AKUSASYON
Isang paratang ng masamang gawa. Ang akusado ay pinapagsusulit.
Ang isang salitang Hebreo na isinalin bilang “akusasyon” (sit·nahʹ) ay nagmula sa pandiwang salitang-ugat na sa·tanʹ, nangangahulugang “sumalansang.” (Ezr 4:6; ihambing ang Zac 3:1.) Ang pinakakaraniwang salitang Griego para sa “akusahan” ay ka·te·go·reʹo, na may ideya ng ‘pagsasalita nang laban’ sa isang tao, kadalasa’y sa diwang hudisyal o legal. (Mar 3:2; Luc 6:7) Sa Lucas 16:1, ang salitang Griego na di·a·balʹlo, isinalin bilang ‘akusahan,’ ay maaari ring isalin bilang ‘siraang-puri.’ (Int) Nauugnay ito sa di·aʹbo·los (maninirang-puri), ang salitang-ugat ng salitang “Diyablo.”
Ang terminong Griego na isinaling ‘akusahan nang may kabulaanan’ sa Lucas 3:14 (sy·ko·phan·teʹo) ay isinasalin sa Lucas 19:8 bilang ‘kikilin sa pamamagitan ng bulaang akusasyon.’ Literal itong nangangahulugang “kunin sa pamamagitan ng pagpapakita ng igos.” Ang isa sa iba’t ibang paliwanag hinggil sa pinagmulan ng salitang ito ay na sa sinaunang Atenas, ipinagbabawal ang pagluluwas ng mga igos mula sa probinsiya. Ang isa na nagsusumbong tungkol sa iba, anupat inaakusahan sila ng pagtatangkang magluwas ng mga igos, ay tinaguriang isang “tagapagpakita ng mga igos.” Nang maglaon, ang terminong ito ay tumukoy sa isang masamang impormante, isang taong nag-aakusa sa iba dahil sa pag-ibig sa pakinabang, isang bulaang tagapag-akusa, isang blackmailer.
Maaaring ang isa ay hingan ng sulit at paratangan ng masamang gawa, bagaman siya’y lubusang walang-sala at walang kapintasan, anupat biktima ng isang bulaang tagapag-akusa. Kaya naman, inilahad ng kautusang Hebreo ang pananagutan ng bawat isa sa bansa na papanagutin ang mga manggagawa ng kamalian, at kasabay nito’y naglaan ito ng sapat na proteksiyon para sa akusado. Makikita sa ilang halimbawa mula sa Kautusang Mosaiko ang mga simulaing ito. Kung ang isang tao ay may nalalaman tungkol sa isang krimen, kailangan niyang dalhin ang akusasyon sa harap ng wastong mga awtoridad. (Lev 5:1; 24:11-14) Ang mga awtoridad naman ay ‘magsasaliksik at magsisiyasat at mag-uusisa nang lubusan’ sa mga akusasyon upang matiyak kung ang mga ito ay totoo bago sila maglapat ng kaparusahan. (Deu 13:12-14) Hindi dapat ipaglihim ng isang nakasaksi ang isang masamang gawa at dapat siyang magharap ng akusasyon laban sa isa na may-sala, kahit na ang taong iyon ay isang malapit na kamag-anak gaya ng isang kapatid, anak na lalaki, anak na babae, o asawa. (Deu 13:6-8; 21:18-20; Zac 13:3) Kailangan ang patotoo ng dalawa o tatlong saksi, hindi lamang ang salita ng iisang tagapag-akusa.—Bil 35:30; Deu 17:6; 19:15; Ju 8:17; Heb 10:28.
Sa Kautusan ni Moises, ang akusado ay binibigyan din ng karapatang harapin ang kaniyang tagapag-akusa sa isang hukuman ng katarungan upang lubusang mapatunayan kung totoo ang mga paratang. (Deu 19:16-19; 25:1) Ang isang magandang halimbawa nito ay ang kaso ng dalawang patutot na humarap sa marunong na si Haring Solomon upang mapagpasiyahan niya kung sino sa kanila ang ina ng dala nilang sanggol.—1Ha 3:16-27.
Kahilingan din ng batas Romano na ang mga tagapag-akusa ay humarap sa hukuman. Kaya naman noong nililitis ang mamamayang Romano na si Pablo sa harap ng mga gobernador na sina Felix at Festo, ang kaniyang mga tagapag-akusa ay inutusan ding humarap doon. (Gaw 22:30; 23:30, 35; 24:2, 8, 13, 19; 25:5, 11, 16, 18) Gayunman, ang pagharap ni Pablo kay Cesar sa Roma ay dahil sa kaniyang sariling pag-apela upang siya’y mapawalang-sala, at hindi upang akusahan ang kaniyang sariling bansa. (Gaw 28:19) Hindi si Pablo, ni si Jesus, kundi si Moises, sa pamamagitan ng kaniyang paggawi at ng kaniyang isinulat, ang nag-akusa sa bansang Judio ng paggawa ng masama.—Ju 5:45.
Tatlong Hebreo ang inakusahan ng hindi pagsamba sa gintong imahen ni Nabucodonosor at inihagis sa hurno. Totoo ang akusasyong iyon, bagaman salig iyon sa isang masamang batas. Gayunman, hindi sila nagkasala ng anumang masamang gawa, at nang umapela sila sa Kataas-taasang Hukuman ng Langit, sila’y pinawalang-sala ni Jehova. (Dan 3:8-25) Sa katulad na paraan, si Daniel ay iniligtas sa kamatayan, at ang mga tagapag-akusa na bumuo ng pakana laban sa kaniya ay inihagis sa mga leon. (Dan 6:24) Sa dalawang ulat na ito, ang salitang “nag-akusa” ay salin ng pariralang Aramaiko na literal na nangangahulugang “kumain ng mga piraso [ng laman na nilapa mula sa katawan],” at maaari rin itong isalin bilang “nanirang-puri.” (Dan 3:8; 6:24; mga tlb sa Rbi8) Ang mga sumasalansang sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem ay sumulat ng isang liham na nag-aakusa ng masamang gawa sa mga tagapagtayo, at dahil sa bulaang akusasyong iyon, ipinatupad ang isang pagbabawal sa gawain, isang pagbabawal na nang maglaon ay napatunayang labag sa batas. (Ezr 4:6–6:12) Sa katulad na paraan, ang mga lider ng relihiyon ay naghanap ng mga paraan upang maakusahan si Jesus bilang isang manlalabag-batas. (Mat 12:10; Luc 6:7) Nang dakong huli ay nagtagumpay silang maipaaresto ang taong ito na walang-sala, at sa paglilitis, gayon na lamang katindi ang kanilang bulaang akusasyon laban sa Isa na Matuwid, si Jesus. (Mat 27:12; Mar 15:3; Luc 23:2, 10; Ju 18:29) Ipinakikita ng mga halimbawang ito na maling-mali ang mag-akusa sa iba nang may kabulaanan, lalo na kung ang mga tagapag-akusa ay nasa mga posisyong may awtoridad.—Luc 3:14; 19:8.
Sa kongregasyong Kristiyano, ang mga tagapangasiwa at mga ministeryal na lingkod ay hindi lamang dapat na maging walang-sala sa pagpapatotoo nang may kabulaanan laban sa iba kundi sila mismo ay dapat na maging malaya sa akusasyon. (1Ti 3:10; Tit 1:6) Samakatuwid, kung may mga akusasyong inihaharap laban sa isang matandang lalaki, dapat na may dalawa o tatlong saksi na magpapatotoo sa mga ito. (Mat 18:16; 2Co 13:1; 1Ti 5:19) Ang buong kongregasyon ay dapat na malaya sa akusasyon (1Co 1:8; Col 1:22), bagaman hindi ito nangangahulugan na magiging malaya sila sa mga bulaang akusasyon, yamang ang mahigpit na Kalaban na si Satanas na Diyablo “ang tagapag-akusa sa ating mga kapatid . . . na siyang umaakusa sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!”—Apo 12:10.