ARALING ARTIKULO 45
Tinutulungan Tayo ni Jehova na Magawa ang Ministeryo Natin
“Tiyak na malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.”—EZEK. 2:5.
AWIT 67 “Ipangaral ang Salita”
NILALAMANa
1. Ano ang inaasahan natin, at saan tayo makakatiyak?
INAASAHAN nating makakaranas tayo ng mga pagsalansang sa pangangaral natin. At titindi pa iyan sa hinaharap. (Dan. 11:44; 2 Tim. 3:12; Apoc. 16:21) Pero makakatiyak tayo na ibibigay ni Jehova ang tulong na kailangan natin. Bakit? Lagi kasing tinutulungan ni Jehova ang mga lingkod niya na magawa ang atas nila—gaano man ito kahirap. Bilang halimbawa, tingnan natin ang ilang pangyayari sa buhay ni propeta Ezekiel na nangaral sa mga Judiong tapon sa Babilonya.
2. Ano ang sinabi ni Jehova tungkol sa mga taong papangaralan ni Ezekiel, at ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Ezekiel 2:3-6)
2 Anong klaseng mga tao ang papangaralan ni Ezekiel? Sinabi ni Jehova na sila ay “palaban,” “matigas ang ulo,” at ‘mapagrebelde.’ Mapanganib silang gaya ng mga tinik at alakdan. Kaya hindi kataka-taka na paulit-ulit na sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Huwag kang matakot”! (Basahin ang Ezekiel 2:3-6.) Nagawa ni Ezekiel ang atas niya na mangaral dahil (1) isinugo siya ni Jehova, (2) pinalakas siya ng espiritu ng Diyos, at (3) pinatibay siya ng salita ng Diyos. Paano nakatulong ang mga ito kay Ezekiel? At paano ito makakatulong sa atin sa ngayon?
ISINUGO NI JEHOVA SI EZEKIEL
3. Anong mga salita ang siguradong nagpatibay kay Ezekiel, at paano tiniyak ni Jehova na tutulungan Niya siya?
3 Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Isusugo kita.” (Ezek. 2:3, 4) Siguradong napatibay si Ezekiel ng mga salitang ito. Bakit? Dahil naalala niya na ganito rin ang sinabi ni Jehova kina Moises at Isaias nang atasan Niya sila bilang mga propeta Niya. (Ex. 3:10; Isa. 6:8) Alam din ni Ezekiel kung paano tinulungan ni Jehova ang dalawang propetang ito na magawa ang atas nila kahit may mga hamon. Kaya nang dalawang beses na sabihin ni Jehova kay Ezekiel: “Isusugo kita,” nagtitiwala siya na tutulungan siya ni Jehova. Maraming beses ding isinulat ni Ezekiel: “Dumating sa akin ang salita ni Jehova.” (Ezek. 3:16) Isa pa, paulit-ulit niyang isinulat: “Dumating ulit sa akin ang salita ni Jehova.” (Ezek. 6:1) Maliwanag na kumbinsido si Ezekiel na isinugo siya ni Jehova. Bukod diyan, saserdote ang tatay ni Ezekiel, kaya posible na itinuro nito sa kaniya na laging tinutulungan ni Jehova ang mga propeta Niya. Halimbawa, sinabi ni Jehova kina Isaac at Jacob: “Ako ay sumasaiyo.” Sinabi naman niya kay Jeremias: “Kasama mo ako.”—Gen. 26:24; 28:15; Jer. 1:8.
4. Ano ang mga sinabi ni Jehova na nagpatibay kay Ezekiel?
4 Ano ang magiging tugon ng mga Israelita sa pangangaral ni Ezekiel? Sinabi ni Jehova: “Hindi makikinig sa iyo ang sambahayan ng Israel, dahil ayaw nilang makinig sa akin.” (Ezek. 3:7) Hindi lang si Ezekiel ang tinanggihan ng mga tao, kundi tinanggihan din nila si Jehova. Tiyak na napatibay si Ezekiel sa sinabing ito ni Jehova kasi nangangahulugan ito na hindi siya nabigo bilang propeta. Tiniyak din ni Jehova kay Ezekiel na kapag nangyari na ang mga hatol niya sa mga tao, “malalaman nila na nagkaroon ng propeta sa gitna nila.” (Ezek. 2:5; 33:33) Siguradong napatibay si Ezekiel at napalakas siya para magawa ang ministeryo niya.
ISINUGO TAYO NI JEHOVA NGAYON
5. Ano ang sinasabi ng Isaias 44:8 na magbibigay sa atin ng lakas?
5 Napapatibay rin tayo dahil alam nating isinugo tayo ni Jehova. Binigyan niya tayo ng dangal nang tawagin niya tayo na “mga saksi” niya. (Isa. 43:10) Napakalaki ngang pribilehiyo iyan! Gaya ng sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Huwag kang matakot,” sinasabi rin sa atin ni Jehova: “Huwag kayong matakot.” Bakit hindi tayo dapat matakot sa mga sumasalansang sa atin? Dahil gaya ni Ezekiel, isinugo tayo ni Jehova at kasama natin Siya.—Basahin ang Isaias 44:8.
6. (a) Paano tinitiyak sa atin ni Jehova na tutulungan niya tayo? (b) Anong bagay ang nakakapagpatibay sa atin?
6 Tinitiyak sa atin ni Jehova na tutulungan niya tayo. Halimbawa, bago sabihin ni Jehova: “Kayo ang mga saksi ko,” sinabi muna niya: “Kapag dumaan ka sa tubig, kasama mo ako, at kapag tumawid ka sa mga ilog, hindi ka maaanod. Kapag lumakad ka sa apoy, hindi ka mapapaso, hindi ka masusunog kahit bahagya.” (Isa. 43:2) Kapag nangangaral tayo, nakakaranas tayo minsan ng tulad-bahang mga hadlang at tulad-apoy na mga pagsubok. Pero sa tulong ni Jehova, patuloy tayong nangangaral. (Isa. 41:13) Gaya noong panahon ni Ezekiel, maraming tao sa ngayon ang hindi nakikinig sa mensahe natin. Tandaan, hindi porke’t tinatanggihan tayo ng mga tao, bigo na tayo bilang mga Saksi ng Diyos. Napapatibay tayo dahil alam natin na napapasaya natin si Jehova kapag patuloy tayong nangangaral. Sinabi ni apostol Pablo: “Ang bawat isa ay gagantimpalaan ayon sa sarili niyang gawa.” (1 Cor. 3:8; 4:1, 2) Sinabi ng isang sister na matagal nang pioneer: “Nakakatuwang malaman na ginagantimpalaan ni Jehova ang ating pagsisikap.”
PINALAKAS SI EZEKIEL NG ESPIRITU NG DIYOS
7. Sa tuwing naaalala ni Ezekiel ang pangitaing nakita niya, ano ang nagiging epekto nito sa kaniya? (Tingnan ang larawan sa pabalat.)
7 Nakita ni Ezekiel kung gaano kalakas ang espiritu ng Diyos. Sa pangitain, nakita niya kung paano tinutulungan ng banal na espiritu ang makapangyarihang mga anghel at kung paano nito pinapakilos ang napakalaking mga gulong ng makalangit na karo. (Ezek. 1:20, 21) Ano ang naging reaksiyon ni Ezekiel? Isinulat niya. “Nang makita ko iyon, sumubsob ako.” Dahil sa sobrang pagkamangha ni Ezekiel, sumubsob siya sa lupa. (Ezek. 1:28) Kaya sa tuwing naaalala ni Ezekiel ang kahanga-hangang pangitaing iyon, mas nagtitiwala siya na sa tulong ng espiritu ng Diyos, magagawa niya ang ministeryo niya.
8-9. (a) Ano ang ibinigay ni Jehova kay Ezekiel para magawa ang utos niya? (b) Paano pa pinalakas ni Jehova si Ezekiel para magawa ang mahirap na atas niya?
8 Iniutos ni Jehova kay Ezekiel: “Anak ng tao, tumayo ka at may sasabihin ako sa iyo.” Dahil sa utos na iyan at sa espiritu ng Diyos, napalakas si Ezekiel na tumayo. Isinulat ni Ezekiel: “Sumaakin ang espiritu at itinayo ako nito.” (Ezek. 2:1, 2) Sa buong panahon ng ministeryo ni Ezekiel, ginabayan siya ng “kapangyarihan” ng Diyos—ang banal na espiritu ng Diyos. (Ezek. 3:22; 8:1; 33:22; 37:1; 40:1) Pinalakas si Ezekiel ng espiritu ng Diyos para magawa ang atas niya—ang pangangaral sa mga taong “matitigas ang ulo at puso.” (Ezek. 3:7) Sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Ginawa kong sintigas ng mukha nila ang iyong mukha at sintigas ng noo nila ang iyong noo. Ginawa kong gaya ng diamante ang iyong noo, mas matigas pa kaysa sa bato. Huwag kang matakot sa kanila o sa mga tingin nila.” (Ezek. 3:8, 9) Para bang sinasabi ni Jehova kay Ezekiel: ‘Huwag kang panghinaan ng loob dahil sa katigasan ng ulo ng mga tao. Papalakasin kita.’
9 Pagkatapos nito, inalalayan ng espiritu ng Diyos si Ezekiel sa pangangaral niya. “Talagang napakilos ako ng kapangyarihan ni Jehova,” ang isinulat ni Ezekiel. Isang linggong pinag-aralan ng propeta ang kaniyang mensahe para maunawaan niya ito at maipangaral nang may kombiksiyon. (Ezek. 3:14, 15) Pagkatapos, inutusan siya ni Jehova na pumunta sa isang kapatagan kung saan ‘sumakaniya ang espiritu.’ (Ezek. 3:23, 24) Handa na ngayong mangaral si Ezekiel.
PINAPALAKAS TAYO NGAYON NG ESPIRITU NG DIYOS
10. Ano ang kailangan natin para makapangaral, at bakit?
10 Ano ang kailangan natin para makapangaral? Para masagot iyan, balikan natin ang nangyari kay Ezekiel. Bago siya nakapangaral, binigyan siya ng espiritu ng Diyos ng lakas na kailangan niya. Gaya ni Ezekiel, magagawa lang din nating mangaral ngayon sa tulong ng espiritu ng Diyos. Bakit? Kasi nakikipagdigma sa atin si Satanas para patigilin tayo sa pangangaral. (Apoc. 12:17) Sa paningin ng tao, wala tayong kalaban-laban kay Satanas. Pero kapag nangangaral tayo, nagtatagumpay tayo laban sa kaniya! (Apoc. 12:9-11) Paano? Kapag nangangaral tayo, ipinapakita natin na hindi tayo natatakot sa mga banta ni Satanas. At sa bawat pangangaral natin, natatalo natin siya. Kaya maliwanag na naipagpapatuloy natin ang gawaing pangangaral sa kabila ng mga pagsalansang. Ano ang itinuturo nito sa atin? Itinuturo nito sa atin na pinapalakas tayo ng banal na espiritu at na sinasang-ayunan tayo ni Jehova.—Mat. 5:10-12; 1 Ped. 4:14.
11. Ano ang kayang gawin ng banal na espiritu ng Diyos para sa atin, at paano tayo patuloy na makakatanggap nito?
11 Makasagisag na pinatigas ni Jehova ang mukha at noo ni Ezekiel. Paano tayo napapatibay nito? Itinuturo nito sa atin na kaya tayong palakasin ng espiritu ng Diyos para maharap ang anumang hamon sa ministeryo natin. (2 Cor. 4:7-9) Kaya ano ang puwede nating gawin para patuloy tayong tumanggap ng espiritu ng Diyos? Kailangan natin itong laging hingin sa panalangin at magtiwalang pakikinggan tayo ni Jehova. Itinuro ni Jesus sa mga alagad niya: “Patuloy na humingi . . . , patuloy na maghanap . . . , patuloy na kumatok.” At si Jehova naman ay “magbibigay . . . ng banal na espiritu sa mga humihingi sa kaniya.”—Luc. 11:9, 13; Gawa 1:14; 2:4.
PINATIBAY SI EZEKIEL NG SALITA NG DIYOS
12. Ayon sa Ezekiel 2:9–3:3, saan nanggaling ang balumbon, at ano ang nilalaman nito?
12 Hindi lang pinalakas ng espiritu ng Diyos si Ezekiel, pinatibay rin siya ng salita ng Diyos. Sa pangitain, nakakita si Ezekiel ng isang kamay na may hawak na balumbon. (Basahin ang Ezekiel 2:9–3:3.) Saan nanggaling ang balumbon? Ano ang nilalaman nito? Paano nito napatibay si Ezekiel? Tingnan natin. Nanggaling ang balumbon sa trono ng Diyos. Posibleng ginamit ni Jehova ang isa sa apat na anghel na nakita ni Ezekiel para ibigay sa kaniya ang balumbon. (Ezek. 1:8; 10:7, 20) Naglalaman ang balumbon ng salita ng Diyos—isang mahabang mensahe ng paghatol na kailangang sabihin ni Ezekiel sa mga rebeldeng tapon. (Ezek. 2:7) Ang mensahe na iyan ay nakasulat sa harap at likod ng balumbon.
13. Ano ang sinabi ni Jehova kay Ezekiel na gawin sa balumbon, at bakit ito matamis?
13 Sinabi ni Jehova sa kaniyang propeta na kainin ang balumbon at ‘punuin niya nito ang kaniyang tiyan.’ Sinunod ito ni Ezekiel at kinain iyon. Ano ang ibig sabihin ng bahaging ito ng pangitain? Kailangang maintindihang mabuti ni Ezekiel ang mensahe na dapat niyang sabihin. Kailangan niyang maging kumbinsido sa mensaheng ito para maipangaral niya ito. Pagkatapos, nagulat si Ezekiel kasi nang kainin niya ang balumbon, “sintamis iyon ng pulot-pukyutan.” (Ezek. 3:3) Bakit? Para kay Ezekiel, isang karangalan na maging isang kinatawan ni Jehova. Matamis ito o isang magandang karanasan. (Awit 19:8-11) Laking pasasalamat ni Ezekiel na binigyan siya ni Jehova ng pribilehiyong maglingkod bilang propeta niya.
14. Ano ang nakatulong kay Ezekiel para maging handa siyang gawin ang atas niya?
14 Nang maglaon, sinabi ni Jehova kay Ezekiel: “Pakinggan mo at isapuso ang lahat ng sinasabi ko sa iyo.” (Ezek. 3:10) Para bang sinasabi ni Jehova kay Ezekiel na tandaan ang mga nakasulat sa balumbon at bulay-bulayin ang mga ito. Sa paggawa nito, napatibay si Ezekiel. Nalaman din niya ang isang mapuwersang mensahe na sasabihin niya sa mga tao. (Ezek. 3:11) Ngayong naunawaan na ni Ezekiel ang mensahe ng Diyos, handa na niyang simulan at tapusin ang atas niya.—Ihambing ang Awit 19:14.
PINAPATIBAY TAYO NGAYON NG SALITA NG DIYOS
15. Para patuloy tayong makapangaral, ano ang kailangan nating “isapuso”?
15 Para patuloy tayong makapangaral, kailangan din natin ang pampatibay ng salita ng Diyos. Kailangan nating “isapuso” ang lahat ng sinasabi ni Jehova sa atin. Sa ngayon, kinakausap tayo ni Jehova gamit ang kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya. Ano ang dapat nating gawin para patuloy na makaapekto sa isip, damdamin, at motibo natin ang Salita ng Diyos?
16. Ano ang dapat nating gawin sa Salita ng Diyos, at paano natin iyon maisasapuso?
16 Kapag kumakain tayo at natutunaw natin ang kinain natin, mas lumalakas ang katawan natin. Ganiyan din kapag nag-aaral tayo ng Salita ng Diyos at binubulay-bulay iyon. Napapalakas nito ang pananampalataya natin. Mahalagang tandaan natin ang aral tungkol sa balumbon. Gusto ni Jehova na ‘punuin natin ang ating tiyan’ ng Salita ng Diyos, o maunawaan natin iyon. Magagawa natin iyan sa pamamagitan ng pananalangin, pagbabasa, at pagbubulay-bulay. Una, nananalangin tayo para maihanda ang ating puso na tanggapin ang kaisipan ng Diyos. At saka tayo nagbabasa ng Bibliya. Pagkatapos, humihinto tayo para bulay-bulayin ang mga nabasa natin. Ano ang magiging resulta nito? Kapag lagi tayong nagbubulay-bulay, mas nauunawaan natin ang Salita ng Diyos at napapatibay ang pananampalataya natin.
17. Bakit napakahalagang bulay-bulayin natin ang mga nababasa natin sa Bibliya?
17 Bakit napakahalagang basahin ang Bibliya at bulay-bulayin ito? Mabibigyan tayo nito ng lakas para maipangaral ang mensahe ng Kaharian ngayon at masabi ang mabigat na mensahe ng paghatol sa malapit na hinaharap. Isa pa, kapag binubulay-bulay natin ang magagandang katangian ni Jehova, mas napapalapít tayo sa kaniya. Kaya magkakaroon tayo ng kapayapaan ng isip at magiging kontento tayo—isang napakatamis o napakagandang pakiramdam.—Awit 119:103.
PATULOY TAYONG NANGANGARAL
18. Ano ang mapipilitang tanggapin ng mga tao, at bakit?
18 Hindi tayo propeta na gaya ni Ezekiel. Pero patuloy nating ipinapangaral ang mensahe ni Jehova na ipinasulat niya sa kaniyang Salita. Determinado tayong gawin iyan hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na. Kapag hinatulan na ng Diyos ang mga tao, hindi nila puwedeng sabihin na walang nagbabala sa kanila o na hindi sila binigyan ng pagkakataon ng Diyos. (Ezek. 3:19; 18:23) Sa halip, mapipilitan silang tanggapin na ang mensahe na ipinangaral natin ay galing sa Diyos.
19. Ano ang makakatulong sa atin na magawa ang ministeryo natin?
19 Ano ang makakatulong sa atin para magawa ang ministeryo natin? Kapareho ng nakatulong kay Ezekiel. Patuloy tayong nangangaral dahil alam nating isinugo tayo ni Jehova, pinapalakas tayo ng banal na espiritu ng Diyos, at pinapatibay tayo ng Salita ng Diyos. Sa tulong ni Jehova, napapakilos tayo na mangaral at magtiis “hanggang sa wakas.”—Mat. 24:13.
AWIT 65 Sulong Na!
a Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong bagay na nakatulong kay propeta Ezekiel na magawa ang atas niyang mangaral. Habang tinatalakay natin kung paano tinulungan ni Jehova ang propeta niya, mapapatibay tayo na tutulungan din tayo ni Jehova na magawa ang ministeryo natin.