Ikalabintatlong Kabanata
Labanan ng Dalawang Hari
1, 2. Bakit dapat tayong maging interesado sa hulang nakaulat sa Daniel kabanata 11?
DALAWANG magkalabang hari ang nasasangkot sa walang-urungang paglalabanan ukol sa kapangyarihan. Sa paglipas ng mga taon, nauna muna ang isa, pagkatapos ay yaong isa naman, ang nangingibabaw. Kung minsan, isang hari lamang ang humahawak ng kapangyarihan habang ang isa naman ay di-aktibo, at may panahong walang labanan. Subalit bigla na namang sisiklab ang isang digmaan, at ang labanan ay magpapatuloy. Kabilang sa mga gumaganap sa dramang ito ay sina Haring Seleucus I Nicator ng Sirya, Haring Ptolemy Lagus ng Ehipto, Prinsesa ng Sirya na naging si Reyna Cleopatra I ng Ehipto, sina Emperador Augusto at Tiberio ng Roma, at Reyna Zenobia ng Palmyra. Habang papalapit na sa katapusan ang labanang ito, ang Alemanyang Nazi, ang Komunistang kalipunan ng mga bansa, ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano, ang Liga ng mga Bansa, at ang Nagkakaisang mga Bansa ay napasangkot din. Ang huling yugto ay isang pangyayaring hindi inaasahan ng alinman sa mga makapulitikang pamahalaang ito. Inihayag ng anghel ni Jehova ang kapana-panabik na hulang ito kay propeta Daniel mga 2,500 taon na ang nakararaan.—Daniel, kabanata 11.
2 Tunay na naging kapana-panabik para kay Daniel na marinig ang detalyadong pagsisiwalat sa kaniya ng anghel hinggil sa labanan ng dumarating na dalawang haring ito! Kapana-panabik din para sa atin ang drama, yamang ang pagbabaka ng dalawang hari ay umaabot sa ating kaarawan. Ang pagkaalam mula sa kasaysayan na totoo nga ang unang bahagi ng hula ay magpapatibay ng ating pananampalataya at pagtitiwala sa katiyakan ng katuparan ng huling bahagi ng makahulang ulat. Ang pagbibigay-pansin sa hulang ito ay maliwanag na magpapakita sa atin kung nasaan na tayo sa agos ng panahon. Ito’y magpapatibay rin sa ating kapasiyahan na manatiling neutral sa labanang ito habang matiyaga nating hinihintay ang pagkilos ng Diyos para sa ating kapakanan. (Awit 146:3, 5) Kung gayon, taglay ang matamang pansin, tayo’y makinig habang nagsasalita kay Daniel ang anghel ni Jehova.
LABAN SA KAHARIAN NG GRESYA
3. Sino ang inalalayan ng anghel “nang unang taon ni Dario na Medo”?
3 “Kung tungkol sa akin,” ang sabi ng anghel, “nang unang taon ni Dario na Medo [539/538 B.C.E.] ay tumayo ako bilang tagapagpalakas at bilang tanggulan sa kaniya.” (Daniel 11:1) Patay na noon si Dario, subalit tinukoy ng anghel ang kaniyang paghahari bilang pasimula ng makahulang mensahe. Ang haring ito ang nag-utos na si Daniel ay iahon sa yungib ng mga leon. Ipinag-utos din ni Dario na lahat ng kaniyang nasasakupan ay dapat na matakot sa Diyos ni Daniel. (Daniel 6:21-27) Gayunpaman, ang isa na tinulungan at inalalayan ng anghel ay hindi si Dario na Medo, kundi ang kasama ng anghel, si Miguel—ang prinsipe ng bayan ni Daniel. (Ihambing ang Daniel 10:12-14.) Ang anghel ng Diyos ay umalalay habang si Miguel ay nakikipagpunyagi sa demonyong prinsipe ng Medo-Persia.
4, 5. Sinu-sino ang inihulang apat na hari ng Persia?
4 Ang anghel ng Diyos ay nagpatuloy: “Narito! Magkakaroon pa ng tatlong hari na tatayo para sa Persia, at ang ikaapat ay magkakamal ng higit na kayamanan kaysa sa lahat ng iba pa. At kapag lumakas na siya sa kaniyang kayamanan, pupukawin niya ang lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya.” (Daniel 11:2) Sino nga ba ang mga tagapamahalang ito ng Persia?
5 Ang unang tatlong hari ay sina Cirong Dakila, Cambyses II, at Dario I (Hystaspes). Yamang si Bardiya (o marahil ay isang mapagpanggap na nagngangalang Gaumata) ay namahala sa loob lamang ng pitong buwan, hindi na isinaalang-alang ng hula ang tungkol sa kaniyang maikling paghahari. Noong 490 B.C.E., tinangka ng ikatlong hari, si Dario I, na lusubin ang Gresya sa ikalawang pagkakataon. Gayunpaman, ang mga Persiano ay ganap na natalo sa Marathon at umurong patungo sa Asia Minor. Bagaman si Dario ay maingat na naghanda para sa higit pang kampanya laban sa Gresya, hindi niya naisakatuparan ito bago siya namatay makalipas ang apat na taon. Ito’y ipinaubaya na lamang sa kaniyang anak at kahalili, ang “ikaapat” na hari, si Jerjes I. Siya ang Haring Ahasuero na naging asawa ni Esther.—Esther 1:1; 2:15-17.
6, 7. (a) Paanong ang ikaapat na hari ay ‘pumukaw sa lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya’? (b) Ano ang naging resulta ng kampanya ni Jerjes laban sa Gresya?
6 Si Jerjes I ay tunay na ‘pumukaw sa lahat ng bagay laban sa kaharian ng Gresya,’ alalaong baga, ang nagsasariling mga estado ng Gresya bilang isang grupo. “Udyok ng ambisyosong mga kasamahan sa korte,” sabi ng aklat na The Medes and Persians—Conquerors and Diplomats, “si Jerjes ay naglunsad ng pagsalakay sa lupa at sa dagat.” Ang Griegong istoryador na si Herodotus, noong ikalimang siglo B.C.E., ay sumulat na “wala nang hihigit pa sa ekspedisyong ito.” Ang kaniyang ulat ay nagsasabing ang puwersang pandagat ay “may kabuuang 517,610 kalalakihan. Ang bilang ng mga sundalong naglalakad ay 1,700,000; ang mga mangangabayo ay 80,000; na dito’y dapat idagdag ang mga Arabe na nakasakay sa mga kamelyo, at ang mga Libyano na nakipagbaka sakay ng mga karo, na sa tantiya ko’y 20,000. Kung gayon, ang kabuuang bilang ng lahat ng puwersa sa lupa at sa dagat kung pagsasama-samahin ay 2,317,610 kalalakihan.”
7 Yamang ang kaniyang tunguhin ay ganap na manakop, pinakilos ni Jerjes I ang kaniyang ubod-laking puwersa laban sa Gresya noong 480 B.C.E. Pagkatapos na mapagtagumpayan ang umaantalang taktika ng Gresya sa Thermopylae, winasak ng mga Persiano ang Atenas. Gayunman, sa Salamis, sila’y nakaranas ng kakila-kilabot na pagkatalo. Ang isa pang pananagumpay ng mga Griego ay naganap sa Plataea, noong 479 B.C.E. Wala ni isa man sa pitong haring humalili kay Jerjes sa trono ng Imperyo ng Persia ang nakalusob sa Gresya sa sumunod na 143 taon. Subalit noon ay may bumangong isang makapangyarihang hari sa Gresya.
ISANG DAKILANG KAHARIAN NA NAHATI SA APAT
8. Anong “makapangyarihang hari” ang tumayo, at paano siya ‘namahalang taglay ang malawak na pamumuno’?
8 “Isang makapangyarihang hari ang tatayo at mamamahalang taglay ang malawak na pamumuno at gagawa ng ayon sa kaniyang kalooban,” ang sabi ng anghel. (Daniel 11:3) Ang dalawampung-taóng-gulang na si Alejandro ay ‘tumayo’ bilang hari ng Macedonia noong 336 B.C.E. Siya nga’y naging “isang makapangyarihang hari”—si Alejandrong Dakila. Palibhasa’y naudyukan ng plano ng kaniyang amang si Felipe II, kaniyang sinakop ang mga Persianong lalawigan sa Gitnang Silangan. Sa pagtawid sa mga ilog ng Eufrates at Tigris, pinangalat ng kaniyang 47,000 tauhan ang 250,000 tropa ni Dario III sa Gaugamela. Pagkatapos, si Dario ay tumakas at pinaslang, na siyang tumapos sa dinastiyang Persiano. Ang Gresya na ngayon ang naging kapangyarihang pandaigdig, at si Alejandro ay ‘namahala na may malawak na sakop at ginawa ang ayon sa kaniyang kalooban.’
9, 10. Paano napatunayang totoo ang hula na ang kaharian ni Alejandro ay hindi maipapasa sa kaniyang kaapu-apuhan?
9 Ang pamamahala ni Alejandro sa daigdig ay hindi magtatagal, sapagkat idinagdag ng anghel ng Diyos: “Kapag siya ay nakatayo na, ang kaniyang kaharian ay wawasakin at hahatiin tungo sa apat na hangin ng langit, ngunit hindi sa kaniyang kaapu-apuhan at hindi ayon sa kaniyang pamumuno na kaniyang ipinamahala; sapagkat ang kaniyang kaharian ay bubunutin, para nga sa iba bukod pa sa mga ito.” (Daniel 11:4) Si Alejandro ay wala pang 33 taóng gulang nang tapusin ng biglang pagkakasakit ang kaniyang buhay sa Babilonya noong 323 B.C.E.
10 Ang malawak na imperyo ni Alejandro ay hindi niya naipasa sa “kaniyang kaapu-apuhan.” Ang kaniyang kapatid na si Felipe III Arrhidaeus ay naghari sa loob ng wala pang pitong taon at pinaslang sa udyok ni Olympias, ina ni Alejandro, noong 317 B.C.E. Ang anak ni Alejandro na si Alejandro IV ang naghari hanggang noong 311 B.C.E. nang siya’y mamatay sa mga kamay ni Cassander, isa sa mga heneral ng kaniyang ama. Ang anak sa labas ni Alejandro na si Heracles ay naghangad na mamahala sa pangalan ng kaniyang ama subalit pinaslang noong 309 B.C.E. Sa gayo’y nagwakas ang linya ni Alejandro, anupat ‘ang kaniyang pamumuno’ ay humiwalay sa kaniyang sambahayan.
11. Paano “hahatiin tungo sa apat na hangin ng langit” ang kaharian ni Alejandro?
11 Kasunod ng pagkamatay ni Alejandro, ang kaniyang kaharian ay ‘nahati tungo sa apat na hangin.’ Nag-away-away ang marami niyang mga heneral habang nangangamkam ng mga teritoryo. Si Heneral Antigonus I, na may isang mata, ay nagsikap na kontrolin ang buong imperyo ni Alejandro. Subalit siya’y napatay sa labanan sa Ipsus sa Phrygia. Pagsapit ng taóng 301 B.C.E., apat na heneral ni Alejandro ang humawak ng kapangyarihan sa malawak na teritoryong nasakop ng kanilang kumander. Si Cassander ay namahala sa Macedonia at Gresya. Natamo ni Lysimachus ang kontrol sa Asia Minor at Thrace. Nakuha ni Seleucus I Nicator ang Mesopotamia at Sirya. At si Ptolemy Lagus naman ay namahala sa Ehipto at Palestina. Bilang katuparan ng makahulang salita, ang dakilang imperyo ni Alejandro ay nahati sa apat na Helenistikong kaharian.
LUMITAW ANG DALAWANG MAGKALABANG HARI
12, 13. (a) Paano naging dalawa na lamang ang apat na Helenistikong kaharian? (b) Anong dinastiya ang itinatag ni Seleucus sa Sirya?
12 Ilang taon matapos humawak ng kapangyarihan, si Cassander ay namatay, at noong 285 B.C.E., kinamkam ni Lysimachus ang Europeong bahagi ng Imperyo ng Gresya. Noong 281 B.C.E., napatay ni Seleucus I Nicator si Lysimachus, anupat nakontrol ni Seleucus ang malaking bahagi ng mga teritoryo sa Asia. Si Antigonus II Gonatas, apo ng isa sa mga heneral ni Alejandro, ay lumuklok sa trono ng Macedonia noong 276 B.C.E. Pagsapit ng panahon, ang Macedonia ay naging sakop ng Roma at humantong sa pagiging isang Romanong lalawigan noong 146 B.C.E.
13 Dalawa na lamang sa apat na Helenistikong kaharian ang nananatiling prominente—isa sa ilalim ni Seleucus I Nicator at ang isa sa ilalim ni Ptolemy Lagus. Itinatag ni Seleucus ang Seleucidong dinastiya sa Sirya. Kabilang sa mga lunsod na kaniyang itinatag ay ang Antioquia—ang bagong Siryanong kabisera—at ang daungan ng Seleucia. Si apostol Pablo ay nagturo noong dakong huli sa Antioquia, kung saan ang mga tagasunod ni Jesus ay unang tinawag na mga Kristiyano. (Gawa 11:25, 26; 13:1-4) Si Seleucus ay pataksil na pinatay noong 281 B.C.E., subalit ang kaniyang dinastiya ay namahala hanggang 64 B.C.E. nang gawin ng Romanong heneral na si Gnaeus Pompey ang Sirya na isang Romanong lalawigan.
14. Kailan naitatag ang Ptolemaikong dinastiya sa Ehipto?
14 Ang Helenistikong kaharian na nanatili nang pinakamatagal sa apat ay yaong kay Ptolemy Lagus, o Ptolemy I, na kumuha ng titulong hari noong 305 B.C.E. Ang Ptolemaikong dinastiya na kaniyang itinatag ay patuloy na namahala sa Ehipto hanggang sa ito’y bumagsak sa Roma noong 30 B.C.E.
15. Sinong dalawang malakas na hari ang lumitaw mula sa apat na Helenistikong kaharian, at anong labanan ang kanilang pinasimulan?
15 Kaya mula sa apat na Helenistikong kaharian, lumitaw ang dalawang malakas na hari—Seleucus I Nicator sa Sirya at Ptolemy I sa Ehipto. Sa dalawang haring ito nagsimula ang mahabang labanan sa pagitan ng “hari ng hilaga” at “hari ng timog,” na inilarawan sa Daniel kabanata 11. Hindi binanggit ng anghel ni Jehova ang pangalan ng mga hari, palibhasa’y magbabago ang pagkakakilanlan at nasyonalidad ng mga haring ito sa paglipas ng mga siglo. Inaalis ang di-mahahalagang detalye, bumanggit lamang ang anghel ng mga tagapamahala at mga pangyayari na may kaugnayan sa labanan.
NAGSIMULA ANG LABANAN
16. (a) Ang dalawang hari ay nasa hilaga at nasa timog nino? (b) Sinong mga hari ang unang nagkaroon ng papel bilang “ang hari ng hilaga” at “ang hari ng timog”?
16 Makinig! Bilang paglalarawan sa simula ng dramatikong labanang ito, sinabi ng anghel ni Jehova: “Ang hari ng timog ay lalakas, ang isa nga sa kaniyang mga prinsipe [ni Alejandro]; at siya [ang hari ng hilaga] ay mananaig laban sa kaniya at tiyak na mamamahalang taglay ang malawak na pamumuno na higit kaysa sa kapangyarihang mamahala ng isang iyon.” (Daniel 11:5) Ang katawagang “ang hari ng hilaga” at “ang hari ng timog” ay tumutukoy sa mga hari sa dakong hilaga at sa dakong timog ng bayan ni Daniel, na noon ay pinalaya na mula sa pagkabihag sa Babilonya at naisauli na sa lupain ng Juda. Ang unang “hari ng timog” ay si Ptolemy I ng Ehipto. Isa sa mga heneral ni Alejandro na nanaig laban kay Ptolemy I at namahala “taglay ang malawak na pamumuno” ay ang Siryanong si Haring Seleucus I Nicator. Kinuha niya ang papel ng “hari ng hilaga.”
17. Nasa ilalim ng kaninong pamamahala ang lupain ng Juda sa pagsisimula ng labanan sa pagitan ng hari ng hilaga at hari ng timog?
17 Sa simula ng labanan, ang lupain ng Juda ay nasa ilalim ng pamamahala ng hari ng timog. Mula noong humigit-kumulang 320 B.C.E., hinikayat ni Ptolemy I ang mga Judio na magtungo sa Ehipto bilang mga kolonista. Isang kolonyang Judio ang umunlad sa Alejandria, kung saan itinatag ni Ptolemy I ang isang bantog na aklatan. Ang mga Judio sa Juda ay patuloy na sumailalim sa kontrol ng Ptolemaikong Ehipto, ang hari ng timog, hanggang noong 198 B.C.E.
18, 19. Sa paglakad ng panahon, paanong ang dalawang magkalabang hari ay pumasok sa “isang marapat na kasunduan”?
18 Tungkol sa dalawang hari, ang anghel ay humula: “Sa pagwawakas ng ilang taon ay makikipag-alyado sila sa isa’t isa, at ang mismong anak na babae ng hari ng timog ay paroroon sa hari ng hilaga upang gumawa ng isang marapat na kasunduan. Ngunit hindi mananatili sa babae ang kapangyarihan ng bisig nito; at hindi siya tatayo, ni ang kaniyang bisig man; at ang babae ay pababayaan, siya mismo, at yaong mga nagdadala sa kaniya, at siyang nagpangyari ng kapanganakan ng babae, at yaong nagpapalakas sa kaniya sa mga panahong iyon.” (Daniel 11:6) Paano nangyari ito?
19 Ang hula ay hindi bumanggit sa anak at kahalili ni Seleucus I Nicator, na si Antiochus I, sapagkat hindi siya nagsagawa ng puspusang pakikipagbaka laban sa hari ng timog. Subalit ang kaniyang kahalili, si Antiochus II, ay nakipagbaka nang matagal kay Ptolemy II, ang anak ni Ptolemy I. Si Antiochus II ang naging hari ng hilaga at si Ptolemy II ang naging hari ng timog. Si Antiochus II ay ikinasal kay Laodice, at sila’y nagkaanak na pinangalanang Seleucus II, samantalang si Ptolemy II ay nagkaroon ng isang anak na babae na nagngangalang Berenice. Noong 250 B.C.E., ang dalawang haring ito ay pumasok sa “isang marapat na kasunduan.” Bilang kapalit ng alyansang ito, diniborsiyo ni Antiochus II ang kaniyang asawang si Laodice at pinakasalan si Berenice, “ang mismong anak na babae ng hari ng timog.” Nagkaroon siya ng isang anak na lalaki kay Berenice, na siyang naging tagapagmana sa trono ng Sirya sa halip na ang mga anak na lalaki ni Laodice.
20. (a) Paanong ang “bisig” ni Berenice ay hindi nakatayo? (b) Paano pinabayaan si Berenice, “yaong mga nagdadala sa kaniya,” at “yaong nagpapalakas sa kaniya”? (c) Sino ang naging hari ng Sirya pagkatapos na maiwala ni Antiochus II ang “kaniyang bisig,” o kapangyarihan?
20 Ang “bisig” ni Berenice, o alalay na kapangyarihan, ay ang kaniyang amang si Ptolemy II. Nang ito’y mamatay noong 246 B.C.E., hindi ‘nanatili [kay Berenice] ang kapangyarihan ng bisig nito’ sa kaniyang asawa. Itinakwil siya ni Antiochus II, muling pinakasalan si Laodice, at itinalaga ang kanilang anak bilang kaniyang kahalili. Kagaya ng isinaplano ni Laodice, si Berenice at ang kaniyang anak ay pinaslang. Maliwanag, ang mga tagapaglingkod na nagdala kay Berenice mula sa Ehipto tungo sa Sirya—“yaong mga nagdadala sa kaniya”—ay dumanas din ng gayon. Nilason pa nga ni Laodice si Antiochus II, anupat ang “kaniyang bisig,” o kapangyarihan, ay hindi rin ‘nakatayo.’ Kaya, ang ama ni Berenice—‘siyang nagpangyari sa kaniyang kapanganakan’—at ang kaniyang Siryanong asawa—na pansamantalang ‘nagpalakas’ sa kaniya—ay kapuwa namatay. Ito’y nagpangyari kay Seleucus II, ang anak na lalaki ni Laodice, na maging hari ng Sirya. Paano kikilos ang susunod na Ptolemaikong hari sa lahat ng ito?
IPINAGHIGANTI NG ISANG HARI ANG PAGPASLANG SA KANIYANG KAPATID NA BABAE
21. (a) Sino ang “isang nagmula sa sibol” ng “ugat” ni Berenice, at paano siya ‘tumayo’? (b) Paanong si Ptolemy III ay ‘pumaroon laban sa tanggulan ng hari ng hilaga’ at nanaig sa kaniya?
21 “Ang isang nagmula sa sibol ng mga ugat ng babae ay tatayo sa kaniyang posisyon,” ang sabi ng anghel, “at siya ay paroroon sa hukbong militar at paroroon laban sa tanggulan ng hari ng hilaga at kikilos laban sa kanila at mananaig.” (Daniel 11:7) Ang “isang nagmula sa sibol” ng mga magulang ni Berenice, o “mga ugat,” ay ang kaniyang kapatid na lalaki. Sa pagkamatay ng kaniyang ama, siya’y ‘tumayo’ bilang hari ng timog, ang Ehipsiyong Paraong si Ptolemy III. Kaagad ay kumilos siya upang ipaghiganti ang pagpaslang sa kaniyang kapatid na babae. Sa pagmamartsa laban kay Haring Seleucus II ng Sirya, na ginamit ni Laodice upang paslangin si Berenice at ang anak na lalaki nito, siya’y dumating laban “sa tanggulan ng hari ng hilaga.” Sinakop ni Ptolemy III ang nakukutaang bahagi ng Antioquia at pinatay si Laodice. Sa pagparoon sa dakong silangan sa buong nasasakupan ng hari ng hilaga, kaniyang nilooban ang Babilonia at nagmartsa tungo sa India.
22. Ano ang ibinalik ni Ptolemy III sa Ehipto, at bakit siya ‘sa loob ng ilang taon ay nanatiling nakalayo mula sa hari ng hilaga’?
22 Ano ang sumunod na nangyari? Sinasabi sa atin ng anghel ng Diyos: “At paroroon din siya sa Ehipto taglay ang kanilang mga diyos, taglay ang kanilang mga binubong imahen, taglay ang kanilang mga kanais-nais na kagamitang pilak at ginto, at dala ang mga bihag. At siya mismo sa loob ng ilang taon ay mananatiling nakalayo mula sa hari ng hilaga.” (Daniel 11:8) Mahigit na 200 taon bago nito, sinakop ni Haring Cambyses II ng Persia ang Ehipto at iniuwi ang mga diyos ng Ehipto, ang “kanilang mga binubong imahen.” Sa pamamagitan ng panloloob sa Susa na dating maharlikang kabisera ng Persia, nabawi ni Ptolemy III ang mga diyos na ito at dinalang ‘bihag’ ang mga ito sa Ehipto. Iniuwi rin niya bilang mga samsam ng digmaan ang napakaraming “kanais-nais na gamit na pilak at ginto.” Dahilan sa pangangailangang masugpo ang pag-aalsa sa sariling bayan, si Ptolemy III ay ‘nanatiling nakalayo mula sa hari ng hilaga,’ na hindi na nanakit pa sa kaniya.
GUMANTI ANG HARI NG SIRYA
23. Bakit ang hari ng hilaga ay ‘bumalik sa kaniyang sariling lupa’ pagkaraang magtungo sa kaharian ng hari ng timog?
23 Paano tumugon ang hari ng hilaga? Sinabihan si Daniel: “Siya ay papasok nga sa kaharian ng hari ng timog at babalik sa kaniyang sariling lupa.” (Daniel 11:9) Ang hari ng hilaga—si Haring Seleucus II ng Sirya—ay gumanti. Siya’y pumasok sa “kaharian,” o nasasakupan, ng Ehipsiyong hari ng timog subalit siya’y natalo. Kasama ang iilang nalabi sa kaniyang hukbo, si Seleucus II ay ‘nagbalik sa kaniyang sariling lupa,’ anupat umatras sa Siryanong kabisera ng Antioquia noong humigit-kumulang sa 242 B.C.E. Pagkamatay niya, ang kaniyang anak na si Seleucus III ang humalili sa kaniya.
24. (a) Ano ang nangyari kay Seleucus III? (b) Paanong ang Siryanong haring si Antiochus III ay ‘dumating at umapaw at lumampas’ sa nasasakupan ng hari ng timog?
24 Ano ang inihula hinggil sa supling ng Siryanong haring si Seleucus II? Sinabi ng anghel kay Daniel: “Kung tungkol naman sa kaniyang mga anak, sila ay magpapakabagabag at magtitipon nga ng isang pulutong ng malalaking hukbong militar. At sa pagdating siya ay tiyak na darating at aapaw at lalampas. Ngunit babalik siya, at siya ay magpapakabagabag hanggang sa kaniyang tanggulan.” (Daniel 11:10) Ang pataksil na pagpatay ang tumapos sa paghahari ni Seleucus III ng wala pang tatlong taon. Ang kaniyang kapatid, si Antiochus III, ang humalili sa kaniya sa trono ng Sirya. Ang anak na ito ni Seleucus II ay nagtipon ng napakalaking puwersa upang sumalakay sa hari ng timog, na noon ay si Ptolemy IV. Ang bagong Siryanong hari ng hilaga ay matagumpay na nakipagbaka laban sa Ehipto at nabawi ang daungan ng Seleucia, ang lalawigan ng Coele-Sirya, ang mga lunsod ng Tiro at Ptolemaïs, at ang mga kalapit na bayan. Kaniyang ganap na pinuksa ang isang hukbo ni Haring Ptolemy IV at sinakop ang maraming lunsod ng Juda. Noong tagsibol ng 217 B.C.E., iniwan ni Antiochus III ang Ptolemaïs at nagtungo sa hilaga, “hanggang sa kaniyang tanggulan” sa Sirya. Subalit ang isang pagbabago ay nalalapit na.
NABALIGTAD ANG PANGYAYARI
25. Saang digmaan sinagupa ni Ptolemy IV si Antiochus III, at ano ang ‘ibinigay sa kamay’ ng Ehipsiyong hari ng timog?
25 Tulad ni Daniel, tayo’y matamang nakikinig habang patuloy na humuhula ang anghel ni Jehova: “Papapaitin ng hari ng timog ang kaniyang loob at hahayo at makikipaglaban sa kaniya, samakatuwid ay sa hari ng hilaga; at patatayuin niya ang isang malaking pulutong, at ang pulutong ay ibibigay sa kamay ng isang iyon.” (Daniel 11:11) Kasama ang 75,000 tropa, ang hari ng timog, si Ptolemy IV, ay nagpahilaga laban sa kaaway. Ang Siryanong hari ng hilaga, si Antiochus III, ay nagbangon ng “isang malaking pulutong” ng 68,000 upang tumayo laban sa kaniya. Subalit “ang pulutong” ay “ibinigay sa kamay” ng hari ng timog sa pagbabaka sa baybaying lunsod ng Raphia, hindi kalayuan sa hangganan ng Ehipto.
26. (a) Anong “pulutong” ang tinangay ng hari ng timog sa digmaan sa Raphia, at ano ang ginawang kasunduan doon ukol sa kapayapaan? (b) Paanong “ang kaniyang malakas na posisyon” ay hindi ginamit ni Ptolemy IV? (c) Sino ang sumunod na naging hari ng timog?
26 Ang hula ay nagpapatuloy: “At ang pulutong ay tatangayin. Ang kaniyang puso ay magmamalaki, at siya ay magpapabuwal nga ng sampu-sampung libo; ngunit hindi niya gagamitin ang kaniyang malakas na posisyon.” (Daniel 11:12) Napatay ni Ptolemy IV, hari ng timog, ang ‘tinangay’ na 10,000 sundalong Siryano na naglalakad at 300 mangangabayo at 4,000 ang dinalang bihag. Pagkatapos ay gumawa ng kasunduan ang mga hari anupat nanatili kay Antiochus III ang kaniyang Siryanong daungan ng Seleucia subalit naiwala ang Fenicia at Coele-Sirya. Dahilan sa tagumpay na ito, ang puso ng Ehipsiyong hari ng timog ay ‘nagmalaki,’ lalo na laban kay Jehova. Ang Juda ay nanatiling nasa ilalim ng kontrol ni Ptolemy IV. Gayunpaman, hindi niya ‘ginamit ang kaniyang malakas na posisyon’ upang ipagpatuloy ang kaniyang tagumpay laban sa Siryanong hari ng hilaga. Sa halip, si Ptolemy IV ay bumaling sa buktot na pamumuhay, at ang kaniyang limang taóng gulang na anak na lalaki, si Ptolemy V, ang sumunod na naging hari ng timog maraming taon pa bago mamatay si Antiochus III.
NAGBALIK ANG MANANAKOP
27. Paano bumalik ang hari ng hilaga “sa kawakasan ng mga panahon” upang bawiin ang teritoryo mula sa Ehipto?
27 Dahilan sa lahat ng kaniyang maningning na tagumpay, si Antiochus III ay tinawag na Antiochus na Dakila. Tungkol sa kaniya ay sinabi ng anghel: “Ang hari ng hilaga ay babalik at maghahanda ng isang pulutong na mas malaki kaysa sa una; at sa kawakasan ng mga panahon, na ilang taon, siya ay paroroon, na ginagawa iyon taglay ang isang malaking hukbong militar at ang maraming pag-aari.” (Daniel 11:13) Ang ‘mga panahong’ ito ay 16 na taon o higit pa pagkatapos na talunin ng mga Ehipsiyo ang mga Siryano sa Raphia. Nang maging hari ng timog ang batang si Ptolemy V, si Antiochus III ay humayo kasama ng “isang pulutong na mas malaki kaysa sa una” upang bawiin ang mga teritoryong kinuha sa kaniya ng Ehipsiyong hari ng timog. Dahilan dito, nagtulungan sila ng hari ng Macedonia na si Felipe V.
28. Ano ang naging mga suliranin ng kabataang hari ng timog?
28 Ang hari ng timog ay may suliranin din sa loob ng kaniyang kaharian. “Sa mga panahong iyon ay marami ang tatayo laban sa hari ng timog,” sabi ng anghel. (Daniel 11:14a) Tunay na marami nga ang ‘tumayo laban sa hari ng timog.’ Bukod pa sa pagharap sa mga puwersa ni Antiochus III at ng kakampi nitong taga-Macedonia, ang batang hari ng timog ay napaharap sa mga problema sa sariling bayan sa Ehipto. Dahilan sa ang kaniyang tagapagtanggol na si Agathocles, na nagpuno sa kaniyang pangalan, ay naghari-harian sa mga Ehipsiyo, marami ang naghimagsik. Idinagdag ng anghel: “At ang mga anak ng mga magnanakaw sa iyong bayan, sa ganang kanila, ay madadala upang tangkaing magkatotoo ang isang pangitain; at sila nga ay matitisod.” (Daniel 11:14b) Maging ang ilan sa bayan ni Daniel ay naging “mga anak ng mga magnanakaw,” o mga rebolusyonista. Subalit ang anumang “pangitain” na taglay ng gayong mga lalaking Judio hinggil sa pagwawakas ng pamamahalang Gentil sa kanilang lupang tinubuan ay mali, at ang mga ito ay mabibigo, o “matitisod.”
29, 30. (a) Paanong “ang mga bisig ng timog” ay sumuko sa pagsalakay mula sa hilaga? (b) Paano ‘tumayo sa lupain ng Kagayakan’ ang hari ng hilaga?
29 Inihula pa ng anghel ni Jehova: “Ang hari ng hilaga ay paroroon at magtitindig ng muralyang pangubkob at bibihagin nga ang isang lunsod na may mga kuta. At kung tungkol sa mga bisig ng timog, ang mga iyon ay hindi makatatayo, ni ang bayan man ng kaniyang mga pinili; at hindi magkakaroon ng kapangyarihan upang manatiling nakatayo. At ang isang dumarating laban sa kaniya ay gagawa nang ayon sa kaniyang kalooban, at walang sinumang makatatayo sa harap niya. At tatayo siya sa lupain ng Kagayakan, at magkakaroon ng paglipol mula sa kaniyang kamay.”—Daniel 11:15, 16.
30 Ang mga puwersang militar na nasa ilalim ni Ptolemy V, o “mga bisig ng timog,” ay sumuko sa pagsalakay mula sa hilaga. Sa Paneas (Cesarea Filipos), itinaboy ni Antiochus III si Heneral Scopas ng Ehipto at ang 10,000 piling mga lalaki, o “mga pinili,” tungo sa Sidon, “isang lunsod na may kuta.” Doo’y ‘nagtindig ng muralyang pangubkob’ si Antiochus III, at sinakop ang daungan ng Fenicia noong 198 B.C.E. Siya’y kumilos “ayon sa kaniyang kalooban” sapagkat ang mga puwersa ng Ehipsiyong hari ng timog ay hindi nakatayo sa harap niya. Pagkatapos ay nagmartsa si Antiochus III laban sa Jerusalem, ang kabisera ng “lupain ng Kagayakan,” ang Juda. Noong 198 B.C.E., ang Jerusalem at ang Juda ay nailipat mula sa pamamahala ng Ehipsiyong hari ng timog tungo sa Siryanong hari ng hilaga. At si Antiochus III, ang hari ng hilaga, ay nagpasimulang ‘tumayo sa lupain ng Kagayakan.’ May “paglipol mula sa kaniyang kamay” para sa lahat ng sumasalansang na mga Judio at mga Ehipsiyo. Gaano katagal na magagawa ng hari ng hilaga ang gusto niya?
GINIPIT NG ROMA ANG MANANAKOP
31, 32. Bakit ang hari ng hilaga ay humantong sa paggawa ng “marapat na pakikipagkasundo” ng pakikipagpayapaan sa hari ng timog?
31 Ang anghel ni Jehova ay nagbibigay sa atin ng kasagutang ito: “Itutuon niya [ng hari ng hilaga] ang kaniyang mukha na pumaroon taglay ang puwersa ng kaniyang buong kaharian, at magkakaroon ng marapat na pakikipagkasundo sa kaniya; at siya ay kikilos sa mabisang paraan. At kung tungkol sa anak na babae ng kababaihan, ipauubaya sa kaniya na ipahamak ito. At ito ay hindi tatayo, at hindi ito mananatiling kaniya.”—Daniel 11:17.
32 Ang hari ng hilaga, si Antiochus III, ay ‘nagtuon ng kaniyang mukha’ upang pamahalaan ang Ehipto “taglay ang puwersa ng kaniyang buong kaharian.” Subalit humantong siya sa paggawa ng “marapat na pakikipagkasundo” ng pakikipagpayapaan kay Ptolemy V, ang hari ng timog. Ang sapilitang kahilingan ng Roma ay naging sanhi upang baguhin ni Antiochus III ang kaniyang plano. Nang siya at si Haring Felipe V ng Macedonia ay magsanib laban sa kabataang hari ng Ehipto upang agawin ang kaniyang mga teritoryo, ang mga tagapagtanggol ni Ptolemy V ay humingi ng tulong sa Roma. Bilang pagsasamantala sa pagkakataong mapalawak ang kaniyang impluwensiya, kumilos ang Roma.
33. (a) Anong mga pakikipagkasundo ukol sa kapayapaan ang namagitan kina Antiochus III at Ptolemy V? (b) Ano ang layunin ng kasal sa pagitan nina Cleopatra I at Ptolemy V, at bakit nabigo ang pakanang ito?
33 Sa pamimilit ng Roma, si Antiochus III ay nakipagpayapaan sa hari ng timog. Sa halip na isuko ang mga nasakop na teritoryo, gaya ng sapilitang hiniling ng Roma, si Antiochus III ay nagpakana na lamang sa pamamagitan ng pagpapakasal ng kaniyang anak na babaing si Cleopatra I—“ang anak na babae ng kababaihan”—kay Ptolemy V. Ang mga lalawigan na kalakip ang Juda, ang “lupain ng Kagayakan,” ay ipagkakaloob bilang dote niya. Gayunpaman, sa kasal noong 193 B.C.E., hindi pinahintulutan ng Siryanong hari na ang mga lalawigang ito ay mapapunta kay Ptolemy V. Ito’y isang kasal dahilan sa pulitika, na ginawa upang maging sakop ng Sirya ang Ehipto. Subalit ang pakana ay nabigo sapagkat si Cleopatra I ay ‘hindi nanatiling kaniya,’ sapagkat sa dakong huli siya’y pumanig sa kaniyang asawa. Nang sumiklab ang digmaan sa pagitan nina Antiochus III at ng mga Romano, pumanig ang Ehipto sa Roma.
34, 35. (a) Sa anong “baybaying lupain” ibinaling ng hari ng hilaga ang kaniyang mukha? (b) Paano winakasan ng Roma “ang pandurusta” mula sa hari ng hilaga? (c) Paano namatay si Antiochus III, at sino ang sumunod na naging hari ng hilaga?
34 Bilang pagtukoy sa mga pagkatalo ng hari ng hilaga, idinagdag ng anghel: “At ibabaling niya [Antiochus III] ang kaniyang mukha sa mga baybaying lupain at bibihag nga ng marami. At patitigilin ng isang kumandante [Roma] ang pandurusta mula sa kaniya para sa kaniyang sarili [Roma], upang ang kaniyang pandurusta [yaong mula kay Antiochus III] ay mawala na. Ibabaling niya [Roma] ito sa isang iyon. At ibabaling niya [Antiochus III] ang kaniyang mukha sa mga tanggulan ng kaniyang sariling lupain, at siya ay tiyak na matitisod at mabubuwal, at hindi siya masusumpungan.”—Daniel 11:18, 19.
35 Ang “baybaying lupain” ay yaong sa Macedonia, Gresya, at Asia Minor. Isang digmaan ang sumiklab sa Gresya noong 192 B.C.E., at si Antiochus III ay nahikayat na magtungo sa Gresya. Palibhasa’y masama ang loob dahilan sa mga pagsisikap ng Siryanong hari na masakop pa ang karagdagang teritoryo doon, ang Roma ay pormal na nagdeklara ng pakikipagdigma sa kaniya. Sa Thermopylae siya’y natalo sa mga kamay ng Romano. Halos isang taon pagkatapos na matalo sa digmaan ng Magnesia noong 190 B.C.E., kinailangang isuko niya ang lahat sa Gresya, Asia Minor, at sa mga lugar sa may kanluran ng mga Kabundukan ng Taurus. Ang Roma ay sumingil ng mabigat na buwis at nangibabaw sa Siryanong hari ng hilaga. Sa pagkakataboy mula sa Gresya at Asia Minor at sa pagkawala ng halos lahat ng kaniyang mga plota, si Antiochus III ay ‘nagbaling ng kaniyang mukha sa mga tanggulan ng kaniyang sariling lupain,’ ang Sirya. ‘Ibinaling [ng mga Romano] ang pandurusta mula sa kaniya laban sa kanila.’ Si Antiochus III ay namatay habang tinatangkang nakawan ang isang templo sa Elymaïs, Persia, noong 187 B.C.E. Kaya siya ay ‘nabuwal’ sa kamatayan at hinalinhan ng kaniyang anak na si Seleucus IV, ang sumunod na hari ng hilaga.
NAGPATULOY ANG LABANAN
36. (a) Paano sinikap ng hari ng timog na ipagpatuloy ang labanan, ngunit ano ang nangyari sa kaniya? (b) Paano namatay si Seleucus IV, at sino ang humalili sa kaniya?
36 Bilang ang hari ng timog, si Ptolemy V ay nagsikap na makuha ang mga lalawigan na dapat sana’y napasakaniya bilang dote ni Cleopatra, subalit lason ang tumapos ng kaniyang mga pagsisikap. Siya’y hinalinhan ni Ptolemy VI. Kumusta naman si Seleucus IV? Dahilan sa pangangailangan ng salapi upang mabayaran ang kaniyang malaking multa sa Roma, sinugo niya ang kaniyang ingat-yamang si Heliodorus upang samsamin ang kayamanang sinasabing nakaimbak sa templo ng Jerusalem. Dahilan sa pagnanasa sa trono, pinaslang ni Heliodorus si Seleucus IV. Gayunpaman, iniluklok ni Haring Eumenes ng Pergamo at ng kaniyang kapatid na si Attalus si Antiochus IV na kapatid ng pinaslang na hari.
37. (a) Paano tinangka ni Antiochus IV na ipakitang siya’y mas makapangyarihan kaysa sa Diyos na Jehova? (b) Sa ano humantong ang paglapastangan ni Antiochus IV sa templo sa Jerusalem?
37 Ang bagong hari ng hilaga, si Antiochus IV, ay naghangad na itanghal ang sarili na mas makapangyarihan kaysa sa Diyos sa pamamagitan ng pagsisikap na lubusang lipulin ang kaayusan ni Jehova sa pagsamba. Bilang paghamon kay Jehova, kaniyang inialay ang templo ng Jerusalem kay Zeus, o Jupiter. Noong Disyembre 167 B.C.E., isang paganong dambana ang itinayo sa ibabaw ng malaking dambana sa looban ng templo na pinagsusunugan ng pang-araw-araw na handog kay Jehova. Pagkaraan ng sampung araw, isang hain kay Zeus ang inihandog sa paganong dambana. Ang paglapastangang ito ay humantong sa pag-aalsa ng mga Judio sa ilalim ng mga Macabeo. Si Antiochus IV ay nakipagbaka sa kanila sa loob ng tatlong taon. Noong 164 B.C.E., sa anibersaryo ng paglapastangan, muling inialay ni Judas Macabeo ang templo kay Jehova at ang kapistahan ng pag-aalay—Hanukkah—ay itinatag.—Juan 10:22.
38. Paano nagwakas ang pamamahala ng mga Macabeo?
38 Malamang na ang mga Macabeo ay gumawa ng isang kasunduan sa Roma noong 161 B.C.E. at nagtatag ng isang kaharian noong 104 B.C.E. Subalit ang sigalot sa pagitan nila at ng Siryanong hari ng hilaga ay nagpatuloy. Sa wakas, ang Roma ay tinawag upang makialam. Sinakop ng Romanong heneral na si Gnaeus Pompey ang Jerusalem noong 63 B.C.E. pagkatapos ng tatlong buwang pangungubkob. Noong 39 B.C.E., ang Romanong Senado ay nag-atas kay Herodes—isang Edomita—na maging hari ng Judea. Bilang pagtatapos sa pamamahala ng mga Macabeo, sinakop niya ang Jerusalem noong 37 B.C.E.
39. Paano ka nakinabang mula sa pagsasaalang-alang sa Daniel 11:1-19?
39 Kapana-panabik makitang ang unang bahagi ng hula hinggil sa dalawang haring naglalaban ay detalyadong natupad! Totoong nakatutuwang sumulyap sa kasaysayan na may mga 500 taon na ang haba matapos na ibigay ang makahulang mensahe kay Daniel at makilala ang mga tagapamahalang lumagay bilang hari ng hilaga at hari ng timog! Gayunpaman, ang makapulitikang pagkakakilanlan ng dalawang haring ito ay nagbabago habang ang digmaan sa pagitan nila ay nagpapatuloy sa panahon na si Jesu-Kristo ay lumakad sa lupa hanggang sa ating kaarawan. Kung pagtutugmain ang makasaysayang mga pangyayari at ang nakatatawag-pansing mga detalye na isiniwalat sa hulang ito, ating makikilala ang dalawang naglalabanang haring ito.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Anong dalawang linya ng malalakas na hari ang lumitaw mula sa mga Helenistikong kaharian, at anong labanan ang pinasimulan ng mga haring ito?
• Gaya ng inihula sa Daniel 11:6, paano pumasok ang dalawang hari sa isang “marapat na kasunduan”?
• Paano nagpatuloy ang labanan sa pagitan nina
Seleucus II at Ptolemy III (Daniel 11:7-9)?
Antiochus III at Ptolemy IV (Daniel 11:10-12)?
Antiochus III at Ptolemy V (Daniel 11:13-16)?
• Ano ang layunin ng kasal sa pagitan nina Cleopatra I at Ptolemy V, at bakit nabigo ang pakanang ito (Daniel 11:17-19)?
• Paanong ang pagbibigay-pansin sa Daniel 11:1-19 ay nagdulot ng kapakinabangan sa iyo?
[Chart/Mga larawan sa pahina 228]
MGA HARI SA DANIEL 11:5-19
Ang Hari Ang Hari
ng Hilaga ng Timog
Daniel 11:5 Seleucus I Nicator Ptolemy I
Daniel 11:6 Antiochus II Ptolemy II
(asawang si Laodice) (anak na babae na si Berenice)
Daniel 11:7-9 Seleucus II Ptolemy III
Daniel 11:10-12 Antiochus III Ptolemy IV
Daniel 11:13-19 Antiochus III Ptolemy V
(anak na babae, Kahalili:
na si Cleopatra I) Ptolemy VI
Mga Kahalili:
Seleucus IV at
Antiochus IV
[Larawan]
Barya na naglalarawan kay Ptolemy II at sa kaniyang asawa
[Larawan]
Seleucus I Nicator
[Larawan]
Antiochus III
[Larawan]
Ptolemy VI
[Larawan]
Itinayo ni Ptolemy III at ng kaniyang mga kahalili ang templong ito ni Horus sa Idfu, Itaas na Ehipto
[Mapa/Mga larawan sa pahina 216, 217]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang mga titulong “ang hari ng hilaga” at “ang hari ng timog” ay tumutukoy sa mga hari ng hilaga at timog sa lupain ng bayan ni Daniel
MACEDONIA
GRESYA
ASIA MINOR
ISRAEL
LIBYA
EHIPTO
ETIOPIA
SIRYA
Babilonya
ARABIA
[Larawan]
Ptolemy II
[Larawan]
Antiochus na Dakila
[Larawan]
Isang malapad na bato na nagtataglay ng opisyal na mga kautusang pinalabas ni Antiochus na Dakila
[Larawan]
Barya na may larawan ni Ptolemy V
[Larawan]
Tarangkahan ni Ptolemy III, sa Karnak, Egypt
[Buong-pahinang larawan sa pahina 210]
[Larawan sa pahina 215]
Seleucus I Nicator
[Larawan sa pahina 218]
Ptolemy I