BITAG
Isang pamamaraan o kagamitan sa panghuhuli ng hayop, kadalasa’y may isang silo o paigkas na kapag nagalaw ay sumusunggab, kumukulong, o pumapatay sa hayop. Karaniwan na, ito ay nakakubli, hindi mahahalata, o inaayos sa paraang malilinlang ang biktima; kadalasa’y ginagamitan ito ng pain. Maraming salitang Hebreo ang isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “bitag,” “silo,” at “lambat.” (Aw 141:9, 10) Bagaman hindi naglalaan ang Bibliya ng detalyadong mga paglalarawan ng iba’t ibang uri ng mga bitag at mga silo sa hayop na ginamit noong sinaunang mga panahon, ang mga talatang gaya ng Job 18:8-10; Awit 10:9; 140:5; at Jeremias 18:22 ay nagbibigay ng pangkalahatang ideya kung paano ginamit ang ilan sa mga ito. Para sa impormasyon may kinalaman sa kayarian at paggamit ng mga ito, tingnan ang MANGHUHULI NG IBON; PANGANGASO AT PANGINGISDA.
Makasagisag o Makatalinghagang Paggamit. Yamang pagkabihag, pinsala, o kamatayan ang dulot ng mga ito sa mga hayop na nahuhuli, ang mga silo at mga bitag ay maaaring lumarawan sa mga sanhi ng pagkawala ng kalayaan, o mga sanhi ng kapahamakan, kasiraan, o kamatayan. Kaya naman matapos ipatalastas ni Moises ang pagdating ng isang matinding salot ng balang sa Ehipto, itinanong ng mga lingkod ni Paraon: “Hanggang kailan magiging gaya ng silo sa atin ang taong ito?” (Exo 10:7) Dumating ang lahat ng naunang mga salot gaya ng ipinatalastas ni Moises, at dahil dito, siya’y naging gaya ng silo, samakatuwid nga, isang sanhi ng kapahamakan o kasiraan ng mga Ehipsiyo. Upang hindi mahulog ang mga Israelita sa bitag ng idolatriya, paulit-ulit silang binabalaan ni Jehova tungkol sa idudulot na panganib kung pahihintulutan nilang manatili sa Lupang Pangako ang mga Canaanita. (Exo 23:32, 33; 34:12; Deu 7:16, 25; Jos 23:13) Ang idolatriya ay naging isang bitag, o isang di-namamalayang sanhi ng kapahamakan, sa mga Israelita yamang dahil dito ay naiwala nila ang lingap at proteksiyon ni Jehova at humantong ito sa pagkasiil at pagkabihag nila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway. Mapanlinlang din ito, anupat may pain na sa wari’y magdudulot ito ng mga pakinabang at mga kaluguran. (Huk 2:2, 3, 11-16; 8:27) Sa katulad na paraan, ginamit ni Haring Saul sa isang pakana ang kaniyang anak na si Mical, anupat sinabi niya: “Ibibigay ko siya [kay David] upang siya ay magsilbing silo sa kaniya.” (1Sa 18:21) Lihim na umasa si Saul na mamamatay si David sa susuungin nitong panganib upang makakuha ng isang daang dulong-balat ng mga Filisteo na ibibigay nito sa hari kahalili ng “doteng salapi.”—1Sa 18:25.
Ang isa pang katangian ng mga bitag na ipinahihiwatig sa makasagisag na mga pananalita ay ang bilis nito, anupat nahuhuli nito ang isa nang walang kamalay-malay. Halimbawa, biglang-bigla at di-inaasahan ang pagbagsak ng Babilonya sa mga Medo at mga Persiano anupat para bang isang silo o bitag ang pinaigkas ni Jehova sa kaniya.—Jer 50:24; ihambing ang Luc 21:34, 35.
Dapat na maging mapanuri at maingat ang isang indibiduwal sa kaniyang ipananata o gagarantiyahang gawin upang hindi siya mabitag, o malagay, sa isang situwasyon na mahirap o halos imposible niyang malabasan. (Kaw 6:1-3; 20:25) Ang pakikipagsamahan sa isang taong magagalitin ay maaaring maging dahilan upang ang isa ay maging kagaya ng taong iyon. Isa itong silo, sapagkat maaari itong humantong sa pagkasangkot sa mga away, kapaha-pahamak na mga kaguluhan, at pagkakasala. (Kaw 22:24, 25; ihambing ang 1Co 15:33.) Sa kabilang dako naman, ang pagkatakot sa Diyos at ang pagsisikap na sundin ang Kaniyang daan ay tumutulong sa marunong upang hindi siya maakit ninuman sa paggawa ng masama (gaya ng pagkasangkot sa mga patutot) na maaaring maging isang bitag na hahantong sa kamatayan.—Kaw 13:14; 14:27; ihambing ang 5:3-8; 7:21-23.
Noong unang siglo C.E., ang ilang Kristiyano, palibhasa’y naakit sa tukso ng kayamanan, ay nahulog sa silo na nagdulot ng espirituwal na kapahamakan. (1Ti 6:9, 10) Sinasabing ang iba ay nahulog sa “silo ng Diyablo.” Maliwanag na nangangahulugan ito na nailigaw at lumihis sila mula sa katotohanan at sa gayon ay naging mga biktima ng Kalaban. Hinimok si Timoteo na turuan ang gayong mga tao nang may kahinahunan upang matauhan sila at magsisi, sa gayo’y makalaya sila mula sa silo ng Diyablo.—2Ti 2:23-26; ihambing ang 1Ti 1:3, 4; Tit 3:9.
Bagaman pangkaraniwan lamang sa mga nagpapakana na tangkaing bitagin, o siluin, ang isang taong inosente, kayang baligtarin ni Jehova ang mga bagay-bagay at ‘magpaulan sa mga balakyot ng mga bitag, apoy at asupre.’ (Aw 11:6) Kaya niya silang bitagin, anupat hahadlangan niya ang lahat ng paraan ng pagtakas, at pagkatapos ay lalapatan niya sila ng kahatulan.—Ihambing ang 1Te 5:1-3.