Ayon kay Juan
20 Noong unang araw ng linggo, habang madilim pa, maagang pumunta si Maria Magdalena sa libingan,+ at nakita niyang wala nang nakatakip na bato sa libingan.+ 2 Kaya tumakbo siya papunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad, na minamahal ni Jesus,+ at sinabi niya: “Kinuha nila ang Panginoon mula sa libingan,+ at hindi namin alam kung saan nila siya dinala.”
3 Kaya pumunta si Pedro at ang isa pang alagad sa libingan. 4 Sabay na tumakbo ang dalawa, pero unang nakarating sa libingan ang isang alagad dahil mas mabilis siyang tumakbo kaysa kay Pedro. 5 Yumuko siya para sumilip at nakita niyang nakalapag ang mga telang lino.+ Pero hindi siya pumasok. 6 Kasunod na dumating si Simon Pedro, at pumasok siya sa libingan. Nakita niyang nakalapag doon ang mga telang lino. 7 Ang telang ginamit sa ulo niya ay hindi nakalapag kasama ng iba pang tela, kundi hiwalay na nakarolyo sa isang lugar. 8 Pumasok din sa libingan ang alagad na unang nakarating, at dahil nakita niya, naniwala siya. 9 Hindi pa nila naiintindihan ang kasulatan na kailangan siyang bumangon mula sa mga patay.+ 10 At umuwi sa kani-kanilang bahay ang mga alagad.
11 Pero nakatayo pa rin si Maria malapit sa libingan, at umiiyak siya. Habang umiiyak, yumuko siya para sumilip sa loob ng libingan, 12 at dalawang anghel na nakaputi ang nakita niyang+ nakaupo kung saan inilagay ang katawan ni Jesus, ang isa ay sa ulunan at ang isa ay sa paanan. 13 Sinabi nila: “Babae, bakit ka umiiyak?” Sumagot siya: “Kinuha nila ang Panginoon ko, at hindi ko alam kung saan nila siya dinala.” 14 Pagkasabi nito, tumalikod siya at may nakita siyang lalaking nakatayo. Si Jesus iyon, pero hindi siya nakilala ni Maria.+ 15 Sinabi ni Jesus: “Babae, bakit ka umiiyak? Sino ang hinahanap mo?” Sa pag-aakalang hardinero ang kumausap sa kaniya, sinabi ni Maria: “Ginoo, kung kinuha mo siya, sabihin mo sa akin kung saan mo siya dinala, at kukunin ko siya.” 16 Sinabi ni Jesus: “Maria!” Nang lumingon siya, sinabi niya sa Hebreo: “Rabboni!” (na ang ibig sabihin ay “Guro!”) 17 Sinabi ni Jesus: “Huwag kang kumapit sa akin dahil hindi pa ako nakaaakyat sa Ama. Pumunta ka sa mga kapatid ko+ at sabihin mo sa kanila, ‘Aakyat ako sa aking Ama+ at inyong Ama at sa aking Diyos+ at inyong Diyos.’” 18 Pinuntahan ni Maria Magdalena ang mga alagad at sinabi ang balita: “Nakita ko ang Panginoon!” At sinabi niya sa kanila ang mga sinabi ni Jesus.+
19 Kinagabihan nang araw na iyon, ang unang araw ng linggo, nagtipon sa isang lugar ang mga alagad. Nakatrangka ang mga pinto dahil sa takot nila sa mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya sa kanila ang kaniyang mga kamay at tagiliran.+ Nagsaya ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon.+ 21 Sinabi ulit ni Jesus: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.+ Kung paanong isinugo ako ng Ama,+ isinusugo ko rin kayo.”+ 22 Pagkasabi nito, humihip siya sa kanila at sinabi niya: “Tanggapin ninyo ang banal na espiritu.+ 23 Kung patatawarin ninyo ang kasalanan ng sinuman, pinatawad na siya ng Diyos. Pero kung hindi ninyo patatawarin ang kasalanan ng sinuman, hindi siya pinatawad ng Diyos.”
24 Pero si Tomas,+ isa sa 12 apostol+ at tinatawag na Kambal, ay hindi nila kasama nang dumating si Jesus. 25 Kaya sinasabi sa kaniya ng ibang mga alagad: “Nakita namin ang Panginoon!” Pero sinabi niya: “Maniniwala lang ako kung makikita ko ang butas* ng pako sa mga kamay niya at maipapasok ko ang daliri ko sa mga butas na iyon at ang kamay ko sa tagiliran niya.”+
26 Pagkaraan ng walong araw, muling nagtipon ang mga alagad niya sa isang bahay, at kasama nila si Tomas. Nakatrangka ang mga pinto pero nakapasok si Jesus. Tumayo siya sa gitna nila, at sinabi niya: “Sumainyo nawa ang kapayapaan.”+ 27 Pagkatapos, sinabi niya kay Tomas: “Ilagay mo rito ang daliri mo, at tingnan mo ang mga kamay ko, at ipasok mo ang iyong kamay sa tagiliran ko, at huwag ka nang magduda* kundi manampalataya ka.” 28 Sumagot si Tomas: “Panginoon ko at Diyos ko!”+ 29 Sinabi ni Jesus: “Naniwala ka ba dahil nakita mo ako? Maligaya ang mga naniniwala kahit hindi nakakita.”+
30 Ang totoo, gumawa rin si Jesus ng marami pang tanda sa harap ng mga alagad niya na hindi nakasulat sa balumbong ito.+ 31 Pero isinulat ang mga ito para manampalataya kayo na si Jesus ang Kristo, ang Anak ng Diyos, at dahil sa pananampalatayang iyon, maaari kayong magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng pangalan niya.+