Ikalabing-apat na Kabanata
Nagbago ng Pagkakakilanlan ang Dalawang Hari
1, 2. (a) Ano ang umakay kay Antiochus IV upang pumayag sa mga kahilingan ng Roma? (b) Kailan naging isang Romanong lalawigan ang Sirya?
NILUSOB ng Siryanong monarkang si Antiochus IV ang Ehipto at kinoronahan niya ang kaniyang sarili bilang hari nito. Sa kahilingan ni Haring Ptolemy VI ng Ehipto, isinugo ng Roma si Embahador Caius Popilius Laenas sa Ehipto. Taglay niya ang isang napakalaking plota at utos mula sa Senado ng Roma na talikuran ni Antiochus IV ang kaniyang paghahari sa Ehipto at umalis sa bansa. Sa Eleusis, sa labas ng Alejandria, ang Siryanong hari at ang Romanong embahador ay nagharap. Nakiusap si Antiochus IV na bigyan siya ng panahon upang kunsultahin ang kaniyang mga tagapayo, subalit gumuhit si Laenas sa palibot ng hari at sinabihan siyang sumagot muna bago humakbang sa linya. Dahil sa kahihiyan, si Antiochus IV ay sumunod sa kahilingan ng Romano at nagbalik sa Sirya noong 168 B.C.E. Kaya natapos ang sagupaan sa pagitan ng Siryanong hari ng hilaga at ng Ehipsiyong hari ng timog.
2 Dahilan sa pagkakaroon ng nangingibabaw na papel sa pamamahala sa Gitnang Silangan, ang Roma ay patuloy na nagdikta sa Sirya. Kaya, kahit na ang iba pang hari ng Seleucidong dinastiya ay namahala sa Sirya pagkamatay ni Antiochus IV noong 163 B.C.E., wala sila sa posisyon ng pagiging “ang hari ng hilaga.” (Daniel 11:15) Ang Sirya sa wakas ay naging isang Romanong lalawigan noong 64 B.C.E.
3. Kailan at paano natamo ng Roma ang pangingibabaw sa Ehipto?
3 Ang Ptolemaikong dinastiya ng Ehipto ay patuloy na humawak sa posisyon ng “hari ng timog” sa loob ng mahigit-higit pa sa 130 taon pagkamatay ni Antiochus IV. (Daniel 11:14) Sa digmaan ng Actium, noong 31 B.C.E., tinalo ng Romanong tagapamahalang si Octavian ang magkasanib na puwersa ng huling Ptolemaikong reyna—si Cleopatra VII—at ang kaniyang Romanong kalaguyo, si Mark Antony. Pagkatapos magpatiwakal ni Cleopatra nang sumunod na taon, ang Ehipto ay naging isang Romanong lalawigan na rin at hindi na gumanap ng papel bilang hari ng timog. Pagsapit ng taóng 30 B.C.E., ang Roma ay nangibabaw kapuwa sa Sirya at Ehipto. Dapat ba nating asahan ngayon na kukunin ng ibang pamamahala ang papel ng hari ng hilaga at hari ng timog?
NAGSUGO ANG BAGONG HARI NG ISANG “TAGAKUHA NG PATAW”
4. Bakit natin maaasahan na isang panibagong tagapamahala ang kukuha ng papel ng hari ng hilaga?
4 Noong tagsibol ng 33 C.E., sinabi ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad: “Kapag nakita ninyo ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang, na tinukoy sa pamamagitan ni Daniel na propeta, na nakatayo sa isang dakong banal, . . . kung magkagayon yaong mga nasa Judea ay magpasimulang tumakas patungo sa mga bundok.” (Mateo 24:15, 16) Sa pagsipi sa Daniel 11:31, nagbabala si Jesus sa kaniyang mga tagasunod hinggil sa hinaharap na ‘kasuklam-suklam na bagay na magiging sanhi ng pagkatiwangwang.’ Ang hulang ito tungkol sa hari ng hilaga ay ibinigay mga 195 taon pagkamatay ni Antiochus IV, ang huling Siryanong hari sa papel na iyon. Walang pagsala, isang panibagong tagapamahala ang kukuha sa papel ng hari ng hilaga. Sino kaya ito?
5. Sino ang tumayo bilang hari ng hilaga, na siyang kumuha ng posisyong dating okupado ni Antiochus IV?
5 Inihula ng anghel ng Diyos na Jehova: “Tatayo sa kaniyang posisyon [niyaong kay Antiochus IV] ang isang nagpaparaan ng tagakuha ng pataw sa marilag na kaharian, at sa ilang araw ay wawasakin siya, ngunit hindi sa galit ni sa pakikidigma man.” (Daniel 11:20) Ang isa na ‘tumatayo’ sa ganitong paraan ay ang unang Romanong emperador, si Octavian, na kilala sa tawag na Cesar Augusto.—Tingnan ang “Isang Pinarangalan, Isang Hinamak,” sa pahina 248.
6. (a) Kailan pangyayarihing dumaan ang “tagakuha ng pataw” sa “marilag na kaharian,” at ano ang kahalagahan nito? (b) Bakit masasabing si Augusto ay namatay “hindi sa galit ni sa digmaan”? (c) Anong pagbabago ang naganap hinggil sa pagkakakilanlan ng hari ng hilaga?
6 Kalakip ng “marilag na kaharian” ni Augusto ay ang “lupain ng Kagayakan”—ang Romanong lalawigan ng Judea. (Daniel 11:16) Noong 2 B.C.E., isinugo ni Augusto ang isang “tagakuha ng pataw” sa pamamagitan ng pag-uutos na magkaroon ng rehistrasyon, o sensus, marahil ay upang malaman niya ang bilang ng populasyon sa layunin ng pagbubuwis at pagkuha ng sundalo. Dahilan sa utos na ito, sina Jose at Maria ay naglakbay patungo sa Betlehem upang magparehistro, anupat ipinanganak si Jesus sa inihulang lugar na iyon. (Mikas 5:2; Mateo 2:1-12) Noong Agosto 14 C.E.—“sa ilang araw,” o hindi nagtagal pagkatapos ipag-utos ang rehistrasyon—si Augusto ay namatay sa edad na 76, hindi “sa galit” sa kamay ng isang mamamatay-tao ni “sa pakikidigma man,” kundi dahil sa sakit. Tunay na nagbago na ng pagkakakilanlan ang hari ng hilaga! Ang haring ito ngayon ay naging ang Imperyo ng Roma sa katauhan ng mga emperador nito.
‘TUMAYO ANG ISA NA HINAMAK’
7, 8. (a) Sino ang tumayo sa posisyon ni Augusto bilang hari ng hilaga? (b) Bakit “ang dangal ng kaharian” ay naipagkaloob sa kahalili ni Augusto Cesar nang labag sa kalooban niya?
7 Sa pagpapatuloy ng hula, sinabi ng anghel: “Tatayo sa kaniyang posisyon [ni Augusto] ang isa na marapat hamakin, at hindi nila ibibigay sa kaniya ang dangal ng kaharian; at darating siya sa panahong malaya sa alalahanin at susunggaban ang kaharian sa pamamagitan ng kadulasan. At kung tungkol sa mga bisig ng baha, ang mga iyon ay aapawan dahil sa kaniya, at ang mga iyon ay babaliin; gayundin ang Lider ng tipan.”—Daniel 11:21, 22.
8 Ang “isa na marapat hamakin” ay si Tiberio Cesar, ang anak ni Livia, ikatlong asawa ni Augusto. (Tingnan ang “Isang Pinarangalan, Isang Hinamak,” sa pahina 248.) Kinapootan ni Augusto ang anak na ito sa una ng kaniyang asawa dahilan sa kaniyang masasamang ugali anupat hindi niya nais na ito ang maging susunod na Cesar. “Ang dangal ng kaharian” ay naibigay lamang sa kaniya pagkatapos na mamatay ang lahat ng ibang posibleng maging kahalili. Inampon ni Augusto si Tiberio noong 4 C.E. at ginawa siyang tagapagmana sa trono. Pagkamatay ni Augusto, ang 54-anyos na si Tiberio—ang isa na hinamak—ay ‘tumayo,’ at kinuha ang kapangyarihan bilang ang Romanong emperador at ang hari ng hilaga.
9. Paano ‘sinunggaban ni Tiberio ang kaharian sa pamamagitan ng kadulasan’?
9 “Si Tiberio,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ay namulitika sa Senado anupat hindi niya pinahintulutan na siya’y tawagin nitong emperador sa loob halos ng isang buwan [pagkamatay ni Augusto.]” Sinabi niya sa Senado na walang sinuman maliban kay Augusto ang may kakayahang pumasan ng pamamahala sa Imperyo ng Roma at hiniling sa mga senador na ibalik ang republika sa pamamagitan ng pagbibigay ng gayong awtoridad sa isang grupo ng mga kalalakihan sa halip na sa isang tao. “Hindi sila nangahas na tanggapin ang kaniyang sinabi,” ayon sa sulat ng istoryador na si Will Durant, “kundi tumangu-tango lamang ang Senado sa kaniya hanggang sa wakas ay tanggapin na rin niya ang kapangyarihan.” Idinagdag pa ni Durant: “Parehong mahusay umarte ang magkabilang panig. Talagang nais ni Tiberio na mamahala bilang emperador, dahil kung hindi, may paraan naman upang iwasan iyon; siya’y kinatakutan at kinapootan ng Senado, subalit hindi ito nangahas na itatag pang muli ang isang republikang gaya nang dati, na nasasalig diumano sa soberanong kapulungan.” Sa ganitong paraan, ‘sinunggaban ni Tiberio ang kaharian sa pamamagitan ng kadulasan.’
10. Paanong ‘ang mga bisig ng baha ay nabali’?
10 “Kung tungkol sa mga bisig ng baha”—ang hukbong militar ng nakapalibot na mga kaharian—ang anghel ay nagsabi: ‘Ang mga iyon ay aapawan dahil sa kaniya, at ang mga iyon ay babaliin.’ Nang si Tiberio ay maging hari ng hilaga, ang kaniyang pamangking si Germanicus Cesar ang siyang kumander ng hukbong Romano sa Ilog Rhine. Noong 15 C.E., pinangunahan ni Germanicus ang kaniyang puwersa laban sa bayaning Aleman na si Arminius, na bahagyang nagtagumpay. Gayunpaman, malaki ang naging kapalit ng limitadong tagumpay, at pagkatapos noon, itinigil na ni Tiberio ang kaniyang operasyon sa Alemanya. Sa halip, sa pamamagitan ng pagtataguyod ng digmaang sibil, sinikap niyang hadlangan ang pagkakaisa ng mga tribong Aleman. Sinang-ayunan ni Tiberio ang patakaran ng depensa laban sa ibang bansa at nagtuon ng pansin sa pagpapatibay ng mga hangganan. Ang kaniyang patakarang ito ay medyo nagtagumpay. Sa ganitong paraan “ang mga bisig ng baha” ay nakontrol at ‘nabali.’
11. Paanong ‘ang Lider ng tipan ay nabali’?
11 ‘Nabali’ rin “ang Lider ng tipan” na ginawa ng Diyos na Jehova kay Abraham sa ikapagpapala ng lahat ng sambahayan sa lupa. Si Jesu-Kristo ang Binhi ni Abraham na ipinangako sa tipang iyon. (Genesis 22:18; Galacia 3:16) Noong Nisan 14, 33 C.E., si Jesus ay tumayo sa harapan ni Poncio Pilato sa palasyo ng Romanong gobernador sa Jerusalem. Si Jesus ay pinaratangan ng mga Judiong saserdote ng pagtataksil laban sa emperador. Subalit sinabi ni Jesus kay Pilato: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito. . . . Ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” Upang hindi mapalaya ng Romanong gobernador ang walang-kasalanang si Jesus, ang mga Judio ay sumigaw: “Kung palalayain mo ang taong ito, ikaw ay hindi kaibigan ni Cesar. Bawat tao na ginagawang hari ang kaniyang sarili ay nagsasalita nang laban kay Cesar.” Pagkatapos na hilingin ang kamatayan ni Jesus, sinabi nila: “Wala kaming hari kundi si Cesar.” Alinsunod sa batas ng “krimen laban sa hari,” na pinalawak pa nga ni Tiberio upang ilakip ang kahit na anong insulto kay Cesar, si Jesus ay ibinigay ni Pilato upang ‘baliin,’ o ibayubay sa isang pahirapang tulos.—Juan 18:36; 19:12-16; Marcos 15:14-20.
ISANG MANINIIL ANG ‘NAGPAKANA NG KANIYANG MGA PAKANA’
12. (a) Sino ang nakipag-alyado ng kanilang sarili kay Tiberio? (b) Paanong si Tiberio ay naging “malakas sa pamamagitan ng isang maliit na bansa”?
12 Sa pagpapatuloy ng panghuhula tungkol kay Tiberio, ang anghel ay nagsabi: “Dahil sa kanilang pakikipag-alyado sa kaniya, siya ay magsasagawa ng panlilinlang at aahon nga at magiging malakas sa pamamagitan ng isang maliit na bansa.” (Daniel 11:23) Ang mga miyembro ng Romanong Senado ay ‘nakipag-alyado’ kay Tiberio ayon sa saligang-batas, at siya’y pormal na umasa sa kanila. Subalit siya’y tuso, at talagang naging “malakas sa pamamagitan ng isang maliit na bansa.” Ang maliit na bansang iyon ay ang Tanod ng Pretorio ng Romano, na nagkakampo malapit sa mga pader ng Roma. Ang kalapitan nito ay nagdulot ng takot sa Senado at nakatulong kay Tiberio upang mapigilan ang anumang pag-aalsa ng taong-bayan laban sa kaniyang awtoridad. Kung gayon sa pamamagitan ng mga 10,000 guwardiya, si Tiberio ay nanatiling makapangyarihan.
13. Sa paanong paraan nahigitan ni Tiberio ang kaniyang mga ninuno?
13 Makahulang idinagdag ng anghel: “Sa panahong malaya sa alalahanin, maging sa katabaan ng nasasakupang distrito ay papasok siya at gagawin nga niya yaong hindi ginawa ng kaniyang mga ama at ng mga ama ng kaniyang mga ama. Ang dinambong at samsam at pag-aari ay ipangangalat niya sa gitna nila; at laban sa mga nakukutaang dako ay magpapakana siya ng kaniyang mga pakana, ngunit hanggang sa isang panahon lamang.” (Daniel 11:24) Si Tiberio ay labis na mapaghinala, at ang kaniyang pamamahala ay tigmak ng mga utos na pagpatay. Dahilan sa malaking impluwensiya ni Sejanus, ang kumander ng Tanod ng Pretorio, ang huling bahagi ng kaniyang paghahari ay nabahiran ng malaking takot. Sa wakas, si Sejanus mismo ay pinaghinalaan at pinatay. Dahil sa paniniil sa mga tao, nahigitan pa ni Tiberio ang kaniyang mga ninuno.
14. (a) Paano ikinalat ni Tiberio “ang dinambong at samsam at pag-aari” sa lahat ng lalawigan ng Roma? (b) Paano tinagurian si Tiberio sa panahon ng kaniyang kamatayan?
14 Gayunpaman, ikinalat ni Tiberio “ang dinambong at samsam at pag-aari” sa buong lalawigan ng Roma. Sa panahon ng kaniyang kamatayan, ang lahat ng kaniyang nasasakupan ay nananagana. Magaan ang mga buwis, at siya’y bukas-palad sa mga lugar na dumaranas ng paghihirap. Kapag ang mga sundalo o mga opisyal ay nagmalupit sa sinuman o gumawa ng katiwalian sa paghawak ng mga bagay-bagay, makatitiyak sila ng parusa ng emperador. Dahilan sa mahigpit na paghawak sa kapangyarihan, napanatili ang katiwasayan ng madla, at ang mas mabuting sistema ng komunikasyon ay nakatulong sa komersiyo. Tiniyak ni Tiberio na ang mga bagay-bagay ay naisasagawa nang walang pagkiling at pantay-pantay sa loob at labas ng Roma. Pinasulong ang mga batas, at pinataas ang uri ng panlipunan at pangmoral na mga alituntunin sa pamamagitan ng mga repormang pinasimulan ni Augusto Cesar. Subalit, ‘nagpakana ng kaniyang mga pakana’ si Tiberio anupat inilarawan siya ng Romanong istoryador bilang isang mapagpaimbabaw at bihasa sa pagkukunwari. Nang siya’y mamatay noong Marso 37 C.E., si Tiberio ay tinaguriang isang malupit na pinuno.
15. Ano ang naging kalagayan ng Roma noong huling bahagi ng unang siglo at unang bahagi ng ikalawang siglo C.E.?
15 Kalakip sa mga kahalili ni Tiberio na gumanap ng papel ng hari ng hilaga sina Gaius Cesar (Caligula), Claudius I, Nero, Vespasian, Tito, Domitian, Nerva, Trajan, at Hadrian. “Sa kalakhang bahagi,” sabi ng The New Encyclopædia Britannica, “ipinagpatuloy ng mga kahalili ni Augusto ang kaniyang administratibong mga patakaran at programa sa pagtatayo, bagaman walang gaanong bagong mga ideya pero higit naman ang pagpapasikat.” Ang gayunding akdang reperensiya ay nagpapaliwanag pa: “Sa huling bahagi ng ika-1 at pasimula ng ika-2 siglo ang Roma ay nasa pinakasukdulan sa karingalan at sa populasyon nito.” Bagaman ang Roma ay nagkaroon ng ilang suliranin sa mga hangganan ng imperyo sa panahong ito, ang unang inihulang pakikipagsagupa sa hari ng timog ay nangyari lamang noong ikatlong siglo C.E.
NAPUKAW LABAN SA HARI NG TIMOG
16, 17. (a) Sino ang kumuha ng papel ng hari ng hilaga na binanggit sa Daniel 11:25? (b) Sino ang kumuha ng posisyon ng hari ng timog, at paano ito naganap?
16 Ang anghel ng Diyos ay nagpatuloy sa hula, sa pagsasabi: “Pupukawin niya [ng hari ng hilaga] ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang puso laban sa hari ng timog kasama ang isang malaking hukbong militar; at ang hari ng timog, sa ganang kaniya, ay magpapakabagabag para sa digmaan kasama ang isang lubhang malaki at makapangyarihang hukbong militar. At hindi siya [ang hari ng hilaga] tatayo, sapagkat sila ay magpapakana laban sa kaniya ng mga pakana. At mismong ang mga kumakain ng kaniyang masasarap na pagkain ang magpapasapit ng kaniyang pagkawasak. At kung tungkol sa kaniyang hukbong militar, iyon ay tatangayin ng baha, at marami ang mabubuwal na patay.”—Daniel 11:25, 26.
17 Mga 300 taon pagkatapos na ang Ehipto ay gawin ni Octavian na isang lalawigan ng Roma, ang Romanong emperador na si Aurelian ang gumanap ng papel ng hari ng hilaga. Samantala, si Reyna Septimia Zenobia ng Romanong kolonya ng Palmyra ang kumuha ng posisyon ng hari ng timog.a (Tingnan ang “Zenobia—Ang Mandirigmang Reyna ng Palmyra,” sa pahina 252.) Ang hukbo ng Palmyra ay sumakop sa Ehipto noong 269 C.E. diumano upang mapanatili ito sa Roma. Nais gawin ni Zenobia ang Palmyra na pangunahing lunsod sa silangan at nais na mamahala sa silangang bahagi ng mga lalawigan ng Roma. Palibhasa’y nangangamba sa ambisyon nito, pinukaw ni Aurelian “ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang puso” laban kay Zenobia.
18. Ano ang kinalabasan ng labanan sa pagitan ni Emperador Aurelian, ang hari ng hilaga, at ni Reyna Zenobia, ang hari ng timog?
18 Bilang ang nagpupunong pamahalaan sa ilalim ni Zenobia, ang hari ng timog ay ‘nagpakabagabag’ para sa pakikipagdigma laban sa hari ng hilaga “kasama ang isang lubhang malaki at makapangyarihang hukbong militar” sa ilalim ng dalawang heneral, sina Zabdas at Zabbai. Subalit sinakop ni Aurelian ang Ehipto at pagkatapos ay naglunsad ng isang ekspedisyon tungo sa Asia Minor at Sirya. Si Zenobia ay natalo sa Emesa (ngayo’y Homs), anupat siya’y umatras tungo sa Palmyra. Nang salakayin ni Aurelian ang lunsod na iyon, magiting na ipinagtanggol iyon ni Zenobia subalit hindi nagtagumpay. Siya at ang kaniyang mga anak ay tumakas tungo sa Persia, upang madakip lamang ng mga Romano sa Ilog ng Eufrates. Isinuko ng mga taga-Palmyra ang kanilang lunsod noong 272 C.E. Hindi pinatay ni Aurelian si Zenobia, kundi ginawa siyang tampok na panoorin sa kaniyang prusisyon ng tagumpay sa Roma noong 274 C.E. Ginugol niya ang kaniyang nalalabing buhay bilang isang ginang sa Roma.
19. Paano bumagsak si Aurelian ‘dahilan sa mga pakana laban sa kaniya’?
19 Si Aurelian sa ganang sarili ay ‘hindi nakatayo dahilan sa mga pakana laban sa kaniya.’ Noong 275 C.E., siya’y gumawa ng isang ekspedisyon laban sa mga Persiano. Habang naghihintay siya sa Thrace ng pagkakataong makatawid sa kipot patungong Asia Minor, ang mga ‘pinakain niya’ ay nagsagawa ng mga pakana laban sa kaniya na nagdala sa kaniyang “pagkawasak.” Noo’y parurusahan niya sana ang kaniyang kalihim na si Eros dahilan sa katiwalian. Gayunman, pinalsipika ni Eros ang isang listahan ng mga opisyal na nakatakdang patayin. Nang makita ang listahang ito ay naudyukan ang mga opisyal na magsabuwatan upang patayin si Aurelian nang pataksil at iligpit siya.
20. Paanong ang “hukbong militar” ng hari ng hilaga ay ‘tinangay ng baha’?
20 Ang karera ng hari ng hilaga ay hindi nagwakas sa kamatayan ni Emperador Aurelian. Ang iba pang mga tagapamahalang Romano ay sumunod. May panahon na nagkaroon ng isang emperador sa kanluran at isa sa silangan. Sa ilalim ng mga lalaking ito ang “hukbong militar” ng hari ng hilaga ay ‘tinangay ng baha,’ o ‘nangalat,’b at marami ang ‘nabuwal na patay’ dahilan sa mga pananalakay ng mga tribong Aleman mula sa hilaga. Nilusob ng mga Goth ang mga Romanong hangganan noong ikaapat na siglo C.E. Ang pananalakay ay nagpatuloy, nang sunud-sunod. Noong 476 C.E., tinanggal ng Alemang lider na si Odoacer ang kahuli-hulihang emperador na nagpuno sa Roma. Sa pagsisimula ng ikaanim na siglo, ang Imperyo ng Roma sa kanluran ay nawasak, at ang mga haring Aleman ay namahala sa Britannia, Gaul, Italya, Hilagang Aprika, at Espanya. Ang silangang bahagi ng imperyo ay tumagal hanggang sa ika-15 siglo.
NAHATI ANG ISANG DAKILANG IMPERYO
21, 22. Anong mga pagbabago ang ginawa ni Constantino noong ikaapat na siglo C.E.?
21 Bagaman hindi nagbibigay ng di-kinakailangang detalye hinggil sa pagkawasak ng Imperyo ng Roma, na umabot ng mga ilang siglo, ang anghel ni Jehova ay nagpatuloy sa panghuhula tungkol sa higit pang pananakop ng hari ng hilaga at hari ng timog. Gayunpaman, ang maikling pagrerepaso ng ilang mga pangyayari sa Imperyo ng Roma ay tutulong sa atin na makilala kung sino ang dalawang magkalabang hari nang dakong huli.
22 Noong ikaapat na siglo, iginawad ng Romanong Emperador na si Constantino ang pagkilala ng Estado sa apostatang Kristiyanismo. Kaniya mismong inorganisa at personal na pinamunuan ang isang konsilyo ng Simbahan sa Nicaea, Asia Minor, noong 325 C.E. Nang maglaon, inilipat ni Constantino ang tirahan ng emperador mula sa Roma tungo sa Byzantium, o Constantinople, at ginawang bagong kabisera niya ang lunsod na iyon. Ang Imperyo ng Roma ay nagpatuloy sa ilalim ng pamamahala ng iisang emperador hanggang sa kamatayan ni Emperador Theodosius I, noong Enero 17, 395 C.E.
23. (a) Anong paghahati sa Imperyo ng Roma ang naganap pagkamatay ni Theodosius? (b) Kailan sumapit ang wakas ng Silangang Imperyo? (c) Sino ang nagpuno sa Ehipto noong 1517?
23 Kasunod ng pagkamatay ni Theodosius, ang Imperyo ng Roma ay nahati sa kaniyang dalawang anak na lalaki. Tinanggap ni Honorius ang kanlurang bahagi, at ang silangan ay kay Arcadius, at ang Constantinople ang naging kabisera niya. Ang Britannia, Gaul, Italya, Espanya at Hilagang Aprika ay kabilang sa mga lalawigan ng kanluraning dibisyon. Ang Macedonia, Thrace, Asia Minor, Sirya, at Ehipto ang mga lalawigan naman sa silanganing dibisyon. Noong 642 C.E., ang kabisera ng Ehipto, ang Alejandria, ay bumagsak sa mga Saracen (Arabe), at ang Ehipto ay naging isang lalawigan ng mga caliph. Noong Enero 1449, si Constantino XI ay naging huling emperador ng silangan. Sinakop ng mga Turkong Ottoman sa ilalim ni Sultan Mehmed II ang Constantinople noong Mayo 29, 1453, anupat winakasan ang Silangang Imperyo ng Roma. Noong taóng 1517 ang Ehipto ay naging isang lalawigan ng Turkey. Gayunman, sasapit ang panahon na ang lupaing ito ng sinaunang hari ng timog ay mapapasailalim ng kontrol ng ibang imperyo mula sa kanluraning bahagi.
24, 25. (a) Ayon sa ilang istoryador, ano ang naging tanda ng pagsisimula ng Banal na Imperyong Romano? (b) Ano sa wakas ang nangyari sa titulong “emperador” ng Banal na Imperyong Romano?
24 Bumangon sa kanluraning bahagi ng Imperyo ng Roma ang Katolikong obispo ng Roma, na si Papa Leo I, na naging bantog dahil sa sapilitang pagpapatupad ng awtoridad ng papa noong ikalimang siglo C.E. Pagsapit ng panahon, inangkin ng papa ang karapatang magkorona sa emperador ng kanluraning bahagi. Ito’y nangyari sa Roma noong araw ng Pasko ng 800 C.E., nang koronahan ni Papa Leo III ang Prankistang Haring Carlo (Carlomagno) bilang emperador ng bagong Kanluraning Imperyo ng Roma. Ang koronasyong ito ay nagpanauli ng pagkaemperador sa Roma at, ayon sa ilang istoryador, ito’y naging tanda ng pasimula ng Banal na Imperyong Romano. Mula noon ay umiral ang Silanganing Imperyo at ang Banal na Imperyong Romano sa kanluran, na kapuwa nag-aangking Kristiyano.
25 Sa paglipas ng panahon, ang mga kahalili ni Carlomagno ay naging walang-kuwentang mga tagapamahala. May panahon na napabayaan ang tungkulin ng pagiging isang emperador. Samantala, nakontrol ni Haring Otto I ng Alemanya ang kalakhang bahagi ng hilaga at sentral na Italya. Ipinroklama niya ang kaniyang sarili na hari ng Italya. Noong Pebrero 2, 962 C.E., kinoronahan ni Papa Juan XII si Otto I bilang emperador ng Banal na Imperyong Romano. Ang kabisera nito ay nasa Alemanya, at ang mga emperador ay mga Aleman, gaya na rin ng karamihan ng kanilang mga sakop. Makalipas ang limang siglo nakuha ng Austrianong sambahayan ng Hapsburg ang titulong “emperador” at hinawakan ito sa kalakhang bahagi ng nalalabing mga taon ng Banal na Imperyong Romano.
NAGING MALIWANAG MULI KUNG SINO ANG DALAWANG HARI
26. (a) Ano ang masasabi hinggil sa katapusan ng Banal na Imperyong Romano? (b) Sino ang naging hari ng hilaga?
26 Si Napoléon I ay naggawad ng nakamamatay na dagok sa Banal na Imperyong Romano nang ayaw niyang kilalanin ang pag-iral nito pagkatapos ng kaniyang mga tagumpay sa Alemanya ng taóng 1805. Dahilan sa hindi maipagtanggol ang korona, si Emperador Francis II ay nagbitiw mula sa pagiging Romanong emperador noong Agosto 6, 1806, at nagtungo na lamang sa kaniyang pambansang pamahalaan bilang emperador ng Austria. Pagkatapos ng 1,006 taon, ang Banal na Imperyong Romano—itinatag ni Leo III, isang Romano Katolikong papa, at ni Carlomagno, isang Prankistang hari—ay nagtapos. Noong 1870, ang Roma ang naging kabisera ng Italya, na hiwalay sa Batikano. Nang sumunod na taon, isang imperyong Aleman ang nagpasimula anupat si Wilhelm I ang tinawag na cesar, o kaiser. Kaya ang makabagong-panahong hari ng hilaga—ang Alemanya—ay napasa tanawin ng daigdig.
27. (a) Paanong ang Ehipto ay napasailalim ng kontrol at pangangalaga ng Britano? (b) Sino ang naging hari ng timog?
27 Subalit ano ang pagkakakilanlan ng makabagong-panahong hari ng timog? Ipinakikita ng kasaysayan na ang Gran Britanya ang humawak ng kapangyarihan ng imperyo noong ika-17 siglo. Sa pagnanais na mabuwag ang ruta sa pangangalakal ng Britano, sinakop ni Napoléon I ang Ehipto noong 1798. Nagkaroon ng digmaan, at ang alyansa ng Britano-Ottoman ang pumuwersa sa Pranses na umalis sa Ehipto, na nakilala bilang hari ng timog sa pagsisimula ng labanan. Nang sumunod na siglo, ang impluwensiya ng Britanya sa Ehipto ay lumaki. Pagkaraan ng 1882, ang Ehipto ay aktuwal na sumailalim ng pangangalaga ng mga Britano. Nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I noong 1914, ang Ehipto ay sakop ng Turkey at pinamahalaan ng isang khedive, o viceroy. Gayunman, makaraang pumanig ang Turkey sa Alemanya sa digmaang iyon, inalis ng Britanya ang khedive at ipinahayag na ang Ehipto ay nasa ilalim ng kontrol at pangangalaga (protectorate) ng Britanya. Sa unti-unting pagkakaroon ng malapit na kaugnayan, ang Britanya at ang Estados Unidos ng Amerika ay naging ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano. Bilang magkasama, sila’y lumagay sa posisyon ng hari ng timog.
[Mga talababa]
a Yamang ang mga katawagang “ang hari ng hilaga” at “ang hari ng timog” ay mga titulo, ang mga ito ay maaaring tumukoy sa anumang pamamahala, lakip na sa isang hari, reyna, o isang kalipunan ng mga bansa.
b Tingnan ang talababa ng Daniel 11:26 sa New World Translation of the Holy Scriptures—With References, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Sinong Romanong emperador ang unang tumayo bilang hari ng hilaga, at kailan niya ipinadala ang isang “tagakuha ng pataw”?
• Sino ang naging hari ng hilaga pagkaraan ni Augusto, at paanong ‘ang Lider ng tipan ay nabali’?
• Ano ang nangyari sa labanan nina Aurelian bilang hari ng hilaga at Zenobia bilang hari ng timog?
• Ano ang nangyari sa Imperyo ng Roma, at aling mga kapangyarihan ang umokupa sa mga posisyon ng dalawang hari sa katapusan ng ika-19 na siglo?
[Kahon/Larawan sa pahina 248-251]
ISANG PINARANGALAN, ISANG HINAMAK
BINAGO ng isa ang republika na punô ng sigalot tungo sa pagiging isang pandaigdig na imperyo. Pinalago naman ng isa ang kayamanan nito nang dalawampung ulit sa loob ng 23 taon. Ang isa ay pinarangalan nang siya’y mamatay, subalit ang isa naman ay hinamak. Ang paghahari ng dalawang emperador na ito ng Roma ay sumaklaw sa buhay at ministeryo ni Jesus. Sino sila? At bakit ang isa’y pinarangalan, samantalang ang isa’y hindi?
KANIYANG “NASUMPUNGANG LARYO ANG ROMA AT INIWAN ITONG MARMOL”
Noong 44 B.C.E. nang pataksil na patayin si Julius Cesar, ang apo ng kaniyang kapatid na babae na si Gaius Octavian ay 18 taóng gulang lamang. Dahil sa pagiging ampon ni Julius Cesar at personal niyang pangunahing tagapagmana, ang batang si Octavian ay karaka-rakang nagtungo sa Roma upang kunin ang kaniyang mana. Nakasagupa niya roon ang isang mabigat na kaaway—ang punong tenyente ni Cesar, si Mark Antony, na umaasang magiging pangunahing tagapagmana. Ang sumunod na pulitikal na intriga at pag-aagawan sa kapangyarihan ay tumagal ng 13 taon.
Pagkatapos lamang na talunin ang magkasanib na puwersa nina Reyna Cleopatra ng Ehipto at ng kaniyang mangingibig na si Mark Antony (noong 31 B.C.E.) saka lamang lumitaw si Octavian bilang isang di-mapag-aalinlanganang tagapamahala ng Imperyo ng Roma. Nang sumunod na taon sina Antony at Cleopatra ay nagpatiwakal, anupat naisanib ni Octavian ang Ehipto. Sa gayon ang kahuli-hulihang bakas ng Imperyo ng Gresya ay naalis, at ang Roma ay naging kapangyarihang pandaigdig.
Sa paggunita na si Julius Cesar ay pataksil na pinatay dahilan sa pagiging mapaniil, naging maingat si Octavian na hindi maulit ang pagkakamaling iyon. Upang hindi masaktan ang damdamin ng mga Romano na sang-ayon sa isang republika, pinalitaw niya na ang kaniyang monarkiya ay isang republika. Tinanggihan niya ang mga titulong “hari” at “diktador.” Bukod dito, ipinahayag niya ang kaniyang intensiyon na ipagkaloob sa Senado ng Roma ang kontrol sa lahat ng lalawigan at na handa siyang magbitiw sa kaniyang tungkulin. Ang taktikang ito ay nagtagumpay. Hinimok ng mapagpahalagang Senado si Octavian na manatili sa kaniyang tungkulin at patuloy na kontrolin ang ilan sa mga lalawigan.
Karagdagan pa, noong Enero 16, 27 B.C.E., si Octavian ay pinagkalooban ng Senado ng titulong “Augusto,” na nangangahulugang “Marangal, Sagrado.” Hindi lamang tinanggap ni Octavian ang titulo kundi isinunod din niya sa kaniyang pangalan ang isang buwan at hiniram ang isang araw mula sa Pebrero upang ang mga araw ng Agosto ay maging kasindami ng Hulyo, ang buwang isinunod sa pangalan ni Julius Cesar. Kaya si Octavian ang naging kauna-unahang emperador ng Roma at pagkatapos ay nakilala bilang Cesar Augusto o “Isa na Augusto.” Nang maglaon, nagkaroon din siya ng titulong “pontifex maximus” (mataas na saserdote), at noong 2 B.C.E.—ang taon ng kapanganakan ni Jesus—binigyan siya ng Senado ng titulong Pater Patriae, “Ama ng Kaniyang Bayan.”
Noong taon ding iyon, “isang dekreto ang lumabas mula kay Cesar Augusto na ang buong tinatahanang lupa ay magparehistro; . . . at ang lahat ng mga tao ay humayong naglalakbay upang magparehistro, bawat isa sa kaniyang sariling lunsod.” (Lucas 2:1-3) Bilang resulta ng dekretong ito, si Jesus ay ipinanganak sa Betlehem bilang katuparan ng hula ng Bibliya.—Daniel 11:20; Mikas 5:2.
Ang pamahalaan sa ilalim ni Augusto ay nakilala dahil sa antas ng katapatan nito at sa pagkakaroon ng matatag na pananalapi. Nagtatag din si Augusto ng mabisang sistema sa pagpapadala ng sulat at nagpagawa ng mga lansangan at mga tulay. Muli niyang inorganisa ang hukbo, lumikha ng isang permanenteng hukbong-dagat, at nagtatag ng piling pangkat ng mga guwardiya sa palasyo na kilala bilang Tanod ng Pretorio. (Filipos 1:13) Dahil sa kaniyang pagsuporta, ang mga manunulat na gaya nina Virgil at Horace ay naging tanyag at ang mga eskultor ay nakagawa ng magagandang eskultura na ngayo’y tinatawag na klasikal na istilo. Tinapos ni Augusto ang mga gusaling hindi nakumpleto ni Julius Cesar at kinumpuni ang maraming templo. Ang Pax Romana (“Kapayapaang Romano”) na kaniyang pinasimulan ay tumagal nang mahigit sa 200 taon. Noong Agosto 19, 14 C.E., sa edad na 76, si Augusto ay namatay at mula noon ay ginawang diyos.
Ipinagmalaki ni Augusto na kaniyang “nasumpungang laryo ang Roma at iniwan itong marmol.” Dahilan sa pagnanais na hindi muling manumbalik pa ang Roma sa kaarawan ng dating republika na punô ng sigalot, balak niyang ihanda ang susunod na emperador. Subalit halos wala siyang mapiling kahalili. Ang kaniyang pamangkin, dalawang apo, isang manugang, at isang anak sa una ay patay nang lahat, anupat ang natira na lamang ay isang anak sa una na si Tiberio upang humalili.
ANG “ISA NA MARAPAT HAMAKIN”
Wala pang isang buwan pagkamatay ni Augusto, nginanlan ng Senado ng Roma ang 54-taóng gulang na si Tiberio bilang emperador. Si Tiberio ay nabuhay at namahala hanggang Marso 37 C.E. Kaya, siya noon ang emperador ng Roma sa buong panahon ng pangmadlang ministeryo ni Jesus.
Bilang isang emperador, si Tiberio ay kapuwa may mga kagalingan at mga masamang ugali. Kabilang sa kaniyang mga kagalingan ay ang pag-aatubiling gumastos para sa mga luho. Bilang resulta nito, sumagana ang imperyo at nagkaroon siya ng pondo upang makabangon mula sa mga kalamidad at masasamang panahon. Kapuri-puri, minalas ni Tiberio ang sarili bilang karaniwang tao, tinanggihan ang maraming mararangal na titulo, at sa kabuuan ay iniuukol kay Augusto ang pagsamba sa emperador sa halip na sa kaniyang sarili. Hindi niya isinunod sa kaniyang pangalan ang isang buwan sa kalendaryo gaya ng ginawa nina Augusto at Julius Cesar, ni pinahintulutan ang sinuman na parangalan ang kaniyang sarili sa gayong paraan.
Gayunpaman, nahigitan ng mga masamang ugali ni Tiberio ang kaniyang mga kagalingan. Siya’y masyadong mapaghinala at mapagpaimbabaw sa kaniyang pakikitungo sa iba, at totoong marami ang ipinapatay noong panahon ng kaniyang paghahari—anupat marami sa kaniyang mga dating kaibigan ang napabilang sa mga biktima. Pinalawak niya ang batas ng lèse-majesté (krimen laban sa hari) upang saklawin, bilang karagdagan sa mapanghimagsik na gawa, kahit na ang mga salita lamang ng paninira sa kaniyang pagkatao. Marahil sa bisa ng batas na ito, napilit ng mga Judio si Gobernador Poncio Pilato na ipapatay si Jesus.—Juan 19:12-16.
Inilagay ni Tiberio ang Tanod ng Pretorio malapit sa Roma sa pamamagitan ng pagtatayo ng matitibay na kuwartel sa hilagang mga pader ng lunsod. Ang pagkanaroroon ng Tanod ay lumikha ng takot sa Senado ng Roma, na nagsilbing isang banta sa kaniyang kapangyarihan, at humadlang sa anumang katigasan ng ulo ng mga tao. Hinimok din ni Tiberio ang pag-eespiya, at nabahiran ng malaking takot ang huling bahagi ng kaniyang pamamahala.
Sa panahon ng kaniyang kamatayan, si Tiberio ay itinuring na isang malupit na pinuno. Nang siya’y mamatay, ang mga Romano ay nagalak at tumanggi ang Senado na siya’y gawing diyos. Batay rito at sa iba pang mga kadahilanan, ating nakita kay Tiberio ang isang katuparan ng hula na nagsasabing ang “isa na marapat hamakin” ay babangon bilang “ang hari ng hilaga.”—Daniel 11:15, 21.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Paano naging unang emperador ng Roma si Octavian?
• Ano ang masasabi hinggil sa mga naisakatuparan ng pamahalaan ni Augusto?
• Ano ang mga kagalingan at mga masamang ugali ni Tiberio?
• Paanong ang hula hinggil sa “isa na marapat hamakin” ay natupad kay Tiberio?
[Larawan]
Tiberio
[Kahon/Mga larawan sa pahina 252-255]
ZENOBIA—ANG MANDIRIGMANG REYNA NG PALMYRA
“SIYA’Y may maitim na kutis . . . Ang kaniyang mga ngipin ay parang perlas sa kaputian, at ang kaniyang malalaki at maiitim na mata ay may kinang na pambihira ang kaningningan, na pinalambot ng lubhang kaakit-akit na kabaitan. Ang kaniyang tinig ay malakas at magandang pakinggan. Ang kaniyang tulad-lalaking kaunawaan ay pinatibay at pinalamutian ng kaniyang pag-aaral. Marunong siya ng wikang Latin, at mahusay rin sa mga wikang Griego, Syriac, at Ehipsiyo.” Ganito ang mga papuring ibinigay ng istoryador na si Edward Gibbon kay Zenobia—ang mandirigmang reyna ng Siryanong lunsod ng Palmyra.
Ang asawa ni Zenobia ay ang maharlikang taga-Palmyra na si Odaenathus, na pinagkalooban ng ranggong konsul ng Roma noong 258 C.E. sapagkat siya’y nagtagumpay sa kampanya laban sa Persia sa kapakanan ng Imperyo ng Roma. Pagkalipas ng dalawang taon, si Odaenathus ay tumanggap mula kay Emperador Gallienus ng Roma ng titulong corrector totius Orientis (gobernador ng buong Silangan). Ito’y bilang pagkilala sa kaniyang tagumpay laban kay Haring Shāpūr I ng Persia. Nang dakong huli ay binigyan ni Odaenathus ang kaniyang sarili ng titulong “hari ng mga hari.” Ang mga tagumpay na ito ni Odaenathus sa kalakhang bahagi ay dahilan sa kagitingan at mabuting pagpapasiya ni Zenobia.
PINANGARAP NI ZENOBIA NA MAKALIKHA NG ISANG IMPERYO
Noong 267 C.E., sa tugatog ng kaniyang karera, si Odaenathus at ang kaniyang tagapagmana ay pataksil na pinatay. Kinuha ni Zenobia ang puwesto ng kaniyang asawa, yamang masyadong bata pa ang kaniyang anak na lalaki upang gampanan ito. Palibhasa’y maganda, ambisyosa, may kakayahan bilang isang administradora, sanáy na sa pangangampanya kasama ng kaniyang asawa, at matatas sa maraming wika, nakuha niya ang paggalang at suporta ng kaniyang mga nasasakupan. Gustung-gusto ni Zenobia na matuto pa kung kaya pinalibutan niya ang sarili ng mga taong marurunong. Ang isa sa kaniyang tagapayo ay ang pilosopo at retorikong si Cassius Longinus—na sinasabing naging “isang buháy na aklatan at naglalakad na museo.” Sa aklat na Palmyra and Its Empire—Zenobia’s Revolt Against Rome, ang awtor na si Richard Stoneman ay nagsabi: “Sa loob ng limang taon pagkamatay ni Odenathus . . . , naikintal na ni Zenobia sa isipan ng kaniyang bayan ang kaniyang sarili bilang ang senyora ng Silangan.”
Sa isang panig ng nasasakupan ni Zenobia ay ang Persia, na nilumpo nilang mag-asawa, at sa kabilang panig naman ay ang pabagsak nang Roma. Hinggil sa mga kalagayan ng Imperyong Romano noon, ang istoryador na si J. M. Roberts ay nagsabi: “Ang ikatlong siglo ay . . . isang magulong panahon para sa Roma sa mga hangganan ng silangan at gayundin ng kanluran, samantalang sa sariling bansa ay nagsimula naman ang isang panibagong panahon ng digmaang sibil at pagtutol sa mga humalili sa kapangyarihan. Dalawampu’t dalawang emperador (hindi pa kasali ang mga impostor) ang sunud-sunod na namahala.” Ang senyora ng Sirya, sa kabilang panig, ay naging isang matatag at di-mapasusubaliang monarka sa kaniyang kaharian. “Yamang kaya niyang panimbangan ang dalawang imperyo [Persiano at Romano],” sabi ni Stoneman, “maaari siyang mangarap na makalikha ng ikatlo na mangingibabaw sa dalawang ito.”
Ang pagkakataon ni Zenobia na mapalawak ang kaniyang maharlikang kapangyarihan ay dumating noong 269 C.E. nang lumitaw sa Ehipto ang isang impostor na tumututol sa pamamahala ng Roma. Agad na nagmartsa ang hukbo ni Zenobia patungong Ehipto, nilupig ang rebelde, at inangkin ang bansa. Sa pagpoproklama sa kaniyang sarili bilang reyna ng Ehipto, nagpagawa siya ng salaping metal sa kaniyang sariling pangalan. Umabot na ngayon ang kaniyang kaharian mula sa ilog Nilo hanggang sa ilog Eufrates. Sa yugtong ito ng kaniyang buhay, nakuha niya ang puwesto ng “hari ng timog.”—Daniel 11:25, 26.
ANG KABISERANG LUNSOD NI ZENOBIA
Pinalakas at pinaganda ni Zenobia ang kaniyang kabisera, ang Palmyra, hanggang sa punto na ito’y napahanay sa mas malalaking lunsod sa daigdig ng Roma. Ang tinatayang populasyon nito ay umabot nang mahigit sa 150,000. Napunô ng kahanga-hangang mga gusaling pampubliko, mga templo, mga halamanan, mga haligi, at mga monumento ang Palmyra, isang lunsod na napaliligiran ng mga pader na sinasabing 21 kilometro ang distansiya sa palibot nito. Ang mga kolumna ng sunud-sunod na haliging gawa sa arkitektura ng mga taga-Corinto na mahigit na 15 metro ang taas—mga 1,500 ng mga ito—ang nakahanay sa pangunahing lansangan. Totoong marami ang mga istatuwa at mga busto ng mga bayani at mayayamang tagapagtaguyod sa lunsod. Noong 271 C.E., nagpatayo si Zenobia ng istatuwa niya at ng kaniyang yumaong asawa.
Ang Templo ng Araw ang isa sa pinakamaganda sa mga gusali sa Palmyra at walang-alinlangang nangibabaw ito sa relihiyosong tanawin sa lunsod. Malamang na sumamba rin si Zenobia sa isang diyos na kaugnay sa diyos na araw. Gayunman, ang Sirya noong ikatlong siglo ay isang lupain na marami ang relihiyon. Sa nasasakupan ni Zenobia, marami ang nag-aangking mga Kristiyano, mga Judio, at mga mananamba sa araw at buwan. Ano kaya ang naging saloobin niya sa iba’t ibang anyo ng pagsambang ito? Sinabi ng awtor na si Stoneman: “Hindi ipagwawalang-bahala ng isang matalinong tagapamahala ang anumang kaugalian na sa wari’y angkop naman sa kaniyang bayan. . . . Ang mga diyos, gaya ng . . . inasahan, ay inorganisa sa panig ng Palmyra.” Maliwanag, si Zenobia ay mapagparaya kung tungkol sa relihiyon.
Dahil sa kaniyang kaakit-akit na personalidad, nakuha ni Zenobia ang paghanga ng marami. Ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kaniyang papel na kumakatawan sa isang pulitikal na katauhan na sinabi sa hula ni Daniel. Gayunpaman, ang kaniyang pamamahala ay hindi lumampas sa limang taon. Tinalo si Zenobia ni Emperador Aurelian ng Roma noong 272 C.E. at kasunod nito’y lubusang winasak ang Palmyra. Si Zenobia ay pinagpakitaan ng awa. Sinasabing naging asawa niya ang isang Romanong senador at kaypala’y ginugol ang natitira niyang buhay sa pagreretiro.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Paano inilarawan ang personalidad ni Zenobia?
• Ano ang ilan sa mga pananakop ni Zenobia?
• Ano ang saloobin ni Zenobia hinggil sa relihiyon?
[Larawan]
Kinakausap ni Reyna Zenobia ang kaniyang mga sundalo
[Chart/Mga larawan sa pahina 246]
MGA HARI SA DANIEL 11:20-26
Ang Hari Ang Hari
ng Hilaga ng Timog
Daniel 11:20 Augusto
Daniel 11:21-24 Tiberio
Daniel 11:25, 26 Aurelian Reyna Zenobia
Ang inihulang Imperyong Aleman Britanya,
pagkagiba ng na sinundan ng
imperyong Kapangyarihang
Romano ay Pandaigdig ng
umaakay sa Anglo-Amerikano
pagkabuo ng
[Larawan]
Tiberio
[Larawan]
Aurelian
[Larawan]
Maliit na istatuwa ni Carlomagno
[Larawan]
Augusto
[Larawan]
Ika-17 siglong bapor-de-gera ng Britanya
[Buong-pahinang larawan sa pahina 230]
[Larawan sa pahina 233]
Augusto
[Larawan sa pahina 234]
Tiberio
[Larawan sa pahina 235]
Dahilan sa utos ni Augusto, sina Jose at Maria ay naglakbay patungo sa Betlehem
[Larawan sa pahina 237]
Gaya ng inihula, si Jesus ay ‘nabali’ sa kamatayan
[Mga larawan sa pahina 245]
1. Carlomagno 2. Napoléon I 3. Wilhelm I 4. Mga sundalong Aleman, Digmaang Pandaigdig I