Ikalabing-isang Kabanata
Isiniwalat ang Panahon ng Pagparito ng Mesiyas
1. Yamang si Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon, ano ang matitiyak natin?
SI Jehova ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon. Nasa ilalim ng kaniyang kontrol ang lahat ng panahon at kapanahunan may kaugnayan sa kaniyang gawa. (Gawa 1:7) Ang lahat ng pangyayari na kaniyang itinakda sa mga panahon at kapanahunang ito ay tiyak na magaganap. Ang mga ito ay hindi mabibigo.
2, 3. Sa anong hula nagbigay-pansin si Daniel, at anong imperyo ang nagpupuno sa Babilonya nang panahong iyon?
2 Bilang isang masipag na estudyante ng Kasulatan, ang propetang si Daniel ay may pananampalataya sa kakayahan ni Jehova na magtakda ng mga pangyayari at pangyarihin ang mga iyon. Ang partikular na nakainteres kay Daniel ay tungkol sa mga hula hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem. Iniulat ni Jeremias ang kapahayagan ng Diyos kung hanggang kailan mananatiling tiwangwang ang banal na lunsod, at isinaalang-alang na mabuti ni Daniel ang hulang ito. Siya’y sumulat: “Nang unang taon ni Dario na anak ni Ahasuero na mula sa binhi ng mga Medo, na ginawang hari sa kaharian ng mga Caldeo; nang unang taon ng kaniyang paghahari ay napag-unawa ko, akong si Daniel, sa pamamagitan ng mga aklat ang bilang ng mga taon na may kinalaman doon ay dumating kay Jeremias na propeta ang salita ni Jehova, na magaganap ang mga pagkawasak ng Jerusalem, samakatuwid ay pitumpung taon.”—Daniel 9:1, 2; Jeremias 25:11.
3 Si Dario na Medo ay nagpupuno na noon “sa kaharian ng mga Caldeo.” Ang naunang hula na ginawa ni Daniel nang bigyan niya ng pakahulugan ang sulat-kamay sa pader ay karaka-rakang natupad. Ang Imperyo ng Babilonya ay wala na. Ito’y ‘ibinigay na sa mga Medo at sa mga Persiano’ noong 539 B.C.E.—Daniel 5:24-28, 30, 31.
MAPAGPAKUMBABANG NAMANHIK SI DANIEL KAY JEHOVA
4. (a) Ano ang kailangan upang maranasan ang pagliligtas ng Diyos? (b) Paano lumapit si Daniel kay Jehova?
4 Nabatid ni Daniel na ang 70 taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem ay magwawakas na. Ano ang susunod niyang gagawin? Siya mismo ang nagsabi sa atin: “Itinalaga ko ang aking mukha kay Jehova na tunay na Diyos, upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga pamamanhik, na may pag-aayuno at telang-sako at abo. At ako ay nagsimulang manalangin kay Jehova na aking Diyos at magtapat.” (Daniel 9:3, 4) Isang wastong kalagayan ng puso ang kailangan upang maranasan ang maawaing pagliligtas ng Diyos. (Levitico 26:31-46; 1 Hari 8:46-53) Kailangan ang pananampalataya, ang mapagpakumbabang espiritu, at lubos na pagsisisi sa mga kasalanang naging dahilan ng pagkatapon at pagkaalipin. Kaya, sa kapakanan ng kaniyang makasalanang bayan, si Daniel ay lumapit sa Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng pag-aayuno, pagdadalamhati, at pagsusuot ng telang-sako, isang sagisag ng pagsisisi at kataimtiman ng puso.
5. Bakit makapagtitiwala si Daniel na maisasauli ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan?
5 Ang hula ni Jeremias ay nagbigay kay Daniel ng pag-asa, yamang ito’y nagpakita na ang mga Judio ay maibabalik sa kanilang lupang tinubuan sa Juda. (Jeremias 25:12; 29:10) Walang alinlangan, si Daniel ay may pagtitiwala na darating ang kaginhawahan para sa mga aliping Judio sapagkat isang lalaking nagngangalang Ciro ang nagpupuno na noon bilang hari ng Persia. Hindi ba’t inihula ni Isaias na si Ciro ang magiging kasangkapan sa pagpapalaya sa mga Judio upang itayong-muli ang Jerusalem at ang templo nito? (Isaias 44:28–45:3) Subalit walang ideya si Daniel kung paano mangyayari iyon. Kaya siya’y patuloy na nagsumamo kay Jehova.
6. Anong pagkilala ang ginawa ni Daniel sa panalangin?
6 Tinukoy ni Daniel ang kaawaan at maibiging kabaitan ng Diyos. May pagpapakumbabang kinilala niya na ang mga Judio ay nagkasala dahilan sa paghihimagsik, paglihis sa mga utos ni Jehova, at hindi pakikinig sa kaniyang mga propeta. Ang Diyos ay may katuwirang ‘panabugin sila dahil sa kanilang kawalang-katapatan.’ Si Daniel ay nanalangin: “O Jehova, sa amin ay nauukol ang kahihiyan ng mukha, sa aming mga hari, sa aming mga prinsipe at sa aming mga ninuno, sapagkat nagkasala kami laban sa iyo. Kay Jehova na aming Diyos ay nauukol ang kaawaan at ang mga pagpapatawad, sapagkat naghimagsik kami laban sa kaniya. At hindi namin sinunod ang tinig ni Jehova na aming Diyos upang lumakad sa kaniyang mga kautusan na inilagay niya sa harap namin sa pamamagitan ng kamay ng kaniyang mga lingkod na mga propeta. At lahat silang mula sa Israel ay sumalansang sa iyong kautusan, at may nangyaring paglihis dahil sa hindi pagsunod sa iyong tinig, anupat ibinuhos mo sa amin ang sumpa at ang ipinanatang sumpa na nakasulat sa kautusan ni Moises na lingkod ng tunay na Diyos, sapagkat nagkasala kami laban sa Kaniya.”—Daniel 9:5-11; Exodo 19:5-8; 24:3, 7, 8.
7. Bakit masasabi na kumilos si Jehova nang wasto sa pagpapahintulot na mabihag ang mga Judio?
7 Binabalaan ng Diyos ang mga Israelita hinggil sa mga kahihinatnan ng pagsuway sa kaniya at pagtatakwil sa tipang kaniyang ginawa sa kanila. (Levitico 26:1-33; Deuteronomio 28:15; 31:17) Kinilala ni Daniel ang kawastuan ng pagkilos ng Diyos, sa pagsasabing: “Tinupad niya ang kaniyang mga salita na sinalita niya laban sa amin at laban sa aming mga hukom na humahatol sa amin, sa pagpapasapit sa amin ng malaking kapahamakan, gaya ng hindi pa ginagawa sa silong ng buong langit gaya ng ginawa sa Jerusalem. Kung ano ang nakasulat sa kautusan ni Moises, ang buong kapahamakang ito—dumating iyon sa amin, at hindi namin pinalambot ang mukha ni Jehova na aming Diyos sa pamamagitan ng pagtalikod sa aming kamalian at sa pagpapakita ng kaunawaan sa iyong katapatan. At si Jehova ay naging mapagbantay sa kapahamakan at nang maglaon ay pinasapit iyon sa amin, sapagkat si Jehova na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng kaniyang gawa na ginawa niya; at hindi namin sinunod ang kaniyang tinig.”—Daniel 9:12-14.
8. Sa ano ibinatay ni Daniel ang kaniyang pagsusumamo kay Jehova?
8 Hindi binigyang-matuwid ni Daniel ang mga ginawa ng kaniyang bayan. Ang kanilang pagiging tapon ay makatuwiran lamang, gaya ng kagyat niyang pagtatapat: “Kami ay nagkasala, kami ay gumawi nang may kabalakyutan.” (Daniel 9:15) Ni interesado lamang siya sa pagkakaroon ng kaginhawahan mula sa pagdurusa. Hindi, kundi ibinatay niya ang kaniyang pakiusap salig sa kaluwalhatian at karangalan mismo ni Jehova. Sa pagpapatawad sa mga Judio at pagpapanumbalik sa kanila sa kanilang lupang tinubuan, tutuparin ng Diyos ang kaniyang pangako sa pamamagitan ni Jeremias at pababanalin ang Kaniyang banal na pangalan. Si Daniel ay namanhik: “O Jehova, ayon sa lahat ng iyong mga gawang katuwiran, pakisuyo, mapawi nawa ang iyong galit at ang iyong pagngangalit mula sa iyong lunsod na Jerusalem, ang iyong banal na bundok; sapagkat, dahil sa aming mga kasalanan at dahil sa mga kamalian ng aming mga ninuno, ang Jerusalem at ang iyong bayan ay tampulan ng pandurusta ng lahat ng nasa palibot namin.”—Daniel 9:16.
9. (a) Sa anong pamamanhik tinapos ni Daniel ang kaniyang panalangin? (b) Ano ang bumagabag kay Daniel, subalit paano niya ipinakita ang pagpapahalaga sa pangalan ng Diyos?
9 Sa marubdob na panalangin, si Daniel ay nagpatuloy: “Ngayon ay pakinggan mo, O aming Diyos, ang panalangin ng iyong lingkod at ang kaniyang mga pamamanhik, at pasinagin mo ang iyong mukha sa iyong santuwaryo na nakatiwangwang, alang-alang kay Jehova. Ikiling mo ang iyong pandinig, O Diyos ko, at dinggin mo. Idilat mo ang iyong mga mata at tingnan ang aming tiwangwang na kalagayan at ang lunsod na tinatawag sa iyong pangalan; sapagkat ang aming mga pamamanhik ay hindi namin pinararating sa harap mo ayon sa aming mga gawang matuwid, kundi ayon sa iyong maraming kaawaan. O Jehova, dinggin mo. O Jehova, magpatawad ka. O Jehova, magbigay-pansin ka at kumilos. Huwag kang magpaliban, alang-alang sa iyong sarili, O Diyos ko, sapagkat ang iyong sariling pangalan ay itinatawag sa iyong lunsod at sa iyong bayan.” (Daniel 9:17-19) Kung hindi naging mapagpatawad ang Diyos at pinabayaan ang kaniyang bayan sa pagiging tapon, na hinayaan ang kaniyang banal na lunsod, ang Jerusalem, na manatiling tiwangwang nang walang hanggan, kikilalanin ba siya ng mga bansa bilang ang Pansansinukob na Soberano? Hindi kaya nila sabihing si Jehova ay walang magagawa laban sa kapangyarihan ng mga diyos ng Babilonya? Oo, ang pangalan ni Jehova ay aalipustain, at ito’y bumagabag kay Daniel. Sa 19 na ulit na paglitaw ng pangalang Jehova sa aklat ng Daniel, 18 dito ang may kaugnayan sa panalanging ito!
MABILIS NA DUMATING SI GABRIEL
10. (a) Sino ang isinugo kay Daniel, at bakit? (b) Bakit tinawag ni Daniel si Gabriel na isang “lalaki”?
10 Habang si Daniel ay nananalangin pa, si anghel Gabriel ay lumitaw. Sinabi niya: “O Daniel, ngayon ay lumabas ako upang pagkalooban ka ng kaunawaan na may pagkaunawa. Sa pasimula ng iyong mga pamamanhik ay isang salita ang lumabas, at ako ay pumarito upang mag-ulat, sapagkat ikaw ay lubhang kalugud-lugod. Kaya pag-isipan mo ang bagay na iyon, at magkaroon ka ng unawa sa bagay na nakita.” Subalit bakit siya tinukoy ni Daniel bilang “ang lalaking si Gabriel”? (Daniel 9:20-23) Buweno, nang si Daniel ay humiling ng kaunawaan sa kaniyang naunang pangitain hinggil sa lalaking kambing at sa barakong tupa, “ang isa na may anyong gaya ng isang matipunong lalaki” ay lumitaw sa harap niya. Iyon ay si anghel Gabriel, na isinugo upang bigyan si Daniel ng kaunawaan. (Daniel 8:15-17) Kahawig nito, pagkatapos ng panalangin ni Daniel, ang anghel na ito ay lumapit sa kaniya sa anyong tao at nakipag-usap sa kaniya gaya ng ginagawa ng isang tao sa kapuwa niya.
11, 12. (a) Bagaman walang templo o dambana si Jehova sa Babilonya, paano ipinakita ng debotong mga Judio ang pagpapahalaga sa paghahain na hinihiling ng Kautusan? (b) Bakit tinawag si Daniel na “lubhang kalugud-lugod”?
11 Si Gabriel ay dumating “sa panahon ng panggabing handog na kaloob.” Ang dambana ni Jehova ay nawasak pati na ang templo sa Jerusalem, at ang mga Judio ay bihag ng mga paganong taga-Babilonya. Kaya walang mga haing inihahandog sa Diyos ang mga Judio sa Babilonya. Gayunpaman, sa itinakdang mga panahon para sa paghahandog sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, wasto lamang para sa debotong mga Judio sa Babilonya na pumuri at magsumamo kay Jehova. Bilang isang taong lubhang deboto sa Diyos, si Daniel ay tinawag na “lubhang kalugud-lugod.” Si Jehova, na “Dumirinig ng panalangin,” ay nalugod sa kaniya, at si Gabriel ay karaka-rakang isinugo upang sagutin ang may-pananampalatayang panalangin ni Daniel.—Awit 65:2.
12 Kahit na ang pananalangin kay Jehova ay nagsapanganib ng kaniyang buhay, si Daniel ay patuloy na nanalangin sa Diyos nang tatlong ulit sa isang araw. (Daniel 6:10, 11) Hindi nga kataka-taka na nasumpungan siya ni Jehova na totoong kalugud-lugod! Bukod pa sa pananalangin, ang pagbubulay-bulay ni Daniel sa Salita ng Diyos ay nakatulong sa kaniya na matiyak ang kalooban ni Jehova. Si Daniel ay nagmatiyaga sa pananalangin at alam niya kung paano wastong lalapit kay Jehova upang masagot ang kaniyang mga panalangin. Itinampok niya ang katuwiran ng Diyos. (Daniel 9:7, 14, 16) At bagaman walang masumpungang kamalian sa kaniya ang kaniyang mga kaaway, batid ni Daniel na siya’y isang makasalanan sa mga mata ng Diyos at kaagad na ipinagtapat ang kaniyang kasalanan.—Daniel 6:4; Roma 3:23.
“PITUMPUNG SANLINGGO” UPANG TAPUSIN ANG PAGKAKASALA
13, 14. (a) Anong mahalagang impormasyon ang ipinaalam ni Gabriel kay Daniel? (b) Gaano katagal ang “pitumpung sanlinggo,” at paano natin nalalaman ito?
13 Kay inam na kasagutan ang tinanggap ng mapanalangining si Daniel! Hindi lamang tiniyak sa kaniya ni Jehova na ang mga Judio ay maibabalik sa kanilang lupang tinubuan kundi binigyan din siya ng kaunawaan sa isang bagay na may mas malaking kahalagahan—ang paglitaw ng inihulang Mesiyas. (Genesis 22:17, 18; Isaias 9:6, 7) Sinabi ni Gabriel kay Daniel: “May pitumpung sanlinggo na itinalaga sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod, upang wakasan ang pagsalansang, at upang tapusin ang kasalanan, at upang magbayad-sala para sa kamalian, at upang magdala ng katuwiran sa mga panahong walang takda, at upang magtimbre ng tatak sa pangitain at propeta, at upang pahiran ang Banal ng Mga Banal. At alamin mo at magkaroon ka ng kaunawaan na mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo. Siya ay babalik at muli ngang itatayo, na may liwasan at bambang, ngunit sa mga kaligaligan ng mga panahon.”—Daniel 9:24, 25.
14 Ito’y tunay na mabuting balita! Hindi lamang itatayong muli ang Jerusalem at isasauli ang pagsamba sa isang bagong templo kundi ang “Mesiyas na Lider” ay lilitaw sa isang espesipikong panahon. Ito’y mangyayari sa loob ng “pitumpung sanlinggo.” Yamang si Gabriel ay hindi bumanggit ng mga araw, ang mga ito’y hindi mga sanlinggo na may pitong araw bawat isa, na makakatumbas ng 490 na araw—na isang taon at apat na buwan lamang. Ang inihulang muling pagtatayo ng Jerusalem “na may liwasan at bambang” ay mas matagal kaysa roon. Ang mga sanlinggo ay mga sanlinggo ng mga taon. Na ang bawat sanlinggo ay pitong taon ang haba ay ipinahihiwatig ng maraming makabagong salin. Halimbawa, ang “pitumpung sanlinggo ng mga taon” ay isang saling ipinakikita sa isang talababa ng Daniel 9:24 sa Tanakh—The Holy Scriptures, na inilathala ng The Jewish Publication Society. Ang An American Translation ay kababasahan: “Pitumpung sanlinggo ng mga taon ay nakalaan sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod.” Ang ganito ring pagkakasalin ay lumilitaw sa mga salin nina Moffatt at Rotherham.
15. Sa anong tatlong yugto nahahati ang “pitumpung sanlinggo,” at kailan nagsimula ang mga ito?
15 Ayon sa mga salita ng anghel, ang “pitumpung sanlinggo” ay mahahati sa tatlong yugto: (1) “pitong sanlinggo,” (2) “animnapu’t dalawang sanlinggo,” at (3) isang sanlinggo. Ito ay magiging 49 na taon, 434 taon, at 7 taon—may kabuuang 490 taon. Kapansin-pansin, ang The Revised English Bible ay kababasahan ng: “Pitumpu na minultiplika ng pitong taon ang itinalaga para sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod.” Kasunod ng kanilang pagkatapon at pagdurusa sa Babilonya sa loob ng 70 taon, ang mga Judio ay makararanas ng pantanging pabor ng Diyos sa loob ng 490 taon, o 70 taon na pinarami ng 7 ulit. Ang pasimula nito ay “sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem.” Kailan ito magaganap?
NAGPASIMULA ANG “PITUMPUNG SANLINGGO”
16. Gaya ng ipinakikita ng kaniyang utos, sa anong layunin ibinalik ni Ciro ang mga Judio sa kanilang lupang tinubuan?
16 Tatlong kapansin-pansing pangyayari ang dapat nating isaalang-alang hinggil sa pagsisimula ng “pitumpung sanlinggo.” Ang una ay naganap noong 537 B.C.E. nang palabasin ni Ciro ang kaniyang utos na nagsasauli sa mga Judio sa kanilang lupang tinubuan. Ito’y kababasahan: “Ito ang sinabi ni Ciro na hari ng Persia, ‘Ang lahat ng kaharian sa lupa ay ibinigay sa akin ni Jehova na Diyos ng langit, at siya ang nag-atas sa akin na magtayo para sa kaniya ng isang bahay sa Jerusalem, na nasa Juda. Sinuman sa inyo na mula sa kaniyang buong bayan, sumakaniya nawa ang kaniyang Diyos. Kaya paahunin siya sa Jerusalem, na nasa Juda, at itayo niyang muli ang bahay ni Jehova na Diyos ng Israel—siya ang tunay na Diyos—na nasa Jerusalem. Kung tungkol sa sinumang naiwan mula sa lahat ng dakong tinatahanan niya bilang dayuhan, tulungan siya ng mga lalaki sa kaniyang dako sa pamamagitan ng pilak at ng ginto at ng mga pag-aari at ng maaamong hayop kasama ang kusang-loob na handog para sa bahay ng tunay na Diyos, na nasa Jerusalem.’” (Ezra 1:2-4) Maliwanag, ang espesipikong layunin ng batas na ito ay upang ang templo—“ang bahay ni Jehova”—ay maitayong muli sa dating kinalalagyan nito.
17. Ang liham na ipinagkaloob kay Ezra ay nagbigay ng anong dahilan upang siya’y maglakbay sa Jerusalem?
17 Ang ikalawang pangyayari ay naganap noong ikapitong taon ng pagpupuno ni Haring Artajerjes ng Persia (Artajerjes Longimanus, anak ni Jerjes I). Nang panahong iyon, si Ezra na tagakopya ay naglakbay ng apat na buwan mula Babilonya hanggang Jerusalem. Dala niya ang isang pantanging sulat mula sa hari, subalit hindi ito nagbigay ng pahintulot na itayong muli ang Jerusalem. Sa halip, ang komisyon ni Ezra ay limitado lamang sa ‘pagpapaganda sa bahay ni Jehova.’ Kaya ang sulat ay bumanggit ng ginto at pilak, sagradong mga sisidlan, at kontribusyong trigo, alak, langis, at asin para suportahan ang pagsamba sa templo, at ang pagiging libre sa buwis ng mga naglilingkod doon.—Ezra 7:6-27.
18. Anong balita ang bumagabag kay Nehemias, at paano nalaman ito ni Haring Artajerjes?
18 Ang ikatlong pangyayari ay naganap pagkalipas ng 13 taon, sa ika-20 taon ni Haring Artajerjes ng Persia. Si Nehemias ay naglilingkod noon bilang tagapagdala niya ng kopa sa “kastilyo sa Susan.” Mayroon na rin namang nagawang muling pagtatayo sa Jerusalem ang nalabing nagbalik mula sa Babilonya. Subalit hindi pa rin naging mabuti ang situwasyon doon. Nalaman ni Nehemias na ‘ang pader ng Jerusalem ay giba at ang mismong mga pintuan ay natupok ng apoy.’ Ito’y lubhang nakabagabag sa kaniya, at ang kapanglawan ay sumakaniyang puso. Nang tanungin hinggil sa kaniyang kalungkutan, si Nehemias ay sumagot: “Mabuhay ang hari hanggang sa panahong walang takda! Bakit hindi magiging mapanglaw ang aking mukha gayong ang lunsod, ang bahay ng mga dakong libingan ng aking mga ninuno, ay wasak, at ang mga pintuang-daan nito ay natupok ng apoy?”—Nehemias 1:1-3; 2:1-3.
19. (a) Nang tanungin ni Haring Artajerjes, ano muna ang ginawa ni Nehemias? (b) Ano ang hiniling ni Nehemias, at paano niya kinilala ang papel ng Diyos sa bagay na ito?
19 Ang ulat hinggil kay Nehemias ay nagpatuloy: “Ang hari naman ay nagsabi sa akin: ‘Ano itong hinahangad mong matamo?’ Kaagad akong nanalangin sa Diyos ng langit. Pagkatapos ay sinabi ko sa hari: ‘Kung sa hari ay waring mabuti, at kung ang iyong lingkod ay waring mabuti sa harapan mo, na isugo mo ako sa Juda, sa lunsod ng mga dakong libingan ng aking mga ninuno, upang muli kong maitayo iyon.’” Ang mungkahing ito ay nakalugod kay Artajerjes, na kumilos din ayon sa karagdagan pang kahilingan ni Nehemias: “Kung sa hari ay waring mabuti, bigyan nawa ako ng mga liham para sa mga gobernador sa kabilang ibayo ng Ilog [Eufrates], upang pahintulutan nila akong dumaan hanggang sa makarating ako sa Juda; gayundin ng isang liham kay Asap na tagapag-ingat ng parke na pag-aari ng hari, nang sa gayon ay mabigyan niya ako ng mga punungkahoy upang magamit ang tabla sa pagtatayo ng mga pintuang-daan ng Kastilyo na bahagi ng bahay, at para sa pader ng lunsod at para sa bahay na aking papasukan.” Kinilala ni Nehemias ang papel na ginampanan ni Jehova sa lahat ng ito, sa pagsasabing: “Kaya ibinigay ng hari sa akin [ang mga liham], ayon sa mabuting kamay ng aking Diyos na sumasaakin.”—Nehemias 2:4-8.
20. (a) Kailan natupad ang salitang “isauli at muling itayo ang Jerusalem”? (b) Kailan nagsimula ang “pitumpung sanlinggo,” at kailan nagwakas ang mga ito? (c) Anong ebidensiya ang nagpapatunay sa katumpakan ng mga petsa para sa pagsisimula at pagtatapos ng “pitumpung sanlinggo”?
20 Bagaman ang pahintulot ay ibinigay noong buwan ng Nisan, sa unang bahagi ng ika-20 taon ng paghahari ni Artajerjes, ang aktuwal na “paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem” ay nagkabisa mga ilang buwan pagkaraan nito. Ito’y naganap nang si Nehemias ay dumating sa Jerusalem at pinasimulan ang kaniyang gawaing pagsasauli. Ang paglalakbay ni Ezra ay tumagal ng apat na buwan, subalit ang Susan ay mahigit na 322 kilometro sa may silangan ng Babilonya anupat ito’y mas malayo pa mula sa Jerusalem. Kung gayon, malamang na ang pagdating ni Nehemias sa Jerusalem ay naganap noong halos katapusan ng ika-20 taon ni Artajerjes, o noong 455 B.C.E. Noong panahong iyon nagsimula ang inihulang “pitumpung sanlinggo,” o 490 taon. Ang mga ito ay magwawakas sa huling bahagi ng 36 C.E.—Tingnan ang “Kailan Nagsimula ang Paghahari ni Artajerjes?” sa pahina 197.
LUMITAW ANG “MESIYAS NA LIDER”
21. (a) Ano ang maisasakatuparan sa unang “pitong sanlinggo,” at sa kabila ng anong mga kalagayan? (b) Sa anong taon nakatakdang lumitaw ang Mesiyas, at ano ang sinasabi ng Ebanghelyo ni Lucas hinggil sa nangyari noong panahong iyon?
21 Gaano karaming taon ang lumipas bago aktuwal na naitayong muli ang Jerusalem? Buweno, ang muling pagtatayo ng lunsod ay isasagawa “sa mga kaligaligan ng mga panahon” dahilan sa mga suliranin sa gitna ng mga Judio at sa pagsalansang ng mga Samaritano at ng iba pa. Ang gawain ay maliwanag na natapos sa kinakailangang antas humigit-kumulang noong 406 B.C.E.—sa loob ng “pitong sanlinggo,” o 49 na taon. (Daniel 9:25) Isang yugto ng 62 sanlinggo, o 434 na taon, ang kasunod nito. Pagkatapos ng yugtong ito ng panahon, ang matagal nang ipinangakong Mesiyas ay lilitaw. Ang pagbilang ng 483 taon (49 dagdagan ng 434) mula 455 B.C.E. ay magdadala sa atin sa 29 C.E. Ano ang naganap sa panahong iyon? Ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay nagsasabi sa atin: “Nang ikalabinlimang taon ng paghahari ni Tiberio Cesar, nang si Poncio Pilato ang gobernador ng Judea, at si Herodes ang tagapamahala ng distrito ng Galilea, . . . ang kapahayagan ng Diyos ay dumating kay Juan na anak ni Zacarias sa ilang. Kaya siya ay pumaroon sa buong lalawigan sa palibot ng Jordan, na nangangaral ng bautismo bilang sagisag ng pagsisisi ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan.” Kasabay nito, ‘inaasahan ng mga tao’ ang Mesiyas.—Lucas 3:1-3, 15.
22. Kailan at sa pamamagitan ng ano naging inihulang Mesiyas si Jesus?
22 Hindi si Juan ang ipinangakong Mesiyas. Subalit hinggil sa kaniyang nasaksihan sa bautismo ni Jesus ng Nazaret, noong taglagas ng 29 C.E., sinabi ni Juan: “Aking natanaw ang espiritu na bumababa gaya ng isang kalapati mula sa langit, at ito ay nanatili sa kaniya. Kahit ako man ay hindi nakakilala sa kaniya, ngunit ang mismong Isa na nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang nagsabi sa akin, ‘Sinuman iyon na sa kaniya ay makita mong ang espiritu ay bumababa at nananatili, ito ang isa na nagbabautismo sa banal na espiritu.’ At aking nakita iyon, at ako ay nakapagpatotoo na ang isang ito ang Anak ng Diyos.” (Juan 1:32-34) Sa kaniyang bautismo, si Jesus ay naging ang Pinahiran—ang Mesiyas, o Kristo. Di-nagtagal pagkatapos nito, ang pinahirang si Jesus ay nakilala ni Andres na alagad ni Juan at pagkatapos ito ay nagsabi kay Simon Pedro: “Nasumpungan na namin ang Mesiyas.” (Juan 1:41) Kaya, ang “Mesiyas na Lider” ay lumitaw nang eksakto sa panahon—sa katapusan ng 69 na sanlinggo!
ANG MGA PANGYAYARI SA HULING SANLINGGO
23. Bakit kailangang mamatay ang “Mesiyas na Lider,” at kailan ito mangyayari?
23 Ano ang dapat maisakatuparan sa ika-70 sanlinggo? Sinabi ni Gabriel na ang yugto ng “pitumpung sanlinggo” ay itinalaga “upang wakasan ang pagsalansang, at upang tapusin ang kasalanan, at upang magbayad-sala para sa kamalian, at upang magdala ng katuwiran sa mga panahong walang takda, at upang magtimbre ng tatak sa pangitain at propeta, at upang pahiran ang Banal ng Mga Banal.” Upang maisakatuparan ito, ang “Mesiyas na Lider” ay kailangang mamatay. Kailan? Sinabi ni Gabriel: “At pagkatapos ng animnapu’t dalawang sanlinggo ay kikitlin ang Mesiyas, na walang anumang bagay para sa kaniyang sarili. . . . At pananatilihin niyang may bisa ang tipan para sa marami sa loob ng isang sanlinggo; at sa kalahati ng sanlinggo ay patitigilin niya ang hain at ang handog na kaloob.” (Daniel 9:26a, 27a) Ang itinakdang panahon ay “sa kalahati ng sanlinggo,” alalaong baga, sa gitna ng huling linggo ng mga taon.
24, 25. (a)Gaya ng inihula, kailan namatay si Kristo, at ano ang winakasan ng kaniyang kamatayan at pagkabuhay-muli? (b) Ano ang pinapaging posible ng kamatayan ni Jesus?
24 Ang pangmadlang ministeryo ni Jesu-Kristo ay nagpasimula sa huling bahagi ng 29 C.E. at nagtagal ito ng tatlo at kalahating taon. Gaya ng inihula, maaga noong 33 C.E., si Kristo ay ‘kinitil’ nang siya’y mamatay sa isang pahirapang tulos, na ibinigay ang kaniyang buhay-tao bilang isang pantubos sa sangkatauhan. (Isaias 53:8; Mateo 20:28) Ang pangangailangan para sa mga haing hayop at mga kaloob na handog na hinihiling ng Kautusan ay nagwakas na nang iharap ng binuhay-muling si Jesus ang halaga ng kaniyang inihaing buhay-tao sa Diyos sa langit. Bagaman patuloy na gumagawa ng paghahandog ang mga Judiong saserdote hanggang sa mawasak ang templo ng Jerusalem noong 70 C.E., ang gayong mga hain ay hindi na sinasang-ayunan ng Diyos. Ang mga ito’y napalitan na ng isang mas mabuting hain, ang isa na hindi na kailangang ulit-ulitin pa. Si apostol Pablo ay sumulat: “[Si Kristo] ay naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang katapusan . . . Sapagkat sa pamamagitan nga ng isang handog na ukol sa paghahain na ginawa niyang sakdal yaong mga pinababanal nang walang katapusan.”—Hebreo 10:12, 14.
25 Bagaman ang kasalanan at kamatayan ay patuloy na sumalot sa sangkatauhan, ang kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesus tungo sa makalangit na buhay ay tumupad ng hula. ‘Winakasan nito ang pagsalansang, tinapos ang kasalanan, nagbayad-sala para sa kamalian, at dinala ang katuwiran.’ Inalis na ng Diyos ang tipang Kautusan, na naglantad at humatol sa mga Judio bilang mga makasalanan. (Roma 5:12, 19, 20; Galacia 3:13, 19; Efeso 2:15; Colosas 2:13, 14) Ngayon ay maaari nang pawiin ang mga kasalanan ng mga nagsisising mga manggagawa ng kasamaan, at ang kaparusahan sa mga ito ay maaari nang alisin. Sa pamamagitan ng pampalubag-loob na hain ng Mesiyas, ang pakikipagkasundo sa Diyos ay posible na para sa mga nananampalataya. Makaaasa silang makatanggap ng kaloob ng Diyos na “buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus.”—Roma 3:21-26; 6:22, 23; 1 Juan 2:1, 2.
26. (a) Bagaman inalis na ang tipang Kautusan, anong tipan ang ‘pinanatiling may bisa sa loob ng isang sanlinggo’? (b) Ano ang naganap sa katapusan ng ika-70 sanlinggo?
26 Kaya inalis ni Jehova ang tipang Kautusan sa pamamagitan ng kamatayan ni Kristo noong 33 C.E. Paano kung gayon masasabing ‘pananatilihin ng Mesiyas na may bisa ang tipan para sa marami sa loob ng isang sanlinggo’? Sapagkat pinanatili niyang may bisa ang Abrahamikong tipan. Hanggang sa matapos ang ika-70 sanlinggo, pinaabot ng Diyos ang mga pagpapala ng tipang iyon sa mga Hebreong supling ni Abraham. Subalit sa katapusan ng “pitumpung sanlinggo” ng mga taon, noong 36 C.E., nangaral si apostol Pedro sa debotong Italyanong si Cornelio, sa kaniyang sambahayan, at sa iba pang Gentil. At mula sa araw na iyon, ang mabuting balita ay pinasimulang ihayag sa mga tao ng mga bansa.—Gawa 3:25, 26; 10:1-48; Galacia 3:8, 9, 14.
27. Anong “Banal ng Mga Banal” ang pinahiran, at paano?
27 Ang hula ay bumanggit din ng hinggil sa pagpapahid sa “Banal ng Mga Banal.” Ito’y hindi tumutukoy sa pagpapahid sa Kabanal-banalan, o sa kaloob-loobang dako, ng templo sa Jerusalem. Ang pananalita ritong “Banal ng Mga Banal” ay tumutukoy sa makalangit na santuwaryo ng Diyos. Doon, si Jesus ay nagharap ng halaga ng kaniyang handog bilang tao sa kaniyang Ama. Ang bautismo ni Jesus, noong 29 C.E., ang nagpahid, o nagbukod, sa makalangit o espirituwal na katunayan na inilarawan ng Kabanal-banalan ng makalupang tabernakulo at ng templo sa dakong huli.—Hebreo 9:11, 12.
ANG HULA AY PINAGTIBAY NG DIYOS
28. Ano ang kahulugan ng ‘pagtitimbre ng tatak sa pangitain at propeta’?
28 Ang Mesiyanikong hula na binigkas ni anghel Gabriel ay bumabanggit din ng ‘pagtitimbre ng tatak sa pangitain at propeta.’ Ito’y nangahulugan na ang lahat ng inihula hinggil sa Mesiyas—lahat ng kaniyang naisakatuparan sa pamamagitan ng kaniyang hain, pagkabuhay-muli, at pagharap sa langit, at ang iba pang mga bagay na nangyari noong ika-70 sanlinggo—ay tatatakan ng banal na pagsang-ayon, mapatutunayang totoo, at mapagtitiwalaan. Ang pangitain ay tatatakan, para lamang sa Mesiyas. Ang katuparan nito ay para lamang sa kaniya at sa gawa ng Diyos sa pamamagitan niya. Tanging may kaugnayan lamang sa inihulang Mesiyas masusumpungan natin ang tamang pakahulugan sa pangitain. Wala nang iba pa ang makapagsisiwalat sa kahulugan nito.
29. Ano ang mangyayari sa muling itinayong Jerusalem, at sa anong dahilan?
29 Dati nang inihula ni Gabriel na muling itatayo ang Jerusalem. Kaniya ngayong inihula ang pagkawasak ng muling itinayong lunsod na iyon pati na ang templo nito, sa pagsasabing: “Ang lunsod at ang dakong banal ay gigibain ng bayan ng isang lider na dumarating. At ang kawakasan nito ay sa pamamagitan ng baha. At hanggang sa kawakasan ay magkakaroon ng digmaan; ang naipasiya ay mga pagkatiwangwang. . . . At darating na nasa pakpak ng mga kasuklam-suklam na bagay yaong isa na sanhi ng pagkatiwangwang; at hanggang sa paglipol, ang mismong bagay na naipasiya ay mabubuhos din sa isa na nakatiwangwang.” (Daniel 9:26b, 27b) Bagaman ang pagtitiwangwang na ito ay magaganap pagkatapos ng “pitumpung sanlinggo,” ito’y magiging tuwirang resulta ng mga pangyayari sa huling “sanlinggo,” nang tanggihan ng mga Judio si Kristo at ipapatay siya.—Mateo 23:37, 38.
30. Gaya ng ipinakikita ng ulat ng kasaysayan, paano natupad ang utos ng Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon?
30 Ang mga ulat ng kasaysayan ay nagpapakita na noong 66 C.E., kinubkob ng Romanong hukbo ang Jerusalem sa ilalim ng Siryanong Gobernador na si Cestius Gallus. Sa kabila ng paglaban ng mga Judio, ang puwersang Romano taglay ang kaniyang makaidolatriyang mga bandila, o estandarte, ay nakapasok sa lunsod at nagpasimulang hukayin ang ilalim ng pader ng templo sa hilaga. Ang kanilang pagtayo roon ay nagpangyaring sila’y maging isang “kasuklam-suklam na bagay” na maaaring maging sanhi ng lubusang pagkatiwangwang. (Mateo 24:15, 16) Noong 70 C.E., ang mga Romano sa ilalim ni Heneral Tito ay dumating na tulad ng isang “baha” at itiniwangwang ang lunsod at ang templo nito. Walang nakapigil sa kanila, sapagkat ito’y iniutos—“ipinasiya” na—ng Diyos. Ang Dakilang Tagapag-ingat ng Panahon, si Jehova, ay muling tumupad sa kaniyang salita!
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Nang malapit nang matapos ang 70 taon ng pagkatiwangwang ng Jerusalem, anong pagsusumamo ang ginawa ni Daniel kay Jehova?
• Gaano kahaba ang “pitumpung sanlinggo,” at kailan nagsimula at nagwakas ang mga ito?
• Kailan lumitaw ang “Mesiyas na Lider,” at sa anong itinakdang panahon siya ‘kinitil’?
• Anong tipan ang iningatang ‘may bisa para sa marami sa loob ng isang sanlinggo’?
• Ano ang naganap pagkatapos ng “pitumpung sanlinggo”?
[Kahon/Larawan sa pahina 197]
Kailan Nagsimula ang Paghahari ni Artajerjes?
ANG mga istoryador ay hindi magkasundo hinggil sa taon nang magsimula ang paghahari ni Haring Artajerjes ng Persia. Inilagay ng ilan ang taon ng kaniyang paghahari noong 465 B.C.E. sapagkat ang kaniyang ama, si Jerjes, ay nagsimulang mamahala noong 486 B.C.E. at namatay noong ika-21 taon ng kaniyang paghahari. Subalit, may ebidensiya na si Artajerjes ay lumuklok sa trono noong 475 B.C.E. at nagsimula ng kaniyang unang taon ng paghahari noong 474 B.C.E.
Ang mga inskripsiyon at mga iskulturang nahukay sa sinaunang Persiyanong kabisera ng Persepolis ay nagpapakita na magkasabay na namahala si Jerjes at ang kaniyang amang si Dario I. Kung ito’y sumaklaw ng 10 taon at si Jerjes ay namahalang nag-iisa sa loob ng 11 taon pagkamatay ni Dario noong 486 B.C.E., ang unang taon ng pamamahala ni Artajerjes ay magiging 474 B.C.E.
Ang ikalawang hanay ng ebidensiya ay nagsasangkot kay Heneral Themistocles ng Athena, na tumalo sa puwersa ni Jerjes noong 480 B.C.E. Sa dakong huli ay inayawan siya ng mga Griego at inakusahan ng pagtataksil. Tumakas si Themistocles at nanganlong sa korte ng Persia, kung saan siya’y malugod na tinanggap. Ayon sa Istoryador na Griegong si Thucydides, ito’y nangyari nang si Artajerjes ay “kauupo pa lamang sa trono.” Inilagay ng Griegong istoryador na si Diodorus Siculus ang kamatayan ni Themistocles noong 471 B.C.E. Yamang si Themistocles ay humiling ng isang taon upang matutuhan ang Persiano bago siya humarap kay Haring Artajerjes, maaaring siya’y dumating sa Asia Minor nang hindi lalampas sa 473 B.C.E. Ang petsang ito ay suportado ng Chronicle of Eusebius ni Jerome. Yamang “kauupo pa lamang sa trono” ni Artajerjes nang dumating si Themistocles sa Asia noong 473 B.C.E., sinabi ng iskolar na Aleman na si Ernst Hengstenberg sa kaniyang Christology of the Old Testament na ang paghahari ni Artajerjes ay nagsimula noong 474 B.C.E., kagaya rin ng patotoo ng iba pa. Dagdag pa niya: “Ang ikadalawampung taon ni Artajerjes ay ang taóng 455 bago si Kristo.”
[Larawan]
Busto ni Themistocles
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 188, 189]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
“PITUMPUNG SANLINGGO”
455 B.C.E 406 B.C.E 29 C.E. 33 C.E. 36 C.E.
“Ang salita Itinayong muli Lumitaw Kinitil Katapusan ng
na isauli . . . ang Jerusalem ang Mesiyas ang Mesiyas “pitumpung sanlinggo”
ang Jerusalem”
Mga sanlinggo
7 sanlinggo 62 sanlinggo 1 sanlinggo
49 na taon 434 na taon 7 taon
Mga taon
[Buong-pahinang larawan sa pahina 180]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 193]