Unang Kabanata
Ikaw at ang Aklat ng Daniel
1, 2. (a) Ano ang ilan sa di-karaniwang mga pangyayari na iniharap sa aklat ng Daniel sa Bibliya? (b) Sa ating makabagong panahon, anong mga katanungan ang bumabangon hinggil sa aklat ng Daniel?
ISANG makapangyarihang hari ang nagbabantang pumatay sa lahat niyang pantas na mga lalaki dahilan sa hindi nila maisiwalat at maipaliwanag ang kaniyang nakalilitong panaginip. Tatlong kabataang lalaki na tumangging sumamba sa isang matayog na imahen ang itinapon sa isang napakainit na hurno, pero sila’y nakaligtas. Sa gitna ng isang masayang pagdiriwang, daan-daan ang nakakita sa isang kamay na sumusulat ng misteryosong mga salita sa pader ng palasyo. Ipinatapon ng balakyot na magkakasabuwat ang isang matandang lalaki sa yungib ng mga leon, subalit siya’y umahong wala ni kaunting galos. Nakita ng isang propeta ng Diyos ang apat na mabangis na hayop sa isang pangitain, at ang kahulugan ng mga ito ay umaabot nang libu-libong taon sa hinaharap.
2 Ang mga ito ay ilan lamang sa mga ulat na masusumpungan sa aklat ng Daniel sa Bibliya. Ang mga ito ba’y karapat-dapat sa masinsinang pagsasaalang-alang? Ano kaya ang posibleng kaugnayan ng matandang aklat na ito sa ating kaarawan? Bakit kailangang maging interesado tayo sa mga pangyayaring naganap mga 2,600 taon na ang nakararaan?
DANIEL—ISANG MATANDANG AKLAT PARA SA MAKABAGONG PANAHON
3, 4. Bakit maraming tao ang may katuwirang maging interesado sa kinabukasan ng sangkatauhan?
3 Ang kalakhang bahagi ng aklat ng Daniel ay nakatuon sa tema ng pandaigdig na pamamahala, isang paksa na may malaking kahalagahan sa ngayon. Halos sasang-ayon ang lahat na tayo’y nabubuhay sa mahirap na mga panahon. Sa araw-araw, inuulan tayo ng mga balita na malungkot na nagpapaalaala na ang lipunan ng tao ay lumulubog sa pusali ng nakalilitong mga suliranin—at ito’y sa kabila ng kahanga-hangang pagsulong sa siyensiya at teknolohiya.
4 Isaalang-alang ito: Ang tao ay nakalakad na sa buwan, subalit sa maraming lugar ay hindi siya makalakad sa mga lansangan ng kaniyang sariling planeta nang walang takot. Maaari niyang lagyan ang kaniyang tahanan ng lahat ng uri ng modernong kasangkapan, subalit hindi niya malunasan ang pagkawasak ng mga pamilya. At nakaya niyang pangyarihin ang malawakang pagpapalaganap ng impormasyon, subalit hindi niya kayang turuan ang mga tao na mapayapang mamuhay nang magkakasama. Minsan ay sumulat si Hugh Thomas, isang propesor sa kasaysayan: “Ang paglaganap ng kaalaman at edukasyon ay kaunti lamang ang naituro sa sangkatauhan hinggil sa pagpipigil-sa-sarili at halos wala pa nga sa sining ng pakikisama sa ibang tao.”
5. Sa kalakhang bahagi, ano ang naging resulta ng pamamahala ng tao?
5 Sa pagsisikap na makapagtatag ng kaayusan sa lipunan, inorganisa ng mga tao ang kanilang sarili sa ilalim ng iba’t ibang uri ng pamahalaan. Gayunman, wala sa mga ito ang makaiiwas sa katotohanan ng obserbasyon ni Haring Solomon: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.” (Eclesiastes 4:1; 8:9) Sabihin pa, ang ilang tagapamahala ay may mararangal na layunin. Gayunpaman, walang hari, presidente, o diktador ang nakapag-alis ng sakit at kamatayan. Walang tao ang nakapagsauli sa lupa sa pagiging Paraiso gaya ng nilayon ng Diyos.
6. Bakit hindi kailangan ni Jehova ang tulong ng mga pamahalaan ng tao upang maisakatuparan ang kaniyang kalooban?
6 Gayunman, gusto at kayang gawin ng Maylalang ang gayong mga bagay. Hindi niya kailangan ang pahintulot ng mga pamahalaan ng tao upang maisakatuparan ang kaniyang layunin, sapagkat para sa kaniya “ang mga bansa ay gaya ng isang patak mula sa timba; at ibinibilang silang gaya ng manipis na alikabok sa timbangan.” (Isaias 40:15) Oo, si Jehova ang Soberanong Tagapamahala ng sansinukob. Sa pagiging gayon, nagtataglay siya ng awtoridad na napakalaki ang kahigitan sa mga pamahalaan ng tao. Ang Kaharian ng Diyos ang papalit sa lahat ng pamamahala ng tao, ukol sa walang-hanggang pagpapala ng sangkatauhan. Marahil, wala nang iba pang higit na makapagpapaliwang nito kundi ang aklat ng Daniel sa Bibliya.
SI DANIEL—LUBHANG MINAMAHAL NG DIYOS
7. Sino si Daniel, at paano siya minalas ni Jehova?
7 Ang Diyos na Jehova ay may malaking pagmamahal kay Daniel, na naglingkod bilang kaniyang propeta sa maraming taon. Tunay, inilarawan ng anghel ng Diyos si Daniel sa pananalitang “ikaw ay lubhang kalugud-lugod.” (Daniel 9:23) Ang orihinal na terminong Hebreo na isinaling “ikaw ay lubhang kalugud-lugod” ay maaaring mangahulugang “lubhang minamahal,” “lubhang pinahahalagahan,” o “isang paborito” pa nga. Si Daniel ay bukod-tanging mahalaga sa paningin ng Diyos.
8. Paano napunta si Daniel sa Babilonya?
8 Isaalang-alang natin sa maikli ang pambihirang mga kalagayan ng minamahal na propetang ito. Noong 618 B.C.E., kinubkob ni Haring Nabucodonosor ng Babilonya ang Jerusalem. (Daniel 1:1) Hindi nagtagal pagkaraan niyaon, ang ilang kabataang Judio na may mataas na edukasyon ay sapilitang dinala bilang bihag sa Babilonya. Si Daniel ay kabilang sa mga ito. Sa panahong iyon, malamang na siya’y isang tin-edyer pa lamang.
9. Anong pagsasanay ang ibinigay kay Daniel at sa kaniyang mga kasamang Hebreo?
9 Si Daniel at ang kaniyang mga kasamang sina Ananias, Misael, at Azarias ay kabilang sa mga Hebreo na pinili upang tumanggap ng tatlong taóng pagsasanay sa ‘sulat at wika ng mga Caldeo.’ (Daniel 1:3, 4) Sinabi ng ilang iskolar na malamang na ito’y higit pa kaysa sa isang pag-aaral lamang ng wika. Halimbawa, si Propesor C. F. Keil ay nagsabi: “Si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay tuturuan sa karunungan ng mga saserdoteng Caldeo at edukadong mga tao, na siyang itinuturo sa mga paaralan sa Babilonya.” Kaya si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay pantanging sinanay para sa paglilingkod sa pamahalaan.
10, 11. Anong mga hamon ang napaharap kay Daniel at sa kaniyang mga kasama, at anong tulong ang ibinigay sa kanila ni Jehova?
10 Kaylaking pagbabago nito sa kalagayan ni Daniel at ng kaniyang mga kasama! Sila’y namuhay sa Juda kasama ng mga mananamba ni Jehova. Ngayo’y napalilibutan sila ng mga taong sumasamba sa maalamat na mga diyos at mga diyosa. Gayunpaman, ang mga kabataang sina Daniel, Hananias, Misael, at Azarias ay hindi natakot. Sila’y desidido—sa kabila ng humahamon-sa-pananampalatayang kalagayang ito—na manghawakan sa tunay na pagsamba.
11 Hindi ito magiging madali. Si Haring Nabucodonosor ay isang masigasig na mananamba ni Marduk, ang pangunahing diyos ng Babilonya. May mga panahong ang kahilingan ng hari ay hindi kanais-nais sa isang sumasamba kay Jehova. (Halimbawa, tingnan ang Daniel 3:1-7.) Subalit, si Daniel at ang kaniyang mga kasama ay laging pinapatnubayan ni Jehova. Sa loob ng tatlong taon nilang pagsasanay, binigyan sila ng Diyos ng “kaalaman at kaunawaan sa lahat ng sulat at karunungan.” Karagdagan pa, si Daniel ay pinagkalooban ng kakayahang umunawa sa kahulugan ng mga pangitain at mga panaginip. Nang gumawa ang hari ng pagsusuri sa apat na binatang ito pagkaraan, nasumpungan niyang “mas magaling sila nang sampung ulit kaysa sa lahat ng mga mahikong saserdote at mga salamangkero na nasa kaniyang buong kaharian.”—Daniel 1:17, 20.
PAGHAHAYAG NG MGA MENSAHE NG DIYOS
12. Anong pantanging atas ang tinaglay ni Daniel?
12 Sa maraming taóng ginugol niya sa Babilonya, si Daniel ay naglingkod bilang mensahero ng Diyos sa mga taong gaya nina Haring Nabucodonosor at Belsasar. Ang atas ni Daniel ay mahalaga. Pinahintulutan ni Jehova na puksain ni Nabucodonosor ang Jerusalem, anupat ginamit siya bilang Kaniyang instrumento. Sa takdang panahon, mapupuksa rin ang Babilonya. Tunay, dinadakila ng aklat ng Daniel ang Diyos na Jehova bilang ang Kataas-taasan at bilang Tagapamahala sa “kaharian ng mga tao.”—Daniel 4:17.
13, 14. Ano ang nangyari kay Daniel pagkatapos bumagsak ang Babilonya?
13 Si Daniel ay nagpatuloy sa paglilingkod sa palasyo nang mga pitong dekada, hanggang sa pagbagsak ng Babilonya. Nanatili siyang buháy upang makita ang pagbabalik ng maraming Judio sa kanilang bayang tinubuan noong 537 B.C.E., bagaman hindi sinasabi ng Bibliya na siya’y kasama nila. Siya’y lubhang aktibo hanggang sa di-kukulangin sa ikatlong taon ng paghahari ni Haring Ciro, ang tagapagtatag ng Imperyo ng Persia. Sa panahong iyon, malamang na ang edad ni Daniel ay malapit na sa 100 taon!
14 Pagkatapos bumagsak ng Babilonya, isinulat ni Daniel ang pinakamahahalagang pangyayari sa kaniyang buhay. Ang kaniyang dokumento ay isa na ngayong pambihirang bahagi ng Banal na Bibliya at kilala bilang ang aklat ng Daniel. Ngunit bakit tayo magbibigay-pansin sa matandang aklat na ito?
DALAWANG ISTILO, ISANG MENSAHE
15. (a) Anong dalawang bahagi ang nilalaman ng aklat ng Daniel sa Bibliya? (b) Paano tayo makikinabang sa bahaging salaysay ng Daniel?
15 Ang pambihirang aklat ng Daniel ay naglalaman ng dalawang lubhang magkaibang istilo—ang isa ay salaysay, ang isa naman ay makahula. Ang dalawang aspektong ito ng aklat ni Daniel ay makapagpapatibay ng ating pananampalataya. Paano? Ang mga bahaging salaysay—kabilang sa pinakamakulay sa Bibliya—ay nagpapakita sa atin na ang Diyos na Jehova ay magpapala at mangangalaga roon sa mga nag-iingat ng kanilang katapatan sa kaniya. Si Daniel at ang kaniyang tatlong kasama ay nanatiling matatag sa harap ng mga pagsubok na nagsasapanganib ng buhay. Sa ngayon, ang lahat ng nagnanais na manatiling tapat kay Jehova ay mapalalakas ng masinsinang pagsasaalang-alang ng kanilang halimbawa.
16. Anong leksiyon ang matututuhan natin sa makahulang mga bahagi ng Daniel?
16 Ang makahulang mga bahagi ng Daniel ay nagpapatibay ng pananampalataya sa pamamagitan ng pagpapakita na nalalaman ni Jehova ang takbo ng kasaysayan na mga daan-daang taon—maging libu-libong taon pa nga—ang kaagahan. Halimbawa, si Daniel ay nagbigay ng detalye hinggil sa pagbangon at pagbagsak ng mga pandaigdig na kapangyarihan mula noong panahon ng matandang Babilonya hanggang sa “panahon ng kawakasan.” (Daniel 12:4) Inaakay ni Daniel ang ating pansin sa Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng Kaniyang hinirang na Hari at kasamang “mga banal,” na tinutukoy ito bilang ang pamahalaan na mananatili magpakailanman. Lubusang isasakatuparan ng pamahalaang ito ang layunin ni Jehova para sa ating lupa at magdudulot ito ng pagpapala sa lahat ng mga nagnanais maglingkod sa Diyos.—Daniel 2:44; 7:13, 14, 22.
17, 18. (a) Paano mapalalakas ang ating pananampalataya sa pamamagitan ng maingat na pagsusuri sa aklat ng Daniel? (b) Anong mga bagay ang kailangan munang isaalang-alang bago natin pag-aralan ang makahulang aklat na ito ng Bibliya?
17 Salamat na lamang, hindi sinarili ni Jehova ang kaalaman hinggil sa mga pangyayari sa hinaharap. Sa halip, siya ang “Tagapagsiwalat ng mga lihim.” (Daniel 2:28) Habang ating isinasaalang-alang ang katuparan ng mga hulang nakaulat sa aklat ng Daniel, ang ating pananampalataya sa mga pangako ng Diyos ay mapatitibay. Higit tayong nakatitiyak na tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin sa takdang panahon at sa eksaktong paraan na nais niya.
18 Ang lahat ng nag-aaral ng aklat ng Daniel sa Bibliya na may pusong tumutugon ay susulong sa pananampalataya. Gayunman, bago magsagawa ng malalim na pagsisiyasat sa aklat na ito, kailangan muna nating isaalang-alang ang katunayan kung totoo nga ba ang aklat na ito. Inaatake ng ilang kritiko ang aklat ng Daniel sa pagsasabing ang mga hula nito ay isinulat pagkatapos matupad. Totoo ba ang mga pag-aangkin ng mga nag-aalinlangan? Tatalakayin ito ng susunod na kabanata.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Bakit ang Daniel ay isang aklat para sa makabagong panahon?
• Paano nakapasok si Daniel at ang kaniyang mga kasama sa paglilingkod sa pamahalaan ng Babilonya?
• Ano ang pantanging atas ni Daniel sa Babilonya?
• Bakit dapat tayong magbigay-pansin sa hula ni Daniel?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 4]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 11]