Ang Pangwakas na Tagumpay ni Miguel, ang Dakilang Prinsipe
“Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo.”—DANIEL 12:1.
1. Anong saloobin tungkol sa pagkasoberano ni Jehova ang ipinakita ng maraming pinunò ng daigdig, at papaano hindi naiiba ang hari ng hilaga?
“SINO ba si Jehova, na susundin ko ang kaniyang tinig upang payagan kong yumaon ang Israel?” (Exodo 5:2) Ito ang may pagkutyang hamon ni Paraon kay Moises. Sa pagtangging kilalanin ang kataas-taasang pagka-Diyos ni Jehova, desidido si Paraon na pamalagiing nasa pagkaalipin ang Israel. Ang ibang mga pinunò ay nagpakita ng ganoon ding paghamak kay Jehova, at ang mga hari sa hula ni Daniel ay kabilang dito. (Isaias 36:13-20) Oo, higit pa ang gagawin ng hari ng hilaga. Sinasabi ng anghel: “Kaniyang dadakilain ang kaniyang sarili at magpapakataas nang higit kaysa bawat diyos; at laban sa Diyos ng mga diyos ay magsasalita ng kagila-gilalas na mga bagay. . . . At ang Diyos ng kaniyang mga magulang ay hindi niya pakukundanganan; at ang nasa man ng mga babae at sinumang ibang diyos ay hindi niya pakukundanganan, kundi dadakilain niya ang kaniyang sarili sa ibabaw ng lahat.”—Daniel 11:36, 37.
2, 3. Papaano tinanggihan ng hari ng hilaga “ang Diyos ng kaniyang mga magulang” kapalit ang pagsamba sa ibang “diyos”?
2 Sa pagtupad ng hulang ito, tinanggihan ng hari ng hilaga “ang Diyos ng kaniyang mga magulang” (o, “mga diyos ng kaniyang ninuno,” The New English Bible), maging iyon man ay mga diyos na pagano ng Roma o ang Trinitaryong pagka-diyos ng Sangkakristiyanuhan. Ginamit ni Hitler ang Sangkakristiyanuhan ukol sa kaniyang sariling layunin ngunit maliwanag na isinaplano niya na halinhan ito ng isang bagong relihiyong Aleman. Ang kahalili niya ay nagtaguyod ng tuwirang ateyismo. Gayon ginawa ng hari ng hilaga ang kaniyang sarili na isang diyos, na ‘nagpapakataas sa ibabaw ng lahat.’
3 Ang hula ay nagpapatuloy: “Sa diyos ng mga kuta, siya’y magbibigay-kaluwalhatian sa kaniyang katayuan; at ang isang diyos na hindi nakilala ng kaniyang mga magulang ay pararangalan niya ng ginto at ng pilak at ng mahalagang bato at ng kanais-nais na mga bagay.” (Daniel 11:38) Sa katunayan, inilagak ng hari ng hilaga ang kaniyang tiwala sa modernong siyentipikong militarismo, “ang diyos ng mga kuta.” Sa buong panahon ng kawakasan, siya’y humanap ng kaligtasan sa pamamagitan ng “diyos” na ito, anupat naghain ng katakut-takot na kayamanan sa dambana nito.
4. Anong tagumpay ang natamo ng hari ng hilaga?
4 “Siya’y magbabagsak ng pinakamatitibay na kuta, sa tulong ng naiibang diyos. Sinumang kumilala sa kaniya ay kaniyang pasasaganain sa kaluwalhatian, at sila’y aktuwal na pagpupunuin niya sa marami; at kaniyang babahagihin ang lupa sa halaga.” (Daniel 11:39) Sa pagtitiwala sa kaniyang panghukbong “naiibang diyos,” ang hari ng hilaga ay ‘nakapagbagsak’ ng marami, anupat napatunayang isang mahirap taluning lakas militar sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1) Yaong mga sumuporta sa kaniyang ideolohiya ay ginantimpalaan ng pulitikal, pinansiyal, at kung minsan pangmilitar na pagsuporta.
“Sa Panahon ng Kawakasan”
5, 6. Papaano ‘nagtulak’ ang hari ng timog, at papaano gumanti ang hari ng hilaga?
5 Sa Daniel 11:40a ay mababasa: “Sa panahon ng kawakasan ang hari ng timog ay makikipagtulakan sa kaniya.” Ito at ang sumusunod na mga talata ay kinilala na matutupad sa ating hinaharap. Subalit, kung ang “panahon ng kawakasan” dito ay nangangahulugan ng gaya ng kahulugan nito sa Daniel 12:4, 9, ang katuparan ng mga salitang ito ay dapat nating hanapin sa buong mga huling araw. ‘Itinulak’ ba ng hari ng timog ang hari ng hilaga sa panahong ito? Oo, gayon nga. Pagkatapos ng unang digmaang pandaigdig, ang pamparusang kasunduan sa kapayapaan ay tiyak na isang ‘pagtutulakan,’ na pumupukaw ng pagganti. Pagkatapos ng kaniyang tagumpay sa ikalawang digmaang pandaigdig, ang kakila-kilabot na mga armas nuklear ay itinudla ng hari ng timog sa kaniyang karibal at nag-organisa laban sa kaniya ng isang malakas na alyansang militar, ang NATO. Sa paglakad ng mga taon, sa kaniyang ‘pakikipagtulakan’ ay kasali ang high-tech na pag-eespiya at gayundin ang mga opensibang diplomatiko at militar.
6 Papaano gumanti ang hari ng hilaga? “Ang hari ng hilaga ay paroroon laban sa kaniya na gaya ng isang ipuipo na may mga karo at may mga mangangabayo at may maraming barko; at kaniyang papasukin ang mga lupain at dadagsa at lalagpas.” (Daniel 11:40b) Sa kasaysayan ng mga huling araw ay kasali ang pagpapalawak ng hari ng hilaga. Noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig, ang ‘haring’ Nazi ay dumagsa sa kaniyang mga hangganan hanggang sa nakapalibot na mga lupain. Sa katapusan ng digmaang iyan, ang humaliling “hari” ay nagtayo ng isang makapangyarihang imperyo hanggang sa labas ng kaniyang sariling mga hangganan. Sa panahon ng Malamig na Digmaan, ang hari ng hilaga ay lumaban sa kaniyang karibal sa mga digmaang ginanap sa pagitan ng ibang mga bansa, ngunit suportado ng mga hari ng hilaga at ng timog at sa mga pag-aalsa sa Aprika, Asia, at Latin Amerika. Kaniyang pinag-usig ang tunay na mga Kristiyano, anupat nabawasan (ngunit hindi napahinto) ang kanilang gawain. At ang kaniyang mga opensibang militar at pulitikal ay nakapaglagay ng maraming lupain sa ilalim ng kaniyang kapangyarihan. Ito mismo ang inihula ng anghel: “Siya’y aktuwal ding papasok sa lupain ng Kagandahan [ang espirituwal na kalagayan ng bayan ng Diyos], at maraming lupain ang pababagsakin.”—Daniel 11:41a.
7. Ano ang mga hangganan ng pagpapalawak ng hari ng hilaga?
7 Gayunpaman, kahit na—buhat sa punto de vista ng kaniyang karibal—ang hari ng hilaga ay isang malaking panganib, ang buong daigdig ay hindi niya nasakop. “Ang mga ito ay maliligtas sa kaniyang kamay, ang Edom at Moab at ang pangunahing bahagi ng mga anak ni Ammon.” (Daniel 11:41b) Noong sinaunang panahon, ang Edom, Moab, at Ammon ay naroon humigit-kumulang sa pagitan ng Ehipto at Syria. Maaaring sabihin natin na sila’y kumakatawan sa mga bansa at mga organisasyon sa ngayon na naging tudlaan ng hari ng hilaga ngunit hindi sumailalim ng kaniyang impluwensiya.
‘Ang Ehipto ay Hindi Makatatakas’
8, 9. Papaano nadama ang impluwensiya ng hari ng hilaga, maging ng kaniyang pangunahing karibal?
8 Patuloy na nagsabi ang anghel: “Patuloy niyang iuunat ang kaniyang kamay laban sa mga lupain; at ang lupain ng Ehipto, siya ay hindi makatatakas. At siya’y magtataglay ng kapangyarihan sa natatagong kayamanang ginto at pilak at sa lahat ng kanais-nais na mga bagay ng Ehipto. At ang mga taga-Libya at ang mga taga-Etiopia ay susunod sa kaniyang mga hakbang.” (Daniel 11:42, 43) Maging ang hari ng timog, ang “Ehipto,” ay hindi nakaligtas sa mga epekto ng mga patakaran sa pananakop ng hari ng hilaga. Siya (ang hari ng timog) ay dumanas, halimbawa, ng isang napabantog na pagkatalo sa Vietnam. At kumusta naman ang “mga taga-Libya at mga taga-Etiopia”? Ang mga kalapit-bansang ito ng sinaunang Ehipto ay maaaring lumarawan sa mga bansa, na kung heograpya ang pag-uusapan, kalapit ng modernong “Ehipto” at may mga panahon na naging mga tagasunod, ‘sumusunod,’ sa hari ng hilaga.
9 Nagtaglay ba ng kapangyarihan ang hari ng hilaga sa ‘natatagong kayamanan ng Ehipto’? Buweno, tiyak na hindi naman niya nasupil ang hari ng timog, at magpahanggang 1993 batay sa kalagayan ng daigdig ay waring hindi niya magagawa iyan. Subalit siya’y nagkaroon ng malakas na impluwensiya sa paraan ng paggamit ng hari ng timog ng kaniyang pananalapi. Dahilan sa takot sa kaniyang karibal, ang hari ng timog ay nag-uukol ng malalaking halaga bawat taon upang mapanatili ang isang malakas na hukbo, hukbong-dagat, at hukbong panghimpapawid. Sa ganitong paraan masasabing ang hari ng hilaga ay ‘may kapangyarihan,’ kontrolado niya ang paggasta sa kayamanan ng hari ng timog.
Pangwakas na Kampanya ng Hari ng Hilaga
10. Papaano inilalarawan ng anghel ang wakas ng labanan ng dalawang magkaribal na hari?
10 Ang labanán ba ng dalawang magkaribal na hari ay magpapatuloy nang walang-hanggan? Hindi. Sinabihan ng anghel si Daniel: “May mga balitang makababalisa sa kaniya [tinutukoy ang hari ng hilaga], manggagaling sa sikatan ng araw at buhat sa hilaga, at siya’y hahayo na may malaking kapusukan upang pumuksa at lumipol ng marami. At kaniyang itatayo ang mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng dakilang karagatan at ng banal na bundok ng Kagandahan; at sa kahabaan ng kaniyang lakbayin siya ay darating din sa kaniyang wakas, at walang tutulong sa kaniya.”—Daniel 11:44, 45.
11, 12. Anong kamakailang pulitikal na mga pangyayari ang may kinalaman sa labanán sa pagitan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog, at ano pa ang kailangang malaman natin?
11 Ang mga pangyayaring ito ay sa hinaharap pa, kaya hindi natin masasabi nang detalyado kung papaano matutupad ang hula. Kamakailan, ang pulitikal na kalagayan tungkol sa dalawang hari ay nagbago. Ang mahigpit na labanán sa pagitan ng Estados Unidos at ng mga bansa ng Silangang Europa ay nanlamig. Isa pa, ang Unyong Sobyet ay nagkawatak-watak noong 1991 at hindi na umiiral.—Tingnan ang Marso 1, 1992, labas ng Ang Bantayan, pahina 4, 5.
12 Kaya sino ang hari ng hilaga ngayon? Siya ba’y makikilala na isa sa mga bansang naging bahagi ng dating Unyong Sobyet? O siya ba’y lubusang magbabago ng pagkakakilanlan, gaya ng kung ilang beses na nangyari na? Hindi natin masabi. Sino ang hari ng hilaga pagsapit ng katuparan ng Daniel 11:44, 45? Ang pagiging magkaribal ba ng dalawang hari ay muling sisiklab? At ano ang masasabi tungkol sa umiiral pang reserba ng mga armas nuklear sa maraming bansa? Ang panahon lamang ang makasasagot sa mga tanong na ito.
13, 14. Ano ba ang nalalaman natin tungkol sa hinaharap ng dalawang hari?
13 Isang bagay ang alam natin. Hindi na magtatagal, ang hari ng hilaga ay magsasagawa ng isang kampanya ng pananalakay na ang sanhi ay “mga balitang makababalisa sa kaniya, buhat sa sikatan ng araw at buhat sa hilaga.” Ang kampanyang ito ang dagling mauuna sa kaniyang “wakas.” Higit pa ang ating malalaman tungkol sa “mga balitang” ito kung ating isasaalang-alang ang iba pang mga hula sa Bibliya.
14 Una, pansinin na ang mga pagkilos na ito ng hari ng hilaga ay hindi sinasabing laban sa hari ng timog. Siya’y hindi dumarating sa kaniyang wakas sa kamay ng kaniyang mahigpit na karibal. Gayundin, ang hari ng timog ay hindi pinupuksa ng hari ng hilaga. Ang hari ng timog (inilalarawan sa ibang mga hula bilang ang katapusang sungay na lilitaw sa isang mabangis na hayop) ay pinupuksa “hindi ng kamay [ng tao]” kundi ng Kaharian ng Diyos. (Daniel 7:26; 8:25) Sa katunayan, lahat ng makalupang mga hari ay sa wakas pinupuksa ng Kaharian ng Diyos sa digmaan ng Armagedon, at ito ang maliwanag na mangyayari sa hari ng hilaga. (Daniel 2:44; 12:1; Apocalipsis 16:14, 16) Sa Daniel 11:44, 45 ay inilalarawan ang mga pangyayaring hahantong sa pangkatapusang labanang iyan. Hindi kataka-taka na “walang tutulong” pagka sumapit na ang hari ng hilaga sa kaniyang wakas!
15. Anong mahalagang mga tanong ang hindi pa natatalakay?
15 Kung gayon, ano ba ang ilan sa mga hula na nagbibigay-liwanag tungkol sa mga “balitang” nagpapakilos sa hari ng hilaga na “lumipol ng marami”? At sino ang “marami” na ibig niyang lipulin?
Ang Balita Buhat sa Sikatan ng Araw
16. (a) Anong mahalagang pangyayari ang magaganap bago dumating ang Armagedon? (b) Sino “ang mga hari buhat sa sikatan ng araw”?
16 Bago sumapit ang katapusang labanán, ang Armagedon, kailangang puksain ang isang mahigpit na kaaway ng tunay na pagsamba—ang tulad-patutot na Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apocalipsis 18:3-8) Ang kaniyang pagkapuksa ay inilarawan ng pagbubuhos ng ikaanim na mangkok ng galit ng Diyos sa simbolikong ilog Eufrates. Ang ilog ay matutuyo “upang maihanda ang daan para sa mga hari na buhat sa sikatan ng araw.” (Apocalipsis 16:12) Sino ba ang mga haring ito? Walang iba kundi ang Diyos na Jehova at si Jesu-Kristo!a
17. (a) Ano ba ang sinasabi sa atin ng Bibliya tungkol sa pagkapuksa ng Babilonyang Dakila? (b) Maaaring ano ang balitang “manggagaling sa sikatan ng araw”?
17 Ang pagpuksa sa Babilonyang Dakila ay buong linaw na inilalarawan sa aklat ng Apocalipsis: “Ang sampung sungay na iyong nakita [ang ‘mga hari’ na nagpupunò sa panahon ng kawakasan], at ang mabangis na hayop [ang matingkad-pulang mabangis na hayop, na kumakatawan sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa], ang mga ito ay mapopoot sa patutot at siya’y pagluluray-lurayin at huhubaran, at kakanin nila ang kaniyang laman at siya’y lubusang susunugin sa apoy.” (Apocalipsis 17:16) Tunay, ‘pinupuksa [ng mga bansa] ang maraming laman’! (Daniel 7:5) Subalit bakit pupuksain ng mga pinunò, pati ng hari ng hilaga, ang Babilonyang Dakila? Sapagkat ‘inilalagay ng Diyos sa kanilang mga puso na isagawa ang kaniyang kaisipan.’ (Apocalipsis 17:17) Ang balita “buhat sa sikatan ng araw” ay maaaring tumukoy sa gawang ito ni Jehova, pagka, sa paraang ibig niya, kaniyang inilagay na sa puso ng mga taong namiminuno na lipulin ang dakilang relihiyosong patutot.—Daniel 11:44.
Isang Balita Buhat sa Hilaga
18. Ano pa ang ibang pagbubuhusan ng poot ng hari ng hilaga, at saan siya ipinakikita nito na naroroon, pagsapit niya sa kaniyang wakas?
18 Subalit may isa pang pagbubuhusan ng poot ang hari ng hilaga. Sinasabi ng anghel na kaniyang “itatayo ang mga tolda ng kaniyang palasyo sa pagitan ng dakilang karagatan at ng banal na bundok ng Kagandahan.” (Daniel 11:45) Noong panahon ni Daniel, ang dakilang karagatan ay ang Mediteraneo, at ang banal na bundok ay ang Sion, na dating kinatatayuan ng templo ng Diyos. Sa gayon, sa katuparan ng hula, ang napopoot na hari ng hilaga ay nagsasagawa ng isang kampanyang militar laban sa bayan ng Diyos! Sa espirituwal na diwa sa ngayon, ang “pagitan ng dakilang karagatan at ng banal na bundok” ay nagpapahiwatig na siya’y nasa espirituwal na lupain ng pinahirang mga lingkod ng Diyos, na umahon na buhat sa “karagatan” ng napahiwalay na sangkatauhan at may pag-asang maghari sa makalangit na bundok Sion kasama ni Jesu-Kristo.—Isaias 57:20; Hebreo 12:22; Apocalipsis 14:1.
19. Gaya ng ipinakikita ng hula ni Ezekiel, papaano natin makikilala ang balita na nagtutulak kay Gog na umatake? (Tingnan ang talababa.)
19 Si Ezekiel, isang kapanahon ni Daniel, ay humula rin tungkol sa pag-atake sa bayan ng Diyos “sa katapusang bahagi ng mga araw.” Sinabi niya na ang mga pagkakapootan ay pasisimulan ni Gog ng Magog, na kumakatawan kay Satanas na Diyablo. (Ezekiel 38:16) Buhat sa anong direksiyon, sa simbolikong pananalita, nanggagaling si Gog? Sa pamamagitan ni Ezekiel, sinasabi ni Jehova: “Ikaw ay darating mula sa iyong dako, mula sa pinakamalalayong bahagi ng hilaga.” (Ezekiel 38:15) Kung gayon, ang balita “mula sa hilaga” ay maaaring yaong propaganda ni Satanas na pumupukaw sa hari ng hilaga at sa lahat ng iba pang mga hari na salakayin ang bayan ni Jehova.b—Ihambing ang Apocalipsis 16:13, 14; 17:14.
20, 21. (a) Bakit pupukawin ni Gog ang mga bansa, kasali na ang hari ng hilaga, upang umatake sa bayan ng Diyos? (b) Magtatagumpay ba ang kaniyang pag-atake?
20 Inoorganisa ni Gog ang kaniyang lubusang pag-atake dahilan sa kasaganaan ng “Israel ng Diyos,” na, kasama ang malaking pulutong ng mga ibang tupa, ay hindi na bahagi ng sanlibutan. (Galacia 6:16; Juan 10:16; 17:15, 16; 1 Juan 5:19) Si Gog ay nagmamasid nang may pag-aalinlangan sa “isang bayan na tinipong sama-sama buhat sa mga bansa, na nagtitipon ng [espirituwal na] kayamanan at ari-arian.” (Ezekiel 38:12; Apocalipsis 5:9; 7:9) Bilang katuparan ng mga salitang ito, ang bayan ni Jehova ay umuunlad ngayon higit kailanman. Sa maraming lupain sa Europa, Aprika, at Asia na kung saan dati’y ipinagbawal ang kanilang gawain, sila ngayon ay sumasamba nang malaya. Sa pagitan ng 1987 at 1992, mahigit na isang milyong “kanais-nais na mga bagay” ang nagsilabas sa mga bansa tungo sa bahay ni Jehova ng tunay na pagsamba. Sa espirituwal, sila’y mayaman at mapayapa.—Hagai 2:7; Isaias 2:2-4; 2 Corinto 8:9.
21 Sa pagkakitang ang espirituwal na kalagayang Kristiyano ay “lupain ng mga nayong walang kuta” na madali nang masasakop, si Gog ay nagsisikap na lipulin ang huling balakid na ito sa kaniyang lubusang pagsupil sa sangkatauhan. (Ezekiel 38:11) Subalit siya’y bigo. Pagka sinalakay ng mga hari sa lupa ang bayan ni Jehova, sila’y ‘darating sa kanilang wakas.’ Papaano?
May Ikatlong Hari
22, 23. Pagka umatake na si Gog, sino ang tatayo alang-alang sa bayan ng Diyos, at ano ang resulta?
22 Sinasabi ni Ezekiel na ang pagsalakay ni Gog ang hudyat upang bumangon ang Diyos na Jehova sa kapakanan ng kaniyang bayan at lipulin ang mga puwersa ni Gog “sa mga bundok ng Israel.” (Ezekiel 38:18; 39:4) Ito’y nagpapaalaala sa atin ng sinabi ng anghel kay Daniel: “Sa panahong iyon ay tatayo si Miguel, ang dakilang prinsipe na nakatayo sa ikabubuti ng mga anak ng bayan mo. At tiyak na magkakaroon ng panahon ng matinding kahirapan na hindi pa nangyayari kailanman mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong yaon. Sa panahong yaon ay maliligtas ang iyong bayan, bawat isa na masusumpungang nakasulat sa aklat.”—Daniel 12:1.
23 Noong 1914, si Jesus—ang makalangit na mandirigmang si Miguel—ay naging Hari ng makalangit na Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 11:15; 12:7-9) Magbuhat noon, siya’y nakatayo ‘sa ikabubuti ng mga anak ng bayan ni Daniel.’ Subalit, hindi na magtatagal, siya’y “tatayo” sa pangalan ni Jehova bilang isang di-magagaping Mandirigmang-Hari, na “maghihiganti sa mga hindi nakakakilala sa Diyos at sa mga hindi tumatalima sa mabuting balita tungkol sa ating Panginoong Jesus.” (2 Tesalonica 1:8) Lahat ng bansa sa lupa, kasali na ang mga hari sa hula ni Daniel, ay “magsisitaghoy.” (Mateo 24:30) Taglay ang masasamang kaisipan na naroon pa rin sa kanilang puso tungkol sa ‘bayan ni Daniel,’ sila’y papanaw magpakailanman sa kamay ni ‘Miguel, ang dakilang prinsipe.’—Apocalipsis 19:11-21.
24. Ano ang dapat maging epekto sa atin ng pag-aaral na ito ng hula ni Daniel?
24 Hindi ba nais nating makita ang dakilang tagumpay ni Miguel at ng kaniyang Diyos, si Jehova? Sapagkat ang tagumpay na iyan ay mangangahulugan ng ‘pagkaligtas,’ kaligtasan, para sa tunay na mga Kristiyano. (Ihambing ang Malakias 4:1-3.) Kaya, samantalang nakatingin sa hinaharap taglay ang pananabik, ating isinasaisip ang mga salita ni apostol Pablo: “Ipangaral mo ang salita, gawin mo ito nang apurahan sa kaaya-ayang panahon, sa maligalig na panahon.” (2 Timoteo 4:2) Tayo’y kumapit nang mahigpit sa Salita ng buhay at maging masigasig sa paghahanap sa mga tupa ni Jehova habang nagpapatuloy pa ang kaaya-ayang panahon. Tayo ay nasa dulo na ng takbuhan para sa buhay. Natatanaw na ang gantimpala. Harinawang lahat ay maging desididong magtiis hanggang wakas at sa gayo’y makabilang sa mga makaliligtas.—Mateo 24:13; Hebreo 12:1.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Apocalipsis—Malapit na ang Dakilang Kasukdulan Nito! inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 229-30.
b Maaari rin naman na ang balita “mula sa hilaga” ay manggaling kay Jehova, dahilan sa kaniyang sinabi kay Gog: “Tiyak na . . . kakabitan ko ng mga pambingwit ang iyong mga panga at ilalabas kita.” “Aking . . . pasasampahin ka mula sa pinakamalalayong bahagi ng hilaga at dadalhin kita sa mga bundok ng Israel.”—Ezekiel 38:4; 39:2; ihambing ang Awit 48:2.
Nauunawaan Mo ba?
◻ Sa buong panahon ng kawakasan papaano itinulak ng hari ng timog ang hari ng hilaga?
◻ Ano pa ang kailangan nating matutuhan tungkol sa kalalabasan ng labanán ng dalawang hari?
◻ Anong dalawang pangyayari bago dumating ang Armagedon ang tiyak na kasasangkutan ng hari ng hilaga?
◻ Papaano ipagtatanggol ni ‘Miguel na dakilang prinsipe’ ang bayan ng Diyos?
◻ Papaano tayo dapat maapektuhan ng ating pag-aaral ng hula ni Daniel?
[Mga larawan sa pahina 19]
Ang hari ng hilaga ay sumasamba sa isang diyos na naiiba sa mga diyos ng mga nauna sa kaniya
[Credit Line]
Sa itaas gawing kaliwa at sa gitna: UPI/Bettman; sa ibaba gawing kaliwa: Reuters/Bettman; sa ibaba gawing kanan: Jasmin/Gamma Liaison