KABANATA 7
Paglingkuran si Jehova Ayon sa Kaniyang Matataas na Pamantayan
1. Ano ang inakala ng mga nasa Jerusalem noong panahon ni Zefanias hinggil sa mga pamantayan ni Jehova?
“SI Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.” Iyan ang inakala ng mga tao sa Jerusalem noong panahon ni Zefanias. Nangangatuwiran sila na hindi inaasahan ni Jehova na susunod sila sa anumang partikular na mga pamantayan. Sinabi ni Zefanias na sila ay “namumuo sa kanilang latak,” mga bagay na tumitining sa ilalim ng inimbak na alak. Ang ibig niyang sabihin ay gusto ng mga tao na maging panatag sa kanilang komportableng paraan ng pamumuhay, anupat ayaw nilang mabagabag ng anumang kapahayagan na makikialam ang Diyos sa kanilang mga gawain. Gayunman, sinabi ng Diyos sa mga Judio na ‘maingat niyang sasaliksikin ang Jerusalem sa pamamagitan ng mga lampara’ at ‘pagtutuunan ng pansin’ ang mga nagwawalang-bahala sa kaniyang mga pamantayan. Oo, may mga pamantayan si Jehova, at interesado siyang malaman kung ano ang pangmalas ng kaniyang bayan hinggil dito.—Zefanias 1:12.
2. Ano ang karaniwang saloobin sa inyong lugar hinggil sa pagkakaroon ng mga pamantayan?
2 Sa ngayon, kinasusuklaman din ng maraming tao ang ideya ng pagsunod sa mga pamantayan. Maaaring naririnig mo silang nagsasabi, “Gawin mo na lang ang gusto mo!” Nag-iisip naman ang ilan, ‘Gagawin ko ang lahat magkapera lamang ako o makuha ko lamang ang gusto ko.’ Wala silang gaanong pakialam sa kung ano ang pananaw ng Diyos o kung ano ang maaaring hinihiling niya sa kanila. Kumusta ka naman? Nagugustuhan mo ba ang ideya na ang Maylalang ang magtatakda ng mga pamantayan para sa iyo?
3, 4. Bakit mo pinahahalagahan ang pagkakaroon ng mga pamantayan?
3 Marami na tumatanggi sa ideya ng pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos ang agad namang tumatanggap sa mga pamantayan ng tao sa iba’t ibang aspekto ng buhay. Halimbawa, ano ba ang pamantayan ng tao hinggil sa kalidad ng tubig? Karamihan sa mga pamahalaan ay nagtatakda ng mga pamantayan para sa kalidad ng tubig na gusto nilang magamit ng publiko. Subalit paano kung napakababa ng mga pamantayan? Maaaring maging sanhi iyan ng pagtatae at ibang mga sakit na nakukuha sa tubig, na nakaaapekto lalo na sa mga bata. Gayunman, mas malamang na nakikinabang ka sa matataas na pamantayang itinatakda para sa tubig na iniinom. “Kung walang mga pamantayan, agad nating mapapansin ang mga epekto nito,” ang sabi ng International Organization for Standardization. “Karaniwan nang hindi natin napapansin ang papel na ginagampanan ng mga pamantayan sa pagpapasulong ng kalidad, kaligtasan, pagkamaaasahan, pagiging epektibo ng isang bagay at ng posibilidad na mahalinhan ito—gayundin sa pagbibigay ng gayong mga pakinabang sa mas mababang halaga.”
4 Kung sumasang-ayon ka na mahalaga ang pagkakaroon ng mga pamantayan sa iba’t ibang aspekto ng buhay, hindi ba makatuwirang asahan na ang Diyos ay may matataas na pamantayan para sa bayang tinatawag sa kaniyang pangalan?—Gawa 15:14.
MAKATUWIRAN BA ANG MGA PAMANTAYAN NG DIYOS?
5. Paano ipinakita ni Jehova sa pamamagitan ni Amos ang kahalagahan ng pag-abot sa Kaniyang mga pamantayan?
5 Kapag nagtatayo ka ng bahay, mahalaga ang mga pamantayan. Kung hindi tuwid ang isang pader, ang buong gusali ay maaaring humilig. O maaaring hindi matirhan ang bahay kung may mga puwang sa pagitan ng mga pader. Iyan ang punto sa isang pangitain ni Amos, na humula noong ikasiyam na siglo B.C.E., tungkol sa kalagayan ng sampung-tribong bansa ng Israel. Nakita niya si Jehova na nakatayo sa isang pader na may “isang hulog sa kaniyang kamay.” Sinabi ng Diyos: “Narito, maglalagay ako ng isang hulog sa gitna ng aking bayang Israel. Hindi ko na iyon pagpapaumanhinan pa.” (Amos 7:7, 8) Ang hulog ay isang instrumento na ginagamit upang matiyak kung tuwid ang isang pader. Ang makasagisag na pader na doo’y nakita ni Amos na nakatayo si Jehova ay “ginawa sa pamamagitan ng isang hulog.” Ang pader na iyon ay tuwid. Subalit noong panahon ni Amos, ang mga Israelita ay hindi na matuwid sa espirituwal—para silang nakahilig na pader na kailangang gibain bago ito bumagsak.
6. (a) Ano ang isang pangunahing punto sa mga akda ng 12 propeta? (b) Bakit mo nasabing makatuwiran ang mga pamantayan ng Diyos?
6 Habang pinag-aaralan mo ang 12 propeta, paulit-ulit mong masusumpungan ang puntong ito: Napakahalagang sumunod sa mga pamantayan ng Diyos. Ang mga mensahe sa mga aklat na iyon ay hindi pawang mga pagtuligsa sa isang bayan na hindi sumusunod sa matataas na pamantayan ng Diyos. Kung minsan, kapag sinusuri niya sila, inaalam ni Jehova kung naaabot ng kaniyang bayan ang kaniyang mga pamantayan. Ang katotohanan na magagawa nila ito ay nagpapatunay na makatuwiran ang kaniyang mga pamantayan; posible para sa di-sakdal na mga taong tulad natin na maabot ang mga ito. Isaalang-alang ang isang halimbawa.
7. Paano tayo tinutulungan ni Zacarias na maunawaang posibleng maabot ng di-sakdal na mga tao ang mga pamantayan ni Jehova?
7 Pagkatapos ilagay ng nagsibalik na mga Judio ang pundasyon ng templo, huminto ang kanilang gawaing muling pagtatayo. Kaya isinugo ng Diyos ang kaniyang mga propetang sina Hagai at Zacarias upang pasiglahin ang bayan na ipagpatuloy ang proyekto. Sa isang pangitain kay Zacarias, inilarawan ni Jehova si Zerubabel, ang gobernador ng Juda, na may “hulog sa [kaniyang] kamay” nang ilagay niya ang pangulong bato na siyang tumapos sa gawain sa templo. Itinayo ang templo ayon sa mga pamantayan ng Diyos. (Zacarias 4:10) Subalit isaalang-alang ang kawili-wiling detalyeng ito tungkol sa natapos na templo: “Ang pitong ito ay mga mata ni Jehova. Ang mga ito ay nagpaparoo’t parito sa buong lupa.” Nakita ng Diyos na inilagay ni Zerubabel ang pangulong bato sa dako nito, at yamang nakikita Niya ang lahat ng bagay, nakapasa ang muling itinayong templo sa pagsusuri ng Diyos, anupat natugunan ang Kaniyang mga pamantayan! Ang punto ay kahit na matataas ang mga pamantayan ni Jehova, maaabot ito ng mga tao. Dahil sa pampatibay-loob mula kina Hagai at Zacarias, naabot ni Zerubabel at ng bayan ang matataas na pamantayan ni Jehova. Tulad ni Zerubabel, matutugunan mo rin ang mga inaasahan sa iyo ng Diyos. Talaga ngang nakapagpapasiglang malaman iyan!
BAKIT MO DAPAT TANGGAPIN ANG MGA PAMANTAYAN NI JEHOVA?
8, 9. (a) Bakit wasto para kay Jehova na magtakda ng mga pamantayan para sa mga tao? (b) Bakit angkop na hilingin ng Diyos sa mga Israelita na sundin ang kaniyang mga utos?
8 Bilang Maylalang, may karapatan ang Diyos na magtakda ng mga pamantayan para sa sangkatauhan at umasa na susundin natin ang mga ito. (Apocalipsis 4:11) Hindi na kailangan pang detalyadong sabihin ni Jehova ang lahat ng bagay, sapagkat binigyan niya ang mga tao ng budhi bilang mahalagang patnubay. (Roma 2:14, 15) Sinabi ng Diyos sa unang mga tao na huwag kumain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” na kumakatawan sa karapatan ng Diyos na magtakda ng mga pamantayan ng mabuti at masama. Alam mo kung ano ang nangyari. (Genesis 2:17; 3:1-19) Sa pagtukoy sa maling pagpili ni Adan, sumulat si Oseas: “Sila [ang mga Israelita], tulad ng makalupang tao, ay lumabag sa tipan.” (Oseas 6:7) Sa gayon, ipinakita ni Oseas na sinadya ng mga Israelita na magkasala.
9 Ano ang kasalanang iyon? “Sinira nila ang tipan[g Kautusan].” (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Dahil sa pagliligtas sa kaniyang bayan mula sa Ehipto, ang Diyos na ang nagmamay-ari sa kanila at maliwanag na may karapatang magtakda ng mga pamantayan para sa kanila. Tinanggap ng mga Israelita ang pakikipagtipan kay Jehova, anupat sumang-ayon silang sumunod sa mga pamantayang iyon. (Exodo 24:3; Isaias 54:5) Gayunman, hindi sumunod sa Kautusan ang marami sa kanila. Nagkasala sila ng pagbububo ng dugo, pagpaslang, at pakikiapid.—Oseas 6:8-10.
10. Paano sinikap ng Diyos na tulungan ang mga hindi sumusunod sa kaniyang mga pamantayan?
10 Isinugo ni Jehova ang mga propetang gaya ni Oseas upang tulungan ang Kaniyang nakaalay na bayan. Sa pagtatapos ng kaniyang makahulang aklat, sinabi ni Oseas: “Sino ang marunong, upang maunawaan niya ang mga bagay na ito? Ang maingat, upang malaman niya ang mga iyon? Sapagkat ang mga daan ni Jehova ay matapat, at ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon; ngunit ang mga mananalansang ang siyang matitisod sa mga iyon.” (Oseas 14:9) Sa unang mga talata ng Oseas kabanata 14, nasumpungan natin na idiniin ng propeta ang pangangailangang manumbalik kay Jehova. Mauunawaan ng marurunong na binanggit ni Jehova ang matutuwid na daan na dapat lakaran ng kaniyang bayan. Bilang nakaalay na lingkod ng Diyos, tiyak na taimtim mong hangarin na manatiling matuwid at lumakad sa mga daan ni Jehova.
11. Bakit gusto mong sundin ang mga utos ng Diyos?
11 Itinutuon din ng Oseas 14:9 ang ating pansin sa mga kapakinabangan ng pagsunod sa matuwid na landasin. Tumatanggap tayo ng maraming pagpapala kapag sumusunod tayo sa mga kahilingan ng Diyos. Bilang Maylalang, alam niya ang ating kayarian. Ang pagsunod natin sa kaniyang inaasahan sa atin ay para sa ating kabutihan. Upang ilarawan ang ugnayan sa pagitan natin at ng Diyos, maaari nating isipin ang isang kotse at ang maygawa nito. Alam ng maygawa kung paano dinisenyo at binuo ang kotse. Alam niyang kailangang palitan ang langis ng kotse sa pana-panahon. Ano kaya ang mangyayari kung ipagwawalang-bahala mo ang pamantayang iyan, marahil ay ikinakatuwiran na maayos naman ang takbo ng kotse? Di-magtatagal, masisira ang makina at hindi na ito tatakbo. Totoo rin ang simulaing iyan sa mga tao. Binigyan tayo ng ating Maylalang ng mga utos. Para sa ating kapakinabangan ang pagsunod sa mga ito. (Isaias 48:17, 18) Ang pagkaunawa natin na talagang nakikinabang tayo rito ay isa pang dahilan upang sumunod tayo sa kaniyang mga pamantayan at mga utos.—Awit 112:1.
12. Paano mapatitibay ng paglakad sa pangalan ng Diyos ang ating kaugnayan sa kaniya?
12 Ang pinakadakilang gantimpala sa pagsunod sa mga utos ng Diyos ay ang pagkakaroon ng mas matibay na kaugnayan sa Diyos. Kapag namumuhay tayo ayon sa kaniyang mga pamantayan at nakikita natin ang pagiging makatuwiran at ang kapakinabangan ng mga ito, lalong sumisidhi ang pagmamahal natin sa May-akda ng mga pamantayang ito. Maganda ang pagkakalarawan ni propeta Mikas sa masidhing kaugnayang iyon: “Ang lahat ng mga bayan, sa ganang kanila, ay lalakad bawat isa sa pangalan ng kaniyang diyos; ngunit tayo, sa ganang atin, ay lalakad sa pangalan ni Jehova na ating Diyos hanggang sa panahong walang takda, magpakailan-kailanman.” (Mikas 4:5) Kaylaking pribilehiyo nga na lumakad sa pangalan ni Jehova, itaguyod ito at tanggapin ang kaniyang awtoridad sa ating buhay! Dahil dito, nanaisin nating tularan ang kaniyang mga katangian. Bilang indibiduwal, sikapin nating patibayin ang ating kaugnayan sa Diyos.—Awit 9:10.
13. Bakit hindi negatibo o masama ang pagkatakot sa pangalan ng Diyos?
13 Ang mga sumusunod sa mga pamantayan ng Diyos at lumalakad sa Kaniyang pangalan ay sinasabing natatakot sa pangalan ng Diyos. Hindi iyan negatibo o masama. Tinitiyak ni Jehova sa mga iyon: “Sa inyo na natatakot sa aking pangalan ay sisikat ang araw ng katuwiran, na may kagalingan sa mga pakpak nito; at kayo ay lalabas at dadamba sa lupa na parang mga pinatabang guya.” (Malakias 4:2) Bilang katuparan ng hulang ito, “ang araw ng katuwiran” ay si Jesu-Kristo. (Apocalipsis 1:16) Sumisikat siya ngayon sa pamamagitan ng paglalaan ng espirituwal na pagpapagaling at, sa dakong huli, sisikat siya sa pamamagitan ng paglalaan ng pisikal na pagpapagaling sa sangkatauhan. Ang kagalakan ng mga pinagaling ay inihalintulad sa mga pinatabang guya na “lalabas at dadamba sa lupa,” tuwang-tuwa at nalulugod na maging malaya. Hindi ba’t sa malaking antas ay naranasan mo na ang gayong pagpapalaya?—Juan 8:32.
14, 15. Sa anu-anong paraan nakikinabang ka sa pagsunod sa mga pamantayan ni Jehova?
14 Ang isa pang kapakinabangan ng pagsunod mo sa mga pamantayan ng Diyos ay ang pagkakaroon ng mas mabuting kaugnayan sa iyong kapuwa-tao. Binanggit ni Habakuk ang limang kaabahan—laban sa mga nang-imbot, sa mga naghanap ng di-tapat na pakinabang, sa mga nagbubo ng dugo, sa mga nagpakanang gumawa ng maling paggawi sa sekso, at sa mga sumamba sa mga idolo. (Habakuk 2:6-19) Ang bagay na ipinahayag ni Jehova ang mga kaabahang ito ay nagpapakita na nagtakda siya ng mga pamantayan kung paano tayo dapat mamuhay. Subalit pansinin ang puntong ito: Ang apat na pagkakamaling binanggit ay may kaugnayan sa kung paano natin pinakikitunguhan ang ating kapuwa-tao. Kung lilinangin natin ang pananaw ng Diyos, hindi natin pipinsalain ang ating kapuwa. Kaya tiyak na bubuti ang ating kaugnayan sa karamihan sa kanila kung susundin natin ang mga hinihiling ng Diyos.
15 Ang ikatlong kapakinabangan natin ay may kaugnayan sa kaligayahan sa pamilya. Kadalasang iniisip ng mga tao sa ngayon na wala nang ibang solusyon sa di-pagkakasundo ng mag-asawa kundi ang diborsiyo. Gayunman, sa pamamagitan ng bibig ni propeta Malakias, sinabi ni Jehova: “Kinapopootan niya ang pagdidiborsiyo.” (Malakias 2:16) Isasaalang-alang natin nang mas detalyado ang Malakias 2:16 sa dakong huli, subalit malalaman mo mula sa tekstong ito na may-katalinuhang nagtakda ang Diyos ng mga pamantayang dapat sundin ng mga miyembro ng pamilya; kapag sinusunod nila ang mga pamantayan ng Diyos, iiral ang kapayapaan. (Efeso 5:28, 33; 6:1-4) Sabihin pa, tayong lahat ay di-sakdal, kaya babangon ang mga problema. Subalit sa aklat ng Oseas, ang Isa na “pinagkakautangan ng pangalan ng bawat pamilya sa langit at sa lupa” ay nagbigay ng praktikal na halimbawa na nagsisiwalat kung paano lulutasin kahit ang ilang malulubhang problema ng mag-asawa. Susuriin din natin iyan sa isa pang kabanata ng aklat na ito. (Efeso 3:15) Tingnan natin ngayon kung ano pa ang nasasangkot sa pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos.
“KAPOOTAN NINYO ANG KASAMAAN, AT IBIGIN ANG KABUTIHAN”
16. Paano nauugnay ang Amos 5:15 sa mga pamantayan ng Diyos?
16 Ang unang tao, si Adan, ay gumawa ng hindi matalinong pagpili sa kung kaninong mga pamantayan ng mabuti at masama ang pinakamainam. Gagawa kaya tayo ng mas matalinong pagpili? Pinayuhan tayo ni Amos na seryosohin natin ito, anupat hinihimok tayo: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (Amos 5:15) Tungkol sa talatang ito, ganito ang sinabi ni William Rainey Harper, ang yumaong propesor ng mga wika at literaturang Semitiko sa University of Chicago: “Ang pamantayan ng mabuti at masama, sa isipan [ni Amos], ay ayon sa kalooban ni Yahweh.” Ito ay isang pangunahing ideya na matututuhan natin mula sa 12 propeta. Handa ba nating tanggapin ang mga pamantayan ni Jehova hinggil sa mabuti at masama? Isinisiwalat sa atin ang matataas na pamantayang iyon sa Bibliya at ipinaliliwanag ito ng may-gulang at makaranasang mga Kristiyano na bumubuo sa “tapat at maingat na alipin.”—Mateo 24:45-47.
17, 18. (a) Bakit napakahalagang kapootan ang masama? (b) Ilarawan kung paano natin malilinang ang matinding pagkapoot sa masama.
17 Ang pagkapoot natin sa kasamaan ay tumutulong sa atin na iwasan ang mga bagay na hindi nakalulugod sa Diyos. Halimbawa, maaaring batid ng isang tao ang mga panganib ng pornograpya sa Internet at nagsisikap na iwasan ang panonood nito. Gayunman, ano ang nadarama ng ‘pagkatao niya sa loob’ tungkol sa nilalaman ng pornograpikong mga Web site? (Efeso 3:16) Sa pamamagitan ng pagkakapit ng payo ng Diyos na masusumpungan sa Amos 5:15, magiging mas madali sa kaniya na linangin ang pagkapoot sa masama. Sa gayo’y maaari siyang magtagumpay sa kaniyang espirituwal na pakikipagbaka.
18 Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Maguguniguni mo ba ang iyong sarili na nagpapatirapa sa mga idolo ng pagsamba sa sekso? Kasuklam-suklam ang isipin man lamang ito, hindi ba? Gayunman, binanggit ni Oseas ang tungkol sa pagsasagawa ng imoralidad ng mga ninuno ng mga Israelita sa harap ng Baal ng Peor. (Bilang 25:1-3; Oseas 9:10) Maliwanag, binanggit ni Oseas ang insidenteng ito dahil ang pagsamba kay Baal ay isang malaking kasalanan ng sampung-tribong kaharian ng Israel. (2 Hari 17:16-18; Oseas 2:8, 13) Gunigunihin na lamang ang kasuklam-suklam na tanawin: Ang mga Israelita ay yumuyukod sa mga idolo sa panahon ng pagpapakasasa sa sekso. Ang pagkaalam natin na matinding hinahatulan iyon ng Diyos ay makatutulong sa bawat isa sa atin na labanan ang mga silo na inilalagay ni Satanas sa pamamagitan ng Internet. Sa ngayon, iniidolo ng marami ang magagandang babae at makikisig na lalaki na itinatampok sa popular na libangan. Ngunit para sa atin na nakaaalam ng mga babala ng mga propeta tungkol sa pagsamba sa idolo, hinding-hindi natin gagawin iyan!
PATULOY NA ISAISIP ANG SALITA NG DIYOS
19. Ano ang matututuhan mo sa mga ikinilos ni Jonas habang nasa loob siya ng tiyan ng malaking isda?
19 Habang itinataguyod mo ang matataas na pamantayan ng Diyos sa panahong napapaharap ka sa mga tukso at problema, baka madama mo kung minsan na hindi mo ito kaya o hindi mo sigurado kung ano ang gagawin. Kung waring di-sapat ang iyong mental o emosyonal na lakas, paano mo matagumpay na mahaharap ang isang napakaselang kalagayan? (Kawikaan 24:10) Buweno, may matututuhan tayo mula kay Jonas, na kilala natin bilang isang di-sakdal na tao na may mga pagkukulang. Alalahanin kung ano ang ginawa niya habang nasa loob siya ng tiyan ng malaking isda. Nanalangin siya kay Jehova. Pansinin ang nilalaman ng kaniyang panalangin.
20. Paano mo maihahanda ang iyong sarili upang magawa ang ginawa ni Jonas?
20 Nang manalangin si Jonas sa Diyos “mula sa tiyan ng Sheol,” gumamit siya ng maraming salita at parirala na pamilyar sa kaniya, mga salita ng mga awit. (Jonas 2:2) Lubha siyang napighati at nagmakaawa siya kay Jehova, ngunit ang mga salita ni David ang lumabas sa mga labi ni Jonas. Halimbawa, ihambing ang pananalita ng Jonas 2:3, 5 sa pananalita ng Awit 69:1, 2.a Hindi ba maliwanag na pamilyar na pamilyar si Jonas sa mga awit ni David na malamang na nabasa ng propeta? Naalaala niya ang mga salita at kapahayagan ng kinasihang mga awit. Ang kinasihang salita ng Diyos ay ‘nasa mga panloob na bahagi’ ni Jonas. (Awit 40:8) Kung mapaharap ka sa isang mahirap na emosyonal na kalagayan, maaalaala mo ba ang ilang naaangkop na pananalita ng Diyos? Kung ngayon pa lamang ay magiging mas pamilyar ka na sa Salita ng Diyos, malamang na magiging lubhang kapaki-pakinabang ito sa iyo sa hinaharap kapag kailangan mong magpasiya at lutasin ang mga problema kasuwato ng mga pamantayan ng Diyos.
MAGKAROON NG KAPAKI-PAKINABANG NA PAGKATAKOT SA DIYOS
21. Ano ang kailangan mong linangin upang manghawakan sa mga pamantayan ng Diyos?
21 Sabihin pa, ang basta pagsasaisip ng Salita ng Diyos ay hindi sapat upang manghawakan ka sa mga pamantayan ni Jehova. Nagbibigay si propeta Mikas ng karagdagang unawa sa kung ano ang kailangan mo upang maikapit ang Salita ng Diyos: “Ang taong may praktikal na karunungan ay matatakot sa iyong pangalan.” (Mikas 6:9) Upang maging isang taong may praktikal na karunungan, isa na maaaring magkapit sa kaniya mismong buhay ng mga nalalaman niya, dapat mong linangin ang pagkatakot sa pangalan ng Diyos.
22, 23. (a) Bakit isinugo ni Jehova si Hagai sa mga Judiong nagbalik mula sa pagkatapon? (b) Bakit ka makapagtitiwala na masusunod mo ang mga pamantayan ng Diyos?
22 Paano mo matututuhan ang pagkatakot sa pangalan ng Diyos? Buweno, sumangguni kay propeta Hagai na humula pagkatapos ng pagkatapon. Sa kaniyang napakaikling aklat na may 38 talata lamang, ginamit niya ang pangalan ni Jehova nang 35 ulit! Nang atasan ni Jehova si Hagai na humula, noong 520 B.C.E., 16 na taon nang walang gaanong ginagawa sa muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem. Nasiraan ng loob ang bayan ng Diyos dahil sa pagsalansang ng kanilang mga kaaway. (Ezra 4:4, 5) Nangatuwiran ang bayan na hindi pa panahon upang muling itayo ang templo. Pinayuhan sila ni Jehova: “Ituon ninyo ang inyong puso sa inyong mga lakad. . . . Itayo ninyo ang bahay, upang kalugdan ko iyon at ako ay luwalhatiin.”—Hagai 1:2-8.
23 Si Gobernador Zerubabel, ang mataas na saserdoteng si Josue, at “ang lahat ng mga nalalabi sa bayan ay nagsimulang makinig sa tinig ni Jehova na kanilang Diyos, . . . at ang bayan ay nagsimulang matakot dahil kay Jehova.” Dahil dito, tumugon ang Diyos: “Ako ay sumasainyo.” Kaylaking pampatibay-loob niyan! Sa tulong ng espiritu ng Diyos, ang bayan ay ‘nagsimulang pumasok at ginawa ang gawain sa bahay ni Jehova.’ (Hagai 1:12-14) Ang kapaki-pakinabang na pagkatakot na di-mapalugdan ang Diyos ay gumanyak sa bayan na nasiraan ng loob upang kumilos sa kabila ng pagsalansang.
24, 25. Sa pamamagitan ng espesipikong mga halimbawa, ilarawan kung paano mo maikakapit ang mga simulaing iniharap sa kabanatang ito.
24 Kumusta ka naman? Kung natatalos mo kung aling mga pamantayan ng Diyos ang nasasangkot sa situwasyong napapaharap sa iyo, magkakaroon ka kaya ng lakas ng loob na kinakailangan upang matakot kay Jehova sa halip na sa mga tao? Marahil isa kang dalaga, at sa iyong pinagtatrabahuhan, may isang lalaki na hindi naniniwala sa makadiyos na mga simulaing pinaniniwalaan mo. Pero mabait siya at nagpapakita ng pantanging interes sa iyo. May maaalaala ka kayang teksto hinggil sa mga pamantayan ni Jehova at sa mga panganib ng pagwawalang-bahala sa mga ito? Halimbawa, maaalaala mo kaya ang Oseas 4:11? “Pakikiapid at alak at matamis na alak ang siyang nag-aalis ng mabuting motibo.” Taglay sa isipan ang kasulatang iyan, mapakikilos ka kaya ng iyong pagkatakot sa Diyos na manghawakan sa kaniyang pamantayan at tumanggi kapag inanyayahan ka ng lalaking iyon sa isang okasyon? Kung magsimula siyang makipagligaw-biro, ang takot na hindi mapalugdan ang iyong maibiging Diyos ang makatutulong sa iyo na “tumakas.”—Genesis 39:12; Jeremias 17:9.
25 Balikan natin ang halimbawa ng isang taong nagsisikap na labanan ang tukso ng pornograpya sa Internet. Maaalaala kaya niya ang mga salita ng Awit 119:37, na nasa anyong panalangin? “Palampasin mo ang aking mga mata sa pagtingin sa walang kabuluhan.” At maiisip ba niya ang mga salita ni Jesus sa Sermon sa Bundok? “Ang bawat isa na patuloy na tumitingin sa isang babae upang magkaroon ng masidhing pagnanasa sa kaniya ay nangalunya na sa kaniya sa kaniyang puso.” (Mateo 5:28) Ang pagkatakot kay Jehova at ang pagnanais na sumunod sa kaniyang mga pamantayan ay dapat magpakilos sa isang Kristiyano na lumayo sa anumang bagay na makapagpapasama sa kaniya. Kailanma’t natutukso kang mag-isip o kumilos nang salungat sa mga pamantayan ng Diyos, sikaping linangin ang higit na makadiyos na pagkatakot. At isaisip ang sinasabi sa iyo ni Jehova sa pamamagitan ni Hagai: “Ako ay sumasainyo.”
26. Ano ang susunod nating tatalakayin?
26 Oo, mapaglilingkuran mo si Jehova ayon sa kaniyang matataas na pamantayan at makikinabang ka sa paggawa nito. Habang patuloy mong sinusuri ang 12 makahulang aklat, lalong magiging maliwanag sa atin ang mga pamantayan ng Diyos, o ang mga hinihiling niya sa bawat isa sa atin. Tatalakayin ng susunod na seksiyon ng aklat na ito ang tatlong pangunahing larangan kung saan nagtatakda si Jehova ng kahanga-hangang mga pamantayan: sa ating paggawi, sa ating mga pakikitungo sa iba, at sa ating buhay pampamilya.
a Ihambing din ang Jonas 2:2, 4-9 sa Awit 18:6; 31:22; 30:3; 142:3; 31:6; at Aw 3:8 ayon sa pagkakasunud-sunod ng pagtukoy rito ni Jonas.