KABANATA 3
Isinisiwalat ni Jehova ang Kaniyang Layunin
1, 2. Paano isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang layunin para sa mga tao?
ISINASAMA ng mapagmalasakit na mga magulang ang kanilang mga anak sa mga usapang pampamilya. Pero pinag-iisipan nilang mabuti kung gaano karaming impormasyon ang ibabahagi nila. Sasabihin lang nila ang mga detalyeng sa tingin nila’y kaya nang intindihin ng kanilang mga anak.
2 Sa katulad na paraan, unti-unti ring isinisiwalat ni Jehova ang kaniyang layunin para sa pamilya ng tao. Pero ginagawa lang niya ito kapag iyon na ang tamang panahon. Isaalang-alang natin sa maikli kung paano isinisiwalat ni Jehova ang katotohanan tungkol sa Kaharian sa paglipas ng panahon.
Bakit Kailangan ang Kaharian?
3, 4. Itinadhana ba ni Jehova ang mangyayari sa kasaysayan ng tao? Ipaliwanag.
3 Ang Mesiyanikong Kaharian ay hindi bahagi ng orihinal na layunin ni Jehova. Bakit? Dahil hindi itinadhana ni Jehova ang mangyayari sa kasaysayan ng tao; ang totoo, nilikha niya sila na may kalayaang magpasiya. Kaya nga ipinaalam ni Jehova kina Adan at Eva ang layunin niya para sa mga tao: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon.” (Gen. 1:28) Hiniling din ni Jehova na igalang nila ang kaniyang pamantayan ng mabuti at masama. (Gen. 2:16, 17) Puwede sanang piliin nina Adan at Eva na manatiling tapat. Kung iyon ang ginawa nila at ng kanilang mga anak, hindi na kailangan ang Kahariang pinamumunuan ni Kristo para tuparin ang layunin ng Diyos. Ang lahat sana ng tao sa ngayon ay sakdal at sumasamba kay Jehova.
4 Kahit nagrebelde sina Satanas, Adan, at Eva, hindi pa rin nagbago ang layunin ni Jehova na punuin ang lupa ng sakdal na mga tao. Pero binago niya ang paraan kung paano niya ito tutuparin. Ang kaniyang layunin ay hindi tulad ng tren na kailangang dumaan sa isang partikular na riles para makarating sa destinasyon nito at na puwedeng madiskaril dahil sa ibang tao. Kapag sinabi ni Jehova ang kaniyang layunin, walang anumang makahahadlang sa katuparan nito. (Basahin ang Isaias 55:11.) Kung may haharang sa landas, gagamit si Jehova ng ibang daan.a (Ex. 3:14, 15) Kapag nakita niyang angkop, ipinaaalam ni Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod ang bagong paraan na gagamitin niya sa pagtupad ng kaniyang layunin.
5. Ano ang ginawa ni Jehova dahil sa nangyaring rebelyon sa Eden?
5 Dahil sa nangyaring rebelyon sa Eden, isinama ni Jehova sa kaniyang layunin ang pagtatatag ng Kaharian. (Mat. 25:34) Sa madilim na yugtong iyon, sinimulang isiwalat ni Jehova ang instrumentong gagamitin niya para ibalik ang kasakdalan at pawiin ang pasakit na dulot ng walang-saysay na pang-aagaw ni Satanas ng kapangyarihan. (Gen. 3:14-19) Pero hindi agad sinabi ni Jehova ang lahat ng detalye tungkol sa Kaharian.
Sinimulang Isiwalat ni Jehova ang mga Detalye Tungkol sa Kaharian
6. Ano ang ipinangako ni Jehova? Ano ang hindi niya agad isiniwalat?
6 Sa pinakaunang hula, ipinangako ni Jehova na isang “binhi” ang dudurog sa serpiyente. (Basahin ang Genesis 3:15.) Pero hindi pa isiniwalat ang pagkakakilanlan ng binhing iyon at ng binhi ng serpiyente. Sa katunayan, lumipas pa ang mga 2,000 taon bago ibigay ni Jehova ang karagdagang mga detalye.b
7. Bakit pinili si Abraham? Anong mahalagang aral ang matututuhan natin dito?
7 Nang maglaon, pinili ni Jehova si Abraham para pagmulan ng ipinangakong binhi. Pinili si Abraham dahil ‘pinakinggan niya ang tinig ni Jehova.’ (Gen. 22:18) May mahalagang aral tayong matututuhan dito—isinisiwalat lang ni Jehova ang kaniyang layunin sa mga may takot sa kaniya.—Basahin ang Awit 25:14.
8, 9. Anong mga detalye tungkol sa ipinangakong binhi ang isiniwalat ni Jehova kay Abraham at Jacob?
8 Nang kausapin ni Jehova ang kaibigan niyang si Abraham sa pamamagitan ng isang anghel, isiniwalat Niya sa unang pagkakataon ang isang napakahalagang detalye tungkol sa ipinangakong binhi: Isa siyang tao. (Gen. 22:15-17; Sant. 2:23) Pero paano dudurugin ng taong ito ang serpiyente? Sino ang serpiyente? Masasagot iyan sa susunod pang mga pagsisiwalat.
9 Pinili ni Jehova ang apo ni Abraham na si Jacob, isang lalaking may malaking pananampalataya sa Diyos, para pagmulan ng ipinangakong binhi. (Gen. 28:13-22) Sa pamamagitan ni Jacob, ipinaalam ni Jehova na ang Ipinangakong Isa ay magiging inapo ni Juda na anak ni Jacob. Inihula ni Jacob na ang inapong ito ni Juda ay tatanggap ng “setro,” isang tungkod na sumasagisag sa maharlikang awtoridad, at na “mauukol [sa kaniya] ang pagkamasunurin ng mga bayan.” (Gen. 49:1, 10) Sa hulang iyan, ipinakita ni Jehova na ang Ipinangakong Isa ay magiging tagapamahala, isang hari.
10, 11. Bakit isiniwalat ni Jehova kina David at Daniel ang kaniyang layunin?
10 Mga 650 taon matapos ang panahon ni Juda, isiniwalat ni Jehova kay Haring David, inapo ni Juda, ang higit pang detalye tungkol sa kaniyang layunin. Sinabi ni Jehova na si David ay “isang lalaking kalugud-lugod sa kaniyang puso.” (1 Sam. 13:14; 17:12; Gawa 13:22) Dahil may takot sa Diyos si David, nakipagtipan sa kaniya si Jehova at nangakong mamamahala magpakailanman ang isa sa kaniyang mga inapo.—2 Sam. 7:8, 12-16.
11 Makalipas ang mga 500 taon, ginamit ni Jehova si propeta Daniel para ipaalam ang eksaktong taon kung kailan lilitaw sa lupa ang Pinahiran, o Mesiyas. (Dan. 9:25) Para kay Jehova, si Daniel ay “lubhang kalugud-lugod.” Bakit? Dahil si Daniel ay may malaking paggalang kay Jehova at patuloy na naglilingkod.—Dan. 6:16; 9:22, 23.
12. Ano ang ipinagawa kay Daniel, at bakit?
12 Kahit gumamit si Jehova ng tapat na mga propeta gaya ni Daniel para iulat ang maraming detalye tungkol sa ipinangakong binhi, ang Mesiyas, hindi pa panahon para isiwalat ni Jehova sa kaniyang mga lingkod ang kahulugan ng mga ito. Halimbawa, matapos bigyan ni Jehova si Daniel ng pangitain tungkol sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos, sinabihan siya na tatakan ang hula hanggang sa panahong itinakda ni Jehova. Sa panahong iyon, ang tunay na kaalaman ay “sasagana.”—Dan. 12:4.
Binigyang-Liwanag ni Jesus ang Layunin ng Diyos
13. (a) Sino ang ipinangakong binhi? (b) Paano binigyang-liwanag ni Jesus ang hula sa Genesis 3:15?
13 Malinaw na tinukoy ni Jehova si Jesus bilang ang ipinangakong binhi, ang inapo ni David na mamamahala bilang Hari. (Luc. 1:30-33; 3:21, 22) Nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo, sumikat ang liwanag at naging mas malinaw sa mga tao kung ano ang layunin ng Diyos. (Mat. 4:13-17) Halimbawa, nilinaw ni Jesus ang pagkakakilanlan ng serpiyenteng binabanggit sa Genesis 3:14, 15 nang tawagin niyang “mamamatay-tao” at “ama ng kasinungalingan” ang Diyablo. (Juan 8:44) Sa pagsisiwalat niya kay Juan, ipinakilala ni Jesus na ang “orihinal na serpiyente” ay “ang tinatawag na Diyablo at Satanas.”c (Basahin ang Apocalipsis 1:1; 12:9.) Isiniwalat din ni Jesus kung paano niya tutuparin, bilang ipinangakong binhi, ang hula sa Eden at kung paano niya lubusang dudurugin si Satanas.—Apoc. 20:7-10.
14-16. Lagi bang nauunawaan nang lubusan ng unang-siglong mga alagad ni Jesus ang mga isinisiwalat niya? Ipaliwanag.
14 Gaya ng nakita natin sa Kabanata 1, maraming itinuro si Jesus tungkol sa Kaharian. Pero hindi niya laging sinasabi ang lahat ng detalye na gustong malaman ng kaniyang mga alagad. Kahit may mga pagkakataong nagbibigay siya ng espesipikong mga detalye, lumilipas pa ang panahon—kung minsan ay maraming siglo pa nga—bago lubusang maunawaan ng mga tagasunod ni Kristo ang isiniwalat ng kanilang Panginoon. Tingnan natin ang ilang halimbawa.
15 Noong 33 C.E., malinaw na itinuro ni Jesus na ang mga kasamang tagapamahala ng Hari ng Kaharian ng Diyos ay magmumula sa lupa at bubuhayin sa langit bilang mga espiritung nilalang. Pero hindi ito agad naunawaan ng kaniyang mga alagad. (Dan. 7:18; Juan 14:2-5) Nang taon ding iyon, ipinakita ni Jesus sa pamamagitan ng mga ilustrasyon na lilipas pa ang mahabang panahon pagkaakyat niya sa langit bago itatag ang Kaharian. (Mat. 25:14, 19; Luc. 19:11, 12) Hindi naunawaan ng mga alagad ang napakahalagang puntong ito. Nagtanong pa nga sila sa binuhay-muling si Jesus: “Isasauli mo ba ang kaharian sa Israel sa panahong ito?” Pero ipinasiya ni Jesus na hindi magbigay ng higit pang detalye nang panahong iyon. (Gawa 1:6, 7) Itinuro din ni Jesus na may “ibang mga tupa” na hindi kabilang sa “munting kawan” na makakasama niya sa pamamahala. (Juan 10:16; Luc. 12:32) Lumipas pa ang maraming taon mula nang maitatag ang Kaharian noong 1914 bago nakilala ng mga tagasunod ni Kristo kung sino ang dalawang grupong ito.
16 Marami pa sanang puwedeng ituro si Jesus sa kaniyang mga alagad noong nandito siya sa lupa, pero alam niyang hindi pa nila ito mauunawaan. (Juan 16:12) Totoong maraming isiniwalat na detalye tungkol sa Kaharian noong unang siglo, pero hindi pa iyon ang panahon para ang kaalaman ay sumagana.
Sasagana ang Tunay na Kaalaman sa “Panahon ng Kawakasan”
17. Ano ang dapat nating gawin para maunawaan ang katotohanan tungkol sa Kaharian, pero ano pa ang kailangan bukod dito?
17 Ipinangako ni Jehova kay Daniel na sa “panahon ng kawakasan,” marami ang “magpaparoo’t parito, at ang tunay na kaalaman” tungkol sa layunin ng Diyos ay sasagana. (Dan. 12:4) Dapat magsikap nang husto ang isa na gustong magtamo ng kaalamang ito. Ayon sa isang reperensiya, ang isang anyo ng pandiwang Hebreo para sa “pagpaparoo’t parito” ay nagpapahiwatig ng maingat at masusing pagsusuri sa isang aklat. Pero gaano man natin kaingat na suriin ang Bibliya, hindi pa rin natin lubusang mauunawaan ang katotohanan tungkol sa Kaharian malibang ipagkaloob sa atin ni Jehova ang pribilehiyong ito.—Basahin ang Mateo 13:11.
18. Paano nagpakita ng pananampalataya at kapakumbabaan ang mga may takot kay Jehova?
18 Kung paanong unti-unting isiniwalat ni Jehova ang katotohanan tungkol sa Kaharian bago 1914, ganito rin ang patuloy niyang ginagawa sa panahon ng kawakasan. Gaya ng makikita sa Kabanata 4 at 5, sa nakalipas na 100 taon, ilang beses kinailangang ituwid ng bayan ng Diyos ang kanilang pagkaunawa. Ibig bang sabihin, hindi sila sinusuportahan ni Jehova? Hindi naman. Ang totoo, nasa kanila ang pagsang-ayon ng Diyos dahil ipinakikita nila ang dalawang katangiang gustong-gusto ni Jehova—ang pananampalataya at kapakumbabaan. (Heb. 11:6; Sant. 4:6) Nananampalataya ang mga lingkod ni Jehova na lahat ng mga pangako sa Salita ng Diyos ay matutupad. Nagpapakita rin sila ng kapakumbabaan kapag inaamin nilang mali ang pagkaunawa nila sa katuparan ng mga pangakong iyon. Ang kapakumbabaang iyan ay makikita sa Marso 1, 1925, ng The Watch Tower: “Alam nating ang Panginoon ang tagapagbigay-kahulugan sa kaniyang sarili, na ibibigay niya sa kaniyang bayan ang kahulugan ng kaniyang Salita sa tamang paraan at tamang panahon.”
“Ibibigay [ng Panginoon] sa kaniyang bayan ang kahulugan ng kaniyang Salita sa tamang paraan at tamang panahon”
19. Ano ang hinayaan ni Jehova na maunawaan natin sa ngayon, at bakit?
19 Nang itatag ang Kaharian noong 1914, bahagya pa lang ang kaalaman ng bayan ng Diyos kung paano matutupad ang mga hulang may kaugnayan sa Kaharian. (1 Cor. 13:9, 10, 12) Sa kagustuhan nating makita ang katuparan ng mga pangako ng Diyos, kung minsan ay nagkakamali tayo ng konklusyon. Sa nakalipas na mga taon, napatunayang totoo ang isa pang sinabi ng The Watch Tower na sinipi sa naunang parapo: “Mukhang tama na mauunawaan lang natin ang isang hula kapag natupad na ito o kapag nakikita na natin ang katuparan nito.” Ngayong nasa huling bahagi na tayo ng panahon ng kawakasan, marami nang hula tungkol sa Kaharian ang natupad at kasalukuyang natutupad. Dahil ang bayan ng Diyos ay mapagpakumbaba at handang tumanggap ng pagtutuwid, hinayaan ni Jehova na higit pa nating maunawaan ang kaniyang layunin. Talagang sumasagana ang tunay na kaalaman!
Nasusubok ang Bayan ng Diyos Kapag Dinadalisay ang Kanilang Unawa
20, 21. Paano nakaapekto sa unang-siglong mga Kristiyano ang pagdadalisay sa kanilang unawa?
20 Kapag dinadalisay ni Jehova ang unawa natin sa katotohanan, nasusubok ang kalagayan ng ating puso. Pakikilusin ba tayo ng pananampalataya at kapakumbabaan na tanggapin ang mga pagbabago? Napaharap sa ganiyang pagsubok ang mga Kristiyano noong kalagitnaan ng unang siglo. Ipaghalimbawa nang isa kang Judiong Kristiyano noong panahong iyon. Malaki ang paggalang mo sa Kautusang Mosaiko at ipinagmamalaki mong isa kang Israelita. Pero nakatanggap ka ng kinasihang mga liham mula kay apostol Pablo na nagsasabing wala nang bisa ang Kautusan at itinakwil na ni Jehova ang likas na Israel para palitan ng espirituwal na Israel na binubuo kapuwa ng mga Judio at mga Gentil. (Roma 10:12; 11:17-24; Gal. 6:15, 16; Col. 2:13, 14) Ano ang gagawin mo?
21 Tinanggap ng mapagpakumbabang mga Kristiyano ang kinasihang paliwanag ni Pablo at pinagpala sila ni Jehova. (Gawa 13:48) Ayaw namang tanggapin ng iba ang pagdadalisay at gusto nilang manghawakan sa sarili nilang unawa. (Gal. 5:7-12) Kung hindi sila magbabago, maiwawala nila ang pribilehiyong mamahala kasama ni Kristo.—2 Ped. 2:1.
22. Ano ang nadarama mo sa mga paglilinaw sa ating unawa tungkol sa layunin ng Diyos?
22 Nitong nakalipas na mga dekada, dinalisay ni Jehova ang unawa natin tungkol sa Kaharian. Halimbawa, tinulungan niya tayong higit na maunawaan kung kailan ibubukod ang magiging mga sakop ng Kaharian mula sa mga di-tumutugon, kung paanong ibinubukod ang mga tupa mula sa mga kambing. Itinuro din niya kung kailan makukumpleto ang bilang na 144,000, kung ano ang kahulugan ng mga ilustrasyon ni Jesus tungkol sa Kaharian, at kung kailan bubuhayin sa langit ang pinakahuling pinahiran.d Ano ang reaksiyon mo sa gayong mga paglilinaw? Napatibay ba ang iyong pananampalataya? Itinuturing mo ba itong katibayan na patuloy na tinuturuan ni Jehova ang mapagpakumbaba niyang bayan? Ang susunod na mga kabanata ay higit na magpapatibay sa iyong pananampalataya na unti-unting isinisiwalat ni Jehova sa mga may takot sa kaniya ang kaniyang layunin.
a Ang pangalan ng Diyos ay isang anyo ng pandiwang Hebreo na nangangahulugang “maging.” Ipinahihiwatig ng pangalan ni Jehova na siya ang Tagatupad ng kaniyang mga pangako. Tingnan ang kahong “Ang Kahulugan ng Pangalan ng Diyos,” sa pahina 43.
b Baka isipin nating napakatagal naman bago magsiwalat si Jehova ng mga detalye. Pero dapat nating tandaan na mas mahaba ang buhay ng mga tao noon; apat na tao lang ang kailangan para mapagdugtong ang panahon mula kay Adan hanggang kay Abraham. Nagpang-abot ang buhay ni Adan at ni Lamec, ang ama ni Noe. Nagpang-abot ang buhay ni Lamec at ni Sem, ang anak ni Noe. Nagpang-abot ang buhay ni Sem at ni Abraham.—Gen. 5:5, 31; 9:29; 11:10, 11; 25:7.
c Ang pangalang “Satanas” ay lumilitaw nang 18 ulit sa Hebreong Kasulatan. Pero lumilitaw ito nang mahigit 30 ulit sa Kristiyanong Griegong Kasulatan. Makatuwiran lang na hindi gaanong pinagtuunan ng pansin sa Hebreong Kasulatan si Satanas, kundi nagpokus ito sa pagtukoy sa Mesiyas. Nang dumating ang Mesiyas, lubusan niyang inilantad si Satanas, gaya ng nakaulat sa Kristiyanong Griegong Kasulatan.
d Ang ilan sa mga paglilinaw na ito ay tinatalakay sa sumusunod na isyu ng Bantayan: Oktubre 15, 1995, pahina 23-28; Enero 15, 2008, pahina 20-24; Hulyo 15, 2008, pahina 17-21; Hulyo 15, 2013, pahina 9-14.