Aklat ng Bibliya Bilang 26—Ezekiel
Manunulat: Si Ezekiel
Saan Isinulat: Sa Babilonya
Natapos Isulat: c. 591 B.C.E.
Panahong Saklaw: 613–c. 591 B.C.E.
1. Ano ang sitwasyon ng mga tapon sa Babilonya, at anong mga bagong pagsubok ang kanilang haharapin?
NOONG 617 B.C.E., ang Jerusalem ay isinuko ni Joiachin, hari ng Juda, kay Nabukodonosor, na nagdala sa Babilonya ng mga pangunahing tao at ng kayamanan ng bahay ni Jehova at ng hari. Kabilang sa mga bihag ay ang sambahayan ng hari at mga prinsipe; ang magigiting, makapangyarihang mga lalaki; mga anluwagi’t karpentero; at si Ezekiel na anak ni Buzi na saserdote. (2 Hari 24:11-17; Ezek. 1:1-3) Masamang-masama ang loob, dumating sila makaraan ang nakakahapong paglalakbay mula sa isang lupain ng mga burol, bukal, at libis tungo sa isang lupain ng malalawak na kapatagan. Nanirahan sila malapit sa ilog Chebar sa gitna ng isang makapangyarihang imperyo, napaliligiran ng mga taong may kakatwang ugali at pagsambang pagano. Pumayag si Nabukodonosor na sila’y magtayo ng sariling bahay, magkaroon ng mga alipin, at mangalakal. (Ezek. 8:1; Jer. 29:5-7; Ezra 2:65) Kung masipag sila, sila’y uunlad. Masisilo kaya sila ng materyalismo at ng relihiyon ng Babilonya? Patuloy ba silang maghihimagsik kay Jehova? Ituturing ba nilang disiplina ang pagkakatapon? Mapapaharap sila sa mga bagong pagsubok sa lupain ng kanilang pagkakatapon.
2. (a) Sinong tatlong propeta ang namukod-tangi noong mapanganib na mga taon bago nawasak ang Jerusalem? (b) Papaano tinutukoy si Ezekiel, at ano ang kahulugan ng pangalan niya? (c) Sa anong mga taon humula si Ezekiel, at ano ang nalalaman tungkol sa kaniyang buhay at kamatayan?
2 Sa kritikal na mga taon na humantong sa pagkawasak ng Jerusalem, hindi nawalan si Jehova o ang Israel ng propeta. Si Jeremias ay nasa Jerusalem, si Daniel ay nasa palasyo ng Babilonya, at si Ezekiel ay propeta sa mga Judiong tapon sa Babilonia. Si Ezekiel ay kapuwa saserdote at propeta, isang tanging pribilehiyo na tinamasa rin ni Jeremias, at ni Zacarias nang maglaon. (Ezek. 1:3) Sa buong aklat, mahigit na 90 beses siyang tinutukoy na “anak ng tao,” isang makahulugang punto sapagkat sa mga Kristiyanong Kasulatang Griyego, si Jesus din ay halos 80 beses tinutukoy na “Anak ng tao.” (Ezek. 2:1; Mat. 8:20) Ang pangalang Ezekiel (Hebreo, Yechez·qeʼlʹ) ay nangangahulugang “Diyos ang Nagpapalakas.” Ikalimang taon ng pagkakatapon ni Joiachin, 613 B.C.E., nang si Ezekiel ay atasan bilang propeta. Mababasa natin na naglilingkod pa rin siya noong ika-27 taon ng pagkakatapon, o 22 taon matapos atasan. (Ezek. 1:1, 2; 29:17) Namatay ang asawa niya noong unang araw ng huling pagkubkob ni Nabukodonosor sa Jerusalem. (24:2, 18) Hindi batid ang petsa at paraan ng pagkamatay ni Ezekiel.
3. Ano ang masasabi tungkol sa pagkasulat ni Ezekiel, pati na sa pagiging-kanonikal at pagiging-tunay ng aklat ni Ezekiel?
3 Walang pagtatalo hinggil sa pagkasulat ni Ezekiel sa aklat na may pangalan niya at sa dako nito sa kanon ng Kasulatan. Kalakip ito sa kanon noong panahon ni Ezra at sa mga katalogo ng sinaunang panahong Kristiyano, lalo na sa kanon ni Origen. Ang pagiging-totoo nito ay pinatutunayan ng pagkakahawig ng mga simbolismo nito at niyaong sa Jeremias at Apocalipsis.—Ezek. 24:2-12—Jer. 1:13-15; Ezek. 23:1-49—Jer. 3:6-11; Ezek. 18:2-4—Jer. 31:29, 30; Ezek. 1:5, 10—Apoc. 4:6, 7; Ezek. 5:17—Apoc. 6:8; Ezek. 9:4—Apoc. 7:3; Ezek. 2:9; 3:1—Apoc. 10:2, 8-10; Ezek. 23:22, 25, 26—Apoc. 17:16; 18:8; Ezek. 27:30, 36—Apoc. 18:9, 17-19; Ezek. 37:27—Apoc. 21:3; Ezek. 48:30-34—Apoc. 21:12, 13; Ezek. 47:1, 7, 12—Apoc. 22:1, 2.
4. Anong madulang mga katuparan ang nakamit ng mga hula ni Ezekiel?
4 Ang karagdagang patotoo ng pagiging-tunay ay nasa madulang katuparan ng mga hula ni Ezekiel laban sa mga bansang nakapalibot, gaya ng Tiro, Ehipto, at Edom. Halimbawa, inihula ni Ezekiel na ang Tiro ay mawawasak, na bahagyang natupad nang ang lungsod ay sakupin ni Nabukodonosor pagkaraan ng 13-taóng pagkubkob. (Ezek. 26:2-21) Hindi ito nagbunga ng ganap na pagkawasak ng Tiro. Ngunit hinatulan ito ni Jehova ng lubusang pagkawasak. Inihula niya sa pamamagitan ni Ezekiel: “Kakayurin ko ang kaniyang alabok at siya’y magiging isang makinis at hubad na bato. . . . Ang iyong mga bato at kahoy at alabok ay itatambak nila sa gitna ng tubig.” (26:4, 12) Lahat ng ito ay natupad pagkaraan ng mahigit na 250 taon nang salakayin ni Alejandrong Dakila ang pulong-lungsod ng Tiro. Kinayod ng mga kawal niya ang labî ng lungsod na nasa kontinente at itinambak ito sa dagat upang maging isang 800-metrong tulay na lupa tungo sa pulong-lungsod. Sa tulong ng masalimuot na mga kasangkapang pangubkob, inakyat nila ang may 46-metrong-taas na mga pader upang agawin ang lungsod noong 332 B.C.E. Libu-libo ang napatay, at mas marami pa ang ipinagbili bilang alipin. Gaya ng inihula, ang Tiro ay naging isang ‘hubad na bato at bilaran ng mga lambat.’ (26:14)a Sa kabila pa roon ng Lupang Pangako, ang taksil na mga Edomita ay nilipol din bilang katuparan ng hula ni Ezekiel. (25:12, 13; 35:2-9)b At, sabihin pa, ang mga hula ni Ezekiel sa pagkawasak ng Jerusalem at ang pagsasauli sa Israel ay pawang nagkatotoo.—17:12-21; 36:7-14.
5. Papaano tumugon ang mga Judio sa unang mga hula ni Ezekiel?
5 Sa unang mga taon ng kaniyang panghuhula, ipinahayag ni Ezekiel ang tiyak na mga hatol ng Diyos laban sa di-tapat na Jerusalem at binalaan niya ang mga tapon laban sa idolatriya. (14:1-8; 17:12-21) Sila’y walang tanda ng tunay na pagsisisi. Ang mga pinuno ay laging sumasangguni kay Ezekiel, subalit hindi nila pinapansin ang mga mensahe ni Jehova na inihatid ni Ezekiel. Nagpatuloy sila sa idolatriya at materyalismo. Ang pagkawala ng kanilang templo, ng banal na lungsod, at ng dinastiya ng mga hari ay matinding dagok, subalit kakaunti ang talagang natauhan upang magpakumbaba at magsisi.—Awit 137:1-9.
6. Ano ang idiniriin ng mga nahuling hula ni Ezekiel, at papaano itinampok ang pagbanal sa pangalan ni Jehova?
6 Noong huling mga taon idiniin ng mga hula ni Ezekiel ang pag-asa ng pagsasauli. Sinaway din nito ang mga kalapit-bansa dahil sa pagbubunyi sa pagkabagsak ng Juda. Ang pagkapahiya nila, sampu ng pagsasauli ng Israel, ay magpapaging-banal kay Jehova sa kanilang paningin. Bilang suma, ang layunin ng pagkabihag at ng pagsasauli ay: ‘Kayo, mga Judio at taga-ibang bansa, ay makakakilala na ako’y si Jehova.’ (Ezek. 39:7, 22) Ang pagbanal sa pangalan ni Jehova ay itinatampok sa buong aklat, at mahigit na 60 beses lumilitaw ang mga salitang: “At inyong [o, kanilang] makikilala na ako’y si Jehova.”—6:7, talababa.
NILALAMAN NG EZEKIEL
7. Sa anong tatlong seksiyon likas na nahahati ang Ezekiel?
7 Ang aklat ay likas na nahahati sa tatlong seksiyon. Ang una, mga kabanata 1 hanggang 24, ay babala sa tiyak na pagkawasak ng Jerusalem. Ang ikalawa, mga kabanata 25 hanggang 32, ay mga hula ng paghatol sa mga bansang pagano. Ang huling seksiyon, mga kabanata 33 hanggang 48, ay mga hula tungkol sa pagsasauli, na nagtatapos sa pangitain ng bagong templo at ng banal na lungsod. Sa kalakhan, ang mga hula ay inayos ayon sa panahon at ayon sa paksa.
8. Ano ang nakita ni Ezekiel sa kaniyang unang pangitain?
8 Inatasan ni Jehova si Ezekiel bilang bantay (1:1–3:27). Sa unang pangitain, noong 613 B.C.E., nakakita si Ezekiel ng maunos na hangin mula sa hilaga, kasabay ng makapal na ulap at maliyab na apoy. Mula roo’y lumabas ang apat na nilikhang may pakpak, na may mukha ng tao, ng leon, ng toro at ng agila. Katulad nila’y bagang nagniningas, at bawat isa’y may katabing napakalaking gulong sa loob ng isang napakataas na gulong na napaliligiran ng mga mata. Sabay-sabay silang nagyayao’t dito. Sa ibabaw ng ulo ng buháy na mga nilikha ay tila isang kalawakan, at sa itaas ay isang trono na ang naroo’y “ang anyo ng kaluwalhatian ni Jehova.”—1:28.
9. Ano ang kasangkot sa atas ni Ezekiel?
9 Inutusan ni Jehova ang nagpatirapang si Ezekiel: “Anak ng tao, tumayo ka.” Inatasan niya ito bilang propeta sa Israel at sa rebeldeng mga bansa sa palibot. Hindi mahalaga kung makinig man sila o hindi. Kahit papaano’y malalaman nila na may propeta ang Panginoong Jehova sa gitna nila. Ipinakain ni Jehova kay Ezekiel ang isang balumbon na naging sintamis ng pulot-pukyutan sa kaniyang bibig. Sinabi sa kaniya: “Anak ng tao, inilagay kitang bantay sa sambahayan ng Israel.” (2:1; 3:17) Dapat siyang magtapat sa pagbibigay-babala, kundi’y mamamatay siya.
10. Anong tanda para sa Israel ang isinadula ni Ezekiel?
10 Pagsasadula sa pagkubkob ng Jerusalem (4:1–7:27). Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na iukit sa tisa ang larawan ng Jerusalem. Isasadula niya ang pagkubkob dito bilang tanda sa Israel. Upang idiin ito, 390 araw siyang hihiga na nakatagilid sa kaliwa sa harap ng tisa at 40 araw na nakatagilid sa kanan, kasabay ng pagdidiyeta. Na isinadula nga ni Ezekiel ang tagpo ay makikita sa pagmamakaawa niya kay Jehova na palitan ang kaniyang panggatong.—4:9-15.
11. (a) Papaano inilarawan ni Ezekiel ang malagim na resulta ng pagkubkob? (b) Bakit hindi darating ang kaligtasan?
11 Iniutos ni Jehova kay Ezekiel na mag-ahit ng buhok at balbas upang ilarawan ang malagim na resulta ng pagkubkob. Ang unang bahagi ay susunugin niya, ang ikalawa’y tatadtarin ng tabak, at ang ikatlo’y ihahagis sa hangin. Kaya pagkatapos ng pagkubkob, ang ilang taga-Jerusalem ay mamamatay sa gutom, sa salot, at sa tabak, at ang iba’y pangangalatin sa mga bansa. Wawasakin ni Jehova ang lungsod. Bakit? Dahil sa kasamaan ng kaniyang mahalay at kasuklam-suklam na idolatriya. Hindi sila ililigtas ng salapi. Sa araw ng galit ni Jehova, ihahagis nila ang kanilang pilak sa mga lansangan, “at makikilala nila na ako’y si Jehova.”—7:27.
12. Anong kasuklam-suklam na mga bagay ang nakita ni Ezekiel sa pangitain ng apostatang Jerusalem?
12 Ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa apostatang Jerusalem (8:1–11:25). Noo’y 612 B.C.E. Sa pangitain ay inihatid si Ezekiel sa Jerusalem, at nakita niya ang karumal-dumal na nagaganap sa templo ni Jehova. Sa looban, may kasuklam-suklam na sagisag na humila ng paninibugho ni Jehova. Nang ang pader ay butasin ni Ezekiel, 70 matatanda ang nakita niyang sumasamba sa mga larawan ng maruruming hayop at idolo. Nagdahilan sila: “Hindi tayo nakikita ni Jehova. Iniwan ni Jehova ang lupain.” (8:12) Sa hilagang pinto, iniiyakan ng mga babae ang paganong diyos na si Tammuz. Hindi lamang iyon! Sa pasukan ng templo, 25 lalaki ang sumasamba sa araw habang nakatalikod sa templo. Harapan nilang nilalapastangan si Jehova at tiyak na ipadadama niya ang kaniyang galit!
13. Anong utos ang dapat sundin ng lalaking nakadamit-lino at ng anim na nasasandatahang lalaki?
13 Narito! Anim na lalaki na may mga sandatang pamatay. At may ikapito na nakadamit ng lino at may tintero ng kalihim. Iniutos ni Jehova sa nakasuot ng lino na dumaan sa gitna ng lungsod at tatakan sa noo ang mga nagbubuntong-hininga at nagdadalamhati sa kasuklam-suklam na nagaganap sa gitna nila. Saka inutusan ang anim na lalaki na lumapit at patayin ang bawat isa, “matanda, binata at dalaga at bata at babae” na walang tanda. Sumunod sila at nagsimula sa matatandang lalaki sa harap ng templo. Nag-ulat ang lalaking nakadamit-lino: “Ginawa ko ang ayon sa iniutos mo.”—9:6, 11.
14. Ano sa wakas ang ipinakikita ng pangitain hinggil sa kaluwalhatian at mga paghatol ni Jehova?
14 Nakita uli ni Ezekiel ang kaluwalhatian ni Jehova sa ulunan ng mga kerubin. Isang kerubin ang dumakot ng nagniningas na baga sa gitna ng mga gulong, kinuha ito ng lalaking nakadamit-lino at ikinalat sa buong lungsod. Nangako si Jehova na ang nangalat na mga Israelita ay muli niyang titipunin at pagkakalooban ng bagong espiritu. Kumusta ang huwad na mga mananamba sa Jerusalem? “Ang kanilang masamang lakad ay pararatingin ko sa kanilang ulo,” sabi ni Jehova. (11:21) Ang kaluwalhatian ni Jehova ay pumaitaas sa lungsod, at ang pangitain ay isinalaysay ni Ezekiel sa mga tapon.
15. Anong karagdagang ilustrasyon ang ginamit ni Ezekiel upang ipakita ang katiyakan ng pagkabihag sa mga taga-Jerusalem?
15 Karagdagang mga hula sa Babilonya tungkol sa Jerusalem (12:1–19:14). Naging aktor si Ezekiel sa isa pang makasagisag na tagpo. Kung araw inilalabas niya ang mga dala-dalahan ng isang tapon, at kung gabi’y lumalabas siya sa butas ng pader na may takip ang mukha. Sinabi niya na ito’y tanda: “Sila ay magiging mga tapon, mga bihag.” (12:11) Sila’y mangmang na mga propeta na humuhula ayon sa sariling espiritu! Sumisigaw sila, “May kapayapaan!” gayong wala namang kapayapaan. (13:10) Pumarito man sa Jerusalem sina Noe, Daniel at Job, wala silang maililigtas kundi ang sarili.
16. Papaano inilarawan ang kawalang-kabuluhan ng Jerusalem, ngunit bakit magkakaroon ng pagsasauli?
16 Ang lungsod ay isang baging na walang silbi. Ang kahoy ay hindi magagawang haligi, kahit tulos! Sunóg ang magkabilang dulo at supok ang gitna—bale-wala. Ang Jerusalem ay naging di-tapat at walang kabuluhan! Isinilang sa lupain ng mga Cananeo, pinulot siya ni Jehova na gaya ng isang sanggol na pinabayaan. Pinalaki niya ito at nakipagtipang pakakasalan. Pinaganda niya ito, “at nagmukhang reyna.” (16:13) Subalit siya’y nagpatutot, bumaling sa mga bansang nagdaraan. Sinamba niya ang mga imahen nito at inihandog sa apoy ang kaniyang mga anak. Ang hatol niya’y pagkawasak sa kamay din ng mga bansang kalaguyo niya. Masahol pa siya sa mga kapatid niyang Sodoma at Samaria. Gayunman, si Jehova, ang maawaing Diyos, ay tutubos at magsasauli sa kaniya ayon sa kaniyang tipan.
17. Ano ang gustong ipakita ni Jehova sa pamamagitan ng bugtong ng agila at ng baging?
17 Binigyan ni Jehova ang propeta ng isang bugtong at ipinaliwanag ang kahulugan nito. Lumarawan ito sa kamalian ng Jerusalem sa paghingi ng tulong sa Ehipto. Dumating ang malaking agila (si Nabukodonosor) at pinutol ang dulo (si Joiachin) ng isang mataas na sedro at dinala ito sa Babilonya, at kapalit nito’y itinanim ang isang baging (si Zedekias). Ang mga sanga ng baging ay bumaling sa ibang agila (ang Ehipto), ngunit magtatagumpay ba? Bubunutin ang mga ugat nito! Kukuha si Jehova ng usbong sa dulo ng sedro at itatanim ito sa isang mataas at matayog na bundok. Doon ito’y magiging matayog na sedro na tatahanan ng “bawat uri ng ibon.” Mababatid ng lahat na si Jehova ang gumawa nito.—17:23, 24.
18. (a) Anong mga simulain ang binanggit ni Jehova nang sawayin niya ang mga Judiong tapon? (b) Anong hatol ang naghihintay sa mga hari ng Juda?
18 Sinaway ni Jehova ang mga Judiong tapon dahil sa kawikaan nila: “Mga ama ang kumain ng hilaw na ubas, subalit ngipin ng kanilang mga anak ang nangiló.” Mali, “ang kaluluwang nagkakasala—ito’y mamamatay.” (18:2, 4) Ang matuwid ay mabubuhay. Hindi nalulugod si Jehova sa kamatayan ng masama. Nalulugod siyang makita sila na humihiwalay sa kasamaan upang mabuhay. Ang mga hari ng Juda ay gaya ng mga batang leon na nasilo ng Ehipto at ng Babilonya. Ang tinig nila’y “hindi na maririnig sa mga bundok ng Israel.”—19:9.
19. Sa kabila ng pagkawasak, anong pag-asa ang ipinabatid ni Ezekiel? (b) Papaano niya inilarawan ang kataksilan ng Israel at ng Juda at ang bunga nito?
19 Mga pagtuligsa sa Jerusalem (20:1–23:49). Sumapit ang 611 B.C.E. Si Ezekiel ay muling nilapitan ng matatanda upang sumangguni kay Jehova. Ipinaalaala niya ang mahabang kasaysayan ng paghihimagsik at mahalay na idolatriya ng Israel at nagbabala na si Jehova ay magdadala ng tabak bilang hatol sa kaniya. Ang Jerusalem ay gagawing “isang kagibaan, isang kagibaan, isang kagibaan.” Subalit, maluwahating pag-asa! Iingatan ni Jehova ang paghahari (“ang korona”) hanggang dumating ang may “legal na karapatan” at ito’y ibibigay sa kaniya. (21:26, 27) Nirepaso ni Ezekiel ang mga kasuklam-suklam na nagawa sa Jerusalem, “ang lungsod na maysala-sa-dugo.” Ang Israel ay naging gaya ng “dumi ng bakal” na dapat tipunin at tunawin sa Jerusalem. (22:2, 18) Ang kataksilan ng Samaria (Israel) at ng Juda ay inilalarawan ng magkapatid na babae. Ang Samaria bilang si Ohola ay nagpatutot sa Asirya at pinuksa ng kaniyang kalaguyo. Ang Juda bilang si Oholiba ay hindi natuto ng leksiyon at naging masahol pa, na nagpatutot sa Asirya at maging sa Babilonya. Siya’y lubusang pupuksain, “at inyong makikilala na ako ang Soberanong Panginoong Jehova.”—23:49.
20. Sa ano itinulad ang nakubkob na Jerusalem, at anong mariing tanda ang ibinigay ni Jehova tungkol sa paghatol niya rito?
20 Nagsimula ang huling pagkubkob sa Jerusalem (24:1-27). Noo’y 609 B.C.E. Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na kinubkob ng hari ng Babilonya ang Jerusalem noong ikasampung araw ng ikasampung buwan. Itinulad niya ang napapaderang lungsod sa malaking kaldero na naglalaman ng pinaka-piling mga mamamayan. Isalang ito! Pakuluan ang karumihan ng karumal-dumal na idolatriya ng Jerusalem! Nang araw ding yaon, namatay ang asawa ni Ezekiel, ngunit hindi nanangis ang propeta bilang pagsunod kay Jehova. Tanda ito na ang bayan ay hindi dapat manangis sa pagkawasak ng Jerusalem, sapagkat ito’y hatol ni Jehova, upang makilala nila kung sino siya. Isusugo ni Jehova ang isang takas upang ibalita ang pagkawasak ng “kagandahan ng kanilang Kaluwalhatian,” at hanggang siya’y dumating, hindi na dapat makipag-usap si Ezekiel sa mga tapon.—24:25.
21. Papaano makikilala ng mga bansa si Jehova at ang kaniyang paghihiganti?
21 Mga hula laban sa mga bansa (25:1–32:32). Nakini-kinita ni Jehova na ang mga bansa sa paligid ay magagalak sa pagbagsak ng Jerusalem at gagamitin itong dahilan upang umupasala sa Diyos ng Juda. Tiyak na sila’y parurusahan! Ang Amon ay ibibigay sa mga taga-Silangan, gayundin ang Moab. Ang Edom ay magiging kagibaan, at dakilang paghihiganti ang igagawad laban sa mga Filisteo. Silang lahat, sabi ni Jehova, “ay makakakilala na ako si Jehova kapag ako ay naghiganti sa kanila.”—25:17.
22. Papaano tumanggap ng pantanging pagbanggit ang Tiro, at papaano babanalin si Jehova kaugnay ng Sidon?
22 Pantangi ang pagbanggit sa Tiro. Nagmamalaki dahil sa maunlad na komersiyo, siya’y gaya ng magandang sasakyang-dagat, ngunit lulubog siya sa ilalim ng tubig. “Ako’y diyos,” pagmamalaki ng kaniyang hari. (28:9) Isang panambitan tungkol sa hari ng Tiro ang ipinadala ni Jehova sa kaniyang propeta: Gaya ng kaakit-akit na pinahirang kerubin, siya’y nasa Eden, ang halamanan ng Diyos; ngunit dahil sa pagpapalalo ay palalayasin siya ni Jehova sa Kaniyang bundok, at siya’y tutupukin ng apoy. Sinabi ni Jehova na Siya’y pakakabanalin ng Kaniyang paglipol sa mapanlibak na Sidon.
23. Ano ang makikilala ng Ehipto, at papaano mangyayari ito?
23 Sinabi ni Jehova kay Ezekiel na humarap sa Ehipto at kay Paraon at humula laban dito. “Ang Ilog Nilo ay akin at ako—ako mismo ang gumawa nito,” paghahambog ni Paraon. (29:3) Si Paraon, at ang mga Ehipsiyong naniniwala sa kaniya, ay dapat ding kumilala na si Jehova ang Diyos, at ang leksiyon ay ihahatid ng 40-taóng kagibaan. Isinisingit dito ni Ezekiel ang ilang impormasyon na sa dakong huli pa ihahayag sa kaniya, noong 591 B.C.E. Ang Ehipto ay ibibigay ni Jehova kay Nabukodonosor bilang bayad sa pagkubkob nito sa Tiro. (Kakaunti ang nakuhang samsam ni Nabukodonosor sa Tiro, yamang itinakas ng mga taga-Tiro ang kanilang kayamanan sa kanilang pulong-lungsod.) Sa isang panambitan, ipinaalam ni Ezekiel na sasamsaman ni Nabukodonosor ang kaluwalhatian ng Ehipto, at “makikilala nila na ako’y si Jehova.”—32:15.
24. (a) Ano ang pananagutan ni Ezekiel bilang bantay? (b) Nang mabalitaan ang pagbagsak ng Jerusalem, anong mensahe ang ipinahayag ni Ezekiel sa mga tapon? (c) Anong ipinangakong pagpapala ang itinatampok sa kabanata 34?
24 Bantay sa mga tapon; inihula ang pagsasauli (33:1–37:28). Nirepaso ni Jehova kay Ezekiel ang pananagutan ng bantay. Sabi ng bayan, “Ang daan ni Jehova ay hindi matuwid.” Kaya dapat linawin ni Ezekiel na maling-mali sila. (33:17) Ngunit ngayo’y 607 B.C.E. na, ikalimang araw ng ikasampung buwan.c Dumating ang isang takas mula sa Jerusalem at sinabi sa propeta: “Bumagsak na ang lungsod!” (33:21) Si Ezekiel, na puwede nang makipag-usap sa mga tapon, ay nagsabi na walang saysay ang alinmang tangka na iligtas ang Juda. Bagaman lumalapit sila sa kaniya upang makinig sa salita ni Jehova, sa kanila’y tulad lamang siya ng mang-aawit ng mga kundiman, isang magandang tinig na sinasaliwan ng alpa. Hindi sila nagbibigay-pansin. Datapwat, kapag nagkatotoo, malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila. Pinagwikaan ni Ezekiel ang mga huwad na pastol na nagpabaya sa kawan sa sariling kapakanan. Ang napangalat na tupa ay titipunin ni Jehova, ang Sakdal na Pastol, at dadalhin sila sa matabang pastulan sa mga bundok ng Israel. Doo’y ibabangon niya ang isang pastol, ‘ang lingkod niyang si David.’ (34:23) Si Jehova ay magiging kanilang Diyos. Makikipagtipan siya ukol sa kapayapaan at ibubuhos sa kanila ang mga pagpapala.
25. (a) Bakit at papaano gagawin ni Jehova na parang Eden ang lupain? (b) Ano ang inilalarawan ng pangitain ng libis ng mga tuyong buto? ng dalawang patpat?
25 Muling inihula ni Ezekiel ang pagkawasak ng Bundok Seir (Edom). Gayunman, itatayo uli ang kagibaan ng Israel pagkat kahahabagan ni Jehova ang kaniyang banal na pangalan, upang pakabanalin ito sa harap ng mga bansa. Isang bagong puso at bagong espiritu ang ipagkakaloob sa kanila, at ang lupain ay magiging “gaya ng Eden.” (36:35) Sa pangitain ay nakita ni Ezekiel ang Israel bilang isang libis ng mga tuyong buto. Humula siya sa mga buto. Ang mga ito’y makahimalang nagkaroon ng laman, hininga, at buhay. Gayon bubuksan ni Jehova ang mga libingan ng pagkabihag sa Babilonya at isasauli ang Israel sa kaniyang lupain. Kumuha si Ezekiel ng dalawang patpat na kumatawan sa mga sambahayan ng Juda at Ephraim. Sa kaniyang kamay ang mga ito ay naging iisa. Kaya, kapag isinauli ni Jehova ang Israel, sila ay pagkakaisahin ng tipan ng kapayapaan sa ilalim ng lingkod niyang si “David.”—37:24.
26. Bakit sasalakay si Gog ng Magog, at ano ang ibubunga nito?
26 Ang pagsalakay ni Gog ng Magog sa isinauling Israel (38:1–39:29). Darating ang pagsalakay mula sa ibang pook! Naiinggit sa kapayapaan at kasaganaan ng isinauling bayan ni Jehova, si Gog ng Magog ay biglang sasalakay. Dadaluhong siya upang lamunin sila. Kaya, sa nag-aapoy na galit ay babangon si Jehova. Ibabaling niya ang tabak ng bawat isa sa kanilang kapatid at pasasapitin sa kanila ang salot at dugo at ang malakas na ulan ng granizo, apoy, at asupre. Sila’y mabubuwal at kanilang makikilala na si Jehova “ang Banal sa Israel.” (39:7) Igagatong ng kaniyang bayan ang wasak na mga sandata ng kaaway at ililibing nila ang mga buto sa “Libis ng Hukbo ni Gog.” (39:11) Ang laman ng mga pinaslang ay kakainin at ang kanilang dugo ay iinumin ng mga ibong mandaragit at mga hayop. Mula ngayon ang Israel ay tatahang tiwasay, at walang tatakot sa kanila, pagkat ibubuhos ni Jehova ang kaniyang espiritu sa kanila.
27. Ano ang nakita ni Ezekiel habang naglalakbay sa pangitain sa lupain ng Israel, at papaano lumitaw ang kaluwalhatian ng Diyos?
27 Ang pangitain ni Ezekiel hinggil sa templo (40:1–48:35). Nasa 593 B.C.E. na tayo. Ika-14 na taon ito mula nang mawasak ang templo ni Solomon, at kailangan ng nagsisising mga tapon ang pag-asa at pampatibay-loob. Sa pangitain ay inihatid ni Jehova si Ezekiel sa lupain ng Israel at inilapag siya sa isang napakataas na bundok. Sa pangitain, nakakita siya ng isang templo at “ang tila isang lungsod sa timugan.” Inutusan siya ng isang anghel: “Lahat ng nakikita mo ay sabihin mo sa sambahayan ng Israel.” (40:2, 4) Pagkatapos ay ipinakita niya kay Ezekiel ang lahat ng detalye ng templo at mga looban, ang sukat ng mga pader, pintuan, silid ng bantay, silid-kainan, at ang templo mismo, ang Banal at Kabanal-banalan. Dinala niya si Ezekiel sa silangang pasukan. “Narito! Ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nanggagaling sa dakong silanganan, at ang tinig niya’y gaya ng lagaslas ng maraming tubig; ang lupa’y nagningning sa kaniyang kaluwalhatian.” (43:2) Itinurong lahat ng anghel kay Ezekiel ang tungkol sa Bahay (o templo); ang dambana at mga hain; ang karapatan at tungkulin ng mga saserdote, ng mga Levita, at ng pinunò; at ang paghahati sa lupain.
28. Ano ang ipinakikita ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa ilog na umaagos mula sa Bahay, at ano ang isinisiwalat tungkol sa lungsod at sa pangalan nito?
28 Si Ezekiel ay ibinalik ng anghel sa pasukan ng Bahay, at nakita ng propeta ang tubig na umaagos na pasilangan mula sa pintuan, sa gawing timog ng dambana. Pasimula sa mahinang agos ito ay lumaki-nang-lumaki hanggang maging ilog. Umagos ito tungo sa Dagat na Patay, kung saan muling nabuhay ang mga isda at umunlad ang pamamalakaya. Sa magkabila ng ilog may mga punong naglalaan ng pagkain at kagamutan para sa bayan. Sa pangitain ay binanggit ang mana ng 12 tribo, sampu ng sa mga dayuhan at sa pinuno, at saka inilarawan ang banal na lungsod sa timog, na ang 12 pintuan ay ipinangalan sa mga tribo. Ang lungsod ay bibigyan ng pangalang maluwalhati-sa-lahat: “Si Jehova Mismo Ay Naroon.”—48:35.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
29. Papaano nakinabang ang mga Judiong tapon sa hula ni Ezekiel?
29 Ang mga kapahayagan, pangitain, at pangako na ibinigay ni Jehova kay Ezekiel ay buong-katapatang inihatid sa mga Judiong tapon. Bagaman marami ang tumuya at nanlibak sa propeta, may mga naniwala rin. Nakinabang sila nang malaki. Napalakas sila ng mga pangako ng pagsasauli. Di-gaya ng ibang bansa na nadalang-bihag, naingatan nila ang kanilang pambansang pagkakakilanlan, at isinauli ni Jehova ang isang nalabi, gaya ng inihula niya, noong 537 B.C.E. (Ezek. 28:25, 26; 39:21-28; Ezra 2:1; 3:1) Muli nilang itinayo ang bahay ni Jehova at isinauli ang tunay na pagsamba roon.
30. Anong mga simulain na inihaharap sa Ezekiel ang mahalaga para sa atin ngayon?
30 Ang mga simulaing inihaharap sa Ezekiel ay napakahalaga sa ngayon. Ang apostasya at idolatriya, kasabay ang paghihimagsik, ay aakay sa di-pagsang-ayon ng Diyos. (Ezek. 6:1-7; 12:2-4, 11-16) Bawat isa’y mananagot sa pagkakasala, ngunit patatawarin ni Jehova ang tumatalikod sa masama. Kahahabagan siya at mananatili siyang buhay. (18:20-22) Dapat magtapat ang mga lingkod ng Diyos bilang bantay na gaya ni Ezekiel, mahirap man ang atas o sa kabila ng pagtuya at pang-uuyam. Hindi dapat mamatay ang balakyot nang walang babala, pagkat ang dugo nila’y mapapasa-atin. (3:17; 33:1-9) Malaki ang pananagutan ng mga pastol sa kawan ng Diyos.—34:2-10.
31. Anong mga hula ni Ezekiel ang nagpapahiwatig sa pagdating ng Mesiyas?
31 Namumukod-tangi sa aklat ni Ezekiel ang mga hula tungkol sa Mesiyas. Ang Mesiyas ang “may legal na karapatan” sa luklukan ni David at siyang pagbibigyan nito. Sa dalawang dako ay tinutukoy siya na “aking lingkod na si David,” at gayundin bilang “pastol,” “hari,” at “pinunò.” (21:27; 34:23, 24; 37:24, 25) Yamang matagal nang patay si David, ang tinutukoy ni Ezekiel ay ang Isa na kapuwa magiging Anak at Panginoon ni David. (Awit 110:1; Mat. 22:42-45) Si Ezekiel, gaya ni Isaias, ay bumabanggit sa pagtatanim at pagdakila ni Jehova sa sariwang usbong.—Ezek. 17:22-24; Isa. 11:1-3.
32. Papaano paghahambingin ang pangitain ni Ezekiel sa templo at ang pangitain ng Apocalipsis sa “banal na lungsod”?
32 Kawili-wiling paghambingin ang pangitain ni Ezekiel sa templo at ang pangitain ng Apocalipsis sa “banal na lungsod ng Jerusalem.” (Apoc. 21:10) May mapapansing pagkakaiba; halimbawa, ang templo ni Ezekiel ay nakahiwalay at nasa hilaga ng lungsod, samantalang si Jehova mismo ang templo ng lungsod sa Apocalipsis. Gayunman, parehong may umaagos na ilog ng buhay, may mga punong namumunga buwan-buwan at may mga dahon na nagpapagaling, at naroon din ang kaluwalhatian ni Jehova. Bawat pangitain ay tumutulong upang mapahalagahan ang paghahari ni Jehova at ang paglalaan niya ng kaligtasan sa mga mag-uukol ng banal na paglilingkod sa kaniya.—Ezek. 43:4, 5—Apoc. 21:11; Ezek. 47:1, 8, 9, 12—Apoc. 22:1-3.
33. Ano ang idinidiin ng Ezekiel, at ano ang ibubunga nito sa mga bumabanal kay Jehova sa kanilang buhay ngayon?
33 Idiniriin ng Ezekiel na si Jehova ay banal. Ipinababatid nito na ang pagbanal sa pangalan ni Jehova ay pinakamahalaga sa lahat. “ ‘Aking babanalin ang aking dakilang pangalan, . . . at makikilala ng mga bansa na ako’y si Jehova,’ sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” Ayon sa hula, babanalin niya ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng paglipol sa mga humahamak dito, pati na si Gog ng Magog. Matalino ang lahat ng bumabanal kay Jehova sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kahilingan niya sa kalugud-lugod na pagsamba. Makakasumpong sila ng kagamutan at walang-hanggang buhay sa ilog na umaagos mula sa templo. Nangingibabaw sa kaluwalhatian at namumukod-tangi sa ganda ang lungsod na tinatawag na “Si Jehova Mismo Ay Naroon”!—Ezek. 36:23; 38:16; 48:35.
[Mga talababa]
a Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 531, 1136.
b Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 681-2.
c Bagaman ayon sa tekstong Masoretiko, dumating ang takas mula sa Jerusalem noong ika-12 taon, ang ibang manuskrito ay kababasahan ng “ikalabing-isang taon,” at ganito rin ang salin sa teksto nina Lamsa at Moffatt at maging ng An American Translation.