabuting bagay? Hindi. Si Jeremias ay gumamit ng isang Hebreong metáporá upang ilarawan ang kaniyang matinding pagkabalisa sa kasakunaang darating sa kaharian ng Juda.—Jeremias 4:19.
Yamang ang Diyos na Jehova ay may matitinding pakiramdam, ang salitang Hebreo para sa “mga bituka,” o “dulong bituka” (me·ʽimʹ), ay ginamit din upang ilarawan ang kaniyang magigiliw na damdamin. Halimbawa, ilang dekada bago ang mga kaarawan ni Jeremias, ang sampung-tribong kaharian ng Israel ay dinalang bihag ng hari ng Asirya. Pinahintulutan ito ng Diyos bilang parusa dahil sa kanilang kawalan ng katapatan. Subalit kinalimutan na ba sila ni Jehova sa pagkakatapon? Hindi. Siya’y labis na nagmamahal pa rin sa kanila bilang bahagi ng kaniyang tinipang bayan. Bilang pagtukoy sa kanila sa pamamagitan ng pangalan ng prominenteng tribo ng Ephraim, nagtanong si Jehova: “Ang Ephraim ba ay isang mahalagang anak sa akin, o isang minamahal na anak? Sapagkat kung gaano kadalas nagsasalita ako laban sa kaniya ay gayon inaalaala siya nang di-kawasa. Iyan ang dahilan kung bakit ang aking mga bituka ay nagkaingay dahil sa kaniya. Sa ano mang paraan ako’y mahahabag sa kaniya.”—Jeremias 31:20.
Sa pagsasabing “ang aking mga bituka ay nagkaingay,” si Jehova ay gumamit ng isang talinghaga upang ilarawan ang kaniyang matinding damdamin ng pagmamahal para sa kaniyang itinapong bayan. Sa kaniyang komentaryo sa talatang ito Jer 31:20, ang ika-19-na-siglong iskolar ng Bibliya na si E. Henderson ay sumulat: “Wala nang makahihigit pa sa makabagbag-pusong pagpapamalas ng magiliw na damdamin ng isang magulang sa isang nagbabalik na alibugha, na ipinakita rito ni Jehova. . . . Bagaman siya’y nagsalita ng laban [sa idolatrosong mga Ephraimita] at nagparusa sa kanila . . . , hindi niya sila kinalimutan kailanman, kundi, sa halip, nagalak sa pag-asa sa kanilang tiyak na pagbabalik.”
Ang Griegong salita para sa “dulong bituka,” o “mga bituka,” ay ginamit sa katulad na paraan sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Kapag hindi ginamit nang literal, gaya sa Gawa 1:18, iyo’y tumutukoy sa magiliw na damdamin ng pagmamahal o pagkamadamayin. (Filemon 12) Kung minsan ang salita ay iniuugnay sa Griegong salita na nangangahulugang “mabuti” o “mahusay.” Ang mga apostol na sina Pablo at Pedro ay gumagamit ng pinagsamang pananalita kapag hinihimok ang mga Kristiyano na maging “madamayin sa magiliw na paraan,” sa literal ay “nakalaang mabuti sa pagkahabag.” (Efeso 4:32; 1 Pedro 3:8) Ang Griegong salita para sa “dulong bituka” ay maaari ring iugnay sa Griegong salitang pol·yʹ. Ang pagsasama ay nangangahulugan sa literal na “pagkakaroon ng malaking dulong bituka.” Ang napakapambihirang pananalitang ito sa Griego ay minsan lamang ginamit sa Bibliya, at ito’y tumutukoy sa Diyos na Jehova. Ang New World Translation ay nagbibigay ng ganitong pagkakasalin: “Si Jehova ay napakamagiliw sa pagmamahal.”—Santiago 5:11.
Dapat nating ipagpasalamat na ang pinakamakapangyarihang isa sa sansinukob, ang Diyos na Jehova, ay ibang-iba sa malulupit na diyos na nilikha ng di-madamaying mga tao! Bilang pagtulad sa kanilang Diyos na “madamayin sa magiliw na paraan,” ang tunay na mga Kristiyano ay napakilos na gumawa rin ng gayon sa kanilang pakikitungo sa isa’t isa.—Efeso 5:1.
[Larawan sa pahina 10]
Nang umabot na sa sukdulan nito ang pagkamadamayin ng Diyos, pinahintulutan ni Jehova na sakupin ng mga taga-Babilonya ang kaniyang suwail na bayan
[Larawan sa pahina 11]
Ang pagmamasid sa kamatayan ng kaniyang mahal na Anak ay tiyak na nagdulot ng pinakamatinding kirot sa Diyos na Jehova kaysa sa maaaring maranasan kailanman ng sinuman
[Larawan sa pahina 15]
Lubusang ipinaaninag ni Jesus ang madamaying personalidad ng kaniyang Ama