KABANATA 17
“Kikilos Ako Laban sa Iyo, O Gog”
POKUS: Kung sino si “Gog” at kung ano ang “lupain” na lulusubin niya
1, 2. Ano ang pinakamatinding digmaan na malapit nang maganap, at anong mga tanong ang bumabangon? (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.)
SA LOOB ng libo-libong taon, dumanak ang dugo sa lupa dahil sa mga digmaan ng tao, gaya ng dalawang digmaang pandaigdig noong ika-20 siglo. Pero malapit nang maganap ang pinakamatinding digmaan sa kasaysayan. Hindi ito digmaan sa pagitan ng mga tao, o paglalabanan ng mga bansa dahil sa makasarili nilang mga hangarin. Ito ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apoc. 16:14) Lulusubin ng isang mapagmataas na kaaway ang lupain na napakahalaga sa Diyos. Dahil dito, gagamitin ng Kataas-taasang Panginoong Jehova ang kaniyang pinakamapamuksang kapangyarihan na hindi pa nasaksihan sa lupa kailanman.
2 Kaya naman bumabangon ang ilang tanong: Sino ang kaaway na ito? Anong lupain ang lulusubin niya? Kailan, bakit, at paano niya gagawin iyon? Dahil apektado tayo sa pangyayaring ito bilang tunay na mga mananamba ni Jehova sa lupa, kailangan nating malaman ang sagot. Malalaman natin iyan sa hulang nakaulat sa Ezekiel kabanata 38 at 39.
Ang Kaaway—Si Gog ng Magog
3. Ano ang sumaryo ng hula ni Ezekiel tungkol kay Gog ng Magog?
3 Basahin ang Ezekiel 38:1, 2, 8, 18; 39:4, 11. Ito ang sumaryo ng hula: “Sa huling bahagi ng mga taon,” isang kaaway, si “Gog . . . ng Magog,” ang lulusob sa “lupain” ng bayan ng Diyos. Dahil diyan, “sisiklab ang matinding galit” ni Jehova, at kikilos siya para talunin si Gog.a Ibibigay ni Jehova ang natalong kaaway at ang lahat ng kasama nito “bilang pagkain sa lahat ng uri ng ibong maninila at sa mababangis na hayop.” Pagkatapos, bibigyan ni Jehova si Gog ng “libingan.” Para maunawaan kung paano ito matutupad sa malapit na hinaharap, kailangan muna nating malaman kung sino si Gog.
4. Ano ang natutuhan natin tungkol kay Gog ng Magog?
4 Sino ba si Gog ng Magog? Sa paglalarawan ni Ezekiel, natutuhan natin na si Gog ay kaaway ng tunay na mga mananamba. Ang Gog ba ay isang pangalan ni Satanas—ang pinakamatinding kaaway ng tunay na pagsamba? Sa loob ng maraming dekada, iyan ang sinasabi sa mga publikasyon natin. Pero matapos ang karagdagang pagsusuri, nakita nating kailangang baguhin ang ating unawa. Ipinaliwanag sa Bantayan na ang titulong Gog ng Magog ay hindi tumutukoy sa isang di-nakikitang espiritung nilalang kundi sa isang nakikitang kaaway na tao—ang koalisyon ng mga bansa na sasalakay sa dalisay na pagsamba.b Bago natin repasuhin ang batayan ng paliwanag na iyan, suriin muna natin ang dalawang detalye sa hula ni Ezekiel na nagpapakitang si Gog ay hindi isang espiritung nilalang.
5, 6. Anong mga detalye sa hula ni Ezekiel ang nagpapahiwatig na si Gog ng Magog ay hindi isang espiritung nilalang?
5 “Ibibigay kita bilang pagkain sa lahat ng uri ng ibong maninila.” (Ezek. 39:4) Ang ilustrasyon tungkol sa mga ibong maninila na kumakain ng isang bangkay ay madalas gamitin sa Bibliya bilang babala ng paghatol ng Diyos. Nagbigay si Jehova ng ganitong babala sa bansang Israel, pati na sa ibang mga bansa. (Deut. 28:26; Jer. 7:33; Ezek. 29:3, 5) Pero pansinin na ang babalang ito ay ibinigay, hindi sa mga espiritung nilalang, kundi sa mga tao, na may katawang laman. Angkop ito dahil laman, at hindi espiritu, ang kinakain ng mga ibong maninila at mababangis na hayop. Ipinapahiwatig nito na si Gog ay hindi isang espiritung nilalang.
6 “Bibigyan ko si Gog ng libingan sa Israel.” (Ezek. 39:11) Walang binabanggit sa Bibliya tungkol sa mga espiritung nilalang na inililibing sa lupa. Sa halip, si Satanas at ang mga demonyo niya ay ihahagis sa kalaliman at ikukulong doon nang 1,000 taon. Pagkatapos, ihahagis sila sa simbolikong lawa ng apoy at asupre, na lumalarawan sa kanilang walang-hanggang pagkapuksa. (Luc. 8:31; Apoc. 20:1-3, 10) Pero dahil si Gog ay bibigyan ng “libingan” sa lupa, masasabing hindi siya isang espiritung nilalang.
7, 8. Ano ang pagkakatulad ng mangyayari sa “hari ng hilaga” at kay Gog ng Magog?
7 Kung si Gog, ang kaaway na lulusob sa tunay na mga mananamba, ay hindi isang espiritung nilalang, sino o ano siya? Suriin natin ang dalawang hula na tutulong sa atin na matukoy si Gog ng Magog.
8 Ang “hari ng hilaga.” (Basahin ang Daniel 11:40-45.) Inihula ni Daniel ang paglitaw ng mga kapangyarihang pandaigdig mula sa panahon niya hanggang sa panahon natin. Binabanggit din sa hula ang tungkol sa mortal na magkaaway sa politika—ang “hari ng timog” at ang “hari ng hilaga.” Iba’t ibang hari o bansa ang gumanap ng papel ng dalawang haring ito sa loob ng maraming siglo dahil naglalaban-laban ang mga bansa para sa kapangyarihan. Tungkol sa huling paglusob ng hari ng hilaga sa “panahon ng wakas,” sinabi ni Daniel: “Galit na galit siyang manlilipol at marami siyang pupuksain.” Ang mga mananamba ni Jehova ang talagang puntirya ng hari ng hilaga.c Pero gaya ni Gog ng Magog, “hahantong [ang hari ng hilaga] sa katapusan niya” matapos siyang matalo sa pagsalakay niya sa bayan ng Diyos.
9. Ano ang pagkakatulad ng mangyayari kay Gog ng Magog at sa “mga hari ng buong lupa”?
9 Ang “mga hari ng buong lupa.” (Basahin ang Apocalipsis 16:14, 16; 17:14; 19:19, 20.) Inihula sa Apocalipsis ang pagsalakay ng “mga hari sa lupa” laban sa “Hari ng mga hari,” si Jesus na nasa langit. Pero dahil hindi nila kayang abutin ang langit, ang lulusubin nila ay ang mga tagasuporta ng Kaharian na nasa lupa. Matatalo ang mga hari sa lupa sa digmaan ng Armagedon. Pansinin na hahantong sila sa katapusan nila matapos salakayin ang bayan ni Jehova. Katulad iyan ng mangyayari kay Gog ng Magog.d
10. Ano ang masasabi natin tungkol kay Gog ng Magog?
10 Batay sa mga ito, ano ang masasabi natin tungkol kay Gog? Una, si Gog ay hindi isang espiritung nilalang. Ikalawa, si Gog ay lumalarawan sa mga bansang malapit nang sumalakay sa bayan ng Diyos. Malamang na magkakaisa ang mga bansang ito bilang isang koalisyon. Bakit? Ang bayan ng Diyos ay nasa iba’t ibang panig ng mundo, kaya kailangang magkaisa ang mga bansa sa kanilang plano at pagsalakay. (Mat. 24:9) Pero si Satanas talaga ang nasa likod ng pagsalakay na ito. Matagal na niyang iniimpluwensiyahan ang mga bansa na hadlangan ang tunay na pagsamba. (1 Juan 5:19; Apoc. 12:17) Pero ang hula ni Ezekiel tungkol kay Gog ng Magog ay nakapokus sa pagsalakay ng mga bansa sa bayan ni Jehova.e
Ang “Lupain”—Ano Ito?
11. Paano inilalarawan sa hula ni Ezekiel ang “lupain” na lulusubin ni Gog?
11 Gaya ng nalaman natin sa parapo 3, lulusubin ni Gog ng Magog ang lupain na napakahalaga kay Jehova kaya sisiklab ang matinding galit Niya. Anong lupain ito? Balikan natin ang hula ni Ezekiel. (Basahin ang Ezekiel 38:8-12.) Sinasabi rito na “lulusubin [ni Gog] ang lupain ng bayan na naibalik” at “tinipon mula sa ibang bansa.” Pansinin din ang sinasabi nito tungkol sa mga nakatira sa lupaing iyon: “Naninirahan [sila] nang panatag”; ang tinitirhan nila ay “walang pader, halang, o pintuang-daan”; at “lumalaki ang yaman” nila. Iyon ang lupain kung saan naninirahan ang tunay na mga mananamba ni Jehova sa buong lupa. Paano natin malalaman kung ano ang lupaing iyon?
12. Anong pagbabalik ang nangyari sa lupain ng sinaunang Israel?
12 Suriin natin ang pagbabalik na nangyari sa sinaunang Israel, ang lupain kung saan maraming siglong nanirahan, nagtrabaho, at sumamba ang piniling bayan ng Diyos. Nang maging di-tapat ang mga Israelita, inihula ni Jehova sa pamamagitan ni Ezekiel na mawawasak at magiging tiwangwang ang lupain nila. (Ezek. 33:27-29) Pero inihula rin ni Jehova na isang grupo ng mga nagsisisi ang palalayain mula sa Babilonya at ibabalik nila ang dalisay na pagsamba sa lupain. Pagpapalain sila ni Jehova, at ang lupain ng Israel ay magiging “gaya ng hardin ng Eden.” (Ezek. 36:34-36) Nangyari iyan mula noong 537 B.C.E. nang umuwi sa Jerusalem ang mga Judio para ibalik ang tunay na pagsamba sa lupain nila.
13, 14. (a) Ano ang espirituwal na lupain? (b) Bakit napakahalaga ng lupaing ito kay Jehova?
13 Sa panahon natin, isang katulad na pagbabalik ang naranasan ng tunay na mga mananamba ng Diyos. Gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 9, nakalaya na noong 1919 ang bayan ng Diyos mula sa matagal na pagkabihag sa Babilonyang Dakila. Nang taóng iyon, dinala ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa isang espirituwal na lupain. Ang lupaing iyan ay ang espirituwal na paraiso—ang kalagayan ng pagiging panatag at sagana sa espirituwal ng mga sumasamba sa tunay na Diyos. Sa lupaing ito, namumuhay tayo nang panatag at may kapayapaan ng isip at puso. (Kaw. 1:33) Sagana tayo sa espirituwal na pagkain, at marami tayong ginagawa sa paghahayag ng Kaharian ng Diyos. Sumasang-ayon tayo sa kawikaang ito: “Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot.” (Kaw. 10:22) Nasaan man tayo sa mundo, naninirahan tayo sa espirituwal na paraiso hangga’t aktibo nating sinusuportahan ang dalisay na pagsamba sa salita at sa gawa.
14 Napakahalaga ng espirituwal na lupaing ito kay Jehova. Bakit? Para sa kaniya, ang mga naninirahan dito ay “ang kayamanan ng lahat ng bansa,” ang mga taong inilapit niya sa dalisay na pagsamba. (Hag. 2:7; Juan 6:44) Sinisikap nilang isuot ang bagong personalidad, at tinutularan nila ang magagandang katangian ng Diyos. (Efe. 4:23, 24; 5:1, 2) Bilang tunay na mga mananamba, ginagawa nila ang buong makakaya nila sa paglilingkod sa kaniya para maluwalhati siya at mapatunayan na talagang mahal nila siya. (Roma 12:1, 2; 1 Juan 5:3) Siguradong masayang-masaya si Jehova kapag nakikita niyang sinisikap ng mga mananamba niya na pagandahin ang espirituwal na lupain. Isipin ito: Kung gagawin mong priyoridad ang dalisay na pagsamba, hindi mo lang mapagaganda ang espirituwal na paraiso—mapapasaya mo rin ang puso ni Jehova!—Kaw. 27:11.
Ang Lupain—Kailan, Bakit, at Paano Ito Lulusubin ni Gog?
15, 16. Kailan lulusubin ni Gog ng Magog ang ating ibinalik na espirituwal na lupain?
15 Hindi biro ang malapit nang mangyari sa pinakamamahal nating espirituwal na lupain—lulusubin ito ng isang koalisyon ng mga bansa! May epekto ito sa atin bilang tunay na mga mananamba ni Jehova, kaya gusto natin ng higit na impormasyon tungkol dito. Suriin natin ang tatlong tanong.
16 Kailan lulusubin ni Gog ng Magog ang ating ibinalik na espirituwal na lupain? Ito ang sagot ng hula: “Sa huling bahagi ng mga taon, lulusubin mo ang lupain.” (Ezek. 38:8) Ipinapahiwatig nito na mangyayari ang paglusob kapag malapit na ang wakas ng sistemang ito. Tandaan na ang malaking kapighatian ay magsisimula sa pagpuksa sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Matapos ang pagkapuksa ng mga relihiyosong organisasyon at bago magsimula ang Armagedon, isasagawa ni Gog ang kaniyang pinakamatindi at huling pagsalakay sa tunay na mga mananamba.
17, 18. Paano gagabayan ni Jehova ang mga bagay-bagay sa malaking kapighatian?
17 Bakit lulusubin ni Gog ang ibinalik na lupain ng tunay na mga mananamba ni Jehova? Isinisiwalat sa hula ni Ezekiel ang dalawang dahilan—una, gagabayan ito ni Jehova, at ikalawa, may masamang motibo si Gog.
18 Gagabayan ito ni Jehova. (Basahin ang Ezekiel 38:4, 16.) Sinabi ni Jehova kay Gog: “Lalagyan ko ng mga kawit ang mga panga mo,” at “ipasasalakay ko sa iyo ang lupain ko.” Ibig bang sabihin, pipilitin ni Jehova ang mga bansa na salakayin ang kaniyang mga mananamba? Siyempre hindi! Hinding-hindi niya gagawan ng masama ang bayan niya. (Job 34:12) Pero kilala niya ang mga kaaway niya—alam niyang mapopoot sila sa tunay na mga mananamba at lilipulin nila ang bayan niya kung may pagkakataon sila. (1 Juan 3:13) Para matiyak na mangyayari ang mga bagay-bagay ayon sa kalooban at itinakdang panahon niya, lalagyan ni Jehova ng mga kawit ang mga panga ni Gog, wika nga, at pasusunurin ito. Kapag napuksa na ang Babilonyang Dakila, posibleng painan ni Jehova ang mga bansa para isagawa nila kung ano talaga ang nasa puso nila. Sa gayon, maihahanda ni Jehova ang mga kalagayan para sa pagsalakay na hahantong sa Armagedon, ang pinakamatinding digmaan sa lupa. Pagkatapos, ililigtas niya ang bayan niya, dadakilain ang kaniyang soberanya, at pababanalin ang pangalan niya.—Ezek. 38:23.
Sisikapin ng mga bansa na pahintuin ang dalisay na pagsamba dahil napopoot sila rito at sa mga nagtataguyod nito
19. Bakit sisikapin ni Gog na pahintuin tayo sa pagsamba kay Jehova?
19 May masamang motibo si Gog. Ang mga bansa ay bubuo ng “masamang plano.” Maghahanap sila ng paraan para mailabas ang galit at poot nila sa mga mananamba ni Jehova, na mukhang madaling salakayin at para bang “naninirahan sa mga pamayanang walang pader, halang, o pintuang-daan.” Gustong-gusto rin nilang “makakuha ng maraming samsam” sa mga “lumalaki ang yaman.” (Ezek. 38:10-12) Anong “yaman”? Mayaman sa espirituwal ang bayan ni Jehova; ang pinakamahalagang kayamanan natin ay ang ating dalisay na pagsamba, na kay Jehova lang natin ibinibigay. Sisikapin ng mga bansa na pahintuin ang dalisay na pagsamba dahil napopoot sila rito at sa mga nagtataguyod nito.
20. Paano lulusubin ni Gog ang espirituwal na lupain, o paraiso?
20 Paano lulusubin ni Gog ang espirituwal na lupain, o paraiso? Baka tangkain ng mga bansa na guluhin ang ating Kristiyanong pamumuhay at pahintuin tayo sa ating pagsamba. Posibleng subukan nilang alisin ang suplay natin ng espirituwal na pagkain, hadlangan ang mga pagtitipon natin, sirain ang pagkakaisa natin, at patigilin ang masigasig nating paghahayag ng mensahe ng Diyos. Ang lahat ng iyon ang bumubuo sa espirituwal na paraiso. Sa panunulsol ni Satanas, susubukan ng mga bansa na lipulin ang tunay na mga mananamba—kasama na ang dalisay na pagsamba.
21. Bakit ka nagpapasalamat na binigyan tayo ni Jehova ng babala tungkol sa mga bagay na malapit nang mangyari?
21 Ang nalalapit na pagsalakay ni Gog ng Magog ay makakaapekto sa lahat ng tunay na mananamba na nasa espirituwal na lupaing ibinigay ng Diyos. Nagpapasalamat tayo na binigyan tayo ni Jehova ng babala tungkol sa mga bagay na malapit nang mangyari! Habang hinihintay ang malaking kapighatian, maging determinado sana tayong itaguyod ang dalisay na pagsamba at gawin itong priyoridad. Sa paggawa nito, mapagaganda natin ang lupain. At mapapahanay tayo sa mga makasasaksi sa isang kahanga-hangang pangyayari na malapit nang maganap: Ang pagtatanggol ni Jehova sa bayan niya at sa banal na pangalan niya sa Armagedon. Tatalakayin iyan sa susunod na kabanata.
a Sa susunod na kabanata, tatalakayin natin kung paano at kailan sisiklab ang matinding galit ni Jehova laban kay Gog ng Magog at kung ano ang kahulugan nito para sa tunay na mga mananamba.
b Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, Mayo 15, 2015, p. 29-30.
c Ipinapahiwatig sa Daniel 11:45 na pupuntiryahin ng hari ng hilaga ang bayan ng Diyos, dahil sinasabi rito na “itatayo [ng haring ito] ang maharlikang mga tolda niya sa pagitan ng malaking dagat [Mediteraneo] at ng banal na bundok ng Magandang Lupain [kung saan dating nakatayo ang templo ng Diyos at sumasamba ang bayan niya].”
d Binabanggit din sa Bibliya ang pagsalakay ng makabagong-panahong “Asiryano,” na magsisikap na lipulin ang bayan ng Diyos. (Mik. 5:5) Ang apat na pagsalakay sa bayan ng Diyos—ni Gog ng Magog, ng hari ng hilaga, ng mga hari sa lupa, at ng Asiryano—ay posibleng tumutukoy sa iisang pagsalakay.
e Tingnan ang Kabanata 22 para sa pagtalakay kung kanino tumutukoy ang “Gog at Magog” na binabanggit sa Apocalipsis 20:7-9.