DAN
[Hukom].
1. Ang ika-5 sa 12 anak na lalaki ni Jacob; ipinanganak sa Padan-aram. (Gen 35:25, 26) Si Dan ang panganay ng kaniyang inang si Bilha, ang alilang babae ng baog na amo nito na si Raquel. Si Bilha ay naging panghalili kay Raquel anupat naging isang pangalawahing asawa ni Jacob. Ito ang dahilan kung bakit kaagad na inampon ni Raquel ang bata at tinawag na Dan ang pangalan nito, na sinasabi: “Ang Diyos ay gumanap bilang aking hukom . . . anupat binigyan niya ako ng anak.” (Gen 30:6) Ang pangalan ng tunay na kapatid ni Dan ay Neptali. Nang panahong lumipat si Jacob sa Ehipto, kasama ang buong sambahayan, si Dan ay mayroon na ring anak na nagngangalang Husim (tinatawag na Suham sa Bil 26:42). (Gen 46:7, 23, 26) Pagkalipas ng 17 taon, nang tawagin ng mamamatay nang si Jacob sa kaniyang higaan ang kaniyang mga anak, si Dan ay mayroon nang hustong legal na katayuan kasama ng kaniyang 11 kapatid bilang mga ulo ng pamilya ng 12 tribo ng Israel. Nang pagpalain siya ni Jacob, sinabi nito: “Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan gaya ng isa sa mga tribo ni Israel. Si Dan nawa ay maging isang serpiyente sa tabi ng daan, isang may-sungay na ahas sa tabing-daan, na nangangagat ng mga sakong ng kabayo anupat nahuhulog sa likuran ang sakay niyaon. Ako ay maghihintay ng kaligtasan mula sa iyo, O Jehova.”—Gen 49:16-18.
2. Isa sa mga tribo ng Israel, isinunod sa pangalan ng ika-5 anak ni Jacob. Ang anak ni Dan na si Husim ay tinatawag ding Suham, at ang mga Suhamita ang tanging pamilya na nakatala para kay Dan. (Bil 26:42) Nang pumasok sila sa Ehipto, si Husim pa lamang ang anak ni Dan, ngunit pagkaraan ng mga dalawang siglo pagkalabas mula sa pagkaalipin, ang tribo ay mayroon nang bilang na 62,700 lalaki na 20 taóng gulang at pataas. (Gen 46:23; Bil 1:1, 38, 39) Ito ang ikalawa sa pinakamalaking tribo kung ibabatay sa bilang ng mga lalaking nasa edad nang makipagdigma. Sa ilang, ang tribo ni Dan, na si Ahiezer ang pinuno, ay inatasang magkampo sa H ng tabernakulo sa tabi ng mga tribo nina Aser at Neptali. Kapag lumilikas, ang tribo ay humahayo sa napakahalagang posisyon bilang bantay sa likuran, na angkop sa kanilang lakas ng loob, pagkamatapat, at pagkamaaasahan.—Bil 2:25-31; 10:25.
Nang hati-hatiin ang Lupang Pangako, ang pinunong si Buki na anak ni Jogli ang kumatawan sa Dan, at ayon sa kinalabasan ng palabunutan, napunta sa tribong ito ang isa sa pinakamaliliit na teritoryo, sa kabila ng bagay na ikalawa pa rin ito sa may pinakamalaking bilang. Gayunman, ang palabunot nito, ang ikapito, ay natapat sa napakatabang lupa, na kahangga ng mga tribo nina Juda, Efraim, at Benjamin, isang lupain na sumasaklaw sa matatabang libis ng Sepela hanggang sa mga kapatagan sa baybayin ng Mediteraneo. Ngunit dahil hindi pinalayas ng Dan ang mga bansang naninirahan doon, gaya ng iniutos ni Jehova, ang tribo ay lubhang nagdusa. (Bil 26:43; 34:22; Jos 19:40-46; Huk 1:34) Iyon ang dahilan kung bakit ang isang bahagi ng tribo ay lumipat sa hilagaang dulo ng Palestina at sinakop ang lunsod ng Lesem, o Lais, at tinawag itong “Dan.” (Jos 19:47, 48; Huk 18:11-31) Noong panahong isinasagawa ng mga Danita ang bagay na ito, ninakaw nila sa isang lalaki na nagngangalang Mikas ang kaniyang inukit na imahen at itinindig nila iyon bilang kanilang diyos, bagaman ilang taon ang nakararaan ay pinili ang mga miyembro ng Dan upang kumatawan sa mga sumpa mula sa Bundok Ebal, kasama na rito ang, “Sumpain ang tao na gumagawa ng inukit na imahen o ng binubong estatuwa, isang bagay na karima-rimarim kay Jehova.” (Deu 27:13-15) Kapuna-puna na hindi kasama ang Dan sa mga sumuporta kay Hukom Barak laban sa mga hukbo ni Sisera.—Huk 5:17.
May ilang indibiduwal mula sa tribo ni Dan na napabantog sa kasaysayan ng Bibliya. Nariyan si Oholiab, anak ni Ahisamac, na binigyan ng Diyos ng karunungan upang matulungan niya si Bezalel. Isa siyang lalaking dalubhasa sa pagbuburda at paghahabi ng mamahaling mga tela para sa mga kasangkapan ng tabernakulo. (Exo 31:1-6; 35:34, 35; 38:22, 23) Ang tapat na lingkod ni Jehova na si Samson ay naglingkod bilang hukom ng Israel sa loob ng 20 taon, anupat natupad sa kaniya ang hula ni Jacob bago ito mamatay (“Si Dan ay hahatol sa kaniyang bayan”) at gayundin ang hula ni Moises (“Si Dan ay anak ng leon”). (Gen 49:16; Deu 33:22; Huk 13:2, 24, 25; 15:20) Nang maging hari si David, 28,600 Danita ang kabilang sa kaniyang matapat na mga kawal. Nang maglaon, si Azarel na anak ni Jeroham ay binabanggit bilang punong prinsipe ng tribong iyon. (1Cr 12:35; 27:22) Ang ina ng “lalaking dalubhasa” na ipinadala ng hari ng Tiro upang tumulong kay Solomon sa pagtatayo ng templo ay mula sa tribo ni Dan.—2Cr 2:13, 14.
3. Isang lunsod sa pinakadulong H ng Palestina. Bago ito nabihag ng tribo ni Dan, ito ay tinatawag na Lesem o Lais ng mga paganong tumatahan dito. (Jos 19:47; Huk 18:7, 27) Muling itinayo ng mga Danita ang winasak na lunsod at tinawag itong ‘Dan ayon sa pangalan ng kanilang ama, na si Dan.’ (Huk 18:28, 29) Ngunit mga apat na siglo ang kaagahan, ang lunsod ay tinutukoy na sa pangalang Dan sa ulat tungkol sa pagtugis ni Abraham kay Kedorlaomer at sa mga kaalyado nito “hanggang sa Dan.” (Gen 14:14) Walang alinlangan na ang pangalang ito na Dan ay tumutukoy sa nabanggit na lugar noong panahon ni Abraham. Ang pagkakatugma ng sinaunang pangalang ito sa pangalan ng ninuno ng tribo ng Dan ay maaaring nagkataon lamang o itinalaga ng Diyos mismo.
Ang pangalang Dan ay muling lumitaw sa Pentateuch sa Deuteronomio 34:1, kung saan kasama ito sa mga dulo ng teritoryo na nakita ni Moises sa kaniyang huling pagtanaw sa Lupang Pangako mula sa kinaroroonan niya sa Bundok Nebo. Yamang ang Dan ay nasa paanan ng kabundukan ng Anti-Lebanon (at di-kalayuan sa Bundok Hermon), maaaring nangangahulugan ito na ang natanaw ni Moises ay umabot hanggang sa kabundukang iyon. Ang paggamit dito ng pangalang Dan ay maaaring kaayon ng paggamit nito sa kaso ni Abraham o resulta ng pagsulat ni Josue sa huling bahagi ng aklat, na naglalakip ng mga pangyayari pagkamatay ni Moises.
Ang Dan ay nasa “mababang kapatagan na nasa Bet-rehob,” at ang lugar na ito, na nasa H ng tubig ng Merom at nasa ibaba lamang ng Lebanon, ay isang mataba at lubhang kanais-nais na rehiyon, na natutubigan ding mainam. (Huk 18:28) Ipinapalagay na ang lokasyon ng Dan ay ang Tell el-Qadi (Tel Dan), na ang pangalang Arabe ay nangangahulugang “Gulod ng Hukom,” sa gayon ay napanatili ang kahulugan ng “Dan” sa Hebreo. Dalawang bukal doon ang nagsasalubong at nagiging Nahr el-Leddan, na siyang pinakamasagana sa tubig sa mga batis na nagsasanib-sanib mga ilang milya mula roon upang maging Ilog Jordan. Ang lunsod ng Dan ay nasa isang mataas na gulod malapit sa timugang paanan ng Bundok Hermon at mula rito ay matatanaw ang malawak na Lunas ng Hula. Estratehiko rin ang lokasyon nito, yamang ito’y nasa mahalagang ruta ng kalakalan sa pagitan ng Tiro at Damasco.
Ang Dan ay naging singkahulugan ng pinakadulong H ng Israel gaya ng ipinakikita ng inuulit-ulit na pananalitang “mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba.” (Huk 20:1; 1Sa 3:20; 2Sa 3:10; 1Ha 4:25; 2Cr 30:5) Ang totoo, may iba pang mga bayan na mas dako pang H kaysa sa Dan, kung paanong may ilang bayan na mas dako pang T kaysa sa Beer-sheba, ngunit lumilitaw na ang Dan ay isang mahalagang lunsod sa H gaya rin ng Beer-sheba sa T. Dahil sa lokasyon nito, makatuwiran lamang na isa ito sa mga unang naaapektuhan kapag ang lupain ay nilulusob mula sa H, gaya noong sumalakay ang Siryanong si Ben-hadad. (1Ha 15:20; 2Cr 16:4) Walang pagsalang ipinahihiwatig ito ng makahulang mga pananalita ni Jeremias sa Jeremias 4:15; 8:16. Pagkatapos na mahati ang kaharian, naglagay si Jeroboam ng mga ginintuang guya sa Dan at sa Bethel upang hindi na pumunta sa templo sa Jerusalem ang kaniyang mga sakop.—1Ha 12:28-30; 2Ha 10:29.
[Larawan sa pahina 551]
Mga guho ng lugar ng santuwaryo at isang altar na itinayong muli sa lunsod ng Dan. Dito sa hilaga, malapit sa pinagmumulan ng tubig ng Jordan, nagtatag si Jeroboam ng ikalawang sentro ng pagsamba sa guya