MALAKIAS, AKLAT NG
Ang huling aklat ng Hebreong Kasulatan sa makabagong mga Bibliyang Tagalog. Sa tradisyonal na Judiong kanon, inilagay ito bilang pinakahuli sa mga akda ng tinatawag na mga pangalawahing propeta ngunit mas una sa Mga Akda (Hagiographa). Isa itong kapahayagan ni Jehova may kinalaman sa Israel sa pamamagitan ni Malakias.—Mal 1:1.
Mga Kalagayan Noong Panahon ni Malakias. Noong panahon ng panghuhula ni Malakias, napakasama ng situwasyon sa gitna ng mga saserdote. Bagaman labag sa Kautusan, tumatanggap sila ng pilay, bulag, at may-sakit na mga hayop bilang hain sa altar ni Jehova. (Mal 1:8; Lev 22:19; Deu 15:21) Hindi nila binigyan ang bayan ng wastong patnubay at tagubilin, na naging dahilan upang matisod ang marami. (Mal 2:7, 8) Nagpapakita sila ng pagtatangi kapag humahatol sa mga usapin. (2:9) Ang lahat ng ito ay nagkaroon ng masamang epekto sa mga Israelita sa pangkalahatan, anupat dahil dito ay itinuring nilang di-gaanong mahalaga ang paglilingkod kay Jehova. (3:14, 15) Makikita ito sa hindi pagsuporta ng mga Israelita sa templo sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang mga ikapu. Napakalayo na ng paglihis nila sa kanilang debosyon kay Jehova anupat lumilitaw na dinidiborsiyo nila ang kanilang mga asawa upang makapag-asawa ng mga babaing sumasamba sa huwad na mga diyos. Gayundin, may panggagaway, pangangalunya, pagsisinungaling, pandaraya, at paniniil sa gitna ng mga Israelita. (2:11, 14-16; 3:5, 8-10) Dahil dito, patiunang nagbabala si Jehova tungkol sa pagdating niya sa kaniyang templo upang humatol. (3:1-6) Kasabay nito, hinimok niyang magsisi ang mga manggagawa ng kasamaan, na sinasabi: “Manumbalik kayo sa akin, at manunumbalik ako sa inyo.”—3:7.
Panahon ng Pagsulat. Ang panloob na katibayan ay naglalaan ng saligan upang matukoy kung kailan natapos ang aklat ng Malakias. Isinulat ito pagkatapos ng pagkatapon sa Babilonya, sapagkat isang gobernador ang nangangasiwa noon sa mga Israelita. Ang pagsamba ay isinasagawa noon sa templo, na nagpapahiwatig na naitayo na itong muli. (Mal 1:7, 8; 2:3, 13; 3:8-10) Tumuturo ito sa isang yugto na mas huli kaysa sa panahon ni Hagai (520 B.C.E.) at ni Zacarias (520-518 B.C.E.), yamang naging aktibo ang mga propetang ito sa paghimok sa mga Israelita na tapusin ang templo. (Ezr 5:1, 2; 6:14, 15) Ang pagpapabaya ng Israel sa tunay na pagsamba at ang hindi nito panghahawakan sa kautusan ng Diyos ay waring katugma ng mga kalagayang umiiral noong muling dumating si Nehemias sa Jerusalem pagkatapos ng ika-32 taon ni Haring Artajerjes (mga 443 B.C.E.). (Ihambing ang Mal 1:6-8; 2:7, 8, 11, 14-16; Ne 13:6-31.) Samakatuwid, tulad ng aklat ng Nehemias, malamang na ang aklat ng Malakias ay isinulat pagkatapos ng 443 B.C.E.
Kasuwato ng Iba Pang mga Aklat ng Bibliya. Ang aklat na ito ay lubusang kasuwato ng iba pang bahagi ng Kasulatan. Sumipi ang apostol na si Pablo mula sa Malakias 1:2, 3 nang ipaliwanag niya na ang pagpili ng Diyos ay nakasalalay, “hindi sa isa na nagnanais ni sa isa na tumatakbo, kundi sa Diyos, na siyang may awa.” (Ro 9:10-16) Si Jehova ay tinukoy sa aklat bilang ang Maylalang (Mal 2:10; ihambing ang Aw 100:3; Isa 43:1; Gaw 17:24-26) at bilang isang makatarungan, maawain, at di-nagbabagong Diyos anupat hindi niya hinahayaang di-naparurusahan ang sinasadyang pagkakasala. (Mal 2:2, 3, 17; 3:5-7, 17, 18; 4:1; ihambing ang Exo 34:6, 7; Lev 26:14-17; Ne 9:17; San 1:17.) Idiniin nito ang kahalagahan ng pangalan ng Diyos. (Mal 1:5, 11, 14; 4:2; ihambing ang Deu 28:58, 59; Aw 35:27; Mik 5:4.) At nagpayo ito na alalahanin ang Kautusan ni Moises.—Mal 4:4.
Itinuon din ng aklat ang pansin ng Israel sa pagdating ng Mesiyas at sa araw ni Jehova. Bagaman binanggit nito na isusugo ni Jehova ang isa na tinatawag na “aking mensahero,” ang isang iyon ay magiging tagapagpauna lamang ng mas dakilang “mensahero ng tipan” na kasama ni Jehova. (Mal 3:1) Ang kinasihang mga ulat nina Mateo (11:10-14; 17:10-13), Marcos (9:11-13), at Lucas (1:16, 17, 76) ay pawang nagpapakilala sa tagapagpauna ni Jesus na si Juan na Tagapagbautismo bilang ang “mensahero” at ang “Elias” sa Malakias 3:1 at 4:5, 6 sa unang katuparan ng mga ito.
[Kahon sa pahina 257]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG MALAKIAS
Isang kapahayagang nagdiriin na magsusulit sa Diyos na Jehova ang isa kapag ipinagwalang-bahala niya ang Kaniyang mga kahilingan
Isinulat ng propetang si Malakias, maliwanag na mga 95 taon pagkabalik ng unang mga Judiong tapon mula sa Babilonya
Inibig ni Jehova ang Israel, ngunit hinamak nila ang kaniyang pangalan (1:1-14)
Inibig ni Jehova ang kaniyang bayan kung paanong inibig niya si Jacob, ngunit kinapootan niya si Esau
Gayunpaman, hinamak ng mga saserdote ng Israel ang pangalan ng Diyos, yamang tumatanggap sila ng pilay at may-sakit na mga hayop bilang hain; tiyak na hindi sila magbibigay ng gayong mga hayop sa isang gobernador na tao
Sinaway ang mga saserdote at taong-bayan dahil hindi nila iningatan ang mga daan ni Jehova (2:1-17)
Lumihis ang mga saserdote mula sa daan ng Diyos, anupat pinangyari nilang “matisod sa kautusan” ang marami, at sa gayo’y ‘sinira nila ang tipan ni Levi’
Ang iba ay nag-asawa ng mga babaing banyaga, at ang ilan ay nakitungo nang may kataksilan sa mga asawa ng kanilang kabataan sa pamamagitan ng pagdiborsiyo sa mga ito
Pinanghimagod ng mga Israelita ang Diyos sa pagsasabing sinasang-ayunan niya ang mga gumagawa ng masama
Hahatulan at dadalisayin ng tunay na Panginoon ang kaniyang bayan (3:1-18)
Darating si Jehova sa templo kasama ang mensahero ng tipan; dadalisayin at lilinisin niya ang mga Levita, at kalulugdan ni Jehova ang handog na kaloob ng Juda
Ang mga manggagaway, mga mangangalunya, mga sumusumpa nang may kabulaanan, mga mandaraya, at mga maniniil ay mabilis na hahatulan
Dalhin sa kamalig ni Jehova ang buong ikasampung bahagi upang tumanggap ng napakasaganang pagpapala
Isang aklat ng alaala ang isusulat para sa mga natatakot kay Jehova; makikilala ng Kaniyang bayan ang pagkakaiba sa pagitan ng matuwid at ng balakyot
Ang pagdating ng dakila at kakila-kilabot na araw ni Jehova (4:1-6)
Sa araw ni Jehova ay lubusang lilipulin ang mga balakyot, samantalang “sisikat ang araw ng katuwiran” sa mga natatakot sa pangalan ng Diyos
Bago ang araw na iyon, magkakaroon ng isang gawaing pagsasauli, na isasagawa ng propetang si Elias