Tinimbang ang Pamamahala ng Tao
Bahagi 8—Ang Pulitikal na Halo ng Bakal at Putik
Nasyonalismo: isang diwa ng pagkamakabayan na dinadakila ang isang bansa na nakahihigit sa lahat ng iba pa at inuuna ang pagpapalaganap ng kultura at kapakanan nito kaysa iba; isang ideya na unang napansin noong pagtatapos ng ika-18 siglo subalit narating ang tugatog nito noong ika-20 siglo.
MAHINANG sumusuray-suray mula sa isang krisis tungo sa isang krisis, ang mga gobyerno ng tao ay hindi nagdulot ng katatagan sa lipunan ng tao. Sang-ayon kay Zbigniew Brzezinski, pambansang tagapayo sa seguridad ng dating pangulo ng E.U. na si Jimmy Carter, ang kalagayan ay hindi agad na magbabago.
Si Brzezinski, kasama ng iba pang lider ng daigdig, ay kinapanayam ng peryudistang si Georgie Anne Geyer samantalang inihahanda niya ang isang artikulong inilathala noong 1985 na pinamagatang “Our Disintegrating World” (Ang Ating Gumuguhong Daigdig). Dito’y sinipi niya si Brzezinski na nagsasabi: “Ang mga salik na nagpapangyari ng internasyonal na kawalang katatagan ay nananaig sa mga puwersa na gumagawa para sa mas organisadong pagtutulungan. Ang di-maiiwasang konklusyon ng anumang walang kaugnayang pagsusuri sa pangglobong kausuhan ay na ang kaguluhang panlipunan, pulitikal na kaguluhan, krisis sa ekonomiya, at internasyonal na hidwaan ay malamang na maging mas malawak sa natitirang bahagi ng siglong ito.”
Isang malungkot na hula nga subalit isa na hindi pinagtatakhan ng mga estudyante ng Bibliya. Ang mismong kalagayang ito ay malaon nang inihula. Kailan? Saan?
Nabalisa ng Isang Panaginip
Si Nabucodonosor, hari ng Babilonya mula 624 hanggang 582 B.C.E., ay nabalisa ng isang panaginip. Dito’y nakita niya ang isang pagkalaki-laking larawan na may gintong ulo, dibdib at mga bisig na pilak, tiyan at hita na tanso, at paa at daliri sa paa na bakal na may halong putik. Ipinaliwanag ng propeta ng Diyos na si Daniel kay Nabucodonosor ang kahulugan ng larawan, sinasabi sa kaniya: “Ikaw, Oh hari, . . . ikaw mismo ang ulo na ginto. At pagkatapos mo ay babangon ang ibang kaharian na mababa sa iyo; at ang ibang kaharian, ang ikatlo, na tanso, na magpupuno sa buong lupa.” Kaya, maliwanag, ang larawan ay may kaugnayan sa gobyerno ng tao.—Daniel 2:37-39.
Bago ang kaarawan ni Daniel, pinahirapan kapuwa ng Ehipto at ng Asiria ang mga Israelita, ang piniling bayan ng Autor ng Bibliya. (Exodo 19:5) Sa konteksto ng Bibliya, ito ang gumawa sa kanila na pandaigdig na mga kapangyarihan, sa katunayan, ang una sa pitong sunud-sunod na pandaigdig na kapangyarihan na binabanggit ng Bibliya. (Apocalipsis 17:10) Pagkatapos, noong kaarawan ni Daniel, nilupig ng Babilonya ang Jerusalem, sapilitang dinala ang mga Israelita sa pagkabihag. Sa gayon ang Babilonya ay naging ikatlo sa pandaigdig na mga kapangyarihang ito, angkop na tinutukoy sa kasong ito bilang “ang gintong ulo.” Kinikilala ng Bibliya at ng sekular na kasaysayan ang pandaigdig na mga kapangyarihan na darating pa bilang ang Medo-Persia, Gresya, Roma, at, sa wakas, ang Anglo-Amerika.a
Ang mga bansang ito ay inuuri ng Bibliya bilang pandaigdig na mga kapangyarihan dahil mayroon silang kaugnayan sa bayan ng Diyos at sinalansang nila ang pamumuno ng Diyos na itinataguyod ng mga lingkod na ito ng Diyos. Kaya, mainam na inilalarawan ng larawang nakita ni Nabucodonosor kung paano ang pamamahala ng tao ay patuloy na sasalansang sa pagkasoberano ng Diyos kahit na pagkatapos magwakas ang kaniyang kaharian. Ang pagkakasunud-sunod ng pandaigdig na mga kapangyarihan na inilalarawan ng iba’t ibang bahagi ng larawan ay nagsimula sa ulo at pababa. Makatuwiran, kung gayon, ang mga paa at mga daliri sa paa ay sasagisag sa pangwakas na mga kapahayagan ng pamamahala ng tao na iiral sa “panahon ng wakas,” gaya ng sabi ni Daniel. Ano, kung gayon, ang dapat nating asahan?—Daniel 2:41, 42; 12:4.
‘Sampung Daliri sa Paa’
Ang mga lingkod ng Diyos ay hindi na natatakdaan sa isang bayan o sa isang lugar, upang sila’y lupigin ng isang pandaigdig na kapangyarihan. (Gawa 1:8; 10:34, 35) Bilang miyembro ng lahat ng bansa, mga mamamayan ng lahat ng uri ng gobyerno ng tao, masigasig nilang ipinahahayag na ang panahon ng wakas ay nagsimula na at na ang pamamahala ng tao ay malapit nang magwakas—di na magtatagal ay papalitan ng pamamahala ng Diyos.b Sa gayon, nakakaharap ng matinding mensaheng inihahayag nila ang lahat ng umiiral na pulitikal na mga kapangyarihan. Angkop kung gayon, ang bilang na “sampu” gaya ng gamit sa Bibliya ay nangangahulugan ng pagiging ganap o kompleto kung tungkol sa makalupang mga bagay. Kaya ang pulitikal na pamamahala ng tao sa kaniyang kabuuan, nagkakaisang salansang sa pagkasoberano ng Diyos sa panahon ng wakas, ang siyang makatuwirang kumakatawan sa ‘sampung daliri sa paa.’
Ano ang pulitikal na kalagayan sa pasimula ng inihulang yugtong ito ng panahon? Noong taóng 1800, kontrolado ng mga bansa sa Europa ang 35 porsiyento ng ibabaw ng lupa, subalit noong 1914 ang bilang ay tumaas tungo sa mahigit na 84 porsiyento! Binabanggit ng The Collins Atlas of World History na “noong gabi ng digmaan ng 1914, waring ang pagkakabahagi ng daigdig sa malalaking kapangyarihan ay halos kompleto na.” Sa katunayan, si Hugh Brogan, lektyurer sa kasaysayan sa University of Essex, Inglatera, ay nagsasabi na waring “hindi magtatagal ang buong daigdig ay pamamahalaan ng kalahating dosenang mga kapangyarihan.”
Gayunman, ang paggamit sa ‘sampung daliri sa paa’ upang sumagisag sa lahat ng pandaigdig na mga gobyerno na hindi naman aabot ng mahigit lamang sa “kalahating dosenang mga kapangyarihan,” ay tila hindi makatuwiran. Kaya kung, bilang katuparan ng hula, ang ‘sampung daliri sa paa’ ay magkakaroon ng tunay na kahulugan, ang pulitikal na kalagayang umiiral noong 1914 ay kailangang magbago.
Habang nagsisimula ang 1900’s, ang Imperyong Britano, ang pinakamalaking imperyo na kailanma’y nakita ng daigdig, ay namahala sa bawat ikaapat na tao sa lupa. Ang iba pang Europeong mga imperyo ay nangasiwa sa milyun-milyong tao pa. Subalit ang Digmaang Pandaigdig I ay nagbunga ng tagumpay para sa nasyonalismo. Si Paul Kennedy, propesor ng kasaysayan sa Yale University, ay nagsasabi: “Ang kapansin-pansing pagbabago sa Europa, kung susukatin sa teritoryal-hudisyal na mga termino, ay ang paglitaw ng kumpul-kumpol na mga estadong-bansa—ang Poland, Czechoslovakia, Austria, Hungary, Yugoslavia, Finland, Estonia, Latvia, at Lithuania—sa lugar ng mga bansa na dating bahagi ng mga imperyong Habsburg, Romanov, at Hohenzollen.”
Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang hilig na ito ay bumilis pa. Ang nasyonalismo ay sumabog taglay ang ganap na lakas. Lalo na pagkatapos ng kalagitnaan ng 1950’s, ang hilig na ito ay hindi maaaring baligtarin. Ang limang siglo ng pagpapalawak sa Europa ay nagwawakas na sa durog na mga bato ng gumuhong mga imperyo ng kolonya. Ang bilang ng mga bansa sa Aprika, Asia, at Gitnang Silangan ay lubhang dumami.
Ang The New Encyclopædia Britannica ay nagsasabi na “ang pangyayaring ito ay salungat sa mga ideya na nangibabaw sa pulitikal na ideya ng naunang 2,000 taon.” Samantalang “hanggang ngayon karaniwang idiniin ng tao ang pangkalahatan at ang pansansinukob at itinuring ang pagkakaisa bilang isang kanais-nais na tunguhin,” idiniriin ngayon ng nasyonalismo ang pambansang mga pagkakaiba. Sa halip na magkaisa, ito sa wari ay nagkakabaha-bahagi.
Bakal at Putik
Pansinin ang inilalarawan ng Bibliya na mga paa at mga daliri ng paa ng larawan na “isang bahagi ay bakal at isang bahagi ay putik na luto,” sabi pa: “Ang kaharian mismo ay mahahati, . . . magkakagayon ang kaharian na ang isang bahagi ay matibay at isang bahagi ay marupok . . . , ngunit hindi sila magkakalakipan.” (Daniel 2:33, 41-43) Ang hindi paglalakipang ito sa pagkakaisa ay naging maliwanag samantalang nagpapatuloy ang pagkakabuwag ng kolonya, habang lumalakas ang nasyonalismo, at habang tumatatag ang nagpapaunlad na mga bansa. Ang daigdig ay mabilis na nahuhulog sa pulitikal na pagkakabaha-bahagi.
Tulad ng hindi matibay na halo ng bakal at putik sa paa at daliri ng paa ng larawan, ang ibang gobyerno ay tulad-bakal—autoritaryo o mapaniil—at ang iba naman ay tulad-putik—sunud-sunuran o demokratiko. Mauunawaan kung gayon, hindi nila nagawang maglakip sa isang pandaigdig na pagkakaisa. Itinuturo ang ating kaarawan, ang Alemang aklat na Unsere Welt—Gestern Heute, Morgen; 1800-2000 (Ang Ating Daigdig—Kahapon, Ngayon, at Bukas; 1800-2000), ay nagsasabi: “Noong ika-19 na siglo, ang demokratikong kalayaan ay umiral sa halos lahat ng sibilisadong bansa, at sa pagtatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang layunin ng kalayaan ay waring sumapit na sa pangwakas na tagumpay. . . . Dahil sa rebolusyon sa Russia noong 1917, muling bumangon ang diktadura. Mula noon ang ika-20 siglo ay kinakitaan ng sabay na pag-iral at paghaharap sa pagitan ng diktadura at demokrasya.”—Amin ang italiko.
Lakas ng Bayan
Pansinin din na sa panahon ng pamamahala ng ‘sampung daliri sa paa,’ ang karaniwang tao, “ang supling ng sangkatauhan,” ay higit at higit na masasangkot sa gobyerno. Pinatutunayan ba ng makasaysayang mga katotohanan ang hulang ito?—Daniel 2:43.
Ang demokrasya, ang gobyerno ng tao, ay lubhang popular pagkatapos na pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, kahit na noong 1920’s at 1930’s, ang demokratikong mga rehimen sa iba’t ibang bahagi ng daigdig ay pinalitan ng mga diktadura. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang pagkabuwag ng mga kolonya ay minsan pang gumawa ng maraming bagong mga demokrasya. Gayunman, nang maglaon, noong 1960’s at 1970’s maraming dating mga kolonya ang pumili ng mas autoritaryong mga anyo ng gobyerno.
Gayumpaman, noong ika-20 siglo, ang hilig ay halinhan ang mga monarkiya at autokratikong mga gobyerno ng demokrasya o gobyerno ng tao. “Ang taon ng mga Tao” ang paglalarawan ng magasing Time sa pulitikal na mga kaguluhan noong nakaraang taon sa Silangang Europa. At nang sa wakas ay bumagsak ang pader sa Berlin, ganito ang pabalat ng babasahing Aleman na Der Spiegel sa malalaking titik “Das Volk siegt”—nagwagi ang mga tao!
Maraming Salita, Kaunting Pagkilos
Sa lahat ng mga bansa sa Silangang Europa kung saan pilit na hiniling ng lakas ng bayan ang pagbabago sa pulitika, ang kahilingan nila ay ang pagkakaroon ng malayang eleksiyon na lalahukan ng maraming partido sa pulitika. Sa kanilang kasalukuyang anyo, ang mga partido sa pulitika ay nanggaling sa Europa at Hilagang Amerika noong ika-19 na siglo. Mula noong kalagitnaan ng ika-20 siglo, ito ay lumaganap sa buong daigdig. Ngayon, ito ay mas malaki, mas malakas, at mas organisado higit kailanman. Sa pamamagitan nito, gayundin sa pamamagitan ng mga unyon ng manggagawa, pag-impluwensiya sa mga mambabatas, mga pangkat para sa kapakanan ng kapaligiran, at marami pang ibang pangkat para sa kapakanan ng mga mamamayan at ng pantanging-interes, ang lakas ng bayan ay mas madalas at mas malakas na nagsasalita ngayon higit kailanman.
Gayunman, habang dumarami ang mga taong nasasangkot sa pulitikal na proseso, dumarami rin ang problema sa pagkakaroon ng maraming pulitikal na palagay. Sa gitna ng maraming naglalabang opinyon at mga interes, kadalasang ang resulta ay mga gobyerno ng minoridad, mga gobyernong walang magawa kundi maraming salita subalit kaunting pagkilos.
Tulad ng bakal at putik, ang buong pandaigdig na halo ng pulitika mula noong 1914 ay marupok. Halimbawa, wala na ang mga araw nang ang mga tao ay humihingi ng patnubay ng Diyos sa mga bagay na may kaugnayan sa pamamahala. “Ang mga tao sa Kanluraning sibilisasyon ay lubusang nagtiwala sa kanilang sarili, at nasumpungan nila ang kanilang sarili na kulang,” hinuha ng The Columbia History of the World.
May Pag-asa Pa?
“Bakit kaya sabay-sabay na dumating ang magkakaiba subalit magkakaugnay na mga pangyayaring ito sa ikalawang hati ng ika-20 siglo? Bakit kaya ang mga bantang ito sa pagkawasak ng daigdig ay lumitaw sa eksaktong panahon kung kailan natamo na ng tao ang mas maraming pag-unlad at kaalaman sa siyensiya kaysa lahat ng kaniyang nakaraang kasaysayan?” Ang mga tanong na ito na ibinangon ng peryudistang si Geyer ay gumaganyak sa isip. Subalit mayroon bang sinumang nakaaalam ng kasagutan?
Halos sampung taon na ang nakalilipas, punung-puno ng pag-asang binanggit ng The World Book Encyclopedia: “Malamang na mayroon tayong mas malaking tsansang lutasin ang mga problema ng ating panahon kaysa anumang naunang salinlahi.” Subalit ngayon, pagkalipas ng isang dekada, sa pasimula ng 1990’s, may pag-asa pa ba? ‘Oo,’ maaaring sabihin mo, binabanggit ang wakas ng “Cold War,” ang higit na pagtutulungan sa pagitan ng Silangan at Kanluran, at ang malaking pagsulong na ginagawa sa pandaigdig na pagbabawas ng armas.
Inihula ng Bibliya na gayon nga ang gagawin nila. Ipinakikita nito na sa panahon ng paghahari ng ikapitong pandaigdig na kapangyarihan sa kasaysayan ng Bibliya, isang kapanahong ikawalong kapangyarihan ang tiyak na itatayo sa layuning pagkaisahin ang mga bansa. (Apocalipsis 17:11) Ngunit magtatagumpay ba ito? Sasagutin ito ng bahagi 9 ng “Tinimbang ang Pamamahala ng Tao.”
[Mga talababa]
a May kahabaang tinalakay ng Ang Bantayan ang bawat isa sa pandaigdig na mga kapangyarihang ito sa kasaysayan ng Bibliya sa mga labas nito ng Pebrero 1 hanggang Hunyo 1, 1988.
b Para sa katibayan mula sa Bibliya, tingnan ang mga kabanatang 16 at 18 ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, inilathala noong 1982 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 18]
“Ang bawat kahariang nagkakabaha-bahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak.”—Mateo 12:25
[Blurb sa pahina 18]
“Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nayanig.”—Awit 46:6