Ikaanim na Kabanata
Paglutas sa Misteryo ng Malaking Punungkahoy
1. Ano ang nangyari kay Haring Nabucodonosor, na nagbabangon ng anong mga tanong?
PINAHINTULUTAN ni Jehova si Haring Nabucodonosor na maging isang pandaigdig na tagapamahala. Bilang monarka ng Babilonya, taglay niya ang malaking kayamanan, masaganang hapag, isang maringal na palasyo—lahat ng naisin niya sa materyal na paraan. Subalit biglang-bigla siyang dumanas ng kahihiyan. Dahilan sa pagkasira ng bait, si Nabucodonosor ay kumilos na parang isang hayop! Yamang itinaboy mula sa kaniyang maharlikang hapag at sa tahanan ng emperador, siya’y namuhay sa parang at kumain ng damo na gaya ng isang toro. Ano ang naging sanhi ng ganitong kalamidad? At bakit tayo dapat na maging interesado rito?—Ihambing ang Job 12:17-19; Eclesiastes 6:1, 2.
DINAKILA NG HARI ANG KATAAS-TAASAN
2, 3. Ano ang nais ng hari ng Babilonya para sa kaniyang mga nasasakupan, at paano niya minalas ang Kataas-taasang Diyos?
2 Di-nagtagal pagkatapos na siya’y gumaling mula sa ganap na pagkasira ng bait, si Nabucodonosor ay nagpadala sa buong nasasakupan niya ng isang kamangha-manghang ulat hinggil sa nangyari. Kinasihan ni Jehova ang propetang si Daniel na mag-ingat ng isang tumpak na ulat ng mga pangyayaring ito. Ito’y nagpasimula sa mga salitang ito: “Si Nabucodonosor na hari, sa lahat ng mga bayan, mga liping pambansa at mga wika na nananahanan sa buong lupa: Sumagana nawa ang inyong kapayapaan. Ang mga tanda at mga kababalaghan na isinagawa sa akin ng Kataas-taasang Diyos, inaakala kong mabuti na ipahayag iyon. Kay dakila ng kaniyang mga tanda, at napakamakapangyarihan ng kaniyang mga kababalaghan! Ang kaniyang kaharian ay isang kaharian hanggang sa panahong walang takda, at ang kaniyang pamamahala ay sa sali’t salinlahi.”—Daniel 4:1-3.
3 Ang mga nasasakupan ni Nabucodonosor ay “nananahanan sa buong lupa”—ang kaniyang imperyo ay sumasaklaw sa kalakhang bahagi ng daigdig na nakaulat sa Bibliya. Hinggil sa Diyos ni Daniel, ang hari ay nagsabi: “Ang kaniyang kaharian ay isang kaharian hanggang sa panahong walang takda.” Ang mga salitang ito ay tunay na dumakila kay Jehova sa buong Imperyo ng Babilonya! Bukod dito, ito ang ikalawang pagkakataon na ipinakita kay Nabucodonosor na ang Kaharian lamang ng Diyos ang walang hanggan at mananatili “hanggang sa panahong walang takda.”—Daniel 2:44.
4. May kaugnayan kay Nabucodonosor, paano nagsimula ang “mga tanda at mga kababalaghan” ni Jehova?
4 Anong “mga tanda at mga kababalaghan” ang isinagawa ng “Kataas-taasang Diyos”? Ito’y nagpasimula sa personal na karanasan ng hari na inilahad sa mga salitang ito: “Ako, si Nabucodonosor, ay panatag noon sa aking bahay at maunlad sa aking palasyo. Isang panaginip ang nakita ko, at ako ay natakot dito. At may mga larawang pangkaisipan sa aking higaan at mga pangitain sa aking ulo na tumakot sa akin.” (Daniel 4:4, 5) Ano ang ginawa ng hari ng Babilonya hinggil sa nakababagabag na panaginip na ito?
5. Paano minalas ni Nabucodonosor si Daniel, at bakit?
5 Ipinatawag ni Nabucodonosor ang marurunong na tao ng Babilonya at inilahad sa kanila ang panaginip. Subalit kay laki ng kanilang kabiguan! Hinding-hindi sila makapagbigay ng paliwanag. Dagdag pa ng ulat: “Sa dakong huli ay dumating sa harap ko si Daniel, na ang pangalan ay Beltesasar ayon sa pangalan ng aking diyos at siyang may espiritu ng mga banal na diyos; at sa harap niya ay sinabi ko kung ano ang panaginip.” (Daniel 4:6-8) Ang pangalan ni Daniel sa palasyo ay Beltesasar, at ang huwad na diyos na tinawag ng hari na “aking diyos” ay maaaring alinman kina Bel o Nebo o Marduk. Sa pagkakaroon ng maraming diyos, minalas ni Nabucodonosor si Daniel bilang isa na nagtataglay ng “espiritu ng mga banal na diyos.” At dahilan sa posisyon ni Daniel bilang prepekto sa lahat ng marurunong na tao ng Babilonya, tinukoy siya ng hari bilang ang “pinuno ng mga mahikong saserdote.” (Daniel 2:48; 4:9; ihambing ang Daniel 1:20.) Sabihin pa, hindi kailanman iniwan ng tapat na si Daniel ang pagsamba kay Jehova upang magsagawa ng mahiko.—Levitico 19:26; Deuteronomio 18:10-12.
ISANG PAGKALAKI-LAKING PUNUNGKAHOY
6, 7. Paano ninyo ilalarawan ang nakita ni Nabucodonosor sa kaniyang panaginip?
6 Ano ang nilalaman ng nakapangingilabot na panaginip ng hari ng Babilonya? “Ang mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan ay nakita ko,” sabi ni Nabucodonosor, “at, narito! isang punungkahoy sa gitna ng lupa, na ang taas ay pagkalaki-laki. Ang punungkahoy ay lumaki at tumibay, at sa kalaunan ay umabot sa langit ang taas nito, at ito ay nakikita hanggang sa dulo ng buong lupa. Ang mga dahon nito ay magaganda, at ang bunga nito ay marami, at may pagkain doon para sa lahat. Sa ilalim nito ay lumililim ang hayop sa parang, at sa mga sanga nito ay nananahanan ang mga ibon sa langit, at mula roon ay kumakain ang lahat ng laman.” (Daniel 4:10-12) Ayon sa ulat, si Nabucodonosor ay mahilig sa malalaking sedro ng Lebanon, nagtungo roon upang makita ang mga ito, at nagdala ng ilang tabla nito sa Babilonya. Subalit hindi pa siya nakakita kailanman ng gaya ng punungkahoy na kaniyang nakita sa panaginip. Ito’y naroroon sa pinakaprominenteng lugar “sa gitna ng lupa,” na nakikita sa buong lupa, at napakarami ng bunga anupat napakakain nito ang lahat ng laman.
7 Hindi lamang iyon ang panaginip, sapagkat idinagdag ni Nabucodonosor: “Ako ay patuloy na nakakita sa mga pangitain ng aking ulo sa aking higaan, at, narito! isang tagapagbantay, isa ngang banal, na bumababa mula sa langit. Sumigaw siya nang malakas, at ito ang kaniyang sinabi: ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy, at putulin ninyo ang mga sanga nito. Lagasin ninyo ang mga dahon nito, at pangalatin ninyo ang mga bunga nito. Paalisin ang hayop mula sa ilalim nito, at ang mga ibon mula sa mga sanga nito. Gayunman, iwan ninyo ang tuod nito sa lupa, na mayroon ngang bigkis na bakal at tanso, kasama ng damo sa parang; at bayaang mabasa ito ng hamog ng langit, at bayaang ang bahagi nito ay makasama ng hayop sa gitna ng pananim sa lupa.’”—Daniel 4:13-15.
8. Sino ang “tagapagbantay”?
8 Ang mga taga-Babilonya ay may sariling relihiyosong paniniwala hinggil sa mga espiritung nilalang na mabubuti at masasama. Subalit sino itong “tagapagbantay,” o tanod, mula sa langit? Dahil sa tawag na “isa [ngang] banal,” siya’y isang matuwid na anghel na kumakatawan sa Diyos. (Ihambing ang Awit 103:20, 21.) Isipin na lamang ang mga tanong na tiyak na bumagabag kay Nabucodonosor! Bakit ibubuwal ang punungkahoy na ito? Ano ang kabutihan kung bibigkisan ang tuod nito ng bakal at tanso upang pigilin ang paglaki nito? Sa katunayan, ano ang kabuluhan ng isang tuod lamang?
9. Sa simpleng salita, ano ang sinabi ng tagapagbantay, at anong mga tanong ang ibinabangon?
9 Walang pagsalang si Nabucodonosor ay lubhang namangha samantalang pinakikinggan niya ang sumusunod na mga salita ng tagapagbantay: “Bayaang mapalitan ang puso nito niyaong hindi sa tao, at puso ng hayop ang maibigay rito, at pitong panahon ang palipasin dito. Ayon sa kautusan ng mga tagapagbantay ang bagay na iyon, at ayon sa pananalita ng mga banal ang kahilingan, sa layon na malaman ng mga taong nabubuhay na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon at inilalagay niya sa ibabaw niyaon maging ang pinakamababa sa mga tao.” (Daniel 4:16, 17) Ang tuod ng isang punungkahoy ay hindi nagtataglay ng puso ng tao na pumipintig sa loob nito. Dahilan dito, paanong ang puso ng isang hayop ay maibibigay sa tuod ng isang punungkahoy? Ano ang “pitong panahon”? At paanong ang lahat ng ito ay may kaugnayan sa pamamahala “sa kaharian ng mga tao”? Tiyak na nais malaman ito ni Nabucodonosor.
MASAMANG BALITA PARA SA HARI
10. (a) Ayon sa Kasulatan, sa ano maaaring sumasagisag ang mga punungkahoy? (b) Ano ang kinakatawan ng malaking punungkahoy?
10 Nang marinig ang panaginip, si Daniel ay saglit na namangha, at pagkatapos ay natakot. Dahil sa panghihimok ni Nabucodonosor na ipaliwanag iyon, ang propeta ay nagsabi: “O panginoon ko, ang panaginip nawa ay tungkol sa mga napopoot sa iyo, at ang pakahulugan naman ay tungkol sa iyong mga kalaban. Ang punungkahoy na nakita mo, na lumaking lubha at tumibay . . . , ikaw iyon, O hari, sapagkat ikaw ay naging dakila at tumibay, at ang iyong karingalan ay naging dakila at umabot sa langit, at ang iyong pamamahala ay hanggang sa dulo ng lupa.” (Daniel 4:18-22) Sa Kasulatan, ang mga punungkahoy ay maaaring sumagisag sa mga indibiduwal, mga tagapamahala, at mga kaharian. (Awit 1:3; Jeremias 17:7, 8; Ezekiel, kabanata 31) Kagaya ng pagkalaki-laking punungkahoy sa kaniyang panaginip, si Nabucodonosor ay “lumaking lubha at tumibay” bilang ang ulo ng isang kapangyarihang pandaigdig. Subalit ang ‘pamamahala hanggang sa dulo ng lupa,’ na sumasaklaw sa buong kaharian ng mga tao, ay kinakatawan ng malaking punungkahoy. Ito kung gayon ay sumasagisag sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, lalo na kung tungkol sa kaugnayan nito sa lupa.—Daniel 4:17.
11. Paano ipinakita ng panaginip ng hari na siya’y daranas ng masaklap na pagbabago?
11 Isang masaklap na pagbabago ang naghihintay kay Nabucodonosor. Bilang pagtukoy sa magaganap na ito, idinagdag ni Daniel: “Sapagkat ang hari ay nakakita ng isang tagapagbantay, isa ngang banal, na bumababa mula sa langit, na nagsasabi rin: ‘Ibuwal ninyo ang punungkahoy, at sirain ninyo iyon. Gayunman, iwan ninyo ang tuod nito sa lupa, ngunit may bigkis na bakal at tanso, kasama ng damo sa parang, at bayaang mabasa ito ng hamog ng langit, at bayaang ang bahagi nito ay makasama ng mga hayop sa parang hanggang sa pitong panahon ang makalipas dito,’ ito ang pakahulugan, O hari, at ang kautusan ng Kataas-taasan ang siyang mangyayari sa panginoon kong hari.” (Daniel 4:23, 24) Tunay na kailangan ang tibay ng loob upang sabihin sa makapangyarihang hari ang mensaheng iyon!
12. Ano ang mangyayari kay Nabucodonosor?
12 Ano ang mangyayari kay Nabucodonosor? Isipin ang kaniyang reaksiyon nang idagdag ni Daniel: “Ikaw ay itataboy nila mula sa mga tao, at ang iyong pananahanan ay magiging kasama ng mga hayop sa parang, at pananim ang ibibigay nila upang kainin mong gaya ng mga toro; at sa hamog ng langit ay mababasa ka, at pitong panahon ang lilipas sa iyo, hanggang sa malaman mo na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao, at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon.” (Daniel 4:25) Sa malas maging ang mga opisyal sa palasyo ni Nabucodonosor ay ‘magtataboy sa kaniya mula sa mga tao.’ Subalit siya kaya’y aalagaan ng maawaing mga tagapag-alaga ng mga baka at pastol ng mga tupa? Hindi, sapagkat ipinag-utos ng Diyos na si Nabucodonosor ay maninirahang kasama “ng mga hayop sa parang,” at kakain ng mga pananim.
13. Ano ang ipinakikita ng punungkahoy sa panaginip na mangyayari sa posisyon ni Nabucodonosor bilang pandaigdig na tagapamahala?
13 Kung paanong ibinuwal ang punungkahoy, si Nabucodonosor ay ibabagsak mula sa pandaigdig na pamamahala—subalit sa loob lamang ng ilang panahon. Ipinaliwanag ni Daniel: “Sapagkat sinabi nila na iwan ang tuod ng punungkahoy, ang iyong kaharian ay tiyak na mapapasaiyo pagkatapos mong malaman na ang mga langit ay namamahala.” (Daniel 4:26) Sa panaginip ni Nabucodonosor ang tuod ng ibinuwal na punungkahoy ay binayaang manatili, bagaman ito ay binigkisan upang hindi ito tumubo. Gayundin, ang “tuod” ng hari ng Babilonya ay mananatili, bagaman binigkisan upang pigilan ang pagtubo nito sa loob ng “pitong panahon.” Ang kaniyang posisyon bilang isang pandaigdig na tagapamahala ay magiging gaya ng binigkisang tuod ng punungkahoy. Ito’y iingatang ligtas hanggang sa makalipas dito ang pitong panahon. Titiyakin ni Jehova na sa loob ng panahong iyon ay walang sinumang hahalili kay Nabucodonosor bilang solong tagapamahala ng Babilonya, bagaman ang kaniyang anak na ang pangala’y Evil-merodac ay marahil siyang umaktong tagapamahala para sa kaniya.
14. Ano ang ipinakiusap ni Daniel na dapat gawin ni Nabucodonosor?
14 Dahil sa inihula hinggil kay Nabucodonosor, may tibay-loob na nakiusap si Daniel: “Kaya nga, O hari, maging mabuti nawa sa iyong paningin ang aking payo, at alisin mo ang iyong mga kasalanan sa pamamagitan ng katuwiran, at ang iyong kaimbihan sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa sa mga dukha. Baka sakaling may maganap na pagpapahaba ng iyong kasaganaan.” (Daniel 4:27) Kung si Nabucodonosor ay hihiwalay sa kaniyang makasalanang landasin ng kalupitan at kapalaluan, marahil ay mababago nito ang mga bagay-bagay para sa kaniya. Tutal, mga dalawang siglo bago nito, determinado si Jehova na puksain ang mga tao sa Nineve, kabisera ng Asirya, subalit hindi niya ginawa iyon dahil sa nagsisi ang hari nito at ang kaniyang mga nasasakupan. (Jonas 3:4, 10; Lucas 11:32) Kumusta naman ang palalong si Nabucodonosor? Babaguhin kaya niya ang kaniyang mga daan?
ANG UNANG KATUPARAN NG PANAGINIP
15. (a) Anong saloobin ang patuloy na ipinamalas ni Nabucodonosor? (b) Ano ang ipinakikita ng mga inskripsiyon hinggil sa mga gawain ni Nabucodonosor?
15 Si Nabucodonosor ay nanatiling palalo. Sa paglalakad sa bubungan ng kaniyang palasyo mga 12 buwan pagkaraan ng kaniyang panaginip hinggil sa punungkahoy, siya’y naghambog: “Hindi ba ito ang Babilonyang Dakila, na ako mismo ang nagtayo para sa maharlikang bahay sa lakas ng aking kapangyarihan at para sa dangal ng aking karingalan?” (Daniel 4:28-30) Si Nimrod ang nagtatag ng Babilonya (Babel), subalit si Nabucodonosor ang nagbigay rito ng karilagan. (Genesis 10:8-10) Sa isa sa kaniyang mga inskripsiyon sa cuneiform, siya’y naghambog: “Si Nabucodonosor, Hari ng Babilonya, ang nagtayong-muli ng Esagila at Ezida, ako’y anak ni Nabopolassar. . . . Pinatibay ko ang mga kuta ng Esagila at Babilonya at itinatag ko ang ngalan ng aking paghahari magpakailanman.” (Archaeology and the Bible, ni George A. Barton, 1949, pahina 478-9) Ang isa pang inskripsiyon ay tumutukoy sa mga 20 templo na kaniyang kinumpuni o itinayo. “Sa ilalim ng pamamahala ni Nabucodonosor,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “ang Babilonya ay naging isa sa pinakamaringal na lunsod ng sinaunang daigdig. Sa kaniyang sariling mga ulat, bihira niyang banggitin ang kaniyang mga gawaing militar, subalit isinulat niya ang kaniyang mga proyekto sa pagtatayo at ang kaniyang pagbibigay ng atensiyon sa mga diyos ng Babilonya. Si Nabucodonosor ang malamang na nagtayo ng Nakabiting mga Hardin ng Babilonya, isa sa Pitong Kababalaghan ng Sinaunang Daigdig.”
16. Paanong si Nabucodonosor ay malapit nang mapahiya?
16 Bagaman siya’y naghambog, ang palalong si Nabucodonosor ay malapit nang mapahiya. Sinasabi ng kinasihang ulat: “Habang ang salita ay nasa bibig pa ng hari, isang tinig ang dumating mula sa langit: ‘Sa iyo ay sinasabi, O Nabucodonosor na hari, “Ang kaharian ay nahiwalay sa iyo, at mula sa mga tao ay itataboy ka nila, at ang iyong pananahanan ay magiging kasama ng mga hayop sa parang. Pananim ang ibibigay nila upang kainin mong gaya ng mga toro, at pitong panahon ang lilipas sa iyo, hanggang sa malaman mo na ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao, at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon.”’”—Daniel 4:31, 32.
17. Ano ang nangyari sa palalong si Nabucodonosor, at di-nagtagal ay nasumpungan niya ang sarili sa anong kalagayan?
17 Karaka-rakang naiwala ni Nabucodonosor ang kaniyang katinuan. Yamang itinaboy mula sa mga tao, siya’y kumain ng pananim “gaya ng mga toro.” Habang kasama ng mga hayop sa parang, tiyak na hindi lamang siya nauupo na walang ginagawa sa damuhan ng isang tila paraiso, na tinatamasa ang nakagiginhawang simoy ng hangin sa araw-araw. Sa makabagong Iraq, kung saan naroroon ang kagibaan ng Babilonya, ang temperatura ay tumataas ng 120 degrees Fahrenheit sa mga buwan ng tag-init bago bumababa pa sa pagyeyelo sa panahon ng taglamig. Dahil sa hindi naaasikaso at nakabilad sa mga elemento, ang mahaba, sala-salabid na buhok ni Nabucodonosor ay nagmukhang mga balahibo ng agila at ang kaniyang di-nagugupit na mga kuko ng kamay at paa ay naging gaya ng mga kuko ng mga ibon. (Daniel 4:33) Anong laking kahihiyan para sa palalong tagapamahalang ito sa daigdig!
18. Sa loob ng pitong panahon, ano ang naganap hinggil sa trono ng Babilonya?
18 Sa panaginip ni Nabucodonosor, ang malaking punungkahoy ay ibinuwal at ang tuod nito ay binigkisan upang huwag tumubo sa loob ng pitong panahon. Gayundin, si Nabucodonosor “ay ibinaba mula sa trono ng kaniyang kaharian” nang siya’y gawin ni Jehova na isang baliw. (Daniel 5:20) Sa diwa, binago nito ang puso ng hari mula sa pagiging isang tao tungo sa pagiging isang toro. Gayunman, pinanatili ng Diyos ang trono ni Nabucodonosor para sa kaniya hanggang sa matapos ang pitong panahon. Bagaman malamang na si Evil-merodac ang pansamantalang naging ulo ng pamahalaan, si Daniel ay naglingkod bilang “ang tagapamahala sa buong nasasakupang distrito ng Babilonya at punong prepekto sa lahat ng marurunong na tao ng Babilonya.” Ang kaniyang tatlong kasamang Hebreo ay patuloy na nakibahagi sa pangangasiwa sa mga gawain ng distritong iyon. (Daniel 1:11-19; 2:48, 49; 3:30) Ang apat na tapon ay naghintay sa pagsasauli kay Nabucodonosor sa trono bilang isang matinong hari na natuto na “ang Kataas-taasan ay Tagapamahala sa kaharian ng mga tao, at na sa isa na ibig niya ay ibinibigay niya iyon.”
ANG PANANAULI NI NABUCODONOSOR
19. Pagkatapos na isauli ni Jehova sa katinuan si Nabocodonosor, ano ang nakilala ng hari ng Babilonya?
19 Isinauli ni Jehova ang katinuan ni Nabucodonosor sa katapusan ng pitong panahon. Bilang pagkilala sa Kataas-taasang Diyos, sinabi ng hari: “Sa pagwawakas ng mga araw ako, si Nabucodonosor, ay nagtingala ng aking mga mata sa langit, at ang aking unawa ay nagsimulang manumbalik sa akin; at pinagpala ko ang Kataas-taasan, at ang Isa na buháy hanggang sa panahong walang takda ay pinuri ko at niluwalhati, sapagkat ang kaniyang pamamahala ay isang pamamahala hanggang sa panahong walang takda at ang kaniyang kaharian ay sa sali’t salinlahi. At ang lahat ng mga tumatahan sa lupa ay itinuturing lamang na walang kabuluhan, at ginagawa niya ang ayon sa kaniyang sariling kalooban sa gitna ng hukbo sa langit at ng mga tumatahan sa lupa. At walang sinumang umiiral ang makapipigil sa kaniyang kamay o makapagsasabi sa kaniya, ‘Ano ang ginagawa mo?’” (Daniel 4:34, 35) Oo, nakilala na rin ni Nabucodonosor na ang Kataas-taasan ang tunay na Soberanong Tagapamahala sa kaharian ng mga tao.
20, 21. (a) Paanong ang pag-aalis ng bigkis na metal sa palibot ng tuod ng punungkahoy sa panaginip ay kahalintulad sa nangyari kay Nabucodonosor? (b) Anong pagkilala ang ginawa ni Nabucodonosor, at siya ba’y naging isang mananamba ni Jehova dahilan dito?
20 Nang magbalik si Nabucodonosor sa kaniyang trono, para bang ang bigkis na metal sa palibot ng tuod ng punungkahoy sa panaginip ay inalis na. Hinggil sa kaniyang pananauli, sinabi niya: “Nang panahon ding iyon ang aking unawa ay nagsimulang manumbalik sa akin, at sa ikararangal ng aking kaharian ay nagsimulang manumbalik sa akin ang aking karingalan at ang aking kaningningan; at pinasimulan akong hanapin nang may pananabik maging ng aking matataas na maharlikang opisyal at ng aking mga taong mahal, at ako ay muling natatag sa aking sariling kaharian, at ang kadakilaang pambihira ay nadagdag sa akin.” (Daniel 4:36) Kung may sinuman sa mga opisyal ng palasyo na humamak sa haring nasiraan ng bait, kanila ngayong ‘hinahanap siya nang may pananabik’ taglay ang lubos na pagpapasakop.
21 Napakapambihirang “mga tanda at mga kababalaghan” ang isinagawa ng Kataas-taasang Diyos! Hindi nga tayo dapat na magtaka na ang isinauling hari ng Babilonya ay nagsabi: “At ako, si Nabucodonosor, ay pumupuri at dumadakila at lumuluwalhati sa Hari ng langit, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga gawa ay katotohanan at ang kaniyang mga daan ay katarungan, at sapagkat yaong mga lumalakad sa pagmamapuri ay kaniyang naibababa.” (Daniel 4:2, 37) Gayunman, ang gayong pagkilala ay hindi nagpangyari kay Nabucodonosor na maging isang Gentil na mananamba ni Jehova.
MAYROON BANG SEKULAR NA PATOTOO?
22. Anong karamdaman ang itinawag ng ilan sa pagkabaliw ni Nabucodonosor, subalit ano ang dapat nating maunawaan hinggil sa naging sanhi ng pagkasira ng kaniyang bait?
22 Ayon sa ilan, ang kabaliwan ni Nabucodonosor ay tinatawag na lycanthropy. Sinasabi ng isang medikal na diksyunaryo: “Ang LYCANTHROPY . . . mula sa [lyʹkos], lupus, lobo; [anʹthro·pos], homo, tao. Ang pangalang ito ang ibinigay sa sakit ng mga tao na naniniwalang sila’y nagbago tungo sa pagiging isang hayop, at na ginagaya ang boses o ungol, ang hugis o ugali ng hayop na iyon. Ang mga indibiduwal na ito ay karaniwang nag-iisip na sila’y naging isang lobo, isang aso o isang pusa; kung minsan ay isa ring toro, gaya ng kaso ni Nabucodonosor.” (Dictionnaire des sciences médicales, par une société de médicins et de chirurgiens, Paris, 1818, Tomo 29, pahina 246) Ang mga sintomas ng lycanthropy ay katulad niyaong baliw na kalagayan ni Nabucodonosor. Gayunman, yamang ang sakit niya sa isip ay mula sa Diyos, hindi ito tiyakang maiuugnay sa isang kilalang karamdaman.
23. Ano ang sekular na patotoo may kinalaman sa pagkasira ng bait ni Nabucodonosor?
23 Ang iskolar na si John E. Goldingay ay gumawa rin ng ilang pagbanggit sa pagkabaliw at pananauli ni Nabucodonosor. Halimbawa, sinabi niya: “Lumilitaw na ang isang bahagi ng tekstong cuneiform ay tumutukoy sa isang pagkasira ng bait sa bahagi ni Nabucodonosor, at kaypala’y tumutukoy rin sa pagpapabaya niya at pag-iiwan sa Babilonya.” Binanggit ni Goldingay ang isang dokumentong tinatawag na “Ang Job ng Babilonya” at sinasabing ito ay “nagpapatunay sa parusa ng Diyos, karamdaman, pagkapahiya, paghanap ng paliwanag sa isang nakapangingilabot na panaginip, pagkabuwal tulad ng isang punungkahoy, pagkataboy sa labas, pagkain ng damo, pagkawala ng unawa, pagiging gaya ng barakong baka, pagkakapaulan ni Marduk, pagpangit ng mga kuko, paghaba ng buhok, at paggapos sa kaniya, at pagkatapos ay ang pananauli na dahilan dito’y pinuri niya ang diyos.”
PITONG PANAHON NA NAKAAAPEKTO SA ATIN
24. (a) Ano ang isinasagisag ng malaking punungkahoy sa panaginip? (b) Ano ang pinigilan sa loob ng pitong panahon, at paano iyon nangyari?
24 Bilang kinakatawanan ng malaking punungkahoy, si Nabucodonosor ay sumasagisag sa pandaigdig na pamamahala. Subalit tandaan, ang punungkahoy ay kumakatawan sa pamamahala at soberanya na mas dakila pa kaysa sa hari ng Babilonya. Ito’y sumasagisag sa pansansinukob na soberanya ni Jehova, “ang Hari ng mga langit,” lalo na may kinalaman sa lupa. Bago ang pagkawasak ng Jerusalem sa kamay ng Babilonya, ang kaharian ay nakasentro sa lunsod na iyon kung saan si David at ang kaniyang mga tagapagmana ay nakaupo sa “trono ni Jehova” na kumakatawan sa soberanya ng Diyos may kinalaman sa lupa. (1 Cronica 29:23) Pinutol mismo ng Diyos ang gayong soberanya at binigkisan ito noong 607 B.C.E. nang gamitin niya si Nabucodonosor upang wasakin ang Jerusalem. Ang pagsasagawa ng soberanya ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng isang kaharian sa linya ni David ay pinigilan sa loob ng pitong panahon. Gaano kahaba ang pitong panahong ito? Kailan ito nagpasimula, at ano ang naging tanda ng pagwawakas nito?
25, 26. (a) Sa kaso ni Nabucodonosor, gaano kahaba ang “pitong panahon,” at bakit gayon ang iyong sagot? (b) Sa malaking katuparan, kailan at paano nagpasimula ang “pitong panahon”?
25 Sa panahon ng pagkabaliw ni Nabucodonosor, “ang kaniyang buhok ay humabang gaya ng mga balahibo ng mga agila at ang kaniyang mga kuko gaya ng mga kuko ng mga ibon.” (Daniel 4:33) Ito’y nangailangan ng mahigit pa sa pitong araw o pitong linggo. Ang iba’t ibang salin ay kababasahan ng “pitong panahon,” at ang mga kahalili ay “itinakdang (tiyak) mga panahon” o “mga yugto ng panahon.” (Daniel 4:16, 23, 25, 32) Ang ibang anyo ng Matandang Griego (Septuagint) ay kababasahan ng “pitong taon.” Ang “pitong panahon” ay itinuring na “pitong taon” ng unang-siglong Judiong istoryador na si Josephus. (Antiquities of the Jews, Aklat 10, Kabanata 10, parapo 6) At minalas ng ilang Hebreong iskolar ang “mga panahon” bilang “mga taon.” “Pitong taon” ang pagkakasalin ng An American Translation, Today’s English Version, at ng salin ni James Moffatt.
26 Maliwanag, ang “pitong panahon” ni Nabucodonosor ay sumasaklaw sa pitong taon. Sa hula, ang isang taon ay may katamtamang bilang na 360 araw, o 12 buwan na may 30 araw bawat isa.a (Ihambing ang Apocalipsis 12:6, 14.) Kaya ang “pitong panahon” ng hari, o pitong taon, ay 360 araw na pinarami nang 7, o 2,520 araw. Subalit ano naman ang tungkol sa malaking katuparan ng kaniyang panaginip? Ang makahulang “pitong panahon” ay mas mahaba pa kaysa sa 2,520 araw. Ito’y ipinakita ng mga salita ni Jesus: “Ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa, hanggang sa ang itinakdang panahon ng mga bansa ay matupad.” (Lucas 21:24) Ang ‘pagyurak’ na iyon ay nagpasimula noong 607 B.C.E. nang mawasak ang Jerusalem at ang tipikong kaharian ng Diyos ay hindi na nagpatuloy pa sa pamamahala sa Juda. Kailan matatapos ang pagyurak? Sa “mga panahon ng pagsasauli ng lahat ng mga bagay,” kapag ang soberanya ng Diyos ay muling nahayag sa lupa sa pamamagitan ng makasagisag na Jerusalem, ang Kaharian ng Diyos.—Gawa 3:21.
27. Bakit mo masasabing ang “pitong panahon” na nagpasimula noong 607 B.C.E. ay hindi nagwakas pagkatapos ng literal na 2,520 araw?
27 Kung tayo’y bibilang ng 2,520 literal na mga araw mula sa pagkawasak ng Jerusalem noong 607 B.C.E., ito’y magdadala lamang sa atin sa 600 B.C.E., isang taon na walang anumang kahalagahan sa Kasulatan. Kahit na noong 537 B.C.E., nang ang pinalayang mga Judio ay makabalik sa Juda, ang soberanya ni Jehova ay hindi nahayag sa lupa. Ito’y totoo dahilan sa si Zerubbabel, ang tagapagmana sa trono ni David, ay hindi ginawang hari kundi gobernador lamang ng Persianong lalawigan ng Juda.
28. (a) Anong tuntunin ang dapat ikapit sa 2,520 araw ng makahulang “pitong panahon”? (b) Gaano katagal ang makahulang “pitong panahon,” at anong petsa ang naging tanda ng pagsisimula at pagwawakas nito?
28 Yamang ang “pitong panahon” ay makahula, kailangan nating ikapit sa 2,520 araw ang tuntunin ng Kasulatan: “Isang araw para sa isang taon.” Ang tuntuning ito ay itinakda sa isang hula hinggil sa pagkubkob ng Babilonya sa Jerusalem. (Ezekiel 4:6, 7; ihambing ang Bilang 14:34.) Kung gayon, ang “pitong panahon” ng pamamahala sa lupa ng mga kapangyarihang Gentil nang walang paghadlang ng Kaharian ng Diyos ay may lawig na 2,520 taon. Ang mga ito’y nagpasimula nang maging tiwangwang ang Juda at Jerusalem noong ikapitong buwang lunar (Tishri 15) ng 607 B.C.E. (2 Hari 25:8, 9, 25, 26) Mula roon hanggang 1 B.C.E ay 606 taon. Ang natitirang 1,914 na taon mula noon ay aabot hanggang 1914 C.E. Kaya, ang “pitong panahon,” o 2,520 taon, ay nagtapos noong Tishri 15, o Oktubre 4/5, 1914 C.E.
29. Sino “ang pinakamababa sa mga tao,” at ano ang ginawa ni Jehova upang siya’y iluklok?
29 Nang taóng iyon “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay natupad, at ibinigay ng Diyos ang pamamahala sa “pinakamababa sa mga tao”—si Jesu-Kristo—na itinuring na pinakahamak ng kaniyang mga kaaway anupat siya’y kanilang ipinapako. (Daniel 4:17) Upang iluklok ang Mesiyanikong Hari, kinalag ni Jehova ang makasagisag na mga pamigkis na bakal at tanso sa palibot ng “tuod” ng kaniyang soberanya. Kaya pinahintulutan ng Kataas-taasang Diyos ang isang maharlikang “sibol” na tumubo mula rito bilang kapahayagan ng soberanya ng Diyos sa lupa sa pamamagitan ng makalangit na Kaharian sa mga kamay ng pinakadakilang Tagapagmana ni David, si Jesu-Kristo. (Isaias 11:1, 2; Job 14:7-9; Ezekiel 21:27) Anong laking pasasalamat natin kay Jehova para sa pinagpalang kinalabasan ng mga pangyayari at sa paglutas sa misteryo ng malaking punungkahoy!
[Talababa]
a Ang isang taóng lunar ay 11 araw ang kaiklian sa isang katamtamang taóng solar. Upang pagtamain ang mga kalendaryong lunar at solar, isang ika-13 buwan na may 29 na araw ang idinaragdag sa ilang mga taon nang pitong ulit sa bawat yugto na may 19 na taon.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang isinasagisag ng malaking punungkahoy sa panaginip ni Nabucodonosor?
• Ano ang nangyari kay Nabucodonosor sa unang katuparan ng kaniyang panaginip tungkol sa punungkahoy?
• Pagkatapos na matupad ang kaniyang panaginip, anong pagkilala ang ginawa ni Nabucodonosor?
• Sa malaking katuparan ng makahulang punungkahoy sa panaginip, gaano kahaba ang “pitong panahon,” at kailan ito nagsimula at nagwakas?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 83]
[Buong-panahong larawan sa pahina 91]