Ang mga Pakana ng Tao Ukol sa Pandaigdig na Katiwasayan
“Pagka natapos na ang lahat na ito, ibig natin na tayo ang maging mga tagapagpagaling. Ibig nating gawin ang ating magagawa upang mapabilis ang may pag-asang matatawag ko na isang bagong sanlibutang sistema.”—“Pangulo ng E.U. George Bush, Enero 1991, hindi pa nagtatagal pagkatapos magsimula ang pakikidigma sa Iraq.
“Ang idea ni Pangulong Bush ng isang Bagong Sanlibutang Sistema ay nagdiriin sa kahalagahan ng paghahari ng batas at ng paniwala na ang mga bansa ay may sama-samang pananagutan para sa kalayaan at katarungan. Sa pagtatapos ng Cold War, isang bagong panahon ang nagsisimula.”—Embahador ng E.U. sa Australia, Agosto 1991.
“Sa gabing ito, habang nasasaksihan ko ang mga pangyayari na nagaganap sa demokrasya sa buong mundo, marahil—marahil tayo ay mas malapit na sa bagong sanlibutang iyan kaysa kailanman.”—Pangulo ng E.U. George Bush, Setyembre 1991.
MARAMING mga lider ng daigdig, tulad ni Pangulong Bush, ang nagsasalita nang may pag-asa tungkol sa hinaharap. Ang kanila bang pag-asa ay may mabuting dahilan para sa paniniwala na gayon nga? Ang mga pangyayari ba sapol nang Digmaang Pandaigdig II ay nagbibigay ng saligan para sa gayong pag-asa? Naiisip mo ba na ang mga pulitiko ay makapagtatatag ng pandaigdig na katiwasayan?
Ang Dakilang Pakana ng Tao
“Nang huling dalawang taon ng pangalawang digmaang pandaigdig,” ang paliwanag ng dokumentaryo sa telebisyon na Goodbye War, “mahigit na isang milyong katao ang namamatay bawat buwan.” Noon, ang mga bansa ay nakadama ng apurahang pangangailangan ng isang plano na hahadlang sa pagsiklab muli ng gayong digmaan. Samantalang nagaganap pa ang digmaan, ang mga kinatawan ng 50 bansa ay bumuo ng pinakamalaking pakana para sa pandaigdig na katiwasayan na naitatag kailanman ng tao: ang Karta ng Nagkakaisang mga Bansa. Ang pambungad sa Karta ay nagpahayag ng determinasyon na “iligtas ang sumusunod na mga salinlahi buhat sa salot ng digmaan.” Ang tatanggaping mga miyembro ng Nagkakaisang mga Bansa ay “magsasama-sama ng [kanilang] lakas upang mapanatili ang pandaigdig na kapayapaan at katiwasayan.”
Makalipas ang apatnapu’t isang araw, isang eroplano ang naghulog ng bomba atomika sa Hiroshima, Hapón. Iyon ay sumabog sa itaas ng kalagitnaan ng siyudad, na pumatay ng mahigit na 70,000 katao. Ang pagsabog na iyan, at ang isa pa na ibinagsak sa Nagasaki matapos ang tatlong araw, ang tumapos sa pakikidigma sa Hapón. Palibhasa ang kakampi ng Hapón na Alemanya ay sumuko noong Mayo 7, 1945, kaya natapos ang Digmaang Pandaigdig II. Subalit, iyon ba ang katapusan ng lahat ng digmaan?
Hindi. Sapol noong Digmaang Pandaigdig II, ang sangkatauhan ay nakasaksi ng mahigit na 150 mas maliliit na digmaan na kumitil ng mahigit na 19 na milyong buhay. Maliwanag, ang dakilang pakana ng UN ay hindi pa nakapagdudulot ng pandaigdig na katiwasayan. Ano’t nabigo iyon?
Ang Cold War
Hindi nakini-kinita ng mga tagaplano ng UN na dagling babangon ang paligsahan bilang magkakaribal sa pagitan ng dating magkakaalyado noong Digmaang Pandaigdig II. Maraming Estado ang nagtaguyod ng kani-kanilang panig sa tunggaliang ito ukol sa kapangyarihan, na tinawag na Cold War at, sa isang bahagi, isang tunggalian sa pagitan ng Komunismo at Kapitalismo. Sa halip na pagkaisahin ang kanilang lakas upang pahintuin ang digmaan, ang dalawang bloke ng mga bansa ay sumuporta sa nagkakalabang mga panig sa pangrehiyon na mga pagbabaka at sa ganitong paraan naglabanan sa isa’t isa sa Asia, Aprika, at sa Amerika.
Sa may dulo ng dekada ng 1960, nagsimulang humupa ang Cold War. Ang paghupang iyon ay umabot sa sukdulan noong 1975 nang 35 Estado ang lumagda sa tinatawag na Helsinki Agreement. Kasali sa mga nagsilagda ang Unyon Sobyet at ang Estados Unidos, at ang kani-kanilang kaalyada sa Europa. Lahat ay nangakong gagawa ukol sa “kapayapaan at katiwasayan” at “iiwas . . . buhat sa banta o paggamit ng puwersa sa teritoryal na integridad o makapulitikang kasarinlan ng anumang Estado, o sa anumang iba pang paraan na di-katugma ng mga layunin ng Nagkakaisang mga Bansa.”
Ngunit ang mga ideyang ito ay hindi nagbunga. Maaga sa dekada ng 1980, ang tunggalian sa pagitan ng mga superpower ay muling tumindi. Napasamáng totoo ang takbo ng mga bagay kung kaya’t noong 1982 ang bagong kahahalal na pangkalahatang-kalihim ng Nagkakaisang mga Bansa, si Dr. Javier Pérez de Cuéllar, ay umamin sa pagkabigo ng kaniyang organisasyon at nagbabala tungkol sa isang “bagong internasyonal na anarkiya.”
Datapuwa’t, sa ngayon, ang pangkalahatang-kalihim ng UN at ang iba pang mga lider ay nagpahayag ng pag-asa. Ang mga ulat ng balita ay tumutukoy sa “panahon ng Cold War na natapos.” Papaano nangyari ang pagbabagong ito?
“Ang Panahon ng Cold War na Natapos”
Ang isang bagay na kapuna-puna ay ang pagpupulong ng 35-bansang Komperensiya sa Seguridad at Kooperasyon sa Europa. Noong Setyembre 1986 sila’y lumagda sa tinatawag na Stockholm Document, na muling pinagtitibay ang kanilang pinagkasunduan sa 1975 Helsinki Agreement.a Ang Stockholm Document ay may taglay na maraming tuntunin upang umugit sa pagsubaybay sa mga gawain ng militar. “Ang mga resulta ng nakalipas na tatlong taon ay nakapagpapasigla at ang nagawa na ay nagsisimulang lumabis pa sa nasusulat sa mga obligasyon na hinihiling ng Stockholm Document,” ayon sa pag-uulat ng SIPRI (Stockholm International Peace Research Institute) sa Yearbook 1990 nito.
Pagkatapos, noong 1987, ang mga superpower ay nakabuo ng isang kamangha-manghang kasunduan na humihiling na wasakin ang lahat ng kanilang panlupa na mga missile na ang distansiyang naaabot ay sa pagitan ng 500 at 5,500 kilometro. “Ang pisikal na pagwawasak sa mga missile at mga tagapaglunsad nito ay may iskedyul at ang mga kahilingan na takda ng mga kasunduan ay sinusunod naman ng bawat panig,” ang sabi ng SIPRI.
Mayroon pang ibang mga hakbang na kinuha upang bawasan ang panganib ng digmaang nuklear. Halimbawa, noong 1988 ang mga superpower ay lumagda sa isang kasunduan tungkol sa “intercontinental ballistic missiles at submarine-launched ballistic missiles.” Bago ilunsad ang gayong mga armas, ang bawat panig ay kailangang patalastasan ang kabilang panig “hindi kukulungin sa dalawampu’t apat na oras patiuna, ng itinakdang petsa, lugar na paglulunsaran, at lugar na maaapektuhan.” Sang-ayon sa SIPRI, ang gayong mga kasunduan ay “halos mag-aalis ng posibilidad na ang lokal na mga insidente ay mapauwi unti-unti sa isang digmaang nuklear na pambuong daigdig.”
Samantala, ang mga plano na mapahusay pa ang pandaigdig na seguridad ay pinabilis. Noong Mayo 1990, samantalang isang komperensiya ng mga superpower ang nagaganap sa Washington, D.C., ang pangulong Mikhail Gorbachev ng Sobyet ay nagpasok ng mungkahi na ang dalawang bloke ng mga bansa sa Europa ay lumagda sa isang kasunduan ng kapayapaan. Noong Hulyo ang 16 na Kanluraning mga bansa ng NATO (North Atlantic Treaty Organization) ay nagkatipon sa London. Ang kanilang sagot sa mungkahi ni Mikhail Gorbachev ay na lumagda ang kapuwa panig sa isang “magkasanib na deklarasyon na ating pormalang ipinahahayag na tayo’y hindi na magkakalaban at pinagtitibay ang ating hangarin na umiwas sa banta o paggamit ng lakas.” Ang mahalagang paulong-balita ng isang pahayagan sa Aprika ay tumukoy rito bilang “Isang Dambuhalang Hakbang sa Pandaigdig na Kapayapaan.”
Pagkatapos, nang halos magsisimula na lamang ang isang komperensiya ng mga superpower sa Helsinki, Pinlandiya, isang kinatawan ng pamahalaan ng E.U. ang nagsabi na “ang posibilidad ng digmaan [sa Gitnang Silangan] ay nagpapangyari ng isang bagong panggrupong plano para sa kapayapaan ng daigdig.” Ang kapayapaan ay nagambala nang lusubin ng Iraq ang Kuwait at ang Gitnang Silangan ay waring nanganganib matupok ng digmaan. Subalit sa ilalim ng kapamahalaan ng Nagkakaisang mga Bansa, isang internasyonal na hukbo na pinangungunahan ng Estados Unidos ang nagpaurong sa lumulusob na mga puwersa paatras sa kanilang sariling bansa. Ang internasyonal na pagkakaisa ng layunin na itinanghal sa digmaang iyon ay humila sa iba na umasang isang bagong panahon ng kooperasyon ang nagbukang-liwayway.
Sapol noon, nagpatuloy ang mga pangyayari sa daigdig. Higit sa lahat, ang mismong kalikasan ng dating Unyon Sobyet ay nagkaroon ng malaking pagbabago. Ang mga Estado sa Baltico ay pinayagan na magpahayag ng kanilang kasarinlan, at ang ibang republika sa Unyon Sobyet ang sumunod. Mararahas na mga paglalaban-laban ng mga lahi ang naganap sa mga lupain na waring matibay ang pagkakaisa sa ilalim ng sentralisadong pagkontrol ng Komunista. Samantala, ang mga bansa sa Silangang Europa ay lumapit sa kanilang dating kaaway upang humingi ng tulong upang madaig ang matitinding kahirapan ng kabuhayan.
Ang sukdulang mga pagbabagong ito sa makapulitikang larawan ng daigdig ay nagbukas ng pinto ng pagkakataon para sa organisasyon ng Nagkakaisang mga Bansa. Tungkol dito sinabi ng The New York Times: “Sapagkat naibsan ang pambuong-daigdig na mga tensiyon at may bagong kasiglahan ang pagtutulungan ng Estados Unidos at ng Unyon Sobyet maaaring mangahulugan ito ng isang bago, lalong makapangyarihang bahagi sa internasyonal na pamamalakad para sa pandaigdig na organisasyon.”
Panahon na nga kaya para sa 47-taóng-gulang na organisasyon na ipakita kung ano ang kaniyang magagawa? Talaga kayang pumapasok tayo sa tinatawag ng Estados Unidos na “isang bagong siglo, at isang bagong milenyo ng kapayapaan, kalayaan at kaunlaran”?
[Talababa]
a Ang kasunduang ito ang una at pinakamahalaga sa isang serye ng mga pinagkasunduang nilagdaan sa Helsinki ng Canada, Estados Unidos, Unyon Sobyet, at 32 iba pang mga bansa. Ang opisyal na pangalan ng pangunahing kasunduan ay ang Komperensiya sa Seguridad at Kooperasyon sa Europa. Ang pinakamahalagang tunguhin nito ay ang mabawasan ang pandaigdig na tensiyon sa pagitan ng Silangan at Kanluran.—World Book Encyclopedia.