Maging Malapít sa Diyos
Ginagantimpalaan ang Naglilingkod sa Kaniya
“SALAMAT.” Sino nga ba ang hindi matutuwa kapag narinig niya ang salitang iyan dahil sa kaniyang mahusay na trabaho o regalong ibinigay mula sa puso? Masarap sa pakiramdam kapag pinahahalagahan ng iba ang ating mga pagsisikap, lalo na ng ating mga minamahal. Siyempre pa, ang pinakamamahal natin ay ang Diyos, si Jehova. Pinahahalagahan kaya niya ang ating pagsisikap na maglingkod sa kaniya? Tingnan natin kung paano siya nakitungo kay Ebed-melec, isang lalaking nagsapanganib ng kaniyang buhay para mailigtas ang isa sa mga propeta ng Diyos.—Basahin ang Jeremias 38:7-13 at 39:16-18.
Sino ba si Ebed-melec? Malamang na isa siyang opisyal sa korte ni Haring Zedekias ng Juda.a Kakontemporaryo siya ni Jeremias, na isinugo ng Diyos para babalaan ang taksil na Juda sa nalalapit na pagkawasak nito. Bagaman napaliligiran ng mga prinsipeng hindi kumikilala sa Diyos, si Ebed-melec ay may takot sa Diyos at may malaking paggalang kay Jeremias. Nasubok si Ebed-melec nang paratangan ng masasamang prinsipe si Jeremias ng sedisyon at itapon sa malusak na imbakang-tubig para mamatay. (Jeremias 38:4-6) Ano kaya ang gagawin ni Ebed-melec?
Si Ebed-melec ay nagpakita ng tapang at determinasyon, anupat hindi natakot sa ganti ng mga prinsipe. Hayagan niyang nilapitan si Zedekias at iniapela ang di-makatarungang pagtrato kay Jeremias. Posibleng habang nakaturo sa mga kaaway, sinabi niya sa hari: “Ang mga lalaking ito ay gumawa ng masama . . . kay Jeremias.” (Jeremias 38:9) Pinakinggan ng hari si Ebed-melec, at sa utos nito ay nagsama siya ng 30 lalaki para iligtas si Jeremias.
Ang isa pang magandang katangiang ipinakita ni Ebed-melec ay kabaitan. Kumuha siya ng “sira-sirang basahan at mga sira-sirang piraso ng tela at ibinaba ang mga ito kay Jeremias . . . sa pamamagitan ng mga lubid.” Bakit? Para mailagay ni Jeremias sa kaniyang mga kilikili upang hindi ito magasgas habang iniaahon siya mula sa maputik na imbakang-tubig.—Jeremias 38:11-13.
Nakita ni Jehova ang ginawa ni Ebed-melec. Pinahalagahan ba Niya ito? Sa pamamagitan ni Jeremias, sinabi ng Diyos kay Ebed-melec na malapit nang wasakin ang Juda. Pagkatapos ay nagbigay ang Diyos kay Ebed-melec ng garantiya ng kaligtasan na may limang pangako. Sinabi ni Jehova: “Ililigtas kita . . . Hindi ka ibibigay sa kamay ng mga lalaki . . . Walang pagsalang maglalaan ako sa iyo ng pagtakas . . . Hindi ka mabubuwal sa pamamagitan ng tabak . . . Tiyak na mapapasaiyo ang iyong kaluluwa bilang samsam.” Bakit nangako si Jehova na ililigtas niya si Ebed-melec? Sinabi sa kaniya ni Jehova: “Sapagkat nagtiwala ka sa akin.” (Jeremias 39:16-18) Alam ni Jehova na si Ebed-melec ay kumilos hindi lang dahil sa malasakit niya kay Jeremias, kundi dahil din sa tiwala at pananampalataya niya sa Diyos.
Maliwanag, pinahahalagahan ni Jehova ang ating ginagawa sa paglilingkod sa kaniya. Tinitiyak sa atin ng Bibliya na naaalaala niya kahit ang pinakamaliit na ginagawa natin sa pagsamba sa kaniya udyok ng taimtim na pananampalataya. (Marcos 12:41-44) Gusto mo bang mápalapít sa ganitong mapagpahalagang Diyos? Kung oo, gaya ng sinasabi ng kaniyang Salita, makatitiyak kang siya ang “Tagapagbigay-gantimpala doon sa mga may-pananabik na humahanap sa kaniya.”—Hebreo 11:6.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Mayo:
[Talababa]
a Si Ebed-melec ay isang “bating.” (Jeremias 38:7) Bagaman ang terminong ito ay literal na tumutukoy sa isang lalaking kinapon, tumutukoy rin ito sa sinumang opisyal sa korte ng hari.