Ang Huli sa mga Dakilang Kapangyarihan ng Daigdig
Nang isulat ang aklat ng Apocalipsis sa Bibliya, halos 1,900 taon na ang nakalipas, binanggit nito na limang “hari,” o kapangyarihan ng daigdig, ang dumating na at nawala na. Ang mga ito ay Ehipto, Asiria, Babilonya, Medo-Persia, at Gresya. Ang ikaanim, ang Roma, ay ‘naririto’ pa, subalit ang ikapito ay hindi pa dumarating. (Apocalipsis 17:10) Ano ba ang ikapitong kapangyarihang iyon ng daigdig? Paano iyon umiral? At ano ang kasunod niyaon? Ang mga sagot sa mahalagang mga katanungang ito ang paksa ng artikulong ito.
Ang pangunahing balangkas ng kasaysayan ng daigdig noong lumipas na 2,500 taon ay ibinigay nang patiuna sa pinakamalaganap ang sirkulasyon na aklat na nakilala ng daigdig kailanman. Gayunman, kakaunting mga tao na mayroon ng isang kopya ng aklat na iyan, ang Bibliya, ang mayroong anumang ideya tungkol sa taglay nito na kagila-gilalas na impormasyon.
Halimbawa, mahigit na 500 taon bago isinilang si Jesu-Kristo, ang propetang si Daniel ay sumulat ng isang kinasihan ng Diyos na pangitain na doon ang mga dakilang kapangyarihan ng daigdig sapol noong panahon niya ay kinakatawan ng mababangis na hayop. Bawat hayop ay may ugali ng kapangyarihan ng daigdig na kinakatawan niyaon. Ang makapangyarihang Imperyong Romano ay inilarawan na isang malaking hayop na “nakatatakot at kakila-kilabot at may pambihirang lakas.” Sinabi ni Daniel na “ito’y kakaiba sa lahat ng mga iba pang hayop na nauna sa kaniya, at ito’y may sampung sungay.”—Daniel 7:2-7.
Ang ‘Maliit na Sungay’
Nang sumapit ang panahon, ang Imperyong Romano ay lumaki upang sumaklaw ng lugar na mula sa Islas Britanicas hanggang sa kalakhang bahagi ng Europa, sakop ang buong kalaparan ng Mediteranyo at lampas pa sa Babilonya hanggang sa Persian Gulf. Ang makapangyarihang imperyong ito sa wakas ay nagkawatak-watak at naging maraming bansa—naging ang “sampung sungay” na nakita ni Daniel. Pagkatapos ay nakita ni Daniel na “isa pang sungay, na munti, ang sumibol sa gitna ng mga iyon, at sa harap nito’y tatlo sa mga unang sungay ang nabunot sa mga ugat.” (Daniel 7:8) Ano ba ang kahulugan nito?
Kay Daniel ay sinabi: “Tungkol sa sampung sungay, mula sa [Romanong] kahariang iyan ay sampung hari ang babangon; at ang isa [ang ‘maliit na sungay’] ay babangon kasunod nila, at sila’y magiging kaiba kaysa mga nauna, at tatlong hari ang kaniyang ibabagsak.” (Daniel 7:24) Sino ba ang ‘maliit na sungay,’ at sino ang tatlong hari na kaniyang ibinagsak?
Isang isla sa hilagang kanlurang sulok ng Imperyong Romano ang matagal nang nasa dulo ng mga pamamalakad ng daigdig. Gaya ng sinabi ng isang historyador: “Noong ikalabing-anim na siglo, ang Inglatera ay naging isang pansegundang kapangyarihan. Ang kaniyang kayamanan ay maliit kung ihahambing sa kayamanan ng Netherlands. Ang kaniyang populasyon ay totoong maliit kaysa roon sa Pransiya. Ang kaniyang sandatahang lakas (kasali na ang kaniyang hukbong dagat) ay hindi nakahihigit kaysa roon sa Espanya.” Gayunman, napaunlad ng Inglatera ang isang plota sa karagatan na nakilala, at ang kaniyang mga pirata at panlabang mga pribadong barko ay nagsimulang sumalakay sa mga kolonya ng Espanya at sa kaniyang mga barkong punó ng kayamanan.
Ang Tatlong Sungay
Noong 1588 si Felipe II ng Espanya ay naglunsad ng Armadang Kastila laban sa kaniyang mga kalabang Ingles. Ang plotang ito na may 130 barko na may lulang mahigit na 24,000 mga lalaki ay dahan-dahang naglayag sa English Channel, subalit naging biktima lamang ng mga hanging maunos at ng malalakas na bagyo sa Atlantiko. Sa Modern Europe to 1870, ang historyador na si Carlton Hayes ay sumulat na ang pangyayaring ito’y “naging palatandaan ng di-mapag-aalinlanganang pagbabago na kung saan ang Inglatera ay nangibabaw sa Espanya sa pagkakaroon ng nakahihigit na hukbong-dagat.”
Noong ika-17 siglo, napaunlad ng mga Olandes ang noo’y isang plota na may pinakamaraming barkong pangkalakal sa daigdig. Ang kanilang mga barko ang hari sa karagatan, at ang kanilang mga naging pakinabang ay ipinautang nila sa mga gobyerno malayo man o malapit. Subalit dahilan sa kaniyang umuunlad na mga kolonya sa ibayong dagat, ang Inglatera ay namayani kahit na rin dito.
At nangyari, noong ika-18 siglo, ang mga Britano at ang mga Pranses ay nagbaka sa totoong malalayong bukud-bukod na mga lugar na gaya ng Hilagang Amerika at India, anupa’t humantong ito sa Kasunduan ng Paris noong 1763. Tungkol dito, si William B. Willcox ay sumulat sa kaniyang aklat na Star of Empire—A Study of Britain as a World Power na bagama’t ang kasunduan ay lumitaw na isang pakikipagkompromiso, “sa aktuwal ay kinilala niyaon ang bagong katayuan ng Britanya bilang ang nangingibabaw na kapangyarihang Europeo sa daigdig sa labas ng Europa.”
Sumang-ayon ang mga ibang historyador, na ang sabi: “Sa dalawang siglong pakikidigma sa mga Kastila, Olandes, at Pranses, ang Gran Britanya ay bumangon noong 1763 bilang ang pangunahing komersiyal at kolonyal na kapangyarihan sa daigdig.” (Modern Europe to 1870) “Noong 1763 ang Imperyong Britano ay nangibabaw sa daigdig na mistulang isang muling nabuhay at napalawak na Roma.” “Siya’y nakaahon sa mga digmaan noong kalagitnaan ng siglo bilang ang pinakadakilang imperyo at ang pinakamalakas—at ang lubusang kinapopootan—na kapangyarihan sa daigdig.” (Navy and Empire, ni James L. Stokesbury) Oo, ang ‘maliit na sungay’ na ito ay lumaki upang maging ang ikapitong kapangyarihan ng daigdig sa kasaysayan ng Bibliya.
Ang mga Britano ay naglayag sa Nilo at tumawid sa Ilog Zambezi. Sila’y nakarating hanggang sa Upper Burma, North Borneo, at mga isla sa Pasipiko. Gayundin, kanilang ginawang kolonya ang Canada, Australia, New Zealand, at ang silangang baybayin ng Hilagang Amerika. “Ang Imperyong Romano ay ganap sa ganang sarili,” ang isinulat ni James Morris sa Pax Britannica. “Ang Imperyong Britano naman ay nagpalaganap ng sarili sa buong lupa.” Ito’y naging ang pinakamalaking imperyo sa kasaysayan ng sangkatauhan, na sumasaklaw ng halos isang kaapat na bahagi ng ibabaw ng mundo at mahigit na isang kaapat na bahagi ng populasyon nito. Sinasabi na dito sa sakop nito ay hindi kailanman lumulubog ang araw.
Magkakambal na Kapangyarihan
Sa aklat ng Apocalipsis, ang ikapitong kapangyarihang ito ng daigdig ay sinasabi rin na may “dalawang sungay na tulad ng isang kordero.” (Apocalipsis 13:11) Bakit may dalawang sungay? Sapagkat ang Imperyong Britano at ang bagong bansang Amerikano, palibhasa’y may iisang wika, parehong mga prinsipyo, at mga patakaran, ay hindi nagluwat at gumagawa nang magkasama. Sila’y naging, sa maraming paraan, isang magkakambal na kapangyarihan ng daigdig na ang salita’y Ingles.
Binanggit ni William B. Willcox sa Star of Empire na noong ika-19 na siglo ang Estados Unidos ay “ibinukod sa Europa ng plotang Britano.” Kaniyang isinusog: “Sa loob ng isang siglo ang Estados Unidos ay malaya na umunlad upang maging isang dakilang kapangyarihan na hindi man lamang nag-aari, maliban sa kaniyang giyera sibil, ng sandatahang lakas o hukbong-dagat na sa pamamagitan noon nakikilala ang iba pang dakilang kapangyarihan.” Ang Amerika ay “nakapagbukod ng sarili sapagkat ang Royal Navy ang naging kaniyang panangga laban sa mga malalakas na bansa sa Europa.” Nang maglaon, ang Estados Unidos ay naging isa ring malakas na bansa.
Ang isang litaw na halimbawa ng pinagsamang aktibidad ng Britanya at Amerika ay naganap noong Hunyo 6, 1944, nang mabago ang direksiyong pinupunta ng Digmaang Pandaigdig II sa Hilagang Europa. Noong araw na iyon, 156,000 mga Britano, Amerikano, at iba pang mga tropang Alyado ang lumusob sa kontinente ng Europa. Ang pinagsanib na puwersang ito ay sa ilalim ng kataas-taasang komando ng isang heneral ng E.U. at ng operasyonal na komando ng isang Britanong mariskal de kampo—si Eisenhower at si Montgomery ayon sa pagkakasunod. Isa pa, ang mga bomba atomika na tumapos sa pakikidigma sa Hapón ay bunga ng magkasanib na pagpapagal ng mga siyentipikong Britano at Amerikano.
Gaya ng banggit ng Los Angeles Times noong Mayo 5, 1986, kahit na kung panahong walang digmaan, ang Britanya at Amerika ay may pagtutulungan sa mga sensitibong larangan na gaya ng paniniktik at ng teknolohiyang nuklear.” Nang malaunan ay nakasama pa nila ang Canada, Australia, at New Zealand, at kanilang “pinaghati-hatian ang globo at ginawang mga kani-kaniyang lugar para sa paniniktik at sila’y sumang-ayon na ibahagi nila sa isa’t isa kahit na ang pinakalihim na impormasyon.” Sinabi ng pahayagang ito na bagama’t ang relasyon ay “hindi sa tuwina maganda,” iyon ay naging “lalong kapuna-puna dahilan sa pagiging malapit nila sa isa’t isa kaysa mga pag-iiringan.”
Karamihan ng mga kolonya ng Britanya ay nagtamo na ng kasarinlan at naging miyembro sila ng Commonwealth of Nations. Bagama’t ang Imperyo ay marahil wala na, nananatili pa ang Anglo-Amerikanong Pandaigdig na Kapangyarihan. Subalit ito’y mananatili nang “maikling panahon” lamang, kung ihahambing sa maraming mga siglo na pinamayani ng naunang kapangyarihan ng Roma.—Apocalipsis 17:10.
Bagong Pandaigdig na Pamamahala
Ang hula ni Daniel tungkol sa dakilang mga kapangyarihan ng daigdig ay napatunayang totoo sa loob ng 2,500 taon ng pamamahala sa daigdig—mula sa bago sumapit ang 500 B.C.E. patuloy hanggang sa ikapitong kapangyarihan ng daigdig sa panahon natin. Sa gayon, makapagtitiwala tayo sa natitirang bahagi ng hulang iyan. Ang kagila-gilalas ay na wala na itong binabanggit na pantaong mga kapangyarihan sa daigdig! Ipinakikita rin ng Apocalipsis na magkakaroon ng pito lamang.a Pagkatapos, ano ang susunod na mangyayari?
Ang kabanata 7 ng Daniel, na naglalahad ng tungkol sa mga kapangyarihang ito ng daigdig, ay nagpapatuloy na naglalarawan ng isang bagay na lalong higit na kagila-gilalas—isang malaking pagbabago na daratal sa pamamahala sa lupa! Ang di-sakdal na mga pamamahala ng tao ay matatapos at hahalinhan ng isang matuwid na pamamahalang makalangit.
Sa pamamagitan ng pangitain ni Daniel ay nakita niya ang maningning na trono sa langit ng “Matanda sa mga Araw,” si Jehovang Diyos. Dinala sa harap ng Isang ito ang “gaya ng Anak ng tao”—ang binuhay-muling si Jesu-Kristo.b Si Daniel ay naglalahad: “At binigyan siya ng kapangyarihang magpuno at ng kaluwalhatian at ng kaharian, upang ang mga bayan, mga grupo ng mga bansa at mga wika ay maglingkod na lahat sa kaniya. Ang kaniyang pagpupuno ay walang-hanggang pagpupuno na hindi lilipas, at ang kaniyang kaharian [di-tulad ng lumilipas na mga kaharian ng tao] ay hindi magigiba.”—Daniel 7:9, 10, 13, 14.
Isang naunang hula na ibinigay kay Daniel tungkol sa nabanggit na mga kapangyarihan ng daigdig ang nagsabi: “Sa mga kaarawan ng mga haring iyon ang Diyos ng langit ay magtatayo ng isang kaharian na hindi magigiba kailanman . . . .Dudurugin at wawasakin niyaon ang lahat ng kahariang ito [ng mga tao], at iyon sa ganang sarili ay lalagi magpakailanman . . . At ang panaginip ay mapanghahawakan, at ang paliwanag tungkol dito ay maaasahan.”—Daniel 2:44, 45.
Ang pamahalaang ito ng Kaharian ng Diyos ay siya ring itinuro ni Jesus na ipanalangin natin na dumating na. Sinabi niya: “Manalangin nga kayo ng ganito: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.’”—Mateo 6:9, 10.
Anong ligaya ang magiging buhay ng mga tao sa lupa sa ilalim ng pamahalaang iyan. Iyon ay magiging isang pagbabago sapagkat ang pagsasamantalang ginagawa ng mga tao ay hahalinhan ng hustisya ng Diyos, buhat sa di-sakdal na paraan ng tao ng paggawa ng mga bagay-bagay tungo sa pinakamataas na mga pamantayan ng Diyos. Ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kung paano aandar ang Kaharian ang magiging paksa ng isang hinaharap na artikulo sa seryeng ito.
[Mga talababa]
a Sa Apocalipsis 17:11 ay binabanggit ang isang “mabangis na hayop” na “ikawalong hari, ngunit nagmumula sa pito.” Ang ikawalong kapangyarihang ito na iiral sa panahon na ikabubuhay ng ikapito ay tatalakayin sa isang artikulo sa hinaharap.
b Ang pananalitang “Anak ng tao” ay masusumpungan ng halos 80 beses sa mga pag-uulat ng Ebanghelyo, at sa bawat kaso ay tumutukoy ito kay Jesu-Kristo.—Tingnan ang Mateo 26:63, 64.
[Larawan sa pahina 26]
Ang paglusob ng mga bansang Alyado sa Europa noong Hunyo 6, 1944, ay isang tanyag na halimbawa ng pagtutulungang Anglo-Amerikano
[Credit Line]
U.S. Coast Guard photo