KABANATA 6
“Sundin Mo, Pakisuyo, ang Tinig ni Jehova”
1, 2. Ano ang mentalidad ng mga sumusunod sa “landasin ng karamihan”? Bakit hindi ka dapat tumulad sa kanila?
PARA sa sanlibutan, hindi na uso ang pagiging masunurin. Ang mentalidad ng marami ngayon ay hindi na ‘Gawin mo kung ano ang tama,’ kundi ‘Gawin mo kung ano ang gusto mo’ o ‘Kung kaya mong lusutan, sige gawin mo.’ Nariyan ang mga drayber na lumalabag sa batas-trapiko, mga negosyanteng hindi sumusunod sa regulasyon, at matataas na opisyal na walang galang sa batas na baka sila pa mismo ang nagpanukala. Ang pagsunod sa “landasin ng karamihan,” kahit mali at mapanganib, ay karaniwan din noong panahon ni Jeremias.—Jer. 8:6.
2 Alam mo na upang makamit ang pagsang-ayon ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, hindi ka dapat sumunod sa “landasin ng karamihan.” Ipinakita ni Jeremias ang pagkakaiba ng mga taong ‘hindi sumusunod sa tinig ni Jehova’ at ng mga talagang gustong sumunod sa Kaniya. (Jer. 3:25; 7:28; 26:13; 38:20; 43:4, 7) Dapat pag-isipan ng bawat isa sa atin ang bagay na ito. Bakit? Puntirya kasi ni Satanas ang mga tapat na mananamba ng Diyos. Para siyang ahas na may nakamamatay na kamandag; tahimik na nag-aabang ng mabibiktima at bigla na lang manunuklaw. Ang determinasyon nating sundin ang tinig ni Jehova ay poprotekta sa atin para hindi tayo matuklaw ng ahas na iyon. Pero paano natin mapapatatag ang determinasyong iyan? Makakatulong sa atin ang mga isinulat ni Jeremias.
ANG ISA NA DAPAT SUNDIN
3. Bakit dapat nating sundin si Jehova?
3 Bakit dapat lang na sundin nang lubusan si Jehova? Ayon kay Jeremias, si Jehova “ang Maylikha ng lupa sa pamamagitan ng kaniyang kapangyarihan, ang Isa na matibay na nagtatatag ng mabungang lupain sa pamamagitan ng kaniyang karunungan.” (Jer. 10:12) Si Jehova ang Soberano ng uniberso. Mas dapat siyang katakutan kaysa sa lahat ng iba pang tagapamahala. Siya lamang ang may karapatang humiling sa atin na sundin ang kaniyang matuwid na mga kautusan, na kung tutuusin ay sa atin din namang walang-hanggang ikabubuti.—Jer. 10:6, 7.
4, 5. (a) Ano ang napagtanto ng mga Judio noong mga panahon ng tagtuyot? (b) Bakit masasabing inaksaya ng mga Judio ang “tubig na buháy” mula kay Jehova? (c) Paano ka makikinabang sa “tubig na buháy” mula sa Diyos?
4 Bukod sa pagiging Tagapamahala ng Uniberso, si Jehova rin ang Tagatustos ng buhay—ng ating buhay. Makikita ito sa karanasan ng mga Judio noong panahon ni Jeremias. Di-gaya ng lupain ng Ehipto na umaasa sa tubig ng Ilog Nilo, ang bayan ng Diyos sa Lupang Pangako ay nakadepende sa pana-panahong ulan. Iniipon nila ito sa mga imbakang-tubig. (Deut. 11:13-17) Si Jehova lang ang makapagpapaulan para madiligan ang lupa at mamunga ito. Pero puwede rin niyang ipagkait ang ulan. Noong panahon ni Jeremias, nakaranas ng sunud-sunod na tagtuyot ang masuwaying mga Judio. Hindi nila napakinabangan ang kanilang mga bukid at ubasan, at ang kanilang mga balon at imbakang-tubig ay natuyo.—Jer. 3:3; 5:24; 12:4; 14:1-4, 22; 23:10.
5 Kung anong pagpapahalaga ng mga Judio sa literal na tubig, siya namang pagbale-wala nila sa “tubig na buháy” na saganang inilalaan ni Jehova. Sinadya nilang suwayin ang batas ng Diyos at nagtiwala sa mga kaalyadong bansa. Para silang mga taong nag-iipon ng tubig sa panahon ng tagtuyot, pero inilalagay naman ito sa mga sirang imbakang-tubig. (Basahin ang Jeremias 2:13; 17:13.) Tiyak na ayaw nating matulad sa kanila at mapahamak. Sagana tayo sa patnubay mula kay Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita. Siyempre makikinabang lamang tayo sa “tubig na buháy” kung regular natin itong pinag-aaralan at namumuhay tayo ayon dito.
6. (a) Ipaliwanag ang naging saloobin ni Zedekias hinggil sa pagsunod kay Jehova. (b) Sa tingin mo, bakit masasabing hindi matalino ang hari?
6 Habang papalapit ang paghatol ng Diyos sa Juda, lalo nang mahalaga na maging masunurin. Kung gusto ng isang Judio na protektahan siya ni Jehova, kailangan niyang magsisi at sumunod sa Diyos. Iyan ang naging hamon kay Haring Zedekias. Wala siyang paninindigan sa kung ano ang tama. Nang sabihin ng mga prinsipe na gusto nilang patayin si Jeremias, hindi man lang siya nakatutol. Gaya ng binanggit sa Kabanata 5, nakaligtas ang propeta sa tulong ni Ebed-melec. Pagkaraan, hinimok ni Jeremias si Zedekias: “Sundin mo, pakisuyo, ang tinig ni Jehova.” (Basahin ang Jeremias 38:4-6, 20.) Maliwanag, kung gustong mapabuti ng hari, kailangan niyang magpasiya: Susundin ba niya ang Diyos?
Bakit tama lang na paulit-ulit na himukin ni Jeremias ang mga Judio na sumunod sa Diyos?
MAHALAGANG SUNDIN AGAD ANG DIYOS NA JEHOVA
7. Sa anong mga sitwasyon puwedeng masubok ang iyong pagkamasunurin?
7 Mahalaga pa rin ngayon ang pagiging masunurin. Gaano ka kadeterminadong sumunod kay Jehova? Paano kung bigla na lang ay may lumitaw na pornograpikong Web site, tititigan mo ba ito, o lalabanan mo ang tukso at isasara ang site na iyon? Paano kung yayain ka ng katrabaho o kaklase mong di-Saksi na mag-date? Makakatanggi ka ba? Mag-uusyoso ka ba sa mga literatura o Web site ng mga apostata, o kasusuklaman mo ito? Kapag nalagay ka sa ganitong mga sitwasyon, tandaan mo ang Jeremias 38:20.
8, 9. (a) Bakit dapat kang makinig sa mga elder kapag pinapayuhan ka nila? (b) Ano ang dapat na maging saloobin mo sa paulit-ulit na payo ng mga elder?
8 Madalas isugo ni Jehova si Jeremias sa kaniyang bayan para payuhan ang mga ito. Sinasabi niya: “Tumalikod kayo, pakisuyo, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad, at pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga pakikitungo.” (Jer. 7:3; 18:11; 25:5; basahin ang Jeremias 35:15.) Ginagawa din ng mga Kristiyanong elder sa ngayon ang buong makakaya nila para tulungan ang mga kapananampalatayang nanganganib sa espirituwal. Kung sakaling payuhan ka ng mga elder dahil sa kuwestiyunable o mapanganib na hakbang na ginagawa mo, makinig ka sa kanila. Gaya ni Jeremias, gusto nilang mapabuti ka.
9 Baka ipaalala sa iyo ng mga elder ang maka-Kasulatang simulain na dati na nilang ipinayo sa iyo. Tandaan na hindi madaling magpayo nang paulit-ulit, lalo na kung ang saloobin ng pinapayuhan ay gaya ng sa mga Judio noong panahon ni Jeremias. Ang isipin mo mahal ka ni Jehova kaya paulit-ulit kang pinapayuhan ng mga elder. Kung tutuusin, hindi na sana kailangan ni Jeremias na ulit-ulitin ang mga babala niya kung nakinig lang agad ang mga Judio. Kaya para hindi ka paulit-ulit na mapayuhan, sumunod ka na agad.
NAGPAPATAWAD SI JEHOVA, PERO HINDI AWTOMATIKO
10. Bakit hindi awtomatikong nagpapatawad si Jehova?
10 Habang nabubuhay sa sistemang ito, magkakamali’t magkakamali tayo anumang sikap natin. Kaya nagpapasalamat tayo dahil handang magpatawad ang Diyos. Pero hindi ito awtomatiko. Bakit hindi? Dahil kasuklam-suklam kay Jehova ang kasalanan. (Isa. 59:2) Kaya gusto niyang matiyak na karapat-dapat tayo sa kaniyang kapatawaran.
11. Bakit walang kasalanang maililihim?
11 Gaya ng nakita natin, maraming Judio noong panahon ni Jeremias ang namihasa sa pagsuway sa Diyos. Sinubok nila ang pasensiya at awa ni Jehova. Puwede rin bang magkaganoon ang isang lingkod ng Diyos sa ngayon? Oo, kung nagbibingi-bingihan siya sa mga paalaala ni Jehova at nagsisimula nang sumuway. Sa ilang kaso, kitang-kita ang saloobing ito sa mga pumapasok sa mapangalunyang pag-aasawa. Sa ibang kaso naman, ang ilan ay may dobleng pamumuhay at nag-iisip na walang makakabisto sa kanilang kasalanan. Pero delikado ang ganitong kaisipan. Kahit inaakala ng isa na maitatago niya sa iba ang kaniyang kasalanan, nakikita ng Diyos ang laman ng isip at puso; nakikita niya ang anumang ginagawa sa lihim. (Basahin ang Jeremias 32:19.) Ano ang dapat gawin kung talagang sumuway sa Diyos ang isa?
12. Kung minsan, ano ang dapat gawin ng mga elder para maingatan ang kongregasyon?
12 Binale-wala ng maraming Judio ang tulong na paulit-ulit na ibinibigay ni Jehova sa pamamagitan ni Jeremias. Sa ngayon, may mga nakagawa ng malubhang kasalanan na ayaw magsisi at tumanggap ng tulong ng mga elder. Sa ganitong kalagayan, dapat sundin ng mga elder ang tagubilin ng Kasulatan na ingatan ang kongregasyon sa pamamagitan ng pagtitiwalag sa nagkasala. (1 Cor. 5:11-13; tingnan ang kahong “Pamumuhay Nang Walang Kautusan,” sa pahina 73.) Pero ibig bang sabihin ay wala na siyang pag-asa, na hindi na siya puwedeng bumalik kay Jehova? Hindi. Mahabang panahong naging mapaghimagsik ang mga Israelita; pero hinimok pa rin sila ng Diyos: “Manumbalik kayo, kayong mga anak na suwail. Pagagalingin ko ang inyong pagkasuwail.” (Jer. 3:22)a Hinihimok ni Jehova ang mga nagkasala na manumbalik. Sa katunayan, inuutusan niya silang gawin ito.
Bakit isang katalinuhan na humingi ng tawad sa Diyos kapag nagkasala?
SUNDIN SI JEHOVA AT MANUMBALIK SA KANIYA
13. Kung gusto ng isa na manumbalik kay Jehova, anu-ano ang kailangan niyang aminin?
13 Para makabalik sa Diyos, gaya ng ipinahiwatig ni Jeremias, dapat tanungin ng isa ang kaniyang sarili, ‘Ano ba itong nagawa ko?’ Pagkatapos, batay sa pamantayan ng Bibliya, dapat niyang aminin ang kaniyang pagkakamali. Hindi tinanong ng di-nagsisising mga Judio ang kanilang sarili. Ayaw nilang aminin kung gaano kalubha ang kanilang kasalanan kaya hindi sila pinatawad ni Jehova, ni may dahilan man siya para patawarin sila. (Basahin ang Jeremias 8:6.) Sa kabaligtaran naman, batid ng isang nagsisising makasalanan na nakapagdulot siya ng upasala sa pangalan ng Diyos at ng kongregasyon. Ang isa na talagang nagsisisi ay labis ding nalulungkot sa pinsalang maaaring naidulot niya sa iba. Dapat na malinaw sa kaniya na magiging matimbang lamang kay Jehova ang paghingi niya ng tawad kung aaminin niya ang nagawa niyang kasalanan at ang lahat ng epekto nito. Pero higit pa riyan ang kailangan.
14. Paano ‘manunumbalik kay Jehova’ ang isa? (Tingnan ang kahong “Ano ang Pagsisisi?”)
14 Susuriin ng isang tunay na nagsisisi ang kaniyang mga motibo, hangarin, at paggawi. (Basahin ang Panaghoy 3:40, 41.) Susuriin din niya kung saan siya may kahinaan, halimbawa, sa pakikipagkaibigan sa di-kasekso, pag-inom o paninigarilyo, paggamit ng Internet, o sa pagnenegosyo. Kung paanong nililinis ng isang maybahay maging ang kasuluk-sulukan ng kaniyang kusina, dapat ding linisin ng nagsisising indibiduwal maging ang kasuluk-sulukan ng kaniyang pag-iisip at paggawi. Dapat siyang ‘manumbalik kay Jehova’ sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kahilingan at pamantayan ng Diyos. “May kabulaanan” ang panunumbalik kay Jehova ng ilang Judio noong panahon ni Jeremias. Nagsisi sila kunwari pero hindi nagbago ang kanilang puso at paggawi. (Jer. 3:10) Di-gaya nila, hindi lilinlangin ng isang tunay na nagsisisi ang Diyos o ang kongregasyon. Hindi siya nagbabalik-loob para lang maprotektahan ang kaniyang reputasyon o maibalik ang kaniyang kaugnayan sa pamilya at sa mga kapatid. Sa halip, gusto niyang lubusang talikuran ang kaniyang kasalanan para mapatawad siya at muling tanggapin ng Diyos.
15. Ilarawan ang panalangin ng isang tunay na nagsisisi.
15 Napakahalaga ng panalangin sa pagsisisi. Noon, karaniwan nang itinataas ng mga tao ang kanilang mga kamay kapag nananalangin. Sa ngayon, kapag nananalangin ang isang tunay na nagsisisi, para bang ‘itinataas niya ang kaniyang puso pati ang kaniyang mga palad sa Diyos,’ gaya ng pagkakalarawan ni Jeremias. (Panag. 3:41, 42) Dahil sa kalungkutang nadarama niya, nauudyukan ang isang nagsisisi na magbago kasabay ng paghingi niya ng tawad. Taimtim ang kaniyang mga panalangin, mula sa kaibuturan ng kaniyang puso.
16. Bakit makatuwiran na manumbalik sa Diyos?
16 Alam mo na kailangang lunukin ng isang tunay na nagsisisi ang kaniyang pride. Pero ito ang tandaan mo: Gusto ni Jehova na bumalik sa kaniya ang mga nagkasala. Kapag nakita ng Diyos ang tunay na pagsisisi sa puso ng isang tao, nababagbag ang Kaniyang puso. Ang kaniyang “mga bituka ay nagkakaingay,” wika nga, dahil sa pagkaantig at pagnanais na mapatawad ang lahat ng nagsisisi, gaya ng ginawa niya sa mga Israelitang nagbalik mula sa pagkatapon. (Jer. 31:20) Hindi ba’t nakagiginhawang isipin na naglalaan ang Diyos ng pag-asa at kapayapaan sa mga nanunumbalik at sumusunod sa kaniya? (Jer. 29:11-14) May pagkakataon silang mapabilang muli sa mga tapat na lingkod ng Diyos.
PROTEKSIYON SA IYO ANG PAGSUNOD KAY JEHOVA
17, 18. (a) Sino ang mga Recabita? (b) Gaya ng makikita sa pahina 77, sa ano sila kilala?
17 Proteksiyon sa iyo ang lubusang pagsunod kay Jehova. Makikita natin ito sa halimbawa ng mga Recabita noong panahon ni Jeremias. Mahigit dalawang siglo bago nito, si Jehonadab, ang ninuno nilang Kenita na pumanig kay Jehu, ay nagbigay ng ilang mahihigpit na utos. Isa rito ang pagbabawal sa pag-inom ng alak. Matagal nang patay si Jehonadab, pero sinusunod pa rin ng mga Recabita ang utos niya. Para subukin sila, dinala sila ni Jeremias sa isang silid-kainan sa templo at inalok ng alak. Sinabi nila: “Hindi kami iinom ng alak.”—Jer. 35:1-10.
18 Para sa mga Recabita, mahalagang sundin ang utos ng kanilang ninuno kahit matagal na itong patay. Pero di-hamak na mas mahalagang maging masunurin sa mga utos ng buháy na Diyos ang mga tunay na mananamba. Kitang-kita ni Jehova ang pagkamasunurin ng mga Recabita. Kabaligtaran ito ng katigasan ng ulo ng mga Judio. Nangako ang Diyos sa mga Recabita na poprotektahan niya sila sa paparating na kapahamakan. Kaya hindi ba makatuwirang asahan na ililigtas ni Jehova sa panahon ng malaking kapighatian ang mga sumusunod sa kaniya nang lubusan?—Basahin ang Jeremias 35:19.
Bakit mahalagang bahagi ng pagsunod ang pagsisisi sa malubhang kasalanan? Paano ka matutulungan ng pagiging masunurin na huwag nang umabot pa sa punto na may kailangan kang pagsisihan?
HINDI KA NAG-IISA SA PAGSUNOD KAY JEHOVA
19. Kung masunurin ka kay Jehova, anong proteksiyon ang ilalaan niya sa iyo?
19 Hindi lang mga sinaunang lingkod ng Diyos ang pinangangalagaan niya. Iniingatan pa rin ni Jehova ngayon ang mga masunurin sa kaniya. Gaya ng matataas na pader na nagsasanggalang sa mga lunsod noon, naipagsasanggalang ng batas ng Diyos ang mga nag-aaral nito at nagsisikap na sumunod dito. Mananatili ka ba sa loob ng pader ni Jehova at susunod sa kaniyang mga pamantayang moral? Tiyak na mapapabuti ka kung gagawin mo iyan. (Jer. 7:23) Pinatutunayan iyan ng maraming karanasan.—Tingnan ang kahong “Proteksiyon ang Pagsunod kay Jehova.”
20, 21. (a) Ano ang maaasahan mo kay Jehova habang naglilingkod ka sa kaniya? (b) Ano ang naging reaksiyon ni Haring Jehoiakim sa mensahe ng Diyos sa pamamagitan ni Jeremias?
20 May mga sasalansang sa iyo habang naglilingkod ka sa Diyos—mga kapamilya, katrabaho, kaeskuwela, o mga nasa awtoridad. Pero kung magiging masunurin ka kay Jehova sa lahat ng bagay, tutulungan ka niya, gaano man kahirap ang sitwasyon. Pakatandaan: Nangako ang Diyos na aalalayan niya si Jeremias sa gitna ng matinding pagsalansang, at tinupad niya iyon. (Basahin ang Jeremias 1:17-19.) Kitang-kita ni Jeremias ang suportang ito noong panahon ni Haring Jehoiakim.
21 Sa mga naging tagapamahala ng Israel, si Jehoiakim ang sumalansang nang pinakamatindi sa mga mensahero ng Diyos. Isa si propeta Urias, kasabayan ni Jeremias, sa pinagmalupitan niya. Ipinatugis siya ng masamang haring si Jehoiakim hanggang sa labas ng bansa. Nang madakip si Urias at dalhin sa hari, pinatay siya nito. (Jer. 26:20-23) Sa ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoiakim, inutusan ni Jehova si Jeremias na isulat ang lahat ng salitang sinabi Niya sa propeta at basahin iyon nang malakas sa templo. Nakuha ni Jehoiakim ang balumbon ni Jeremias at ipinabasa ito sa kaniyang opisyal. Pagkarinig dito, pinagpipilas ito ng hari at inihagis sa apoy, sa kabila ng pagpigil ng ilang prinsipe. Pagkatapos, ipinahanap niya sina Jeremias at Baruc para arestuhin. Ano ang nangyari? “Iningatan silang nakakubli ni Jehova.” (Jer. 36:1-6; basahin ang Jeremias 36:21-26.) Hindi hinayaan ni Jehova na saktan ni Jehoiakim ang dalawang tapat na lingkod Niya.
22, 23. Ano ang matututuhan mo sa karanasan ng isang Saksi sa gitnang Asia hinggil sa pag-alalay ng Diyos?
22 Kung ayon sa kalooban ni Jehova, maaari din niyang ikubli sa kapahamakan ang mga lingkod niya sa ngayon. Pero kadalasan, binibigyan niya sila ng lakas ng loob at karunungan na sundin siya at patuloy na mangaral. Isang nagsosolong ina, na tatawagin nating Gulistan, ang may apat na anak. Inalalayan siya ni Jehova. Siya lang ang Saksi noon sa isang malaking bahagi ng gitnang Asia kung saan may pagsalansang sa gawain. Ang pinakamalapit na kongregasyon ay mahigit 400 kilometro, kaya bihirang makasama ni Gulistan ang mga may-gulang na Kristiyano. Sa kabila ng pagsalansang at mga problema, nagbabahay-bahay siya at marami siyang natatagpuang interesado. Ayon sa isang ulat kamakailan, mga 20 katao ang bina-Bible study niya at tinutulungan ang isang masulong na grupo ng mga tupa ni Jehova.
23 Kung paanong inalalayan ni Jehova si Jeremias at ang mga Saksing gaya ni Gulistan, aalalayan ka rin ng Diyos at ang iba pang masunuring lingkod niya. Kaya maging determinado na sundin siya bilang Tagapamahala sa halip na ang mga tao. Kung gayon, walang pagsalansang at problemang makahahadlang sa iyo sa hayagang pagpuri sa tanging tunay na Diyos.—Jer. 15:20, 21.
24. Ngayon pa lang, paano ka nakikinabang sa pagiging masunurin?
24 Ang tunay na kaligayahan at kasiyahan ay hindi natin makakamit kung namumuhay tayo nang hiwalay sa Maylikha. (Jer. 10:23) Matapos pag-aralan ang isinulat ni Jeremias tungkol sa pagiging masunurin, nakikita mo ba kung paano ka higit pang magpapaakay kay Jehova? Tanging ang mga utos niya ang aakay sa atin sa isang matagumpay at maligayang buhay. “Sundin ninyo ang aking tinig,” ang paghimok ni Jehova, “upang mapabuti kayo.”—Jer. 7:23.
Paano mo maikakapit sa iyong kaugnayan sa Diyos ang mga natutuhan mo sa aklat ng Jeremias tungkol sa pagsunod?
a Kausap dito ni Jehova ang hilagang kaharian ng Israel. Mga 100 taon nang tapon ang sampung-tribong kaharian na iyon nang ihayag ni Jeremias ang mensaheng ito. Ipinakita niya na hanggang sa panahong iyon, hindi pa rin sila nagsisisi. (2 Hari 17:16-18, 24, 34, 35) Pero bilang mga indibiduwal, makababalik sila kay Jehova at sa kanilang lupain.