PITUMPUNG SANLINGGO
Isang makahulang yugto ng panahon na tinukoy sa Daniel 9:24-27 kung kailan ang Jerusalem ay muling itatayo at ang Mesiyas ay lilitaw at sa kalaunan ay kikitlin; pagkatapos ng yugtong iyon, ititiwangwang ang lunsod at pati ang dakong banal.
Noong unang taon ni Dario na “anak ni Ahasuero na mula sa binhi ng mga Medo,” napag-unawa ng propetang si Daniel mula sa hula ni Jeremias na ang mga Judio sa Babilonya ay malapit nang lumaya at bumalik sa Jerusalem. Dahil dito, masikap na hinanap ni Daniel si Jehova sa pamamagitan ng panalangin, kaayon ng mga salita ni Jeremias: “‘At kayo ay tiyak na tatawag sa akin at paririto at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo. At hahanapin nga ninyo ako at masusumpungan ako, sapagkat sasaliksikin ninyo ako nang inyong buong puso. At hahayaan kong ako ay masumpungan ninyo,’ ang sabi ni Jehova. . . . ‘At ibabalik ko kayo sa dako na mula roon ay pinayaon ko kayo sa pagkatapon.’”—Jer 29:10-14; Dan 9:1-4.
Samantalang nananalangin si Daniel, isinugo ni Jehova ang kaniyang anghel na si Gabriel taglay ang isang hula na itinuturing ng halos lahat ng komentarista sa Bibliya bilang Mesiyaniko, bagaman may pagkakaiba-iba ang kanilang pagkaunawa rito. Sinabi ni Gabriel:
“May pitumpung sanlinggo na itinalaga sa iyong bayan at sa iyong banal na lunsod, upang wakasan ang pagsalansang, at upang tapusin ang kasalanan, at upang magbayad-sala para sa kamalian, at upang magdala ng katuwiran sa mga panahong walang takda, at upang magtimbre ng tatak sa pangitain at propeta, at upang pahiran ang Banal ng Mga Banal. At alamin mo at magkaroon ka ng kaunawaan na mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, magkakaroon ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t dalawang sanlinggo. Siya ay babalik at muli ngang itatayo, na may liwasan at bambang, ngunit sa mga kaligaligan ng mga panahon. At pagkatapos ng animnapu’t dalawang sanlinggo ay kikitlin ang Mesiyas, na walang anumang bagay para sa kaniyang sarili. At ang lunsod at ang dakong banal ay gigibain ng bayan ng isang lider na dumarating. At ang kawakasan nito ay sa pamamagitan ng baha. At hanggang sa kawakasan ay magkakaroon ng digmaan; ang naipasiya ay mga pagkatiwangwang. At pananatilihin niyang may bisa ang tipan para sa marami sa loob ng isang sanlinggo; at sa kalahati ng sanlinggo ay patitigilin niya ang hain at ang handog na kaloob. At darating na nasa pakpak ng mga kasuklam-suklam na bagay yaong isa na sanhi ng pagkatiwangwang; at hanggang sa paglipol, ang mismong bagay na naipasiya ay mabubuhos din sa isa na nakatiwangwang.”—Dan 9:24-27.
Isang Mesiyanikong Hula. Maliwanag na ang hulang ito ay isang namumukod-tanging paglalaan upang makilala ang Mesiyas. Napakahalagang matukoy kung kailan nagsimula ang 70 sanlinggo at kung gaano kahaba ang mga ito. Kung ang mga ito ay literal na mga sanlinggo na tigpipitong araw, mangangahulugan iyan na hindi natupad ang hula, na imposible namang mangyari (Isa 55:10, 11; Heb 6:18), o kaya’y dumating ang Mesiyas mahigit na 24 na siglo na ang nakalilipas, noong mga araw ng Imperyo ng Persia, ngunit hindi siya nakilala. Kung dumating nga siya noon, mangangahulugan iyan na napakaraming iba pang kuwalipikasyon ng Mesiyas na binanggit sa Bibliya ang hindi natugunan o natupad. Kaya maliwanag na ang 70 sanlinggo ay sumasagisag sa isang mas mahabang yugto ng panahon. Walang alinlangan na ang mga pangyayaring inilarawan sa hula ay hindi maaaring maganap sa loob lamang ng isang literal na 70 sanlinggo, o mahigit nang kaunti sa isang taon at apat na buwan. Sumasang-ayon ang karamihan sa mga iskolar ng Bibliya na ang ‘mga sanlinggo’ sa hula ay mga sanlinggo ng mga taon. Ang ilang salin ay kababasahan ng “pitumpung sanlinggo ng mga taon” (AT, Mo, RS); ang Tanakh, isang bagong salin ng Bibliya na inilathala ng Jewish Publication Society noong 1985, ay nagbibigay ng gayunding salin sa isang talababa.—Tingnan ang Dan 9:24, tlb sa Rbi8.
Kailan aktuwal na nagsimula ang makahulang “pitumpung sanlinggo”?
Hinggil sa pasimula ng 70 sanlinggo, pinahintulutan ni Haring Artajerjes ng Persia si Nehemias na muling itayo ang pader at lunsod ng Jerusalem noong ika-20 taon ng pamamahala ng hari, sa buwan ng Nisan. (Ne 2:1, 5, 7, 8) Lumilitaw na sa pagbilang ni Nehemias sa mga taon ng paghahari ni Artajerjes, gumamit siya ng kalendaryong nagsisimula sa buwan ng Tisri (Setyembre-Oktubre), gaya ng kalendaryong sibil ng mga Judio sa ngayon, at nagtatapos sa buwan ng Elul (Agosto-Setyembre) bilang ang ika-12 buwan. Hindi alam kung ito ay sarili niyang paraan ng pagtuos o isang paraan ng pagtuos ng mga Persiano para sa partikular na mga layunin.
Maaaring tutulan ito ng ilan at baka itawag-pansin nila ang Nehemias 7:73, kung saan sinasabi ni Nehemias na natipon ang Israel sa kanilang mga lunsod sa ikapitong buwan, ayon sa pagkakasunud-sunod ng mga buwan ng taon na mula Nisan hanggang Nisan. Ngunit pansinin na kinopya lamang iyon ni Nehemias mula sa “aklat ng talaangkanan niyaong mga umahon noong una” kasama ni Zerubabel, noong 537 B.C.E. (Ne 7:5) Binanggit din ni Nehemias na ang pagdiriwang ng Kapistahan ng mga Kubol noong panahon niya ay naganap sa ikapitong buwan. (Ne 8:9, 13-18) Angkop lamang ito sapagkat sinasabi ng ulat na nasumpungan nila ang utos ni Jehova na “nakasulat sa kautusan,” at sa kautusang iyon, sa Levitico 23:39-43, sinasabing ang Kapistahan ng mga Kubol ay dapat idaos sa “ikapitong buwan” (samakatuwid nga, ayon sa sagradong kalendaryo, na mula Nisan hanggang Nisan).
Gayunman, bilang katibayan na posibleng gumamit si Nehemias ng isang taon na mula taglagas hanggang taglagas nang tukuyin niya ang ilang pangyayari, maaari nating paghambingin ang Nehemias 1:1-3 at 2:1-8. Sa unang ulat, sinabi niya na tumanggap siya ng masamang balita tungkol sa kalagayan ng Jerusalem, noong Kislev (ikatlong buwan sa kalendaryong sibil at ikasiyam naman sa sagradong kalendaryo) ng ika-20 taon ni Artajerjes. Sa ikalawang ulat, hiniling niya sa hari na pahintulutan siyang yumaon at muling itayo ang Jerusalem, at binigyan siya ng pahintulot noong buwan ng Nisan (ikapito sa kalendaryong sibil at una naman sa sagrado), ngunit sa ika-20 taon pa rin ni Artajerjes. Kaya maliwanag na nang bilangin ni Nehemias ang mga taon ng paghahari ni Artajerjes, hindi niya tinuos ang mga taon nang mula Nisan hanggang Nisan.
Maaaring matukoy ang panahon ng ika-20 taon ni Artajerjes batay sa katapusan ng paghahari ng hinalinhan niya, ang kaniyang amang si Jerjes, na namatay noong huling bahagi ng 475 B.C.E. Samakatuwid, ang taon ng pagluklok ni Artajerjes ay nagsimula noong 475 B.C.E., at ang kaniyang unang opisyal na taon ng paghahari ay dapat magsimula sa 474 B.C.E., gaya ng ipinakikita ng ibang mga katibayan mula sa kasaysayan. Kung gayon, ang ika-20 taon ng pamamahala ni Artajerjes ay 455 B.C.E.—Tingnan ang PERSIA, MGA PERSIANO (Ang mga Paghahari ni Jerjes at ni Artajerjes).
Ang “Paglabas ng Salita.” Sinasabi ng hula na magkakaroon ng 69 na sanlinggo ng mga taon “mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider.” (Dan 9:25) Pinatutunayan ng sekular na kasaysayan, gayundin ng Bibliya, na si Jesus ay pumaroon kay Juan at nagpabautismo, sa gayo’y naging ang Pinahiran, ang Mesiyas na Lider, noong maagang bahagi ng taglagas ng taóng 29 C.E. (Tingnan ang JESU-KRISTO [Panahon ng Kapanganakan, Haba ng Ministeryo].) Kung bibilang tayo nang paatras mula sa pangyayaring ito sa kasaysayan, makikita natin na ang 69 na sanlinggo ng mga taon ay nagsimula noong 455 B.C.E. Noong taóng iyon naganap ang “paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem.”
Noong Nisan (Marso-Abril) ng ika-20 taon ng pamamahala ni Artajerjes (455 B.C.E.), nagsumamo si Nehemias sa hari: “Kung ang iyong lingkod ay waring mabuti sa harap mo, isugo mo ako sa Juda, sa lunsod ng mga dakong libingan ng aking mga ninuno, upang muli kong maitayo iyon.” (Ne 2:1, 5) Pinahintulutan siya ng hari, at pinasimulan ni Nehemias ang mahabang paglalakbay mula sa Susan hanggang sa Jerusalem. Noong mga ikaapat ng Ab (Hulyo-Agosto), pagkatapos na siyasatin ni Nehemias ang mga pader sa gabi, ipinag-utos niya sa mga Judio: “Halikayo at muli nating itayo ang pader ng Jerusalem, upang hindi na tayo manatiling isang kadustaan.” (Ne 2:11-18) Sa gayon, ang “paglabas ng salita” na muling itayo ang Jerusalem, sa pahintulot ni Artajerjes, ay ipinatupad ni Nehemias sa Jerusalem noon ding taóng iyon. Malinaw na pinatutunayan nito na 455 B.C.E. ang taon ng pasimula ng 70 sanlinggo.
Natapos ang pagkukumpuni sa mga pader noong ika-25 araw ng Elul (Agosto-Setyembre), sa loob lamang ng 52 araw. (Ne 6:15) Pagkatapos na muling maitayo ang mga pader, ipinagpatuloy ang pagkukumpuni sa iba pang bahagi ng Jerusalem. Kung tungkol sa unang pitong “sanlinggo” (49 na taon), si Nehemias, sa tulong ni Ezra at, nang dakong huli, ang iba pa na maaaring humalili sa kanila, ay gumawa “sa mga kaligaligan ng mga panahon,” sa kabila ng mga suliranin sa gitna mismo ng mga Judio at ng pagsalansang ng mga Samaritano at ng iba pa. (Dan 9:25) Sa aklat ng Malakias, na isinulat pagkaraan ng 443 B.C.E., tinuligsa ang masamang kalagayan na kinasadlakan noon ng Judiong pagkasaserdote. Ipinapalagay na pagkatapos nito naganap ang pagbabalik ni Nehemias sa Jerusalem matapos siyang dumalaw kay Artajerjes. (Ihambing ang Ne 5:14; 13:6, 7.) Hindi isinisiwalat ng Bibliya kung gaano kahabang panahon personal na nagpagal si Nehemias sa pagtatayo ng Jerusalem mula noong 455 B.C.E. Gayunman, maliwanag na natapos ang gawain sa loob ng 49 na taon (pitong sanlinggo ng mga taon) sa antas na kinakailangan, at ang Jerusalem at ang templo nito ay nanatili para sa pagdating ng Mesiyas.—Tingnan ang MALAKIAS, AKLAT NG (Panahon ng Pagsulat).
Ang Pagdating ng Mesiyas Pagkatapos ng ‘Animnapu’t Siyam na Sanlinggo.’ Kung tungkol sa sumunod na “animnapu’t dalawang sanlinggo” (Dan 9:25), yamang iyon ay bahagi ng 70 sanlinggo at pangalawang binanggit, magiging karugtong iyon ng “pitong sanlinggo.” Samakatuwid, ang haba ng panahon “mula sa paglabas ng salita” na muling itayo ang Jerusalem hanggang sa “Mesiyas na Lider” ay 7 at 62 “sanlinggo,” o 69 na “sanlinggo”—483 taon—mula sa taóng 455 B.C.E. hanggang 29 C.E. Gaya ng nabanggit na, noong taglagas ng taóng iyon, 29 C.E., si Jesus ay binautismuhan sa tubig, pinahiran ng banal na espiritu, at nagsimula sa kaniyang ministeryo bilang ang “Mesiyas na Lider.”—Luc 3:1, 2, 21, 22.
Sa gayon, maraming siglo bago pa dumating ang Mesiyas, tinukoy na ng hula ni Daniel ang eksaktong taon ng kaniyang pagdating. Walang patotoo na gumawa ng kalkulasyon ang mga Judio noong unang siglo C.E. batay sa hula ni Daniel para malaman kung kailan lilitaw ang Mesiyas. Iniuulat ng Bibliya: “At samantalang ang mga tao ay naghihintay at ang lahat ay nangangatuwiran sa kanilang mga puso tungkol kay Juan: ‘Siya kaya ang Kristo?’” (Luc 3:15) Bagaman inaasahan nila ang Mesiyas, maliwanag na hindi nila matukoy ang eksaktong buwan, linggo, o araw ng kaniyang pagdating. Kaya naman pinag-iisipan nila kung si Juan ang Kristo, bagaman maliwanag na sinimulan ni Juan ang kaniyang ministeryo noong tagsibol ng 29 C.E., mga anim na buwan bago iharap ni Jesus ang kaniyang sarili upang magpabautismo.
“Kinitil” sa kalahati ng sanlinggo. Sinabi pa ni Gabriel kay Daniel: “Pagkatapos ng animnapu’t dalawang sanlinggo ay kikitlin ang Mesiyas, na walang anumang bagay para sa kaniyang sarili.” (Dan 9:26) Pagkaraan ng ‘pito at animnapu’t dalawang sanlinggo,’ sa katunayan ay mga tatlo at kalahating taon pa pagkatapos nito, si Kristo ay kinitil sa kamatayan sa isang pahirapang tulos, anupat isinuko ang lahat ng taglay niya, bilang pantubos para sa sangkatauhan. (Isa 53:8) Ipinakikita ng katibayan na ang unang kalahati ng “sanlinggo” ay ginugol ni Jesus sa ministeryo. Sa isang pagkakataon, malamang na noong taglagas ng 32 C.E., nagbigay siya ng ilustrasyon, kung saan lumilitaw na tinukoy niya ang bansang Judio bilang isang puno ng igos (ihambing ang Mat 17:15-20; 21:18, 19, 43) na hindi namunga sa loob ng “tatlong taon.” Sinabi ng tagapag-alaga ng ubasan sa may-ari nito: “Panginoon, pabayaan mo rin iyon sa taóng ito, hanggang sa humukay ako sa palibot nito at maglagay ng pataba; at kung magluwal nga ito ng bunga sa hinaharap, mabuti naman; ngunit kung hindi, puputulin mo iyon.” (Luc 13:6-9) Maaaring tinutukoy niya rito ang yugto ng panahon ng kaniya mismong ministeryo sa manhid na bansang iyon, isang ministeryo na mga tatlong taon na noon at papasók na sa ikaapat na taon.
May bisa ang tipan “sa loob ng isang sanlinggo.” Ang Daniel 9:27 ay nagsabi: “At pananatilihin niyang may bisa ang tipan para sa marami sa loob ng isang sanlinggo [o pitong taon]; at sa kalahati ng sanlinggo ay patitigilin niya ang hain at ang handog na kaloob.” Ang “tipan” ay hindi maaaring tumukoy sa tipang Kautusan, sapagkat pinawi na ito ng Diyos sa pamamagitan ng hain ni Kristo, tatlo at kalahating taon pagkaraang magsimula ang ika-70 “sanlinggo”: “Inalis Niya ito [ang Kautusan] sa pamamagitan ng pagpapako nito sa pahirapang tulos.” (Col 2:14) Gayundin, “sa pamamagitan ng pagbili ay pinalaya tayo ni Kristo mula sa sumpa ng Kautusan . . . Ang layunin ay upang dumating sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ang pagpapala ni Abraham ukol sa mga bansa.” (Gal 3:13, 14) Sa pamamagitan ni Kristo, ipinaabot ng Diyos ang mga pagpapala ng tipang Abrahamiko sa likas na mga supling ni Abraham, anupat hindi muna isinama ang mga Gentil hanggang noong makarating sa kanila ang ebanghelyo nang mangaral si Pedro sa Italyanong si Cornelio. (Gaw 3:25, 26; 10:1-48) Naganap ang pagkakumberteng ito ni Cornelio at ng kaniyang sambahayan pagkatapos na makumberte si Saul ng Tarso, na karaniwang ipinapalagay na nangyari noong mga 34 C.E.; pagkatapos nito, ang kongregasyon ay nagtamasa ng isang yugto ng kapayapaan, anupat napatitibay. (Gaw 9:1-16, 31) Kaya lumilitaw na tinanggap si Cornelio sa kongregasyong Kristiyano noong bandang taglagas ng 36 C.E., na siyang katapusan ng ika-70 “sanlinggo,” 490 taon mula 455 B.C.E.
‘Pinatigil’ ang mga hain at handog. Ang pananalitang ‘patigilin,’ na ginamit may kaugnayan sa hain at handog na kaloob, ay literal na nangangahulugang “pangyarihing mangilin ng sabbath, pagpahingahin, pahintuin sa paggawa.” Ang ‘hain at handog na kaloob’ na ‘pinatigil,’ batay sa Daniel 9:27, ay hindi maaaring ang haing pantubos ni Jesus, ni makatuwiran mang tumukoy ang mga iyon sa anumang espirituwal na hain niyaong mga sumusunod sa kaniyang yapak. Tiyak na tumutukoy ang mga iyon sa mga hain at mga handog na kaloob na inihahandog noon ng mga Judio sa templo sa Jerusalem alinsunod sa Kautusan ni Moises.
Ang “kalahati ng sanlinggo” ay sa kalagitnaan ng pitong taon, o pagkatapos ng tatlo at kalahating taon sa loob ng ‘sanlinggong’ ito ng mga taon. Yamang nagsimula ang ika-70 “sanlinggo” noong bandang taglagas ng 29 C.E. nang si Jesus ay bautismuhan at pahiran bilang ang Kristo, ang kalahati ng sanlinggong ito (tatlo at kalahating taon) ay aabot sa tagsibol ng 33 C.E., o sa panahon ng Paskuwa (Nisan 14) ng taóng iyon. Lumilitaw na ang katumbas ng araw na iyon sa kalendaryong Gregorian ay Abril 1, 33 C.E. (Tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON [Kung Kailan Ito Pinasinayaan].) Sinabi sa atin ng apostol na si Pablo na si Jesus ay ‘dumating upang gawin ang kalooban ng Diyos,’ ang ‘pag-aalis ng una [ng mga hain at mga handog ayon sa Kautusan] upang maitatag niya ang ikalawa.’ Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sariling katawan bilang hain.—Heb 10:1-10.
Bagaman ang mga saserdoteng Judio ay patuloy na naghandog ng mga hain sa templo sa Jerusalem hanggang sa wasakin ito noong 70 C.E., ang mga haing iyon para sa kasalanan ay hindi na sinasang-ayunan ng Diyos at wala nang bisa. Di-katagalan bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa Jerusalem: “Ang inyong bahay ay pinababayaan sa inyo.” (Mat 23:38) Si Kristo ay “naghandog ng isang hain ukol sa mga kasalanan nang walang hanggan . . . Sapagkat sa pamamagitan nga ng isang haing handog ay pinasakdal niya nang walang hanggan yaong mga pinababanal.” “At kung saan may kapatawaran [ng mga kasalanan at mga gawang tampalasan], wala nang handog pa ukol sa kasalanan.” (Heb 10:12-14, 18) Itinawag-pansin ng apostol na si Pablo na ang hula ni Jeremias ay bumanggit ng isang bagong tipan, sa gayon ang naunang tipan (tipang Kautusan) ay ginawang lipas na at naluluma, anupat “malapit nang maglaho.”—Heb 8:7-13.
Winakasan ang pagsalansang at kasalanan. Bilang resulta ng pagkitil kay Jesus sa kamatayan, ng kaniyang pagkabuhay-muli, at ng pagharap niya sa langit, ‘nawakasan ang pagsalansang, natapos ang kasalanan, at naipagbayad-sala ang kamalian.’ (Dan 9:24) Inilantad at hinatulan ng tipang Kautusan ang mga Judio bilang mga makasalanan, at ipinataw sa kanila ang sumpa bilang mga manlalabag sa tipan. Ngunit kung saan “nanagana” ang kasalanan na inilantad o inihayag ng Kautusang Mosaiko, higit pang nanagana ang awa at lingap ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Mesiyas. (Ro 5:20) Sa pamamagitan ng hain ng Mesiyas, ang pagsalansang at kasalanan ng mga nagsisising makasalanan ay maaari nang kanselahin at ang parusa para sa mga ito ay maaari nang alisin.
Ginawang posible ang walang-hanggang katuwiran. Ang halaga ng kamatayan ni Kristo sa tulos ang nagbigay-daan upang maipagkasundo sa Diyos ang nagsisising mga mananampalataya. Isang panakip na pampalubag-loob ang itinakip sa kanilang mga kasalanan, at nabuksan ang daan upang sila’y ‘maipahayag na matuwid’ ng Diyos. Ang gayong katuwiran ay magiging walang hanggan at magdudulot ng buhay na walang hanggan sa mga ipinahayag na matuwid.—Ro 3:21-25.
Pinahiran ang Banal ng mga Banal. Pinahiran si Jesus ng banal na espiritu noong panahong bautismuhan siya, kung kailan nakitang bumaba sa kaniya ang banal na espiritu sa anyong kalapati. Ngunit higit pa sa pagpapahid sa Mesiyas ang tinutukoy ng pagpapahid sa “Banal ng mga Banal,” sapagkat hindi isang persona ang tinutukoy ng pananalitang ito. Ang “Banal ng mga Banal” o “Kabanal-banalan” ang pananalitang ginagamit upang tumukoy sa santuwaryo ng Diyos na Jehova. (Exo 26:33, 34; 1Ha 6:16; 7:50) Samakatuwid, ang pagpapahid sa “Banal ng mga Banal” na binanggit sa aklat ng Daniel ay tiyak na nauugnay sa “mas dakila at lalong sakdal na tolda na hindi ginawa ng mga kamay,” kung saan pumasok si Jesu-Kristo bilang ang dakilang Mataas na Saserdote “taglay ang sarili niyang dugo.” (Dan 9:24; Heb 9:11, 12) Nang iharap ni Jesus sa kaniyang Ama ang halaga ng kaniyang hain bilang tao, ang langit mismo ay nagsisilbing espirituwal na katunayan na inilarawan ng Kabanal-banalan ng tabernakulo at ng templo nang maglaon. Kaya noong panahong iyon, ang makalangit na tahanan ng Diyos ay talagang napahiran na, o naibukod na, bilang ang “Banal ng mga Banal” sa kaayusan ng dakilang espirituwal na templo na nagsimulang umiral nang pahiran si Jesus ng banal na espiritu noong 29 C.E.—Mat 3:16; Luc 4:18-21; Gaw 10:37, 38; Heb 9:24.
‘Nagtimbre ng tatak sa pangitain at propeta.’ Ang lahat ng naisakatuparan ng Mesiyas—ang hain niya, ang kaniyang pagkabuhay-muli, ang pagharap niya sa makalangit na Ama taglay ang halaga ng kaniyang hain, at ang iba pang mga bagay na naganap noong ika-70 sanlinggo—ay ‘nagtimbre ng tatak sa pangitain at propeta,’ anupat ipinakita na totoo at nagmula sa Diyos ang mga iyon. Tinimbrihan nito ang mga iyon ng tatak ng pagsuporta ng Diyos, bilang may iisang banal na pinagmulan at hindi nagmula sa mga taong nagkakamali. Tinatakan nito ang pangitain bilang nauukol lamang sa Mesiyas sapagkat natupad iyon sa kaniya at sa gawa ng Diyos sa pamamagitan niya. (Apo 19:10) Ang pakahulugan niyaon ay masusumpungan sa kaniya at hindi natin aasahang matutupad iyon sa iba. Wala nang iba pang paraan upang malaman ang kahulugan niyaon.—Dan 9:24.
Itiniwangwang ang lunsod at ang dakong banal. Pagkatapos ng 70 “sanlinggo,” bilang tuwirang resulta ng pagtatakwil ng mga Judio kay Kristo noong panahon ng ika-70 “sanlinggo,” natupad ang mga pangyayari sa huling mga bahagi ng Daniel 9:26 at 27. Iniuulat ng kasaysayan na si Tito na anak ni Emperador Vespasian ng Roma ang lider ng mga hukbong Romano na dumating noon laban sa Jerusalem. Gaya ng baha, aktuwal na pinasok ng mga hukbong iyon ang Jerusalem at ang mismong templo at itiniwangwang ang lunsod at ang templo nito. Dahil sa pagtayong iyon ng mga hukbong pagano sa dakong banal, sila ay naging “kasuklam-suklam na bagay.” (Mat 24:15) Bago ang kawakasan ng Jerusalem, nabigo ang lahat ng pagsisikap na payapain ang situwasyon sapagkat gaya nga ng itinalaga ng Diyos: “Ang naipasiya ay mga pagkatiwangwang,” at “hanggang sa paglipol, ang mismong bagay na naipasiya ay mabubuhos din sa isa na nakatiwangwang.”
Pangmalas ng mga Judio. Ang tekstong Masoretiko, na may isang sistema ng mga tuldok-patinig, ay ginawa noong huling kalahatian ng unang milenyo C.E. Maliwanag na dahil hindi tinatanggap ng mga Masorete si Jesu-Kristo bilang Mesiyas, ang tekstong Hebreo sa Daniel 9:25 ay nilagyan nila ng tuldik na ʼath·nachʹ, o “paghinto,” pagkatapos ng “pitong sanlinggo,” sa gayo’y inihiwalay ito mula sa “animnapu’t dalawang sanlinggo”; sa ganitong paraan, ang 62 sanlinggo ng hula, samakatuwid nga, ang 434 na taon, ay pinalilitaw na kumakapit sa panahon ng muling pagtatayo ng sinaunang Jerusalem. Ang salin ni Isaac Leeser ay kababasahan: “Samakatuwid ay alamin mo at unawain, na mula sa paglabas ng salita na isauli at itayo ang Jerusalem hanggang sa pinahiran na prinsipe ay magkakaroon ng pitong sanlinggo: [ang paghinto ay kinakatawanan dito ng tutuldok] at sa panahon ng animnapu at dalawang sanlinggo ay muli itong itatayo na may mga lansangan at mga estero (sa palibot nito), maging sa kagipitan ng mga panahon.” Kahawig nito ang salin ng Jewish Publication Society of America: “magiging pitong sanlinggo; at sa loob ng animnapu at dalawang sanlinggo, itatayo itong muli.” Sa dalawang bersiyong ito, ang mga salitang “sa panahon ng” at “sa loob ng” ay lumilitaw sa saling Ingles, maliwanag na upang suportahan ang interpretasyon ng mga tagapagsalin.
Sa isang talababa sa isa sa mga lektyur ni Propesor E. B. Pusey sa University of Oxford, nagkomento siya tungkol sa pagtutuldik na ito ng mga Masorete: “Inilagay ng mga Judio ang pangunahing paghinto sa talata sa ilalim ng שִׁבְעָה [pito], sa layuning paghiwalayin ang dalawang bilang, ang 7 at 62. Tiyak na ginawa nila ito nang may pandaraya, למען המינים (gaya ng sinabi ni Rashi [isang prominenteng Judiong Rabbi noong ika-11 at ika-12 siglo C.E.] nang tanggihan niya ang literal na mga paliwanag na pabor sa mga Kristiyano) ‘dahil sa mga erehe,’ samakatuwid nga, ang mga Kristiyano. Sapagkat ang mas huling sugnay, kapag inihiwalay, ay maaari lamang mangahulugang, ‘at sa panahon ng animnapu at dalawang sanlinggo ang lansangan at pader ay isasauli at itatayo,’ samakatuwid nga, muling itatayo ang Jerusalem sa loob ng 434 na taon, na hindi naman makatuwiran.”—Daniel the Prophet, 1885, p. 190.
Hinggil sa Daniel 9:26 (Le), na kababasahan sa isang bahagi nito, “At pagkatapos ng animnapu at dalawang sanlinggo ay kikitlin ang isang pinahiran nang walang kahalili na susunod sa kaniya,” ikinakapit ng mga Judiong komentarista ang 62 sanlinggo sa isang yugto na hanggang sa panahong Macabeo, at ang terminong “pinahiran” naman kay Haring Agripa II, na nabuhay sa panahon ng pagkawasak ng Jerusalem noong 70 C.E. Sinasabi naman ng ilan na ang pinahiran ay isang mataas na saserdote, si Onias, na pinatalsik ni Antiochus Epiphanes sa puwesto noong 175 B.C.E. Kung ikakapit nila ang hula sa alinman sa mga taong ito, mawawalan ng tunay na kahalagahan o kahulugan ang hula, at dahil sa di-pagkakasuwato ng mga petsa, ang 62 sanlinggo ay hindi na magiging tumpak bilang makahulang yugto ng panahon.—Tingnan ang Soncino Books of the Bible (komentaryo sa Dan 9:25, 26), inedit ni A. Cohen, London, 1951.
Sa pagsisikap na ipangatuwiran ang kanilang pangmalas, sinasabi ng mga Judiong iskolar na iyon na ang “pitong sanlinggo” ay hindi 7 na pinarami ng 7, o 49 na taon, kundi 70 taon; gayunman, tinutuos nila ang 62 sanlinggo bilang 62 taon na pinarami ng 7. Inaangkin nila na ang “pitong sanlinggo” ay tumutukoy sa yugto ng pagkatapon sa Babilonya. Ipinapalagay nila na si Ciro o si Zerubabel o ang mataas na saserdoteng si Jesua ang “pinahiran” sa talatang iyon (Dan 9:25), anupat ibang tao naman ang “pinahiran” sa Daniel 9:26.
Hindi sinusunod ng karamihan sa mga saling Ingles ang nabanggit na pagbabantas ng mga Masorete. Naglalagay ang mga saling ito ng kuwit pagkatapos ng ekspresyong “pitong sanlinggo” o kaya nama’y ipinakikita ng pananalita ng mga ito na ang 62 sanlinggo ay kasunod ng 7 bilang bahagi ng 70, anupat hindi ipinahihiwatig na ang 62 sanlinggo ay tumutukoy sa yugto ng muling pagtatayo sa Jerusalem. (Ihambing ang Dan 9:25 sa KJ, AT, Dy, NW, Ro, Yg.) Isang editoryal na komento ni James Strong sa Commentary on the Holy Scriptures ni Lange (Dan 9:25, tlb, p. 198) ang nagsabi: “May kinalaman sa saling ito, kung saan pinaghihiwalay ang dalawang yugto na pitong sanlinggo at animnapu’t dalawang sanlinggo, anupat itinatakda ang una bilang ang terminus ad quem [pangwakas at hangganang panahon] ng pagdating ng Pinahirang Prinsipe, at ang huli bilang ang panahon ng muling pagtatayo, ang tanging saligan na pinanghahawakan ay ang pagbabantas ng mga Masorete, na naglagay ng Athnac [paghinto] sa pagitan ng mga iyon. . . . at sa nabanggit na salin ay asiwa ang pagkakaayos ng ikalawang sangkap, yamang wala itong pang-ukol. Samakatuwid, mas mabuti, at mas simple, na manghawakan sa Authorized Version, na sumusunod sa lahat ng mas matatandang salin.”—Isinalin at inedit ni P. Schaff, 1976.
Maraming iba pang pangmalas ang inihaharap may kinalaman sa kahulugan ng hula, anupat ang ilan ay Mesiyaniko at ang ilan naman ay hindi. May kaugnayan dito, mapapansin na sa pinakamaagang umiiral na salin ng Septuagint, lubhang pinilipit ang pananalita ng tekstong Hebreo. Gaya ng ipinaliwanag ni Propesor Pusey, sa Daniel the Prophet (p. 328, 329), pinalsipika ng tagapagsalin ang binanggit na yugto ng panahon, at mayroon siyang mga salitang idinagdag, binago, at pinagpalit-palit, upang palitawing natupad ang hula sa pakikipaglaban ng mga Macabeo. Sa karamihan ng makabagong mga edisyon ng Septuagint, ang halatang pinilipit na saling iyon ay pinalitan ng salin ni Theodotion, isang Judiong iskolar noong ikalawang siglo C.E., na ang salin ay kaayon ng tekstong Hebreo.
Sinisikap ng ilan na baguhin ang pagkakasunud-sunod ng mga yugto ng panahon sa hula, samantalang pinalilitaw naman ng iba na magkakasabay ang mga iyon o na walang aktuwal na katuparan ang mga iyon. Ngunit ang mga naghaharap ng gayong mga pangmalas ay nasasalabid sa maraming komplikasyon, at ang kanilang mga pagsisikap na makalusot ay nauuwi sa kakatwang mga paliwanag o sa tahasang pagkakaila na ang hula ay kinasihan o totoo. Partikular na tungkol sa kababanggit na mga ideya, na mas maraming problemang nililikha kaysa sa nilulutas, ang nabanggit na iskolar na si E. B. Pusey ay nagkomento: “Ito ang napakahihirap na problema na dapat lutasin ng mga hindi nananampalataya; dapat nilang lutasin ang mga iyon sa paraang nais nila, na siyang mas madaling gawin; sapagkat maaaring paniwalaan ng mga hindi nananampalataya ang lahat ng bagay, maliban doon sa isinisiwalat ng Diyos.”—P. 206.
[Dayagram sa pahina 939]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
PITUMPUNG SANLINGGO
455 406 ◀B.C.E. | C.E.▸ 29 33 36
← 7 Sanlinggo →← 62 Sanlinggo →← 1 Sanlinggo →