KABANATA 15
“Patitigilin Kita sa Pagiging Babaeng Bayaran”
POKUS: Ang matututuhan natin mula sa paglalarawan sa mga babaeng bayaran sa Ezekiel at Apocalipsis
1, 2. Anong uri ng babaeng bayaran ang talagang kasusuklaman natin?
NAKALULUNGKOT makakita ng isang babaeng bayaran. Baka maisip natin: ‘Bakit kaya naging ganoon ang buhay niya? Biktima ba siya ng karahasan o pang-aabuso kaya siya naging ganito sa napakamurang edad? Napilitan lang ba siya dahil sa hirap ng buhay? O gusto ba niyang takasan ang malupit niyang asawa?’ Pangkaraniwan lang ang ganiyang malungkot na kuwento sa masamang mundong ito. Kaya naman nagpakita si Jesu-Kristo ng kabaitan sa ilang babaeng bayaran. Idiniin niya na ang mga nagsisi at nagbago ay makaaasa na bubuti ang buhay nila.—Mat. 21:28-32; Luc. 7:36-50.
2 Pero may isang kakaibang uri ng babaeng bayaran. Talagang pinili ng babaeng ito ang ganitong buhay. Para sa kaniya, hindi iyon isang kahihiyan. Ang totoo, gustong-gusto niya ang pera at kapangyarihan na nakukuha sa trabahong iyon. At paano na lang kung mayroon siyang mabait at tapat na asawa na iniwan niya para maging babaeng bayaran? Siguradong masusuklam ka sa kaniya at sa buhay na pinili niya. Kaya maiintindihan natin kung bakit paulit-ulit na ginamit ni Jehova ang ilustrasyon tungkol sa babaeng bayaran para ipakita ang nadarama niya sa huwad na relihiyon.
3. Anong mga ulat ang tatalakayin natin sa kabanatang ito?
3 Mababasa natin sa aklat ng Ezekiel ang dalawang ulat tungkol sa prostitusyon na naglalarawan sa pagtataksil ng Israel at Juda. (Ezek., kab. 16 at 23) Pero bago natin suriin ang mga ulat na iyan, talakayin muna natin ang isa pang makasagisag na babaeng bayaran. Matagal na siyang umiral, bago pa ang panahon ni Ezekiel—bago pa nga nagkaroon ng bansang Israel—at patuloy pa rin siyang umiiral hanggang ngayon. Ang babaeng bayaran na ito ay ipinakilala sa huling aklat ng Bibliya, ang Apocalipsis.
“Ang Ina ng mga Babaeng Bayaran”
4, 5. Ano ang “Babilonyang Dakila,” at paano natin nalaman iyan? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
4 Sa pangitaing ibinigay ni Jesus kay apostol Juan sa pagtatapos ng unang siglo C.E., may nakita si Juan na isang kakaibang babae. Tinatawag siyang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” at “Babilonyang Dakila, ang ina ng mga babaeng bayaran.” (Apoc. 17:1, 5) Sa loob ng maraming siglo, isang misteryo sa mga lider ng relihiyon at iskolar ng Bibliya kung sino ang babaeng ito. May mga nagsabi na kumakatawan siya sa Babilonya, Roma, o Simbahang Romano Katoliko. Pero maraming dekada nang alam ng mga Saksi ni Jehova kung kanino tumutukoy ang “maimpluwensiyang babaeng bayaran” na ito—sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Paano natin nalaman iyan?
5 Hinatulan ang babaeng bayaran na ito dahil nakiapid siya sa “mga hari sa lupa,” o politikal na mga kapangyarihan. Kaya malinaw na hindi siya isang politikal na kapangyarihan. Sinasabi rin sa Apocalipsis na ang “mga negosyante sa lupa,” o sistema ng komersiyo sa mundong ito, ay iiyak sa pagbagsak ng Babilonyang Dakila. Kaya hindi siya puwedeng kumatawan sa sistema ng komersiyo. Kung gayon, sino siya? Nagsasagawa siya ng ‘espiritistikong mga gawain,’ idolatriya, at pandaraya. Hindi ba ginagawa iyan ng masasamang relihiyosong organisasyon sa mundo? Pansinin din na inilalarawan ang babaeng bayaran na nakasakay, o may impluwensiya, sa politikal na mga kapangyarihan sa mundo. Inuusig din niya ang tapat na mga lingkod ng Diyos na Jehova. (Apoc. 17:2, 3; 18:11, 23, 24) Iyan mismo ang ginagawa ng huwad na relihiyon hanggang sa ngayon.
6. Bakit masasabing ang Babilonyang Dakila ay “ina ng mga babaeng bayaran”?
6 Pero bakit tinatawag din ang Babilonyang Dakila na “ina ng mga babaeng bayaran”? Napakaraming huwad na relihiyon, sekta, at kulto sa ngayon. Mula nang guluhin ang wika sa sinaunang Babel, o Babilonya, kumalat na sa buong mundo ang iba’t ibang relihiyosong paniniwala. At dito nagsimula ang pagdami ng relihiyon. Talagang angkop na ang “Babilonyang Dakila” ay isinunod sa pangalan ng lunsod ng Babilonya, kung saan nagsimula ang maraming huwad na relihiyon! (Gen. 11:1-9) Kaya ang lahat ng relihiyong ito ay maituturing na “mga anak” ng isang organisasyon—ang maimpluwensiyang babaeng bayaran. Madalas gamitin ni Satanas ang mga relihiyong ito para akitin ang mga tao sa espiritismo, idolatriya, at iba pang paniniwala at kaugalian na lumalapastangan sa Diyos. Kaya binigyan ng babala ang bayan ng Diyos laban sa napakasamang organisasyong ito na kumalat na sa buong mundo: “Lumabas kayo sa kaniya, bayan ko, kung ayaw ninyong masangkot sa mga kasalanan niya”!—Basahin ang Apocalipsis 18:4, 5.
7. Bakit dapat tayong makinig sa babala na “lumabas” sa Babilonyang Dakila?
7 Nakinig ka na ba sa babalang iyan? Tandaan, nilalang ni Jehova ang mga tao na may likas na “espirituwal na pangangailangan.” (Mat. 5:3, tlb.) Masasapatan lang ang pangangailangang iyan sa pamamagitan ng dalisay na pagsamba kay Jehova. Siyempre, talagang iiwasan ng mga lingkod ni Jehova ang espirituwal na prostitusyon. Pero iba ang gustong mangyari ni Satanas na Diyablo. Sinisikap niyang mabitag ang bayan ng Diyos sa prostitusyong iyan. At madalas siyang nagtatagumpay. Noong panahon ni Ezekiel, matagal nang nagsasagawa ang bayan ng Diyos ng espirituwal na prostitusyon. Makakabuting pag-aralan ang kasaysayang ito, dahil marami tayong matututuhan dito tungkol sa pamantayan, katarungan, at awa ni Jehova.
Ikaw ay “Naging Babaeng Bayaran”
8-10. Anong kahilingan sa dalisay na pagsamba ang tutulong sa atin na malaman ang tingin ni Jehova sa pakikisangkot sa huwad na relihiyon? Ilarawan.
8 Sa aklat ng Ezekiel, ginamit ni Jehova ang ilustrasyon tungkol sa babaeng bayaran para ipakita ang epekto sa kaniya ng ginawa ng bayan. Ginabayan si Ezekiel na irekord ang dalawang ulat na nagpapakita kung gaano kasakit kay Jehova ang pagtataksil ng bayan niya. Pero bakit niya sila itinulad sa mga babaeng bayaran?
9 Para malaman ang sagot, alalahanin natin ang isang mahalagang kahilingan sa dalisay na pagsamba na tinalakay sa Kabanata 5. Sa Kautusang ibinigay sa Israel, sinabi ni Jehova: “Hindi ka dapat magkaroon ng ibang diyos maliban sa akin [o, “bilang paglaban sa akin,” tlb.]. . . . Akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Ex. 20:3, 5) Nang maglaon, idiniin niya ulit iyan: “Hindi ka dapat yumukod sa ibang diyos, dahil kilala si Jehova na humihiling ng bukod-tanging debosyon. Oo, siya ay isang Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” (Ex. 34:14) Napakalinaw ng sinabi ni Jehova. Magiging katanggap-tanggap lang ang pagsamba natin kay Jehova kung siya lang ang sasambahin natin.
10 Puwede natin itong itulad sa isang mag-asawa. Pareho nilang inaasahan na wala silang kaagaw sa asawa nila. Kung ang isa sa kanila ay magkaroon ng romantikong interes o makiapid sa iba, natural lang na magselos ang asawa niya at isiping nagtaksil siya. (Basahin ang Hebreo 13:4.) Sa katulad na paraan, inaasahan ni Jehova na siya lang ang sasambahin ng bayang nakaalay sa kaniya, kaya itinuturing niyang pagtataksil ang pagsunod ng bayan sa huwad na mga diyos. Inilarawan ni Jehova sa Ezekiel kabanata 16 ang nadama niya sa pagtataksil na ito.
11. Ano ang inilahad ni Jehova tungkol sa Jerusalem at sa pasimula nito?
11 Mababasa sa Ezekiel kabanata 16 ang pinakamahabang sinabi ni Jehova sa aklat na ito—at ang isa sa pinakamahaba Niyang hula sa Hebreong Kasulatan. Nagpokus siya sa lunsod ng Jerusalem bilang kinatawan ng di-tapat na Juda. Inilahad niya ang malungkot na pasimula at ang pagtataksil nito. Noong una, ang Jerusalem ay gaya ng isang maruming sanggol na walang kalaban-laban, at walang nag-aalaga sa kaniya. Ang mga magulang niya ay paganong mga Canaanita. Angkop ang paglalarawang ito dahil ang Jerusalem ay matagal na nasa kontrol ng isang Canaanitang tribo, ang mga Jebusita, hanggang sa masakop ni David ang lunsod. Kinaawaan ni Jehova ang sanggol, nilinis, at pinaglaanan. Nang maglaon, siya ay naging gaya ng isang asawa kay Jehova. Ang totoo, ang mga Israelitang nanirahan sa lunsod nang bandang huli ay may pakikipagtipan kay Jehova, na kusang-loob nilang tinanggap noon pang panahon ni Moises. (Ex. 24:7, 8) Nang maging kabisera ng lupain ang Jerusalem, pinagpala, inalagaan, at pinaganda siya ni Jehova, kung paanong binibigyan ng mga palamuti ng isang mayaman at makapangyarihang asawang lalaki ang kaniyang asawang babae.—Ezek. 16:1-14.
12. Paano unti-unting nakapasok sa Jerusalem ang huwad na pagsamba?
12 Pansinin ang sumunod na nangyari. Sinabi ni Jehova: “Nagsimula kang magtiwala sa kagandahan mo at naging babaeng bayaran dahil sa iyong katanyagan. Ibinigay mo ang iyong sarili bilang isang babaeng bayaran sa bawat dumadaan, at naging kaniya ang iyong kagandahan.” (Ezek. 16:15) Noong panahon ni Solomon, talagang pinagpala ni Jehova ang bayan niya. Dahil dito, ang Jerusalem ay naging kilala noong sinaunang panahon. (1 Hari 10:23, 27) Pero unti-unting nakapasok ang huwad na pagsamba. Sa kagustuhan ni Solomon na pasayahin ang marami niyang asawang banyaga, sumamba siya sa huwad na mga diyos at dinungisan ang Jerusalem. (1 Hari 11:1-8) At mas malala pa ang ginawa ng ilan sa mga kasunod niyang hari—pinunô nila ng huwad na pagsamba ang lupain. Ano ang nadama ni Jehova sa kanilang prostitusyon at pagtataksil? Sinabi niya: “Hindi dapat mangyari ang mga bagay na iyon.” (Ezek. 16:16) Pero ang bayan niya ay pasama pa nang pasama!
Inihandog ng ilang Israelita ang mga anak nila sa huwad na mga diyos, gaya ni Molec
13. Ano ang napakasamang ginawa ng bayan ng Diyos?
13 Isipin na lang ang sakit at galit na nadarama ni Jehova habang ibinubunyag ang kasamaan ng kaniyang piniling bayan: “Kinuha mo ang iyong mga anak na lalaki at babae na ipinanganak mo sa akin at inihain sila sa mga [idolo] para lamunin—hindi pa ba sapat ang pagiging babaeng bayaran mo? Pinatay mo ang mga anak ko, at sinunog mo sila para ihain.” (Ezek. 16:20, 21) Makikita sa napakasamang ginawa nila kung gaano kasama si Satanas. Gustong-gusto niyang mabitag ang bayan ni Jehova para gumawa ito ng masama! Pero nakikita ni Jehova ang lahat. At kayang alisin ng Diyos ang anumang kasamaang dulot ni Satanas, at maglalapat Siya ng hatol.—Basahin ang Job 34:24.
14. Sa ilustrasyon ni Jehova, sino ang dalawang kapatid ng Jerusalem? Sino ang pinakamasama sa kanilang tatlo?
14 Pero hindi man lang nahiya ang Jerusalem sa kasamaan niya. Nagpatuloy siya sa pakikiapid. Sinabi ni Jehova na mas masahol pa siya sa ibang babaeng bayaran dahil binabayaran pa niya ang iba para makiapid sa kaniya! (Ezek. 16:34) Sinabi ng Diyos na ang Jerusalem ay nagmana sa kaniyang “ina,” ang mga paganong tribo na dating nangingibabaw sa lupain. (Ezek. 16:44, 45) Pinalawak ni Jehova ang ilustrasyon at sinabing ang nakatatandang kapatid ng Jerusalem ay ang Samaria, na naunang naging babaeng bayaran. Binanggit din ng Diyos ang isa pang kapatid niya, ang Sodoma. Ipinapaalaala nito ang sinaunang lunsod ng Sodoma na nawasak dahil sa kayabangan at pagiging imoral nito. Ito ang punto ni Jehova: Mas masama pa ang Jerusalem sa Samaria at maging sa Sodoma! (Ezek. 16:46-50) Binale-wala ng bayan ng Diyos ang napakaraming babala, at nagpatuloy sila sa kanilang kasamaan.
15. Bakit naglapat si Jehova ng hatol sa Jerusalem, at anong pag-asa ang ibinibigay nito?
15 Ano ngayon ang gagawin ni Jehova? Sinabi niya sa Jerusalem: “Titipunin ko ang lahat ng iyong kalaguyo na pinasaya mo,” at “ibibigay kita sa kamay nila.” Papatayin siya ng mga paganong kaalyado niya noon. Sisirain nila ang kagandahan niya at kukunin ang kayamanan niya. “Babatuhin ka nila at papatayin gamit ang espada nila,” ang sabi ng Diyos. Bakit ilalapat ni Jehova ang hatol na ito? Hindi para lipulin ang bayan niya. Ito ang dahilan: “Patitigilin kita sa pagiging babaeng bayaran mo.” Sinabi pa ng Diyos: “Huhupa ang galit ko sa iyo at mawawala ang poot ko; at magiging kalmado na ako at hindi na galit.” Gaya ng tinalakay sa Kabanata 9, ang layunin talaga ni Jehova ay ibalik ang dalisay na pagsamba sa bayan niya matapos ang pagkatapon. Bakit? Sinabi niya: “Aalalahanin ko ang pakikipagtipan ko sa iyo noong mga araw ng iyong kabataan.” (Ezek. 16:37-42, 60) Di-gaya ng bayan niya, talagang tapat si Jehova!—Basahin ang Apocalipsis 15:4.
16, 17. (a) Bakit hindi na natin sinasabi na sina Ohola at Oholiba ay mga tipikong paglalarawan ng Sangkakristiyanuhan? (Tingnan ang kahong “Ang Magkapatid na Babaeng Bayaran.”) (b) Ano ang matututuhan natin sa Ezekiel kabanata 16 at 23?
16 Sa mahaba at mapuwersang pananalita ni Jehova na nakaulat sa Ezekiel kabanata 16, marami tayong matututuhan tungkol sa Kaniyang matuwid na mga pamantayan, katarungan, at matinding awa. Gayon din sa Ezekiel kabanata 23. Sineseryoso ng tunay na mga Kristiyano sa ngayon ang malinaw na mensahe ni Jehova tungkol sa prostitusyon ng bayan niya. Ayaw nating saktan si Jehova gaya ng ginawa ng Jerusalem at Juda! Kaya talagang dapat nating iwasan ang lahat ng uri ng idolatriya. Kasama na rito ang kasakiman at materyalismo, na maituturing na idolatriya. (Mat. 6:24; Col. 3:5) Gusto nating laging ipagpasalamat na naging maawain si Jehova at ibinalik niya ang dalisay na pagsamba sa mga huling araw at na hinding-hindi na niya ito hahayaang madungisan! Gumawa siya ng isang “permanenteng tipan” sa espirituwal na Israel, na hindi masisira ng kawalang-katapatan o prostitusyon. (Ezek. 16:60) Kaya pahalagahan natin ang pribilehiyong maging bahagi ng malinis na bayan ni Jehova sa ngayon.
17 Pero mula sa sinabi ni Jehova sa mga babaeng bayaran na inilarawan ni Ezekiel, ano naman ang matututuhan natin tungkol sa “maimpluwensiyang babaeng bayaran,” ang Babilonyang Dakila? Alamin natin.
“Hindi Na Siya Makikita Pang Muli”
18, 19. Ano ang pagkakatulad ng mga babaeng bayaran sa Ezekiel at ng babaeng bayaran sa Apocalipsis?
18 Hindi nagbabago si Jehova. (Sant. 1:17) Hindi nagbago ang tingin niya sa huwad na relihiyon sa buong kasaysayan ng Babilonyang Dakila. Kaya maraming pagkakatulad ang hatol niya sa mga babaeng bayaran sa aklat ng Ezekiel at ang hatol niya sa “maimpluwensiyang babaeng bayaran” sa aklat ng Apocalipsis.
19 Halimbawa, pansinin na ang parusa sa mga babaeng bayaran sa mga hula ni Ezekiel ay hindi direktang nanggaling kay Jehova kundi sa mismong mga bansang naging kalaguyo nila. Sa katulad na paraan, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ay hinatulan dahil sa pakikiapid sa “mga hari sa lupa.” Sino ang magpaparusa sa kaniya? Mababasa natin na ang politikal na mga kapangyarihang ito ay “mapopoot sa babaeng bayaran at gagawin nila siyang wasak at hubad, at uubusin nila ang laman niya at lubusan siyang susunugin.” Bakit ito gagawin ng mga gobyerno sa mundo? Dahil “[ilalagay] ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya.”—Apoc. 17:1-3, 15-17.
20. Ano ang nagpapakitang hindi na mababago ang hatol sa Babilonya?
20 Kaya gagamitin ni Jehova ang mga bansa sa mundong ito para isagawa ang hatol niya sa lahat ng huwad na relihiyon, kasama na ang maraming relihiyon ng Sangkakristiyanuhan. Hindi na mababago ang hatol na ito; hindi na sila patatawarin at bibigyan ng pagkakataong magbago. Isinisiwalat sa Apocalipsis na ang Babilonya ay “hindi na . . . makikita pang muli.” (Apoc. 18:21) Magsasaya ang mga anghel sa langit sa pagbagsak niya. Sasabihin nila: “Purihin si Jah! At ang usok mula sa kaniya ay patuloy na paiilanlang magpakailanman.” (Apoc. 19:3) Ang hatol na ito ay mananatili magpakailanman. Hindi na muling magkakaroon ng huwad na relihiyon na magpaparumi sa dalisay na pagsamba. Ang usok mula sa pagkawasak ng Babilonya ay para bang patuloy na paiilanlang magpakailanman.
21. Ang pagpuksa sa huwad na relihiyon ay tanda na nagsimula na ang anong panahon, at ano ang kasukdulan ng panahong ito?
21 Kapag sinalakay na ng mga gobyerno ng mundong ito ang Babilonyang Dakila, isasagawa nila ang hatol ng Diyos, at isa itong mahalagang pangyayari may kaugnayan sa layunin ni Jehova. Ito ang tanda na nagsimula na ang malaking kapighatian—isang napakagulong panahon na hindi pa nangyayari kailanman. (Mat. 24:21) Ang kasukdulan nito ay ang Armagedon, ang pakikipagdigma ni Jehova sa masamang sistemang ito. (Apoc. 16:14, 16) Gaya ng makikita sa susunod na mga kabanata ng publikasyong ito, marami tayong matututuhan sa aklat ng Ezekiel tungkol sa mangyayari sa malaking kapighatian. Pero sa ngayon, anong mga aral sa Ezekiel kabanata 16 at 23 ang gusto nating tandaan at isabuhay?
22, 23. Paano makakaapekto sa pagsamba natin ang pagsusuri sa mga ulat tungkol sa mga babaeng bayaran sa Ezekiel at Apocalipsis?
22 Gusto ni Satanas na dungisan ang mga nagsasagawa ng dalisay na pagsamba. Tuwang-tuwa siya kapag may pagkakataon siyang ilayo tayo sa dalisay na pagsamba at nagiging gaya tayo ng mga babaeng bayaran sa aklat ng Ezekiel. Dapat nating tandaan na hindi hahayaan ni Jehova na may karibal siya sa pagsamba; hindi niya kukunsintihin ang pagtataksil! (Bil. 25:11) Dapat tayong lumayo sa huwad na relihiyon at “huwag . . . humipo ng anumang marumi” sa paningin ng Diyos. (Isa. 52:11) Kailangan din nating manatiling neutral sa politika ng nababahaging mundong ito. (Juan 15:19) Para sa atin, ang nasyonalismo ay gaya rin ng huwad na mga relihiyon na itinataguyod ni Satanas, at hindi tayo nakikisangkot dito.
23 Higit sa lahat, dapat nating tandaan na pribilehiyo nating sambahin si Jehova sa kaniyang malinis at dalisay na espirituwal na templo. Habang pinahahalagahan natin ang kaayusang iyan, maging lalo sana tayong determinado na huwag masangkot sa huwad na relihiyon at sa prostitusyon nito!