NAKAMUMUHING BAGAY
Ang salitang Hebreo na nid·dahʹ ay lumilitaw nang 30 ulit sa Hebreong Kasulatan at posibleng hinalaw sa salitang-ugat na na·dhahʹ, na nangangahulugang “itakwil; alisin sa isipan (huwag pag-isipan).” (Isa 66:5; Am 6:3) Ang nid·dahʹ ay nagpapahiwatig ng karumihan, isang bagay na nakamumuhi, maaaring sa pisikal, halimbawa’y dahil sa pagreregla (Lev 12:2, 5; 15:20, 24, 25, 33), o sa moral, halimbawa’y dahil sa idolatriya. (Ezr 9:11; 2Cr 29:5) Ang salitang Hebreo ring ito ay ginagamit may kinalaman sa “tubig na panlinis” (Bil 19:9-21; 31:23, BSP, NW; “tubig na ginagamit para sa pagreregla,” Bil 19:9, tlb sa Rbi8; “tubig ukol sa paghihiwalay,” KJ; “pinaka tubig para sa karumihan,” AS-Tg; “tubig para sa pagpapadalisay,” JB), anupat tumutukoy sa tubig na ginagamit upang alisin yaong marumi.
Kaya naman, sa Panaghoy 1:17, sinabi ni Jeremias na nang itiwangwang ang Jerusalem, ito ay “naging isang nakamumuhing bagay [“gaya ng isang babaing nireregla,” KJ; “parang maruming bagay,” AS-Tg; “nakamumuhi,” AT; “kinasuklaman,” BSP] sa gitna nila [samakatuwid nga, sa gitna ng nakapalibot na mga bansa].”
Bago wasakin ng Babilonya ang Jerusalem, sinabi ni Jehova tungkol sa taong-bayan ng Israel sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Ezekiel: “Ang sambahayan ng Israel ay nananahanan sa kanilang lupa, at patuloy nilang pinarurumi iyon sa pamamagitan ng kanilang lakad at sa pamamagitan ng kanilang mga pakikitungo. Ang kanilang lakad sa harap ko ay naging tulad ng karumihan ng pagreregla [nid·dahʹ].” (Eze 36:17) Dahil sa idolatrosong mga gawain, ang Israel ay marumi sa espirituwal na paraan kung kaya dapat siyang iwasan ng kaniyang asawang nagmamay-ari, ang Diyos na Jehova, at magkakabalikan lamang sila sa espirituwal na paraan pagkatapos na siya’y linisin. Kaya naman sa talata 25 ay sinabi ni Jehova: “At wiwisikan ko kayo ng malinis na tubig, at kayo ay magiging malinis; mula sa lahat ng inyong karumihan at mula sa lahat ng inyong mga karumal-dumal na idolo ay lilinisin ko kayo.”—Ihambing ang Eze 18:6.
Sa Ezekiel 7:19, 20, ipinahayag ng Diyos ang kaniyang galit laban sa Israel dahil sa paggawa nila ng relihiyosong mga imahen sa pamamagitan ng kanilang pilak at ng kanilang ginto at sinabi niya na dahil dito’y pangyayarihin niyang itapon nila sa mga lansangan ang kanilang pilak at ang kanilang ginto gaya ng isang “nakamumuhing bagay [nid·dahʹ].”—Ihambing ang Isa 30:22; tingnan ang KASUKLAM-SUKLAM NA BAGAY, KARIMA-RIMARIM NA BAGAY.
Pagkamuhi. Ang iba pang mga pananalitang Hebreo na may diwa ng “pagkamuhi” ay quts, tumutukoy sa emosyonal na reaksiyon ng isa at binibigyang-katuturan bilang “mamuhi; magkaroon ng pagkamuhi sa; makadama ng nakapanlulumong takot sa” (Gen 27:46; 1Ha 11:25; Bil 22:3), at ga·ʽalʹ, nangangahulugan ding “mamuhi,” ngunit nagpapahiwatig ng pagtatakwil sa bagay na kinamumuhian. (Lev 26:11, 15, 30; 2Sa 1:21, tlb sa Rbi8) Sa Griegong Septuagint, ang mga salitang Hebreong ito ay isinasalin kung minsan bilang pro·so·khthiʹzo, nangangahulugang “masuklam” (Gen 27:46; Lev 26:15; ihambing ang Heb 3:10), at bde·lysʹso·mai, na may diwa naman na “magpahayag ng pagkamuhi sa; masuklam sa.”—Lev 20:23; 26:11; ihambing ang Ro 2:22.
Dahil nagkasala ang mga Canaanita ng seksuwal na imoralidad at kalisyaan, idolatriya, at mga espiritistikong gawain, kinamuhian sila ng Kataas-taasan, at dahil dito’y ipinag-utos niyang puksain sila. (Lev 20:2-23) Binabalaan ang mga Israelita na kung magiging masuwayin sila, kamumuhian din sila ni Jehova, anupat aalisin niya sa kanila ang kaniyang proteksiyon at pagpapala. Gayunman, dahil matapat siya sa kaniyang tipan sa Israel, hindi niya sila kamumuhian hanggang sa punto na lubusan niya silang lilipulin. (Lev 26:11-45) Sa kaso ng mga magiging balakyot, ang kanilang pagkabuhay-muli ay magiging tungo sa walang-hanggang “pagkamuhi” (sa Heb., de·ra·ʼohnʹ). Iyon ay pagkabuhay-muli sa paghatol na hahantong sa walang-hanggang pagkalipol.—Dan 12:2; Ju 5:28, 29.
Ang tahasang pagtatakwil sa mga utos, saway, at mga paglalaan ni Jehova ay maituturing na di-wastong pagkamuhi. Ito ang naging pagkakasala ng mga Israelita nang tanggihan nilang sundin ang mga utos ni Jehova at nang kamuhian nila ang manna bilang “kasuklam-suklam na tinapay.” (Bil 21:5; Lev 26:15) Ipinapayo ng Kawikaan 3:11 na ‘huwag kamuhian ang saway ni Jehova.’
Sa Roma 12:9 ay pinapayuhan ang mga Kristiyano: “Kamuhian ninyo ang balakyot.” Ang terminong Griego na isinalin dito bilang “kamuhian” (a·po·sty·geʹo) ay ang anyong intensive ng pandiwang Griego na nangangahulugang “mapoot,” at sa gayon ay literal na nangangahulugang “mapoot nang masidhi.” Kapag hindi kinamuhian ng isang tao ang balakyot, anupat hindi na iyon karima-rimarim sa kaniya, kamumuhian naman siya ni Jehova.