-
Ang “Mapanuring Paghatol”—Isa Bang Doktrinang Salig sa Bibliya?Ang Bantayan—1997 | Hulyo 15
-
-
Ang pangunahing teksto na binanggit upang suhayan ang doktrinang ito ay ang Daniel 8:14. Ganito ang mababasa: “Sinabi niya sa akin, Hanggang sa dalawang libo at tatlong daang araw; kung magkagayo’y malilinisan ang santuwaryo.” (King James Version) Dahil sa pariralang “kung magkagayo’y malilinisan ang santuwaryo,” iniuugnay ng maraming Sabadista ang talatang ito sa Levitico kabanata 16. Inilalarawan nito ang paglilinis sa santuwaryo na ginagawa ng Judiong mataas na saserdote sa Araw ng Pagbabayad-sala. Iniuugnay rin nila ang mga salita ni Daniel sa Hebreo kabanata 9, kung saan inilalarawan si Jesus bilang ang Lalong Dakilang Mataas na Saserdote sa langit. Isang iskolar ng SDA ang nagsabi na ang pangangatuwirang ito ay batay sa pamamaraang “proof-text.” Nasusumpungan ng isang tao “ang isang salita tulad ng santuwaryo sa Dan. 8:14, ang gayunding salita sa Lev. 16, at ang parehong salita sa Heb. 7, 8, 9” at ipinapasiya “na ang mga ito ay pawang tumutukoy sa iisang bagay.”
Ganito ang pangangatuwiran ng mga Sabadista: Ang mga saserdote sa sinaunang Israel ay nagsasagawa ng pang-araw-araw na ministeryo sa silid ng templo na tinatawag na Dakong Banal, anupat nagbubunga ng kapatawaran ng mga kasalanan. Sa Araw ng Pagbabayad-sala, nagsasagawa ang mataas na saserdote ng taunang ministeryo sa Kabanal-banalang Dako (ang kaloob-loobang silid ng templo) na nagbubunga ng pag-aalis ng mga kasalanan. Nanghinuha sila na ang makasaserdoteng ministeryo ni Kristo sa langit ay binubuo ng dalawang yugto. Ang una ay nagsimula sa kaniyang pag-akyat noong unang siglo, natapos noong 1844, at nagbunga ng kapatawaran ng mga kasalanan. Ang ikalawa, o “yugto ng paghatol,” ay nagsimula noong Oktubre 22, 1844, nagpapatuloy pa rin, at magbubunga ng pag-aalis ng mga kasalanan. Paano ito isinasagawa?
Mula noong 1844, sinasabi na si Jesus ay nagsusuri sa rekord ng buhay ng lahat ng nag-aangking nananampalataya (una ay yaong sa mga patay, pagkatapos ay yaong sa mga nabubuhay) upang tiyakin kung sila’y karapat-dapat sa walang-hanggang buhay. Ang pagsisiyasat na ito ang siyang “mapanuring paghatol.” Pagkatapos na mahatulan nang gayon ang mga tao, ang mga kasalanan niyaong nakakapasa sa pagsubok na ito ay inaalis sa mga aklat ng rekord. Subalit ipinaliwanag ni Ellen White na para sa mga hindi nakakapasa, ‘maaalis ang kanilang pangalan sa aklat ng buhay.’ Sa gayon, “ang kahihinatnan ng lahat ay napagpasiyahan na para sa buhay o kamatayan.” Sa panahong ito, ang makalangit na santuwaryo ay nalinis na at natupad na ang Daniel 8:14. Ganito ang itinuturo ng mga Sabadista. Ngunit inamin ng publikasyon ng SDA na Adventist Review: “Ang terminong mapanuring paghatol ay hindi masusumpungan sa Bibliya.”
Isang Nawawalang Kawing Batay sa Wika
Nakalito ang turong ito sa ilang Sabadista. “Ipinakikita ng kasaysayan,” sabi ng isang tagapagmasid, “na ang matatapat na lider sa hanay natin ay naghinagpis habang dinidili-dili nila ang ating tradisyonal na turo tungkol sa mapanuring paghatol.” Sa nakaraang mga taon, sabi pa niya, ang hinagpis ay humantong sa pag-aalinlangan yamang sinimulan ng mga iskolar na “tutulan ang maraming haligi ng ating karaniwang paliwanag tungkol sa santuwaryo.” Suriin natin ngayon ang dalawa sa mga ito.
Unang haligi: Ang Daniel kabanata 8 ay iniuugnay sa Levitico kabanata 16. Ang saligang ito ay pinahihina ng dalawang pangunahing suliranin—ang wika at ang konteksto. Una, isaalang-alang ang wika. Naniniwala ang mga Sabadista na ang ‘nalinisang santuwaryo’ sa Daniel kabanata 8 ay ang antitipo ng ‘nalinisang santuwaryo’ sa Levitico kabanata 16. Ang pagkakatulad na ito ay waring tama hanggang sa malaman ng mga tagapagsalin na ang “nalinisan” sa King James Version ay isang maling salin ng isang anyo ng Hebreong pandiwa na tsa·dhaqhʹ (ang ibig sabihin ay “maging matuwid”) na ginamit sa Daniel 8:14. Ganito ang sabi ng Propesor sa teolohiya na si Anthony A. Hoekema: “Nakalulungkot na ang salita ay isinaling malilinisan, yamang ang Hebreong pandiwa na karaniwang isinasaling nalinisan [ta·herʹ] ay hindi naman ginamit dito.”a Ito ay ginamit sa Levitico kabanata 16 kung saan isinalin ng King James Version ang mga anyo ng ta·herʹ bilang “linisin” at “maging malinis.” (Levitico 16:19, 30) Samakatuwid, tama ang konklusyon ni Dr. Hoekema: “Kung tinutukoy ni Daniel ang uri ng paglilinis na ginagawa sa Araw ng Pagbabayad-sala, maaaring ang ginamit niya ay taheer [ta·herʹ] sa halip na tsadaq [tsa·dhaqʹ].” Gayunman, hindi masusumpungan ang tsa·dhaqʹ sa Levitico, at hindi masusumpungan ang ta·herʹ sa Daniel. Nawawala ang kawing batay sa wika.
Ano ba ang Isinisiwalat ng Konteksto?
Isaalang-alang ngayon ang konteksto. Naniniwala ang mga Sabadista na ang Daniel 8:14 ay “nagsosolong konteksto,” anupat walang kaugnayan sa mga naunang talata. Ngunit ganiyan ba ang makukuha mong impresyon kapag binasa mo ang Daniel 8:9-14 sa kalakip na kahon na pinamagatang “Ang Konteksto ng Daniel 8:14”? Ipinakikilala sa Dan 8 talata 9 ang isang sumasalakay, isang maliit na sungay. Isinisiwalat ng Dan 8 talata 10-12 na ang sumasalakay na ito ay lulusob sa santuwaryo. Nagtatanong ang Dan 8 talata 13, ‘Hanggang kailan magpapatuloy ang pagsalakay na ito?’ At sumasagot ang Dan 8 talata 14: “Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; at ang dakong banal ay tiyak na maisasauli sa kaniyang tunay na kalagayan.” Maliwanag, nagbabangon ng tanong ang talata 13 na sinasagot sa Dan 8 talata 14. Ganito ang sabi ng teologong si Desmond Ford: “Ang paghihiwalay ng Dan. 8:14 mula sa sigaw na [“Hanggang kailan?” Dan 8 talata 13] ay maipapakahulugan na parang nasa dagat nang walang angkla.”b
Bakit inihihiwalay ng mga Sabadista ang talata 14 mula sa konteksto? Upang maiwasan ang hindi akmang konklusyon. Iniuugnay ng konteksto ang karungisan ng santuwaryo, na binabanggit sa talata 14, sa mga gawain ng maliit na sungay. Gayunman, iniuugnay ng doktrina ng “mapanuring paghatol” ang karungisan ng santuwaryo sa mga gawain ni Kristo. Sinasabi na inililipat niya ang mga kasalanan ng mga mananampalataya sa makalangit na santuwaryo. Kaya, ano ang mangyayari kapag tinanggap ng mga Sabadista kapuwa ang doktrina at ang konteksto? Ganito ang isinulat ni Dr. Raymond F. Cottrell, isang Sabadista at dating kasamang editor ng SDA Bible Commentary: “Ang pagkukunwari sa ating sarili na ang pagpapakahulugan ng SDA ay sumusuri sa konteksto ng Daniel 8:14 ay magpapakilala kung gayon na si Kristo ang maliit na sungay.” Buong-katapatang inamin ni Dr. Cottrell: “Hindi natin maaaring pagtugmain kapuwa ang konteksto at ang Sabadistang pagpapakahulugan.” Samakatuwid, upang mapanatili ang paniniwala sa “mapanuring paghatol,” kailangang mamili ang Simbahang Sabadista—tanggapin ang doktrina o ang konteksto ng Daniel 8:14. Nakalulungkot, niyakap nito ang una at tinanggihan ang huli. Hindi nakapagtataka, sabi ni Dr. Cottrell, na sinisisi ng may-kabatirang mga estudyante ng Bibliya ang mga Sabadista dahil sa “pagbibigay ng kahulugan sa Kasulatan” ng isang bagay na hindi naman “matatagpuan sa Kasulatan”!
Noong 1967, naghanda si Dr. Cottrell ng isang aralin para sa paaralang Sabadista tungkol sa aklat ng Daniel, na ipinadala sa mga simbahan ng SDA sa buong daigdig. Itinuro nito na ang Daniel 8:14 ay talagang kaugnay ng konteksto nito at na ang ‘paglilinis’ ay hindi tumutukoy sa mga mananampalataya. Kapansin-pansin, ang aralin ay hindi bumanggit ng anumang “mapanuring paghatol.”
Ilang Kapansin-pansing Tugon
Gaano kalawak ang kabatiran ng mga Sabadista na ang haliging ito ay napakahina upang suhayan ang doktrina ng “mapanuring paghatol”? Tinanong ni Dr. Cottrell ang 27 pangunahing teologong Sabadista, ‘Anong mga dahilan batay sa wika at konteksto ang maibibigay ninyo bilang kawing sa pagitan ng Daniel kabanata 8 at Levitico kabanata 16?’ Ang kanilang tugon?
“Bawat isa sa dalawampu’t pito ay nagpatotoo na walang anumang dahilan batay sa wika o sa konteksto upang iugnay ang Dan. 8:14 sa antitipikong araw ng pagbabayad-sala at sa mapanuring paghatol.” Tinanong niya sila, ‘May iba pa ba kayong dahilan sa pag-uugnay na ito?’ Karamihan sa mga Sabadistang iskolar ay nagsabing wala silang iba pang dahilan, lima ang sumagot na iniugnay nila ito dahil gayon ang ginawa ni Ellen White, at dalawa ang nagsabi na ibinatay nila ang doktrina sa isang “mapalad na aksidente” sa pagsasalin. Ganito ang sabi ng teologong si Ford: “Ang gayong mga konklusyon na ibinigay ng pinakamagagaling sa ating mga iskolar sa katunayan ay nagpapahayag na ang ating tradisyonal na turo tungkol sa Dan. 8:14 ay hindi maipagtatanggol.”
May Anumang Tulong Kaya Mula sa Hebreo?
Ikalawang haligi: Iniuugnay ang Daniel 8:14 sa Hebreo kabanata 9. “Lahat ng ating naunang mga akda ay madalas gumamit ng Heb. 9 kapag ipinaliliwanag ang Dan. 8:14,” sabi ng teologong si Ford. Ang kawing na ito ay lumitaw pagkatapos ng “Matinding Kabiguan” noong 1844. Palibhasa’y naghahanap ng patnubay, ibinagsak ng Millerite na si Hiram Edson ang kaniyang Bibliya sa ibabaw ng isang mesa upang ito ay bumuklat. Ang resulta? Tumambad sa kaniya ang Hebreo kabanata 8 at 9. Ganito ang sabi ni Ford: “Wala nang hihigit pang angkop at makasagisag tungkol sa Sabadistang pag-aangkin na ang mga kabanatang ito ang siyang may hawak ng susi sa kahulugan ng 1844 at Dan. 8:14!”
“Ang pag-aangkin ay mahalaga para sa mga Sabadista,” sabi pa ni Dr. Ford sa kaniyang aklat na Daniel 8:14, the Day of Atonement, and the Investigative Judgment. “Tanging sa Heb. 9 lamang . . . masusumpungan ang detalyadong paliwanag tungkol sa kahulugan ng . . . doktrina ng santuwaryo na napakahalaga sa atin.” Oo, ang Hebreo kabanata 9 ang kabanata sa “Bagong Tipan” na nagpapaliwanag ng makahulang kahulugan ng Levitico kabanata 16. Subalit sinasabi rin ng mga Sabadista na ang Daniel 8:14 ang talata sa “Lumang Tipan” na gumagawa nito. Kung ang dalawang pangungusap ay totoo, tiyak na mayroon din namang kawing sa pagitan ng Hebreo kabanata 9 at Daniel kabanata 8.
Ganito ang sabi ni Desmond Ford: “May ilang bagay na agad makikita habang binabasa ng isa ang Heb. 9. Walang maliwanag na pahiwatig tungkol sa aklat ng Daniel, at tiyak na walang tungkol sa Dan. 8:14. . . . Ang kabanata sa kabuuan ay isang pagkakapit ng Lev. 16.” Sinabi niya: “Ang ating turo tungkol sa santuwaryo ay hindi masusumpungan sa tanging aklat sa Bagong Tipan na tumatalakay sa kahulugan ng mga paglilingkod sa santuwaryo. Ito ay inamin ng mga kilalang manunulat na Sabadista sa buong daigdig.” Kaya, ang ikalawang haligi, kung gayon, ay napakahina rin upang suhayan ang problemadong doktrina.
Gayunman, hindi na bago ang konklusyong ito. Sa loob ng maraming taon, sabi ni Dr. Cottrell, “alam na alam ng mga iskolar ng simbahan sa Bibliya ang problema tungkol sa pagpapaliwanag ng ating tradisyonal na pagpapakahulugan sa Daniel 8:14 at Hebreo 9.” Mga 80 taon na ang nakalipas, sumulat ang maimpluwensiyang Sabadista na si E. J. Waggoner: “Ang Sabadistang turo tungkol sa santuwaryo, lakip na ang ‘Mapanuring Paghatol’ nito . . . , ay halos isang pagtatakwil sa pagbabayad-sala.” (Confession of Faith) Mahigit na 30 taon na ang nakalipas, iniharap ang gayong mga suliranin sa Panlahatang Komperensiya, ang pamunuan ng Simbahang SDA.
Mga Suliranin at Isang Di-pagkakasundo
Ang Panlahatang Komperensiya ay humirang ng isang “Komite sa mga Suliranin Tungkol sa Aklat ng Daniel.” Maghahanda ito ng isang ulat kung paano lulutasin ang mga suliranin na nakasentro sa Daniel 8:14. Pinag-aralan ng 14 na miyembro ng komite ang tanong sa loob ng limang taon ngunit nabigong magharap ng isang pinagkasunduang solusyon. Noong 1980, sinabi ng miyembro ng komite na si Cottrell na inaakala ng karamihan sa mga miyembro ng komite na ang Sabadistang pagpapakahulugan sa Daniel 8:14 ay maaaring “itatag sa isang kasiya-siyang paraan” sa pamamagitan ng sunud-sunod na “mga palagay” at na ang suliranin ay “dapat nang kalimutan.” Sinabi pa niya: “Tandaan, ang pangalan ng komite ay Komite sa mga Suliranin Tungkol sa Aklat ng Daniel, at iminumungkahi ng karamihan na kalimutan na natin ang suliranin at huwag nang magsalita ng anuman tungkol sa mga ito.” Iyan ay magiging katumbas ng “pag-amin na wala tayong mga kasagutan.” Kaya tumanggi ang iilan na suportahan ang pangmalas ng karamihan, at hindi nagkaroon ng pormal na report. Nanatiling di-nalulutas ang mga suliranin tungkol sa doktrina.
Bilang komento sa di-pagkakasundong ito, sinabi ni Dr. Cottrell: “Ang isyu tungkol sa Daniel 8:14 ay nananatili pa rin sa atin dahil hindi tayo handa, hanggang sa ngayon, na harapin ang katotohanan na umiiral ang isang totoong malaking suliranin tungkol sa pagpapaliwanag. Hindi mawawala ang isyung ito hangga’t nagkukunwari tayong walang suliranin, hangga’t ibinabaon natin ang ating mga ulo, nang isahan at panlahatan, sa buhanginan ng ating mga naunang palagay.”—Spectrum, isang pahayagan na inilalathala ng Association of Adventist Forums.
Hinihimok ni Dr. Cottrell ang mga Sabadista na gumawa ng “maingat na muling-pagsusuri ng mga saligang palagay at mga simulain sa pagpapaliwanag na pinagbabatayan natin ng ating pagpapakahulugan—para sa Sabadismo—sa di-maipagtatanggol na talatang ito sa Kasulatan.” Hinihimok namin ang mga Sabadista na suriin ang doktrina ng “mapanuring paghatol” upang makita kung ang mga haligi nito ay matatag na nakasalig sa Bibliya o nakasalig sa di-matatag na pundasyon ng tradisyon.c May-katalinuhang nagpayo si apostol Pablo: “Tiyakin ninyo ang lahat ng mga bagay; manghawakan kayong mahigpit sa kung ano ang mainam.”—1 Tesalonica 5:21.
-
-
Ang “Mapanuring Paghatol”—Isa Bang Doktrinang Salig sa Bibliya?Ang Bantayan—1997 | Hulyo 15
-
-
Ang Konteksto ng Daniel 8:14
DANIEL 8:9 “At mula sa isa nito ay lumitaw ang isa pang sungay, na maliit, at patuloy na dumakilang totoo patimog at pasilangan at patungo sa Dekorasyon. 10 At patuloy na dumakila hanggang sa hukbo ng langit, at ang ilan sa hukbo at ang ilan sa mga bituin ay pinangyari nito na mahulog sa lupa, at niyapakan nito ang mga yaon. 11 At hanggang sa Prinsipe ng hukbo ay nangalandakan ito, at inalis sa kaniya ang palagiang handog, at ang tatag na dako ng kaniyang santuwaryo ay ibinagsak. 12 At isang hukbo mismo ay unti-unting ibinigay, kasama ang palagiang handog, dahil sa pagsalansang; at patuloy na iwinaksi nito sa lupa ang katotohanan, at kumilos ito at nagtagumpay.
“13 Nang magkagayo’y narinig ko ang isang banal na nagsasalita, at isa pang banal ang nagsabi sa isang iyon na nagsasalita: ‘Hanggang kailan magtatagal ang pangitain tungkol sa palagiang handog at sa pagsalansang na sanhi ng kagibaan, upang kapuwa ang banal na dako at ang hukbo ay mayapakan?’ 14 Kaya sinabi niya sa akin: ‘Hanggang sa dalawang libo at tatlong daan na hapon at umaga; at ang dakong banal ay tiyak na maisasauli sa kaniyang tunay na kalagayan.’”—New World Translation of the Holy Scriptures.
-