IMAHEN
Isang estatuwa o rebulto ng isang persona o bagay na kalimitan ay nauugnay sa idolatriya.
Ang pagpapakundangan sa mga imahen bilang pagsamba ay hinahatulan sa buong Kasulatan. Malinaw na ipinahayag sa Kautusang ibinigay sa Israel ang pagkarimarim ng Diyos sa gayong gawain. Hindi lamang mga inukit na imahen ang ipinagbawal kundi pati ang paggawa ng “anyo” ng anumang nasa langit, nasa lupa, o nasa dagat bilang isang bagay na sasambahin. (Exo 20:4, 5; Lev 26:1; Isa 42:8) Ang gayong mga bagay ay maaaring gawa sa anumang materyales, sa anumang anyo—kahoy, metal, bato; inukit, hinulma, pinukpok, tinabas; ayon sa pigura ng mga tao, mga hayop, mga ibon, mga bagay na walang buhay, o basta makasagisag na mga anyo—ngunit ang alinman sa mga ito ay hindi sinang-ayunan ng Diyos para sa pagsamba. Ang paggawa ng mga ito ay ‘paggawi nang kapaha-pahamak,’ paggawa ng masama sa paningin ni Jehova, isang karima-rimarim at nakagagalit na bagay na nagdadala ng kaniyang sumpa sa mga nagsasagawa niyaon. (Deu 4:16-19, 23-25; 27:15; Bil 33:52; Isa 40:19, 20; 44:12, 13; Eze 7:20) Gayakan man ng ginto at pilak ang mga ito, kasuklam-suklam pa rin ang mga ito sa paningin ng Diyos at durungisan at itatapon pa rin ang mga ito bilang “dumi lamang!”—Deu 7:5, 25; Isa 30:22.
Ipinakikitang ang gayong paggamit ng mga imahen, o mga larawan, ay hindi katanggap-tanggap sa Diyos, yamang salungat ito sa matinong pangangatuwiran at nagsisiwalat ito ng mangmang na pangangatuwiran at ng pagtangging kumilala sa maliwanag na mga katotohanan. (Isa 44:14-20; Jer 10:14; Ro 1:20-23) Ang mga imahen ay hindi mapakikinabangan; hindi makapagbibigay ng kaalaman, patnubay, o proteksiyon; di-makapagsalita, walang kalaban-laban, at walang buhay, anupat magiging dahilan ng pagkapahiya. (Isa 44:9-11; 45:20; 46:5-7; Hab 2:18-20) Dahil sa makahulang mga kapahayagan ni Jehova, na may-katumpakang nagsabi ng mga pangyayari sa hinaharap, nabigo ang anumang pagsisikap ng di-tapat na mga Israelita na iukol ang kapurihan sa kanilang idolatrosong mga imahen bilang responsable sa kaganapan ng gayong mga pangyayari.—Isa 48:3-7.
Sa kabila ng malilinaw na kapahayagan ng Diyos, may-kamangmangang sinikap ng mga Israelita at ng iba pa na ilakip sa pagsamba sa tunay na Diyos na si Jehova ang paggamit ng relihiyosong mga imahen. (Exo 32:1-8; 1Ha 12:26-28; 2Ha 17:41; 21:7) Noong panahon ng mga Hukom, isang babae ang nagpabanal pa nga ng mga pirasong pilak para kay Jehova at pagkatapos ay ginamit niya ang mga iyon sa paggawa ng isang relihiyosong imahen. (Huk 17:3, 4; 18:14-20, 30, 31) Bago wasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem, may naipasok na karima-rimarim na mga relihiyosong imahen sa lugar ng templo, at ang isa sa mga iyon ay inilalarawan bilang isang “sagisag ng paninibugho,” maliwanag na tumutukoy sa pagpukaw sa paninibugho ng Diyos dahil sa pagbibigay sa isang imahen ng papuring nauukol sa kaniya.—Eze 8:3-12; Exo 20:5.
Gayunman, may ilang imahen na inanyuan ayon sa wangis ng mga hayop at maging ng mga kerubin na ginawa ayon sa utos ni Jehova at samakatuwid ay maituturing na wasto. Bagaman nagsilbing makasagisag na mga paglalarawan may kaugnayan sa pagsamba sa Diyos, ang mga ito ay hindi pinag-ukulan ng pagpapakundangan, o pagsamba, gaya halimbawa sa pananalangin o paghahain.—Tingnan ang IDOLO, IDOLATRIYA.
Mga Imahen sa Aklat ng Daniel. Noong ikalawang taon ng paghahari ni Nabucodonosor (maliwanag na binilang mula sa panahon ng paglupig niya sa Jerusalem noong 607 B.C.E.), ang Babilonyong haring iyon ay nagkaroon ng isang panaginip na lubhang nakaligalig sa kaniya at naging dahilan upang hindi siya mapagkatulog. Lumilitaw na hindi niya maalaala ang kabuuan ng panaginip, sapagkat iniutos niya sa kaniyang marurunong na tao at mga saserdote na isiwalat kapuwa ang panaginip at ang pakahulugan nito. Sa kabila ng ipinaghahambog nilang kakayahan bilang mga tagapagsiwalat ng lihim na mga bagay, hindi nagawa ng marurunong na tao ng Babilonya ang kahilingan ng hari. Dahil dito, pinatawan sila ng hatol na kamatayan, anupat nalagay rin sa panganib ang buhay ni Daniel at ng kaniyang mga kasamahan. Sa tulong ng Diyos, hindi lamang ang panaginip ang naisiwalat ni Daniel kundi pati ang kahulugan nito. Pagkatanggap ni Daniel ng pagsisiwalat na iyon, itinawag-pansin ng kaniyang kapahayagan ng papuri at pasasalamat na ang Diyos na Jehova ang siyang Bukal ng karunungan at lakas at ang isa na ‘bumabago ng mga panahon at mga kapanahunan, nag-aalis ng mga hari at naglalagay ng mga hari.’ (Dan 2:1-23) Maliwanag na ang panaginip ay nagmula sa Diyos anupat inilarawan nito sa isang makahulang paraan na hindi mahahadlangan ang pangangasiwa ng Diyos sa mga pangyayari sa lupa.
Ang panaginip ni Nabucodonosor ay hinggil sa isang pagkalaki-laking imahen na anyong tao. Ang mga bahagi ng katawan nito, mula sa itaas pababa, ay binubuo ng mga metal na ang kaurian ay papababa ngunit ang kalidad naman ay papatigas, anupat nagsimula sa ginto at nagtapos sa bakal; gayunman, ang mga paa at mga daliri ay bakal na hinaluan ng luwad. Ang buong imahen ay dinurog hanggang sa mapulbos sa pamamagitan ng isang bato na natibag mula sa isang bundok, anupat pagkatapos nito ay pinunô ng bato ang buong lupa.—Dan 2:31-35.
Ano ang kahulugan ng mga bahagi ng imaheng napanaginipan ni Nabucodonosor?
Maliwanag na ang imahen ay may kaugnayan sa pamumuno sa lupa at sa layunin ng Diyos na Jehova may kinalaman sa gayong pamumuno. Nililinaw ito sa kinasihang pakahulugan na ibinigay ni Daniel. Ang ginintuang ulo ay kumakatawan kay Nabucodonosor, ang isa na pinahintulutan ng Diyos na magtamo ng kapangyarihan bilang ang nangingibabaw na pandaigdig na tagapamahala at, higit na mahalaga, ang isa na nagpabagsak sa makalarawang kaharian ng Juda. Gayunman, sa pagsasabing, “Ikaw mismo ang ulong ginto,” waring hindi naman nililimitahan ni Daniel ang kahulugan ng ulo bilang tumutukoy lamang kay Nabucodonosor. Yamang ang iba pang mga bahagi ng katawan ay kumakatawan sa mga kaharian, maliwanag na ang ulo ay kumakatawan sa dinastiya ng mga haring Babilonyo mula kay Nabucodonosor hanggang sa bumagsak ang Babilonya noong panahon ni Haring Nabonido at ng kaniyang anak na si Belsasar.—Dan 2:37, 38.
Alinsunod dito, ang kahariang kinakatawanan ng pilak na dibdib at mga bisig ay ang kapangyarihang Medo-Persiano, na nagpabagsak sa Babilonya noong 539 B.C.E. Ito ay “nakabababa” sa dinastiyang Babilonyo ngunit hindi sa diwa na mas maliit ang lupaing pinamunuan nito o na mas mahina ito sa militar o sa ekonomiya. Samakatuwid, maaaring ang kahigitan ng Babilonya ay nauugnay sa naging papel niyaon bilang tagapagbagsak ng makalarawang kaharian ng Diyos sa Jerusalem, isang pantanging karangalan na hindi tinaglay ng Medo-Persia. Ang Medo-Persianong dinastiya ng mga pandaigdig na tagapamahala ay nagwakas kay Dario III (Codommanus), na ang mga hukbo ay lubusang tinalo ni Alejandro ng Macedonia noong 331 B.C.E. Kaya naman ang Gresya ang kapangyarihang inilalarawan ng tansong tiyan at mga hita ng imahen.—Dan 2:39.
Ang pamumunong Griego, o Heleniko, ay nanatili, bagaman hati-hati na, hanggang noong sakupin ito ng bumabangong kapangyarihan ng Roma. Sa gayon ay lumitaw sa imahen ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Roma na isinagisag ng metal na mas mababang uri ngunit mas matigas, ang bakal, na bumubuo sa mga binti ng malaking imahen. Ang lakas ng Roma sa pagbasag at pagdurog sa sumasalansang na mga kaharian, na binabanggit sa hula, ay bantog sa kasaysayan. (Dan 2:40) Gayunman, hindi lamang Roma ang saklaw ng kinakatawanan ng mga binti at mga paa ng imahen, sapagkat hindi ang pamamahala ng Imperyo ng Roma ang nakasaksi sa pagtatapos ng makahulang panaginip, samakatuwid nga, ang pagdating ng makasagisag na bato na natibag mula sa bundok, ang pagdurog nito sa buong imahen at, pagkatapos, ang pagpunô nito sa buong lupa.
Dahil dito, ang mga pananalita ng ilang komentarista sa Bibliya ay kahawig na kahawig niyaong kay M. F. Unger, na nagsabi: “Ang panaginip ni Nabucodonosor, ayon sa ipinaliwanag ni Daniel, ay naglalarawan sa takbo at wakas ng ‘mga panahon ng mga Gentil’ (Lucas 21:24; Apo. 16:19); samakatuwid nga, ng Gentil na kapangyarihang pandaigdig na wawasakin sa Ikalawang Pagdating ni Kristo.” (Unger’s Bible Dictionary, 1965, p. 516) Si Daniel mismo ang nagsabi kay Nabucodonosor na ang panaginip ay hinggil sa “kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw” (Dan 2:28), at yamang ang makasagisag na bato ay ipinakikitang kumakatawan sa Kaharian ng Diyos, maaasahan na ang pamumunong inilalarawan ng bakal na mga binti at mga paa ng imahen ay aabot hanggang sa panahon ng pagtatatag ng Kahariang iyon at hanggang sa panahon ng pagkilos niyaon upang ‘durugin at wakasan ang lahat ng mga kahariang ito.’—Dan 2:44.
Ipinakikita ng kasaysayan na, bagaman lumawig pa ang buhay ng Imperyo ng Roma sa anyo ng Banal na Imperyong Romano ng bansang Aleman, nang maglaon ay nagbigay-daan ito sa bumabangong kapangyarihan ng isang dating sakop ng imperyo, ang Britanya. Dahil naman sa kanilang malapit na kaugnayan at malimit na pagkakaisa sa pagkilos, ang Britanya at Estados Unidos sa ngayon ay madalas tukuyin bilang ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, ang kasalukuyang nangingibabaw na kapangyarihan sa kasaysayan ng daigdig.
Malinaw na inilalarawan ng magkahalong bakal at luwad sa mga paa ng malaking imahen ang kalagayang makikita sa huling kapahayagan ng pulitikal na pandaigdig na pamumuno. Sa ibang bahagi ng Kasulatan, ang luwad ay ginagamit bilang metapora upang kumatawan sa mga taong laman, na gawa sa alabok ng lupa. (Job 10:9; Isa 29:16; Ro 9:20, 21) Kaya naman sa pakahulugan ni Daniel ay waring iniuugnay sa “supling ng sangkatauhan” ang luwad, na kapag inihalo ay magiging dahilan upang maging marupok yaong isinasagisag ng mga paa at mga daliri ng imahen. Tumutukoy ito sa paghina at kawalan ng pagkakaisa sa tulad-bakal na lakas ng huling anyo ng pandaigdig na pamumuno ng makalupang mga kaharian. (Dan 2:41-43) Ang karaniwang tao ay magkakaroon ng mas malaking impluwensiya sa mga gawain ng pamahalaan.
Ang ginintuang imahen na itinayo ni Nabucodonosor nang dakong huli sa Kapatagan ng Dura ay hindi tuwirang nauugnay sa pagkalaki-laking imahen sa panaginip. Kung isasaalang-alang ang mga dimensiyon nito—60 siko (27 m; 88 piye) ang taas at 6 na siko lamang (2.7 m; 8.8 piye) ang lapad (o may ratio na sampu sa isa)—waring malayong mangyari na isa itong estatuwa na anyong tao, malibang napakataas ng pedestal nito anupat mas mataas pa kaysa sa mismong estatuwa na hugis-tao. Ang taas ng katawan ng tao at ang lapad nito ay mayroon lamang proporsiyon na apat sa isa. Kaya maaaring isang sagisag lamang ang imahen, marahil ay tulad ng mga obelisko sa sinaunang Ehipto.—Dan 3:1.