Ezekiel
1 Nang ika-30 taon,* noong ikalimang araw ng ikaapat na buwan, habang kasama ko ang ipinatapong bayan+ sa tabi ng ilog ng Kebar,+ nabuksan ang langit at nagsimula akong makakita ng mga pangitain mula sa Diyos. 2 Noong ikalimang araw ng buwan—nang ikalimang taon ng pagkatapon ni Haring Jehoiakin+— 3 ang salita ni Jehova ay dumating kay Ezekiel* na anak ni Buzi na saserdote habang nasa tabi siya ng ilog ng Kebar sa lupain ng mga Caldeo.+ Doon, sumakaniya ang kapangyarihan* ni Jehova.+
4 At may nakita akong napakalakas na hanging+ dumarating mula sa hilaga, at may malaking ulap at sumisiklab na apoy*+ na napapalibutan ng maningning na liwanag, at may gaya ng isang elektrum* sa gitna ng apoy.+ 5 Sa gitna nito ay mayroong gaya ng apat na buháy na nilalang,+ at kawangis ng tao ang bawat isa. 6 May apat na mukha at apat na pakpak ang bawat isa.+ 7 Tuwid ang mga paa nila, at ang talampakan nila ay gaya ng sa guya,* at kumikinang ang mga iyon na gaya ng pinakintab na tanso.+ 8 Mayroon silang mga kamay ng tao sa ilalim ng kanilang mga pakpak sa apat na tagiliran nila, at silang apat ay may mga mukha at pakpak. 9 Nagkakadikit ang mga pakpak nila. Hindi sila bumabaling kapag lumilipat ng puwesto; deretso lang ang bawat isa.+
10 Ganito ang hitsura ng mga mukha nila: Ang bawat isa sa apat ay may mukha ng tao, mukha ng leon+ sa kanan, mukha ng toro+ sa kaliwa, at bawat isa sa apat ay may mukha ng agila.+ 11 Ganiyan ang mga mukha nila. Nakaunat paitaas ang mga pakpak nila. Nagkakadikit ang dalawang pakpak ng bawat isa at tumatakip naman sa katawan nila ang dalawa pa nilang pakpak.+
12 Saanman sila akayin ng espiritu, sumusunod sila nang hindi bumabaling.+ Deretso lang ang bawat isa. 13 At ang buháy na mga nilalang ay parang nagniningas na mga baga, at isang bagay na gaya ng mga sulo ng lumalagablab na apoy ang nagpaparoo’t parito sa pagitan ng buháy na mga nilalang, at may kidlat na lumalabas mula sa apoy.+ 14 At kapag ang buháy na mga nilalang ay umaalis at bumabalik, para silang mga kidlat.
15 Habang pinapanood ko ang buháy na mga nilalang, nakakita ako ng isang gulong sa lupa sa tabi ng bawat isa sa buháy na mga nilalang na may apat na mukha.+ 16 Ang mga gulong ay nagniningning na tulad ng crisolito,* at magkakamukha ang apat. Ang hitsura ng mga gulong ay gaya ng gulong sa loob ng isa pang gulong.* 17 Kapag umaalis ang mga ito, kayang pumunta ng mga ito sa apat na direksiyon nang hindi bumabaling. 18 Napakataas ng mga gulong kaya talagang kamangha-mangha ang mga ito, at ang apat na gulong ay punô ng mata.+ 19 Kapag umaalis ang buháy na mga nilalang, sumasama rin ang mga gulong, at kapag pumapaitaas mula sa lupa ang buháy na mga nilalang, pumapaitaas din ang mga gulong.+ 20 Pumupunta sila kung saan sila akayin ng espiritu, saanman pumunta ang espiritu. Ang mga gulong ay pumapaitaas din kasabay nila, dahil ang espiritung nasa buháy na mga nilalang* ay nasa mga gulong din. 21 Kapag umaalis sila, umaalis ang mga ito; at kapag humihinto sila, humihinto ang mga ito; at kapag pumapaitaas sila mula sa lupa, pumapaitaas din ang mga gulong kasabay nila, dahil ang espiritung nasa buháy na mga nilalang ay nasa mga gulong din.
22 Sa itaas ng ulo ng buháy na mga nilalang ay may gaya ng isang malapad na sahig na kahanga-hanga at nagniningning na tulad ng yelo.+ 23 Sa ilalim ng malapad na sahig, nakaunat paitaas* ang mga pakpak nila at nagkakadikit. Ang bawat isa ay may dalawang pakpak na naipantatakip sa isang panig ng katawan nila at dalawa pa para naman sa kabilang panig. 24 Nang marinig ko ang pagaspas ng mga pakpak nila, para itong rumaragasang tubig, gaya ng tinig ng Makapangyarihan-sa-Lahat.+ Kapag umaalis sila, parang may ugong ng isang hukbo. Kapag humihinto sila, ibinababa nila ang mga pakpak nila.
25 May tinig na nanggagaling sa ibabaw ng malapad na sahig na nasa itaas ng ulo nila. (Kapag humihinto sila, ibinababa nila ang mga pakpak nila.) 26 Sa ibabaw ng malapad na sahig na nasa itaas ng ulo nila ay may gaya ng batong safiro,+ na parang isang trono.+ At may nakaupo sa trono na tulad ng isang tao.+ 27 May nakita akong nagniningning na gaya ng elektrum,+ na tulad ng apoy na nagmumula sa tila baywang niya pataas; at mula sa baywang niya pababa, may nakita akong tulad ng apoy.+ Nagniningning ang palibot niya 28 gaya ng bahaghari+ sa ulap sa isang maulang araw. Ganiyan ang hitsura ng nakapalibot na maningning na liwanag. Gaya iyon ng kaluwalhatian ni Jehova.+ Nang makita ko iyon, sumubsob ako at may narinig akong tinig ng nagsasalita.