SEDRO
[sa Heb., ʼeʹrez].
Ang mga punong sedro, lalo na yaong mga nasa Lebanon, ay bantog noong panahon ng Bibliya at prominente sa ulat ng pagtatayo ni Solomon ng templo.
Ang sedro ng Lebanon (Cedrus libani) ay isang napakalaki at maringal na punungkahoy na may mga ugat na malalalim at matitibay. Noon, ang kabundukan ng Lebanon ay nababalot ng malalawak na kagubatan ng mga sedrong ito, ngunit sa ngayon ay ilang maliliit na kakahuyan na lamang ang natitira dahil sa walang-patumanggang pamumutol at kakulangan ng wastong konserbasyon at di-pagtatanim ng bagong binhi. Tiyak na nakaapekto rin ang pananalanta ng digmaan. (Isa 14:5-8) Gayunman, ang natitirang mga punungkahoy ay kahanga-hanga pa ring pagmasdan.—Ihambing ang Sol 5:15.
Kung minsan, ang mga sedro ay umaabot sa taas na 37 m (120 piye) at ang sirkumperensiya ng katawan ay maaaring umabot nang hanggang 12 m (40 piye). Yamang ang mga sanga nito ay mahahaba, pahalang at pakalát, maaaring umabot nang 60 hanggang 90 m (200 hanggang 300 piye) ang kabuuang sirkumperensiya. Kapag bata pa, medyo patulis ang mga punungkahoy na ito ngunit nagiging patag ang tuktok habang gumugulang. Ang mga dahon ay tumutubo nang pahalang at baytang-baytang (sa halip na sala-salabid), at ang mga sanga ay may pabilog na mga kumpol ng matingkad-luntiang mga dahon na malakarayom at mga 1.3 sentimetro (0.5 pulgada) ang haba, at mayroon ding mga kono na kayumangging manilaw-nilaw na naglalabas ng mabangong resina. Ang talob nito ay kulay kayumangging mamula-mula at napakagaspang. Kapag magulang na, ang katawan ng puno ay nagiging mabuko.
Ang kahoy ng sedro ay mapula, makinis, at paborito sa pagtatayo dahil sa ganda, bango, tibay, at resistensiya nito laban sa mga insekto. (Sol 1:17; 4:11) Ginamit ito ng mga taga-Feniciang manggagawa ng barko sa kanilang mga palo. (Eze 27:5) Naglaan si Haring Hiram ng Tiro ng mga tauhan at mga materyales para ipagtayo si David ng “isang bahay na yari sa mga sedro” sa Jerusalem. (2Sa 5:11; 7:2; 2Cr 2:3) Nang maglaon, gumamit si Solomon ng tablang sedro sa templo: para sa mga biga (1Ha 6:9), para kalupkupan ang altar ng insenso (1Ha 6:20), at para sa entrepanyo ng buong templo anupat “walang batong makikita.” (1Ha 6:15-18) Malamang na “ang Bahay ng Kagubatan ng Lebanon,” na itinayo nang maglaon, ay tinawag nang gayon dahil sa 45 haligi nito na tablang sedro. (1Ha 7:2, 3) Ginamitan din ng sedro ang Beranda ng Trono at ang looban ng templo.—1Ha 7:7-12.
Ang gayong malawakang paggamit ng tablang sedro ay nangailangan ng libu-libong manggagawa para sa pagpuputol ng mga punungkahoy, pagdadala ng mga iyon sa Tiro o Sidon na nasa baybaying dagat ng Mediteraneo, pagbibigkis ng mga iyon upang maging mga balsa, at pagpapaanod ng mga iyon sa dagat, malamang ay patungong Jope. Pagkatapos ay iniahon ang mga iyon sa katihan patungong Jerusalem. Isinagawa ito batay sa isang kontrata sa pagitan nina Solomon at Hiram. (1Ha 5:6-18; 2Cr 2:3-10) Mula noon, tuluy-tuloy na ang pagdating ng kahoy anupat noong panahon ng paghahari ni Solomon, masasabing pinangyari niya na ‘ang tablang sedro ay maging tulad ng puno ng sikomoro dahil sa dami.’—1Ha 10:27; ihambing ang Isa 9:9, 10.
Pagkatapos ng pagkatapon, nag-angkat muli ng mga tablang sedro mula sa Lebanon para sa muling pagtatayo ng templo.—Ezr 3:7.
Makasagisag na Paggamit. Sa Kasulatan, ang maringal na sedro ay ginagamit upang lumarawan sa tikas, katayugan, at kalakasan, tunay man o impresyon lamang. (Eze 31:2-14; Am 2:9; Zac 11:1, 2) Kaya naman, isang pang-iinsulto ang ginawa ni Haring Jehoas ng Israel kay Haring Amazias ng Juda nang ihambing niya ang kaharian ni Amazias sa isang “matinik na panirang-damo” samantalang inihalintulad naman niya ang kaniyang kaharian sa isang matayog na sedro ng Lebanon. (2Ha 14:9; ihambing ang Huk 9:15, 20.) Itinampok din ang sedro sa bugtong ni Ezekiel (kab 17), kung saan ang hari at mga prinsipe ng Juda ay inihalintulad sa tuktok ng puno ng sedro ng Lebanon na tinangay patungo sa Babilonya. (Eze 17:1-4, 12, 13) Pagkatapos, makahulang inilarawan ang Mesiyas bilang isang maliit na sanga mula sa pinakatuktok ng sedrong iyon, na itinanim naman ni Jehova sa isang matayog na bundok.—Eze 17:22-24; ihambing ang Isa 11:1; Jer 23:5; 33:15; Aw 2:6; Apo 14:1; Dan 4:17.
Maliwanag na naiiba sa sedro ng Lebanon ang tablang sedro na ginamit ng mga Israelita sa ilang. Ipinapalagay na ito ay ang brown-berried cedar (Juniperus oxycedrus) at ang Phoenician juniper (Juniperus phoenicia), palibhasa’y kapuwa kilalang-kilala ang mga ito sa disyertong rehiyon ng Sinai. Kahilingan ang paggamit ng tablang sedro sa ilang ritwal ng pagpapadalisay, at posibleng ginamit itong sagisag ng kawalang-kasiraan o sakit dahil hindi ito madaling mabulok.—Lev 14:2-7, 49-53; Bil 19:6.
Maliwanag na ang sedro ay ginamit sa kaayaaya at di-kaayaayang diwa. Naging simbolo ito ng mataas na kalagayan sa lipunan ng di-tapat at materyalistikong mga hari ng Juda at sumagisag ito sa pagtataas nila ng kanilang sarili at sa kanilang di-tunay na katiwasayan. (Jer 22:13-15, 23; Isa 2:11-13) Gayunman, ang paglago at pag-unlad ng taong matuwid ay inihahalintulad sa paglaki at paglago ng sedro na nakaugat nang matatag. (Aw 92:12; ihambing ang Isa 61:3 sa Aw 104:16.) Kaya bagaman ipinamalas ni Jehova ang kaniyang kapangyarihan nang baliin niya ang matatayog na sedro ng Lebanon at pangyarihin niyang ‘lumukso-lukso ang mga iyon sa mga bundok na parang mga guya’ (Aw 29:4-6), inihula rin niya na darating ang panahon na pangyayarihin niyang tumubo ang sedro maging sa mga pook na ilang (Isa 41:19, 20), at espesipiko niyang tinukoy ang punungkahoy na ito bilang isa sa maraming nilalang na pupuri sa kaniyang matayog na pangalan.—Aw 148:9, 13.