MEDO, MEDIA
Ang mga Medo ay isang lahing Aryano, samakatuwid, kabilang sa angkang Japetiko at maliwanag na nagmula sa anak ni Japet na si Madai. (Gen 10:2) May malapit silang kaugnayan sa mga Persiano sa lahi, wika, at relihiyon.
Bilang isang bayan, lumitaw lamang ang mga Medo sa kasaysayan ng Bibliya noong ikawalong siglo B.C.E., samantalang ang unang pagbanggit sa kanila sa taglay nating sekular na mga rekord ay mula pa noong panahon ng Asiryanong si Haring Salmaneser III, isang kapanahon ni Haring Jehu (mga 904-877 B.C.E.). Itinuturing na ang arkeolohikal at iba pang katibayan ay nagpapahiwatig na naroroon sila sa Talampas ng Iran mula noong bandang kalagitnaan ng ikalawang milenyo B.C.E. at patuloy.
Heograpiya. Bagaman walang alinlangan na nagbago ang mga hangganan nito, pangunahin na, ang sinaunang rehiyon ng Media ay nasa K at T ng Dagat Caspian, anupat inihihiwalay ng kabundukan ng Elburz mula sa baybaying lupain ng dagat na iyon. Sa HK, maliwanag na nakaabot ito sa ibayo ng Lawa ng Urmia hanggang sa libis ng Ilog Araxes, samantalang sa K hangganan nito, ang Kabundukan ng Zagros ay nagsilbing harang sa pagitan ng Media at ng lupain ng Asirya at ng mabababang lupain ng Tigris; sa gawing S ay ang malaking disyertong rehiyon, at sa T naman ay ang lalawigan ng Elam.
Sa gayon, pangunahin na, ang lupain ng mga Medo ay isang bulubunduking talampas na sa katamtaman ay mula 900 hanggang 1,500 m (3,000 hanggang 5,000 piye) ang taas mula sa kapantayan ng dagat. Malaki-laking bahagi ng lupain ay tigang na ilang, anupat sa pangkalahatan ay kaunti ang pag-ulan, bagaman may ilang matatabang kapatagan na lubhang mabunga. Ang karamihan sa mga ilog ay umaagos patungo sa malaking disyerto sa bandang gitna, kung saan naghihiwa-hiwalay ang tubig nito tungo sa mga latian na natutuyuan sa mainit na tag-araw at nag-iiwan ng deposito ng asin. Dahil sa likas na mga harang ay masasabing madali itong ipagtanggol. Ang kanluraning kabundukan ang siyang pinakamataas, anupat maraming taluktok ang mahigit sa 4,270 m (14,000 piye) ang taas, ngunit ang pinakamataas na nag-iisang taluktok, ang Bundok Damavand (5,771 m; 18,934 na piye), ay matatagpuan sa kabundukan ng Elburz malapit sa Dagat Caspian.
Mga Pangunahing Hanapbuhay. Maliwanag na noon, gaya rin ngayon, karamihan sa mga tao ay nanirahan sa maliliit na nayon o kaya naman ay nagpagala-gala, at ang pag-aalaga ng mga hayop ay isang pangunahing hanapbuhay. Ang mga tekstong cuneiform na nagsasalaysay ng mga pananalakay ng Asirya sa Media ay naghaharap ng gayong larawan at nagpapakita na ang magandang lahi ng mga kabayo na inaalagaan ng mga Medo ay isa sa pangunahing mga gantimpala na hinahangad ng mga mananalakay. Pinanginginain din ang mga kawan ng mga tupa, mga kambing, mga asno, mga mula, at mga baka sa maiinam na damuhan ng matataas na libis. Sa mga relyebe ng Asirya, kung minsan ay inilalarawan ang mga Medo na nakasuot ng damit na yari sa balat ng tupa na nakapatong sa kanilang mga tunika at nakasuot ng mga botang mataas ang pagkakasintas, mga kasangkapang kailangan sa gawaing pagpapastol sa mga talampas kung saan ang mga taglamig ay may dalang niyebe at matinding lamig. Ipinakikita ng arkeolohikal na katibayan na ang mga Medo ay may mahuhusay na panday na gumagawa sa bronse at ginto.
Kasaysayan. Halos walang iniwang mga nakasulat na rekord ang mga Medo; ang mga bagay na nalalaman tungkol sa kanila ay hinalaw sa rekord ng Bibliya, mula sa mga tekstong Asiryano, at mula rin sa mga klasikal na Griegong istoryador. Lumilitaw na ang mga Medo ay inorganisa upang bumuo ng maraming maliliit na kaharian na nasa ilalim ng mga pinuno ng tribo, at tinutukoy ng mapaghambog na mga ulat ng mga Asiryanong emperador na sina Shamshi-Adad V, Tiglat-pileser III, at Sargon II ang kanilang mga tagumpay laban sa ilang pinuno ng lunsod ng malayong lupain ng mga Medo. Kasunod ng tagumpay ng Asirya laban sa kaharian ng Israel noong 740 B.C.E., ang mga Israelita ay ipinadala sa mga lugar na pinagtapunan sa kanila sa Asirya at “sa mga lunsod ng mga Medo,” na ang ilan sa mga ito ay mga basalyo noon ng Asirya.—2Ha 17:6; 18:11.
Ang mga pagsisikap ng Asirya na supilin ang “di-mapagpasakop na mga Medo” ay nagpatuloy sa ilalim ng Asiryanong si Haring Esar-hadon, anak ni Senakerib at maliwanag na isang kapanahon ni Haring Manases ng Juda (716-662 B.C.E.). Sa isa sa kaniyang mga inskripsiyon, binabanggit ni Esar-hadon ang tungkol sa “isang distrito sa hanggahan ng disyerto ng asin na nasa lupain ng malayong mga Medo, sa gilid ng Bundok Bikni, ang bundok ng lapis lazuli, . . . mga makapangyarihang pinuno na hindi nagpasakop sa aking pamatok,—sila, kasama ng kanilang bayan, ng kanilang mga kabayong sinasakyan, mga baka, mga tupa, mga asno at mga kamelyo (na Bactrian),—pagkalaki-laking samsam, ay tinangay ko patungong Asirya. . . . Ipinataw ko sa kanila ang aking maharlikang tributo at buwis nang taunan.”—Ancient Records of Assyria and Babylonia, ni D. D. Luckenbill, 1927, Tomo II, p. 215, 216.
Ayon sa Griegong istoryador na si Herodotus (I, 96), ang mga Medo ay inorganisa upang bumuo ng isang nagkakaisang kaharian sa ilalim ng isang tagapamahalang nagngangalang Deioces. Naniniwala ang ilang makabagong istoryador na si Deioces ang tagapamahalang nagngangalang Daiaukku sa mga inskripsiyon. Siya ay binihag at ipinatapon ni Sargon II sa Hamat bilang resulta ng isa sa mga paglusob ng Asirya sa rehiyon ng Media. Gayunman, itinuturing ng karamihan sa mga iskolar na noon lamang panahon ni Cyaxares (o Kyaxares, isang apo ni Deioces ayon kay Herodotus [I, 102, 103]) nagsimulang magkaisa ang mga hari ng Media sa ilalim ng isang partikular na tagapamahala. Magkagayunman, maaaring katulad lamang sila ng mga hari ng maliliit na kaharian sa Canaan, na kung minsan ay nakikipaglaban sa ilalim ng pangunguna ng isang partikular na hari at kasabay nito ay nagtataglay pa rin ng malaking antas ng kasarinlan.—Ihambing ang Jos 11:1-5.
Patuloy ang paglakas ng mga Medo sa kabila ng mga pananalakay ng Asirya at noon ay ito ang naging pinakamapanganib na karibal ng Asirya. Nang si Nabopolassar ng Babilonya, ama ni Nabucodonosor, ay maghimagsik laban sa Asirya, inianib ni Cyaxares na Medo ang kaniyang mga hukbo sa mga Babilonyo. Kasunod ng pagbihag ng Media sa Asur noong ika-12 taon ni Nabopolassar (634 B.C.E.), nakipagtagpo si Cyaxares (tinatawag na Ú-ma-kis-tar sa mga rekord ng Babilonya) kay Nabopolassar sa tabi ng nabihag na lunsod, at “gumawa [sila] ng entente cordiale [kasunduan ng pagkakaibigan].” (Assyrian and Babylonian Chronicles, ni A. K. Grayson, 1975, p. 93) Sinasabi ni Berossus (nabatid sa pamamagitan nina Polyhistor at Abydenus, na kapuwa sinipi ni Eusebius) na napangasawa ng anak na lalaki ni Nabopolassar, si Nabucodonosor, ang anak ng Medianong hari, anupat ang pangalan ng babae ay Amytis (o Amuhea ayon kay Abydenus). (Eusebius, Chronicorum liber prior, inedit ni A. Schoene, Berlin, 1875, tud. 29, taludtod 16-19, tud. 37, taludtod 5-7) Gayunman, hindi magkasundo ang mga istoryador kung si Amytis ay anak ni Cyaxares o ng anak nito na si Astyages.
Tinalo ang Asirya kasama ng mga Babilonyo. Pagkatapos ng higit pang pakikipagbaka laban sa mga Asiryano, sa wakas, noong ika-14 na taon ni Nabopolassar (632 B.C.E.), nilupig ng pinagsamang mga hukbo ng mga Medo at mga Babilonyo ang Nineve. (Zef 2:13) Inilipat ang pakikipaglaban ng Asirya sa Haran (mga 360 km [225 mi]) sa K, ngunit bagaman tumanggap ang Asirya ng tulong mula sa Ehipto, hindi naging matagumpay ang pagsisikap na ipagpatuloy ang pamamahala ng Asirya at nahati ang Imperyo ng Asirya sa mga Medo at mga Babilonyo. (Na 2:8-13; 3:18, 19) Lumilitaw na kinuha ng mga Medo ang hilagaang bahagi ng teritoryo samantalang kinuha naman ng mga Babilonyo ang timugan at timog-kanlurang bahagi, lakip ang Sirya at Palestina. Pagkatapos nito ay tumulak si Cyaxares papasók sa Asia Minor hanggang sa Ilog Halys, kung saan ang isang pakikipagdigma laban sa Lydia ay nauwi sa pagkatalo ng magkabilang panig at ang Halys ay naging malayong kanluraning hangganan ng Imperyo ng Media. Ang imperyong ito naman ay lumawak hanggang sa kalakhang bahagi ng Talampas ng Iran, hilagang Mesopotamia, Armenia, at Capadocia.
Naiwala sa mga Persiano ang nangingibabaw na posisyon nito. Nang panahong ito, hawak ng mga Medo, na may kabisera sa Ecbatana (Ezr 6:2), ang nangingibabaw na posisyon sa kanilang kamag-anak na mga Persiano, na sumakop naman sa lugar sa dakong T ng Media. Kapuwa inilalahad ng mga Griegong istoryador na sina Herodotus (I, 107, 108) at Xenophon (Cyropaedia, I, ii, 1) na ibinigay ng kahalili ni Cyaxares na si Astyages (tinatawag na Ishtumegu sa mga tekstong cuneiform) ang anak na babae nito na si Mandane upang mapangasawa ng Persianong tagapamahala na si Cambyses, na ang resulta ay ang pagkapanganak kay Ciro (II). Nang maging hari siya ng Anshan, isang probinsiya ng Persia, pinagkaisa ni Ciro ang mga hukbong Persiano sa pagsisikap na alisin ang pamatok ng Media. Ipinahihiwatig ng Nabonidus Chronicle na “ang hukbo ni Ishtumegu [Astyages] ay naghimagsik” at “nakapangaw” nilang dinala siya kay Ciro, na pagkatapos nito ay umagaw naman sa kabisera ng Media. (Ancient Near Eastern Texts, inedit ni J. Pritchard, 1974, p. 305) Mula sa puntong ito ang Media ay sumama sa Persia upang bumuo sa Imperyo ng Medo-Persia. Sa gayon, angkop na itinulad ng pangitaing tinanggap ng propetang si Daniel ang tambalang kapangyarihan ng Medo-Persia sa isang barakong tupa na may dalawang sungay, anupat ang mas mataas sa dalawang sungay “ang siyang tumubo nang dakong huli,” na kumakatawan sa mataas na katayuan ng mga Persiano at sa kanilang pangingibabaw sa imperyo sa nalalabing panahon ng pag-iral nito.—Dan 8:3, 20.
Gayunman, ipinakikita ng katibayan na nagbigay si Ciro sa mga Medo ng mga posisyong may kapangyarihan at awtoridad anupat patuloy na napanatili ng mga ito ang malaking antas ng pagiging prominente sa kaniyang pamahalaan. Kaya naman, binigyang-kahulugan ng propetang si Daniel kay Haring Belsasar ang mahiwagang sulat sa pader bilang hula hinggil sa pagkakahati ng Imperyo ng Babilonya at sa pagbibigay rito “sa mga Medo at sa mga Persiano,” at sa ibang bahagi ng aklat ng Daniel, ang mga Medo ay patuloy na unang nakatala sa pariralang “kautusan ng mga Medo at ng mga Persiano.” (Dan 5:28; 6:8, 12, 15) Nang sumunod na siglo ay binaligtad ng aklat ng Esther (Es 1:3, 14, 18, 19) ang pagkakasunud-sunod, maliban sa isa (Es 10:2) kung saan ang mga Medo ay nakatalang una sa mga Persiano may kinalaman sa kasaysayan.
Tinalo ang Babilonya kasama ng mga Persiano. Noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ng propetang si Isaias na pupukawin ni Jehova laban sa Babilonya “ang mga Medo, na sa kanila ay walang kabuluhan ang pilak at ang ginto naman ay hindi nila kinalulugdan. At pagluluray-lurayin ng kanilang mga busog maging ang mga kabataang lalaki.” (Isa 13:17-19; 21:2) Dito, sa terminong “mga Medo” ay maaaring kabilang ang mga Persiano, kung paanong karaniwang ginagamit ng mga klasikal na Griegong istoryador ang terminong ito upang sumaklaw kapuwa sa mga Medo at mga Persiano. Maliwanag na ipinakikita ng kanilang paghamak sa pilak at ginto na sa kaso ng Babilonya, ang pangunahing motibo nila ay pananakop sa halip na samsam, anupat hindi sila mababayaran ng anumang suhol o tributo mula sa pagsasakatuparan ng kanilang ipinasiyang layunin. Ang mga Medo, tulad ng mga Persiano, ay gumamit ng busog bilang pangunahing sandata. Ang mga busog na kahoy, bagaman kung minsan ay kinakabitan ng bronse o tanso (ihambing ang Aw 18:34), ay malamang na ‘lumuray-luray sa mga kabataang lalaki ng Babilonya’ dahil sa pag-ulan ng mga palaso, na bawat isa’y pinakinis upang bumaon nang mas malalim.—Jer 51:11.
Mapapansin na tinutukoy ni Jeremias (51:11, 28) ang “mga hari ng Media” bilang kasama sa mga sumalakay sa Babilonya, anupat marahil ay ipinahihiwatig ng pangmaramihan na maging sa ilalim ni Ciro, mayroon pa ring isang nakabababang Medianong hari o mga hari, isang situwasyong hindi naman salungat sa sinaunang kaugalian. (Ihambing din ang Jer 25:25.) Kaya naman makikita natin na nang ang Babilonya ay mabihag ng pinagsama-samang mga hukbo ng mga Medo, mga Persiano, mga Elamita, at iba pang mga kalapit na tribo, isang Medo na nagngangalang Dario ang “ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo,” maliwanag na bilang isa na inatasan ni Haring Ciro na Persiano.—Dan 5:31; 9:1; tingnan ang DARIO Blg. 1.
Nilupig ni Alejandrong Dakila. Noong panahon ni Haring Ahasuero (pinaniniwalaang si Jerjes I), tinukoy pa rin “ang hukbong militar ng Persia at Media,” ang pribadong sanggunian ng hari ay binubuo ng “pitong prinsipe ng Persia at Media,” at ang mga kautusan ay kilala pa rin bilang “mga kautusan sa Persia at Media.” (Es 1:3, 14, 19) Noong 334 B.C.E., napagwagian ni Alejandrong Dakila ang kaniyang unang mahahalagang tagumpay laban sa mga hukbong Persiano, at noong 330 B.C.E. ay sinakop niya ang Media. Pagkamatay niya, ang timugang bahagi ng Media ang bumuo sa isang bahagi ng Imperyong Seleucido, samantalang ang hilagaang bahagi ay naging isang independiyenteng kaharian. Bagaman sa iba’t ibang panahon ay pinangibabawan ito ng mga Parto at ng Imperyong Seleucido, ipinakita ng Griegong heograpo na si Strabo na nagpatuloy ang isang dinastiyang Mediano noong unang siglo C.E. (Geography, 11, XIII, 1) Sa Jerusalem, ang mga Medo kasama ang mga Parto, mga Elamita, at mga tao ng iba pang mga nasyonalidad ay naroroon sa Pentecostes noong taóng 33 C.E. Yamang tinutukoy sila bilang “mga Judio, mga lalaking mapagpitagan, mula sa bawat bansa,” maaaring sila ay mga inapo ng mga Judiong ipinatapon sa mga lunsod ng mga Medo kasunod ng pananakop ng Asirya sa Israel, o marahil ang ilan ay mga proselita sa pananampalatayang Judio.—Gaw 2:1, 5, 9.
Pagsapit ng ikatlong siglo C.E., ang mga Medo ay napasama na sa iba pa sa bansa ng mga Iraniano, sa gayo’y hindi na umiral bilang isang bayan.
[Mapa sa pahina 365]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Dagat Caspian
MEDIA
Ilog Araxes
Lawa ng Urmia
Kabundukan ng Elburz
Ecbatana
Kabundukan ng Zagros
Ilog Tigris
Babilonya
Ilog Eufrates
ELAM
Gulpo ng Persia
ASIRYA