MANGHUHULI NG IBON
Taong nambibitag ng mga ibon. (Kaw 6:5; Aw 124:7) Sa mga Hebreo, waring pangunahin itong ginagawa sa pamamagitan ng mga bitag, mga silo, o mga lambat, bagaman maaaring gumamit din sila noon ng ibang mga pamamaraan, gaya ng busog at palaso, at panghilagpos.
Pagkatapos ng Baha, ang mga ibon, basta’t wastong napatulo ang dugo, ay maaari nang kainin ng tao. (Gen 9:2-4) Bagaman nang maglaon ay ipinagbawal ng Kautusang Mosaiko ang pagkain ng ilang uri ng ibon, napakaraming klase ang itinuring na “malinis” upang kainin. (Deu 14:11-20) Dapat ‘ibuhos at takpan ng alabok’ ang dugo ng mga ibong nahuli sa pangangaso. (Lev 17:13, 14) Bukod sa paggamit sa mga ito bilang pagkain (Ne 5:18; 1Ha 4:22, 23), ang ilan sa mga ibong nahuhuli, partikular na ang mga inakáy na kalapati at mga batu-bato, ay maaaring gamitin sa paghahain (Lev 1:14), at malamang na mga manghuhuli ng ibon ang nagsusuplay ng ilan sa mga kalapating ipinagbibili sa templo sa Jerusalem noong panahong naririto si Jesus sa lupa. (Ju 2:14, 16) Malamang na ang ilang ibon na magaganda ang balahibo o mahuhusay umawit ay ipinagbili upang gawing mga alagang hayop.—Ihambing ang Job 41:5; 1Ha 10:22.
Mga Bitag at mga Silo. Sa mga terminong Hebreo na ginagamit na pantukoy sa mga bitag at mga silo, dalawa (moh·qeshʹ at pach) ang ipinapalagay na pangunahing nauugnay sa mga kasangkapang ginagamit ng mga manghuhuli ng ibon. Iminumungkahi na ang moh·qeshʹ (“silo”; Am 3:5) ay tumutukoy sa isang silo na minamaniobra ng isang manghuhuli ng ibon (o ng isang pangkat nila), samantalang ang pach naman (Job 22:10; Aw 91:3) ay isang bitag na kusang umiigkas kapag may ibong pumasok sa loob niyaon. Inaakit ang ibon na pumasok sa bitag sa pamamagitan ng isang pain. (Kaw 7:23) Ang salitang Hebreo para sa “manghuhuli ng ibon” (ya·qushʹ o ya·qohshʹ) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na ya·qoshʹ, nangangahulugang “mag-umang ng silo.”—Jer 50:24.
Noong sinaunang mga panahon, kailangang pag-aralan ng manghuhuli ng ibon ang iba’t ibang ugali at kakatwang mga katangian ng bawat uri ng ibon; kailangan din siyang gumamit ng tusong mga pamamaraan upang maitago ang mga bitag na kaniyang inilalagay at huwag mahalata ang mga ito. (Ihambing ang Job 18:10; Aw 64:5, 6; 140:5.) Dahil sa lokasyon ng mga mata ng ibon sa magkabilang gilid ng ulo nito, mas malawak ang saklaw ng paningin ng karamihan sa kanila kaysa sa mga tao. Gayundin, may ilang ibon na nakakakilala sa mga bagay na nasa malayo na kailangan nang gamitan ng largabista upang makita ng mga tao. Ang ganiyang paningin, bukod pa sa pagiging likas na maingat ng mga ibon, ay nagdiriin sa katotohanan ng kawikaan na “walang kabuluhan ang paglaladlad ng lambat sa harap ng mga mata ng anumang may mga pakpak.”—Kaw 1:17.
Ang tao, palibhasa’y hindi niya kayang makita nang patiuna ang hinaharap at limitado ang kaniyang kakayahang humarap sa kapahamakan, ay inihahalintulad sa ‘mga ibon na nahuhuli sa bitag [sa Heb., bap·pachʹ], nasisilo sa isang kapaha-pahamak na panahon, kapag ito ay biglang nahuhulog sa kanila.’ (Ec 9:12) Ang mga matuwid ay napapaharap sa mga tusong silo, mga natatagong bitag, at kaakit-akit na mga paing inilalatag sa kanilang landas upang akayin sila tungo sa teritoryo ng mga balakyot na naghahangad na sila’y ipahamak sa moral at espirituwal. (Aw 119:110; 142:3; Os 9:8) Hinatulan ang mga bulaang propetisa dahil sa ‘panghuhuli nila ng mga kaluluwa na para bang ang mga iyon ay mga bagay na lumilipad.’ (Eze 13:17-23) Gayunman, dahil si Jehova ay sumasakaniyang tapat na mga lingkod, ang kanilang “kaluluwa ay tulad ng ibong nakatakas mula sa bitag ng mga nagpapain. Ang bitag ay nasira, at tayo ay nakatakas.” (Aw 124:1, 7, 8) Nanalangin ang salmista: “Ingatan mo ako mula sa pagkakahawak ng bitag [phach] na iniumang nila sa akin at mula sa mga silo [u·mo·qeshohthʹ, pambabaing anyong pangmaramihan ng moh·qeshʹ] ng mga nagsasagawa ng bagay na nakasasakit. Ang mga balakyot ay sama-samang mahuhulog sa sarili nilang mga lambat, habang ako naman ay dumaraan.”—Aw 141:9, 10.