Ikatlong Kabanata
Sinubok—Ngunit Tapat kay Jehova!
1, 2. Anong mahahalagang pangyayari ang nagsilbing pambungad sa ulat ng Daniel?
ANG telon ay itinataas na sa makahulang aklat ng Daniel sa isang panahon ng mahalagang pagbabago sa tanawin ng daigdig. Katatapos pa lamang na maranasan ng Asirya ang pagkawasak ng kabisera nito, ang Nineve. Ang katayuan ng Ehipto ay hindi na masyadong prominente at limitado na lamang sa dakong timog ng lupain ng Juda. At ang Babilonya ay mabilis na bumabangon bilang pangunahing kapangyarihan sa pagsisikap na mangibabaw sa daigdig.
2 Noong 625 B.C.E., ang Ehipsiyong si Paraon Neco ay gumawa ng pangwakas na pagsisikap upang hadlangan ang paglawak ng Babilonya tungo sa timog. Upang maisakatuparan ito, pinangunahan niya ang kaniyang hukbo sa Carchemish, na nasa mga pampang ng itaas na bahagi ng Ilog Eufrates. Ang digmaan ng Carchemish, gaya ng naging tawag dito, ay isang napakahalaga at makasaysayang pangyayari. Ang hukbo ng Babilonya, sa pangunguna ng Tagapagmanang Prinsipe na si Nabucodonosor, ay nagpataw ng isang matinding dagok sa mga puwersa ni Paraon Neco. (Jeremias 46:2) Dahilan sa kaniyang mapusok na pananagumpay, sinamantala ni Nabucodonosor na salakayin ang Sirya at Palestina, ukol sa layuning wakasan ang pamamahala ng Ehipto sa rehiyong ito. Ang kamatayan lamang ng kaniyang ama, si Nabopolassar, ang pansamantalang nagpahinto sa kaniyang pananalakay.
3. Ano ang kinalabasan ng unang kampanya ni Nabucodonosor laban sa Jerusalem?
3 Nang sumunod na taon, si Nabucodonosor—ngayo’y nakaluklok nang hari ng Babilonya—ay muling nagbaling ng kaniyang pansin sa kaniyang kampanyang militar sa Sirya at Palestina. Sa panahong ito siya’y nagtungo sa Jerusalem sa unang pagkakataon. Ang Bibliya ay nag-uulat: “Nang kaniyang mga araw si Nabucodonosor na hari ng Babilonya ay umahon, kung kaya si Jehoiakim ay naging lingkod niya sa loob ng tatlong taon. Gayunman, siya’y bumaling at naghimagsik laban sa kaniya.”—2 Hari 24:1.
SI NABUCODONOSOR SA JERUSALEM
4. Paano uunawain ang pananalitang “nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim” sa Daniel 1:1?
4 Ang pananalitang “sa loob ng tatlong taon” ay may pantanging interes sa atin, yamang ang pambungad na pananalita ni Daniel ay kababasahan: “Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, si Nabucodonosor na hari ng Babilonya ay dumating sa Jerusalem at kinubkob iyon.” (Daniel 1:1) Noong ikatlong taon ng kumpletong paghahari ni Jehoiakim, na nagpuno mula 628 hanggang 618 B.C.E., si Nabucodonosor ay hindi pa “ang hari ng Babilonya” kundi isang tagapagmanang prinsipe lamang. Noong 620 B.C.E., sapilitang pinagbayad ni Nabucodonosor ng buwis si Jehoiakim. Subalit pagkaraan ng mga tatlong taon, si Jehoiakim ay naghimagsik. Kaya, ito’y noong 618 B.C.E., o noong ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim bilang basalyo ng Babilonya, nang magtungo si Haring Nabucodonosor sa Jerusalem sa ikalawang pagkakataon, upang parusahan ang mapaghimagsik na si Jehoiakim.
5. Ano ang kinalabasan ng ikalawang kampanya ni Nabucodonosor laban sa Jerusalem?
5 Ang kinalabasan ng pangungubkob na ito ay na “nang maglaon ay ibinigay ni Jehova sa kaniyang kamay si Jehoiakim na hari ng Juda at ang iba sa mga kagamitan ng bahay ng tunay na Diyos.” (Daniel 1:2) Malamang na napatay si Jehoiakim, alinman sa pamamagitan ng pataksil na pagpatay o sa isang paghihimagsik, sa unang mga araw ng pangungubkob. (Jeremias 22:18, 19) Noong 618 B.C.E., ang kaniyang 18-taong gulang na anak na lalaki, si Jehoiakin, ang humalili sa kaniya bilang hari. Subalit ang pamamahala ni Jehoiakin ay tumagal lamang ng tatlong buwan at sampung araw, at siya’y sumuko noong 617 B.C.E.—Ihambing ang 2 Hari 24:10-15.
6. Ano ang ginawa ni Nabucodonosor sa mga sagradong kagamitan ng templo sa Jerusalem?
6 Kinuha ni Nabucodonosor bilang samsam ang sagradong mga kagamitan ng templo sa Jerusalem at “dinala niya ang mga iyon sa lupain ng Sinar sa bahay ng kaniyang diyos; at ang mga kagamitan ay dinala niya sa imbakang-yaman ng kaniyang diyos,” na si Marduk, o Merodac sa Hebreo. (Daniel 1:2; Jeremias 50:2) Isang Babilonikong inskripsiyon ang natuklasan na doo’y ipinakikitang si Nabucodonosor ay nagsasabi ng ganito hinggil sa templo ni Marduk: “Nag-imbak ako sa loob ng pilak at ginto at ng mahahalagang bato . . . at inilagay ko roon ang imbakang-yaman ng aking kaharian.” Ating babasahing muli ang tungkol sa banal na mga kagamitang ito sa kaarawan ni Haring Belsasar.—Daniel 5:1-4.
ANG MGA PILING KABATAAN NG JERUSALEM
7, 8. Mula sa Daniel 1:3, 4, at Dan 1:6, ano ang ating mahihinuha hinggil sa pinagmulan ni Daniel at ng kaniyang tatlong kasama?
7 Higit pa sa mga kayamanan ni Jehova sa templo ang dinala sa Babilonya. Wika ng ulat: “At sinabi ng hari kay Aspenaz na kaniyang punong opisyal ng korte na dalhin ang ilan sa mga anak ni Israel at sa mga maharlikang supling at sa mga taong mahal, mga bata na walang anumang kapintasan, kundi may mabuting anyo at may kaunawaan sa lahat ng karunungan at may kabatiran sa kaalaman, at may unawa sa mga bagay na nalalaman, na sila rin ay may kakayahang tumayo sa palasyo ng hari.”—Daniel 1:3, 4.
8 Sino ang mga pinili? Sinabi sa atin: “At kasama nga sa kanila ang ilan sa mga anak ni Juda, sina Daniel, Hananias, Misael at Azarias.” (Daniel 1:6) Ito’y nagdaragdag ng kaunting liwanag sa di-malinaw na pinagmulan ni Daniel at ng kaniyang mga kasama. Halimbawa, ating nakita na sila’y “mga anak ni Juda,” ang makaharing tribo. Sila ma’y mula sa maharlikang hanay o hindi, makatuwirang isipin sa paano man na sila’y mula sa importante at maimpluwensiyang mga pamilya. Bukod sa pagiging malusog ang isipan at katawan, sila’y may kaunawaan, karunungan, kaalaman, at pagkaunawa—lahat ng ito habang sila’y nasa murang edad pa anupat matatawag na “mga bata,” marahil ay tumutuntong pa lamang sila sa pagkatin-edyer. Si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay maaaring namumukod-tangi—mga pilí—mula sa mga kabataan sa Jerusalem.
9. Bakit waring matitiyak na si Daniel at ang kaniyang tatlong kasama ay may mga magulang na natatakot sa Diyos?
9 Ang ulat ay hindi nagsasabi sa atin kung sino ang mga magulang ng mga kabataang ito. Gayunman, waring tiyak naman na sila’y makadiyos na mga indibiduwal na taimtim na nagsabalikat ng kanilang mga pananagutan bilang mga magulang. Kapag isinasaalang-alang ang laganap na pagbaba ng moralidad at espirituwalidad sa Jerusalem nang panahong iyon, lalo na ‘ng maharlikang supling at mga mahal na tao,’ maliwanag na ang napakaiinam na katangiang nasumpungan kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasama ay hindi lumitaw nang basta na lamang. Walang alinlangan, masakit sa kalooban ng mga magulang na makitang ang kanilang mga anak ay dinadala sa isang malayong lupain. Kung kaya lamang nilang hulaan kung ano ang mangyayari, malamang na gayon na lamang ang kanilang pagmamalaki! Gaano kahalaga nga para sa mga magulang na palakihin ang kanilang mga anak “sa disiplina at pangkaisipang-pagtutuwid ni Jehova”!—Efeso 6:4.
ISANG PAGBABAKA PARA SA KAISIPAN
10. Ano ang itinuro sa mga kabataang Hebreo, at ano ang layunin nito?
10 Karaka-raka, nagpasimula ang isang pagbabaka para sa murang isipan ng mga tapong ito. Upang matiyak na ang mga tin-edyer na Hebreo ay mahuhubog sa sistema ng Babilonya, ipinag-utos ni Nabucodonosor sa kaniyang mga opisyal na “ituro sa kanila ang sulat at ang wika ng mga Caldeo.” (Daniel 1:4) Hindi ito isang pangkaraniwang edukasyon. Ang The International Standard Bible Encyclopedia ay nagpapaliwanag na ito’y “binubuo ng pag-aaral ng Sumeriano, Akkadiano, Aramaiko . . . , at iba pang mga wika, gayundin ang detalyadong literatura na isinulat sa mga ito.” Ang “detalyadong literatura” ay binubuo ng kasaysayan, matematika, astronomiya, at iba pa. Gayunman, “ang kaugnay na mga tekstong relihiyoso, kapuwa omina [mga signo] at astrolohiya . . . , ay gumaganap ng isang malaking bahagi rito.”
11. Anong mga hakbangin ang isinagawa upang matiyak na ang mga kabataang Hebreo ay mahuhubog sa pamumuhay sa korte ng Babilonya?
11 Upang ganap na mahubog ang mga kabataang Hebreong ito sa kostumbre at kultura ng pamumuhay sa korte ng Babilonya, “nagtakda ang hari ng pang-araw-araw na panustos mula sa masasarap na pagkain ng hari at mula sa kaniyang iniinom na alak, upang maalagaan nga sila nang tatlong taon, at sa pagwawakas ng mga ito ay makatayo sila sa harap ng hari.” (Daniel 1:5) Karagdagan pa, “nagtalaga ng mga pangalan ang pangunahing opisyal ng korte. Kaya itinalaga niya kay Daniel ang pangalang Beltesasar; at kay Hananias ay Sadrac; at kay Misael ay Mesac; at kay Azarias ay Abednego.” (Daniel 1:7) Noong kaarawan ng Bibliya isang karaniwang kaugalian para sa isang tao na bigyan ng isang bagong pangalan upang tandaan ang isang mahalagang pangyayari sa kaniyang buhay. Halimbawa, pinalitan ni Jehova ang pangalan nina Abram at Sarai ng Abraham at Sara. (Genesis 17:5, 15, 16) Ang pagpapalit ng isang tao sa pangalan ng sinuman ay nagpapakita ng malinaw na ebidensiya ng awtoridad o kapangyarihan. Nang si Jose ay maging administrador ng pagkain sa Ehipto, nginanlan siya ni Paraon ng Zaphenath-paneah.—Genesis 41:44, 45; ihambing ang 2 Hari 23:34; 24:17.
12, 13. Bakit masasabing ang pagpapalit sa mga pangalan ng mga kabataang Hebreo ay isang pagsisikap upang sirain ang kanilang pananampalataya?
12 Sa kaso ni Daniel at ng kaniyang tatlong kaibigang Hebreo, ang pagpapalit ng pangalan ay mahalaga. Ang mga pangalang ibinigay sa kanila ng kanilang mga magulang ay kasuwato ng pagsamba kay Jehova. Ang “Daniel” ay nangangahulugang “Diyos ang Aking Hukom.” Ang kahulugan ng “Hananias” ay “Si Jehova ay Nagpakita ng Pagsang-ayon.” Ang “Misael” ay malamang na nangangahulugang “Sino ang Gaya ng Diyos?” Ang “Azarias” ay nangangahulugang “Si Jehova ay Tumulong.” Walang pagsalang ang marubdob na hangarin ng kanilang mga magulang ay ang lumaki ang kanilang mga anak sa ilalim ng patnubay ng Diyos na Jehova upang maging kaniyang tunay at tapat na mga lingkod.
13 Gayunman, ang ibinigay na bagong mga pangalan sa apat na Hebreo ay may malapit na kaugnayan sa huwad na mga diyos, na nagbibigay ng impresyon na ang tunay na Diyos ay nasupil ng gayong mga diyos. Isang napakatusong pakana upang sirain ang pananampalataya ng mga kabataang ito!
14. Ano ang kahulugan ng mga bagong pangalan na ibinigay kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasama?
14 Ang pangalan ni Daniel ay pinalitan ng Beltesasar, na nangangahulugang “Ipagsanggalang ang Buhay ng Hari.” Maliwanag, ito’y isang pinaikling anyo ng pamamanhik kay Bel, o Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya. Kung may kinalaman si Nabucodonosor sa pagpili ng pangalang ito para kay Daniel o wala, may pagmamalaki niyang kinilala na ito ay “ayon sa pangalan ng [kaniyang] diyos.” (Daniel 4:8) Pinalitan ang pangalan ni Hananias ng Sadrac, na pinaniniwalaan ng ilang awtoridad na isang tambalang pangalan na nangangahulugan ng “Utos ni Aku.” Kapuna-puna, ang Aku ay pangalan ng isang Sumerianong diyos. Pinalitan ang pangalan ni Misael ng Mesac (malamang, Mi·sha·aku), maliwanag na isang tusong pagpilipit ng “Sino ang Gaya ng Diyos?” tungo sa “Sino ang Gaya ni Aku?” Ang pangalan ni Azarias sa Babilonya ay Abednego, na malamang na nangangahulugang “Lingkod ni Nego.” At ang “Nego” ay isa pang anyo ng “Nebo,” ang pangalan ng isang diyos na ipinangalan din sa maraming tagapamahala ng Babilonya.
DETERMINADONG MANATILING TAPAT KAY JEHOVA
15, 16. Anong mga panganib ang napapaharap ngayon kay Daniel at sa kaniyang mga kasama, at ano ang kanilang naging reaksiyon?
15 Ang mga pangalang Babiloniko, ang programa sa panibagong edukasyon, at ang espesyal na klase ng pagkain—ang lahat ng ito ay isang pagtatangka hindi lamang upang hubugin si Daniel at ang tatlong kabataang Hebreo sa paraan ng pamumuhay ng mga taga-Babilonya kundi upang ihiwalay rin sila sa kanilang sariling Diyos, si Jehova, at mula sa kanilang relihiyosong pagsasanay at pinagmulan. Sa harap ng lahat ng panggigipit at pagsubok na ito, ano ang gagawin ng tatlong kabataang ito?
16 Ang kinasihang ulat ay nagsasabi: “Ipinasiya ni Daniel sa kaniyang puso na hindi niya durumhan ang kaniyang sarili sa masasarap na pagkain ng hari at sa kaniyang iniinom na alak.” (Daniel 1:8a) Bagaman si Daniel lamang ang binanggit sa pangalan, maliwanag na batay sa sumunod na mga pangyayari, sinuportahan ng kaniyang tatlong kasama ang kaniyang pasiya. Ang mga salitang ‘ipinasiya sa kaniyang puso’ ay nagpapakita na ang tagubiling ibinigay ng mga magulang ni Daniel at ng iba pa noong siya’y nasa kanila ay nakaabot sa kaniyang puso. Ang gayunding pagsasanay ay walang alinlangang pumatnubay sa tatlo pang Hebreo sa kanilang pagpapasiya. Ito’y maliwanag na nagpapakita sa kahalagahan ng pagtuturo sa ating mga anak, kahit na sila’y waring napakabata pa upang makaunawa.—Kawikaan 22:6; 2 Timoteo 3:14, 15.
17. Bakit ang tinanggihan lamang ni Daniel at ng kaniyang mga kasama ay ang pang-araw-araw na mga probisyon ng hari at hindi ang iba pang mga kaayusan?
17 Bakit ang tinanggihan lamang ng mga kabataang Hebreong ito ay ang masasarap na pagkain at alak subalit hindi ang iba pang mga kaayusan? Maliwanag na ipinakikita ng pangangatuwiran ni Daniel ang dahilan: “Hindi niya durumhan ang kaniyang sarili.” Ang matutuhan “ang sulat at ang wika ng mga Caldeo” at ang mabigyan ng isang Babilonikong pangalan, bagaman hindi kanais-nais, ay hindi naman nagpaparumi sa isang tao. Isaalang-alang ang halimbawa ni Moises, halos 1,000 taon ang kaagahan. Bagaman siya’y “tinuruan sa lahat ng karunungan ng mga Ehipsiyo,” siya’y nanatiling tapat kay Jehova. Ang pagpapalaki sa kaniya ng kaniyang sariling mga magulang ay nagbigay sa kaniya ng matatag na pundasyon. Dahil dito, “sa pananampalataya si Moises, nang malaki na, ay tumanggi na tawaging anak ng anak na babae ni Faraon, na pinipili pang mapagmalupitan kasama ng bayan ng Diyos kaysa sa magtamo ng pansamantalang kasiyahan sa kasalanan.”—Gawa 7:22; Hebreo 11:24, 25.
18. Sa anong mga paraan maparurumi ng mga probisyon ng hari ang mga kabataang Hebreo?
18 Sa anong mga paraan maparurumi ng mga probisyon ng hari ng Babilonya ang mga kabataang lalaki? Una, maaaring kalakip ng masasarap na pagkain ay ang mga pagkaing ipinagbabawal ng Batas Mosaiko. Halimbawa, ang mga taga-Babilonya ay kumakain ng maruruming hayop, na ipinagbabawal sa mga Israelita sa ilalim ng Batas. (Levitico 11:1-31; 20:24-26; Deuteronomio 14:3-20) Ikalawa, hindi ugali ng mga taga-Babilonya ang magtigis ng dugo ng pinatay na mga hayop bago kainin ang laman ng mga ito. Ang pagkain ng laman na hindi itinigis ang dugo ay magiging tuwirang paglabag sa batas ni Jehova hinggil sa dugo. (Genesis 9:1, 3, 4; Levitico 17:10-12; Deuteronomio 12:23-25) Ikatlo, kaugalian ng mga mananamba sa mga huwad na diyos na ihandog ang kanilang pagkain sa mga idolo bago kainin iyon sa isang pangkomunyong pagkain. Ang mga lingkod ni Jehova ay hindi makikibahagi rito! (Ihambing ang 1 Corinto 10:20-22.) Kahuli-hulihan, ang pagpapasasa sa masasarap na pagkain at matatapang na inumin sa araw-araw ay hindi makapagpapalusog sa mga tao anuman ang edad, lalo pa nga sa kabataan.
19. Paano sana maaaring nangatuwiran ang mga kabataang Hebreo, subalit ano ang nakatulong sa kanila upang sumapit sa tamang pasiya?
19 Isang bagay na malaman kung ano ang dapat gawin, subalit iba namang bagay ang magkaroon ng tibay-ng-loob na gawin iyon kapag nasa ilalim ng panggigipit o tukso. Maaaring ikatuwiran ni Daniel at ng kaniyang tatlong kaibigan na yamang sila’y malayo sa kanilang mga magulang at mga kaibigan, hindi na malalaman ng mga ito kung ano ang kanilang ginagawa. Maaari ring ikatuwiran nila na iyon ay utos ng hari at wala nang iba pang mapagpipilian. Bukod dito, walang pagsalang tinanggap ng iba pang mga kabataan ang mga kaayusan at itinuring na ang pakikibahagi rito ay isang pribilehiyo sa halip na isang pahirap. Subalit ang gayong maling kaisipan ay maaaring madaling umakay tungo sa patibong ng lihim na kasalanan, na isang silo sa maraming kabataan. Nalalaman ng mga kabataang Hebreo na “ang mga mata ni Jehova ay nasa lahat ng dako” at “dadalhin ng tunay na Diyos sa kahatulan ang bawat uri ng gawa may kaugnayan sa bawat bagay na nakatago, kung ito ba ay mabuti o masama.” (Kawikaan 15:3; Eclesiastes 12:14) Tayo nawang lahat ay matuto ng leksiyon mula sa landasin ng tatlong tapat na kabataang ito.
GINANTIMPALAAN ANG LAKAS NG LOOB AT PAGTITIYAGA
20, 21. Anong pagkilos ang ginawa ni Daniel, at ano ang kinalabasan?
20 Dahilan sa ipinasiya sa kaniyang puso na labanan ang nagpapasamang mga impluwensiya, si Daniel ay patuloy na kumilos na kasuwato ng kaniyang desisyon. “Patuloy siyang nakikiusap sa pangunahing opisyal ng korte upang hindi niya marumhan ang kaniyang sarili.” (Daniel 1:8b) “Patuloy siyang nakikiusap”—iyan ay isang kapansin-pansing pananalita. Kadalasan, ang matiyagang pagsisikap ay kailangan kung nais nating maging matagumpay sa pakikipagpunyagi laban sa mga tukso o mapagtagumpayan ang mga kahinaan.—Galacia 6:9.
21 Sa kaso ni Daniel, ang pagtitiyaga ay nagbunga. “Sa gayon ay binigyan ng tunay na Diyos si Daniel ng maibiging-kabaitan at ng awa sa harap ng pangunahing opisyal ng korte.” (Daniel 1:9) Hindi dahilan sa si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay magaganda ang hitsura at matatalinong indibiduwal anupat ang kinahinatnan ng mga bagay ay naging mabuti para sa kanila. Sa halip, iyo’y dahilan sa pagpapala ni Jehova. Walang alinlangang natandaan ni Daniel ang kawikaang Hebreo: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling unawa. Sa lahat ng iyong lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” (Kawikaan 3:5, 6) Tunay na ginantimpalaan ang pagsunod sa payong ito.
22. Anong makatuwirang pagtutol ang ibinangon ng opisyal ng korte?
22 Sa pasimula, ang pangunahing opisyal ng korte ay tumutol: “Natatakot ako sa panginoon kong hari, na siyang nagtakda ng inyong pagkain at ng inyong inumin. Kaya bakit niya makikitang mistulang nalulumbay ang inyong mga mukha kung ihahambing sa mga batang kasinggulang ninyo, at bakit ninyo gagawing may-sala sa harap ng hari ang aking ulo?” (Daniel 1:10) Ang mga ito ay makatuwirang pagtutol at pagkatakot. Si Haring Nabucodonosor ay hindi maaaring suwayin, at alam ng opisyal na nanganganib ang kaniyang “ulo” kung lalabagin niya ang mga tagubilin ng hari. Ano ang gagawin ni Daniel?
23. Sa landasing kaniyang tinahak, paano nagpakita ng kaunawaan at karunungan si Daniel?
23 Dito pumapasok ang kaunawaan at karunungan. Malamang na natandaan ng kabataang si Daniel ang kawikaan: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Sa halip na sapilitang igiit ang kaniyang kahilingan na malamang ay ikagalit ng iba at sa gayo’y patayin siya, hinayaan na lamang ito ni Daniel. Sa tamang panahon, siya’y lumapit sa “tagapag-alaga,” na marahil ay magiging medyo maluwag sa dahilang hindi siya tuwirang mananagot sa hari.—Daniel 1:11.
IMINUNGKAHI ANG SAMPUNG ARAW NA PAGSUBOK
24. Anong pagsubok ang iminungkahi ni Daniel?
24 Sa tagapag-alaga, iminungkahi ni Daniel ang isang pagsubok, sa pagsasabing: “Pakisuyo, ilagay mo ang iyong mga lingkod sa pagsubok sa loob ng sampung araw, at bigyan nila kami ng mga gulay na makakain namin at ng tubig na maiinom namin; at hayaang ang aming mga mukha at ang mukha ng mga batang kumakain ng masasarap na pagkain ng hari ay maiharap sa iyo, at ayon sa makikita mo ay gawin mo sa iyong mga lingkod.”—Daniel 1:12, 13.
25. Ano ang malamang na kalakip sa “mga gulay” na ipinakain kay Daniel at sa kaniyang tatlong kaibigan?
25 Sampung araw na ‘mga gulay at tubig’—sila kaya’y magiging “mistulang nalulumbay” kung ihahambing sa iba? Ang “mga gulay” ay salin mula sa Hebreong salita na nangangahulugang “mga binhi.” Isinalin ito ng ilang salin ng Bibliya na “pulse,” na binigyang kahulugan bilang “ang mga binhing makakain mula sa iba’t ibang gulay na may buto (gaya ng gisantes, patani, o lentehas).” Naniniwala ang ilang iskolar na ang konteksto ay nagpapakita ng pagkaing nalalakipan ng higit pa kaysa mga binhing kinakain lamang. Ang isang akda ay nagsasabi: “Ang hinihiling lamang ni Daniel at ng kaniyang mga kasama ay ang pagkaing gulay ng karaniwang mga tao sa halip na yaong masasarap at matatabang karne sa mesa ng maharlika.” Kaya, maaaring kalakip ng mga gulay ang inihandang masustansiyang pagkain na may patani, pipino, bawang, puero, lentehas, melon, at sibuyas at tinapay na gawa sa iba’t ibang butil. Tiyak na hindi ituturing iyon ng sinuman na walang kuwentang pagkain. Maliwanag na nakita ng tagapag-alaga ang punto. “Sa kalaunan ay nakinig siya sa kanila may kinalaman sa bagay na ito at inilagay niya sila sa pagsubok sa loob ng sampung araw.” (Daniel 1:14) Ano ang resulta?
26. Ano ang kinalabasan ng sampung araw na pagsubok, at bakit naging gayon ang mga bagay-bagay?
26 “Sa pagwawakas ng sampung araw ang kanilang mga mukha ay nakitang mas mabuti at mas mataba ang laman kaysa sa lahat ng mga batang kumakain ng masasarap na pagkain ng hari.” (Daniel 1:15) Hindi dapat na gamitin ito bilang ebidensiya na ang pagkain ng gulay ay mas mabuti kaysa sa masasarap at matatabang karne. Ang sampung araw ay maikling panahon para sa anumang uri ng pagkain na makapagdulot ng nakikitang mga resulta, subalit hindi ito lubhang maikli para maisakatuparan ni Jehova ang kaniyang layunin. “Ang pagpapala ni Jehova—iyon ang nagpapayaman, at hindi niya dinaragdagan iyon ng kirot,” ang sabi ng kaniyang Salita. (Kawikaan 10:22) Ang apat na kabataang Hebreo ay naglagak ng kanilang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova, at sila’y hindi niya pinabayaan. Makaraan ang ilang siglo, nanatiling buháy si Jesu-Kristo nang walang pagkain sa loob ng 40 araw. Hinggil dito, sinipi niya ang mga salitang masusumpungan sa Deuteronomio 8:3, kung saan ay mababasa natin: “Hindi sa tinapay lamang nabubuhay ang tao kundi sa bawat pananalita sa bibig ni Jehova ay nabubuhay ang tao.” Hinggil dito, ang karanasan ni Daniel at ng kaniyang mga kaibigan ay isang napakainam na halimbawa.
ANG KAUNAWAAN AT KARUNUNGAN SA HALIP NA MASASARAP NA PAGKAIN AT ALAK
27, 28. Sa anong mga paraan isang paghahanda para sa mas malalaki pang bagay sa hinaharap ang sistema ng pagkain na sinunod ni Daniel at ng kaniyang tatlong kaibigan?
27 Ang sampung araw ay isa lamang pagsubok, subalit ang mga resulta ay lubhang nakakukumbinsi. “Kaya patuloy na inaalis ng tagapag-alaga ang kanilang masasarap na pagkain at ang kanilang iniinom na alak at binibigyan sila ng mga gulay.” (Daniel 1:16) Hindi mahirap isipin kung ano ang naging tingin kay Daniel at sa kaniyang mga kasama ng ibang mga kabataang nasa programa ng pagsasanay. Ang pagkain ng mga gulay sa araw-araw sa halip na masasarap na pagkain ng hari ay waring isang malaking kabaliwan para sa kanila. Subalit mas malalaki pang pagsubok at pagtitiis ang darating, at ito’y humihiling sa mga kabataang Hebreo na maging higit pang alisto at mahinahon sa abot kaya nila. Higit sa lahat, ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala kay Jehova ang makatutulong sa kanila na mapagtagumpayan ang mga pagsubok sa kanilang pananampalataya.—Ihambing ang Josue 1:7.
28 Ang katunayan na si Jehova ay nasa mga kabataang ito ay makikita sa sumunod na sinabi: “Kung tungkol sa mga batang ito, silang apat, sa kanila ay nagbigay ang tunay na Diyos ng kaalaman at kaunawaan sa lahat ng sulat at karunungan; at si Daniel man ay nagkaroon ng unawa sa lahat ng uri ng pangitain at panaginip.” (Daniel 1:17) Upang maharap ang dumarating na mahihirap na panahon, nangangailangan sila nang higit pa kaysa sa pisikal na kalakasan at mabuting kalusugan. “Kapag ang karunungan ay pumasok sa iyong puso at ang kaalaman ay naging kaiga-igaya sa iyo mismong kaluluwa, ang kakayahang mag-isip ay magbabantay sa iyo, ang kaunawaan ay mag-iingat sa iyo, upang iligtas ka sa masamang daan.” (Kawikaan 2:10-12) Iyon ang eksaktong ipinagkaloob ni Jehova sa apat na matatapat na kabataan upang masangkapan sila para sa mangyayari sa hinaharap.
29. Bakit nakayang ‘unawain ni Daniel ang lahat ng uri ng mga pangitain at mga panaginip’?
29 Binanggit na si Daniel “ay nagkaroon ng unawa sa lahat ng uri ng pangitain at panaginip.” Ito’y hindi sa diwang siya’y naging isang psychic. Kapansin-pansin, bagaman si Daniel ay itinuring na isa sa mga dakilang propetang Hebreo, hindi siya kailanman kinasihan upang bumigkas ng “ito ang sinabi ng Soberanong Panginoong Jehova” o “ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo.” (Isaias 28:16; Jeremias 6:9) Subalit, dahilan sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos kung kaya lamang nauunawaan at naipaliliwanag ni Daniel ang mga pangitain at mga panaginip na nagsisiwalat sa layunin ni Jehova.
SA WAKAS, ANG PINAKAMAHALAGANG PAGSUBOK
30, 31. Paanong ang landasing pinili ni Daniel at ng kaniyang mga kasama ay napatunayang kapaki-pakinabang para sa kanila?
30 Ang tatlong taon ng panibagong pag-aaral at pag-aayos ay natapos na. Sumapit na ang pinakamahalagang pagsubok—ang personal na pakikipanayam ng hari. “Sa pagwawakas ng mga araw na itinakda ng hari upang sila ay dalhin, dinala rin sila ng pangunahing opisyal ng korte sa harap ni Nabucodonosor.” (Daniel 1:18) Panahon na para sa apat na kabataan na magsulit ng kanilang sarili. Ang lubusan bang pagsunod sa mga batas ni Jehova sa halip na sa pagsunod sa pamamaraan ng mga taga-Babilonya ay magiging kapaki-pakinabang sa kanila?
31 “At ang hari ay nagsimulang makipag-usap sa kanila, at sa kanilang lahat ay walang nasumpungang tulad nina Daniel, Hananias, Misael at Azarias; at nanatili silang nakatayo sa harap ng hari.” (Daniel 1:19) Ito’y isang ganap na pagbabangong-puri sa kanilang landas ng pagkilos sa nakaraang tatlong taon! Hindi naging kabaliwan sa kanilang bahagi na manatili sa isang sistema ng pagkain na idinidikta ng kanilang pananampalataya at budhi. Sa pamamagitan ng pagiging tapat sa tila ba maliit na bagay lamang, si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan ay pinagpala nang lalo pang dakilang mga bagay. Ang pribilehiyo na ‘manatiling nakatayo sa harap ng hari’ ay isang tunguhing pinakananasa ng lahat ng kabataang nasa programa ng pagsasanay. Kung ang apat na kabataang Hebreo lamang ang siyang pinili, ito’y hindi sinasabi ng Bibliya. Sa paano man, ang kanilang tapat na landasin ay tunay na nagdulot sa kanila ng “isang malaking gantimpala.”—Awit 19:11.
32. Bakit masasabi na sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias ay nagtamasa ng isang pribilehiyo na higit pa sa pagiging nasa korte ng hari?
32 “Nakakita ka na ba ng taong dalubhasa sa kaniyang gawain? Siya ay tatayo sa harapan ng mga hari,” ang sabi ng Kasulatan. (Kawikaan 22:29) Kaya sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias ay pinili ni Nabucodonosor upang tumayo sa harapan ng hari, alalaong baga’y, upang maging bahagi ng maharlikang korte. Sa lahat ng ito, makikita natin ang pagmamaniobra ng kamay ni Jehova sa mga bagay-bagay upang sa pamamagitan ng mga kabataang lalaking ito—lalo na sa pamamagitan ni Daniel—ang mahahalagang aspekto ng banal na layunin ay maihayag. Bagaman ang pagiging pinili upang maging bahagi ng maharlikang korte ni Nabucodonosor ay isang karangalan, lalong isang malaking karangalan ang magamit sa gayong kamangha-manghang paraan ng Pansansinukob na Hari, si Jehova.
33, 34. (a) Bakit humanga ang hari sa mga kabataang Hebreo? (b) Anong leksiyon ang matututuhan natin mula sa karanasan ng apat na Hebreo?
33 Agad na napatunayan ni Nabucodonosor na ang karunungan at kaunawaan na ipinagkaloob ni Jehova sa apat na kabataang Hebreo ay mas nakahihigit kaysa sa taglay ng lahat ng mga tagapayo at pantas na mga lalaki sa kaniyang korte. “Kung tungkol sa bawat bagay ng karunungan at pagkaunawa na itinanong ng hari sa kanila, nasumpungan pa rin niya na mas magaling sila nang sampung ulit kaysa sa lahat ng mga mahikong saserdote at mga salamangkero na nasa kaniyang buong kaharian.” (Daniel 1:20) Paanong hindi magiging gayon? Ang “mga mahikong saserdote at “mga salamangkero” ay umaasa sa makasanlibutan at mapamahiing karunungan ng Babilonya, samantalang si Daniel at ang kaniyang mga kaibigan ay naglagak ng kanilang tiwala sa karunungan mula sa itaas. Talagang hindi maaaring pagparisin—walang laban!
34 Tunay na walang masyadong pagbabago ang mga bagay-bagay sa lumipas na mga panahon. Noong unang siglo C.E., nang ang pilosopiyang Griego at batas Romano ay naging popular, si apostol Pablo ay kinasihang sumulat: “Ang karunungan ng sanlibutang ito ay kamangmangan sa Diyos; sapagkat nasusulat: ‘Hinuhuli niya ang marurunong sa kanilang sariling katusuhan.’ At muli: ‘Alam ni Jehova na ang mga pangangatuwiran ng mga taong marurunong ay walang saysay.’ Kaya huwag ipaghambog ng sinuman ang mga tao.” (1 Corinto 3:19-21) Sa ngayon, kailangan nating manghawakang matibay sa kung ano ang itinuturo sa atin ni Jehova at huwag kaagad padala sa halina at kinang ng sanlibutan.—1 Juan 2:15-17.
TAPAT HANGGANG KATAPUSAN
35. Ano ang nasabi sa atin tungkol sa tatlong kasama ni Daniel?
35 Ang matibay na pananampalataya nina Hananias, Misael, at Azarias ay madamdaming inilarawan sa Daniel kabanata 3, may kaugnayan sa imaheng ginto ni Nabucodonosor sa kapatagan ng Dura at sa pagsubok sa maapoy na hurno. Ang may-takot sa Diyos na mga Hebreong ito ay walang pag-aalinlangang nanatiling tapat kay Jehova hanggang sa kanilang kamatayan. Batid natin ito sapagkat walang alinlangang sila ang pinatungkulan ni apostol Pablo nang siya’y sumulat hinggil doon sa “na sa pamamagitan ng pananampalataya ay . . . nagpatigil ng puwersa ng apoy.” (Hebreo 11:33, 34) Sila’y mga namumukod-tanging halimbawa para sa mga lingkod ni Jehova, bata at matanda.
36. Anong namumukod-tanging karera ang naranasan ni Daniel?
36 Hinggil kay Daniel 1:21, ang katapusang talata ng kabanata 1 ay nagsasabi: “Si Daniel ay nanatili hanggang sa unang taon ni Ciro na hari.” Isinisiwalat ng kasaysayan na pinabagsak ni Ciro ang Babilonya sa isang gabi, noong 539 B.C.E. Maliwanag na dahilan sa kaniyang reputasyon at kakayahan, si Daniel ay patuloy na naglingkod sa korte ni Ciro. Sa katunayan, ang Daniel 10:1 ay nagsasabi sa atin na “nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia,” isiniwalat ni Jehova ang isang kapansin-pansing bagay kay Daniel. Kung siya’y isang tin-edyer noong siya’y dalhin sa Babilonya noong 617 B.C.E., malamang na siya’y halos 100 taon na nang tanggapin niya ang pangwakas na pangitaing iyon. Kay haba at pinagpalang karera ng matapat na paglilingkod kay Jehova!
37. Anong mga leksiyon ang maaari nating matutuhan mula sa pagsasaalang-alang ng Daniel kabanata 1?
37 Ang pambungad na kabanata ng aklat ng Daniel ay nagsasabi nang higit pa kaysa sa istorya ng apat na tapat na kabataan na naging matagumpay sa pagharap sa pagsubok ng pananampalataya. Ipinakikita nito sa atin kung paanong maaaring gamitin ni Jehova ang sinumang ninanais niya upang maisakatuparan ang kaniyang layunin. Ang ulat ay nagpapatunay na kapag pinahintulutan ni Jehova, anumang sa wari’y isang kalamidad ay maaaring magsilbi sa kapaki-pakinabang na layunin. At sinasabi nito sa atin na ang katapatan sa maliliit na bagay ay nagdudulot ng malaking gantimpala.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang masasabi hinggil sa pinagmulan ni Daniel at ng kaniyang tatlong kabataang kaibigan?
• Paano napalagay sa pagsubok sa Babilonya ang mabuting pagpapalaki sa apat na kabataang Hebreo?
• Paano ginantimpalaan ni Jehova ang apat na Hebreo dahilan sa kanilang may tibay-loob na paninindigan?
• Anong mga leksiyon ang matututuhan ng makabagong panahong mga lingkod ni Jehova mula kay Daniel at sa kaniyang tatlong kasama?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 30]