KABANATA 6
“Dumating Na ang Kawakasan Mo”
POKUS: Kung paano natupad ang mga hula ng paghatol ni Jehova sa Jerusalem
1, 2. (a) Ano ang mga kakaibang ginawa ni Ezekiel? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Ano ang inihula ni Ezekiel sa pamamagitan ng mga ginawa niya?
MABILIS na kumalat sa mga Judiong tapon sa Babilonya ang tungkol sa mga kakaibang ginagawa ni propeta Ezekiel. Isang linggo siyang nakaupo nang wala sa sarili at di-nagsasalita habang nakikita siya ng mga kasama niyang tapon. Pero bigla siyang tumayo at nagkulong sa bahay. Habang nakatingin ang nagtatakang mga kapitbahay niya, lumabas siya ng bahay at kumuha ng laryo at inilagay niya iyon sa harap niya at inukitan. Pagkatapos, walang imik siyang nagtayo ng isang maliit na pader.—Ezek. 3:10, 11, 15, 24-26; 4:1, 2.
2 Siguradong parami nang parami ang nanonood sa kaniya. Baka naisip nila, ‘Ano ang ibig sabihin ng lahat ng ito?’ Sa bandang huli na lang nila lubusang maiintindihan na iyon ay hula tungkol sa isang nakakatakot na pangyayari na magpapakita ng matuwid na galit ng Diyos na Jehova. Ano ang pangyayaring iyon? Ano ang naging epekto nito sa bansang Israel noon? At ano ang kahalagahan nito sa tunay na mga mananamba sa ngayon?
‘Kumuha Ka ng Laryo, ng Trigo, ng Matalas na Espada’
3, 4. (a) Anong tatlong aspekto ng paghatol ng Diyos ang isinadula ni Ezekiel? (b) Paano isinadula ni Ezekiel ang pagkubkob sa Jerusalem?
3 Noong mga 613 B.C.E., inutusan ni Jehova si Ezekiel na isadula ang mga tanda tungkol sa tatlong aspekto ng darating na paghatol ng Diyos sa Jerusalem: ang pagkubkob sa lunsod, ang pagdurusa ng mga tagarito, at ang kawakasan ng lunsod at ng bayan.a Talakayin natin ang mga ito nang mas detalyado.
4 Ang pagkubkob sa Jerusalem. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Kumuha ka ng isang laryo at ilagay mo iyon sa harap mo. . . . Kubkubin mo ang lunsod.” (Basahin ang Ezekiel 4:1-3.) Kumakatawan ang laryo sa lunsod ng Jerusalem, at si Ezekiel naman, sa hukbo ng Babilonya na gagamitin ni Jehova. Inutusan din si Ezekiel na gumawa ng maliit na pader, rampa, at panggiba, na ilalagay niya sa palibot ng laryo. Kumakatawan ang mga ito sa mga gagamitin ng mga kaaway ng Jerusalem para palibutan at salakayin ang lunsod. Para ipakita na sinlakas ng bakal ang mga kaaway na mandirigma, maglalagay si Ezekiel ng “malapad na lutuang bakal” sa pagitan niya at ng lunsod. Pagkatapos, ‘tititigan’ niya ang lunsod. Ang mga gagawin niyang iyon ay magsisilbing “tanda para sa sambahayan ng Israel” na may mangyayaring hindi nila inaasahan. Gagamit si Jehova ng isang kaaway na hukbo para kubkubin ang Jerusalem, ang pangunahing lunsod ng bayan ng Diyos at ang lokasyon ng kaniyang templo!
5. Ilarawan kung paano isinadula ni Ezekiel ang mangyayari sa mga taga-Jerusalem.
5 Ang pagdurusa ng mga taga-Jerusalem. Inutusan ni Jehova si Ezekiel: “Kumuha ka ng trigo, sebada, habas, lentehas, mijo, at espelta [isang klase ng trigo] . . . at gawin mong tinapay,” at “magtitimbang ka ng 20 siklo [mga 230 g] ng pagkain, at iyon ang kakainin mo bawat araw.” Pagkatapos, sinabi ni Jehova: “Aalisin ko ang suplay ng pagkain.” (Ezek. 4:9-16) Dito, hindi na kumakatawan si Ezekiel sa hukbo ng Babilonya kundi sa mga taga-Jerusalem. Ipinapakita ng mga ginawa ng propeta na dahil sa pagkubkob, mauubos ang pagkain sa lunsod. Sa panahong iyon, ang tinapay ay gagawin mula sa kakaibang kombinasyon ng mga sangkap, na nagpapakitang kakainin ng mga tao ang anumang makakain nila. Magiging gaano kalala ang taggutom? Para bang kinakausap ni Ezekiel ang mga taga-Jerusalem nang sabihin niya: “Kakainin ng mga ama sa gitna mo ang mga anak nila, at kakainin ng mga anak ang mga ama nila.” Marami ang magdurusa dahil sa “nakamamatay na mga pana ng taggutom,” at “manlulupaypay” ang mga tao.—Ezek. 4:17; 5:10, 16.
6. (a) Ano ang dalawang papel na sabay na isinadula ni Ezekiel? (b) Ano ang ipinapahiwatig ng utos ng Diyos na ‘kumuha ng timbangan para matimbang at mahati ang buhok sa tatlong bahagi’?
6 Ang kawakasan ng Jerusalem at ng bayan. Sa bahaging ito ng hula, sabay na isinadula ni Ezekiel ang dalawang papel. Ang isa ay kung ano ang gagawin ni Jehova. Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Kumuha ka ng isang matalas na espada para magamit mong gaya ng labaha ng barbero.” (Basahin ang Ezekiel 5:1, 2.) Ang kamay ni Ezekiel na may hawak na espada ay kumakatawan sa kamay ni Jehova—ang paghatol niya—na isasagawa ng hukbo ng Babilonya. Bukod diyan, isinadula rin ni Ezekiel ang mararanasan ng mga Judio. Sinabi ni Jehova sa kaniya: “Ahitin mo ang iyong balbas at buhok sa ulo.” Inilalarawan ng pag-ahit ni Ezekiel sa kaniyang ulo kung paano sasalakayin at papatayin ang mga Judio. At ang utos na ‘kumuha ng timbangan para matimbang at mahati ang buhok sa tatlong bahagi’ ay nagpapahiwatig na ang paghatol ni Jehova sa Jerusalem ay planado at isasagawa nang lubusan.
7. Bakit sinabi ni Jehova kay Ezekiel na hatiin sa tatlong bahagi ang buhok at magkakaiba ang gawin sa bawat bahagi?
7 Bakit sinabi ni Jehova kay Ezekiel na hatiin sa tatlong bahagi ang inahit na buhok at magkakaiba ang gawin sa bawat bahagi? (Basahin ang Ezekiel 5:7-12.) Sinunog ni Ezekiel ang isang bahagi “sa loob ng lunsod” para ipakita na may mga taga-Jerusalem na mamamatay sa loob ng lunsod. Tinadtad naman niya ng espada ang isa pang bahagi ng buhok “sa bawat bahagi ng lunsod” para ipakita na ang ibang taga-Jerusalem ay papatayin sa labas ng lunsod. At isinaboy niya sa hangin ang isa pang bahagi para ipakita na may mangangalat sa ibang mga bansa, pero isang “espada” ang “hahabol” sa kanila. Kaya saanman mapadpad ang mga makaliligtas, hindi sila magiging panatag.
8. (a) Anong pag-asa ang nilalaman ng hula ni Ezekiel? (b) Paano natupad ang hula tungkol sa “ilang hibla”?
8 Pero ang hula ni Ezekiel ay naglalaman din ng pag-asa. Tungkol sa inahit na buhok ni Ezekiel, iniutos ni Jehova: “Kumuha ka . . . ng ilang hibla, at ilagay mo ang mga iyon sa tupi ng damit mo.” (Ezek. 5:3) Ipinapakita nito na hindi mamamatay ang ilan sa mga Judio na mangangalat sa ibang mga bansa. Mula sa “ilang hibla” na iyon, may ilang makakasama sa mga babalik sa Jerusalem pagkatapos ng 70-taóng pagkabihag sa Babilonya. (Ezek. 6:8, 9; 11:17) Natupad ba ang hulang iyon? Oo. Makalipas ang ilang taon pagkalaya ng mga Judio sa Babilonya, iniulat ni propeta Hagai na ang ilan sa nangalat na mga Judio ay talagang nakabalik sa Jerusalem. Sila ang “matatandang lalaki na nakakita sa unang bahay,” o templo ni Solomon. (Ezra 3:12; Hag. 2:1-3) Sinigurado ni Jehova na maiingatan ang dalisay na pagsamba, gaya ng ipinangako niya. Tatalakayin sa Kabanata 9 ang karagdagang impormasyon tungkol sa pagbabalik na iyon.—Ezek. 11:17-20.
Ano ang Itinuturo ng Hulang Ito Tungkol sa mga Mangyayari sa Hinaharap?
9, 10. Anong mahahalagang pangyayari sa hinaharap ang maaalaala natin sa mga isinadula ni Ezekiel?
9 Maaalaala natin sa mga isinadula ni Ezekiel ang mahahalagang pangyayari sa hinaharap na inihula sa Bibliya. Ano ang ilan sa mga ito? Gaya ng nangyari sa lunsod ng Jerusalem noon, gagamit si Jehova ng politikal na mga kapangyarihan para gawin ang isang bagay na hindi inaasahan ng marami—ang pagsalakay sa lahat ng huwad na relihiyon sa lupa. (Apoc. 17:16-18) Kung paanong “isang walang-katulad na kapahamakan” ang pagkawasak ng Jerusalem, ang “malaking kapighatian” din, na ang kasukdulan ay ang digmaan ng Armagedon, ay “hindi pa nangyayari” kailanman.—Ezek. 5:9; 7:5; Mat. 24:21.
10 Ipinapakita ng Bibliya na sa dumarating na pagkawasak ng huwad na relihiyon, makaliligtas ang indibidwal na mga tagasuporta nito. Dahil sa takot, sasama sila sa iba pang naghahanap ng mapagtataguan. (Zac. 13:4-6; Apoc. 6:15-17) Maaalaala natin sa kanila ang nangyari sa mga taga-Jerusalem noon na nakaligtas sa pagkawasak ng lunsod at ‘isinaboy sa hangin.’ Gaya ng tinalakay sa parapo 7, nakaligtas man sila noong una, humugot si Jehova ng ‘espada na hahabol sa kanila.’ (Ezek. 5:2) Sa katulad na paraan, saanman magtago ang mga makaliligtas sa pagsalakay sa mga relihiyon, hindi nila matatakasan ang espada ni Jehova. Papatayin sila sa Armagedon, kasama ang lahat ng iba pang tulad-kambing.—Ezek. 7:4; Mat. 25:33, 41, 46; Apoc. 19:15, 18.
Pagdating sa mabuting balita, “mapipipi” tayo
11, 12. (a) Paano makakaapekto sa pananaw natin sa ministeryo ang hula ni Ezekiel tungkol sa pagkubkob sa Jerusalem? (b) Ano ang posibleng magbago sa ating pangangaral at mensahe?
11 Paano makakaapekto ang hulang ito sa pananaw natin sa ministeryo at sa pagkaapurahan natin dito? Idiniriin nito na kailangan nating gawin ngayon ang buo nating makakaya para tulungan ang mga tao na maging lingkod ni Jehova. Bakit? Limitado na ang panahon nating “gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:19, 20; Ezek. 33:14-16) Kapag nagsimula na ang pagsalakay ng “tungkod” (politikal na mga kapangyarihan) sa mga relihiyon, hindi na tayo mangangaral ng mensahe ng kaligtasan. (Ezek. 7:10) Pagdating sa mabuting balita, “mapipipi” tayo, kung paanong napipi si Ezekiel, o huminto sa paghahayag ng mensahe, sa isang bahagi ng ministeryo niya. (Ezek. 3:26, 27; 33:21, 22) Pagkawasak ng huwad na relihiyon, ang mga tao, sa diwa, ay maghahagilap ng “pangitain mula sa propeta,” pero wala silang makukuhang tagubilin para sa kaligtasan. (Ezek. 7:26) Huli na ang lahat para tumanggap ng gayong tagubilin at maging alagad ni Kristo.
12 Pero hindi ibig sabihin na tapos na ang gawaing pangangaral natin. Bakit? Sa malaking kapighatian, posibleng maghayag tayo ng mensahe ng paghatol na magiging gaya ng pagbagsak ng malalaking tipak ng yelo. Iyon ang magiging tanda na malapit nang magwakas ang masamang mundong ito.—Apoc. 16:21.
“Dumarating Na Ito!”
13. Bakit sinabi ni Jehova kay Ezekiel na humiga sa kaliwang tagiliran niya at pagkatapos ay sa kanang tagiliran niya?
13 Bukod sa hula kung paano mawawasak ang Jerusalem, inihula rin ni Ezekiel kung kailan iyon mangyayari. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na humiga sa kaliwang tagiliran niya nang 390 araw at sa kanang tagiliran naman nang 40 araw. Bawat araw ay kumakatawan sa isang taon. (Basahin ang Ezekiel 4:4-6; Bil. 14:34) Sa pagsasadulang iyon, na malamang na ginawa ni Ezekiel nang ilang oras lang bawat araw, natukoy ang eksaktong taon ng pagkawasak ng Jerusalem. Ang 390 taon ng pagkakasala ng Israel ay lumilitaw na nagsimula noong 997 B.C.E., ang taon kung kailan nahati ang 12-tribong kaharian. (1 Hari 12:12-20) Ang 40 taon ng pagkakasala ng Juda ay malamang na nagsimula noong 647 B.C.E., ang taon kung kailan inatasan si Jeremias bilang propeta para magbabala sa kaharian ng Juda tungkol sa dumarating na pagkawasak nito. (Jer. 1:1, 2, 17-19; 19:3, 4) Pareho itong magtatapos sa 607 B.C.E., ang mismong taon kung kailan bumagsak at nawasak ang Jerusalem, gaya ng inihula ni Jehova.b
14. (a) Paano ipinakita ni Ezekiel na nagtitiwala siyang laging nasa oras si Jehova? (b) Ano ang mangyayari bago mawasak ang Jerusalem?
14 Nang matanggap ni Ezekiel ang hula tungkol sa 390 araw at 40 araw, posibleng hindi pa niya alam ang eksaktong taon ng pagkawasak ng Jerusalem. Pero noong mga taon bago ang pagbagsak na ito, paulit-ulit siyang nagbabala sa mga Judio na paparating na ang paghatol ni Jehova. “Dumating na ang kawakasan mo,” ang sabi niya. (Basahin ang Ezekiel 7:3, 5-10.) Alam ni Ezekiel na laging nasa oras si Jehova. (Isa. 46:10) Inihula rin ng propeta ang mangyayari bago mawasak ang Jerusalem: “Sunod-sunod na darating ang kapahamakan.” Bilang resulta, lalong lalala ang kalagayan sa lipunan, relihiyon, at mga pamahalaan.—Ezek. 7:11-13, 25-27.
15. Anong mga bahagi ng hula ni Ezekiel ang nagsimulang matupad mula 609 B.C.E. patuloy?
15 Ilang taon matapos ihayag ni Ezekiel ang pagbagsak ng Jerusalem, nagsimula nang matupad ang hula. Noong 609 B.C.E., nalaman ni Ezekiel na nagsimula na ang pagsalakay sa Jerusalem. Tumunog ang trumpeta para tawagin ang mga tao, pero gaya ng inihula ni Ezekiel, “walang pumupunta sa digmaan.” (Ezek. 7:14) Hindi dumating ang mga taga-Jerusalem para ipagtanggol ang lunsod nila laban sa sumasalakay na mga Babilonyo. Baka inisip ng ilang Judio na ililigtas sila ni Jehova. Iyan ang ginawa niya noong tangkain ng Asirya na sakupin ang Jerusalem; pinatay ng isang anghel ni Jehova ang karamihan sa hukbo nito. (2 Hari 19:32) Pero ngayon, walang dumating na anghel. Di-nagtagal, ang kinubkob na lunsod ay naging gaya ng ‘lutuang isinalang sa apoy,’ at ang mga mamamayan ay parang “mga piraso ng karne” sa loob ng lutuan. (Ezek. 24:1-10) Pagkatapos ng pagkubkob na umabot nang 18 buwan, nawasak ang Jerusalem.
“Mag-imbak Kayo Para sa Inyong Sarili ng mga Kayamanan sa Langit”
16. Paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo na laging nasa oras si Jehova?
16 Ano ang matututuhan natin sa bahaging ito ng hula ni Ezekiel? Ano ang kaugnayan nito sa mensaheng ipinangangaral natin at sa reaksiyon ng mga tao? Napagpasiyahan na ni Jehova kung kailan mawawasak ang huwad na relihiyon—at muli, patutunayan niyang lagi siyang nasa oras. (2 Ped. 3:9, 10; Apoc. 7:1-3) Hindi natin alam ang eksaktong petsa ng pangyayaring iyan. Pero gaya ni Ezekiel, patuloy nating susundin ang utos ni Jehova na paulit-ulit na magbabala sa mga tao, na sinasabi: “Dumating na ang kawakasan mo.” Bakit kailangan nating ulit-ulitin ang mensaheng iyan? Pareho tayo ng dahilan ni Ezekiel.c Marami ang hindi naniwala sa hula ng Diyos na babagsak ang Jerusalem. (Ezek. 12:27, 28) Pero nang maglaon, may ilang ipinatapong Judio sa Babilonya na nagpakita ng tamang kalagayan ng puso, at bumalik sila sa sarili nilang lupain. (Isa. 49:8) Sa ngayon, ayaw ring maniwala ng marami na magwawakas ang mundong ito. (2 Ped. 3:3, 4) Pero hangga’t may panahon pa, gusto nating tulungan ang mga tapat-puso na makita ang daang papunta sa buhay.—Mat. 7:13, 14; 2 Cor. 6:2.
17. Ano ang mga masasaksihan natin sa darating na malaking kapighatian?
17 Ipinapaalaala rin sa atin ng hula ni Ezekiel na kapag sinalakay na ang relihiyosong mga organisasyon, ang mga miyembro ng mga simbahan ay hindi ‘pupunta sa digmaan’ para ipagtanggol ang relihiyon nila. Sa halip, maiisip nilang hindi dinirinig ang pagtawag nila ng “Panginoon, Panginoon,” kaya “lalaylay ang mga kamay nila” at ‘mangangatog’ sila. (Ezek. 7:3, 14, 17, 18; Mat. 7:21-23) Ano pa ang gagawin nila? (Basahin ang Ezekiel 7:19-21.) Sinabi ni Jehova: “Itatapon nila sa lansangan ang kanilang pilak.” Inilalarawan ng hulang iyan tungkol sa mga taga-Jerusalem noon ang mangyayari din sa malaking kapighatian. Sa panahong iyon, maiisip ng mga tao na hindi sila maililigtas ng pera sa dumarating na kapahamakan.
18. Anong aral tungkol sa pagtatakda ng priyoridad ang makukuha natin sa hula ni Ezekiel?
18 Nakuha mo ba ang aral sa hulang ito ni Ezekiel? Tungkol ito sa kahalagahan ng pagtatakda ng tamang priyoridad. Pag-isipan ito: Binago lang ng mga taga-Jerusalem ang priyoridad nila pagkatapos nilang maintindihan na nanganganib na ang lunsod, pati ang buhay nila, at na hindi sila maililigtas ng mga pag-aari nila. Itinapon nila ang mga pag-aari nila at ‘naghanap ng pangitain mula sa propeta’—pero huli na ang lahat. (Ezek. 7:26) Sa kabaligtaran, alam na natin na malapit nang magwakas ang masamang mundong ito. Dahil nananampalataya tayo sa mga pangako ng Diyos, nagtatakda tayo ng tamang priyoridad. Kaya abala tayo sa pag-iimbak ng espirituwal na mga kayamanan, na hindi mawawalan ng halaga at hindi kailanman “itatapon . . . sa lansangan.”—Basahin ang Mateo 6:19-21, 24.
19. Ano ang epekto sa atin ng hula ni Ezekiel?
19 Bilang sumaryo, anong mga aral ang natutuhan natin sa hula ni Ezekiel tungkol sa pagbagsak ng Jerusalem? Ipinapaalaala nito sa atin na limitado na ang panahon natin para tulungan ang mga tao na maging lingkod ng Diyos. Kaya apurahan tayo sa paggawa ng alagad. Masayang-masaya tayo kapag pinili na ng mga tapat-puso na sambahin ang ating Ama, si Jehova. Pero kahit sa mga hindi nagbibigay-pansin, patuloy nating inihahayag ang babalang ibinigay ni Ezekiel: “Dumating na ang kawakasan mo.” (Ezek. 3:19, 21; 7:3) Kasabay nito, determinado tayong patuloy na magtiwala kay Jehova at laging gawing pangunahin sa buhay natin ang dalisay na pagsamba sa kaniya.—Awit 52:7, 8; Kaw. 11:28; Mat. 6:33.
a Makatuwirang isipin na isinadula ni Ezekiel ang lahat ng tandang ito sa harap ng mga tao. Bakit? Dahil tungkol sa ilang pagsasadula, gaya ng pagluluto ng tinapay at pagdadala ng bagahe, iniutos ni Jehova kay Ezekiel na gawin iyon “sa harap nila” o “habang nakatingin sila.”—Ezek. 4:12; 12:7.
b Nang hayaan ni Jehova na mawasak ang Jerusalem, hindi lang ang 2-tribong kaharian ng Juda ang hinatulan niya kundi pati ang 10-tribong kaharian ng Israel. (Jer. 11:17; Ezek. 9:9, 10) Tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2, p. 138-139, “Kronolohiya—Mula 997 B.C.E. Hanggang sa Pagkatiwangwang ng Jerusalem.”
c Pansinin na sa Ezekiel 7:5-7 pa lang, pitong beses nang binanggit ni Jehova ang mga salitang “darating,” “dumarating,” at “dumating.”