“Nasumpungan Namin ang Mesiyas”!
“Unang nasumpungan [ni Andres] ang kaniyang sariling kapatid, si Simon, at sa kaniya’y sinabi: ‘Nasumpungan namin ang Mesiyas’ (na ang ibig sabihin, kung isasalin, ay Kristo).”—JUAN 1:41.
1. Ano ang patotoo ni Juan Bautista tungkol kay Jesus ng Nasaret, at ano ang ibinulalas ni Andres tungkol sa kaniya?
PINAGMASDAN ni Andres nang matagal at malapitan ang lalaking Judio na tinatawag na Jesus ng Nasaret. Wala kay Jesus ang anyo ng isang hari, o isang taong pantas, o isang rabi. Siya’y walang maharlikang gayak, ni mga uban man, ni malalambot na kamay at maputing kutis. Si Jesus noon ay nasa kabataan—mga 30 taóng gulang—may kalyo ang mga kamay at sunog sa araw na balat ng isang trabahador. Kaya marahil si Andres ay hindi nagtaka nang malaman niya na ito’y isang anluwagi. Gayunman, sinabi ni Juan Bautista tungkol sa taong ito: “Narito, ang Kordero ng Diyos!” Noong nakaraang araw, may sinabi si Juan na lalong kagila-gilalas: “Ito ang Anak ng Diyos.” Maaari nga kayang ito’y totoo? Gumugol nang kaunting panahon si Andres sa pakikinig kay Jesus nang araw na iyon. Hindi natin alam kung ano ang sinabi ni Jesus; ang alam natin ay binago ng kaniyang mga sinabi ang buhay ni Andres. Siya’y nagmamadaling humayo upang hanapin ang kaniyang kapatid, si Simon, at pagkatapos ay bumulalas, “Nasumpungan namin ang Mesiyas”!—Juan 1:34-41.
2. Bakit mahalaga na isaalang-alang ang katibayan na nagpapatotoo kung si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas?
2 Si Andres at si Simon (na pinangalanan ni Jesus na Pedro) nang magtagal ay naging mga apostol ni Jesus. Pagkalipas ng mahigit na dalawang taon bilang kaniyang alagad, sinabi ni Pedro kay Jesus: “Ikaw ang Kristo [Mesiyas], ang Anak ng Diyos na buháy.” (Mateo 16:16) Ang tapat na mga apostol at mga alagad ay nagpatotoo sa wakas na handa silang mamatay alang-alang sa gayong paniniwala. Sa ngayon, milyun-milyon ang taimtim na mga tao na may gayunding debosyon. Subalit batay sa anong katibayan? Ang katibayan, higit sa lahat, ang nagpapakita ng pagkakaiba ng pananampalataya at basta paniniwala lamang. (Tingnan ang Hebreo 11:1.) Kaya isaalang-alang natin ang tatlong pangkaraniwang mga hanay ng katibayan na nagpapatotoo na si Jesus nga ang Mesiyas.
Ang Angkang Pinagmulan
3. Ano ba ang detalyadong pag-uulat tungkol sa pinagmulang angkan ni Jesus sa mga Ebanghelyo ni Mateo at ni Lucas?
3 Ang angkang pinagmulan ni Jesus ang unang katibayan na ibinibigay ng Kasulatang Griego Kristiyano bilang patotoo ng kaniyang pagka-Mesiyas. Inihula ng Bibliya na ang Mesiyas ay manggagaling sa angkan ni Haring David. (Awit 132:11, 12; Isaias 11:1, 10) Ang Ebanghelyo ni Mateo ay nagpapasimula: “Ang aklat ng kasaysayan ni Jesu-Kristo, anak ni David, anak ni Abraham.” Pinatototohanan ni Mateo ang tahasang pag-aangkin na ito sa pamamagitan ng pagtunton sa pinagmulan ni Jesus sa pamamagitan ng angkan ng kaniyang nag-ampong ama, si Jose. (Mateo 1:1-16) Ang pinagmulang angkan ni Jesus ay tinutunton ng Ebanghelyo ni Lucas sa pamamagitan ng kaniyang katutubong ina, si Maria, buhat pa kay David at Abraham hanggang kay Adan. (Lucas 3:23-38)a Sa gayon ay lubusang pinatutunayan ng mga sumulat ng Ebanghelyo ang kanilang pag-aangkin na si Jesus ay tagapagmana ni David, kapuwa sa legal at sa isang katutubong diwa.
4, 5. (a) Hinamon ba ng mga kapanahon ni Jesus ang kaniyang pagiging inapo ni David, at bakit ito mahalaga? (b) Papaano ang di-salig sa Bibliyang mga reperensiya ay umaalalay sa pinagmulang angkan ni Jesus?
4 Kahit na ang pinakamahigpit na mananalansang at walang paniwala sa pagka-Mesiyas ni Jesus ay hindi makapagtatatwa sa pag-aangkin ni Jesus na siya’y isang anak ni David. Bakit? May dalawang dahilan. Isa, ang pag-aangkin na iyan ay malaganap na inuulit-ulit sa Jerusalem sa loob ng kung ilang mga dekada bago pinuksa ang lunsod noong 70 C.E. (Ihambing ang Mateo 21:9; Gawa 4:27; 5:27, 28.) Kung ang pag-aangkin ay hindi totoo, sinuman sa mga kaaway ni Jesus—at siya’y nagkaroon ng marami—ay maaari sanang nagpatunay na si Jesus ay isang huwad sa pamamagitan lamang ng pagsusuri sa kaniyang pinagmulang angkan sa talaangkanan na nasa mga pangmadlang archive.b Subalit ang kasaysayan ay walang rekord ng sinuman na tumututol na si Jesus ay inapo ni Haring David. Maliwanag, hindi matututulan ang pag-aangking iyan. Walang alinlangan na ang tinukoy na mga pangalan para sa kanilang ulat ay kinopya nang tuwiran ni Mateo at ni Lucas buhat sa pangmadlang mga rekord.
5 Pangalawa, ang mga reperensiyang hindi salig sa Bibliya ay nagpapatotoo sa pinanggalingang angkan ni Jesus na tinatanggap ng karamihan. Halimbawa, ang Talmud ay nag-uulat ng isang rabi noong ikaapat na siglo na gumawa ng mahalay na pang-iinsulto kay Maria, na ina ni Jesus, dahil sa ‘pagpapatutot sa mga anluwagi’; subalit ang teksto ring iyon ang sumasang-ayon na “siya’y inapo ng mga prinsipe at mga hari.” Isang mas maagang halimbawa ang historyador na si Hegesippus noong ikalawang siglo. Inilahad niya na nang ibig lipulin ng Romanong Cesar Domitian ang sinumang mga inapo ni David, may mga ilang kaaway ng sinaunang mga Kristiyano na tumuligsa sa mga apo ni Judas, kapatid ni Jesus sa ina, “bilang galing sa sambahayan ni David.” Kung si Judas ay isang kilalang inapo ni David, hindi ba si Jesus din? Hindi maitatatwa iyan!—Galacia 1:19; Judas 1.
Mga Hula Tungkol sa Mesiyas
6. Gaano karami ang mga hula tungkol sa Mesiyas sa Hebreong Kasulatan?
6 Ang isa pang hanay ng katibayan na si Jesus ang Mesiyas ay ang natupad na hula. Ang mga hula na kumakapit sa Mesiyas ay marami sa Kasulatang Hebreo. Sa kaniyang isinulat na The Life and Times of Jesus the Messiah, si Alfred Edersheim ay nakapagtala ng 456 na mga teksto sa Kasulatang Hebreo na itinuturing ng sinaunang mga rabi bilang mesianiko. Gayunman, ang mga rabi ay maraming maling idea tungkol sa Mesiyas; marami sa mga talatang kanilang binanggit ay hindi mesianiko sa anumang paraan. Subalit, kahit gayon, maraming mga hula na nagpapakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas.—Ihambing ang Apocalipsis 19:10.
7. Ano ang ilan sa mga hula na tinupad ni Jesus nang siya’y narito sa lupa?
7 Kabilang sa mga ito: ang bayan na kaniyang sinilangan (Mikas 5:2; Lucas 2:4-11); ang trahedya ng lansakang paglipol sa mga sanggol pagkatapos na siya’y isilang (Jeremias 31:15; Mateo 2:16-18); siya’y tatawagin buhat sa Ehipto (Hosea 11:1; Mateo 2:15); ang mga pinunò ng mga bansa ay magkakaisa-isa upang puksain siya (Awit 2:1, 2; Gawa 4:25-28); ang pagkakanulo sa kaniya sa halagang 30 piraso ng pilak (Zacarias 11:12; Mateo 26:15); maging ang paraan ng kaniyang kamatayan.—Awit 22:16, talababa; Juan 19:18, 23; 20:25, 27.c
Inihula ang Kaniyang Pagdating
8. (a) Anong hula ang tumutukoy kung kailan darating ang Mesiyas? (b) Anong dalawang bagay ang kailangang maalaman upang maunawaan ang hulang ito?
8 Tayo’y magtutok ng pansin sa isa lamang hula. Sa Daniel 9:25, sinabi sa mga Judio kung kailan darating ang Mesiyas. Sinasabi nito: “Talastasin mo at unawain na mula sa paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magiging pitong sanlinggo, at animnapu’t dalawang sanlinggo.” Sa biglang tingin ang hulang ito ay waring mahiwaga. Subalit sa karaniwang diwa, hinihiling nito sa atin na alamin ang dalawa lamang na bagay: isang pasimula at isang yugto ng panahon. Bilang halimbawa, kung ikaw ay may isang mapa na nakaturo sa isang kayamanang nakabaon sa lalim na “50 dipa sa gawing silangan ng balon sa parke ng bayan,” marahil ay malilito ka tungkol sa mga direksiyon—lalo na kung hindi mo alam kung nasaan ang balong ito, o gaano kahaba ang isang ‘dipa.’ Hindi ba aalamin mo ang dalawang bagay na iyon upang iyong maalaman kung saan naroroon ang kayamanan? Buweno, halos ganiyan ang hula ni Daniel, maliban sa inaalam natin ang isang pinagsimulaang panahon at sinusukat ang kasunod na panahon.
9, 10. (a) Ano ang puntong pagsisimulan ng pagsukat sa 69 na sanlinggo? (b) Gaano kahaba ang 69 na sanlinggo, at papaano natin nalalaman ito?
9 Una, kailangan natin ang ating pasimula, ang petsa ng ‘paglabas ng utos na isauli at muling itayo ang Jerusalem.’ Pagkatapos, kailangang alamin natin ang distansiya buhat sa puntong iyan, kung gaano kahaba ang 69 (7 dagdagan ng 62) na mga sanlinggong ito. Alinman sa impormasyong iyan ay hindi mahirap makuha. Malinaw na isinasaad sa atin ni Nehemias na lumabas ang utos na muling itayo ang pader sa palibot ng Jerusalem, anupat ginagawa iyon sa wakas na isang napasauling siyudad, “noong ikadalawampung taon ng haring si Artaxerxes.” (Nehemias 2:1, 5, 7, 8) Kaya ang ating pasimula ay 455 B.C.E.d
10 Ngayon tungkol sa 69 na sanlinggong ito, ito kaya ay literal na mga sanlinggo na may pitong araw? Hindi, sapagkat ang Mesiyas ay hindi lumitaw makalipas lamang ang mahigit na isang taon pagkatapos ng 455 B.C.E. Kaya naman ang karamihan ng mga iskolar ng Bibliya at ang maraming mga salin (kasali na ang Judiong Tanakh sa isang talababa sa talatang ito) ay sumasang-ayon na ang mga ito ay mga sanlinggong “mga taon.” Ang ganitong idea na ‘sanlinggong mga taon,’ o isang pitong-taóng siklo, ay kilala ng sinaunang mga Judio. Kung papaano sila nangingilin ng isang araw na sabbath tuwing ikapitong araw, sila’y nangingilin din ng isang taóng sabbath tuwing ikapitong taon. (Exodo 20:8-11; 23:10, 11) Kaya ang 69 na sanlinggong mga taon ay katumbas ng 69 multiplikahin ng 7 taon, o 483 taon. Wala tayong dapat gawin kundi ang bumilang. Mula 455 B.C.E., ang pagbilang ng 483 taon ay papatak sa taong 29 C.E.—ang mismong taon na nabautismuhan si Jesus at naging ma·shiʹach, ang Mesiyas!—Tingnan ang “Seventy Weeks,” Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 899.
11. Papaano natin maaaring sagutin yaong mga nagsasabi na ito’y isa lamang modernong paraan ng interpretasyon ng hula ni Daniel?
11 Baka tutulan ito ng iba na isa lamang modernong paraan ng interpretasyon ng hula upang maibagay sa kasaysayan. Kung gayon, bakit ang mga tao noong kaarawan ni Jesus ay umaasang ang Mesiyas ay lilitaw sa panahong iyan? Ang Kristiyanong historyador na si Lucas, ang Romanong mga historyador na sina Tacitus at Suetonius, ang Judiong historyador na si Josephus, at ang pilosopong Judio na si Philo ay pawang nabuhay malapit sa panahong ito at nagpatotoo sa ganitong kalagayan ng pagkaumaasa. (Lucas 3:15) Iginigiit ng ilang iskolar sa ngayon na dahil sa paniniil ng mga Romano kung kaya ang mga Judio ay umasa at naghintay sa Mesiyas noong mga kaarawang iyon. Bakit nga ba umasa ang mga Judio na darating noon ang Mesiyas imbes na noong panahon ng malupit na pag-uusig na ginawa ng mga Griego daan-daan taon ang kaagahan? Bakit sinabi ni Tacitus na iyon ay “mahiwagang mga hula” na umakay sa mga Judio na umasang makapangyarihang mga pinunò ang darating buhat sa Judea at “magtatamo ng pansansinukob na imperyo”? Sa kaniyang aklat na A History of Messianic Speculation in Israel, inamin ni Abba Hillel Silver na “ang Mesiyas ay inaasahang darating noong mga ikalawang kuwarto ng unang siglo C.E.,” hindi dahilan sa pag-uusig Romano, kundi dahilan sa “popular na kronolohiya ng kaarawang iyon,” na nakuha ang isang bahagi sa aklat ni Daniel.
Pinatotohanan Buhat sa Langit
12. Papaano ipinakilala ni Jehova si Jesus bilang ang Mesiyas?
12 Ang ikatlong uri ng katibayan ng pagka-Mesiyas ni Jesus ay ang patotoo ng Diyos mismo. Sang-ayon sa Lucas 3:21, 22, pagkabautismo kay Jesus, siya’y pinahiran ng pinakabanal at makapangyarihang puwersa sa sansinukob, ang banal na espiritu ng Diyos na Jehova. At sa pamamagitan ng kaniyang sariling tinig ay kinilala ni Jehova na kaniyang sinang-ayunan ang kaniyang Anak, si Jesus. Sa dalawa pang pagkakataon, si Jehova ay nagsalitang tuwiran kay Jesus mula sa langit, sa ganoo’y ipinakikita ang Kaniyang pagsang-ayon: minsan, sa harap ng tatlo sa mga apostol ni Jesus, at sa isa pang pagkakataon, sa harap ng isang pulutong ng mga tagapagmasid. (Mateo 17:1-5; Juan 12:28, 29) Isa pa, mga anghel ang isinugo mula sa itaas upang pagtibayin ang katayuan ni Jesus bilang Kristo, o Mesiyas.—Lucas 2:10, 11.
13, 14. Papaano ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon kay Jesus bilang Mesiyas?
13 Ipinakita ni Jehova ang kaniyang pagsang-ayon sa kaniyang pinahiran sa pamamagitan ng pagbibigay ng kapangyarihan sa kaniya upang makagawa ng dakilang mga bagay. Halimbawa, si Jesus ay nagsalita ng mga hula na nagsilbing patiunang detalyadong kasaysayan—ang iba’y umaabot pa ang katuparan sa atin mismong kaarawan.e Siya’y gumawa rin ng mga himala, tulad halimbawa ng pagpapakain sa nagugutom na karamihan ng mga tao at pagpapagaling sa mga maysakit. Kaniyang binuhay pati ang mga patay. Ang kaniya bang mga tagasunod ay umimbento lamang ng mga kuwento tungkol sa mga himalang ito pagkatapos mangyari? Buweno, si Jesus ay gumawa ng marami sa kaniyang mga himala sa harap ng nagmamasid na mga saksi, kung minsan libu-libong tao sa isang pagkakataon. Maging ang mga kaaway man ni Jesus ay hindi makapagtatatwa na kaniyang ginawa ang mismong mga bagay na ito. (Marcos 6:2; Juan 11:47) Bukod dito, kung ang mga tagasunod ni Jesus ay nahihilig na umimbento ng gayong mga ulat, bakit nga sila magiging totoong prangkahang mangusap pagka tungkol naman sa kanilang sariling mga kabiguan? Sa totoo, sila kaya ay papayag na mamatay alang-alang sa isang pananampalatayang nakasalig lamang sa mga alamat na kanilang inimbento? Hindi. Ang mga himala ni Jesus ay tunay na mga pangyayari sa kasaysayan.
14 Ang patotoo ng Diyos tungkol kay Jesus bilang ang Mesiyas ay higit pa. Sa pamamagitan ng banal na espiritu tiniyak niya na ang katibayan ng pagka-Mesiyas ni Jesus ay napasulat at naging bahagi ng pinakamalaganap na isinalin at ipinamahaging aklat sa buong kasaysayan.
Bakit si Jesus ay Hindi Tinanggap ng mga Judio?
15. (a) Gaano karami ang patotoo tungkol kay Jesus na nagpapakilala sa kaniya bilang Mesiyas? (b) Ano ang inaasahan ng mga Judio na umakay sa marami sa kanila na tanggihan si Jesus bilang ang Mesiyas?
15 Lahat-lahat, kung gayon, sa tatlong uring ito ng mga katibayan ay kasali ang literal na daan-daang patotoo na nagpapakilala kay Jesus bilang ang Mesiyas. Iyan ba ay hindi pa sapat? Gunigunihin na umaaplay ka para sa lisensiya sa pagmamaneho o para sa isang credit card at pinagsabihan ka na ang tatlong bagay na pagkakakilanlan sa iyo ay hindi sapat—ikaw ay kailangang magdala ng daan-daan. Napakawalang katuwiran! Tiyak, kung gayon, na ang Bibliya ay nagbibigay ng sapat na pagkakakilanlan kay Jesus. Sa kabila nito, bakit marami sa sariling mga kababayan ni Jesus ang nagtatwa sa lahat ng katibayang ito na siya ang Mesiyas? Sapagkat ang katibayan, bagaman mahalaga sa tunay na pananampalataya, ay hindi garantiya ng pananampalataya. Nakalulungkot sabihin, maraming tao ang naniniwala sa nais nilang paniwalaan, kahit na sa harap ng napakaraming katibayan. Pagdating na sa Mesiyas, karamihan ng mga Judio ay may tiyak na tiyak na mga idea tungkol sa kung ano ang ibig nila. Ang ibig nila’y isang pulitikal na mesiyas, na tatapos sa paniniil ng mga Romano at isasauli ang Israel sa kaluwalhatian na nahahawig sa isang materyalistikong paraan na katulad noong mga kaarawan ni Solomon. Papaano, kung gayon, nila matatanggap ang abang anak na ito ng isang anluwagi, ang Nasarenong ito na walang interes sa pulitika o kayamanan? Papaano, lalo na, siya magiging Mesiyas pagkatapos na siya’y magdusa at mamatay sa kahiya-hiyang paraan sa isang pahirapang tulos?
16. Bakit ang mga tagasunod ni Jesus ay kinailangang iwasto ang kanilang sariling mga inaasahan kung tungkol sa Mesiyas?
16 Ang mismong mga alagad ni Jesus ay nabahala sa kaniyang kamatayan. Pagkatapos ng kaniyang maluwalhating pagkabuhay-muli, maliwanag na sila’y umasang kaniyang ‘isasauli ang kaharian sa Israel’ agad-agad. (Gawa 1:6) Subalit hindi nila tinanggihan si Jesus bilang Mesiyas dahilan lamang sa ang personal na pag-asang ito ay hindi natupad. Sila’y sumampalataya sa kaniya batay sa sapat na ebidensiyang nakuha, at ang kanilang pag-unawa ay unti-unting lumaki; nagliwanag ang mga bagay na mahiwaga. Kanilang nakita na hindi matutupad ng Mesiyas ang lahat ng hula tungkol sa kaniya sa panahon ng kaniyang sandaling paglagi sa lupang ito bilang isang tao. Aba, binanggit ng isang hula ang tungkol sa kaniyang abang pagdating, na nakasakay sa bisiro ng isang asno, samantalang isa naman ang bumanggit tungkol sa kaniyang pagparito sa kaluwalhatian na nakasakay sa mga alapaap! Papaano kapuwa magiging totoo iyan? Maliwanag na siya’y kailangang pumarito nang ikalawang beses.—Daniel 7:13; Zacarias 9:9.
Kung Bakit Kinailangang Mamatay ang Mesiyas
17. Papaano niliwanag ng hula ni Daniel na ang Mesiyas ay kailangang mamatay, at sa anong dahilan siya kailangang mamatay?
17 Isa pa, ang mga hula tungkol sa Mesiyas ay nagbigay-linaw na ang Mesiyas ay kailangang mamatay. Halimbawa, ang mismong hula kung kailan darating ang Mesiyas ay nagsabi sa susunod na talata: “Pagkatapos ng animnapu’t dalawang sanlinggo [na kasunod ng pitong sanlinggo] ang Mesiyas ay mahihiwalay.” (Daniel 9:26) Ang salitang Hebreo na ka·rathʹ na ginamit dito para sa “mahihiwalay” ay siya ring salitang ginamit para sa sintensiyang kamatayan sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. Tiyak na ang Mesiyas ay kailangang mamatay. Bakit? Ang Dan 9 talatang 24 ang nagbibigay sa atin ng sagot: “Upang wakasan ang pagkakasala, at upang linisin ang kasamaan, at upang dalhin ang walang-hanggang katuwiran.” Alam na alam ng mga Judio na tanging ang isang hain, ang isang kamatayan, ang makapaglilinis ng kasamaan.—Levitico 17:11; ihambing ang Hebreo 9:22.
18. (a) Papaano ipinakikita ng Isaias kabanata 53 na ang Mesiyas ay kailangang magdusa at mamatay? (b) Anong isang bagay na waring pagkakasalungatan ang inihaharap ng hulang ito?
18 Sa Isaias kabanata 53 ay tinutukoy ang Mesiyas bilang ang isang natatanging Lingkod ni Jehova na kailangang magdusa at mamatay upang matakpan ang mga kasalanan ng iba. Ang Isa 53 talatang 5 ay nagsasabi: “Siya ay nasugatan dahil sa ating mga pagsalansang; siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan.” Ang hula ring iyan, pagkatapos sabihin sa atin na kailangang mamatay ang Mesiyas na ito bilang “isang handog sa pagkakasala,” ay nagsisiwalat na ang Isa ring ito ay “pahahabain niya ang kaniyang mga kaarawan, at ang pagkalugod ni Jehova ay magtatagumpay sa kaniyang kamay.” (Isa 53 Talatang 10) Hindi ba iyan isang bagay na balintuna? Papaano nga mangyayaring mamatay ang Mesiyas at ‘pahabain pa rin ang kaniyang mga kaarawan’? Papaano siya maihahandog na isang hain at pagkatapos ay gawing ‘tagumpay ang pagkalugod ni Jehova’? Oo, papaano siya mamamatay at mananatiling patay nang hindi tinutupad ang pinakamahalagang mga hula tungkol sa kaniya, samakatuwid nga ay magpupunò siya magpakailanman bilang Hari at magdadala ng kapayapaan at kaligayahan sa buong daigdig?—Isaias 9:6, 7.
19. Papaano pinagtutugma ng pagkabuhay-muli ni Jesus ang waring nagkakasalungatang mga hula tungkol sa Mesiyas?
19 Ang waring pagkakasalungatang ito ay nilunasan ng kaisa-isa, na pambihirang himala. Si Jesus ay binuhay-muli. Daan-daang tapat-pusong mga Judio ang mismong nakasaksi ng maningning na katunayang ito. (1 Corinto 15:6) Nang maglaon ay sumulat si apostol Pablo: “Ang taong ito [si Jesu-Kristo] ay naghandog ng minsanang hain para sa mga kasalanan at lumuklok sa kanan ng Diyos, buhat noon ay naghihintay hanggang sa gawing tuntungan ng kaniyang mga paa ang kaniyang mga kaaway.” (Hebreo 10:10, 12, 13) Oo, pagkatapos na si Jesus ay buhaying muli tungo sa makalangit na buhay, at pagkatapos ng isang panahon ng ‘paghihintay,’ saka lamang siya sa wakas iluluklok na Hari at kikilos laban sa mga kaaway ng kaniyang Ama, si Jehova. Sa kaniyang ginagampanang bahagi bilang makalangit na Hari, si Jesus na Mesiyas, ay may epekto sa buhay ng bawat taong nabubuhay ngayon. Sa papaano? Ang susunod na artikulo natin ang tatalakay nito.
[Mga talababa]
a Pagka sinasabi ng Lucas 3:23: “Si Jose na anak ni Heli,” maliwanag na ang ibig sabihin ay “anak na lalaki” sa diwa ng “manugang na lalaki,” yamang si Heli ang katutubong ama ni Maria.—Insight on the Scriptures, Tomo I, pahina 913-17.
b Sa paghaharap ng kaniyang sariling pinagmulang angkan, nililiwanag ng Judiong historyador na si Josephus na ang gayong mga rekord ay matutunghayan na bago pa sumapit ang 70 C.E. Ang mga rekord na ito ay lumilitaw na nasunog kasabay ng lunsod ng Jerusalem, kung kaya lahat ng kasunod na pag-aangkin ng pagka-Mesiyas ay hindi mapatunayan.
c Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 387.
d May matibay na patotoo buhat sa sinaunang Griego, Babiloniko, at Persianong mga reperensiya na nagpapakitang ang unang taon ng paghahari ni Artaxerxes ay 474 B.C.E. Tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 614-16, 900.
e Sa isa sa gayong hula, kaniyang inihula na mga bulaang mesiyas ang babangon mula sa kaniyang kaarawan patuloy. (Mateo 24:23-26) Tingnan ang naunang artikulo.
Papaano Mo Sasagutin?
◻ Bakit kailangang suriin ang katibayan na nagpapatotoo kung si Jesus nga ang ipinangakong Mesiyas?
◻ Papaano ang pinagmulang angkan ni Jesus ay umaalalay sa kaniyang pagka-Mesiyas?
◻ Papaano tumutulong ang mga hula sa Bibliya upang patunayan na si Jesus ang Mesiyas?
◻ Sa anu-anong paraan personal na pinatunayan ni Jehova ang pagkakakilanlan kay Jesus bilang ang Mesiyas?
◻ Bakit napakaraming mga Judio ang tumanggi kay Jesus bilang ang Mesiyas, at bakit ang mga kadahilanang ito ay hindi matatag?
[Larawan sa pahina 12]
Bawat isa sa maraming himala ni Jesus ay nagbibigay ng higit pang patotoo tungkol sa kaniyang pagka-Mesiyas