Daniel
8 Nang ikatlong taon ng paghahari ni Haring Belsasar,+ akong si Daniel ay nakakita ng isa pang pangitain.+ 2 Habang nakikita ko ang pangitain, ako ay nasa palasyo* ng Susan,*+ na nasa nasasakupang distrito ng Elam;+ nakita ko ang pangitain, at ako ay nasa tabi ng daluyan ng tubig ng Ulai. 3 At may nakita akong isang barakong tupa+ na nakatayo sa harap ng daluyan ng tubig, at mayroon itong dalawang sungay.+ Mahaba ang dalawang sungay, pero mas mahaba ang isa, at huling tumubo ang mas mahabang sungay.+ 4 Nakita ko ang barakong tupa na nanunuwag pakanluran at pahilaga at patimog, at walang mabangis na hayop na makatayo sa harap nito, at walang sinuman ang nakapagliligtas mula sa kamay nito.+ Ginagawa nito kung ano ang gusto nito, at nagmamataas ito.
5 Patuloy akong tumingin at nakita ko ang isang lalaking kambing+ mula sa kanluran* na lumilibot sa buong lupa nang hindi sumasayad ang paa. At ang kambing ay may kapansin-pansing sungay sa pagitan ng mga mata nito.+ 6 Palapit ito sa barakong tupa na may dalawang sungay, na nakita kong nakatayo sa harap ng daluyan ng tubig; galit na galit nitong sinugod ang barakong tupa.
7 Nakita kong papalapit ito nang papalapit sa barakong tupa, at galit na galit ito. Sinalakay nito ang barakong tupa at binali ang dalawang sungay nito, at walang kalaban-laban ang barakong tupa. Pinabagsak nito ang barakong tupa at pinagtatapakan, at walang makapagligtas sa barakong tupa mula sa kamay nito.
8 At nagmataas nang husto ang lalaking kambing, pero nang lumakas ito, nabali ang malaking sungay nito; at apat na kapansin-pansing sungay ang tumubo kapalit ng nabali, sa direksiyon ng apat na hangin ng langit.+
9 May tumubo pang isang maliit na sungay mula sa isa sa mga iyon, at naging napakalakas nito sa direksiyon ng timog at ng silangan* at ng Magandang Lupain.*+ 10 Sa sobrang lakas nito, umabot ito sa hukbo ng langit, at pinabagsak nito sa lupa ang ilan sa hukbo at ilan sa mga bituin at pinagtatapakan ang mga iyon. 11 Nagmataas ito kahit sa Prinsipe ng hukbo, at inalis nito sa kaniya ang regular na handog at ibinagsak ang santuwaryong itinatag niya.+ 12 Dahil sa kasalanan,* isang hukbo ang napasakamay nito at natigil ang regular na handog; at patuloy nitong ibinabagsak sa lupa ang katotohanan, at kumilos ito at nagtagumpay.
13 At narinig kong nagsasalita ang isang banal, at may isa pang banal na nagsabi sa nagsasalita: “Gaano katagal mangyayari ang mga nakita sa pangitaing ito—ang pangitain tungkol sa regular na handog, sa kasalanan* na dahilan ng pagkatiwangwang,+ at sa banal na lugar at hukbo na pinagtatapak-tapakan?” 14 Kaya sinabi niya sa akin: “Tatagal nang 2,300 gabi at umaga; at ang banal na lugar ay tiyak na ibabalik sa nararapat na kalagayan nito.”
15 Habang akong si Daniel ay nakatingin sa pangitain at sinisikap ko itong maintindihan, biglang lumitaw sa harap ko ang isang gaya ng tao. 16 At narinig ko ang boses ng isang tao sa gitna ng Ulai,+ at sinabi niya: “Gabriel,+ ipaliwanag mo sa kaniya ang nakita niya.”+ 17 Kaya lumapit siya sa kinatatayuan ko, pero natakot ako paglapit niya kaya sumubsob ako sa lupa. Sinabi niya: “Unawain mo, O anak ng tao, na ang pangitain ay para sa panahon ng wakas.”+ 18 Pero habang nakikipag-usap siya sa akin, nakatulog ako nang mahimbing habang nakasubsob sa lupa. Kaya hinipo niya ako at pinatayo sa dati kong kinatatayuan.+ 19 Sinabi niya: “Ipaaalam ko sa iyo ang mangyayari sa huling bahagi ng paglalapat ng hatol, dahil mangyayari iyon sa itinakdang panahon ng wakas.+
20 “Ang nakita mong barakong tupa na may dalawang sungay ay kumakatawan sa mga hari ng Media at Persia.+ 21 Ang mabalahibong lalaking kambing ay kumakatawan sa hari ng Gresya;+ at ang malaking sungay na nasa pagitan ng mga mata nito ay kumakatawan sa unang hari.+ 22 Kung tungkol sa sungay na nabali at napalitan ng apat,+ may apat na kahariang babangon mula sa kaniyang bansa, pero hindi niya kasinlakas.
23 “At sa huling bahagi ng kaharian nila, kapag umabot na sa sukdulan ang kasamaan nila, may babangong isang haring mabagsik ang hitsura at nakakaintindi ng malalabong kasabihan.* 24 Magiging makapangyarihan siya, pero hindi dahil sa sarili niyang lakas. Napakatindi ng pagwasak na isasagawa niya, at magtatagumpay siya anuman ang gawin niya. Ipapahamak niya ang mga makapangyarihan, pati ang banal na bayan.+ 25 At dahil sa katusuhan niya, manlilinlang siya para magtagumpay; at magmamataas siya sa puso niya; at sa panahong tiwasay, marami siyang ipapahamak.* Kakalabanin niya kahit ang Prinsipe ng mga prinsipe, at babagsak siya, pero hindi sa pamamagitan ng kamay ng tao.
26 “Totoo ang mga sinabi sa pangitain tungkol sa mga gabi at umaga, pero dapat mong ilihim ang pangitain, dahil matagal pa ang panahong tinutukoy nito.”+
27 At akong si Daniel ay napagod at nagkasakit nang ilang araw.+ Pagkatapos, bumangon ako at naglingkod para sa hari;+ pero natitigilan ako dahil sa mga nakita ko, at walang makaintindi rito.+